Andie Gregorio
Maraming beses na akong nangarap nang gising. Kapag nasa kalye, palagi akong nakakakita ng mga sasakyan na samu-sari ang mga modelo. Iniisip ko kung magkano ang halaga niyon at kung ilang taon ko pa bang pahihirapan ang sarili ko, ilang taon pa ako magtatrabaho--, ah, mali. Ilang taon pa ba ako magnanakaw para lamang makaipon ng perang iyon at makabili ng kotse? Swerte nga nila, hindi na nila kailangan pang magbilad sa initan para lamang makapunta sa pupuntahan nila, maayos ang buhay nila dahil pa-aircon aircon lang ‘tapos maya-maya ay nandoon na sila sa mga gala nila. Samantalang ako, heto, kasama ko palagi ‘yong dalawang pahirap sa buhay ko: si Chato at ang lolo niya. Hindi ko mabilang sa daliri ko kung makailang ulit akong nagsisi dahil tinanggap ko sila, hindi sa bahay dahil hindi naman uso iyon sa amin at saka wala ako na iyon. Panay kasi konsumisyon ang dala ng dalawa sa akin, madalas na hindi nakakakota ang matanda. Wala ngang silbi iyon, manlilimos na nga lang, uupo lang sa isang tabi at maghihintay ng grasya ay hindi pa magawa nang maayos. Naglevelup na rin kasi ngayon ang mga diskarte ng mga kakompitensya namin, mayroon silang mga talent kagaya ng pagsasayaw at pagkanta. Minsan pa nga mag-aarkila sila ng isang taong pilay ‘tapos ipapasayaw nila at may commission sila roon. Sino ba naman ang hindi matutuwa sa ganoon? Pilay na biglang sasayaw. Kahit ako napabilib din, eh. Kaya nga sinubukan ko ‘yong strategy, tinuruan ko ‘yong matanda kung papaano sumayaw o kahit kumanta manlang pero nakakalimutan niya ‘yong lyrics. Ni walang talent sa buhay, kahit pagkanta, pagdrawing, pagtugtog, at pagsayaw manlang. Walang kwenta.
Walang kwenta na ngapagdating sa talento, walang kwenta pa sa pagbabantay ng mga binigay sa kaniya na pera. Dumating din kasi sa punto na noong pinuntahan ko siya sa pwesto niya para sunduin, naabutan kong natutulog at nakita kong wala ng laman ang lalagyan. Ginising ko siya, tinanong ako kung ano ang nangyari pero hindi raw niya alam. Hindi alam? Kalokohan. Alam niya ang nangyari at malinaw pa sa malinaw ang katotohanan na pinagnakawan siya at sadya siyang tanga para hindi matunugan iyon. Sa sobrang inis ko sa kaniya, iniwan ko siya roon kahit na umuulan. Bumalik ako sa ilalim ng tulay, nagtitimpla ako ng kape nang may marinig akong umuubo, ‘yong matandang lalaki ay nandoon na pala kasama si Chato. Hindi na ako nagsalita, maging silang dalawa pero nakikita at ramdam ko naman na matalim ang mga tingin nila sa akin. Nakakainis dahil gusto ko na silang sipain palabas ng mga oras iyon kahit na alam ko naman na literal na nasa labas na kami, pero hindi ko magawa dahil kahit papaano ay may silbi pa rin sila sa akin.
Pero hanggang sa tumagal nang tumagal, mas nagiging matimbang ang pagiging walang kwenta nilang dalawa. Hindi ko alam kung bakit pinulot ko pa sila sa basurahan, nakakapagsisi tuloy. Gusto ko na nga silang ibalik, isip ko ay wala na silang maibibigay sa akin, hindi na ako umasa na may ibibigay sila na kahit anong biyaya hanggang sa isang araw ay bigla nalang nagbago ang lahat. Hinahanap ko si Chato noong gabing iyon, at dahil sa inis ko ay pinilit ko ang matanda na hanapin ang apo niya, pero isang aksidente ang nangyari. Dumating ang kamatayan ng matanda at isang babae ang may gawa niyon. Ano nga ang pangalan niya? Teka, natanong ko manlang ba ang pangalan niya? Hindi ko na maalala. Binalak pa niya akong takasan pero nagawan ko ng paraan ang lahat. Hindi ko maiwasang mapangiti, napatingin sa akin ang sales lady. Bakit naman hindi? Nakangiti ako na parang wala sa sarili habang tinatanggap ang damit na iniabot niya sa akin para masukat ko.
Kinuha ko iyon, pumasok ako sa fitting room at ipwinesto sa harap ko ang damit. “May kwenta naman pala kayo kahit papaano,” tukoy ko sa matandang namatay at kay Chato. Tiningnan ko ang sarili ko, hindi ko pa suot iyon pero sa tingin ko ay babagay sa akin. Pero hindi ko basta-basta masusuot ito hanggang wala pa akong ligo. At saan ko naman gagawin ang paligo? Tama, kailangan kong pumunta sa hotel. Nagkasundo kami ng babaeng iyon na pupuntahan niya ako sa hotel, pero nakalimutan kong sabihin kung anong araw, pero sa tingin ko alam naman niya na dapat ay sa lalong madaling panahon. Lumabas na ako dala-dala ang damit, binayaran ko na iyon, papalabas na sana pero nahagip ng mga mata ko ang mga sandals. Napahawak ako sa paper bag kung saan nakalagay ang damit. Oo, damit dahil iisa lang ang binili ko. Pero oo nga ‘no? Bakit iisang damit lang ang binili ko gayo’ng isang milyon ang pera ko? Oo, ilang libo palang ang nandito sa akin pero sigurado naman ako na milyonaryo ako sa susunod na araw. Bakit ko kailangang magtipid kung mayroon akong gano’n kalaking pera? Napangisi ako bago napagpasyahang lumapit doon sa mga sandals, kinuha ko ang may pinakamataas na heels. Nadismaya ako nang maalalang hindi nga pala ako marunong gumamit niyon, baka maaksidente lang ako habang gamit ko iyon at mapahiya lang. Ayaw ko namang maging sentro ng katatawanan, buong buhay ko pinagtatawanan at minamaliit ako ng mga taong nakasasalamuha ko, iniiwasan pa nga na para bang may dala akong nakahahawang sakit. Akala naman nila ang lilinis nila, samantalang pare-parehas lang ding mababaho ang mga tae namin.
“Ma’am, kukunin niyo po ba ‘yan?” tanong ng saleslady. Kanina pa ito nakabantay simula nang pumasok ako, hindi nga nito maalis ang tingin sa akin na parang may nananakawin ako. Ano bang akala niya sa akin? Na magnanakaw ako? Ah, totoo naman ‘yon pero hindi na ngayon. P’wede na akong magbagong buhay dahil mayroon na akong pera, p’wede na akong bumili ng sasakyan at bahay at mamuhay nang palaging mayroong masarap na pagkain. Kung gusto ng saleslady na ito, doon nalang siya tumira sa mansyon ko bilang katulong. Umiling ako at ibinalik sa p’westo ang sandals na iyon. “Ma’am, dahan-dahan lang po ang pagbalik dahil baka masira niyo po. Babayaran niyo po iyan kapag nasira.”
Tinaasan ko siya ng kilay. Kinuha ko ulit ang sandals na iyon, “Magkano ba ito?”
“Po? 3,500 po.”
“Ganun ba?,” tinapon ko ang sandals papunta sa kaniya, sinunod ko ang kapares nito na itinapon ko sa sahig. Inilabas ko ang perang apat na libo na nakaipit sa bra ko at itinapon ‘yon sa ere, tinalikuran ko siya at naglakad palabas ng kanilang tindahan. “Keep the change.” Pahabol ko.
Malawak ang ngiti ko nang makalabas doon. Tangina, ang gandang eksena. Gustong-gusto ko ‘yong ganito, ‘yong ako naman ang mang-aapi hindi ‘yong ako ang dinuduraan ng minamaliitan ng tingin ng mga tao. Ano kayang ginagawa ng babaeng ‘yon ngayon? Siguro umiiyak na ito o nagsusumbong sa mga kasama niya. Baka nga umalis na ito sa trabaho dahil lang doon. Sus, walang-wala naman iyong ipinakita ko sa kaniya sa totoong nangyayari sa labas ‘no. Kanina noong umalis ang babaeng nakapatay sa matanda, nagpaiwan muna ako rito sa hotel para makita ang mga nandito pa sa mall. Madalas kasing ipagbawal ang pagpasok ng mga mukhang taong grasa sa mga mall. Hindi naman ako makapaglinis ng katawan dahil para saan pa? Sa kalye lang din kami natutulog kaya balewala lang din. Kaya nga hindi ko mapigilang ma-excite dahil sa hotel ako matutulog ngayon.
Hindi ko na kailangan pang maglakad papunta roon sa hotel. Sakay ng taxi na de-aircon, tinungo ko ang hotel na nasa usapan namin ng babaeng iyon. Pero bago pa ako pasakayin ng driver ay tiningnan ako nito, sinusuri kung gugulangan ko ba siya o dapat niya akong pagkatiwalaan. “May pera po ako.” Parinig ko sa kaniya, tumango nalang siya saka pinasakay ako sa sasakyan. Pagkatapos na ‘yon ay ibinaba niya ako sa hotel, binayad ko sa kaniya ang pera, medyo nagulat pa siya na dinukot ko iyon mula sa bra ko. Napatitig siya sa perang inabot ko, mukhang walang balak tanggapin. “Ayaw mo, kuya?” tanong ko.
“Hindi, hindi naman. Akin na nga ‘yan,” marahas niyang kinuha ang pera saka tumingin sa akin. “Gusto talaga nila ng mga exotic beauty ‘no?” tanong niya sa akin na para bang nagbibiro. Hindi ko siya nakuha noong una pero nang maintindihan ko ay pinakyuhan ko siya. “Teka, hindi ka ba p****k? Pasensya ka na akala ko kasi bayaran ka.”
Tinalikuran ko siya. Hindi ko talaga maintindihan ang takbo ng mga tao ngayon. Sa pagkakaalam ko mas mahirap mag-assume kaysa magtanong, kasi kapag nag-assume ka p’wede kang magkamali pero kapag nagtanong ka, nakadepende na roon sa kausap mo kung magsasabi siya ng totoo o hindi. Pero at least sa paraan na iyon ay hindi ikaw ‘yong may kasalanan. Nakakaputangina lang kasi ng mga tao ngayon, eh. Por que ba magho-hotel ang isang pinoy ay may kajukjukan na na ibang lahi? Hindi ba p’wedeng gusto ko lang matulog sa kutson? Ang dami ko na ngang problema, dadagdagan pa ng mga katulad niya.
“Pasensya na po ma’am wala na pong available na room.” Sabi ng babae na kausap ko. May isa pa siyang kasama at may inaasikaso ring ibang bagay, nasa harap ng computer.
“Bakit wala?”
“Naka-fully booked na po kasi online. Marami po ang magchecheckin lalo na ngayon na papalapit na po ang Pasko. Hindi po ba kayo nagpa-book online? Or ‘yong kasama niyo po? Para malaman ko kung may naka-reserve sa name ninyo.”
“Hindi, wala.” Huminga ako nang malalim. Ano ba ‘yan, bakit ba ganito? Hindi p’wedeng wala akong matirhan dito dahil dito kami magkikita ng babaeng ‘yon. “Wala akong kasama.”
Humingi ulit ng tawad ang babae, aalis na sana ako nang tawagin niya ako. “Ma’am, kung gusto niyo po, two blocks from here mayroong pong isang hotel, mas mura ang singil nila kaysa rito.”
Tumaas ang kilay ko. “Ano bang akala niyo? Na hindi ko kaya ang mahal na kuwarto?” Inilabas ko ang pera at inilapag iyon sa desk nila. Nagkatinginan silang dalawa, umalis ang babaeng kausap ko at pinalitan ito ng babaeng nakaharap sa computer kanina.
“Yes? How may I help you?”
“At sino ka naman?”
Ngumiti siya, ‘yong ngiting nakakairita. “I’m the manager. I’m sorry for what happened earlier, sinunod lang kasi niya ang iniutos ko. We are just being careful especially nowadays na malapit na ang Pasko, dumarami ang mga scammer. Anyway, here are the available rooms.”
Ibang klase. Sinasabi ba niyang scammer ako? Lakas din makapang-insulto ng babaeng ito, eh no? Manager daw siya, kaya pala lakas ng loob humarap sa akin na para bang wala siyang ginawa kanina na hindi maganda. Kung hindi lang dito ang meetup namin ng babaeng ‘yon umalis na ako rito. Dumarami raw ang scammer? Oo, alam ko naman iyon kasi ugali ko ‘yon at gustong-gusto namin kapag ganitong season kasi marami kaming nabibiktima, pero ‘yong sabihin niya na ‘yong lang ang dahilan kung bakit nagbago ang isip niya? Sus. Ang sabihin niya, mukha siyang pera.
Wala na akong pagpipilian. Ipinakita niya sa akin ang available rooms at karamihan doon ay nasa upper level. Pinili ko ‘yong room 103 na nasa 4th floor, ‘tapos sumakay ako sa elevator. Medyo kabado pa ako na ‘yo kahit na may mga kasabay ako dahil unang pagkakataon ‘yon sa buhay ko na gumamit ako niyon, ni hindi ko nga alam kung papaano gamitin ‘yong mga number na nasa harap kaya laking pasasalamat ko nang may janitor na pumasok at tinanong kung anong floor ako. May mga tao rin talagang bastang papasok sa buhay mo na akala mo walang kwenta pero meron pala. Katulad nina Chato at ang lolo niya, ng babaeng iyon, at itong janitor. Nang makalabas ako sa elevator, at nagsara ito, doon ko na ipinakita ang totoong nararamdaman ko. Napahawak ako sa bakal, napayuko ako at medyo napaluhod. Hindi ko na talaga kinaya kaya inilabas ko ang mukha ko ‘tapos sumuka sa ilalim. Pagkatapos niyon ay sumandal ako sa pader at napapikit. Ramdam ko pa ang pagyanig ng paligid, pakiramdam ko lumindol ng malakas at gumagalaw pa ang tinatapakan ko. Nang medyo mahimasmasan, iminulat ko na ang mga mata ko at nakita ang basurahan na mismong nasa harap ko lang. Tumingin ako sa labas, doon sa nasukahan ko. Aba malay ko ba na may basurahan pala at nasa harap ko lang. Sukang-suka na kasi ako. Wala naman kasing nakapagsabi sa akin na ganito ang magiging karanasan ko sa elevator.
Nagpatuloy ako sa paglalakad, hawak ko ang susi at ang damit na nasa paper bag. Nang makita ko ang kuwarto, pumasok na ako roon. Napapikit ako nang salubungin ako ng amoy lemon na air refresher, nanlaki ang mga mata ko nang makita ang kama. Kaagad kong sinara ang pinto, binitawan ang mga dala ko saka tumalon sa kama. Oo, tumalon. Pilit kong inaabot ang kisame pero hindi ko iyon magawa kaya patuloy lang akong tumatalon, hanggang sa mapagod at napahiga nalang, ginagalaw ko ang aking mga kamay at paa at dinadama ang lambot ng kama.
“Putangina…totoo ba ito?” Napahawak ako sa aking pisngi, tumutulo na pala ang luha ko. Mula sa pagkakahiga ay dumapa ako, niyakap ang mga unan nang mahigpit. “Totoo nga…”
Hindi ko alam na nakatulog na pala ako matapos nang nangyari. Hinawakan ko ang aking likod at batok, walang p*******t doon. Buong buhay ko na nasa kalye lang ako, nagkaroon na ata ng kalyo ang buong katawan ko sa mga bato pero hindi pa rin ako nawawalan ng pag-asa na balang araw ay makakatulog ako sa kutson. Pero ang problema, hindi ito akin. Pero p’wede naman akong bumili ng foam sa labas, pero bakit pa ako bibili niyon kung p’wede naman akong habang buhay na nakatira sa kwartong ito? Pero hindi rin. Mansyon ang gusto ko, bibili ako ng sarili kong bahay pero posible rin akong bumili ng hotel. Magkano ba ang buong hotel na ito?
Tumayo ako nang makaramdam ng gutom. Tagaktak din ang pawis ko, ‘yon pala ay nakalimutan kong i-on ang aircon. Kaagad kong tinodo iyon, saka in-explore pa ang ibang nasa kwartong ito. Napansin ko na mayroon ding shower, may malaking salamin doon at kumpleto sa mga mamahaling gamit. Inamoy ko pa ang mga nandoon, ang babango! Gustong-gusto na talagang gamitin iyon, gusto ko nang maligo pero naalala ko na damit lang pala ang naidala ko. Merong towel na doon pero wala akong mga iba pang gamit. Iginala ko ang tingin sa paligid at napansin ang telepono, sa gilid na iyon ay mayroong papel na nakadikit na may mga numero, pinindot ko iyon sa telepono, tamang explore lang hanggang sa nag-ring iyon at may sumagot. Boses iyon ng babae kanina na nasa ibaba.
“May paraan ba para makapagpabili ako sa inyo?”
Sinabi niyang oo. Mayroon daw mga tao sa ibaba na pinagkakatiwalaan nilang bumili ng mga kailangan ng mg customer. Sinabi ko ang mga ipapa-order ko, sinamahan ko na rin ng pagkain, at sinabi ko na tawagan nalang ako kapag nandoon na para makababa ako. Ah tangina, ibig sabihin nito ay gagamit na naman ako ng elevator.
“Panty at bra, ma’am?” nagtatakang tanong ng nasa kabilang linya.
“Oo, may problema ba?” Babayaran naman sila sa service fee nila pero kung makapag-usisa ito ay wagas.
“Wala naman po,” sagot nito at binaba na rin ang telepono.
Lumipas ang halos trenta minuto nang tumawag sila. Nandoon na raw ang mga ipinamili ko kaya dali-dali akong lumabas, kabado ako sa pagpindot ng mga number pero madali lang pala. Nakakatakot lang dahil baka bigla akong ma-trap dito pero hindi naman nangyari. Binigay sa akin ang mga ipinabili ko, binayaran ko rin sila pagkatapos kasama na roon ang service fee.
“Ma’am, do you have a card? You could use it too.” Ipinakita niya sa akin ang isang gamit, may lalaki na dumaan at inilagay niya roon ang card na sinasabi nila. “Credit card po ma’am mayroon kayo?”
Umiling ako, pero hindi maalis ang tingin ko roon sa card. Paano ba makakakuha niyon? Bakit parang hindi naman naglabas ng pera ‘yong lalaki kaniina? Ano ‘yon swipe lang ‘tapos bayad na siya? Ang tibay naman.