Andie Gregorio
“Tapos na?” Tinaasan ko ng kilay ang babae nang humarap siya sa akin. Itinaas lang niya ‘yong kamay habang hawak ang cellphone para ipakita na wala na siyang kausap don. “Tara kunin na natin ang pera.” Umalis ako sa pagkakasandal ‘tapos naglakad patunta roon sa direksyon palabas pero napansin kong hindi siya sumusunod. Nang humarap ako, nakita ko nalang siyang tumatakbo papalayo sa akin. Kamuntikan na siyang madulas, pinagtitinginan na siya ng mga nurse pero wala siyang pakialam.
“Tangina,” napasabunot ako ng buhok saka hinabol siya. Para kaming nags-skating sa dulas ng sahig, mabuti nalang merong mga pader na pwedeng hawakan kapag nawalan ng balanse. Masyado akong nagpaka-kampante sa babaeng ‘yon, hindi naman pala siya bobo hindi katulad ng akala ko. Magaling siyang magpanggap; paano niya nagawa ‘yon ha? Medyo kalmado siya habang ginagawa iyon, hindi katulad noong una ko siyang makita na halatang guilty sa nangyari. Hindi naman pala gano’n kainosente ang takbo ng utak ng babaeng ‘yon. Bakit nga ba ako magugulat? Mayaman ‘yon, sanay sa pagsisinungaling ang mga katulad nila para mas lalo pang lumago ang yaman nila sa mundo.
May pa-Marshall pa siyang nalalaman. Kung tama ako ng iniisip, malamang gawa-gawa lang din niya ang pangalan na ‘yon. Nagpanggap pa siyang nagsisisi na pumatay siya, may paiyak-iyak para makuha ang simpatya ko, may pa sorry at pangakong magbibigay ng pero pero tatakasan lang pala ako. Tangina, hindi ko matanggap na naisahan ako ng babaeng ‘yon. Kailangan ko siyang mahuli kaagad para makuha ang pera. Magkano nga uli ng pangako niya? 10 thousand? Ah, oo. Para akong tanga na pinaniwala niya na bibigyan ako ng sampung libo ‘tapos susundan pa ng mga sumunod pa pera. Kung kailangan kong daanin sa pwersa para lang may ibigay siya, gagawin ko.
Napahinto ako nang hindi ko na siya makita, nagpalinga-linga ako kasi baka dumaan siya sa ibang daan pero hindi naman pwedeng mangyari ‘yon dahil wala akong nakitang ibang direksyon dito. Wala akong ibang napansin na daan habang tumatakbo dahil sinusundan ko lang naman ‘yong babae at alam ko, sigurado ako na dito siya dumaan pero bakit bigla nalang siyang nawala? Ang bilis naman niya. Oo, papuri ‘yon, pero mas mabilis ako dahil sisiguraduhin kong mahuhuli ko siya. Napasandal ako sa pader dahil sa hingal, tumingin ako sa pinakadulo at napansing madilim na roon. Bumalik ang tingin ko sa dinaanan ko kanina at nakitang walang katao-tao rin doon. Ang tahimik, nakakabingi ang katahimikan.
“Putangina talaga,” kinilabutan ako sa sarili kong boses nang ma-realize ko kung nasaan ako ngayon. Nagsisitaasan ang mga bahalibo ko sa katawan dahil sa mga iniisip kaya agad kong pinadaan ‘yong kamay ko roon para uminit. Ano ba ‘tong mga iniisip ko? Masyado akong nagiging distracted. Huminga ako nang malalim saka inisip nalang kung saan pwedeng magtungo ang babae hanggang sa mapatingin ako sa harapan. Pinto? Napangisi ako. Tama, pumasok nga ang babaeng ‘yon sa kuwarto. Pero may problema: Hindi ako p’wedeng maging masaya dahil lang nalaman kong pumasok siya sa kuwarto dahil sa isang obvious na sagot—Napapakaraming kuwarto ang nandito.
Mabilis akong kumilos saka pinihit ‘yong door knob na nasa harapan ko at madali naman akong nakapasok dahil bukas iyon. Pero pagpasok ko, wala akong ibang nakita kundi mga puting tela na nakasalansan. Tumingin ako sa labas ‘tapos sa loob, sunod sa labas ulit at sa loob. Ah puta, bakit ang hirap ihakbang ang mga paa ko? Hindi dahil sa natatakot ako, pero posible niyang samantalahi ‘yong oras na nasa kuwarto ako. Kung ‘yong hindi pa umabot sa isang minuto na hindi ako nakatingin sa kaniya ay nagawa niya samantalahin, paano pa kaya kapag nalaman niyang wala ako sa labas, ‘di ba? Pinapahirapan talaga ako ng babaeng babaeng ‘yon. Binalik ko ang tingin sa harapan ko, puno ng tela ang paligid ‘tapos may mga cabinet din. Huminga ako nang malalim bago tuluyang inihakbang ang paa ko roon at dahan-dahang isasara sana ang pinto nang may naisip ako idea. Lumabas ako kuwarto habang hawak ang door knob, nagpalinga-linga ako. Nang makalabas, saka bumwelo para malakas na isinara ang pinto. Tahimik lang ako habang nakikinig sa mga tunog na maririnig ko sa isa sa mga kuwarto. Napapangiti tuloy ako na parang tanga dahil pakiramdam ko ang talino ko na sa lagay na ito. Wala lang, naisip ko lang na masyadong aksaya sa ora kung iisa-isahin ko ‘yong mga kuwarto, masyadong maraming magiging butas iyon kapag nagkataon. Hindi katulad dito sa plano ko.
Ganito, kapag nalaman niyang pumasok ako sa kuwarto, siguradong iinit ang puwet niyon at tatakbo palabas dahil akala niya ay nakapasok na ako sa loob ng kuwarto. Pero hindi niya alam, nandito lang ako at naghihintay na makita siya. Naghintay ako ng sampung segundo, hanggang sa ang sampung segundo ay naging isang minuto, at umabot pa sa minutong nagpainit lalo ng ulo ko. Napahilamos ako ng mukha bago tuluyang pumasok ulit sa kwarto pero sinigurado ko na panay ang tingin sa labas dahil iniwan kong nakabukas ang pinto. Pagkatapos na iyon ay hinanap ko siya sa bawat sulok, mukhang bagong laba pa ang mga tela pero wala akong pakialam, ginulo ang mga iyon hanggang sa wala ng natira bukod sa isang saradong cabinet. Dahan-dahan akong lumapit, at siyempre ay nag-iingat. Kung nandito man siya, siguradong may pang-atake siya sa akin kaya kailangan handa ako. Kumuha ako ng tela at pinaikot ‘yon sa kamay ko at sa kabila pa hanggang sa may telang pumagitna sa mga kamay ko, pagkatapos ay mabilis na binuksan ang pinto saka gumilid dahil handang sakalin siya pero walang lumabas na kahit sino.
Walang tao. Wala rito ang babae. Lumingon ako sa pinto saka mabilis na pumunta roon at tuluyang isinara ang pinto. Naglakad ako para makarating sa isang pinto at habang naglalakad ay napapatingin sa pinakadulo na walang ilaw. Ganun ba katapang ang babaeng ‘yon para piliing tumakbo sa dulo at magtago ro’n? Nakarating na ako sa isang kuwarto, pero sarado iyon, pinihit ko pa pero ayaw talagang bumukas. Naglakad ulit ako papunta sa isang pinto at madali kong nabuksan iyon dahil hindi nakasara. Mabuti naman. Papasok na sana ako nang may ma-realize. Bumalik ang tingin ko sa saradong pinto, saka sa pintong nakabukas at sa nauna kong binuksan na nakabukas din. Dahan-dahan kong isinara ang kuwarto saka naglakad sa mga susunod pang kuwarto at pare-parehas na nakabukas iyon.
Habang naglalakad pabalik, gusto ko nalang matawa. EZ.
Tuluyan na akong nakaharap sa pinto, kinapa ko ang sarili hanggang sa nahanap ang card. Ito ‘yong ginagamit sa paggawa ng mga identification cards, basic na kailangan namin ito sa tuwing magnanakaw kami. Hindi ko naman p’wedeng dalhin ‘yong alambre lalo na kung may dadaanan kaming mga metal detector, masyadong magiging obvious kami at pag-iinitan. Sino bang matino na tao ang magdadala ng alambre? Wala. Mas magandang magdala ng mga bagay na hindi masyadong mainit sa mata kagaya nitong card na ito; p’wede rin naman ‘yong normal na card na mabibili sa Recto kapag nagpagawa ka kaso hindi ko rin trip iyon kasi nga halos nasa isang libo din ang singil nila, hindi katulad kapag ganito na walang kahit anong nakalagay, pwede na isang daan o dalawang daan kaya dapat worth it ‘yong paggagamitan mo dahil kung hindi, sayang lang ang pera kasi mga limang gamitan mo lang ang isang card dahil nawawala rin ‘yong lutong.
Sinimulan ko nang kumilos,. Ipinasok ko sa gilid ang hawak ko, hindi naman naging mahirap i-asinta sa butas na nasa gilid ng pinto dahil sanay na rin naman ako. Nang maipasok ko na, nilagay ko ‘yong isang kamay ko sa card at ‘yong isa naman ay sa door knob at tinulak iyon. Habang ginagawa ko iyon, hindi sinasadyang napatingin ako sa itaas na nagpatigil sa akin.
MORGUE
“Puta,” nasabi ko nalang bigla ‘tapos bahagyang umatras. Napatitig pa ako nang sampung segundo roon. Hindi naman ako natatakot. Sadyang nagulat lang ako na sa lahat ng posible niyang taguan, ito pa talaga. Kung sana ay naisip ko na ito kanina, hindi na sana ako napagod nang todo. Pero sino ba kasi ang gustong magtago sa lugar ng mga patay para lang tumakas? Ni hindi ko nga naisip ‘yon. Malamang naisip ng babaeng ‘yon na mangyayari ito—na hindi ko aakalain na pupunta siya rito at magtatago. Matalino din talaga siya pero katiting lang ‘yon sa talino ko. Bale ang nangyayari, habang tinutulak ko ang card, pumupunta pabalik ‘yong stainless na humaharang at para hindi na umusod pa, papasok naman ang silbi ng pagtulak ko sa doorknob para may pwersa na tuluyang magbubukas sa pinto.
Ngumisi ako nang tuluyang bumukas ‘yon at gumawa ng ingay. Madilim sa paligid, ang tahimik. Ramdam ko ang lamig sa kuwarto, hindi pa man ako nakapasok, napatakip na ako ng ilong ko dahil sa matapang na amoy ng mga gamot. Wala akong makita pero ramdam ko kung saan nakapwesto ang mga bangkay. Tangina ang baho. Kinapa ko ang switch, mabuti naman dahil gumana ‘yon. Naging malinaw na sa akin kung saan nakahilera ang mga patay. Sunod-sunod lang silang nakahilera roon ‘tapos nakatakip ng kumot, sa pinakadulo naman ay nandoon ‘yong mga gamot na malinaw na nakikita dahil transparent ‘yong lalagyan. Wala siyang ibang mapagtataguan sa lugar na ito dahil masyadong malinis, nasa twenty ata ang mga bangkay at nakalagay sila doon sa mga bakal at nakikita naman ‘yong ilalim n’yon kaya impossibleng doon siya nagtatago.
Isa lang ang puwede niyang gawin. Lumapit ako sa isa sa mga taong nakahiga at hinila ang nakatakip doon, tumambad sa akin ang payat na katawan ng isang tao na nangingitim na. Walang damit ‘yong lalaki kaya kita ko rin ang t**i, pero isa sa mga nakakuha ng atensyon ko ay ‘yong nakasabit sa paa niya na parang date at may nakalagay na “Unclaimed”. Inalis ko ang tingin sa kaniya dahil ang bilis ng t***k ng puso ko, pero kailangan ko pa ring magpatuloy. Mga bahay ng mga buhay ang inaakyat ko dati, ni minsan hindi pa ako nakarating sa lugar na puro bangkay kaya naninibago ako. Pero wala namang dapat na ikatakot dahil sa totoo niyan, mas nakakatakot pa ang mga buhay. Kasi itong mga bangkay, nand’yan lang sila at nakahiga, hindi gagawa ng kahit ano.
Inisa-isan kong tingnan ang mga nakahilera nang hindi ko tinatanggal ang tela, hinihintay na makitang huminga sila. Kung nagpapanggap man ang babaeng iyon, madali ko lang siyang mahuhuli lalo na kapag biglang umangat ang dibdib ng isa sa mga nandito. Pero mahirap pala, hindi gano’n kadali kagaya ng inaasahan. Halos lahat sila ay hindi humihinga, nakakapagduda tuloy kung nandito ba talaga ang babaeng ‘yon. Isa-isa kong hinila ang mga tela, puro totoong mga bangay ang nakikita ko kaya sa mga sandaling iyon, nawala ako sa depensa. Hanggang sa hindi ko na nabilang kung pang-ilan iyon, basta naging mabilis ang mga pangyayari. Sa paghila ko ng tela, biglang may kamay na humila sa akin at kamuntikan na akong masaksak sa leeg, mabuti nalang nakaiwas kaya dumaplis ‘yon sa balikat ko. Tubo. Ito ‘yong sinasaksak sa mga patay para mahigop ang dugo nila. Mabuti nalang gasgas lang ang inabot.
Nakita ko ‘yong babae na tumatakbo, pero huminto rin siya, napaupo sa sahig nang mapansin ang nakaharang sa sahig. Umatras siya pero hindi niya magawa nang tuluyan dahil nasa likod niya ako. Nang makalapit sa kaniya, hinila ko ang buhok niya at hinayaang maging basahan siya sa sahig. Inilapit ko siya sa nakaharang—naninilaw ang buong katawan ng isang batang lalaki, payat din ito at kumukulubot na ang katawan dahil walang dugo, malalim ang mga mata at itim ang bibig. Ibinaba ko ‘yon kanina, binuhat ko pa talaga kahit alam kong didikit sa akin ang amoy niyon. Mabuti nga dahil may bata rito, madali kong mabubuhat dahil magaan.
“N-nooo!”
Isang dangkal nalang at magdidikit na ang mukha ng dalawa. Sigurado akong amoy na amoy niya ang bangkay na ‘yon pero wala akong pakialam. Masyado niya akong pinagod, dinagdagan niya pa ang galit ko. Hindi ba siya makuha sa matinong usapan? Gusto pa niyang umabot kami sa ganito. Umiiyak ang babae, pumipikit at halos dumugo na ang labi dahil sa pagpipigil na huminga, nakahawak siya sa kamay ko na mahigpit ang pagsabunot sa kaniya.
“P-please…”