Andie Gregorio
Matagal na akong inis sa adik na 'yon. Hindi ito ang unang pagkakataon na pinikon niya ako nang ganito, pero pinagpapasensyahan ko siya nang paulit-ulit dahil kahit madalas siyang tanga sa trabaho, may pakinabang pa rin siya kahit papaano. Sa tuwing pinapainit niya ang ulo ko, nagtatago siya at bumabalik kapag alam niyang magiging maayos ang pakikitungo ko sa kaniya. At alam kong hindi nagkataon lang iyon dahil sa paulit-ulit na inis, sa pagpapatawad at pagbalik niya na parang may pattern, alam ko na sinusundan niya ako. Kung hindi ko nararamdaman ang anino niyang bumubuntot sa akin, paano pa kaya ang ibang mga tao na tinatarget namin? Kaya kahit madalas bangag ang lalaki na iyon, tinatanggap ko pa rin siya bilang parte ng grupo, pero kagaya ng sabi ko, hindi ito ang unang pagkakataon na naramdaman ko ito dahil madalas siyang tanga sa trabaho.
Sa tuwing may raket kami, inuutusan ko siya na gawin nang maayos ang parte niya pero hindi niya magawa-gawa, kamuntikan pa kaming mahuli ng pulis dahil doon kaya napilitang umalis sa dating p'westo namin. Sayang nga dahil matinong spot pa naman sana iyon dahil wala masyadong mga kalaban, at ang tinutukoy ko ay ang mga kapwa namin hamog. Sa buhay na ito, uso sa amin ang palakasan at magagawa mo lang maging malakas kapag may solid kang grupo na puprotekta sa iyo at handang mamatay, pero siyempre malabo rin iyon dahil kadalasan 'yong mga itinuturing mong mga kakampi, siya pa itong magsusuplong sa iyo, pagbubuhatan ka ng kamay, aalilain at ituturing na hayop. Kung tutuusin, pare-parehas lang din naman kaming mga laking kalye at asal kalye at siguro nakatatak na iyon sa amin dahil ganun din ang mga magulang namin, dumadaloy na sa dugo ang kasamaan, pero bumabaliktad lang talaga ang usapan pagdating sa pera. Kahit ikaw pa ang pinaka-dugyot na tao sa buong mundo, pero may pera ka, titingalain ka pa rin ng mga tao, lalo na sa lugar na ito.
At ang mga pulis na kamuntikan nang makahuli sa amin, malakas ang kutob ko na tinitiktikan na kami ng mga pulis na matulis na 'yon, tingin nila sa amin ay mga batang hamog na salot sa lipunan, may mga kasamahan din kaming nahuli at ang iba ay nakatakas, at nakarating din sa akin ang mga pinaggagawa nila. Santo-santohan, pero mga demonyo naman. Matapang lang sila dahil may baril at kung umasta akala mo hawak nila ang batas, kaya kapag may nakikita kaming mga katulad nila, minsan tinatarget din namin. Mas malakas kami kung sama-sama, kahit pa sabihin na inilalaglag ang ka-grupo kapag nagkagipitan, pinagsasama pa rin naman kami ng galit na nararamdaman para sa mga pulis at dahil doon kaya pinipiling maghiganti nang sama-sama, pero kung minsan ay hindi rin lalo na kapag may mga kasa-kasama kaming mga tanga.
Tuluyan na akong nakarating sa ilalim ng tulay. May mga puno roon na itinanim para hindi naman puro sasakyan at semento ang nakikita kapag traffic, pero walang epekto dahil sa dumi ng usok na palagi naming inaamoy dito, kumalat na rin ‘yon sa mga halaman na nabalutan na ng itim. Pustahan, mamamatay na rin ang mga iyon. Nakita ko ang lolo ni Chato na nakatalikod sa akin, mabilis ang paghinga nito na tila may hinahabol. Pumunta ako sa puno at pumulot ng malaking bato ro’n at siyempre, sinigurado ko na hindi niya ako maririnig. Medyo bingi rin naman siya kaya kahit papaano walang magiging problema. Huminga ako nang malalim, pero hindi pa rin talaga kumakalma ang utak ko. Gusto kong maghiganti, hindi ako papayag na isipin ng adik na ‘yon na okay lang sa akin ang lahat. At kung anuman ang mangyari ngayon, wala akong kasalanan dahil epekto lang ito ng ginawa niya.
Pinatawad ko noong una ang Chato na 'yon, pero 'di ko kinalimutan ang nangyari, pero paksyet lang dahil inulit na naman niya noong nakaraan pa, nadapa ang puta, kaya hinuli at dinala sa barangay. Mabuti nalang hindi ako kinanta, at kaagad naman siyang pinakawalan dahil hindi naman makakasuhan dahil daw bata pa pero tingin lang nila 'yon. May pakinabang din kahit papaano ang pagiging pandak niya, at ang matandang iyon na tinuruan kong umiyak at magmakaawa. Eh likas namang maawain ang mga pinoy sa mga matatanda kaya ayun, pati barangay ay hindi na rin kumuha ng birth certificate para malaman kung legit ba na menor de edad 'yong loko. Mabuti nga dahil sa ibang barangay kami nahuli dahil napilitan na naman kaming umalis, pero hindi rin nakatutuwa na palagi kaming palipat-lipat ng pwesto kapag may ginagawang katangan ang kasama ko. Hindi naman kasi madali 'yon dahil nilalakad lang din namin, kung minsan ay pinipilit ko silang manlimos para may pamasahe kami.
Pero kung minsan, sa tuwing manlilimos ako, makikita kong magtataray pa ang mga tao saka magbibigay ng pera na akala mo ay milyon ang ambag nila. Kapag minalas ka pa, may makakasalamuha kang mayaman at bibigyan ka pa ng payo sa buhay na kesyo puro limos lang daw ang inaatupag at ayaw magbanat ng buto. Isa iyon sa pinakaayaw kong nangyayari sa tuwing may ginagawa kaming matino sa buong buhay namin. Kung tutuusin, dapat nga piliin nalang nilang bigyan ako kapag nanlilimos kaysa sa pagnakawan ko sila. Isa rin iyon sa mga dahilan kung bakit mas gusto ko pang magnakaw; wala ng anupang dada, tamang hablot lang at pagtapon ng mga walang pakinabang ay ayos na.
"Andeng?" Bumalik ako sa wisyo nang marinig ang mahinang boses ng matanda, mabagal ‘yong pagharap niya sa akin na akala mo ay pagong. Wala pa tumama sa aking ang mga mata niya kaya dali-dali kong ibinaba ang bato at itinago sa likod ko. "Nahanap mo na ba ang apo ko?"
Hindi ko talaga maintindihan ang tigulang na ito. Bakit ganun nalang siya kung mag-alala sa apo niya samantalang hindi nga mahugasan nun ang pwet niya, kahit nga paglinis sa mga kumot na napag-ihian nito, hiindi niya magawa; kaya nga ang panghi ng putanginang paligid namin. Kahit saan kami pumunta, hindi pa aabot ng isang oras may tutulo ng likido sa pang-ibaba niya. Siguro may pakinabang din ‘yon dahil walang mga dumidikit sa aming ibng grupo dahil sumasagad talaga ang amoy hanggang lalamunan. Mas titiisin pa ng ibang tao na makaamoy ng basura kaysa tumabi sa kaniya at hindi ko alam kung papaano ko natitiis ‘yon kahit na pati ako ay nadidikitan na rin ng baho.
Pinaikot ko ang aking mata. "Nakita ko siya, pero hindi sumama.”
Naka-side view niya mula sa akin. Yumuko siya at mukhang nag-iisip. Ay hindi pala, dahil nakita kong may nilagay niya ‘yong kamay sa mukha at mukhang may inalis do’n. Umiiyak ba siya? Mukhang ganun nga. Ang drama naman.
“K-kapag n-nakita mo…h-huwag mong s-saktan..”
Tama ba ang naririnig ko? Na inuutusan niya ako? Ang kapal ng mukha ng tigulang na ito. Matapos akong maka-engkwentro ng mga p****k at mahabol ng lalaki dahil sa pagbili ko sa kape niya, ganito ang gagawin niya? Hindi talaga uso ang pasasalamat sa mga tao ngayon, eh no?
“Alam mo ba kung anong ginawa ng hinayupak mong apo ha?" Napahigpit ang kapit ko sa bato; handang ipukpok ‘yon sa kaniya anumang oras na mapagtripan ko.
Mula sa pagkatalikod ay tuluyan na siyang humarap. Nanginginig siya habang pinipilit niyang paupuin ang sarili at kahit nakita ko siyang nahihirapan, hindi ako nag-abalang tulungan siya. Wala akong sa mood para gawin 'yon, kailangan niyang maramdaman na may ginawa na namang kalokohan ang apo niya kaya ako nagkakaganito. At hindi naman ako binigo ng matanda, tinanong niya ako kung ano ang nangyari.
"Pinunit niya ang pera ko." Tumango lang siya at balak na bumalik sa pagkatulog, at hindi ko nagustuhan iyon. Inihagis ko ang bato sa gilid niya, hindi ko siya tinamaan pero sinadya kong malapit iyon sa kaniya para matakot siya. Hindi pagtango at pagtulog ang gusto kong marinig mula sa kaniya. "Tangina, naiintindihan mo ba ako? Alam kong gurang ka na, at medyo bingi pero nakaririnig ka pa mang tangina ka. Pinunit ng apo mo ang pera ko; may pinag-iipunan ako para ro'n, 'tapos gaganunin lang niya?!"
Hindi siya umimik, nakayuko lang siya at maya-maya ay nakarinig ako ng tunog malapit sa tabi niya. Inalit ko ang kumot na nakatakip sa kaniya, nakita kong basá ang karton, hinawakan ko ang kumot at naramdaman basá rin iyon kaya inihagis ko sa mukha niya. Sinigawan ko siya dahil sa inis, nanginginig ang mga kamay at daliri ko papalapit sa kaniya pero pinigilan ko ang sariling gumawa pa ng malala. Sinabunutan ko ang sarili saka napasuntok nalang sa pader, pero mas lalo lang akong nakagalit dahil nakitang dumugo iyon. Mabilis akong lumapit sa kaniya at hinila ang buhok niya patalikod at dahil wala siyang gupit, madali kong nakagawa iyon.
"Puta," pakiramdam ko ay nabali pa yata ang mga buto ko sa kamay. Nilingon ko ang matanda na humihikbi. Ang sangsang na ng amoy dito, hindi pa nakatatagal ng ilang minuto ang ihi niya ro'n pero pumupunta na sa ilong at dumadaloy na sa lalamunan ko 'yong amoy. "Huwag kang magdrama r'yan, hindi ka kaawa-awa. Kung 'yong mga tao sa kalsada nadadala mo sa gan'yan, ako hindi."
Kinuha ko ang mga karton, iniwan ko sa kaniya ang kumot. Wala na akong bitbit bukod sa kayamanan kong iyon, wala na rin akong pera at naibenta ko na ang mga ninakaw ko. Ni wala pang laman ang sikmura, gabing-gabi na at tinatamad na kumilos, kaya anong gagawin ko? Muli kong nilingon ang matanda, saka napabuntong hininga. Binalik ko 'yong mga dala ko sa dating pwesto saka nilingon ang kasama ko.
"Hoy, ikaw." Nilingon niya ako, pinunasan niya ang luha. "Hanapan mo ako ng pagkain. Tutal apo mo ang may kasalanan nito, damay ka sa ginawa niya."
"A-anong gagawin k-ko?"
"Bingi ka ba o sadyang tanga lang? Ang sabi ko, hanapan mo ako ng pagkain. Pumunta ka sa convenience store, manlimos ka sa gwardya na naka-duty doon, basta gawan mo ng paraan kahit lumuhod ka pa para lang mabigyan ka."
Unti-unti siyang tumango at pinilit ang sarili na tumayo. Matumba-tumba pa siya, pero hinayaan ko nalang siya. Bumalik ako sa pagkakahiga saka inilagay ang braso sa noo pero maagad ko ring tinanggal. Kainis, nakalimutan kong may bukol pa pala ako rito. Tuluyan na siyang nawala sa paningin ko, hinintay ko siya pero tuluyan na akong nakatulog dahil sa inip, nakakapagod din kasi ang nagdaang oras.
Nagising ang diwa ko dahil sa malakas na iyak, sa ingay ng mga tao na parang nagtatalo pati na rin sa ingay ng ambulansya at mga ilaw na ginagawa nito. Napatitig ako sa itaas, sa mga vandalism na ginawa ng mga nauna sa amin dito at sa mga idinagdag ko. Wala akong pnaginip. Hindi ko na maalala ang huling pagkakataon na nanaginip ako. Hindi ko gustong mag-isip ng magandang bagay, ang paasahin pa ang sarili ko sa mga walang kwentang bagay. Hindi mangyayari ang tulad ng mga pangarap ko noong bata pa ako, hindi ganun kaganda ang mundo kaya hindi ko alam kung bakit pinairal ng mga tangina kong magulang ang kalibugan nila, edi sana masaya ang lahat. Mga wala rin silang utak.
Tumayo ako at napahawak nang bahagya sa pader dahil sa pagkahilo, hinanap ko ang matanda pero wala siya maging ang apo niya, pero parehas silang wala. Tangina, tinakasan ba nila ako? Umalis ako sa pwesto kahit na medyo bangag pa, 'tapos pumunta ro'n salabas hindi para makita ang eksena kundi para hanapin ang dalawa. Ni hindi manlang bumalik para mag-iwan ng pagkain bago layasan ako. Wala namang problema kung umalis sila, sige lang, mas maganda ngang lubayan nila ako. Ano ngayon kung may ambag na katiting na skill si Chato? Para namang mahirap siya palitan. Anong oras na ba? Mukhang matagal-tagal ang tulog ko. Madaling araw na ba? Mukhang oo kasi iba na ang guwardya na nagbabantay sa convenience store na dinaanan ko, hanggang 12 AM kasi siya ro'n. Siyempre sa halos dalawang linggo na nandito kami, nata-tyanta ko na rin ang oras niya kahit hindi kami nag-uusap. Tumingin akong muli sa nangyayari at nagmadaling maglakad papunta roon, at nang makarating ay isiniksik ang sarili sa mga taong kumukuha ng video. Naging malinaw sa akin ang boses ng umiiyak, at kaagad na nakilala kung sino iyon. Nahagip ng mga mata niya ang pwesto ko at gano'n nalang ang talim ng tingin nito habang kapit ang lola niya na duguan.