Upper Class

2906 Words
Andie Gregorio Mabigat ang aking ulo nang magising ako, nangangalay din ang aking katawan at parang tinatamad ako. Gusto ko nalang na matulog buong magdamag kung hindi lamang may makulit na taong panay ang katok sa pinto ng tinutuluyan ko. Hindi pa maayos ang aking damit, sabog pa ang aking buhok pero hindi naman katulad ng dati dahil sa totoo lang, mas gusto ko ang paraan ng gulo-gulo kong buhok ngayon dahil mas classy tingnan. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin, hindi muna ako nag-aksaya ng panahon para buksan ang pinto. Bahala siyang matiis diyan sa labas, sinimulan niya ‘yan kaya panindigan niya. Inistorbo niya ang tulog ko para saan? Nagpakawala ako ng hininga nang makita ang aking repleksyon; para akong may malaking eyebags dahil sa nagkalat na makeup sa aking mukha, kahit ang lipstick ko rin ay gulong-gulo at nagkalat sa aking pisngi. Sinubukan kong alalahanin ang mga nangyari kagabi pero sumasakit lang ang ulo ko, siguro kailangan ko munang matulog ulit. Ganito pala ang epekto ng alak. Alak? Salubong ang aking kilay nang maalala iyon. Oo, alak Wala akong ginawa kagabi kung ‘di ang uminom kasama ang dalawang taong nasa kalapit ko rin na kuwarto, pero bakit hindi ko maalala nang buo ang mga nangyari? Nakapagtataka naman. Pero siguro ay epekto lang ito ng alak. Ni hindi ko na nga maalala ang lasa ng alak kung hindi lang ako nakatikim niyon kagabi. Ang init pala sa katawan niyon saka ang bigat sa ulo, parang gusto mo lang maging masaya, at walang taong makapaninira ng araw na iyon. Pero hindi naman ang emosyon ko noong mga oras na iyon ang gusto kong maalala, kung ‘di ang mga nangyari noong gabing iyon mismo. “Sandali! Oo na, bubuksan na!” Hindi na ako nag-abala pang magsuklay, lumabas ako ng banyo at padabog na lumapit sa pinto at binuksan iyon. “Ano ba ‘yan? Ang aga-aga nambubulabog kayo!” Humingi ng tawad ang babae, pamilyar siya. Ah oo, siya nga ‘yong nasa desk na nakausap ko. Iyong babae na inutusan ng manager na magsinungaling dahil wala na raw extrang room dahil akala ay scammer ako. Anong ginagawa ng babaeng ‘yan dito? Naghintay ako ng sasabihin niya, at matapos nga niyang mag-sorry, sinabi na nito kung ano ang sadya. “Lumampas na po kasi kayo sa oras. Kailangan niyo na pong magcheckout o kung gusto niyo pa rin pong manatili, kailangan niyo ng additional na payment.” “Kailangan ba talagang gawin niyo ‘yan ngayon? Umaga palang kaya!” Umiling ang babae. “Maggagabi na po. Kanina pa po kayo kinakatok, pero hindi po ninyo pinagbubbuksan. P’wede po naming pwersahang buksan pero hindi po namin gagawin iyong dahil malalabag namin ang rights ninyo. Anyway, you can go down to proceed for your payment at kung magchecheckout na po kayo, you need to pay for 1 hour and 30 minutes na inilagi ninyo sa room.” Maggagabi? Pinagmasdan ko ang kalangitan sa labas, parang madaling araw palang pero ipinakita naman ng babae ang cellphone niya. Hindi naman siya nagsisinungaling. Ang haba naman pala ng naitulog ko, ni hindi ko nga maalala na nakarating ako rito sa lugar na ito at nakatulog. Sigurado akong kasama ko ‘yong dalawang taong iyon, siguro dapat ko nang kausapin sila para magtanong kung ano ang nangyari. “Bababa na ako mamaya-maya, mag-aayos lang ‘tapos babayaran ko kayo. Mag-eextend ako hanggang limang araw,” sabi ko sa babae. Tumango na lamang ito at nagsimula nang maglakad paalis pero sinarado ko ang pinto ng kuwarto at nagsimula ring maglakad. “Akala ko po mamaya pa kayo bababa? Sasabay na po ba kayo?” Nakatingin ito ng may kuryusidad. Naiirita na ako sa kaniya, kanina pa siya tanong nang tanong at nang-iistorbo. Hindi ba p’wedeng bumaba nalang siya at maghintay ng ipambabayad ko? Umiling ako sa kaniya saka nagpatuloy sa paglalakad, huminto ako sa isang kuwarto na nakatapat sa amin at kinatok iyon nang makailang beses. “Wala na pong tao diyan sa room 100,” sabi ng babae. Nandito pa pala siya, bakit ba hindi nalang niya ako lubayan? Ganiyan ba siya ka-excited na makuha ‘yong pera? “Nakapagcheckout na po sila kagabi.” Nilingon ko ang babae pero kinatok ko pa rin ang pinto, ngunit wala talagang sumasagot. “Hindi niyo po ba naaalala? Teka…” nanliit ang mga mata niya sa akin “ikaw ‘yong kasama nila kagabi, hindi po ba? ‘Yong afam at pinay, may kasama silang wasted at kamukha mo siya. Hindi ko kaagad naisip ‘yon kasi ang alam ko mag-isa lang kayo rito. Hindi po ba nagpaalam sa inyo ang kasama ninyo?” Pumipitik ang uugat sa sentido ko dahil sa inis. Bakit ba kasi wala akong maalala sa mga nagyari kagabi? Totoo nga ang hinala ko na sila ang naghatid sa akin dito pero bakit bukod sa pag-alis namin ng lugar na ito ay wala na akong maalala bukod doon? Kailangan ko talaga ng pahinga, baka sakaling kapag natanggal itong sakit ng ulo ko ay maalala ko na lahat. Hinarap ko ang babae, “Dito ka lang muna, sabay na tayong bumaba.” Bumalik ako sa kuwarto, napagpasyahan ko na magbabayad nalang ako at sasabay doon sa baabe. Hindi ko naman p’wedeng iabot sa kaniya ng direkta dahil baka kupitin lang niya ako. Sanay na ako sa mga traydor na nakapaligid sa akin sa kalye kaya ano pa bang bago? Hinanap ko ang pera sa kuwarto, binaliktad ko na lahat ng mga gamit ngunit wala pa rin akong nakita. Napamura ako dahil sa inis at napahilamos na lamang ng mukha. “Nasaan na ba kasi ‘yon?” Maya-maya ay narkarinig ako ng sandals na papalapit, nakita ko ang babae na nagtataka sa hitsura ng aking kuwarto, gulong-gulo na kasi iyon, malayo sa nasaksihan niya kanina pagbukas ko. Baka isipin niya ay sinisira ko ang mga gamit. Bakit ko ba kasi nakalimutang isara ang pinto? “May problema po ba?” tanong ng babae Umiling ako, nahagip ng mga mata ko ang ATM card kasama ang cellphone na binili ko. Kinuha ko iyon saka lumabas ng pinto. “Wala akong pera ngayon dito, pero magwiwithdraw muna ako sa bangko. Babalik din kaagad ako para magbayad. Ayos lang ba iyon?” Nanliit ang mga mata ng babae, pilit na ngumiti siya sa akin at napakamot nalang ng batok. “Hindi po ako sure, mas mabuti pong kausapin ninyo ang manager ng hotel.” Gusto ko mang magmura ngayon ay hindi ko masabi kaya sa isip nalang. Bakit ba ganito ang nangyayari sa akin? Sa pagkakaalala ko, marami pa akong pera pero bakit wala ito ngayon? Bakit wala akong makita sa kuwarto na miski isang libong piso? Saan ba ako gumala kagabi? Nagsimula na kaming maglakad at tuluyan nang nakapasok sa elevator, pagkalabas ay pumunta kami sa desk at doon kinausap ang manager. Makikita sa mga mata ng babae na parang nagdududa ito, tinanong ako nito kung may identification card ba ako o kahit anong p’wedeng makasigurado na magbabayad ako. Hindi ko tuloy mapigilan na mapagtaasan sila ng kilay. “Nagbayad naman ako para sa buong araw, ‘di ba?” tanong ko sa babae. “Ngayon lang na sumubra ako ng isang oras at kalahati ang dapat kong bayaran. Saka nakikita naman ako sa CCTV ninyo kaya ano pa bang ikinakatakot ninyo? Magkano ba ‘yong babayaran ko?” “Five hundred peso, but I think you should just give us your identification card, so we could settle this issue down.” Minabuti ng manager na huminahon, pinagtitinginan kasi sila ng mga guest at hindi niya gusto na nagkakagulo pero wala akong magagawa. Hindi ako magbibigay ng identification card dahil wala ako niyon. Kung kailangang sigawan ko siya para matigil na ang pangungulit niya gagawin ko. “Five hundred lang? Para lang doon kukunin niyo ang ID ko na parang isa akong magnanakaw? Ganito ba ang sistema dito sa hotel dati? Hindi ba sabi ko babalik naman ako, magwiwithdraw lang!” Napapikit ang manager, ngumiti ito sa akin saka mahinang tumango. “Alright, calm down.” Sa huli ay wala nang nagawa ang babae kung ‘di ang payagan ako para matigil na ang aking malaking bunganga sa kakaputak. Inis kong pinakyuhan ang hotel sa malayo, saka may sama ng loob na pumunta sa pinakamalapit na ATM machine. Sinimulan kong ipasok ang card at tinype ang PIN. Alam ko na ang proseso dahil itinuro naman ito sa akin, naghintay ako na may lumabas na pera ngunit wala. Kunit-noo kong tinanggap ang card at ang resibo na siyang ginusot ko kaagad at chineck ang balance ng account. “Zero?!” Napanganga ako habang nakatitig sa screen. Seryoso ba ito? Zero as in wala na talagang laman? Hindi, hindi p’wede. Siguro ay nagkamali lang ang bangko. Dapat akong magreklamo sa kanila dahil sa ginagawa nila, pero paano ko gagawin iyon? Baka magkakutob lang sila, baka makulong pa ako dahil baka isipin nila na ninakaw ko ‘yong card na ito dahil hindi sa akin nakapangalan. “Putangina talaga.” Paano na ako ngayon? Wala na nga akong pera mismo rito sa kamay ko ‘tapos biglang wala rin akong pera sa bangko? Ano bang nangyayari? Gusto ko nalang iuntog ang sarili ko sa machine dahil sa inis. Iniisip ko na kasalanan ito ng babaeng nagmamay-ari nitong card, siguro winithdraw na niya ang lahat ng pera. Pero posible ba iyon? Kahit na nasa akin ang card niya ay p’wede niya pa ring makuha ang laman nito? Hindi ko maintindihan. Hindi ko alam kung ilang minuto akong nandoon sa tapat ng machine hanggang sa may dumating na magwiwithdraw pa. Umalis nalang ako, pero nakaiilang hakbang palang ako nang may marinig na mga boses, mga imahe na pumapasok sa utak ko. Magulo, amoy usok ng sigarilyo, mga babaeng maalindog at mga plastic na pera na ang halaga ay pera. “All in!” “Are you sure?” “That’s your last money in your account, right?” Napasabunot ako ng buhok at napasigaw dahil sa inis. Pinagtitinginan ako ng mga tao pero wala akong pakialam. Putangina nilang lahat. Sapat na ang mga salitang pumasok sa utak ko para maalala kung ano ang mga nangyari. Winithdraw ko ang lahat ng nasa account, hindi, imposibleng gagawin ko iyon. Siguradong may ginawa sila sa akin para sundin ko ang mga sinasabi nila. Napasandal ako sa pader. Parang nawawalan ako ng mga buto, gusto kong maglakad pero wala akong lakas. Pumunta ako roon sa lugar na iyon para magsaya, pero hindi ko inisip na mauubos ang pera ko sa isang iglap lang, sa isang pangyayari na hindi ko naman lubos na maalala. Malalim na ang gabi ngunit nananatili pa rin ako sa isang sulok. Wala akong matutuluyan ngayong araw, wala akong pera, at alam ko sa aking sarili kung saan na naman ako pupulutin, walang iba kung ‘di sa kalye. Gusto kong maiyak. Hindi ko kaya, ayaw kong bumalik sa lugar na iyon, napasaglit lang ‘yong dalawang araw na kaligayahan, parang pinahiram lang ito sa akin dahil balik na naman ako sa ganitong sitwasyon. Gusto kong pumunta sa hotel para kunin ang mga natitira kong mga gamit, ‘yong mga ipinamili ko na ang mamahal pero hindi ko magawang makalapit sa lugar na iyon, ni hindi ko nga alam kung makababalik pa ba ako dahil sa limang daan na balanse ko sa hotel. Sayang din ang mga gamit na iyon pero ‘di ko alam kung papaano ko makukuha. Kalye. Hindi ko maiwasang hindi matawa. Sobrang ikli naman ng kasiyahan na ipinahiram sa akin, hindi iyon sapat dahil hindi ko naman talaga nagastos sa pansarili ko ang lahat ng iyon. Ginastos ko lang iyon sa sugal na hindi ko manlang naipanalo. Nagsisisi ako, na sana hindi nalang ako pumunta sa lugar na iyon kasama ang dalawang tao, at sa kabilang banda ay nagagalit sa dalawang taong iyon dahil alam kong may parte sa isip ko na nagsasabi na may kasalanan sila kung bakit ito nangyayari sa akin. Yakap ko ang sarili ko nang mga oras na iyon, nakasandal sa pader, at umiiyak nang may isang bagay na pumasok sa isip ko. Bigla akong ginanahan, natatawa na parang baliw, at minabuting tumayo at pinunasan ang mukha. “Hindi ako babalik sa kalye,” sabi ko sa aking sarili. “Magkikita pa kami ng babaeng ‘yon at ibibigay niya sa akin ang natitira sa isang milyon.” May pag-asa pa naman pala ako kahit papaano. Hindi ko kailangang umiyak na parang katapusan na ng mundo, hindi ko kailangang kaawaan ang sarili ko dahil sa susunod ay maliligo naman ako sa limpak-limpak na pera, hindi ko kailangang mag-isip ng mga kung ano-ano dahil babalik din sa dating takbo ang buhay ko—buhay na puno ng kayamanan. Pero ngayong gabi, dito lang muna ako. Kailangan ko munang maghanap ng matutulugan dito, magtiis sa mga lamok at sa mabahong amoy ng mga ihi ng aso pero kinabukasan, sinisigurado ko na magkikita kami ulit ng babae na iyon na siyang muling magpapabago ng buhay ko. Pero nagising ako kinabukasan, at sa mga susunod pang tatlong araw na walang nangyari. Napilitan akong bumalik sa dating ako, isang magnanakaw at uhugin. Bilad sa araw kaya amoy pawis, wala akong choice dahil hindi pa bumabalik sa babae. Panay rin ang pasimpleng sulyap ko sa hotel para makita kung nandoon na ba siya, nakakaistorbo na rin sa tulog ko dahil kinakailangan kong magising sa bawat kotseng paparada doon sa tapat para lang malaman kung siya na ba iyon. Pero kagaya ng sinabi ko, walang nangyari. Kaya heto, pagala-gala na naman ako sa kalye para malamanan ang tyan. Hindi ko na rin magawang matutukan ang pagbabantay sa tapat ng hotel dahil nakakain nito ang oras ko na dapat ay kumikita ako. Naisip ko na nga ring ibenta ang cellphone sa murang halaga para malamanan lang ang sikmura pero hindi ko magawa. Ito lang ang bagay na may halaga at pinanghahawakan ko. Noong araw na iyon, nasa tapat ako ng isang karinderya. Nakakagutom ang amoy pero tinitiis ko, may ilang pinapalayo ako dahil sa amoy ko, nawawalan daw kasi sila ng gana sa pagkain kaya lumalayo ako ng bahagya. Pero noong pagkakataon na iyon, may isang babae ang lumapit sa akin dahil biglang naawa. Inabutan ako nito ng pagkain, tatanggapin ko na sana pero nakita kong may nagvivideo at alam kong kasama niya iyon. Seryoso ba siya? Nakakainis ang mga ganitong klaseng tao, normal naman na sa amin iyon pero hindi lang talaga ako masanay-sanay. Tinanggap ko ang pagkain, lumapit din sa akin ang babae at parang wala siyang pakialam kahti na ganito ang amoy ko. “Cellphone?” tanong ng babae, pinagmasdan ako nito, napansin ng babae ang kakaiba sa suot ko pero hindi niya napuna. Iyong cellphone lang talaga ang hindi niya napigilan komentahan. Nakagugulat naman nga kasi. Sino ba kasi ang mag-aakala na may cellphone na touch screen ang isang pulubi? Napansin kong itinago niya ang wallet niya. Alam ko na, malamang iniisip ng babaeng ito na ninakaw ako ng cellphone at posibleng nakawin ko rin ang wallet niya. Pwes mali siya roon at papatunayan ko iyon sa kaniya. Tutal nagvo-vlog naman siya at siguradong pinagkakakitaan ako, bakit hindi nalang niya gamitin ‘yang kasikatan niya para sa makabuluhang bagay? Ngumiti ako sa babae, ngiting malungkot. “Alam mo ba, may pumatay sa lolo ko.” Nakuha ko ang interes ng babae, pero ewan siguro pinaplastik lang niya ako. Gusto niya talaga ito para mapahaba lang ang vlog niya. “Pero tumakas siya, may mga kasama siyang pulis na tinulungan siyang makatakas.” “Teka wait, tinulungan ng police?” Tumango ako. “Siguro mayaman siya, naka-kotse eh.” Nakita ko ang kislap sa mga mata ng vlogger. Medyo napalunok din siya, siguro kinakabahan pero hindi niya maitago na gusto niyang malaman kung sino ang tinutukoy ko. “Sinundan ko siya, gusto kong panagutin siya sa ginawa niya kahit alam kong tablado ako…” “Nakita mo ba siya?” Patapusin mo muna ako, p’wede? “Oo, nakita ko siya. Nasa mall siya na ‘yon, kinuhanan ko siya ng video.” Tumingin ang babae sa cellphone ko, tinanong niya kung ‘yon ba ang ginamit kong pang-video. Tumango ako. “P’wedeng makita?” Hinawakan ko ang cellphone at ipinakita ko ang video. Naririnig doon ang boses ko habang sumisigaw sa loob ng milk tea shop, hindi makita ang mukha ng babae dahil tinatakpan niya ito gamit ang sumbrero at isa pa, nakayuko ito. “Yon lang ba? Wala ka bang picture?” dismayadong tanong ng babae sa akin. “Meron,” sagot ko. Ipinakita ko sa kaniya ang larawan ng babae, iyon ‘yong naka harap siya sa camera at hinarang ang kamay niya sa cellphone. “Siya ‘yan…ang pumatay sa lolo ko.” Nanliit ang mga mata ng babae, maya-maya ay naibuka nito ang kaniyang bibig. “Wth?” Kunot-noo akong napatingin sa kaniya. “Bakit?” “Sigurado ka bang siya ang pumatay? Malaking accusation ito.” “Oo, sigurado. Teka nga, kilala mo ba siya?” Mabagal ang naging pagtango ng babae habang hindi pa rin maalis ang tingin sa screen. “Anak siya ni Senator,” mahinang bulong nito na narinig ko. “Anak ni Senator Agustin Villavicencio,” tumingin ang babae sa akin, sinalubong ko ang mga titig nito. “Olivia Villavicencio.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD