Sikel Villavicencio
"Pinapatawag po kayo," Nasa malalim ako na pag-iisip nang kumatok ang babae. Binuksan ko iyon at sumalubong sa akin pamilyar na mukha; siya ang pinapapaselos ng binata kanina. Hindi ko na kinailangan pang pahirapan ang aking sarili sa pag-iisip kung sino ang taong may utos sa kaniya n'yon. Tumayo ako at naglakad, sinalubong ang isang babaeng yumuko at gumawa ng espasyo na madaraanan ko.Nagpasalamat ako sa kaniya at magtatangka nang humakbang ngunit kagaya ng inaasahan ay ibinuka nito ang bibig, at sinimulang kausapin ako. "Totoo bang girlfriend ka niya?"
Hindi na marahil nito napigilan ang sarili. Batid ko na nais nito akong kausapin mula pa kanina, ngunit kumukuha lamang siya ng pagkakataon kung saan mag-isa lamang ako. At ito, ang hinahanap niyang oras dahil walang sinuman sa mga kapatid ko ang aking kasama. Ibinalik ko ang atensyon sa babae, at hindi ko pa rin maunawaan kung bakit at sa papaanong paraan ay naging kasama nila ito sa bahay. Noong pumasok ako rito, aking unang palagay ay sadyang pinili nila ang mga taong mukhang may lahing banyaga para lamang mapagdiinan na nakaaangat sila, ngunit habang tumatagal sa lugar na ito, napansin ko na ang ibang mga naninilbihan ay hindi naman katulad niya.
Tama bang isipin ko na may kalokohang ginawa rito ang kapatid ko? Kapatid ko. Ni minsan sa buhay ko ay hindi ko inisip na maririnig ko iyon mula sa aking sarili, na matatanggap ang dalawang iyon nang mabilis bilang parte ng aking pagkatao. Sino bang makaiiwas? Mahirap magtanim ng sama ng loob sa mga taong biktima lang din ng pagkakataon lalo pa kung maganda ang pakitutungo ng mga ito sa iyo.
May iba at ibang mukha ang mga tao sa samu at saring sitwasyon at hindi na bago iyon. Tinatawag nilang pagpapakitang-tao ang mga taong gano'n, ngunit lahat tayo ay mayroong duality. Katulad ko na pilit itinatago ang pagiging pusong lalaki, katulad ng taong sadya ko ngayon na kapag nasa harap ng mga mamamayan ay mukhang taglay ang pagiging makabayan. Lahat tayo ay impokrito sa iba at ibang sitwasyon, dahil tayong mga tao ay pawang mga indibidwal na ang survival ay nakabatay sa pagmamanipula.
"Pasensya na kung ganito ang mga itinatanong ko, kalimutan mo nalang."
Sinabi nito ang kuwarto ng hinahanap ko at pagkatapos niyon ay tuluyan nang nawala sa aking paningin. Mabuti na rin dahil hindi ko kayang magsinungaling sa mga taong katulad ko rin ang pinagdaraanan; nagmamahal sa hindi kayang ibalik ang nararamdaman at mas lalong hindi ko rin kayang sirain ang tiwala na ibinigay sa akin ng binata.
Isa iyon sa mga paraan para makaalis sa hot seat, hintaying baguhin ng nagtatanong ang kaniyang naging sadya, hintaying umatras ang indibidwal nang mapagtanong masyadong sensitibo ang katanungan, o hindi kaya ay kumain nang mabagal hanggang sa matanggal ang atensyon nito sa iyo.
Nagpatuloy ako sa paglalakad sa hallway na nababalot ng itim, puti, at mala-ginto. Sinimulan ko na ring masanay sa bawat chandelier at painting na nakasasalubong. Marahil ay dapat ko nang isipin na nasa isa akong art museum at hindi sa isang mansyon dahil sa mga ito. Napakapit ako sa hawakan ng hagdan, sinulit ang pagkakataon na mahawakan iyon at matanaw nang lubusan ang mga taong nasa ibaba at abala sa kani-kaniyang gawain. Mariin akong pumikit at napatingala, inalala ko ang dahilan kung bakit ako narito. Napakapit ako nang mahigpit sa aking shouldered bag, ipinasok ang kamay roon at kinapa ang parihabang bagay.
Nang ibaba ang tingin ay nakita ang binata, kaagad akong umatras para hindi niya makita. Ngunit bago ko pa man gawin iyon ay napansin kong hinila niya ang dalaga, at tingin ko ay magandang pangyayari iyon. Kailangan nila ng oras para magkaunawaan sa isa at isa. Hindi naman maitatanggi na may pagtingin sila bawat isa, kung kaya bakit pa nila pinapahirapan ang sarili? Dahil ba ito sa antas sa sosyalidad? Hindi na ako magtataka kung gano'n nga. Minabuti ko rin na itago ang aking pagkatao sa spotlight dahil sa mga isyu na iyon, at sa magandang pagkakataon ay hindi gaano kalawak ang medium ng mga nakikiisyosong kapit-bahay sa buhay ko. Hindi ko nais na tanggapin lamang ako ng ibang tao dahil sa pangalan na nakadikit sa akin, hindi ko nais na mailang si Cruz kapag nalaman niya ang tungkol sa mga ito.
Muli akong nagpatuloy sa paglalakad, tuluyang makarating sa destinasyon ay napatingala sa tapat ng isang pintuan, sa sobrang kinis niyon ay kitang-kita ko ang aking repleksyon. Hinawakan ko ang sendura, pipihitin na sana iyon ngunit sa hindi malamang dahilan ay binalot ng kaba. Hindi matigil ang mabilis na t***k ng aking puso na para bang nauubusan ng hangin ang paligid at dahil doon pinagpapawisan ako.
Hindi ko na mabilang kung makailang beses ko nang ikinikiskis ang palad ko sa suot kong pantalon habang nakatingin sa pinto. Napakadali lamang kumatok, ano ba ang bumabagabag sa akin? Huminga ako nang malalim, mariing pinikit ang mga mata bago tatlong beses na kinatok iyon. Pinagbuksan ako ng pinto, maririnig ang mabigat na tunog na nililikha nito na magpapatunay kung gaano ka mahal ang materyales. Bumungad sa akin ang isang babaeng may maiksing kulot na buhok, naka-formal suit ito na hapit sa kaniyang katawan; ito ang kaninang nasa likuran ng lalaki habang kumakain at hindi magdadalawang isip ang kahit na sino para mai-konsedera siya bilang sekretarya.
Ngumiti ito sa akin at may kung ano rito na hindi ko mawari. Bakit parang kilala ako nito sa paraan ng kaniyang pagngiti? Iyon bang tipo ng kaibigan na matagal mo nang hindi nasisilayan kung kaya nagagalak ka nang muli kayong magkita. Masyado lang ba akong nag-iisip? Kahit na maraming katanungan, hindi na ako nag-abala pang pag-aksayahan ng pagkakataon ang mga iyon.
"You may now enter, madam." Gamit ang palad ay itinuro nito ang daan. Naiilang hakbang pa lamang ako nang muli niyang ibinuka ang bibig. "By the way, Senator Agustin told me that he is looking forward to meet you."
Blangkong ekspresyon ang namutawi sa akin kahit pa ramdam ang sigla sa boses nang sambitin iyon ng babae. Pinili kong iwaksi ang mga ideyang hindi matapos-tapos sa aking isipan, itinuon ko ang aking atensyon sa silid at kahit sandali ay napukaw nito ang aking oras.
Hindi ko mapigilang mamangha habang pinagmamasdan ang paligid. Mula sa labas, hindi aakalin ng kahit sino na malaki ang madaratnan dahil para itong isang pinto na nagbubukas pa ng isa pang kuwarto. Napaka-aliwalas, napakaraming libro sa sulok, at ang mga marmol na nakatatakot tapakan dahil baka mabasag. Nagkalat ang mga diploma sa pader, maging ang larawan ng nagmamay-ari nito. Huminto ako sa isang larawan, kahit na black and white ang litrato dahil sa nalipasan na ito ng panahon, makikitang naka-checkered na polo ang lalaki, bahagyang nakikita ang kaunting dibdib nito dahil sa naiwang nakabukas na butones, parang ginawa ang perkpektong mga kilay, maayos ang buhok, at ang ngiti nitong bahagya na para bang nahihiya. Siya iyon noong kabataan niya at bakit ba pakiramdam ko, sa lahat ng nakita kong larawan sa bawat pasilyo, ito ang pinakatotoo?
Itinuon ko rin ang atensyon sa isa pang larawan niya na kung saan ay mukhang gruaduation. Makikita ko rin doon ang ngiti, ngunit mukhang hindi siya masaya. Sa pagkakaalam ko ay pinili muna nitong mag-aral sa Pilipinas bago nagdesisyong mangibang bansa. At hindi rin lingid sa aking kaalaman na likas itong nakaaagaw pansin hindi lamang sa akin nitong magandang mukha nito kundi maging sa talino.
Muli akong nagpatuloy sa paglalakad hanggang sa marating ko ang isang conference room, nilingon ko ang sekretarya at bahagyang yumuko bilang pasasalamat sa kaniya. Muli kong itinuon ang pansin sa aking harapan, babasagin ang bagay na iyon, at siniguradong may seguridad ang mangyayari dahil sa hindi makita ang mga mukha ng nasa loob. Agaw pansin din ang mga nagkalat na surveillance camera na kanina pa sinusundan ang ikinikilos ko, mukhang may motion sensor ito.
Mula sa aking kinatatayuan ay nakikita ko siyang may kinakausap sa telepono sapagkat kahit hindi nakikita ang mga tao sa loob, lumilikha naman ng anino ang mga ito. Naririnig ko ang kanilang usapan at mukhang may pagtatalong nagaganap. Balak ko sanag hayaang matapos ang mga nangyayari, ngunit hindi ko na nagawa dahil nang napahilot sa sintido ang lalaki bago nabaling ang atensyon nito sa akin.
"Ear dropping? Come, take a seat."
Muli ko na namang narinig ang kaniyang boses. Itinago ko ang kamay sa likuran at pinaglaruan iyon, nagbabakasakaling guminhawa ang pakiramdam kahit kaunti. Mabagal ang aking naging paglakad papunta sa kaniya. Simple lamang ang laman ng paligid, bukod sa telebisyon, isang parihabang mesa, at mga upuan ay wala na itong ibang nilalaman. Napansin ko na may isa siyang lalaking kasama, nakasuot ito ng kulay kayumangging jacket, naka-ipit ang mahaba nitong buhok at nagtatakang nakatingin sa direksyon ko. Hindi ko mapigilang mapakagat ng labi. Ibinaling ko ang atensyon sa lalaking nasa harap ko na ipinakita ang mapaglarong mga mata. Nasisiyahan siya sa mga nangyayari, ang bagay na iyon ay hindi nakagugulat.
"Wala akong alam dito Sierra. Pinatawag lang ako ni Senator Agustin, pero hindi niya sinabi na nandirito ka."
Hindi ko nais makinig sa kaniyang mga sasabihin. Muli akong humakbang hanggang sa makarating sa isang puwesto na halos limang upuan ang agwat kay Senator Agustin, 'tapos ay tumigil ako bago hinila at naupo roon. Bahagyang tumaas ang kaniyang kilay, napailing ito bago ipinagkrus ang mga braso.
"You haven't eat yet, have you?" Umiling ako, tinanggihan ang kaniyang alok na kumain muna. Sinabi ko sa kaniya na hindi ako magtatagal sapagkat may bagay akong dapat asikasuhin, sinubukan kong simulang kong buksan ang usapin ukol kay Jordan ngunit kaagad niyang itinaas ang kamay. "Your mother raised you really tough. Didn't she tell you that in order to catch that fruit, you have to patiently not just wait but do hard things to get it?"
Wala akong panahon para sa kaniyang matatalinhagang mga salita. Kung nais man niyang may ipagawa sa akin bago ko makuha ang aking mga nais, hindi ko magagawa iyon. Ipinasok ko ang aking kamay sa bag, may kinuhang bagay na inilapat sa mesa at ipinadulas papunta sa kinaroroonan niya.
Ngunit hindi niya kinuha iyon, ni ang bigyan lamang ng kaunting pansin. Kinuha niya ang alak, at isinalin iyon sa tatlong baso. Lumapit doon si Darius, kinuha ang alak at iniabot sa akin ang isa, pero tumanggi ako, ngunit inilapit niya ang mukha para pumantay sa akin.
"Trust me, Sierra, kailangan mo ito lalo pa na makakaharap mo ulit 'yang tatay mo." Ibinalik niya ang dating postura, nilingon niya ang nasa likuran bago itinaas ang basong hawak. "Alis na ba ako, Senator? Dapat ko ba kayong bigyan ng privacy mag-ama?"
Talagang pinagdiinan niya ang salitang "mag-ama". Ngumiti lang ito sa akin na parang nang-aasar. Bakit ba ang mga tao sa loob ng kuwartong ito ay sinusubok ang hangganan ng pasensya ko?
"No, stay in your line." Kumibit-balikat ang lalaki bago pasipol na bumalik sa puwesto.
"As you may know, I have allied with a party. Ismael Perez just submit his certificate of candidacy last week, and we are planning to endorse him, but I am having a tough track to know when."
Hindi ko kilala ang kaniyang tinutukoy. Matagal ko nang inalis ang sarili sa usapang pulitika dahil masyadong komplikado ang nangyayari. Pinagmasdan ko kung papaano inumin ni Senator Agustin ang alak habang nakatingin sa isang direksyon, ngunit batid ko na lumilipad ang kaniyang isipan. Mukhang may problema ito at kung ano man iyon ay hindi ko na nais alamin.
"How is your mother, Sierra?" Sandali akong natigilan sa kaniyang katanungan. Hindi ba ito nag-iingat sa kaniyang mga sasabihin? Paano kung nasalisihan siya ng kaniyang asawa sa kuwartong ito at atakihin nito akong muli?
At ano naman sa kaniya kung ano ang kalagayan ng aking magulang? Ngunit kumusta na nga talaga ito? Tiyak na mag-aalala siya dahil mula nang umalis ako sa bahay at dumating dito ay hindi pa ako nakatatawag sa kaniya. Hindi rin naman kasi niya magugustuhan kapag nalaman na luluwas ako para pumunta sa lugar na ito.
"Maayos siya, masaya sila, masaya kami."
"It is good that you are having a good time spending those luxuries I have brought you."
Ibinuka ko ang bibig, ninais na sabihing hindi ko ginastos ang alinman sa mga binigay niya. Ang mga pagkain, mga sabon, ang mga bayad sa kuryente sa mga appliances na nasa bahay ay mula sa hindi mabilang na trabaho at raket na aking pinapasok. Hindi tama na kunin niya ang credits sa kasiyahan na aming natatamasa.
Ngunit para saan pa iyon? Hindi naman ito ang aking sadya. Hinayaan kong isipin niya ang bagay na iyon. Yumuko ako, naglakad papunta sa kaniya at dahil hindi niya ito ponagtuunan ng pansin kanina, tuluyan kong inabot nalang sa kaniya.
At nang makita niya iyon ay nanlamig ang kaniyang pagkatao. Sandalinsiyang hindi nakagalaw, namutla ang kaniyang mukha, at napasarado ng kamao.