Sikel Villavicencio
Pinili ko munang manatili sa kuwarto, mas mabuti na rin iyon para sa katahimikan ng lahat. Matapos tawagan ng dalaga ang kaniyang ama dahil sa mga naging kaganapan, hindi ko na alam ang mga sumunod pang nangyari. Pinagmasdan ko ang sugat na aking natamo mula sa mariing pagkakahawak sa akin, sinubukan ko itong galawin, ngunit medyo makirot pa rin. Napabuntong-hininga na lamang ako bago itinuon ang pansin sa buong kuwarto.
Lumulamang ang kulay kayumanggi sa paligid, nasa iba at ibang shade ito. Hindi ito nakapagbibigay sa akin ng homey ambiance dahil walang kahit anong halaman na bumabalot sa paligid. At malayo na nasilayan ko kanina, ang paligid ng kuwartong ito ay walang kahit anong palamuti. Hindi rin makawala sa aking pakiramdam ang init ng paligid, sinubukan kong hanapin ang aircon ngunit hindi ko ito natagpuan. Hindi rin nakalagpas sa aking paningin ang mga gamit na nasa loob at ang aroma na nanggagaling sa pabango at kung hindi ako nagkakamali, babae ang nagmamay-ari niyon.
Ayon sa binata, kuwarto raw ito para sa mga kasama nila sa bahay. May nakalaan daw na puwesto para sa akin sa bahay na ito ngunit hawak daw ng kaniyang ama ang susi at ipinapahawak lang sa mayordoma tuwing katapusan ng buwan upang linisin ito. Ang bagay na iyon ay hindi ko lubos maisip, hindi ko gustong maniwala na mag-aaksaya siya ng panahon para lang gawan ng kuwarto ang tulad ko. Hindi ko nais isipin na may pakialam siya sapagkat batid kong wala, ang tanging nasa isip lamang niya ay ang hinahawakan niyang pangalan. Sa kabilang banda, nakababahala ang kaniyang itinuran. Papaanong may nakatitiis sa ganitong lugar? Oo, hindi nalalayo ang dati kong buhay sa ganitong kapaligiran ngunit kung ikaw ay nakatira sa isang marangyang bahay na halos hindi ikabahala ang magagastos sa kuryente dahil sa dami ng appliances, mapapatanong ka nalang sa sarili mo kung bakit ganito ang pagtratrato sa iyo. Hindi ba nakikita ng binata ang ganitong pagkakamali? Ni minsan ba naisip niyang mabahala dahil sa ganitong bagay?
Pabagsak akong humiga sa makapal at malambot na kama. Nakaramdam ako ng antok ngunit pilit kong nilabanan ito. Anong oras na ba? Wala pa akong tulog mula noong napagdesisyonan kong bumyahe. Dumako ang aking atensyon sa shouldered bag, tinatamad kong kinuha iyon at binuksan. Kinuha ko ang magazine, naaalala ko na dinala ko ito mula sa eroplano kanina. Pinagmasdan ko ang cover, at naroroon ang isang babae na nagngangalang Felicity Yap, isa siya sa mga tinatawag na "self made millionaire" dahil sa wala raw itong kamag-anak na mayaman na nakapagdala sa kaniya sa kasalukuyang posisyon, kilala ito sa pagiging photographer hindi lang sa mga wedding events ng mga bigating mga artista, kundi maging ng mga politiko sa Pilipinas. Ang kaniyang trabaho ang isa sa mga naging dahilan kung bakit nakilala niya ang isang businessman sa bansa, at ang sumunod pa na dahilan ay ang kaniyang hindi maipagkakaila na karisma.
Binuksan ko ang susunod na pahina. Nakalagay doon ang inspiring stories ng babae, binanggit nito ang kaniyang mga organization na pinangunahan na ang layunin ay tumulong. Naisama rin ang kaniyang kasintahan, may litrato roon na magkasama sila at may quote and unquote din mula sa lalaki.
"Finding a woman like her is my biggest investment. Here is the tip: If you want to be successful, find a partner who will be going to achieve that with you."
Ngunit isa ka nang matagumpay bago mo pa nakilala ang babaeng kasama mo ngayon, isip ko. Karamihan sa mga mayayaman, sinasabi na dapat naghahanap ng katuwang na magpapalago sa isa at isa. Hindi naman maipagkakaila na totoo iyon, ngunit sa kabilang banda, ipinaparating ng mga ito na nagustuhan sila ng mga babae nang wala pa silang kahit anong achievement, na siyang hindi makatotohanan.
Ang mga katulad nilang mayayaman ay mayaman din ang hanap. Nasa fictional stories lang ang maghahanap ng mahirap ang isang business tycoon, dahil ang totoo, ang mga nakaaangat sa society ay nagnanais na makahanap din ng babaeng hindi lang maganda, kundi matalino at maabilidad sa mga bagay-bagay. Isa sa mga dahilan ay dahil hindi ng mga ito nais na mapunta sa wala ang kanilang mga pinaghirapan, at pangalawa ay dahil may mini-maintain silang imahe.
Kung kaya hindi ko maintindihan kung bakit may mga Pilipinong nag-aasawa ng mga banyaga dahil lamang nais ng mga ito na yumaman. Hindi kulay, wika, at accent ang makapagdidikta ng kapasidad ng isang tao o ng estado nito sa buhay. Karamihan sa mga ito ay pumupunta lamang sa bansa dahil sa pansamantalang aliw o hindi kaya nais lamang na mag-asawa, hindi dahil sa mahal nila nila ito kundi dahil para may katuwang sila sa buhay. Hindi ko gusto ang mga nababalitaan ko na dahil lamang sa insurance ay may nawawalan ng buhay. Hindi na bago iyon, pero nakadidismaya na may mga taong kayang gawin iyon sa kapwa nila dahil lamang sa pera.
Bumukas ang pinto at iniluwa nito ang isang babae. Kaagad akong napaupo, sandali pa akong nahilo dahil sa ginawa kong iyon. Tipid na ngumiti sa akin ang dalaga, tinanong ako nito kung puwede siyang pumasok at tumango na lamang ako. Dahan-dahan ang kaniyang naging hakbang, saka siya umupo sa sofa. Kaniyang pinagmasdan ang kuwarto bago muling itinuon ang pansin sa akin.
"Are you comfortable in this room?" Nang malaman ang aking kasagutan ay ngumiti siya. "Good to know that."
Katahimikan ang namayani. Kung kanina sa mesa kasama ang kaniyang ina ay hindi matigil ang kaniyang pananalita, dito sa kuwarto kung saan kami lang ang naroroon ay hindi niya mahagilap ang susunod na sasabihin. Naririnig ko ang kaniyang paghinga, paulit-ulit niyang tina-tap ang kaniyang mga daliri at tumitingin sa malayo.
"M-my brother told me...that you are my sister." Nakahinga siya nang maluwag nang sabihin iyon. "He said that I should treat you better since you meant no harm, and you will going to leave sooner so being angry with you will be in vain, but...how?"
Tumingin ito sa akin, namumula pa rin ang kaniyang mukha. "How come that you happen to be one of us? Did my dad cheat on my mom? Is that why she could not stop herself from hurting you? Why are you here? Are you going to ruin my dad's political plans? Why did they hide this from me?"
Napansin ko ang panginginig ng kaniyang mga kamay. Nang makita niyang nakatingin ako roon ay kaagad niyang itinago at kinagat ang kaniyang labi. Pilit niyang ikinikimkim ang sama ng loob kahit na sobrang nakikita ko ito. Napaka-expressive ng kaniyang mga mata, napakadaling basahin ng kaniyang mga kilos kung kaya alam ko.
Hindi ko alam ang aking isasagot sa kaniyang naging sunod-sunod na pagtanong. Matapang siya para itanong sa akin ang mga iyon, kahit sa samu at saring nararamdaman ay pinili niyang harapin ako para marinig ang mga kasagutan, ngunit katulad niya ay hindi ko rin alam. Naaalala ko ang sarili sa kaniya, noong una kong marinig ang katotohanan sa harap pa ng mga tao. Araw iyon ng tagumpay ko, pero pilit na natabunan dahil sa mga isyu sa aking pagkatao. Inihilig ko ang aking mukha at pilit na pinigilan ang nagbabandyang luha.
Hindi ako nakasagot sa kaniyang mga katanungan. Tulad niya ay uhaw din ako sa mga ito. Mukhang batid naman niya na hindi niya mahahanap sa akin ang mga kasagutan, pinili niyang ngumiti at huminga nang malalim. "You should change, I have some shirt for you but I do think that I would be a loose shirt somehow."
Naiintindihan ko ang nais niyang iparating. Matangkad siyang babae kumpara sa akin, bukod pa roon ay may kalakihan ang kaniyang katawan—hindi 'yong laking dambuhala. Dahil nga matangkad siya, normal na maging malaki lang din ang kaniyang mga kasuotan. Umalis siya at nangakong magdadala ng damit, sinulit ko naman ang pagkakataon na iyon upang maligo.
Matapos niyon ay nakita kong naghihintay siya sa sofa. Nakalagay sa higaan ang mga dinala niya at kapansin-pansin na merong pangloob doon, ngunit sinigurado niya sa akin na bago raw iyon. Tinanong pa ako nito kung gusto ko raw bang maging parte ng vlog niya. Hindi pa ganoon kagaan ang atmosphere namin sa isa at isa ngunit niyayaya na niya kaagad ako. Hindi ko maintindihan kung papaano niya madadala iyon. Pinili kong tumanggi sa kaniya dahil may hinala ako na ang magiging caption ng vlog na iyon ay magiging kontrobersyal, hindi ko gustong makakuha uli ng spotlight mula sa media.
"How about movie night?" pag-iiba niya ng usapan. Gusto kong paalisin siya dahil nagbibihis ako ngunit pinili ko na lamang na pumasok muli sa banyo upang doon gawin iyon. "So what is your favorite movie?"
"Lord of the Rings," wala sa sariling napangiti ako nang maalala iyon. Nabanggit ko dati kay Jordan na gusto kong tumira sa kabundukan, isa sa mga naging inspirasyon ko roon ay ang series ng LOTR. Gusto ko ang buhay ng isang Hobbit, 'yong walang inaalalang gulo dahil puno ng kasiyahan at pagkain ang buhay nila.
"Haven't heard of that, but it seems like sort of battle movies. I bet you like War of Titans, and Star Wars too?" tumawa ito, tila nang-aasar. "I'm just kidding. No mockery intented, but can you handle watching Spice Girls?" Napabuntong hininga na lamang ako sa kaniyang kakulitan.
Sa huli, napili naming manood ng High School Musical. Kwento iyon ng pag-ibig ng mga kabataan na may halong musical. Para akong bumalik noong ka-edaran ko siya kung saan punong-puno pa ng mga pangarap at imahinasyon ang aking iniisip. Masaya ang nasa gano'ng estado at nakalulungkot na hindi na maibabalik pa ang oras. Hindi pa man natatapos ang pinapanood namin ay nakarinig kami ng pagkatok. Ang kaninang dalawa na nakapangalumbaba habang nakangiti sa pinapanood ay natuon ang pansin ang binatang kapapasok lang.
"Dad is here," bumalot ang kaba sa aking dibdib. Ito na ang oras na aking hinihintay ngunit bakit tila nawawala ang tapang na dinala ko rito? Dumapo ang tingin ng binata sa akin. "He is waiting for you."
Bumaba kami sa hapagkainan. Mula palang sa malayo ay amoy ko na ang mga bagong luto, hindi magkanda-ugaga ang mga katulong sa ibaba. Tinatanong ng mayordoma kung naroroon na ba sa hapag ang mga inihandang pagkain. Tumabi sa akin ang binata, sinabi nito na matagal na raw na hindi umuuwi ang kaniyang ama dahil sa mga inaasikaso nito kung kaya normal na magpanic ang mga kasambahay lalo pa at wala pang dalawang oras ang kanilang naging preparasyon para sa mga paboritong pagkain ng amo nila.
Habang papunta kami roon, natanaw ko ang likod ng isang lalaking nakasuot ng simpleng itim na t-shirt at itim na jacket na pang-itaas. Bakas sa tindig nito ang pagiging makapangyarihan, maingat ang kaniyang naging paghawak sa baso, sinalinan iyon ng alak na unti-unti niyang ininom. Nang marinig niya ang aming mga hakbang ay itinigil niya ang ginagawa saka dahan-dahang ibinaling sa aming direksyon ang kaniyang tingin. At nang tuluyang dumapo ang walang kulay na kaniyang mga mata ay tila nahigit ang aking hininga.
"Let's go?" Ibinaling ko ang atensyon sa binata. Nakalahad ang kamay nito sa akin na siyang tinanggap ko. "You are shaking. Just chill."
Hindi nakatulong ang payo niyang iyon. Sa palagay ko ay mas lalong lumala pa nang tuluyang makaharap ko siya. Hindi ko alam ang una kong mararamdaman; kaba, inis, galit? Hindi ko maintindihan kung bakit gusto kong sumigaw sa harap niya. Pilit kong pinapakalma ang nag-aalburoto kong emosyon dahil hindi naman ito makatutulong ngayon.
"I need to talk to you," lahat sila ay napalingon sa akin. Sumilay ang ngiti sa labi niya at kaagad na umiling. Hawak nito ang baso na may alak at prenteng nakaupo.
"Too fast. Why don't we eat first? It has been a while since this family ate together."
Napansin ko ang paghigpit ng hawak ng asawa nito sa tinidor. Tumingin ito nang matalim sa akin bago yumuko. Nawala ang tapang na ipinakita nito kanina, tila ba naumid ang dila kaya hindi makapagsalita.
Tinawag ng lalaki ang sekretarya nito na hindi ko napansing nakatayo sa gilid. Sinabi nitong ipakansela ang mga susunod na meeting dahil may importanteng gagawin. Pinagmasdan ko ang mga pagkain, sinubok ang kapasidad ng utak na maalala ang mga putahe na nasa harapan, ngunit kahit anong pilit ay wala talagang maisagot. Estranghero ang mga ito sa aking mga mata, para akong nakatingin sa isang 5-star hotel dahil sa perpektong pagkakaayos ng mga iyon. Sa tingin ko ay naroroon na ang appetizer, main course, at ang dessert; at ibinase ko iyon sa mga aking mga nakikitang kulay at paraan ng pagkakahanda.
Hinila ng binata ang upuan para sa akin. Muli kong nilapat ang tingin sa lalaki at sa hindi malamang kadahilanan ay hindi ko mahanap sa kanilang hitsura ang pagiging mag-ama. Hindi ko alam kung bakit hindi ko ito nakita noon pa man, pero sapat bang basehan iyon? Magkagayunpaman, hindi maipagkakaila na kapwa silang tumataglay ng malakas na awra. Inilapat ko ang tingin sa plato na mayroong iba't ibang mga kagamitan ang naroroon na siyang nangangailangan lamang ng common sense kung papaano gagamitin. Naging tahimik ang paligid, para bang takot ang lahat na magsalita. Hindi, hindi lahat. Dahil nang ibaling ko ang atensyon sa katabi, may kung anong pangungulila sa mga mata nito na napunan.