Andie Gregorio
Mahigpit kong hinawakan ang kamay niya at hinila iyon nang biglang may taong paparating, mag-shota ‘yon pero kapansin-pansin ang mga mata ng lalaki na dumikit sa katawan ng katabi ko. Kahit na lumampas na ang mga ito ay may pahabol pang sulyap ang lalaki, napansin naman ito ng babaeng kasama niya kaya napasulyap din sa amin. Tiningnan ng babae ang boyfriend niya na nakasulyap pa rin sa direksyon namin, hindi nito na napansin na tinitingnan siya ng girlfriend niya at naghihintay ng pagkakataon na magkatinginan sila. Nabadtrip ako sa lalaki, bakit ba may mga ganitong magjowa na hindi marunong itino ang mga mata. Tiningnan ko ang kasama ko na walang kamalay-malay na pinapantasyahan na siya ng lalaki, nakayuko lang na parang maamong tupa ang isang ito at parang walang pakialam sa atensyon na nakukuha niya. Binalik ko ang tingin sa manyak, saka walang babalang tinaas ang gitnang daliri ko sa ere, hindi ko inalis ang bored na tingin sa lalaki para alam niyang para sa kaniya talaga ang pamamakyu ko. Tiim-bagang naman niya akong tiningnan na para bang may ginawa akong mali, hindi nakuntento sa mga titig niya ay pinakyuhan din ako pabalik. Aba, putangina talaga. Hinahamon ba niya ako? Tangina pala siya, eh. Binitawan ko ang kamay ko na nakahawak sa katabi ko kaya bigla itong napatingin sa akin.
At dahil wala ng hawak ang isa kong kamay, itinaas ko rin ito sa ere. Dalawang pakyu para sa isang lalaking hindi marunong makuntento sa girlfriend niya. At kung hindi ba naman siya tanga, binitawan niya ang kamay ng shota niya para magawa rin ang ginawa ko pero dahil doon ay biglang nainis ang babae at binatukan siiya. Kaya ayun, nakasaksi kami ng hiwalayan sa harap namin mismo. Umalis ang babae nang nagdadabog at napahabol naman sa kaniya ang boyfriend niya. Agaw eksena talaga silang dalawa, may kumuha pa nga ng video sa isa sa mga tao. Aba bakit hindi? Lahat na ngayon sa mundo ay mga papampam, gusto ng atensyon, at isa na rito ang katabi ko.
“Why?” pa-inosenteng tanong nito nang mahuli akong nakatitig sa kaniya.
“Alam mo ang ganda mo rin eh no?” sarkastiko kong sabi. Napaiwas ng tingin ang babae sa akin at parang hindi niya alam ang sasabihin. “Ganon? Tatalikuran mo ako? Hindi ka manlang greatful na pinuri ka? Ang taas din ng tingin mo sa sarili mo.”
Nilingon niya ako, salubong ang dalawang kilay. “It’s not like that. It’s just…I don’t know what to say.”
“Thank you,” sabi ko sa kaniya. Pinaikutan ko siya ng mga mata dahil mukhang hindi nagets ang sinabi ko. Wala akong pinag-aralan pero daig ko pa siyang edukada. Minsan hindi rin nasusukat ang katalinuhan sa level ng pinag-aralan mo, kung sabagay uso rin naman siguro sakanilang mangopya at saka siguro sa yaman nila ay madali lang niyang magagawan ng paraan ang lahat. “Thank you lang ang sasabihin mo. Basic lang ‘yon ‘tapos ‘di mo pa magawa.”
“T-thank you…”
“P’wede bang huwag kang ganiyan? Magsalita ka ng maayos kasi wala naman akong ginagawa sa ‘yo. Kung umasta ka kasi parang aping-api ka, napaka-drama mo naman.” Hinawakan ko ulit ang kamay niya at ramdam ko ang panlalamig niyon. Hindi na ako nagkomento pa tungkol doon, hinila ko nalang siya papunta sa isang overpass para makatawid kami. Mabuti nalang at nasa kalye na ako tumira, sa buong buhay ko na nandito, imposible na akong maligaw dahil kabisado ko na ang kasuloksulukan nito, kaya nga nagagawa kong umiwas sa gulo dahil alam ko ang mga teritoryong hindi ko dapat puntahan dahil ikapapahamak ko iyon.
Nasa kalagitnaan kami ng paglalakad nang mapahinto ako dahil huminto ang babae. Tiningnan ko siya at nakita kong nakatitig siya sa isang matandang lalaki na nakaupo at nakasalamin na itim, merong nakalagay na lata sa harap nito. Dahil sobrang init dito sa Maynila, mas doble ang init kapag nasa delata. Hindi literal na delata kung ‘di itong overpass ang tinutukoy ko. Kaya nga nakagugulat na merong taong nandito ng ganitong oras at wala pang pangharang sa kaniya, kaya tuloy itong babaeng ito ay awang-awa at parang gusto pang magbigay ng pera. Huwag niya sabihing gusto niyang bawasan itong perang pinambayad niya para lang diyan sa pilay na iyan? Ibang klase rin itong babaeng ito.
Bago pa man siya makapagsalita, hinila ko na siya paalis sa lugar na iyon. “Naaawa ka sa matandang ‘yon samantalang sa matandang binangga mo na gusto mo pang takasan, ‘di ka naawa.”
“I have told you so many times, didn’t I? I really don’t want to do that.” Inismiran ko siya. Pakitang-tao, kunwari may magandang loob pero nasa loob ang kulo. “Ouch!” tiningnan ako nito ng masama pagkatapos kong pisilin nang mahigpit ang kamay niya. Dahil doon ay napatingin sa kaniya ang iba pang dumaraan pero mabilis lang na naalis iyon. Hindi ko talaga mapigilan, naiinis lang ako sa mga ganitong tao na napaka-plastik. Hindi na bale na may isang Chato akong kasama, o mas maraming Chato pa basta alam kong totoong tao at kung tatraydurin man ako patalikod ay hindi na ako magugulat at mas makapaghahanda pa ako dahil alam ko na sa ugaling iyon ni Chato ay sigurdong sasaltikin talaga siya at maghihiganti. Hindi katulad kapag kasama ko itong babeng ito, walang kasiguraduhan kung kailan aatake.
Tuluyan na kaming nasa harap ng mall. Sa wakas, makakapagpahangin na rin mula sa impyernong ito. Tuluyan na sana kaming makakapasok sa mall kung hindi lang kami tinawag ng guwardya. Katatapos lang niyang maicheck ang katawan namin pero bakit niya kami pinapatawag? Tumingin ako sa babaeng kahawak ko, napansin kong natanggal ang sumbrero nito. Ngayon ay kitang-kita na ang kaniyang mukha, ang kaniyang mamula-mulang mata na galing pa sa iyak, ang kaniyang magulong buhok, pero hindi naging problema iyon para makitang galing siya sa pretiyosong pamilya at sadyang naiiba talaga kaming dalawa. Bumalik ako sa kasalukuyan nang marinig ang tawag ng guwardya. Puta, nasaan na ang sumbrero ng babaeng ito? Tumingin ako sa kamay niya at wala ‘yon doon. Bumalik ang tingin ko sa guwardya at napansin kong may hawak itong sumbrero. Muli kong ibinalik ang tingin sa babae na nakatingin sa sumbrero.
“Ma’am, naiwan niyo po!” dahil malayo-layo ang agwat ay kailangang taasan ng guwardya ang boses niya para marinig namin. Ang bilis ng t***k ng puso ko. Tanginang babae talaga ito, alam kong sinadya niyang iwan iyon para makalapit sa amin ang guwardya, macorner ako at para makahingi siya ng tulong. Pero bakit ngayon lang? Bakit hindi sa mga tao kanina habang nasa labas kami? Dahil alam ba niya na may posibilidad na hindi siya paniniwalaan? Dahil alam niyang p’wede ko siyang dalhin sa bawat kalye? Oo, tama. At kung dito niya gagawin ang bagay na iyon, malabong makatakas ako dahil maraming tao sa mall at may hihila kaagad sa akin, at isa pa, may mga guwardya sa bawat exit at entrance na may dala pang armas. Tangina, ang tanga ko talaga. Hindi ko inisip iyon. Masyado akong nagpaka-kampante na isang maamong tupa itong babaeng ito. Kung sabagay, nagawa nga niya akong takasan kanina at nagawa pang magsinungaling tungkol sa laman ng bank account niya, hindi na nakakapagtaka na gagawin niya ulit iyon. Parang kanina lang ay ipinagkukumpara ko siya kay Chato, na ang lalaking iyon ay masyadong predictable dahil alam ko na kaagad na may pagkasaltik sa utak at mapaghahandaan ko ang gagawin niya, hindi katulad ng babaeng ito na p’wede kang tuklawin patalikod. Kanina na iniisip ko lang ay nagkatotoo na ngayon.
Huminga ako nang malalim, kailangan kong kumalma. Hindi ako p’wedeng magpahalata na kinakabahan dahil pinaggagawa ng babaeng ito. Tumingin ako sa babae, naghihintay ako sa gagawin niya, baka may plano ito at gusto kong malaman kung ano iyon. Balak ba niyang sumigaw? Humingi ng saklolo? Hindi ko maintindihan kung bakit hindi pa rin niya ginagawa. Pinapatagal niya, lalo tuloy akongg kinakabahan. Pero teka, inkung may balak siyang isuplong ako, sana ay ginawa na niya iyon kanina pa. Bakit pa ba niya ito pinapatanggal? Ano bang nasa utak niya? Tinatakot ba niya ako? Baka may gusto siyang patunayan, oo, tama. Baka ito ang paraan niya para sabihin sa akin na kaya niya ako, na malakas siya hindi tulad ng inaasahan ko sa kaniya. Hinahamon niya talaga ako.
“Kunin mo,” lumingon sa akin ang babae nang sabihin ko iyon. “Sumbrero mo ‘yon ‘di ba? Kunin mo.”
“Pero…”
Ngumiti ako. “Siguro iniisip mo na napakasama kong tao dahil sa ginawa ko. Hindi mo kasi naranasan na mawalan ng mahal sa buhay, kahit na matanda na ang lolo ko…ginagawan ko ang lahat ng paraan para madagdagan ang buhay niya dahil siya lang ang kayamanan ng buhay ko.” Huminga ako nang malalim, nakayuko at unti-unting niluluwagan ang mahigpit na kapit ko sa kamay niya. “Pero kung sa tingin mo na hindi makatao ang ginagawa ko sa iyo dahil sa pilit mong tinatakasan ang mga bayarin mo, p’wede ka nang umalis, hindi kita hahabulin.”
Sapat na ang mga salitang iyon. Binitawan ko siya, nakatingin siya sa akin at sa kamay niya. Ilang sandali pa ay humakbang siya papunta sa guwardya at kinuha ang sumbrerp. Nag-uusap pa sila niyon, nakikita ko na nakatingin sa akin ang guwardya at sa kamay ng babae. Alam kong namumula iyon dahil sa tindi ng kapit ko sa kaniya at sa ganoong bagay lang ay malakas na ebidensya na. Tumalikod ako at nagsimulang humakbang papunta sa kabilang direksyon. Sigurado naman ako na may exit pa roon, doon nalang ako dadaan.
“Isa lang naman ang pakiusap ko sa ‘yo…sana hayaan mo akong makita ko uli ang bangkay ni lolo bago ako ikulong,” pumikit ako habang inaalala ang mga huling sinabi ko sa kaniya. Dahan-dahan ang aking naging paghakbang, palayo sa kanila habang may mabigat na puso. Sayang ang isang milyon, sayang ang perang makukuha ko. Pera na naging bato pa…hindi, napangisi ako.
“Sandali!” isang pilipit na boses gamit ang Tagalog ang aking narinig. Lumingon ako sa likod at nakita ang babaeng iyon na humahabol sa akin. Nakasuot na siya ng sumbrero, nang makalapit na siya sa akin ay siya na mismo ang kusang humawak sa kamay ko. Ayos, umayon ang lahat sa plano. “I’m sorry.”
Sorry? Tangina ka. Kung hindi lang gumana ang pangongonsensya ko sa iyo, sure na himas rehas ako ngayon. Mabuti nalang at naisip ko iyon, pumasok lang sa utak ko na posibleng gumana iyon lalo nang maalala ko ang mukha niya nang dumaan kami sa overpass. Iyong mga tingin niyang iyon sa matanda, umaasa pa rin ako may halong sensiridad iyon at ngayon ay napatunayan kong tunay nga ang emosyon niya na iyon. At least ngayon alam ko na kung paano ko siya mapapaikot.
“Bakit ka bumalik?”
“I-I…don’t know..” mahinang bulong niya
Tss, ano bang pakialam ko? Wala naman akong pakialam sa nararamdaman niya. Ang mahalaga ay bumalik siya para magawa ko na ang mga dapat gawin. Tumingin ako sa kamay niya na nakahawak sa akin, kinuha ko iyon at inialis. “Hindi mo na kailangang gawin ‘yan. Gusto ko na may freewill ka. Desisyon mong samahan ako o hindi, ayaw ko ng pinupwersa kita.”
Pero siyempre, hindi totoo iyon. Kung p’wede ko lang siyang sampalin nang maraming beses dahil sa muntik na niyang pagpahamak sa akin kanina ay ginawa ko na. Nakakabadtrip talaga. Ngayon ay kailangan ko pang magpakitang tao sa harap niya dahil corner ako ng mga guwardya rito. Nakakagigil.
Sa huli, nagpasya siya na samahan ako. Magandang ideya ‘yon para kapag lumabas kami at kasama ko pa rin siya ay maibuhos ko ang sama ng loob. Pero ngayon ay kailangan ko pang makisama, pumunta kami sa isang cellphone store, kaagad kaming nilapitan ng isang lalaki na malaki ang ngiti. Napatingin ito sa katabi ko na binati rin niya. Tinanong kami ng lalaki kung anong brand ng cellphone ang aming bibilhin, may mga sinasabi siyang specs, ram, at rom, at kung ano-ano pang mga pangalan na hindi ko maintindihan. Napakadaldal niya para sa isang lalaki.
“Ito po ang latest na brand ng XX. Maganda po ito kasi dual camera na sa harapan. Hindi ba ma’am kapag nagseselfie kayo, kadalasan isang camera lang ang nasa harap?” Tumango nalang ako. Aba malay ko, hindi pa ako nagkakaroon ng ganiyang cellphone ‘no. Pero baka kapag umiling ako at sabihin ko iyon ay isipin niya na wala akong pera, katulad ng ginawa ng taxi driver kanina. Isang milyon ang pera ko at baka gusto nilang isampal ko sa mga mukha nila ‘yon. “Pero ngayon ma’am, isa sa latest feature ng cellphone na ito ay dalawa ang camera sa harapan. Mas malinaw na po ninyong makukuhanan ang sarili niyo, ma’am.”
Pero hindi naman sarili ko ang balak kong kunan ng litrato. Tumingin ako sa babae na busy sa kakatingin sa mga cellphone, may lumapit din na isang lalaki sa kaniya at binibigyan siya ng information tungkol sa mga product na nasa harapan niya, pero hindi pa man nakakaisang minuto ay umiling ang babae at lumapit. Nahihiya namang ngumiti ang lalaki saka bumalik sa pwesto.
“Ano sa tingin mo ang magandang bilhin?” Nilingon ako ng babae, nagtataka sa tanong ko. Naninigurado pa ito kung siya ba talaga ang hinihingian ko ng opinyon. Tumango ako sa kaniya.
“Well, I should know the specs of that phone first, or better yet⸻”
“Ah, bibilhin ko nalang ‘yong isa.” Pinutol ko na ang sasabihin ng babae. Bakit ba kasi english speaking itong babaeng ito? Nasa Pilipinas kami at Pilipino ang mga kausap niya. Hindi ba p’wedeng iturnilyo muna niya ang utak para makapagsalita naman ng Tagalog? May accent pa kasi ang salita niya at halatang hindi iyon pilit, malalaman mo naman kung hindi nahahasa sa dila ng tao ang lenggwaheng binibigkas niya. Nailang tuloy ang mga salesman, baka mamaya ay magduda pa ang mga ito. Iniabot sa akin ang cellphone, pinili ko ‘yong medyo mababa ang presyo pero may camera pa rin. Pagkatapos kong iabot ang bayad at maibigay sa akin ang binili ko, umalis na rin kami roon at dumiretso sa isang milktea shop na nasa loob pa rin ng mall. Nag-order kami roon, first time kong makakatikim niyon kaya excited talaga ako. Nang maihatid na ang miltea sa mesa, titikman ko palang sana nang magsalita siya.
“May I ask you something?”
Tumango ako.
“Why did you bought that phone? Shouldn’t you go to the hospital to pay the bills?”
At bakit ko naman gagawin ‘yon? Huwag niya sabihing matapos ng mga ginawa ko sa kaniya ay nagpapauto pa rin siya sa akin? Hindi ako magbabayad sa hospital at wala talaga sa plano ko ‘yon noong umpisa palang at hindi magbabago ang isipan ko. Tingin ba niya gagawin ko talaga ‘yon? Doon sa matandang iyon? Hindi ko kadugo ang matanda, nagpapasalamat pa nga ako na patay na siya dahil wala ng iihi sa bawat pwestong lilipatan namin. At tiyak ako na wala na ring Chato ang bubuntot sa akin ngayon dahil wala na ang lolo niya na pabigat sa buhay ko. ‘Yon nga lang ay kabawasan iyon sa kita ko sa panlilimos, wala ng matanda na pwedeng kaawaan ng mga tao, pero ano pa bang pakialam ko roon? Kapiranggot lang ang naiuuwi niya noong nabubuhay siya at mas malaki ang makukuha ko ngayon na patay na siya.
Kinuha ko ang bagong bili kong cellphone, tinuro din naman sa akin kung papaano i-open iyon at itinuro rin sa akin kung papaano buksan ang camera. Nang mabuksan ko ang camera, itinutok ko iyon sa kaharap ko at sunod -sunod na kinuhanan siya ng litrato. Hindi naman masyadong nakaharang ang sumbrero niya, siguro pakulo lang niya ‘yong sinabi niya sa akin na hindi siya pwedeng makita ng kahit na sino.
“What are you doing?” hinarang niya ang kamay niya sa kaniyang mukha. “Please stop.”
“Naalala mo ‘yong nasa overpass tayo kanina? Iniisip mo na tutulungan mo ang matanda kasi naaawa ka. Alam mo, may payo ako sa ‘yo: Hindi ka dapat basta-basta naaawa, hindi mo dapat pinapairal ‘yang puso mo dahil may mga taong sasamantalahin ‘yan”
“Why are you saying this to me?”
Tumaas ang sulok ng labi ko. Marahas akong tumayo, narinig ng lahat ng pagkalaskas ng upuan kaya napatingin silang lahat sa akin. Hawak ko pa rin ang cellphone, ngayon naman ay clinick ko ang record. “Makinig kayong lahat! Itong babaeng ito, pinatay niya ang lolo ko! Sinagasaan ‘tapos tumakas at ngayon ay naabutan ko siya rito sa mall. Anong ginagawa rito ha? Nag-eenjoy pagkatapos mong pumatay ng tao? Sino ka ba sa akala mo? Mahirap lang kami, oo! Pero itong dangal ko lang ang kayamanan ko kaya hindi ko hahayaan na tapaktapak lang kami ng kahit sino,” tumingin ako sa paligid, nakatingin na sa amin ang mga tao. ‘Yong mga nasa labas ng shop ay napapatingin na rin. Ang babae naman ay nakayuko lang, tinatago ang mukha niya sa mga tao.
“Ano ka ngayon? Kanina lang ang lakas ng loob mong tumakas, binantaan mo pa buhay ko. Sino ka ba ha? Artista? Sikat? Anak ng pulitiko? ‘Tapos ngayon hindi ka nagsasalita. Itong tatandaan mo, ipaglalaban ko si lolo hanggang makamit ko ang hustisya! Kahit sino ka⸻”
Napahinto ako. Kamuntikan ko nang mabitawan ang cellphone dahil tinulak niya ako para makalabas siya. Nang maisave ko ang record ay kaagad kong itinabi ang cellphone at hinabol siya. Hindi naman naging mahirap iyon, medyo madulas nga lang pero kinaya naman. Nahuli ko ang babae, hinawakan ko siya sa braso, nasa escalator kami niyon at hindi siya makatakbo.
“Hindi mo ako matatakasan. Pumunta ka sa XX hotel, doon banda sa XX Street. Magkita tayo roon, ibigay mo sa akin ang balanse sa isang milyon,” naninigas siya sa kinatatayuan. Hindi ko makita ang reaksyon niya pero alam kong umiiyak siya dahil sa pagtaas at baba ng kaniyang balikat. “Tandaan mo: Hindi kita kilala pero alam kong galing ka sa mayamang pamilya, huwag mo nang ipagkaila. Ngayon, kapag hindi mo ginawa ang gusto ko…”
Ano nga ba ang gagawin ko kapag hindi niya ginawa? Hndi ko rin alam. Kinuhanan ko lang naman siya ng picture at video para makilala ko pa rin siya kapag nagkita kami. Kapag iniakyat ko naman ito sa pulis, siguradong mababasura lang ang kaso. At kapag sinabi ko namang papatayin ko siya o ang pamilya niya, baka mabaliktad lang ang sitwasyon dahil nga mayaman iyon. Ngayon lang pumasok sa aking utak ang mga risk. Ewan ko ba, medyo may pagka-tanga rin ang mga naging galaw ko.
“Y-yes..I will..”