Andie Gregorio
Papatayin daw niya ako? Ha! Ang lakas naman ng loob ng lalaking ‘yon na magbanta. Sa tingin ba niya kaya niya ako? Hindi hamak na mas malaki akong tao sa kaniya. Hindi pa ba siya nadadala sa mga pambubugbog na inabot niya sa akin? At saka ano ‘yong sinasabi niya na kasalanan ko raw kaya namatay ang lolo niya. Nagpapatawa ba siya? Gusto ba niyang iumpog ko ang ulo niya para mauhan siya at maalala na hindi ako ang pumatay sa matandang ‘yon. Wala akong kotse at higit sa lahat, hindi ko magagawa ang pumatay ng tao. Sila nga itong pumapatay sa akin dahil sa kakarampot na ambag nila sa bawat araw, at saka ganun sila, ni minsan hindi ko sila pinagbantaan. Napakawalang utang na loob talaga ng Chato na iyon, pasalamat nga siya dahil hindi siya ang malamig na bangkay ngayon. Kung tutuusin nga, dapat cargo de konsensya niya ang mga nangyari. Sigurado akong hindi lang niya matanggap iyon dahil sa pride niya, napakaliit na tao pero ubod nang taas ang pride. Alam kong matagal na niyang hinihiling na mamatay ang matandang iyon dahil pabigat kaya huwag siyang magdrama diyan na parang binigyan niya ng importasnya ‘yong lolo niya noong nabubuhay pa. Kahit nga ihi ng lalaking iyon hindi niya malinis, ako pa ‘yong bumibilli ng diaper dahil panay ang tutok niya sa laro at pag-aadik ‘tapos ngayon, siya pa ang may ganang pagbantaan ang buhay ko? Aba tarantado siya. Subukan niyang gawin iyon dahil hindi talaga ako magdadalawang isip na maghiganti.
Umalis na ako sa hospital, nakakapanghinayang lang dahil hindi ko manlang na-videohan ‘yong matanda. Mas makatutulong sana iyon para mabura na sa isip ng mga tao na edited ‘yong video, para makita nila ‘yong mismong bangkay na ilang araw nang nandoon sa hospital at hindi inaalis dahil walang pambayad, kakainin ng mga tao ang salita nila dahil mapapagtanto nila na malakas ang pruweba na hawak ko, pero ang kaso, hindi nangyari dahil sa tanginang Chato na ‘yan. Ewan ko ba, wala nang ginawang matino ‘yon sa buhay niya kung ‘di ang painitin ang ulo ko. Nasayang lang ang pamasahe ko para sa wala, ni hindi ko napakinabangan, ‘tapos uuwi pa ako nang gutom. Napahawak ako sa cellphone ko, kagabi pa ang huli naming pag-uusap ni Justine. Ang sabi niya, kapag may statement na raw galing sa isa sa mga pamilya Villavicencio ay tatawagan niya ako kaagad pero ilang oras na ay hindi pa rin siya tumatawag. Isa lang naman ang ibig sabihin niyon: Wala pang salita ang lumalabas mula sa pamilyang iyon. Nakakapagod maghintay. Sigurado ako na kung ordinaryong tao lang ang may gawa nito, ikukulong nila agad lalo pa dahil may matibay na ebidensya, pero pagdating sa mga mayayaman, kadalasan buwan o taon na ang lumipas ay hindi pa rin naipapakulong. Dinadaan pa nila sa mga technical na kesyo edited o ‘di kaya hinahanapan nila ng butas ang mga pangyayari para lang makalusot sila sa mga ginawa nilang kalokohan. Kung isa lang akong mayamang magnanakaw, magagawa ko na ang lahat miski ang takasan ang mga posibleng ikaso sa akin, pero dahil hindi gano’n ang sitwasyon, dahil mahirap lang akong magnanakaw, wala akong choice kung ‘di ang maging lowkey muna habang mainit pa ang mga mata sa akin ng publiko. Hindi ko kayang magnakaw nang malakihian ‘tapos mahuhuli ako, mauuwi lang sa wala ang pinaghirapan ko at masasayang lang ang isang milyon.
Kaya nakapagdesisyon na ako: Hindi muna ako magnanakaw. Dito lang muna ako, manlilimos at susubok ng iba’t ibang raket na p’wedeng pagkakitaan, kahit maliit ang sweldo ay ayos na rin, titiisin ko nalang habang wala pang panibagong balita sa mga nangyayari. At dahil wala pa akong pera ngayon, at wala akong kain, sinubukan kong dumiskarte sa mga tambayan ng jeep. Hindi ako sanay na makiusap sa mga tao, dinadaan ko kasi sa pwersa ang lahat ng gusto ko kaya talagang kinain ko ang pride ko para lang kumausap ng isa sa mga tao roon. Hindi pa nga ako pinansin dahil akala nanlilimos lang ako pero noong sinabi ko na ako muna ang palit sa kaniya, napansin na niya ako at sinuri ako.
“Kailangan ko lang ng makakakain, pagbigyan mo na ako rito sa isang jeep.” Sabi ko sa kaniya. Napailing nalang siya pero mukhang may balak namang tulungan ako. May mga kapwa ko rin pala Pilipino ang handang tumulong kahit na walang camera sa paligid. Pumayag ang lalaki, tinuruan ako nito at sinabi kung saan papunta ang mga jeep ‘tapos ako ‘yong magtatawag. Trabaho rin naman ito, maliit nga lang sahod kumpara sa pagnanakaw pero kagaya ng sinabi ko, tiis nalang muna. Barker o dispatcher ang tawag nila sa trabahong ito, medyo masakit sa lalamunan dahil nga palakasan ng boses ang labanan. Ito ang unang pagkakataon na pumasok ako sa ganitong uri ng trabaho pero hindi na bago sa akin ito dahil palagi ko naman silang nakakasalamuha rito sa kalasada. Kung ang trabaho ko dati ay ang manghablot ng mga mahahalagang bagay, ngayon ay umiba ang ihip ng hangin dahil taga-sigaw na ako ng bawat driver na nasa paradahan. Isa sa mga nakuha kong ideya pagdating dito ay ang sabihin na paalis na ang jeep dahil mas lalong maeengganyo ang mga pasahero na sumakay, pero magugulat nalang sila na bigla kong sasabihin na kailangan pa ng sampu at pupwede pang magkasya doon ang dalawa kahit na sikip na sikip na sila. Wala naman silang magagawa roon dahil dito sa Pilipinas, lalo na sa kalakhang Maynila, ito na ang pangunahing sasakyat bukod sa tren dahil nga mas mura ito kumpara sa taxi. Pero hindi ibig sabihin na mura ay madali na dahil araw-araw ay makikipagsapalaran ang mga Pilipino sa init at siksikan. Kaya nga hindi na rin nakakapagtaka na mas gusto kong magnakaw kapag maraming tao, kapag rush hour dahil masyado silang abala para mapansin pa ang mga bagay na importante sa kanila. Banggain mo lang ‘tapos ‘yon na, may pera kana kaagad. “City hall! Dito City hall! Aalis na itong jeep!” sigaw ko.
Bumalik ako sa ilalim ng tulay, pero hindi sa lugar kung saan kami nina Chato at ng lolo niya. Dahil una sa lahat, iniiwasan ko na magtagpo ang landas naming dalawa. Hindi naman sa natatakot ako sa kaniya, kung ‘di dahil iniiwasan ko makapagbuno kami. Hindi naman p’wedeng pumatay ako ng tao habang kumakalat ang aking mukha sa internet na pinay ang lolo ko, ‘di ba? Nagiging mautak lang naman ako kasi kapag nagkataon na mangyari ‘yon, mababalewala lang ang lahat. Pangalawa, noong umpisa palang kaya lang naman ako pumunta roon para makita ko si Chato, para makausap sa mahinahong paraan na kailangan niyang magpanggap na kamag-anak ko rin siya at kailangan niyang magdrama. Hindi lang din naman mga tao ang dapat na makisimpatya sa sa akin, dapat isipin nila na may nakababatang kapatid din ako na sobrang malapit sa lolo ko. Alam kong mas matimbang ang laban ko kapag dalawa kami, pero dahil nga sa nangyari kanina, kinailangan ko tuloy na baguhin ang plano. Mukhang kapag nakuha ko ang pera ay magha-hire ako ng body guards o ‘di kaya serial killer nalang para matapos na ang problema ko sa lalaking ‘yon.
Tiningnan ko ang cellphone, gabi na at balak ko nang matulog pagkatapos kong kumain pero heto, naghihintay pa rin ako na makatanggap ng tawag mula kay Justine. Dapat pala ay nagtabi ako ng pera pambili ng load para ako nalang ang tumawag sa kaniya. Kinabukasan, maaga akong nagising para pumunta sa raket ko kahapon. Nakita ko ang lalaki na nakilala ko, nang makita niya ako at pinakiusapan ko ulit siya ay nagbago ang timpla ng kaniyang mukha. Nagalit ito sa akin, isang beses lang daw iyong nangyari kahapon at wala siyang balak na ulitin iyon dahil kinulang ang dala niyang pera kahapon at nagtalo sila ng misis niya. Wala na tuloy akong choice kung ‘di ang maghanap ng raket, at nakahanap din ako na ganoon pa rin ang trabaho. Tiniis ko iyong pagbilad sa initan at pagtatawag ng pasahero dahil iniisip ko na makakasama sa pangalan ko kapag nahuli akong nagnakaw. At sa bawat oras na iyon, hindi ko kinaligtaan na tingnan ang cellphone para malaman kung may tawag ba mula kay Justine, pero wala nangyari. Lumipas ang mga araw ngunit wala rin akong tawag na natanggap mula kay Justine. Para akong tangang umaasa sa isang bagay na walang kasiguraduhan, napagod na rin akong sumigaw at makipagtalo sa sarili ko na kaya ko ang trabahong iyon pero bumigay na rin ako. Hindi ko kayang magtrabaho ng ganoon katagal para lamang sa kakarampot na kita, hindi ko kaya ang trabahong matino dahil hindi ako ganoon.
“Magnanakaw ako,” sabi ko sa sarili ko habang hawak ang cellphone. Gusto kong ihagis nalang iyon sa sobrang pagkaymot pero hindi ko magawa. May value pa rin naman ito kahit papano, hindi man ako tawagan ni Justine at wala man akong matanggap na isang milyon, at least mayroonn akong isang libo kapag ibebenta ko itong cellphone na ito. Halos lumabas na ang usok sa ilong ko kakahintay na mag-ring ang cellphone pero walang nangyari. Ganito nalang ba iyon? Sumapit ang Noche Buena, sorbang saya ng paligid dahil sa nagkalat na Christmas Light pero heto ako, pikit-matang naghihintay pa rin sa tawag ni Justine. Ano na ba kasi ang nangyari sa babaeng iyon? Hanggang sa isang araw, dumating na ako sa puntong gusto ko na lamang sumuko. Ayaw ko nang umasa, ayaw ko nang pilitin pa ang sarili ko na magbagong buhay, na kaya ko ang pagiging barter.
Kaya bumalik ako sa dating trabaho—ang pagiging magnanakaw. Doon ako sa mga jeepney, rush hour kaya ang daming sasakyan ang na stuck sa traffic. Kaya dahil sa pagkabored, napilitan na lamang sila na maglabas ng cellhphone. Mga hindi natuto ang mga taong ito. Ilan na ba sa mga taong naglalabas ng cellphone ang nanakawan sa kalsadang ito? Pero kahit gano’n ay panay pa rin ang ginagawa nila, naging nakagawian na rin siguro nila. At saka wala namang problema sa amin iyon, salamat nalang sa pagiging tanga nila kasi may cellphone ako ngayon.
Dumaan ako sa isang eskinita, hawak ang cellphone na hinablot ko ay dumaan ako roon hanggang sa makarating sa kabilang direksyon. Napangisi ako habang kapit iyon, hindi na ako makapaghintay na ibenta ito. Pumunta ako sa isang repair shop, nagbebenta rin siya ng mga sirang cellphone pero hindi lang naman iyon ang dahilan kung bakit ako nandito. Isa rin siya sa mga kilala rito na bumibili ng mga nakaw na cellphone kumbaga buy and sell lang, nire-reformat niya ‘yong mga cellphone para mawala ang lahat ng mga bakas doon. Nang makita niya ako, kaagad niya akong nakilala.
Inabot ko ang cellphone, kinuha niya iyon at sinuri saka binigyan ng presyo. “900.”
“Yon lang? Ang mura naman. Tingnan mo munang mabuti baka nagkakamali ka lang.”
Umiling ang lalaki. “Yon lang ang presyo nito, fixed na ‘yon. Teka patingin nga niyan,” nilahat niya ‘yong kamay niya at naghihintay na may maiabot ako. Nagtataka naman akong napatingin sa kaniya hanggang sa napagtanto ko ang gusto niyang sabihin. Iniabot ko sa kaniya ang cellphone, sinuri niya iyon at napatngo-tango pa. “Bakit hindi nalang ‘yong cellphone na ito ang ibenta mo?”
“Hindi ko binebenta ‘yan.” Kinuha ko ang cellphone saka ipinasok sa bulsa ko.
“Sigurado ka? Bilhin ko na 1,200.”
Napangiwi ako. “Binabarat mo naman ako. Limang libo bili ko rito.”
“Binili o ninakaw?” patutsada niya sa akin, nang-aasar pa ang putangina.
“Binili ko.” May diin na sagot ko
“Oo edi sige, sabi mo eh,” kibit-balikat na sabi ng lalaki. “Sige 1,500 last price.”
“Binabarat mo naman ako.”
Natawa ang lalaki sa sinabi ko, “1,400?”
Ito na nga ba ang sinasabi ko. Kapag sinabi niyang last price at hindi pa rin niya tinanggap, binabawasan niya iyon ng presyo. Gano’n ang strategy niya para makuha lang ang gulo at patunay ako na gumagana iyon. Kuripot talaga niya at binabarat niya ang bawat presyo ng cellphone na ibebenta namin sa kaniya. Eh kung nakawin ko nalang kaya ang mga cellphone na binibenta niya para ibenta ko sa iba? Pero siyempre hindi o gagawin iyon. Alam ko naman na may mga kasamahan siya rito na pumuprotekta sa kaniya kaya mahirap na lalo na ngayon na nag-iisa ako. Napapitik ako ng dila. Kinuha ko ang cellphone, at nang makita niyang ginagawa ko iyon ay umiilaw ang kaniyang mukha. Napatitig ako doon. Kapag ibinenta ko ito ngayon, kasama ang isa pang cellphone ay malaki-laki rin ang kikitain ko pero ang kapalit naman niyon ay hindi ko na mako-contact si Justine. Iyong babae na iyon na pinasakit ang ulo ko noong mga nagdaang araw, ang babaeng pinaasa ako sa wala. Sapat na siguro ang lahat ng mga nangyari para masabi ko na natalo ako sa isang milyon. Sayang nga lang dahil hindi ko na magagawang maligo sa mga pera. Dapat talaga hindi ko na pinatakas ang Olivia Villavicencio na iyon. Siguro kung kinidnap ko nalang siya ‘tapos humingi ng ramsom money ay mas napadali pa ang pera na matanggap ko at siguro mas malaki pa sa isang milyon. Pero noong mga oras na iyon, hindi ko naman kasi alam na anak siya ng senator at inaanak pa ng presidente ng Pilipinas. Wala akong ideya kung papaano maco-contact ang pamilya niya. Pero dahil naman sa mga nangyari, nakilala ko ang vlogger na si Justine kasama ang boyfriend nito pero wala ring kwenta. Ang haba na ng narating ko, masyado nang komplikado para maniwala ako na may patutunguhan pa ito.
Inilahad ko sa lalaki ang cellphone, nasa kamay niya na niya iyon pero hawak ko pa rin nang sa hindi inaasahan, tumunog ang cellphone. Mabilis pa sa alas cuatro na inalis ko iyon sa kamay ng lalaki at tiningnan kung sino ang tumatawag, walang iba kung ‘di si Justine. Kaagad na sinagot ko iyon, hihingi sana ako ng update, wala akong ibang hiniling mula noong mga nakalipas na araw kung ‘di ang makarinig ng update, ng statement mula sa senator pero dalawang salita lang ang kaniyang sinabi bago niya ako babaan ng tawag.
“Magkita tayo.”
Ipinasok ko ang cellphone sa bulsa, nagtataka ang buyer kung bakit ko ginawa iyon, balak pang magtanong pero nauna na akong magsalita. Sinisingil ko siya para sa 900 na pera para doon sa naunang cellphone, iniabot naman niya iyon sa akin at pagkatapos ay kaagad akong naghanap ng masasakyan para makarating doon sa tapat ng hotel. Kahit na hindi sinabi ng babae kung saan kami magkikita, alam ko na ito ang itutukoy niya dahil nasabi na nito sa akin na kapag may importanteng bagay na hindi kayang sabihin sa tawag ay pumunta lang ako rito. Hinanap ko siya sa karinderya pero hindi ko siya nakita roon, nagtanong-tanong ako pera wala raw silang nakita. Binuksan ko ang cellphone, at nagpaload dahil may pera rin naman na ako, pagkatapos niyon ay tinawagan ko siya.
“Bakit ngayon ka lang nagparamdam?” bungad na tanong ko sa kaniya nang sagutin niya ang tawag.
“Sorry, marami lang akong inayos, naging busy lang.”
Napaikot ako ng mga mata. Ang sabihin niya, nahanap na niya ang fame kaya inetsapwera nalang niya ako nang basta-basta. “Nasaan ka ngayon? Nandito na ako sa karinderya.”
“Pumasok ka sa hotel, nasa loob ako ‘tapos magtanong ka nalang kung nasaan ang dining area,” sagot niya. Hindi ko na kailangan pang tanungin kung saan banda iyon dahil alam ko na, dito ako pumunta dati at may balanse pa akong limang daan. Napatingin ako sa perang hawak ko na natitira sa 900. Mabuti nalang at mayroon ako nito at p’wede ko na silang mabayaran. Nang pumasok ako, kaagad na nakuha ko ang atensyon ng manager dahil sa aking amoy at pananamit. Pero kahit nasa ganito akong kalagayan, kaagad akong nakilala ng mapanuring mga mata niya.
“You…”
Bago pa man niya tapusin ang sasabihin ay binigay ko sa kaniya ang pera. “Sabi ko naman sa iyo babalik ako, ‘di ba? Natagalan nga lang pero ‘yan na ‘yong bayad.”
Napaupo na ako pagkatapos niyon, madali kong nahanap si Justine. Naupo ako sa harap niya, pero nagtaka ako dahil mayroon namang mesa na may dalawang upuan pero dito niya napiling umupo. Kasama ba niya ang boyfriend niya? Panigurado iyon at baka lumabas lang. Napansin kong medyo may mga tingin siya na hindi ko mawari, hindi ko gusto ‘yong tingin na kapag sinalubong ko ay biglang umiiwas na parang may tinatago.
“Ano bang problema, Justine? Ano na ang nangyayari sa ipinangako mo?”
Bumuntong hininga siya. “I’m sorry, Andeng. Sorry talaga.”
“Bakit?” Nagawi ang tingin ko sa labas kung saan siya panay ang tingin. “May hinihintay ka ba? Boyfriend mo?”
Mabilis siyang umiling. “Hindi.”
“Eh sino?”
Napangiwi si Justine, parang hirap na hirap sa sasabihin. “Si M-marshall…”
“Sinong Marshall?”
“Si Marshall Villavicencio.”