Andie Gregorio
Napapikit ako. Hinintay ang pagtigil ng t***k ng aking puso, ngunit nakalipas ang tatlong segundo na nananatili pa rin akong nakatayo. Hindi ko magawang iminulat ang mga mata ko dahil natatakot ako na pagmulat ko, ito na pala ang kamatayan. Na hindi totoo ang kanilang mga sinasabi na mayroong langit at impyerno, na ganito ang pakiramdam na mawala na sa mundo….katahimikan. Wala na ba talaga ako?
Nakarinig ako ng mahinang hagikgik, sinundan ito ng malakas na tawa na akala mo ay wala ng bukas. Dahan-dahan kong iminulat ang aking mga mata, una kong pinagmasdan ang aking mga kamay, nararamdaman ko pa naman iyon, sunod kong hinawakan ang aking ulo pero wala akong nakapa ni miski isang butas. Ganito ba kapag namatay ka na? Na kahit nabutas ang ulo mo at iyon ang ikinamatay mo, sa kabilang buhay ay walang epekto iyon? Pero hindi, hindi pa ako namayapa. Dahil sa aking harapan, mayroong isang lalaki na nakasandal sa pader, nakahalukipkip at pinagmamasdan ako. Bakit pamilyar ang kaniyang tindig? Nagkita na ba kami?
“Kumusta na, Andeng?” Napalunok ako. Hindi maaari. Impossibleng magkita kami ngayong araw at sa ganitong pagkakataon. Lumapit sa akin ang lalaki, hinubad nito ang kaniyang bonet at tuluyan kong nasilayan ang kaniyang mukha. “Hindi mo manlang ba ako kukumustahin?”
May pilat ang pisngi nito, medyo pagod ang mga mata pero kitang-kita roon na nasisiyahan siya sa nakikita. Masaya siya na nakikita akong mahina, kagaya ng dati ay wala pa rin siyang ipinagbago. Lumapit ito nang husto sa akin at mahigpit na hinawakan ang aking panga, pagkatapos niyon ay mariin niya akong hinalikan, tinulak siya dahilan para magkalayo kami. Hindi ko napigilan ang aking sarili, tumama sa kaniyang pisngi ang kamay ko. Gusto ko nang umalis kaya ginawa kong pagkakataon iyon para makatakbo pero nagpaputok siya sa pinto, natakot ako sa kaniyang susunod na gagawin. Hindi na lingid sa kaalaman ko ang mga kakayahan niya bilang isang walang kwentang tao, minsan na nito akong napagbuhatan ng mga kamay at hinding-hindi ako papayag na maulit pa iyon.
Nakarinig ako ng ingay, mga putok iyon ng baril ngunit alam ko na hindi galing iyon sa kaniya. Ibig sabihin, ang narinig ko kanina ay hindi rin sa kaniya nagmula. Nanlaki ang mga mata ko. Nagkakagulo sa ibaba! May mga pulis ba? Nilingon ko ang lalaki, hindi impossible. Kung may pulis edi sana hindi na magkanda-ugaga ang lalaking ito sa pagtakas. Masyado siyang kalmado para isipin ko na na-corner na sila ng batas. Kung hindi mga pulis ang mga iyon, isa lang ang dahilan: sa mga ka-miyempre niya. Bakit nila ginagawa ito? Sa pagkakaalam ko ay kailangan lang nila kami pero bakit kailangang matunugan ng ibang tao ang kanilang ginagawa? Nag-iisip ba sila? Pero hindi ko na kailangan pang mangamba, dahil sa nangyari, sigurado akong may nakatawag na ng pulis at papunta na sila ngayon dito.
Tumingin ako sa mga tela na ipinag-buhol-buhol ko. Hindi ko na kailangang tumakas. Papunta na ang mga pulis dito at sana naman ay hindi pa huli ang lahat kapag nangyari iyon. Baka mamaya ay pinagbabaril na ako ng lalaki na ito, pero teka, kung may balak siyang patayin ako ay sana ginawa na niya iyon kanina pa. Bakit ba niya pinapatagal? Kung sabagay, ginawa niya akong punching bag noon. Araw-araw kong hiniling sa kaniya na wakasan na ang buhay ko kung gano’n lang din ang magiging karanasan ko sa kaniya pero hindi niya ginawa, nasisiyahan siya na nahihirapan ako pero hindi dumating sa puntong siya mismo ang kumitil ng aking buhay. Masyadong magulo ang takbo ng utak niya para maintindihan ko. Ganito naman siya simula saput pa. Isang walang kwentang lalaki na sarili lang iniisip. Hindi na ako magtataka na kahit ilang taon na ang nakalipas ay basura pa rin ito.
Hinawakan ng lalaki ang kaniyang labi at dinilaan iyon. Tumingin ito sa akin. “Ang sarap mo pa rin pala.” Halos kilabutan ako sa mga pinagsasabi niya. Nakakadiri talaga siya, wala na siyang kinatandaan. Unti-unti siyang lumapit sa akin, hinawakan niyang muli ang aking mukha, dumaan ang kaniyang palad sa akin tiyan. Inilapat niya ang kaniyang bibig sa aking leeg, “Nagbago ka, Andeng. Mas lalo kang gumanda.”
Ginawa ko ang pagkakataon na iyon, ang agwat namin na magkalapit, para matuhod ko ang kanniyang iniingatan. Namilipit siya sa sakit, nabitawan niya ang baril at napahawak doon. Napaluhod siya at pinagmumura ako. Habang ako naman, sa halip na tumakbo ay knuha ang baril. Hindi naman ako tanga, alam ko na may posibilidad na kapag tumakbo ako ay p’wede niyang pulutin uli ang bagay na ito at pilitin ang sarili na makatayo upang makaganti sa akin. Ngayon, tingnan natin ang tapang mo. Itinutok ko sa kaniya ‘yon habang nakayuko siya, wala siyang kamalay-malay na p’wede na siyang mamatay anumang oras mula ngayon. Nang iangat niya ang tingin at mapagtanto ang ginagawa ko, sa halip na kabahan o magmakaawa ay tumawa pa ito na parang nanghahamon.
“Kapag pinatay mo ako, hindi mo na malalaman kung nasaan ang anak mo.”
Napatiim-bagang ako sa mga sinabi niya. Tanginang ‘yan, akala ba niya mapipigilan niya ako sa gagawin ko dahil lang sa mga pinagsasabi niya? Unti-unting umayos sa pagkakatayo ang lalaki, medyo nasasaktan pa rin siya dahil nakikitaanko siya ng pagngiwi at nababagay lamang iyon sa kaniya. Umatras ako habang nakatutok pa rin iyon sa kaniya, kumibit-balikat lang siya at prenteng umupo sa kutson na ngayon ay marumi na dahil sa pagtapak na kaniyang ginawa. Ano bang binabalak niya? Wala ba siyang planong pigilan ako? Nakapagtataka naman. Hindi sa inaasahan o gusto ko na pigilan niya ako, ang totoo niyan mas gusto ko pa nga iyon, pero masyadong hindi nakakapanatag ng kalooban ang mga ikinikilos niya, lalo na ngayon na inutusan sila na patahimikin kami.
Tama nga ang hinala ko na may ugnayan siya sa pamilya Villavicencio, na sila ang backer ng kaniyang mga ginagawang kalokohan. Ano na an gagawin niya ngayon? Hindi ako naniniwala na basta-basta nalang niya hahayaang makatakas ako. Magkano ba ang ipinatong sa ulo ko? Isang milyon? Ha! Nagpapatawa ba ako? Imposible ang bagay na iyon, suntok sa buwan, baka nga halagang bente beses lang buhay ko. Mabuti sana kung mayaman ako, ‘di ba? Eh hindi, kaya malamang maliit lang ang nakapatong sa ulo ko. Binuksan ko ang pinto, paatras akong humahakbang at hindi inaalis ang mga tingin ko sa kaniya. Baka kasi isang kurap ko lang ay nasa harapan ko na siya at agawin ito sa akin.
Pero hindi ko pa rin mapigilan ang kuryusidad ko. Hindi naman niya magagawang makalapit sa akin hanggang hawak ko ito dahil kapag ginawa niya iyon ay hindi ako magdadalawang isip na itanim ito sa utak niya. “Magkano?” tanong ko. Umangat ang labi nito at humiga sa kama. Talagang nagawa niya pang gumanyan ha? “Magkano ang nakapatong sa ulo ko? Magkano ang ibabayad nila kapag naipatumba mo ako?”
Hindi nagsalita ang lalaki. Pagkaraan ng ilang sandali, narinig ko ang halakhak nito. Napabangon ang lalaki, akala ko ay susugod ito sa akin kaya humanda ako at isinentro sa ulo niya iyon. “Anong pinagsasabi mo, Andeng? Nahihibang ka na ba? Sa tingin mo ba may mag-aaksaya ng pera sa taong kagaya mo?” Umiling-iling siya, tumayo at humakbang papalapit.
“Huwag kang lalapit! Hanggang diyan ka lang!” Tumigil nga sa paghakbang ang lalaki. Mabuti naman dahil natakot siya. “Hindi ikaw ang may patong sa ulo kung ‘di ‘yong lalaking ‘yon.”
Kumunot ang aking noo. “Sino? Si Marshall.”
Ngumiti ito at kapagdaka ay tumango. Bakit naman nila papatayin ang taong nag-utos sa kanila na patayin kami? Ah, hindi. Kasasabi lang pala niya na walang patong sa ulo namin, hindi niya direktang sinabi pero ganoon na rin ang nais niyang sabihin. Hindi ko tuloy maintindihan. Bakit naman may nakapatong sa ulo ni Marshall? Isa ba ito sa tipikal na nangyayari sa buhay ng mga katulad nila? Sa estado kasi ng kanilang buhay, hindi malaman ng mga ito kung sino ang kakampi at kaaway, p’wede kang traydurin ng kahit sino kaya wala ka dapat pinagkakatiwalaan kahit na sariling gang member mo. Pero bakit naman kailangan nilang wakasan ang buhay ng binatang iyon? Ang pamilya Villavicencio ba ang trumaydor sa kanila? Hindi ba nila naisip na anak ito ng senator? Nanlaki ang mga mata ko. P’wera nalang kung…
“Sino ang may utos sa inyo?” tanong ko sa kaniya “Bakit kailangan niyong patayin si Marshall? Napakabata ba niyon! Wala na ba kayong puso?” Naiinis ako sa kanila. Kahit pa sabihin na masyadong presko ang lalaking iyon at naisahan niya ako, hindi naman ako papayag na mawala ang buhay niya. Pero pumasok sa isip ko na makasalanan ang pamilyang iyon, marami silang sinirang buhay at kabilang na ang buhay ng lalaking kaharap ko. “Sagutin mo ako!”
“Away pulitika, masyadong kumplikado kaya hindi ka na dapat mangialam pa.” Nanliit ang mga mata ko sa kaniya. Ganoon pa rin ang turing niya sa akin, na mahina ang utak ko at hindi ko kayang intindihin ang mga sinasabi niya. Pwes nagkakamali siya roon dahil marami na ang nagbago, maging ang paraan ng pag-iisip ko. “Anong pinasok mo, Andeng? Nakita kita sa internet,” may kislap sa mga mata nito, naaaliw sa naaalala niya. “Anong nangyari? Pinaulanan ka ba ng pera para manahimik ka? Hanggang ngayon mukhang pera ka pa rin.”
Hindi ko na matiis ang mga pang-iinsulto ng lalaki. Tiningnan ko ang aking hawak, hindi ito ang unang pagkakataon na gumamit ako nito. Dati-rati ay tinuturuan ako ng lalaki kung papaano ang tamang paghawak, at paggamit niyon na hindi ako masasaktan. Pinihit ko ang bagay na iyon, ngunit sa halip na makarinig ako ng malakas na tunog, sa halip na makita kong duguan ang lalaki ay narinig ko lang itong tumatawa. Napailing siya, “Hanggang ngayon hindi mo pa rin alam kung ilang bala lang ang laman niyan? Wala ka pa ring pinagbago, tanga ka pa rin.”
Kunwari kong binato ko sa kaniya ang baril, nakailag siya, akala niya marahil ay ibabato ko talaga sa kaniya iyon pero ginawa ko lang iyon para magkaroon ako ng segundo na makaalis sa paningin niya. Dahil sanay akong tumakbo, mabilis akong nakawala sa paningin niya. Nakasakay ako ng elevator nang makita ko siya, sinubukan niyang buksan iyon pero hindi na niya nagawa. Nakahinga ako nang malalim nang mangyari iyon. Ano pa ba ang gusto niyang mangyari? Kasasabi lang niya na walang nakapatong sa ulo ko pero bakit niya ako hinabol? Papaano niya nalamang nandoon ako sa room 105 at kung si Marshall lang din ang habol nila, bakit hindi nalang niya hayaang makaalis? Ano bang iniisip niya?
Gulong-gulo na ako. Nang tumingin ako sa elevator ay malapit na ako sa ibabang floor at nang bumukas iyon, sumalubong sa akin ang iba pang mga nakabonet, nakita ko rin si Justine na hawak ng isang lalaki. Nanlaki ang mga mata ng babae at tinawag ako kaya napatingin ang mga kalalalkihan sa akin. Anak ng! Ang tanga talaga ng Justine na iyon kahit kailan! Papalapit na sana ang isang lalaki para hablutin ako nang ma-distract sila ng sirena ng pulis, kasunod niyon ay nagsilabasan ang mga pulis kaya nagtago ang mga lalaki. Mula sa elevator ay nakita ko ang mga alagad ng batas at may isa roon na napatingin sa akin, dumako ang tingin niya sa kamay ko at kaagad siyang nagtago. Napatingin ako sa aking hawak…hindi…nagkakamali ang pulis na iyon sa kaniyang iniisip. Hindi ako miyembro ng sindikatong ito. Wala akong kinalaman sa mga nangyayari. Sinubukan kong ibaba ang baril, pero hindi ko pa man nailalapag iyon nang may humila sa kamay ko at inilabas ako mula sa loob. Hila-hila ako ng isang lalaking nakabonet at dumaan kami sa isang pinto na may nakalagay na “Emergency Exit”. Kung pumasok lang sa isip ko na may ganito pala rito ay kanina ko pa nagawang makatakas at hindi na sana aabot pa sa ganito. Tumingin ako sa likuran at nakitang may mga kasunod kami na may mga nakabonet din at isa roon ay ang may hawak kay Justine. Nakatingin sa akin ang babae, may gustong sabihin pero may nakatutok na baril sa kaniya kaya pigil hininga siyang umiiyak.
Dumaan kami sa isang hagdan at nakalabas sa likod ng building, at doon ay may naghihintay na sasakyan. Iyon ang sasakyan na nakita ko kanina sa parking area. Kaya pala hindi maayos ang pagpaparada nito dahil hinahanda ang sarili na umalis sakaling magkagusot. Hinila ako papasok ng lalaki, sumunod ang iba pa at si Justine, sumatutal ay limang kalalakihan ang naririto kasama na roon ang driver. Pero alam ko na hindi sila lima lang, dahil may mga natira pa roon sa hotel. Ano ‘yon? Iniwan nila ang mga kasamahan nila?
“Sa tingin mo gagana ‘yon?” tumingin ako sa isang lalaki na kausap ang may mahigpit ang kapit sa akin. Ano ang tinutukoy ng lalaking ito?
“Yong paglagay natin ng bonet sa mga guests? Syempre , oo.” Ibang lalaki ang sumagot sa tanong niya. “Kapag plano ni Boss Nardo surebol na magtatagumpay ‘yan.”
Tumingin ako kay Nardo, mahigpit pa rin ang kapit nito sa aking kamay na para bang ayaw ako nitong pakawalan. Napansin iyon ng mga bata niya, “Yan ‘yong nasa internet ‘di ba? Akala ko itong vlogger lang ang nandoon. Mabuti na rin na nahuli natin silang dalawa para mapakinabangan.”
Kung si Marshall lang ang plano nila, hindi nila sana kami dinala ni Justine. Nagsinungaling sa akin si Nardo. Ano pa nga bang bago roon? Hindi na ako nasanay. Tumingin ako sa lalaki, pilit kong inialis ang kamay nito sa akin na siyang nagawa ko naman. Masama kong tiningnan ang bawat isa na mga naroroon, tinanggal na nila an gbonet nila kaya malaya ko silang nakikita. Nainis ang isang lalaki sa akin, balak sanang sapakin ako nang may babala siyang tiningnan ni Nardo.
“Boss, kilala mo siya?” tanong ng isa na ikinatango na lamang ng lalaki.
“Anong gagawin niyo sa amin?” tanong ko. “Si Marshall ang target niyo, ‘di ba? Bakit niyo kami dinukot?”
Natawa ang isang lalaki at ginulo ang aking buhok. “Dahan-dahan ka sa tono ng pananalita mo babae, hindi por que kilala ka ng boss namin ay hindi ka na namin malalapatan ng kamay.”
“Relax lang,” sabi naman ng isa pa sa kasama niya, hinarap ako nito. “Ipapakilala ka namin kay Boss Ama, gusto lang namin na mapakinabangan kayo.”
Nilingon ko si Justine, kanina pa ito walang imik pero alam kong nakikinig siya sa mga nangyayari. Batid ko na alam na niya na kilala ko ang tinatawag nilang Boss Nardo, inilapat ko ang aking kamay sa babae pero mabilis niyang inilayo ang sarili sa akin at tinulak ako, pero hindi ako nagpatinag. Nilapitan ko siya para…para ano? Hindi ko alam. Noong umpisa palang naman ay wala na akong planong tulungan siya kahit na mamatay pa siya kaya hindi ko alam kung bakit ko ginagawa ito.
“You scammer!” malakas ang sampal na ipinadapo niya sa pisingi ko. Aba putangina, pangatlo na iyon ah. “Kilala mo itong mga kidnapper na ito! Plano niyong patayin si Marshall Villavicencio ‘tapos ginamit mo lang ako. Hindi na dapat ako nagtiwala sa ‘yo, hindi na dapat kita tinulungan!”
Napakagat ako ng labi habang minamasahe ang panga ko. Tangina naman o, siya na nga itong nilalapitan para pakalmahin, siya pa ang may ganang manakit. Hindi ko na siya pinilit pang lapitan, maliit lang ang van at magkalapit lang kaming dalawa pero ang layo ng mundo namin sa isa at isa. Tumingin na lamang ako sa labas ng sasakyan, madilim. Ooo nga pala dahil gabi na. Kanina, noong matanggap ko ang cheke, nag-aalala ako kung saan ako matutulog dahil hindi ko naman alam kung papaano iyon wiwithdrawhin. Pero ngayon, tumingin ako sa paligid. Tahimik na ang mga lalaki at ang iba sa kanila ay tulog. Mukhang hindi ko na kailangan pang mag-isip kung saan ako matutulog ngayon gabi.