Andie Gregorio
Apat na araw na ang nakalipas magmula nang umalis ako sa hotel na tinuluyan ko dati. At anim na araw naman magmula nang makilala ko ang babaeng pumatay sa matanda, ngunit sa loob ng mga araw na iyon, araw-araw akong nangangapa kung papaano matatagpuan ang babaeng nangako sa akin ng isang milyon. Hindi ko maalala kung naibigay niya sa akin ang kaniyang pangalan, hindi ko matandaan kung mayroon bang pagkakataon na sinabi niya sa akin ang pangalan niya. Sa loob ng mga nakalipas na araw, nananatili lamang ako rito sa tapat ng hotel, nagtatago dahil baka masulyapan ng manager na nakakikila sa akin dahil sa limang daang piso na balanse ko sa kanila para sa isang oras at kalahati kong pananatili. Wala akong ideya kung papaano ko makakausap ang babae, umaasa lamang ako na mayroong pagkakataon na sumagi sa utak ng babaeng iyon na may pinatay siya at pinangakuan ng pera para naman makonsensya siya. Sa mga araw na nasayang, palagi lamang akong nakamasid sa bawat sasakyan na hihinto at umaasang mihip ang hangin at iluwa ng bawat kotse ang babaeng iyon.
Hindi ko siya makalilimutan. Bawat detalye ng kaniyang mukha, kahit hindi ako nakapikit ay alam ko. Matangkad siyang babae, balingkinitan ang katawan na parang modelo, matangos ang ilong at mapula-pula ang pisngi. Maging ang paraan ng pananalita nito ay tumatak din sa utak ko. Iyong boses na kapag nagsalita ng tagalog ay ipit, na mapagtatanto mo kaagad na galing siya sa nakaaangat na pamilyang. Kaya nga panay ang sunod ko sa kaniya dahil alam ko na may pera siya, at halata ko naman na nagsisinungaling siya sa mga bagay-bagay na pinagsasabi niya. At hindi nga ako nagkamali. Hindi nasayang ang oras ko sa kaniya dahil bukod sa 50 libong piso, sigurado ako ngayon na hindi na siya makakatakas.
Olivia Villavicencio
Pangalan palang ay tunog mayaaman na. Kaya nga nakakapagtaka na biglang sasabihin nito sa akin na wala raw siyang pera at hindi niya p’wedeng mai-withdraw ang pera niya sa bangko dahil mate-trace daw. Sigurado akong may kalokohan siyang ginawa kaya para siyang takot na takot na makita ng mga tao ang kaniyang mukha, siguradong tinatakasan niya ang pamilya niya dahil nagrerebelde siya at natatakot siyang matunton nito lalo na ngayon dahil sa issue na nakapatay ito ng tao. Hindi ko na tuloy mapigilan ang sarili ko na ma-excite sa kung ano man ang mga susunod na mangyayari. Olivia Villavicencio, anak ng isang senator na inaanak ng presidente ng Pilipinas. Ano ang mangyayari sa ‘yo ngayon? Saan ka na kaya nagtatago?
Kanina ay pumunta ako sa hotel, inaasahan na nandoon ang babae, si Olivia, na tutuparin niya ang mga ipinangako niya dahil bakit hindi? Lumubog at sumikat na ang araw nang makailang beses, umulan pa nga at uminit pero ni bakas ng anino niya ay hindi ko nakita. Nandoon ako sa tapat ng isang hotel, ipinagtatabuyan ng mga customer dahil sa amoy ko nang biglang lumapit sa akin ang isang babae at inabutan ako ng pagkain. Madalang lang na mangyari ang mga ganoong bagay at kung mangyari man, alam ko na mayroong camera sa paligid at hindi nga ako nagkamali, isa sa mga customer doon ay may hawak na camera at patago kaming kinukuhanan ng video kaya naisip ko na baka makatulong siya. Normal lang sa amin ang isipin na sikat ang mga taong nagvovlog at binabase namin iyon sa hitsura at kulay ng balat nila kaya wala na akong inaksayang panahon.
Nangako si Justine, iyong babae na vlogger, sinabi niya sa akin na ipopost niya ang video at nakasisigurado raw siya na matutulungan siya ng mga follower niya na maishare ang larawan ng babae at maipadala sa pamilya ni Olivia. Sigurado si Justine na hindi papalagpasin ng taumbayan ang ginawa ng anak ng makapangyarihang pamilya at inaanak ng presidente sa isang pulubi, malaki ang tiwala ni Justine na ire-reachout siya ng isa sa mga pamilya ng Villavicencio para lamang malinis nito ang kanilang pangalan. Hindi ko maintindihan noong una kung bakit ginagawa ni Justine ang bagay na ito, ang babaeng ‘yon na ina-assume kong nanghihingi lamang ng kasikatan sa social media ay magri-risk ng buhay at kredibilidad para lamang sa isang katulad ko.
Inaamin ko, natatakot ako. Dahil ang binabangga ko ngayon ay hindi lamang basta-bastang mga taong nasa kalye na pupwede kong pagbantaan ng buhay, p’wede kong madala sa dahas. Dahil ang mga binabangga ko ngayon ay may posisyon sa gobyerno. Hindi ko nga alam ang pumasok sa utak ko, galit ako noong mga oras na iyon, desperado na maibalik ang kasiyahan na naramdaman ko noong nakahawak ako ng malaking halagang pera kaya naisip ko na pakiusapan si Justine.
“Baka p’wedeng tulungan mo ako? Parang awa mo na, hindi ko mailabas sa hospital ang bangkay ng lolo ko, ni wala akong pangpalibing sa kaniya, ni hindi ko manlang magawang bigyan siya ng matinong lamay.” Hinawakan ko pa ang kamay ni Justine, umiiyak. Nagdadalawang isip siya pero maya-maya ay buo na ang kaniyang pasya, kasama ang boyfriend nito na kanina ay palihim na kumukuha ng video ay lumapit sa akin at sinabing sabihin ko ang mga nangyari at ipo-post nila iyon sa kanilang social media.
“Hihingi rin kami ng tulong sa kapwa namin influencer para maikalat ang video, pero ‘yong mga sasabihin mo, siguraduhin mong totoo.”
“Totoo ang sinasabi ko!” tumaas ang aking tono ng boses, sinigurado kong makukuhanan ng video iyon. “Pulubi lang kami, wala kaming matinong tirahan pero hindi sapat na dahilan ‘yon para mawalan kami ng boses para sa hustisya. Halos magmamadaling araw na niyon, wala kaming pagkain kaya sinabi ko kay lolo na magtiis muna kami, pero nagising ako na wala na siya sa tabi ko.” Yumuko ako, kinukusot ang mata pero pasimpleng tinutusok iyon gamit ang daliri para mpaluha. “Tapos nakita ko na may pinagkakaguluhan, ang lolo ko na pala ‘yon. May dumating na kotse, lumabas siya doon, hindi ko siya kilala noong una pero alam ko na siya ang nakasagasa dahil kahina-hinala ang kinikilos niya.”
“Ano bang ikinikilos niya?”
Pumikit ako, inaalaal ang mga nangyari. “Nakasumbrero siya, kinakabahan, saka namumula, para siyang lasing. Kinausap niya ‘yong pulis, hindi ko alam ang sinabi niya pero nagulat ‘yong pulis. Nakita ko ‘yong kotse, basag ‘yong harapan niyon.”
“Alam mong seryosong usapin binibintang mo, ‘di ba? Nagsasabi ka ba ng totoo?”
“Oo nga! Kahit tingnan niyo pa sa CCTV,” sinabi ko ang araw at oras kung kailan posibleng nangyari ang insidente. Wala silang inaksayang panahon, sinamahan ako ng magjowa, patuloy pa rin na nagpeplay ang video nila habang nakasakay kami ng kotse.
Pumunta kami sa barangay, sinabi nila na may nangyaring krimen ng spesipikong oras at araw, pero hindi nila idinetalye kung ano.
Oras din ang tinagal namin doon kahit na nakafast forward na ang CCTV. Hanggang sa nakita na ang mismong specific na timelapse sa video at kinuhaan ng dalawang vlogger iyon. Kita nga sa camera ang nangyaring insidente, ang mabagal na paglalakad ng matanda habang palinga-linga. Alam kong si Chato ang hinahanap nito, inutusan ko kasi siya niyon, saka siguro pinabibili ko na rin ng pagkain pero biglang may isang humaharurot na sasakyan ang bumundol sa kaniya. Lumabas ang babae, halatang hindi nito alam ang gagawin, sinubukan niyang lapitan ito pero umatras din at tuluyan nang umalis sa lugar, hindi na gumalaw ang matanda pagkatapos niyon.
“Grabe naman ‘yan,” komento ng isa sa mga nanonood.
Ipinacloseup nila ang video sa babae. Wala pa siyang sumbrero noong mga oras na iyon at ang magandang balita, tumingin siya sa CCTV. Gusto kong tumawa sa sobrang saya noong mga oras na iyon pero hindi ko magawa dahil maraming tao ang nasa paligid ko. Medyo may pagkatanga ka rin pala Oilivia. Ah hindi, dahil sobrang tanga mong babae ka. Siguro pagkatapos ng insidente ay pumunta siya sa tindahan para bumili ng sumbrero at nang mahuli ko siya na balisa at panay ang sabi na may naghahanap sa kaniya, malamang ang tinutukoy nito ay ang mga pulis dahil isa siyang murderer.
“Ngayon may matibay na tayong ebidensya,” sabi ng Justine bago humarap sa boyfriend niya. Dahil nga nakunan nila ng video iyon, ipinaprint na rin nila ang mukha at ipopost sa social media.
Pauwi na sila niyon, inaya nila ako na sumabay nalang sa kanila para dalhin sa bahay ko pero ang sagot ko, kalye na ang bahay ko at kahit saan ay p’wede akong matulog. Nakaisip din si Justine na kunin ang number ko pero hindi ko pa nabibilhan ng sim card ang cellphone at wala akong pera kaya siya nalang ang bumili niyon, sabay hingi ng number ng isa’t isa. Binilhan din nila ako ng pagkain at sinabing magkita nalang kami sa mga susunod na araw, sa harap ng hotel kung saan kami unang nagkita, para maiupdate ako nito tungkol sa mga nangyayari, pero p’wede rin naman daw niya akong tawagan nalang.
At habang hindi pa nangyayari ang pagkikitang iyon, nandirito kang ako sa bawat ilalim ng tulay, at nagpapatuloy pa rin sa buhay. Pero may isa lang akong hindi na look forward, na may posibilidad na hindi na ako makakapagnakaw dahil sa mga matang nakatingin sa akin. Sa bawat tao nalang na makasasalamuha ko, pakiramdam ko ay kilala ako ng mga ito lalo na kapag nagbubulungan sila at tinitingnan ang kanilang cellphone. Dahil din sa nangyari, apektado ang pangkabuhayan ko. Kaya nga kinailangan ko na ring magnakaw ng damit para hindi na iyon katulad ng nasa video.
Napaupo ako sa ilalim ng tulay, ito ang dating pwesto namin nina Chato pero mukhang hindi na siya rito natutulog. Nandito pa naman kahit papaano ang mga karton at ang panghi sa paligid. Nasaan na kaya ang Chato na iyon? Kinuha ko ang cellphone ko na nasa bulsa at itinabi iyon. Nakagawian ko na dalhin iyon sa kahit saang lugar ako pumunta at kung matutulog man ay sinisiguradong magigising muna ako bago ko malaman na wala na iyon sa tabi ko. Ngunit noong minuto rin na iyon, tumunog ang cellphone at lumabas ang pangalan ni Justie.
“Andeeeng!” tili nito sa kabilang linya kaya inalis ko ang cellphone sa tenga ko. “Hindi ka maniniwala sa sasabihin ko pero alam mo baaa—“
Teka sandali, p’wede bang kumalma siya?
“Hindi, eh. Ano ba iyon?”
“Umabot na sa kalahating milyong views ang in-upload namin! Wala pa roon ‘yong mga nagre-upload ng video sa ibang platform. May mga nagco-comment na rin, mga sumasang-ayon sa iyo. Gusto mo bang basahin ko para sa ‘yo?”
Pumayag ako sa suhestyon niya. Sinabi nito ang mga comments at pinakinggan ko naman iyon. Karamihan doon ay nakikipagsimpatya sa akin, tinatanong kung saan ako nakatira para maabutan ako ng pagkain, mga nagsasabi na ipaglaban ko ang aking karapatan. Ngunit bukod sa magandang komento, tinanong ko rin kung ano ang mga negatibbo, medyo ayaw ni Justine na sabihin pero ginawa pa rin naman niya. “Sabi rito political propaganda lang daw ang ginawa mo, na sinisiraan mo lang daw ang Villavicencio dahil malapit na ang eleksyon.”
“Eleksyon? Kailan ba ang eleksyon?”
“Sa susunod na taon.”
“Sa susunod na taon pa naman pala. Anong kinalaman ko doon?”
Bumuntong-hininga si Justine. “December na ngayon, ilang buwan nalang eleksyon na. Ang sabi rin dito sa comment, sinadya mo pa raw na ilabas ngayong malapit na ang Pasko para mapait ang Noche Buena ng pamilya nila. Ang sabi rin dito, edited daw ang video at piniperahan mo lang ang senator.”
“Pero hindi edited ‘yon!” Nakakatangina naman ng mga tao. Binigyan na nga sila ng pruweba pero todo deny pa rin sila. Ganito ba talaga sila ka-panatiko sa pamilyang iyon? Ano bang pinakain sa kanila ng pamilyang iyon para todo deny sila?
“Alam ko, Andeng. Alam nating tatlo na hindi edited ‘yong video, alam din ng mga taga-barangay. Pero ‘yon na nga, opinyon nila ‘yan kaya wala tayong magagawa.”
Napaikot ako ng mga mata. Oo, alam ko namang wala akong magagawa pero nakakabadtrip pa rin. Bakit ba may mga taong todo ang suporta sa mga pulitikong ito na parang walang gagawing masama o mali ang sinusuportahan nila? Paano ko maipagtatanggol ang sarili ko sa ganitong pagkakataon?
“Paano sila? Ang mga Villavicencio, anong sabi nila?”
“Wala pa rin silang sinasabi, Andeng. Triny kong i-search kung may latest na statement mula sa kanila pero wala. Pero huwag kang mag-aalala kasi sinubukan ko rin na mag-browse ng news at marami na ang nag-feature sa iyo, may mga reporter na nga rin nanag-rereachout sa akin. Alam ko na maglalabas din ng statement ang isa sa mga pamilya nila.”
Natapos ang usapin na iyon na wala pa rin akong balita sa kung ano ang mangyayari, kung bibigyan ba nila ako ng pera para tumahimik ako. Kung gagawin man nila iyon, edi maganda, iyon naman talagaa ng totoong sadya ko rito. Wala naman akong planong ipakulong sila, basta bigyan lang nila ako ng pera ay mananahimik na ako para sa kapayapaan nalang din ng utak ko at ng pangalan nila. Tawagin man akong mukhang pera ng iba, ano naman ngayon? Totoo naman ang bagay na iyon, pero huwag nila sasabihing peke ang video dahil hindi ‘yon edited, baka isampal ko pa sa kanila ang cellphone na ito kapag nagkita kami.
Kinabukasan, pumasok sa isip ko na wala pa pala akong malapitang video ng matanda. Kung mayroon mang bagay na kailangan ko pa, iyon ay ang video ng matandang iyon. Kaya wala akong inaksayang panahon, gamit ang perang natitira sa akin mula sa mga panlilimos, pumunta ako sa hospital at hinanap kung saan nakahimlay ang katawan ng lolo ni Chato. Pumasok ako roon sa kuwarto, natatakpan ito ng puti na tela at mula palang dito ay amoy ko na kaagad ang baho. Napatakip nalang tuloy ako ng ilong ko habang nire-ready ang cellphone na aking ipang-vivideo, nag-iisip din ako ng script sa utak ko, kung papaano ko sasabihin ang mga salita na talagang makakaantig sa puso ng mga makapanonood. Lumapit ako sa bangkay, ipwinesto ko ang camera at handa na sanang magsalita nang biglang may pumasok. Halos atakihin ako sa puso dahil sa pag-aakalang may nagmumulto, pero nang humarap ako ay nakita ko ang pamilyar na mukha, si Chato. Malalim ang mga mata at malaki ang ibinagsak na katawan, parang hindi siya kumakain.
“Ang lakas naman ng loob mong magpakita rito,” Lumapit siya sa akin at itinulak ako. “Anong gagawin mo sa lolo ko ha? Papatayin mo siya ulit?! Hindi ka na nakuntento na pinatay mo siya nang unang beses?!” Umiiyak siya. Ang pangit niya umiyak, sa totoo lang.
“Siraulo ka ba? Bakit ako ang sinisisi mo? Hindi ako ang pumatay sa kaniya, sinasagaan siya ng kotse. May kotse ba ako?” Nanatili akong kalmado habang kinakausap siya. Pwede bang huminahon siya sa pagsasalita dahil baka may makarinig sa amin at masira pa ang plano ko? Inayos ko ang damit ko saka minata siya, katulad ng ginawaga ko rin sa kaniya dati. “Siya nga pala kailangan nating mag-usap.”
Balak ko sanang sabihin sa kaniya na kailangan kong videohana ng lolo niya, p’wede ko siyang videohan na nagdadrama pero sa totoo niyan, hindi ko naman kailangang magpaalam dahil p’wede ko namang daanin sa pwersa. Hindi ko lang talaga magawa rito iyon dahil mas malapit ang lugar na ito sa mga tao, hindi katulad doon sa pinuntahan namin ni Olivia. Pero sa kabila ng pangmamata ko kay Chato, hindi ito natinag. Nagsisisigaw ito, kaya nataranta akong umalis.
“Magkikita pa tayo,” sabi ko sa kaniya
“Talagang magkikita pa tayo dahil papatayin pa kita!”
Lumipas ang mga araw ngunit wala pa ring sinasabi ang pamilya Villavicencio, wala rin akong tawag na natanggap mula kay Justine. Halos lumabas na ang usok sa ilong ko kakahintay na mag-ring ang cellphone pero walang nangyari. Ganito nalang ba iyon? Sumapit ang Noche Buena, sorbang saya ng paligid dahil sa nagkalat na Christmas Light pero heto ako, pikit-matang naghihintay pa rin sa tawag ni Justine. Ano na ba kasi ang nangyari sa babaeng iyon?
Hanggang sa hindi inaasahan, nakatanggap ako ng tawag mula kay Justine. Kaagad na sinagot ko iyon, hihingi sana ako ng update pero dalawang salita lang ang kaniyang sinabi bago niya ako babaan ng tawag.
“Magkita tayo.”