Andie Gregorio
Sinadya kong sipain nang mahina ang basurahan para makuha ang atensyon ni Chato, panay pa rin ang cellphone niya na galing pa sa raket namin doon sa Quiapo noong kasagsagan ng Semana Santa. Normal lang namang maging target namin ang lugar dahil na rin sobrang daming nagkalat na mga banal ro'n. Ano pa bang aasahan sa mga kagaya nila? Nagpapaniwala nga sa mga alay at kandila na may mga kulay, sa siyam na gabing pagsisimba para lang matupad ang hinihiling, syempre malaki ang posibilidad na hindi sila masyadong mag-ooverthink na may gagawa ng milagro sa simbahan. Sino pa ba ang maglalakas gumawa ng masama kahit nasa banal na tahanan? Edi kaming mga gutom ang sikmura. At dahil nabanggit ko nalang din lang ang simbang gabi, mas mainam na iyon ang susunod na ipuntirya namin tutal dalawang linggo nalang naman ay dadagsa na naman sila ro'n sa simbahan. Matumal kasi masyado kapag walang okasyon, hindi ka makadiskarte. Kapag may pagdiriwang naman, may mga pulis na nagkalat pero karamihan sa kanila ay pinuputa lang ang mga tao dahil wala rin silang nagiging silbi; display, front, palamuti—kung anuman ang trip na itawag.
Ngunit bago ko pa man sipain ang basurahan ay napaismid ako habang nakatingin kay Chato, sunod-sunod ang pagmumura niya at may sinasabi siya na tungkol sa mga pabigat niyang kasamahan. Hindi ko talaga maintindihan kung bakit ganun nalang siya kung mag-react samantalang laro lang iyon, hindi naman niya ikamamatay kung matalo man siya. Nakakatawa nga kasi talunan na siya sa buhay ‘tapos pati ba naman sa laro. Wala nang nagawang tama ang adik na ito sa buhay niya, mukhang parehas nalang kaming mabubulok sa lansangan. Muli na naman siyang nagmura, hinawakan niya ang mga bato na nagkalat sa gilid ‘tapos hinagis sa kalsada kung saan may mga sasakyan, walang pakialam kahit may matamaang mga motorista. Ganun siya kapag hawak ang cellphone niya, masyadong focus sa ginagawa pero pagdating sa mga lakad namin ay masyadong sabog. Tangina talaga, mabuti nalang talaga may pumasok na hangin sa utak ko para bumili ng kape, dahil kung hindi, baka abutin pa ng dalawang araw bago ko makita ang pagmumukha niya. Ganito siya kapag may ginagawang kalokohan, aalis o mas tamang sabihin na magtatago hanggang sa kumalma na ako dahil sinisigurado niya na maganda ang mood ko pagbalik niya.
Dahan-dahang lumapit sa kaniya, pero hindi manlang ako nilingon ng palamunin. Nakatingin pa rin siya sa cellphone na halos dumikit na sa kaniyang mukha, hindi ko alam kung papaano pa niya nakikita nang normal ang nasa screen kung kulang nalang ay magkapalitan sila ng mukha. Nilingon ko ang lolo niya na nakatingin sa akin at nagtataka kung ano ang gagawin ko. Wala naman akong gagawing hindi maganda. Oo, wala. Pwera nalang kung sinagad ng apo niya ang pasensya ko. Naisip ko lang na dapat siguro hindi na ako pumayag na ibigay sa kaniya ang cellphone kapalit ng parte niya. Masyado na kasi siyang adik, 'di lang rugby kundi sa online game. Ewan ko ba kung anong mapapala niya ro'n eh gastos lang naman sa pampaload, parang nabubuhay lang siya para magnakaw para sa surfing niya. Ayos sana kung pinanglamon nalang niya para hindi siya lalampa-lampa kapag tatakas kami, pero pakahayop naman dahil hindi siya nag-iisip; nabubuhay nalang ata ako para mabadtrip sa kaniya.
Pumulot ako ng bato, akmang ihahagis na sa kaniya iyon nang mapansin ang basurahan sa hindi kalayuan. Sinadya ‘yon para sa mga padestrian, punong-puno na nga ang laman pero walang nag-aabalang magtapon. Mukhang wala pang budget ang barangay para sa dam truck o ‘di kaya busy lang sa kakahakot ng basura sa ibang mga barangay. Sa dami ba naman ng mga tao sa Maynila at sa tindi ng traffic, malamang maiipit talaga ‘yon. Tumingin ako ay Chato habang ang paa ko ay nasa gilid ng basurahan saka malakas na sinipa iyon. Rinig ng nakaririnding tunog ng lata na nayupi. Parang slow motion ang naging reaksyon ng pagmumukha niya, nanlaki ang mga mata nito at ibinaba ang hawak niya. Kung may cellphone lang ako, kukunan ko talaga siya ng picture dahil sa sobrang satisfying n’yon. Ngumisi ako ‘tapos dumiretso sa kaniya, ni hindi siya gumalaw sa pwesto niya, parang naihi pa ata. Dugyot talaga.
"A-andeng..." nakita kong namulta siya, hindi, syempre hindi dahil sa itim ng balat naming dalawa, mas malinaw pa ang traffic lights rito kaysa sa pag-asa naming pumuti. Hindi na epektibo sa akin ang kojic dahil alam kong matinding hilod ang kailangan. Pota, magpupunas na nga lang ako ng pawis, kapag titingin ako sa panyo sobrang itim kaagad. Kakamot lang ako, 'yong kuko ko punong-puno na ng dumi. Sinong kukuha sa akin para sa special service? Edi wala. Walang matinong tao ang gagawa niyon, p'wera nalang kung adik. Ayos sana kung maganda ako, p'wede nang maging Guest Relations Officer (GRO) kaso hindi, imposibleng mangyari dahil mahal ang gluta, mukhang isang buwan akong hindi lalamon para lang makakuha niyon, saka kung kojic naman, imposible rin 'yon dahil hindi ako naliligo. Hindi naman uso iyon dito dahil nasa ilalim lang kami natutulog, kung gusto naming maligo kailangan na magbayad pa, pero nasubukan ko na rin namang pumasok sa fast food chain para gawin 'yon. Ayos naman, komportable. Halos hindi nga ako papasukin ng guwardya dahil nga sa itsura ko. Sabi pa ng ungas, mabaho raw ako at baka mawalan ng gana ang mga customer. Napakayabang! Akala mo kung sinong malinis samantalang lamang lang siya ng ilang paligo sa akin. Subukan kaya nilang bigyang oportunidad ang mga kagaya ko para makasuot din ng uniporme at maging komportable sa mga mata ng mga tao. Mga ito, wala manlang kadiska-diskarte. Magkano ba sahod niya sa isang araw? Ilang oras siyang nakatayo ro’n ‘tapos kakapiranggot lang ang maiuuwi niya sa pamilya. Hindi ba nakakatawa? Nakakahiya siya kung gano’n. Mas malaki pa kinikita namin kaysa sa mga katulad niya; baka isang buwan niyang panglamon ay isang linggo lang naming one time big time.
"Kanina ka pa d'yan?" tanong ni Chato. Maya-maya ay pasimple niya pang inamoy ang kamay. Umasim ang mukha niya habang inaamoy ‘yon saka tumingin sa akin. Tumalikod ito at may kung anong kinuha sa bulsa at sumisinghot. Muli siyang humarap sa akin, pero may agbago sa kaniya. Wala na ang takot, may pagkamahangin ang dating at parang hinahamon ako. Mukhang bumwelo siya ng tapang habang ginagawa iyon, at napapitik ng dila. “O?”
“O?” umangat ang labi ko. “Anong ‘o’?”
“Opakyu.” Humalakhak siya na parang nakatatawa ‘yong sinabi niya, halatang sabog. Dumura ito sa tabi saka humakbang papunta sa akin. Siya na ang nag-effort at goods iyon. Ngayon, magkalapit na talaga kami at isang matinong hakbang nalang ay masasapak ko na siya. Tiningnan ako nito mula ulo hanggang papa. Ang kapal ng mukha, puta. “Alam mo Andie, ang ganda mo sana. Alam mo ‘yon, gandang tinitira patalikod.”
Naputol ang sanang halakhak niya nang tumama ang kamao ko sa kaniyang pisngi. Kamuntikan nang matumba kung hindi lang kumapit sa akin at ginamit ako bilang pambalanse na kaagad ko namang inalis ‘yong mga kamay. Humarap siya sa akin saka ngumiti. Kitang-kita ko pa ang tartar niya, bawat buka ng bibig ay parang buga ng imburnal.
"Iniwan mo siya?"
"Malamang. Nakita mo ba siya sa tabi ko? Hindi, 'di ba?" Lumapit ako sa kaniya, sa pagkakataon na 'yon ay hindi siya pumalag. Goods. Ayaw ko nang makipagpatintero sa kaniya dahil kapag sinagad niya ang pasensya ko, itutulak ko talaga sila sa kalsada kasama ng kaniyang pabigat na matanda. Tutal hindi na rin naman magtatagal ang buhay no'n, tatapusin ko nalang para masaya.
Kwinelyohan ko siya, at dahil sadyang malaki ang katawan ko, malamang ay naiangat ko siya. Nanlalaki naman ang mga mata niya, saka napahawak sa kamay ko. Nagpupumiglas siya pero lalo kong hinigpitan hanggang sa masakal siya. Hindi na rin bata ang lalaking ito, ang totoo niyan ay binata na siya. Ang kaso, mukhang hindi natuli kaya pandak. Nasisiyahan ako na makita siyang nahihirapan, gusto ko ito kasi pakiramdam ko eh ang lakas-lakas ko. Hindi ko na napigilan, sinikmuraan ko siya nang isang beses pero sapat na iyon para manlambot ang tuhod niya. Napahawak siya sa kalsada, halos mawalan ng hininga, umiiyak, umuubo at umusuka.
"Uulit ka pa? Sinasagad mo talaga ang pasensya ko. Hindi ka tumupad sa usapan." Hindi siya sumagot, wala talaga siyang pakialam kaya hinila ko ang buhok niya patalikod. Namumula ang mga mata ng bata, umiiling siya at gustong magsalita pero napaubo. "Tandaan mo: Utang niyo ang buhay niyo sa akin. Kapag hindi ka sumunod..."
Kinuha ko ang cellphone niya, nakikipag-agawan pa ito pero dahil nanghihina ay 'di na rin siya nakapalag. Mahigpit na hinawakan ko iyon saka inihagis papunta sa main road. Nakita namin kung papaano inipit ng mga sasakyan ang kaniyang libangan, natulala siya sa nangyari. Ngumisi ako. "...alam mo na kung ano ang mangyayari."
Tinalikuran ko siya at naglakad pero huminto rin at nilingon siya dahil may nakalimutan akong sabihin. “Huwag na huwag mo akong babastusin, Chato. Kilalanin mo ang binabangga mo.”
Iniwan ko siya roon. Kung hindi man siya babalik, ayos lang din sa akin dahil pabor pa nga iyon. Pero malakas ang kutob ko na makikita ko ulit siya dahil na rin sa nandito ang matandang kasama niya. Kung hindi man bukas, baka sa mga susunod na araw dahil kagaya ng sabi ko, nagtatago iyon kapag alam niyang hindi maganda ang pakiramdam ko sa kaniya. Ang nag-iisang dahilan para bumalik siya at makita kong muli ang pagmumukha niya ay dahil sa matanda—ang lolo niya. Hindi niya iyon kayang iwan, at hanggang hawak ko ang leeg ng matanda, wala ring magagawa 'yong bata kundi sumunod. At isa pa, kailangan nila ng tulong ko. Walang silbi ang mga kamay kung wala ang utak na dumidikta sa ikikilos ng isang tao.
Muli akong naglakad pabalik doon sa pweston namin. Wala pa ako nakararating nang tumunog ang tyan ko. Napabuntong hininga na lamang ako saka napahawak sa sikmura. Kinapa ko ang bulsa para makita kung meron pa ba akong pera roon, napamura ako nang makitang wala na. Kinapa-kapa ko pa ang sarili ko para lang makasigurado. Oo, wala pa akong tulog pero buhay namn ang diwa ko. Hindi ako nagkakamali, wala nga sa akin ang pera ko. Tangina, saan ko nalalag iyon?! Tumingin ako sa pinanggalingan. Hindi, imposibleng malaglag ko iyon masyadong malalim ang bulsa ko. Nasa ilalim ako ng pag-iisip kung saan ko posibleng nalaglag iyon. Hindi kaya roon sa tindahan? Noong hinahabol ako ng lalaking tinapunan ko ng kape o baka naman…
“Tangina ka talaga, Chato.” Naibulong ko nalang sa hangin. Nanggigigil akong napahilamos ng mukha saka patakbong bumalik sa lugar na pwesto kung saan kami naroroon kanina, pero nang bumalik ako ro'n ay wala ng tao. Hinahanap ko siya nang mapahinto ako dahil may nilipad na kung ano papunta sa paa ko, kaagad kong dinampot iyon.
Punit na papel.
Hindi. Hindi lang ito basta papel kundi mahalagang papel.
Pera.
Naramdaman kong umiinit ang ulo ko. Nailimukos ko iyon dahil sa galit. Matagal ko ito pinag-ipunan, pero nauwi lang sa wala. Puta, bakit hindi ko manlang napansin na kinuha ito sa akin? Malamang noong kinuha ko ang cellphone niya, noong nakipag-agawan pa siya nang bahagya, 'yon din ang pagkakataon na kinuha niya ito. Ang galing magdrama ng hayop, nakuha niya ako ro'n. Narinig ko nalang ang sarili na sumisigaw dahil sa emosyon; ang bilis ng t***k ng puso ko at sinusundan ito ng pintig ng ugat sa noo. Kailangan kong mahanap si Chato, kailangan kong maghiganti. Hindi, hindi kailangang makita ko si Chato para lang makapaghiganti.
Tama, dahil may iba pang paraan. Ngumisi ako. Napagsabihan na kita Chato na huwag mo akong babanggain, pero hindi mo ginawa. Pinagnakawan mo pa ako at pinunit iyon. Wala ka talagang kwenta.
Nasabunutan ko ang sarili ako naglakad. Gutom ako pero hindi tubig o pagkain ang magpapaalis nito kundi dugo. Kung kailangan kong mas lalong maging marahas para matuto siya ay gagawin ko. Nakita ko ang matanda na natutulog, kumuha ako ng bato at mahigpit na hinawakan iyon habang papalapit sa kaniya. Sinigurado kong wala akong ginagawang ingay; kung hindi ko man magawang saktan lalo ang adik na iyon, kung hindi ko man siya kayang disiplinahin sa kahit anong paraan na alam ko, magiging marahas na lamang ako sa matandang ito para kahit papaano ay makaganti. Nang tumapat ako sa kaniya ay gayo'n na lamang ang ngisi ko, kaagad kong iniangat ang bato.