Andie Gregorio
Hindi naman clown itong si Justine pero masyadong patawa. Anong sabi niya? Na makikipagkita sa lugar na ito ang isang Villavicencio? Nagpapatawa ba siya? Bakit naman makikipagkita ang isang senator sa akin? Ngunit nagkamali ako, ipinaliwanag ng babae na ang tinutukoy ko ay si Senator Agustin at ang tinutukoy niya ay ang anak nito. Ayon sa kaniya, mayroon daw na dalawang anak ang senator at iyon ay sina Olivia at Marshall. Si Marshall daw ay ang panganay na anak na siyang makakatagpo namin ngayon at ang isa naman ay ang nakapatay sa lolo ko na si Olivia.
“Ang alam ko may isa pa silang kapatid, anak ata sa labas pero hindi ko kilala.” Sabi ni Justine, hinahalukay sa kaniyang isipan ang pangalan ng tinutukoy niya. “Hays! Bakit ko ba pinapahirapan ang sarili ko kung may internet naman?”
Naki-connect siya sa hotspot ng hotel at sinearch ang kaniyang tinutukoy. May punto naman siya, bakit pa niya pinapahirapan ang sarili niya na alalahanin ang mga pangalan na iyon kung p’wede naman niyang hanapin sa internet? Hindi na kailangang magmemorize ng mga tao ngayon kung p’wede namang makuha ang mga impormasyon sa ibang bagay at sa mas madaling paraan. Pero hindi naman ako narito para malaman ang pangalan o buhay ng mga taong wala naman akong pakialam. Ang mahalaga lang naman sa akin ay ang pera at ang buhay ko, wala ng iba pa.
“Eto na siya! Sabi ko na nga ba makikita ko rin, eh. Tama, anak nga siya ni Senator Agustin sa ibang babae. Ang sabi rito, nauna raw na makilala ni Agustin ang babae kaysa sa kasalukuyang asawa nito,” napaikot ako nang mata habang nakikinig kay Justine. Wala naman kasi akong choice, ‘di ba? Kailangan ko siyang pagtyagaan dahil kailangan ko siya. “Huh? Edi ibig sabihin hindi kabit ‘yong babae? Akala ko pa naman may kabit ‘yong senator na ‘yon.”
Parang tanga lang si Justine, kinakausap ang sarili at nagtatanong. Hindi ako nagsasalita, panay lang ang tingin ko sa paligid, hinihintay si Marshall Villavicencio. Bakit napili ng lalaking iyon na dito makipagtagpo? Nakakapagduda tuloy. Bakit siya basta-basta nalang makikipagkita sa isang katulad ko? Hindi ba niya naisip na posibleng pagbantaan ko ang buhay niya? Oo, wala naman akong balak na gano’n pero kung ilalagay ko ‘yong paa ko sa posisyon niya, siyempre mag-iingat ako dahil mayaman ako. Parehas nga sila ni Oliva, hindi na ako nagtaka dahil pareho silang magkapatid na tanga. ‘Yong babaeng ‘yon na nagtiwala sa akin kahit na sinaktan ko siya at si Marshall na makikipagkita kahit na hindi niya ako kilala. Pero naisip ko lang, posibleng may body guard ito mamaya. Tama, kung ako ang nasa posisyon niya, magsasama ako ng mga body guard lalo pa alam ko na galit sa akin o sa pamilya ko ang ibang tao dahil nakapatay ang kapatid ko.
Nagsimula na akong tumingin sa bawat kotse na hihinto sa hotel, mula naman dito sa direksyon ko ay nakikita ko sila kaya hindi na problema iyon. Aabangan ko nalang siya rito. Ano kayang klaseng lalaki siya? Tumingin ako kay Justine. Bakit hindi nalang niya ipakita ang mukha ni Marshall nang magkaideya naman ako kung sino ang haharapin namin ngayon? Hindi ‘yong kung sino-sino ang pinag-uusapan namin, ay hindi, mga sinasabi niya na hindi naman ako interesado.
“Ang galing naman pala ng babae. Nagchampion sa chess, ‘tapos pinupursue pa ang swimming. Ang talented naman pala. No wonder na ipinagmamalaki siya ni Senator Agustin.”
“Sino ba ‘yan?” tanong ko habang nakatingin sa labas. May isang sasakyan na huminto, may lumabas na lalaki, akala ko siya na iyon pero may kasama itong babae. In-approach sila ng manager, nakatodo ngiti pa ito. Sino ba ‘yang mga iyan? Parang pamilyar ang mukha nila. Ah oo, tama. Nakita ko na nga sila sa isang brochure na inabot sa akin ng hotel na ito, kaya pala sila pamilyar dahil sila ang may-ari nitong hotel. Kung gayoon, hindi si Marshall ang lalaking iyon.
“Sikel Villavicencio name niya,” narinig kong sabi ni Justine. Haharap na sana ako nang makarinig ako ng malakas na pagpihit ng sasakyan, hindi ko alam kung sinadya ba ‘yon o hindi pero ang alam ko ay lahat kami ay napatingin sa kaniya. Naka-big bike ito, nakapurong itim na contrast sa kaniyang sasakyan na kulay pula, tinanggal ng lalaki ang kaniyang helmet at sumalubong sa amin ang isang maamong mukha ng lalaki na pawisan. Magulo ang buhok nito pero hindi iyon nakatanggal ng karisma na dala niya, mula sa labas ay sinuri niya ang loob ng hotel at nang tumama ang mga mata niya sa akin ay nag-iba ang timpla niya. Mula sa maamong mukha kanina ay sumeryoso ito, itinabi niya ang sasakyan, pansamantala siyang nawala sa paningin ko at sinamantala ko iyong pagkakataon para lingunin si Justine. “Pero shortcut lang pala ng name niya ‘yon. Kaya pala nagtataak ako na may ibang name na lumalabas. Ang real name niya ay Sie—”
“Siya na ba ‘yon?” putol ko sa sasabihin ng babae.
“Huh?” Nagtatakang iniangat niya ang tingin sa akin. “Sino?”
Napapitik ako ng dila. Hindi ko na maitago ang inis ko sa babaeng ito, wala na akong pakialam kung ano pa man ang iisipin niya. “Si Marshall Villavicencio, ‘yong naka-motor kanina. Hindi mo ba nakita?”
Umiling si Justine. “Wala akong nakita. Busy ako rito sa cellphone ko.”
Inayos ko ang upo ko at hinarap ang babae. “P’wedeng patingin ng picture ni Marshall? Para alam ko kung ano ang mukha niya.”
Tumango naman ang babae at sinimulan nang magsearch. “Teka, ang bagal ng net.”
Nailapat ko ang aking mga kamay sa mesa para maglapit ang aming mukha. “Kahit i-describe mo nalang. Ano ang itsura ni Marshall?”
“Why don’t you describe it by yourself?” Kapwa kaming napahinto nang marinig ang boses ang boses na iyon. Napalunok ako at unti-unting nilingon ang pinaggalingan niyon, nakita ko ang lalaking may hawak na helmet sa gilid niya, ngumiti ito sa amin at kita ko ang perpektong mga ngipin nito. Parang gusto ko nalang matunaw dahil ito ang unang pagkakataon na makakita ako ng taong sorang lakas ng dating. Oo, guwapo siya pero ‘yong tindig niya ang mas lalong nagpapahatak ng mga mata ng mga tao rito. “May I?”
“Ha? Siyempre yes,” tugon naman ni Justine pero hindi niya itinuon ang pansin sa babae. Mula pa kanina noong dumating siya rito, nakatingin lang ito sa akin na parang ako lang ang nakikita niya kaya nakakailang nang sobra. Tumitingin na nga lang ako sa ibang direksyon para hindi mahalata na kinakabahan ako. Umupo si Marshall, kahit ang paghila nito ng upuan at pag-upo ay masyadong elegante. Dahil hindi naman nagkakalayo ang agwat ng mga pwesto namin, malinaw kong nakikita ang kaniyang mukha. Makinis iyon, may kaunting bigote na parang kaka-shave lang, may mga nunal din siya sa iba’t ibang bahagi ng mukha, makapal ang kaniyang kilay at medyo may pagkasingkit ang mga mata. At ang kaniyang labi na…
“Am I late for dinner?” nakangiting tanong ni Marshall, kung kumilos ito ay parang walang nangyari kanina. Baka nakalilimutan niya na sinamaan niya ako ng tingin kanina na parang walang pinatay ang kapatid niya? Ang kapal din ng apog para ganunin ako ‘tapos ngayon, aarte ito na parang hindi murderer ang Olivia na iyon? Nakita kong umiling si Justine kaya tumango si Marshall at tumawag ng waiter. Ang hotel pala na ito ay parang isang restaurant din, hindi ako nakapag-order dito dahil huli ko na nalaman na mayroon silang ganito. Siguro nga noong una ay napansin ko pero hindi ko lang masyadong pinagkaabalahan dahil busy ako sa pagpapaganda.
Pinapili kami ng waiter ng pagkain, nagdala rin ito ng alak na nasa baso, kinuha iyon ni Marshall. Nang Ilahad sa akin ng waiter ang menu nila, kaagad kong tinanggihan iyon, ibinalik ko ang papel at tiningnan ko si Marshall. “Hindi ko kailangan ‘yan, hindi ‘yan ang ipinunta ko rito.” Sinadya kong ipinagdiinan ang mga salita ko na iyon para damang-dama ng lalaki pero umangat lang ang sulok ng labi niya saka ininom ang alak. Bakit ba sobrang kalmado ito? Nakakairita na siya sa mata.
“Should we proceed to the business, huh? Andeng?”
Bakit tunog mayaman ang pangalan ko noong binanggit niya? Gusto kong tampalin ang sarili ko para matauhan. Hindi dapat ako nag-iisip ng mga ganitong bagay ngayon. Dapat kong itatak sa utak ko na ang kapatid niya ang pumatay sa matandang iyon, sa lolo ko, at kailangan ko ng isang milyon para manahimik.
“You should stop that,” sa unang pagkakataon ay itinuon nito ang pansin kay Justine. “We have an agreement that we’ll gonna settle this matter in private.”
Nang ituon ko ang pansin kay Justine, nakita ko na hawak niya ang phone niya at nakatutok sa amin. Sigurado akong nagvivideo siya, magandang ideya nga ang naisip niyang iyon para may pang hawakan kami kapag nagkataon. Napabusangot naman ang babae, pero hindi nito ibinaba ang hawak.
“This is a free country po Mr. Villavicencio,” may diing sabi niya “I can do whatever I want.” At dahil nga alam na ng lalaki na kinukuhanan siya, hindi na nag-abala pa si Justine na magsinungaling at itago iyon. “Hello sunshines!,” nag-iba ang tono ng pananalita ni Justine, sumigla iyon bigla. “Nandito kami ngayon sa XX hotel at hulaan ninyo kung sino ang mga kasama ko? Taraaan! Si Marshall Villavicencio, anak ni Senator Agustin Villavicencio. Sa mga hindi nakakalam, si Marshall ay kapatid ni Olivia na inaanak ng presidente ng Pilipinas.” Magiliw niyang sabi.
Tumayo si Justine, ipinaikot ang camera sa paligid bago itinutok ulit sa amin. “Kung hindi niyo alam kung bakit kami nandito, i-view niyo na ‘yong latest upload ko na may title na ‘Mamamatay tao ang pamilya ni Senator Villavicencio’ with question mark po iyan mga sunshines ha? Para maupdate kayo sa mga kaganapan sa life ko. At sa mga nakasunod sa kwento, stay put lang kayo diyan at hulaan ninyo kung sino pa ang isang kasama ko. Tadaaah! Si Andeng. Opo, siya na apo ni lolo na sinagasaan ni Olivia.”
Tumingin si Justine kay Marshall na walang imik sa mga nangyayari. Hindi ko mabasa ang emosyon niya. Galit ba ito? Naiirita? Kung sabagay, ako rin naman. Sarap putulan ng ngala-ngala si Justine para manahimik. Kahit kailan talaga, ratings pa rin ng vlog niya ang inaatupag. “Oops, sorry Marshall. Okay lang naman na sabihin ko iyon, ‘di ba? Kasi may proof naman kami.” Tumingin sa akin si Justine at kumindat. Ang lakas talaga mang-asar ng babaeng ito.
“Okay now, my sunshines, it’s time to reveal kung bakit sila nandito. Apparently, Marshall messaged me on ShareMe. Yes, sunshines, he has a ShareMe account. Teka, p’wede ko bang i-share name mo? Ang dami mo kasing poser, akala ko nga poser ka noong nagmessage ka. Kung hindi mo lang ako vinedeo chat,” inilipat ni Justine ang tingin sa cellphone. “Yes, my sunshines, nakipagvideo chat siya sa akin. Bale past 8 in the evening na iyon so yes, you may call it late night talks with Marshal. Hulaan niyo kung ano pa ang pinag-usapan namin,” kinikilig na sabi ni Justine. Ewan ko ba sa babaeng ito, parang nakalimutan na may boyfriend siya at lumalandi ng ganiyan.
Maya-maya ay tumahimik ang babae, sumeryoso ang mukha nito. Huminga siya nang malalim saka hinarap sa akin ang camera. “Alam ko kung gaano ka-seryoso ang issue na ito at hindi ko ginagawa ang vlog na ito para balewalain ang mga nangyari. Sinusubukan ko lang ialis ang tensyon nang sa ganoon ay makapag-usap sina Andeng at Mashall. Pero kagaya nga ng sinabi ko, kinontak ako ni Marshall Villavicencio para matunton ang kinaroroonan ni Andeng, pero nangako siya na walang mangyayaring masama sa aming dalawa: kay Andeng at sa akin na mahal niyo mga sunshines. At thank you Marshall kasi tinupad—”
“Drop it,” matigas na wika ng lalaki. “I fullfiled my promise yet here you are doing the opposite thing.”
Ngumiti si Justine. “Oo sunshines, nangako ako kay Marshall na hindi ko ivo-vlog ang mga mangyayari pero naaawa kasi ako sa inyo, mahal ko kayo kaya gusto ko palagi kayong updated.”
Nagpapalit-palit ang tingin ko sa dalawa. Hindi ko alam kung ano pa ang ginagawa ko rito dahil parang sila lang naman ang natitirang tao rito sa hotel, parang wala ako kung mag-usap sila. Kung nakamamatay lang ang tingin, baka wala na rito si Justine. Kanina pa siya pumapasok sa eksena, hindi naman siya ang dapat na nandito. Hindi ko na masabi-sabi ang kailangan ko dahil sa kanina pa siya nagpapa-pansin.
“I could sue you,” pagbabanta ni Marshall
“Oops! Teka, narinig niyo ‘yon ha? Kakasuhan daw niya ako.”
Nawalan na ng pasensya si Marshall, tumayo siya at tiningnan ako. “Let’s talk somewhere else.”
Tumayo naman si Justine. “Sige ba.”
“Without you,” segunda ng lalaki sa babae.
Napahinga ako nang malalim. Tumingin ako kay Justine, balak niya pang magsalita pero wala na siyang nagawa. Sinabi ko na rin sa kaniya na huwag na siyang magvideo, tumango nalang siya. Lumipat kami ng table, tatlong table ang layo mula sa babaeng iyon. Ngayon, matino na kaming magkaharap ni Marshall, sa tingin ko naman ay makakapag-usap kami ng maayos. Tinaasan ko siya ng kilay, naghihintay ng sasabihin niya. Aba siyempre alangan ako ang mag-adjust? Sila itong naka-agrabyado kaya dapat sila ang maghabol sa akin para malinis ang pangalan nila. Alam naman siguro nila kung gaano kaimportante ang mga salitang sasabihin ko, ‘di ba? Lalo pa ngayon na nalaman ko na malapit na ang eleksyon, malaking pagbabago ‘yon sa pangalan nila kapag nagkataon.
“What do you want?” direktang tanong nito sa akin.
Kumunot ang noo ko. “Anong ibig mong sabihin? Ni hindi ka manlang ba magso-sorry? Alam mo namang nakapatay ang kapatid mo, ‘di ba? Hindi mo manalng ba aaminin iyon? Kahit ba naman dito sa harap ko, itatanggi mo pa rin?”
Hindi nagsalita ang lalaki. Tangina, hindi ako makaniwala. First time ko na makakita ng isang taong may maamong mukha pero demonyo ang ugali. Teka, hindi pala ito ang unang pagkakataon dahil nauna ko nang na-meet ang kapatid niya. Pareho silang dalawa, hindi na ako magtataka kung kanino sila nagmana. Sigurado ako na masahol pa sa masama ang tatay nila na nasa senado.
“Bakit ka pa nakipagkita sa akin kung hindi ka naman pala umaamin na pumatay ang kapatid mo?” inis na tanong ko sa kaniya.
“To ask you the same question: What do you want?”
Parang gusto ko nalang makita ang kapatid niya sa kulungan. Parang kahit alam kong matatalo ako sa kaso dahil mayaman sila, gusto ko pa ring ipaglaban iyon lalo nang makaharap ko at makilala kung gaano sila kawalang kwenta. “Hustisya.”
“Really?” nanunuyang tanong nito. May inalabas siyang papel na galing sa bulsa niya, inilapag niya iyon at nagsulat doon. “One hundred thousand. Will that be enough?”
“Isang daang libo lang? Hindi mo ba kaya ang isang milyon?” Nabigla rin ako sa tanong ko pero bahala na nga. Bakit ba kasi isang daang libo lang ‘yon? Mayaman sila ‘di ba? O edi gawin nalang niyang isang milyon!
“Sudden change of mind, huh?”
Naningkit ang mga mata ko. Hinuhuli ako ng lalaking ito. Alam niya noong una palang na pera na ang habol ko kaya natawa siya nang sabihin ko na hustisya ang gusto ko. “One hundred thousand, Miss Andie Gregorio and that’s final,” natulala ako. Hindi ko alam kung papaano niya nalaman ang tunay kong pangalan. Wala akong sinasabihan niyon. “Yes, of course, I did some research. And besides, your father was one of our great dealer.”
Tangina, alam niya.
Hindi ako makapagsalita. Inilagay niya ang isang papel sa harap ko. Isa iyong kontrata na nakasulat sa Ingles. Nakalagay doon na babawiin ko ang lahat ng mga inakusa ko sa kanila, magkakaroon ng public apology at hindi na ako manggugulo pa. Sinabi rin dito na lumipat ako ng ibang lugar, na hindi ako magpapa-interview tungkol sa insidente. Sa madaling salita, manahimik ako hanggang sa matapakan ng bagong issue itong gusot na ginawa ko. Nasa harap ko na ang ballpen, pero hindi ko masikmura iyon. Isang milyon na naging isang daang libo pa. At saka papaano nila nalaman ang tungkol sa pangalan ko at sa trabaho ng aking ama? May koneksyon ba sila sa isa’t isa? Supplier ba sila niyon?
“He’s here. You guys should divide it in half,” wika ni Marshall. Napatingin ako sa direksyon na tinitingnan niya, sa labas, naroroon si Chato. Tangina talaga, makikihati pa perang ito si Chato? Ang liit na nga lang nito! Ang laki ng pinagkaiba sa isang milyon na inaasahan ko! Kinuha ko ang ballpen at pinermahan iyon, kinuha ko rin ang cheke at ipinasok sa bulsa ko. “It was nice to finish some business with you, Ms. Gregorio.”
Napapitik na lamang ako ng dila saka tinalikuran siya. Hindi ko na tinawag si Justine dahil wala naman akong pakialam sa kaniya. Ang gusto ko lang ay makalayo kaagad sa lugar na ito at maiwasan si Chato. Tanginang lalaki na ‘yan, nagawa pa akong sundan hanggang dito.
“Miss Gregorio?” narinig kong sabi ni Marshall. Hinarap ko siya, ngumiti ito. “Condolence.”