Andie Gregorio
Tagaktag ang pawis nang makarating ako isa sa mga street vendor, kumpol ang mga taong nandoon dahil malapit na ang Pasko. Kailangan talagang mag-ingat dahil kaunting pagkakamali lang ay p'wede nang matisod sa dami ng mga paa. Ramdam ang papalapit na okasyon, maraming banderitas na nagkalat sa itaas na akala mo ay may piyesta.
Walang pakialam kahit na sandamakmak ang pawis na dumidikit sa katawan, pilit pa rin silang nagsusumiksik na parang isang sardinas na nasa lata. Walang bago ro'n dahil kung kinalakihan mo ang ganitong lugar, magiging parte na ito ng bawat mile-segundo ng buhay mo dahil sanayan lang naman talaga rito sa Maynila. Kung hindi kaya ng sikmura mo rito, aba kailangan mo nang mag-isip kung nasa tamang lugar ka ba. Baka naman kasi iniisip ng marami na ang syudad na ito ay lugar ng mas maraming oportunidad sa bansa.
Mabilis ang aking mga hakbang, sumasabay sa daloy ng mga walang pakialam na tao kahit na sumasagi na sila sa maseselang bahagi ng katawan. Nararamdaman ko nga ang pagsabit ng mabibigat na parte ng balat na iyon sa balikat ko, pero wala lang iyon at patay-malisya na rin sila. Siguro dahil may mga may edad na rin, pero paniguradong iba ang takbo nito kapag mga anak-mayaman o 'di kaya mga self-proclaimed vloggerist na baka isang kisap mata mo lang ay pinagpipyestahan ka na sa f*******:. Pero kung sabagay, may mga tigang talaga rito at kahit pagsabihan mo silang ikiskis nalang iyon sa kanilang mga pantalon, wala ring magiging silbi dahil gagawa talaga sila ng paraan para makaisa.
Kaniya-kaniyang bitbit ng mga binili at ititinda, naglalakihan man o hindi. Napamura ako nang muntik nang matisod dahil sa paa ng batang nakaharang na umiiyak. Tingnan mo nga naman, may tangang magulang na naman ang nakawala ng anak niya. Palinga-linga siya sa paligid at mukhang may hinahanap, walang pumapansin dito at siyempre bakit ba nila gagawin 'yon? Teka, nawawala ba talaga ito o baka naman sinadyang iniwan? Ano bang pakialam ko? Inalis ko ang tingin sa bata dahil hindi ko naman trabaho 'yon; dagdag palamunin lang ang gusgusin na iyon. Kaagad akong tumakbo papunta sa lugar na iyon, pero napahinto rin ako na parang kotseng biglang prumeno.
Shit. Bobo mo Andeng!
Kaagad akong bumalik papunta roon, sa lugar kung saan ang pwesto ng bata kanina. Mabuti nalang nandoon pa rin siya na palinga-linga, mukhang napagod at balak umupo. Dahil doon, nawala siya sa paningin ko kaya dali-dali akong pumunta roon. Nakita ko siyang nakaupo malapit sa kanal, may tindera roon na napansin siya at kaagad siyang pinaalis.
"Malas!"
Malas, huh? Nang makarating ako sa bata, yumuko ako para pumantay sa kaniya. Tumingin ito sa akin, mapungay ang mahabang pilik-mata, marumi ang damit nito at may amoy na rin. Hindi siya nawawala. Kung nawawala ito, hindi dapat siya ganito karumi, dapat kahit papaano medyo bago ang damit niya, kaya siguradong kapwa lang din namin itong taong-kalye.
"Kapatid mo ba 'yan? Paalisin mo nga rito. Malas kayo rito sa paninda ko."
Puta, paano ko mapagkikitaan ng pera itong batang ito? Hindi naman magbibigay ng malaking pera ang kapwa ko na lumaki sa kalye. Ano bang pinasok mo, Andeng?
Teka...
Hinawakan ko ang panga ng batang lalaki, nanliit ang mga mata ko. Napapitik nalang ako ng dila. "p****k nanay mo, 'no?"
Tumayo ako at tumalikod sa kaniya. Handa na akong iwan ulit siya roon dahil na rin sa alam kong wala akong mapapala. Hindi naman ako katulad ng iba na ibebenta ang batang ito para maging parausan, kahit pa malaking pera rin iyon. Pero hindi pa ako nakatatatlong hakbang nang maramdamang may humila sa damit ako, no'ng nilingon ko kung sino ay nakita ko 'yong half foreigner na bata. Nagsasalita siya pero hindi klaro, pero alam ko naman ang gusto niyang sabihin.
Umiling ako sa kaniya. "Hindi kita p'wedeng dalhin. Humingi ka nalang ng tulong sa iba. Naiintindihan mo ba ako?"
"Hoy! Hindi pa ba kayo aalis?! Gusto niyo bang tumawag ako ng pulis?!"
Nilingon ko 'yong babaitang putak nang putak. Tinaasan niya ako ng kilay at tiningnan mula ulo hanggang paa. Aba, lakas makainsulto, ah. Para namang may lisensya itong tindahan niya, napaka-matapobre amputa.
"Mabuti pa nga tumawag ka ng pulis 'tapos..." mahina kong tinulak ang bata papunta sa kaniya. "i-report mo 'yang bata, mukhang iniwan ng nanay." Hindi ko na siya hinintay pang sumagot dahil kaagad akong umalis at iniwan sila roon. Lumilingon-lingon pa ako para makita kung bumubuntot pa sa akin 'yong bata, mabuti nalang dahil hindi.
Nagliwaliw ang aking mga mata sa paligid habang nasa gilid habang panaka-nakang tumitingin sa mga paninda. Kinuha ko ang isang laruan na bola, pinisil-pisil ko iyon at dinama ang tusok, inalog-alog hanggang sa umilaw ito. Balik sa trabaho na ngayon, masyado akong naging distracted sa nangyari kanina at kamuntikan nang makalimutan na may tinatakasan nga pala ako. Nasaan na ba ang bastardong 'yon? Sinabi naman kasi sa kaniya na doon lang siya sa p'westo niya. Nakaka-badtrip talaga.
"Teh, bibilhin mo ba 'yan?" nilingon ko 'yong batang babae, mas maliit siya sa akin at mukhang mas bata pero kitang-kita na mas nakaaangat sa buhay. Ayos ah, menor de edad palang pero tuyong-tuyo na ang buhok sa mga gamot na pinaglalagay niya, plakado rin ang kilay na mas lalong nagpakita ng pagkainis niya sa akin. "Kung hindi mo bibilhin, ilapag mo na. Sinasasayang mo battery."
Tinarayan ko siya. Tangina niya, parang kung umasta siya eh malulugi negosyo niya dahil doon. Kanina, iyong babaita na panay sabi ng malas 'tapos ngayon siya na naman. Sinasagad talaga ng mga tao sa paligid ang pasensya ko. Magkano ba 'yon? 10 pesos? Mas mahal pa nga pinang-rebond niya doon. Magsasalita pa sana ang babaeng 'yon nang umalis na ako, masyado siyang panira ng araw. Mabuti nalang talaga magpa-Pasko ngayon at kahit papaano may pantapal na mga buenas.
"Andeng," tumingin ako sa lalaking kanina ko pa hinahanap. Nakasuot siya ng itim na damit, may panyo rin sa ulo at parang tangang naglalakad. Kaagad akong lumapit sa kaniya, binangga ko at napa-aray siya, sinadya kong laksan iyon para madama niya kung ano na namang ginawa niyang mali, minura ko rin siya kahit wala iyon sa plano.
"Tumingin ka sa daan mo!" puno ng panggigigil na hinawi ko ang buhok ko, saka umalis. Muli kong sinulyapan ang lalaki na may hawak na wallet, kaagad niya iyong ibinulsa. Nakuha namin ang atensyon ng mga tao, pero sandali lang iyon dahil nga abala rin sila sa kani-kanilang mga buhay. Napangisi ako bago kinuha ang yosi sa aking bulsa. Nang makalayo ay kaagad na tumabi sa gilid at
hinithit iyon.
Habang nando'n, nakita kong may isang babae na nahihirapan sa bitbit niya. Malaking plastic na itim at puti ang kulay, at punong-puno ng mga laruan. Kaagad akong lumapit sa kaniya habang nakaipit ang yosi sa kamay ko. Sumalubong ang kilay ng babae nang makita niya ako, inalok ko siya ng tulong pero pinasadasaan niya ako ng tingin. Nak ng!
"Teh, tutulungan na nga kita hinuhusgahan mo pa ako," medyo natigilan siya ro'n, 'di niya siguro inaasahan na masyadong matabil ang dila ko. "Ge, alis na ako."
Tinalikuran ko siya, nakaiilang hakbang palang ako nang marinig ko siyang sumigaw. Nabutas pala ang kaniyang plastic at nagkalat ang mga laruan, ilan doon ay natapakan pa. Napapitik nalang ako ng dila saka lumapit sa isa sa mga nakahilerang paninda, walang pasabing kumuha ako ro'n ng plastic na kasing laki rin ng dala niya 'tapos inabutan ko nalang ng pera. Mabilis akong lumapit doon sa babae at tinutungan siyang damputin ang mga laruan, napatitig pa siya nang sandali sa akin habang maluha-luha pero iniwas din niya ang tingin at hinayaan ako sa ginagawa.
"Hoy!" dinuro ko ang isang binata, may malaking hikaw siya sa tenga at kitang-kita roon 'yong tanawim sa kabila. Napakadugyot talaga, pero fashion daw 'yon. "Oo ikaw, bulag ka ba?!"
Naramdaman ko ang magaspang na kamay na pumigil sa akin, 'yon ang babae na tinulungan ko. Umiling ito at sinabing huwag na akong gumawa ng gulo kaya pinabayaan ko nalang ang laruan na halatang sinadyang tapakan ng binata. Bumuntong hininga nalang ako at sinunod siya, pasalamat talaga ang batang iyon dahil mapagpasensya ang babaeng ito. Hinatid ko siya sa toda, paradahan ng tricycle, at nang makarating kami roon ay ngumiti ang babae. Paulit-ulit siyang nagpasalamat na nakaiirita na sa pandinig, hindi naman 'yon ang gusto kong matanggap.
"Heto," inabutan niya akong ng sengkwenta. Sa wakas, tinamaan din siya ng bait. Malayo-layo rin mula rito ang lugar kung saan ko siya tinulungan kaya dapat lang na magbigay siya dahil hindi naman makakain 'yang pasasalamat niya. Masakit sa braso 'yong bitbit niya dahil kahit laruan iyon, parang Santa Claus na ang dating dahil sa dami ng loot bags, pero syempre biro lang 'yon. Alam ko naman na ibebenta niya 'yon at pagkakakitaan din ang mga magulang ng mga bata.
"Salamat uli."
Tinanguan ko na lamang siya at tinapik ang bubong ng tricycle, umalis din ako roon. Habang abala sa pagtingin kung totoo ba 'yong pera na inabot niya, may binatang sumalubong sa akin na kaagad inilahad ang kamay. "Balanse ko?"
"O ito 'di ka makapaghintay, lumunin mo." Pabalang kong inabot sa kaniya ang singkwenta. Narinig ko naman siyang minura ako, nakita ko pa nga ang kaniyang pamamakyu, pero hindi ko siya hinarap dahil tinaasan ko rin siya ng daliri patalikod.
Ang ayaw ko talaga sa lahat ay ang mga katulad niyang sugapa sa pera na kinukursunada agad ang balanse niya kapag may naiambag siya sa grupo, 'tapos kapag maliit lang ang bigay ay mananakot na ititimbre kami sa pulis. Putangina niya talaga, hindi naman malaki ang ambag niya. Simpleng pagtapak lang sa laruan para makuha ang atensyon ng target namin ang gagawin niya, reklamador pa.
Marahas akong napabuntong hininga bago ipinasok ang kamay sa bulsa, ngumisi ako nang makita ang cellphone. Hinalikan ko iyon, pero maya-maya ay napansin kong may itim na goma na nakatali, nang tinanggal ko ay nakita ang battery. Bumagsak ang aking balikat. Bwisit, imitation pa. Peke. Ano pa bang aasahan ko sa mga gurang? Hindi naman marunong gumamit ng hi tech na cellphone 'yon.
Umupo na lamang ako at napasandal sa pader habang naghihintay. Maya-maya pa ay dumating na siya, iniangat nito ang wallet nang tumapat sa akin. Tiningnan ko lang iyon saka inilipat ang mga mata sa kaniya. "Hindi ko binawasan 'yan." Kaagad niyang sabi, pero 'di pa rin ako nagsalita. Ang ayaw ko sa lahat, manggagantso. Dito sa kalakaran naming ito, pare-parehas kaming nabubuhay sa nakaw at dapat kahit magnanakaw kami, merong pa ring moralidad pagdating sa aming mga kasamahan. Pero hindi uso iyon sa mga lalaking nandito, mangingikil sila kung gusto nila na akala mo ay may patago. Kung p'wede lang talagang magnakaw nang mag-isa, kaso hindi talaga iyon pup'wede. Malabong mangyari dahil ang bawat isa sa amin ay may kani-kaniyang role na ginagampanan sa bawat ginagawa naming trabaho.
"Oo na," pagsuko ng lalaki. "Hayop naman, wala talagang takas sa 'yo eh no?"
Kinuha ng lalaki ang ilang papel sa kaniyang bulsa at ibinigay iyon sa akin. Kaagad kong tinanggap saka iniwan siya roon, nagsasalita pa ang lalaki, nagrereklamo habang sinusundan ako kaya kaagad ko siyang nilingon.
"Paano 'yong akin?" tanong niya na nanlalaki pa ang mga mata.
"Hindi pa ba sapat 'yang nasa bulsa mo?"
Napahawak na lamang siya sa baywang, napailing, at iniwan ako. Kitang-kita sa inaasta niya na inis talaga siya, pero parehas lang naman kami. Sinabi ko sa kaniya 'yong damit na dapat niyang suotin para hindi ako mahirapang maghanap sa kaniya, pero 'di niya ginagawa. Huminto siya sa paglalakad, nakita ko pa siyang may dinukot sa bulsa niya, may ilang libo roon. Bobo rin kasi siya, aamin nalang na may kinuha at ibabalik iyon, magpapahalata pa. Hindi siya nag-iingat sa paghila kaya nakita ko na nakalitaw na perang naiwan doon. Hindi naman ako maniniwala kung sasabihin niyang kinita niya iyon sa trabaho dahil una sa lahat, walang ganun. Pero kung propesyon man itong ginagawa namin, siguro nga ay employed kami at CEO pa dahil hawak namin ang oras.