Andie Gregorio
Teka, notebook ba iyon? Lumapit ako sa bagay na iyon at kaagad na dinampot ‘yon. Binali-baliktad ko pa iyon habang bumabalik sa pwesto ko. Inamoy ko iyon, sa ilang taon kong nabubuhay sa mundo, ngayon lang ulit ako nakahawak ng kapira ng papel. Hindi papel ng pera kung ‘di itong totoong papel. Napansin ko na may drawing doon na kamay, parang gulo-gulo lang, binaboy na ewan pero bumuo siya ng kamay. Sinimulan ko nang buksan ang notebook, matino nga iyon dahil nakabalot pa, hindi naman siguro ito panggatong, ‘di ba? Nasa bundok kami ngayon. Kahit nakapiring ako nang dumating dito, alam ko na paakyat ‘yon dinaanan namin kanina, at sa mga bundok, uso ang mga kahoy at papel na panggatong. Pwera nalang kung may gas tank sila, pero p’wede rin naman. Dito tumira si Darius at ang anak ni Senator Agustin na si Sikel, kaya posibleng hindi sila gagamit niyon na mas magpapadali ng gawain nila.
Pumasok sa isip ko ang mga tao. Hindi ko pa nakikita ang mga iyon nang hindi nakapiring ang mga mata ko pero sigurado naman ako na lampas bente iyon. Bakit sila nandito kasama sina Darius at Sikel? Parte din ba ng Villavicencio ang mga pinatay ng grupo ni Nardo? Siguradong kapag natunugan ito ni Senator Agustin ay wala ng kawala ang mga ito. Nasabi na rin ng lalaki na mahihirapan silang itago ang mga iyon dahil sa amoy. Kailan ba naganap ang m******e na ito? Imposible namang ganoon katindi ang baho kapag bago palang na nangyari. Alam ko naman sa sarili ko na kailangan kong makatakas, kahit impossible ang bagay na iyon ay gusto ko pa ring gawin dahil alam kong hind ako ligtas dito. Oo, ligtas ako kapag nasa paligid si Nardo pero sa mga kamay lang iyon ng mga bata niya. Pero papaano kapag biglang sumugod dito ang mga binayaran ni Senator Agustin at ma-corner kami? Sa mga nangyari ngayon, impossible talagang basta-basta lang itong palampasin ng lalaki. At kapag nangyari nga ang nasa isip ko, mas malabo na makatas ako sa ganoong kalagayan dahil siguradong hindi pa man ako nakapagsasalita ay tatadtarin na ako ng bala. Muli kong ibinalik ang atensyon ko sa notebook at binuksan ang mga iyon. Ang ganda naman ng penmaship nito, inilagay ko ang kamay ko sa mga salita roon at nagbasa.
“Ang bagsik ng hagupit ng sa puso ay pumintig pero tayo ang patunay na hindi lahat ng tumutugma ay bagay,” napataas ang kilay ko roon, lalo na sa estilo ng pagsusulat. May space pa naman kasi sa dulo pero pinili nitong huwag sulatan iyon. Ano bang trip ng may gawa nito? Bumaba ang tingin ko sa huling mga letra na nakasulat doon. “J.M.”
Kumibit-balikat ako saka binuklat ang susunod na pahina. Tutal wala naman akong magawa rito, magbabasa nalang ako. Mahirap matulog sa lugar na alam mong delikado, baka mamaya ay mapagtripan na naman ako ng mga bata ni Nardo. Napakunot-noo ako nang makita ang sumunod na pahina, sa halip kasi na mga salita ang nandoon, panibagong artwork na naman. Kamay ulit iyon. Hindi naman siguro adik sa kamay ang may gawa nito, ‘di ba? Muli kong binuklat ang pahina, at sa wakas ay mga salita na ang nandoon. “Parang isang takip-silim at bukang-liwayway ang iyong mga ngiti, binabaybay nito ang bawat segundo patungo—”
Sinarado ko ang notebook. Walang kwenta. May hinala na ako na tungkol sa pag-ibig iyon pero minabuti ko pa ring basahin, pero wala pa ako nakatatalong page sa laman iyon ay naiinis na ako. Hindi dahil sa ang lalim ng mga salitang nandoon kung ‘di dahil sa ideya nito tungkol sa pag-ibig, na parang sobrang sarap na maranasan iyon. Kung sinuman ang may gawa niyan, hindi niya pa alam ang reyalidad. Na hindi ganiyan katamis at kasarap ang pag-ibig, subukan niya kayang pumasok sa relasyon at makulong sa isang toxic na pagtrato? Tingnan natin kung magiging makata pa siya. Sakit lang sa ulo ang pagmamahal, at saka p’wede mong ikamatay ‘yan kapag nasobrahan ka, p’wede kang magbulagbulagan, paasahin ang sarili mo na kaya mong tulungang magbago ang shota mo pero hindi magtatagal, mapagtatanto mo lang din na nag-aaksaya ka ng oras, na sinayang mo ang taon ng buhay mo sa isang tao na walang balak tulungan ang sarili niya. Bumangon ako, dala pa rin ang notebook na iyon. Hinanap ko si Nardo pero hindi ko makita, napansin ko ang mga bata niya na abala sa pagbubuhat ng mga bangkay, dalawang tao para sa isa ang natutulungan para lang mabuhat iyon, kaagad kong inalis ang tingin ko sa kanila at nilingon ang isang lalaki na nagyoyosi. Huminga ako nang malalim bago sipulan siya, kaagad naman itong napatingin sa akin.
“Pahiram niyan,” sabi ko. Tumaas ang kilay ng lalaki sa sinabi ko. “Pahiram ng lighter, kailangan ko lang.”
Ngumisi siya. “Para ano? Sunugin mo ang bahay na ‘yan para makatakas ka?” Umiling ang lalaki bilang sagot. Masyado naman siyang advanced mag-isip. Hindi naman ‘yon pumasok sa utak ko pero salamat sa ideya. Tinapon nito ang yosi na hawak ang kumuha ulit sa pakete at sinindihan iyon. Tumalikod siya sa akin at umalis, napakyu ko nalang siya nang palihim dahil sa pagkainis sa kaniya. Manghihiram lang naman ako ng lighter, sobrang basic niyon gawin! Wala na tuloy akong ibang magawa kung ‘di ang bumalik sa kuwarto, pero napatigil ako nang mapatingin sa dugo na nasa sahig. Hindi pa pala nila naiaalis iyon. Iginala ko ang paningin sa paligid, napansin kong butas-butas na ang mga pader at alam ko kung bakit, talagang tinadtad nila ang bahay na ito ng bala. Nakapagtataka tuloy kung bakit wala manlang dugo na nagkalat dito, kahit ang higaan ay malinis. Kaya naisip ko na posibleng nilinisan na nila ito at kung gano’n nga ang nangyari, mataas nga ang tsansa na matagal nang nangyari ang m*********r na ito dahil wala ng bakas ng dugo, maliban sa bago na galing kay Justine. Nasaan na kaya ang babaeng iyon? Napatingin ako sa aking kamao, medyo makirot pa rin iyon dahil sa nangyari.
Pagkaraan ng ilang sandali ay dumating na si Nardo, sasalubungin ko sana siya kaso napansin kong madilim ang mga tingin nito. Para bang galit na galit at handang pumatay ng kahit sino kaya napaiwas muna ako, ayaw ko naman na sa akin niya maibunton ang galit niya. Pabalang niyang ibinagsak ang baril at napaupo, inabutan siya ng tubig pero tinapon niya ‘yon. Nang dumating ang lalaking hiniraman ko ng lighter, binigyan nito ng yosi si Nardo na siyang tinanggap naman ng lalaki, sinindihan na rin ito pagkatapos. May pahabol tingin pa sa akin ang lalaki at iwinasiwas ang lighter na para bang inaasar o hinahamon ako.
“Babae lang iyon pero natakasan kayo!” sigaw ni Nardo. “Nag-iisa lang siya pero ‘di niyo kinaya? Mga inutil. Ano pang tinutunganga niyo diyan? Hanapin ninyo ang babae!” Nataranta ang mga bata niya at kaagad na tumalima. Nagpatunog ng mga kamay ang lalaki habang kagat ang labi dahil sa pangigigil. “Siguradong hindi pa nakalalayo. Wala naman siyang mapupuntahan dito.”
“Pero mag-iisang buwan na ang lumipas, Boss…” nakarinig ako ng pagkasa ng baril. Nang silipin ko, nakita ko si Nardo na itinutok iyon sa lalaki. Ganiyan talaga ang ugali nito, lumalabas na naman ang pagiging may saltik niya dahil galit siya, kaya nga kahit anong pagmamalasakit ang ginagawa niya sa akin ngayon, hindi ko magawang magpasalamat dahil alam kong magkakaroon din ng panahon na lalabas ang tunay na siya at doble o triple ang ipaparanas nitong hirap sa iyo. “Sige boss, pasensya na. Tutulong nalang din ako sa paghahanap.”
Nang makalis ang lalaking iyon ay naiwang mag-isa si Nardo, napatingin ito sa direksyon ko at kaagad ako na bumalik sa kama at nagpanggap na tulog. Naramdaman ko ang mga yabag niya, ramdam ko ang mga titig niya, akala ko ay lalapit ito sa akin at pwersahan akong m************k sa kaniya kagaya ng kaniyang ginagawa dati pero hindi siya nagtagal doon, umalis din siya at tuluyan nang lumabas ng bahay. Hindi naman sa gusto kong maulit ang mga nangyari noon, mas gusto ko ngang umalis siya dahil baka hindi ko na makayanan ang paglunok sa dignidad ko sa pamamagitan ng pakikisama sa kaniya at baka kung ano pa ang gawin ko sa kaniya na magpapalala sa mga nangyayari. Bumangon na lamang ako at kinuha ang notebook at sa halip na basahin iyon, tiningnan ko nalang ang mga drawing. Masakit sa ulo intindihin ang mga makatang salita ng J.M. na iyon. Mula sa mga kamay na drawing, sinundan ito ng isang chess piece na hindi ko alam kung ano ang tawag, pagkatapos ay isang bangka, meron din doon na babae. Napaisip tuloy ako. Babae ba ang nagmamay-ari ng librong ito? JM ba ang pangalan nito? Nasaan na siya? Napailing ako. Bakit ko pa ba kailangang alamin? Malinaw pa sa katotohanan na isa si JM sa mga sinalvage ng mga nandito, baka nga hindi lang ito pinatay kaagad. Sa utak ng mga lalaking nasa labas, siguradong pinaglaruan si JM bago binawian ng buhay. Sayang nga lang dahil hindi nito nasabi ang pagmamahal niya.
Naisarado ko ang notebook nang bumukas ang pinto, nang silipin ko kung sino iyon, nakita ko si Justine. Nangingitim ang paligid ng mga mata nito at parang hirap na hirap pa siyang imulat iyon, medyo angat din ang kanang bahagi ng pisngi niya dahil siguro sa pamamaga. Nakita ako ng babae pero hindi ito sumugod, tiningnan lang ako nito ng masama na may pagbabanta saka umupo sa inalok sa kaniyang upuan. Mabuti naman, siguro naman nadala na siya sa nangyari sa kaniya, ‘di ba? Dahil kung subukan niya ulit na pagbantaan ang buhay ko, gagawin kong pantay ang pamamaga ng pisngi niya. Lumabas ako ng kuwarto, nakita ako ng isang lalaki roon at alam naman niya na mainit ang dugo namin sa isa’t isa ni Justine pero dito niya pa rin dinala ang babae, ni hindi nito sinabi na bawal kaming magsakitan dahil sa palagay ko ay gustong-gusto pa ng mga ito may nangyari ulit na round two.
“Baka kailanganin niyo,” pareho kaming napalingon ni Justine sa lalaki, kinuha nito ang kutsilyo sa kaniyang bulsa. Maliit lang naman iyon, halos masasakot ng kamay, pero hindi naman ito usapan ng laki o haba dahil sigurado akong kaya nito na makapatay ng tao. Tumingin ako roon pero hindi ko kinuha, maging si Justine ay walang interes na kunin iyon. “Kung gusto niyo mapabilang sa grupo, kailangan niyong ipakita na karapat-dapat kayo.”
At bakit naman namin gugustuhing pumasok sa isang samahan na ang isang paa ay nasa hukay na? Nagpapatawa siya. Akala niya siguro, kaya kami nandito ay dahil bagong recruit kami, pwes mali siya. Tuluyan nang umalis ang lalaki ‘tapos iniwan kami. Walang ibang nanonood sa amin, hindi katulad noon. Siguro nga ay natakot ang mga ito kay Nardo at patuloy pa rin nilang hinahanap ang anak ni Senator Agustin na si Sikel. Tumingin ako kay Justine, kanina pa pala ito nakatitig sa akin. Inayos ko ang aking upo, naalarma naman si Justine, akala ata ay may gagawin akong hindi maganda sa kaniya.
“Pasensya na,”paghingi ko ng tawad sa babae. Hindi ko naman ginusto ang nangyari, kasalanan din naman niya kung bakit nangyari sa kaniya ‘yan. “Wala naman akong planong saktan ka, gusto ko lang na makinig ka sa akin pero inatake mo kaagad ako.” Hindi nagsalita ang babae. Iniba niya ang direksyon ng tingin saka mapait na napangiti. Alam ko naman na nasasaktan siya pero kailangan muna niyang ikalma ang sarili niya para ipasok niya sa utak ang sassabihin ko. Kasi kung paiiralin niya ang walang kwentang galit niya sa akin, walang patutunguhan ito. “Kilala mo ba ang tinatawag nilang boss? Siya si Nardo, asawa ko siya dati. Hindi literal ha, kasi hindi naman kami kinasal, pero nagkaanak kami,”
Pinagmasdan ko ang magiging reaksyon niya, pero walang bakas ng emosyon sa mukha nito. Ano bang gagawin ko? Kailangan ko pa bang ipagpatuloy ito? Parang hindi naman siya nakikinig. Napabuntong-hininga nalang ako. “Wala akong kinalaman sa mga nangyari na ito, okay? Hindi ko planong pumatay ng tao, hindi ko gusto ang mga nangyayari. Sa tingin mo ba kaya kong pumatay? Namatay ang lolo ko dahil sa isang Villavicencio pero hindi gusto na mamatay din sila,” nagsasabi naman ako ng totoo. Wala naman talaga akong planong patayin ang isa man sa pamilyang iyon. Kailangan ko lang magsabi ng kalahating katotohanan at kasinungalin kasi kapag nalaman ni Justine na hindi ko naman lolo iyon, baka mas lalong uminit ang ulo nito at hindi ko na magawan ng paraan na maresolba itong gulo sa pagitan naming dalawa. “Justine, magsalita ka naman…”
Hinarap ako nito. Pagod na pagod ang kaniyang mga mata, “Alam mo ba ang ginawa ng mga lalaking iyon sa akin?” Hindi ako nakasagot. Sunod-sunod na bumuhos ang mga luha niya, napayuko ito at sunod-sunod na sinusuntok ang sarili, ang kaniyang ulo. “Gusto ko nang…umuwi…”
Tumingin ako sa labas, mabilis akong tumayo at kinuha ang kutsilyo. Akala ni Justine ay gagamitin ko sa kaniya iyon pero umiling ako. Sumenyas ako na huwag siyang sumigaw, lumapit ako sa kaniya kahit na may pag-aalangan sa mukha ng babae. Panay ang sulyap nito sa hawak ko at babalik ang tingin sa akin.
“A-anong g-gagawin m-mo?”
Kinuha ko ang kaniyang kamay at inilahad doon ang patalim. “Saksakin mo ako.” Utos ko sa kaniya
Binalot ng pagtataka ang babae. Tumingin ito sa labas, gabi na niyon. Wala akong makita sa labas pero naririnig ko ang mga boses ng mga lalaki, papunta na sila rito. Ang bilis ng t***k ng puso ko, hinarap ko ulit si Justine. “Gawin mo na.” Umiling ang babae, tangina naman. Hinawakan ko ang magkabilang balikad niya at hinarap niya. “Magtiwala ka sa akin, Justine. Tandaan mo: Kapag narinig mo akong humihingi ng tulong, huwag mo akong lalapitan. Tumakbo ka palayo, paalis sa lugar na ito. Magkita tayo sa baba ng bundok, umiwas ka sa kalsada.”
Naguguluhan ang babae sa sa mga pinagsasabi ko, hindi pa rin pumapasok sa utak niya. Nilahad ko na ang braso ko sa kaniya pero hindi pa rin ito kumikilos at habang tumatagal ay papalapit nang papalapit ang boses ng mga kalalakihan na nagtatawanan. Tumingin ako kay Justine na nanginginig sa mga nangyayari, wala na akong nagawa kung ‘di sampalin siya para bumalik sa katinuan.
“B-bakit…”
“Ano bang nakukuha mo sa vlogging na babae ka?” tanong ko sa kaniya. “Ano bang kaya mong gawin bukod sa pagiging famewhore? Akala mo siguro sisikat ka gamit ang isang tulad ko pero tingnan mo naman ang napala mo ngayon?” Tiningnan ko siya mula ulo hanggang paa at gulong-gulo siya sa mga pinagsasabi ko. “Pinaglaruan ka ng mga lalaki na ‘yon? Alam mo bagay lang ‘yan sa iyo.”
Humigpit ang kapit niya sa patalim. Sige, ganiyan nga Justine. Ituloy mo. Nginisian ko siya. “Alam mo sinadya kitang iwan doon sa hotel dahil wala naman talaga akong pakialam sa iyo. Sino ka ba? ‘Tapos na kitang gatasan. Kinuha ko ang papel na nasa bulsa ko, cheke iyon na binigay ni Marshall. Malawak kong nginitian si Justine habang pinapakita sa kaniya ang papel. “Tama ka, pinerahan ko si Marshall. Ginamit lang kita dahil—”
Napaatras ako ng itulak ako ng babae, magsasalita palang sa na ulit ako nang makaramdam ng hapdi sa aking pisngi at nang ilapat ko ang aking kamay doon, may mainit na likido akong nakapa. Nanginginig ang kamay ko habang nakatingin sa kamay ko na puno ng dugo. Nabitawan ni Justine ang kutsilyo, balak pa sana ako nitong lapitan pero umiling ako. Tangina, nakalahad na nga ang braso ko para saksakin niya, mukha ko pa talaga dinale niya. Nagsusumisigaw ako, nanginginig hanggang sa makarinig ako ng pagbukas ng pinto at bumungad doon ang lalaking nakayosi kanina. Napanganga siya nang makita ang kalagayan ko, napatakbo at napayakap ako sa kaniya nang wala sa oras. Kaagad naman niya akong inalis doon sa bahay, napasigaw ang lalaki. Nakayuko lang ako habang nararamdaman ang paglabas ng dugo sa bawat kaunting ekspresyon na gagawin ko, at habang abala ang mga kalalakihan, ipinasok ko ang lighter sa aking bulsa. Nakuha ko rin ang tanginang bagay na ito sa wakas.