Andie Gregorio
Binagsak ko ang sarili sa kama, 'di siyempre biro lang. Hindi uso rito ang foam, walang matres na p'wedeng pagsakan kapag nangalay ka sa kakatakbo. Pero p'wede ka namang humiga, kaya lang sa halip na maging komportable ka, mas lalong sasakit ang katawan mo dahil sa mga batong nasa ilalim ng karton na hihigaan. Wala naman akong choice, dati ay nag-iinarte pero wala namang maiaambag 'yon sa sikmura, kailangan pa ring makipagsabayan sa hirap ng buhay. Oo, mahirap dahil mahirap magnakaw.
"Ang bobo naman nito!" tumingin ako sa batang malapit sa tabi ko, nagse-selpon siya habang sinisinghot ang plastic. Sinubukan kong muling matulog pero dahil sa boses niya, 'di ko magawa. Dahil irita, kumuha ako ng bato at hinagis sa kaniya 'yon. Tinamaan ang kamay niya, at sa reaksyon nito na nakanganga ang bibig, mukhang hindi lang 'yong kamay niya ang nasaktan kundi puso niya. Puta, mukhang nabasag ko pa ata ang cellphone.
Hindi ko na naisip pang mabahala. Masyado na akong pagod sa mga nangyari, sobrang stress na ang idinulot sa akin ng dalawang pabigat kanina at naubos na ang lakas ko sa kakatakbo. Nailan ba kami ngayon? Kahit pagbibilang ay kinatatamaran ko na rin. Kailangan kong matulog para makapag-isip nang maayos, para sa susunod may makahanap ulit kami ng panibagong diskarte para mas lalong dumami ang mahahakot. Pero iyong pahinga na gusto ko ay sa imahinasyon ko nalang dahil sa batong tumama sa gilid ko. Nilingon ko ang pinanggalingan niyon at nakita ko si Chato na kumuha ng bato at pinagbabato ako. Tinamaan ako nito sa noo, at sa isang iglap, biglang nawala ang antok ko at ang gusto ko nalang ay sakalin siya hanggang sa mamatay. Bumangon ako, medyo nahilo pa pero kaagad nakabawi at handa na siyang sakalin pero tumakbo siya, nadapa pa ito at tumilapon ang cellphone. Hindi ko akalain na may itatanga pa pala siya, para siyang plywood na kulang nalang tangayin ng hangin dahil sa sobrang payat. Hindi na kasi tinigil ang pagiging adik, nilamon na ng sistema. Hindi na ako magugulat na kung isang araw ay bigla nalang siyang tumalon sa tulay dahil may saltik siya sa utak. Tinawanan ko siya dahil sa nangyari, 'di ko na kasalanan kung may itatanga pa siya lalo. Nilingon ko ang matandang lalaki, apo niya 'yong batang iyon pero mukhang wala na rin siyang pakialam. Aba, dapat lang. Papalayasin ko sila rito sa teritoryo ko kapag umangal pa sila.
Napahawak ko sa aking noo pero agad ko rin tinanggal dahil masakit, bumukol pa ang puta. Mabuti nga bukol lang at makukuha pa sa lamig ng kutsara, pero kapag dugo ito, siguradong makatitikim siya sa akin. Pero sa isang banda, kahit naman bukol lang ito ay hindi ko palalampasin ang pambabastos niya. Dumura na lamang ako sa gilid at muling pinagpagan ang karton na nalagyan ng mga buhangin at bato. Tangina talaga, ilang nakaw na bagay pa ba ang ibebenta ko para lang makabili ng kutson? Sawang-sawa na rin ako sa pakarton-karton. Kahit pa sabihin na mabigat ang kutson, may kamahalan, at magiging abala sa transportasyon namin, tingin ko naman ay sulit pa rin lalo na kapag binagsak ko ang sarili ko ro'n. Muli akong bumalik sa pagtulog, masyadong marami ang nangyari kanina. Hindi, walang nagbago sa ginagawa ko pero masyado akong maraming ginawa, ninakaw, at tinakasan. Karamihan ay wallet at cellphone lang naman, pero kapag bag na ang usapan, medyo mahirap kasing itago iyon, pwera nalang sana kung may motor pang get away vehicle namin.
Swak na para sa akin ang makabenta ng 300 pesos sa isang gamit, pero kung minsan masyadong oportunista 'yong bumibili dahil 200 lang ang kuha niya 'tapos libo kung ibenta, ang katwiran ng lalaki ay pinapalitan daw kasi niya 'yon ng materyales. Hindi na bago sa kaniya 'yon, 'yong mga customer nga na nagpapaayos sa kaniya pinapalitan niya 'yong kung ano-ano ro'n 'tapos sinasadyang hindi ayusin nang husto para bumalik sa kaniya at magpaayos uli.
Inilagay ko sa aking noo ang braso, pero agad ko ring tinanggal iyon nang makaramdam ng sakit. Muntik ko nang makalimutan na may bukol pala ako. Kapag talaga nakita ko 'yong batang iyon, malilintikan siya sa akin. Ano bang akala niya? Na dahil lang matanda ang nag-aalaga sa kaniya ay 'di ko na siya pwedeng paalisin? Kung tutuusin, p'wede ko siyang itsapwera at hayaang manatili rito ang lolo niya, tutal kahit matanda na 'yon ay may silbi pa rin, mas gumagana pa ang utak na purol.
Muli akong gumilid, humiga nang maayos, gumilid ulit, 'tapos tumingin sa ibabaw. Hindi na ako makatulog. Nakailang pikit na ako pero parang naduduling lang ako, ramdam ko rin na pumipitik ang ugat sa sentido ko.
"Gamot," tumingin ako sa inabot ng matanda. Initaas nito ang kamay niya na parang may inaabot sa akin at kahit kaharap ko siya, medyo malayo pa rin ang pwesto niya kaya kinailangan ko pang bumangon para kunin iyon. Inabutan ako nito ng tableta, binasa ko iyon at nang makita ang nakatatak ay kaagad kong itinapon pabalik sa kaniya.
"Balak mo pa yata akong patayin," sabi ko sa kaniya. Kahit naman ganito ang sitwasyon namin, hindi ko hahayaan na magkasakit ako. Sayang ang araw na walang kita, at kapag walang pera, gutom ang aabutin. "Saka ano ba 'yan? Bukol ito, hindi lagnat. Mag-isip ka nga, bwisit."
Expired na ang iniabot niya sa akin. Kahit walang expiration date, halata naman sa hitsura ng gamot na kupas na kulay at may butas-butas na rin 'yong lalagyan. Wala ba talagang matinong tao rito sa paligid ko? Pinanganak lang ba ako sa mundo para pasanin ang mga k*******n ng mga taong ito? Ginulo ko ang buhok ko dahil sa inis saka bumuntong hininga.
Tinalikuran ko siya, humarap ako sa semento na may mga vandalism na mga b***t. Isa roon ay ginawa ko, wala lang, boring kasi. Kung ikaw ba naman ang nasa posisyon ko na isang kahid at isang tuka, gagawa ka talaga ng mga bagay na magpapasaya sa iyo. Sa totoo lang, hindi naman 'yong vandalism ang pinaka punto ng lahat kung 'di 'yong mga maaasim na mukha ng mga naglilinis dito. Gusto kong makita 'yong inis ng mga 'yon kasi mas nakakaaliw 'yon kaysa sa mismong pagdo-drawing. Nawala na ang antok ko, kahit pumikit ay 'di magawang makatulog dahil na rin sa nangyari. Inaantabayanan ko rin kasi ang pagdating ng batang 'yon, baka mamaya habang tulog ako ay may gawing kalokohan sa akin, mahirap na. Kaya ayun, bumangon nalang ako at napabuntong hininga sabay hanap ng panulat para lagyan ng mga guhit 'yong drinawing ko noong isang araw. Ayan, edi mas mukhang makatotohanan.
Natawa ako. "Mabuhay ang mga t**i!" Ewan ko, nahawaan na ata ako ng pagkasaltik ni Chato. Natatawa nalang ako. gusto ko lang humalaklak at sirain ang araw ng bawat tao para makaganti manlang din ako kahit papaano. Hindi naman maganda kung ako lang ang nagdurusa.
Muli akong nag-isip ng mga ilalagay pa, at nang may pumasok sa isip ko, balak ko na sanang isulat ang ang mga salitang iyon pero 'di ko natapos kasi nawala ang ilaw. Muli akong naghintay ng mga sasakyan na dumaan para naman maliwanag, pero nawalan din ako ng gana kaya hinagis ko iyon. Tangina, wala na bang bago sa buhay na ito? Magpa-Pasko na, masaya ang paligid pero bakit ako hindi? Tumayo na lamang ako, nakailang hakbang ako nang lingunin ko ang matanda na nakahiga rin at nanginginig sa lamig. Bumalik ako sa pwesto ko, dinampot ang kumot, at inihagis sa kaniya 'yon.
"Bibili lang ako kape, mahirap kapag natae ka uli." Iniwan ko siya, dala na rin siguro ng katandaan niya kaya ganun siya paminsan-minsan. Wala naman kaming pambili ng adult diaper dahil mahal 'yon masyado at kahit may pera ako ay 'di ko bibilhin; hindi naman ako nagpakahirap para lang ibigay sa kaniya ang pera kaya kahit matanda siya, gumagawa siya ng paraan para may maiambag para maibigay ko ang porsyento niya, iyon lang ang ipinambibili ko ng mga pagkain niya.
Naglakad ako sa gitna ng mga sasakyan. Wala namang traffic enforcer, saka basic lang naman makipag-patintero sa kalsada. Ang lakas ng hangin at saka sobrang lamig kaya napakuskos ako ng mga kamay. Pumunta ako sa kabilang daan, doon may naka-pwesto na lalaking nagtitinda ng balut at pugo, may mga kendi rin, biskwit, at kape. Wala na ring nasyadong bumibili sa kaniya, may ilang dumadaan pero mga taga rito lang din na walang kapaguran sa buong magdamag na may araw at balak pang maglakad-lakad. Paniguradong ang iba sa kanila ay mga bayaran, pero wala na akong pakialam sa kanila; magpatira sila hanggang gusto nila.
Bayaran. Sumagi sa isip ko ang batang lalaki kanina. Sana naman tinamaan ng bait ang babaitang iyon at inireport sa pulis ang nangyari. Kahit gustuhin ko man na ako nalang ang pumunta ro'n, hindi ko pupwedeng itaya ang buhay ko. Pulis ang mga iyon, at magnanakaw ako. Mortal namin silang kaaway at pakiramdam ko, kapag pumasok ako ro'n, wala na akong kawala. Siguro dapat akong pumunta ro'n sa babaita?
Bumili ako ng dalawang kape, ako na ang nagtimpla dahil meron din namang mainit na tubig nat paper cup doon, sinabayan ko na rin ng dalawang tinapay. Tumambay muna ako ro'n, nakipagkwentuhan sa tindero habang sinasawsaw ang tinapay sa kape. Medyo nakakabitin nga at gusto ko pa pero pinag-iisipan ko kung gagastos ako. Nilingon ko ang tindero, walang tigil siya sa kakatalak. Gusto ko na ngang umalis pero mabuti nalang at pinigilan niya ako, inabutan niya ako ng mani at ipinaliwanag sa akin na kailangan niya ng kausap para raw magising ang diwa niya at kapalit nun, bukod sa mani ay binigyan niya rin ako ng yosi na s'yempre ay 'di ko tinanggihan. Aayaw pa ba ako eh libre at ang sarap nito.
Nagkukwento siya tungkol sa buhay niya. Pakiramdam ko tuloy gagawa kami ng isang episode ng buhay niya, at kahit alam ko sa sarili na wala akong pakialam sa problema niya dahil may problema rin ako at ayaw ko nang dagdagan pa, mas pinili ko pa ring magkunwaring may pakialam at nakikipagsimpatya sa bawat himutok niya sa buhay. Mauubos ko na nga ang pagkain na ibinigay niya nang bigyan pa niya ako; nagbiro ako na baka may bayad iyon at sinigurado niyang wala. Goods.
Nasa kalagitnaan siya ng pagsasalita nang mapahinto dahil sa narinig naming mga boses. Wala pa kaming nakikitang tao pero ang boses niya ay abot na hanggang dito. Ibang klase din eh, 'no? Hanggang sa tuluyan na nga namin silang nakita, walang duda na ang mga pariwarang mga tao pa rin na naglalakad, nagsisitawan sila, at kahit malamig ay labas ang mga kinabukasan. Sumipol ako nang dumaan sila sa harap ko pero mukhang 'di magandang ideya 'yon dahil may kasama pala silang lalaki.
Sigang naglakad 'yong tikbalang papunta sa akin, nakita kong umuusok ang ilong, at wala pa man sa harap ko ay amoy ko na ang baho niya. Nilingon ko ang nagtitinda, kumibit-balikat lang siya at syempre duwag at ayaw makisali.
"Trip mo ba shota ko ha?" Nilingon ko ang tinutukoy niya. Ang totoo niyan, 'di ko trip ang jowa niya dahil ang gusto ko lang ay pagtripan ito. Saka papatol ba ako do'n eh ang pangit niya, makita ko palang ang kinabukasan ay parang masusuka na ako, mas gusto ko pang magsolo. "Hoy, ano ha?"
"Hindi naman," sabi ko sa kaniya. Tinawanan siya ng mga babae, mas lalong nagalit ito. Lumayo ako sa kaniya, sinubukan nitong hawakan ako pero kaagad kong inihagis sa kaniyang mukha ang kape. Mainit pa iyon, alam ko. Nagsisigaw siya at pinagmumura ako, hinabol din ako ng babaeng kasama niya pero hindi ako naabutan. Ang hina naman pala. Tumingin ako sa bitbit kong tinapay saka napapitik ng dila. Sayang ang pera para sa kape pero kahit papaano ay sulit dahil mukhang nasarapan naman ang tikbalang.
Huminto ako sa gilid ng convenience store, napatingin pa sa akin ang guwardya at hindi maganda ang tingin na iyon kaya umalis din kaagad ako. Mahinahon akong naglalakad dahil alam ko namang nakalayo na rin ako, pero kaagad akong napahinto nang makita ang bata kanina. Tingnan mo nga naman ang pagkakataon.