Chapter 6

2340 Words
Uwian na, nagligpit na sina Zeki at JR ng kanilang mga gamit kasama ang iba pa nilang kasamahan. Natapos din ang kanilang pag-cover ng kasal nina Mon at Liza. Dumiretcho na sa sila studio para ibaba ang kanilang mga kagamitan, bukas pa naman ang mall kaya nagusap-usap pa ang magkakaibigan upang pagplanuhan ang ilan pang mga bagay bagay. Saka pa lang nakaumuwi si Zeki, pagod na pagod ito sa buong araw na pagtatrabaho. Ang tanging nadatnan nito sa kanilang bahay ay ang kanyang stepdad na si Arvin. "Oh, ginabi ka ata ngayon? Akala ko pauwi ka na kaninag 6:00 pm?" tanong ni Arvin sa kanyang anak, pagpasok nito sa pintuan ng bahay. "Masyado po kasing marami ang gagawin namin para sa mga naka-line up na kliyente, sunod sunod pa ang mga events na naka-book. Nagplano na po kami kung paano hahatiin ang mga gagawin. Bukas po kasi may event pang pupuntahan sina Vincent at Zoren sa Laguna, dalawa ang naka-sched naming doon. Si JR naman ay sa Novalitches, tapos ako naman bukas ang maiiwan sa studio para tapusin ang mga albums at videos ng mga events na natapos namin, may presentation pa akong tinatapos. Ginawa po kasi akong reviewee this year, 'di ko naman matanggihan sina ma'am. Kailangan din pong bumisita sa butika naming nina JR," paliwanag ni Zeki kay Arvin. Naupo na ito sa kanilang sofa, halata ang pagod nito sa maghapon. At ‘di pa manlang natatapos ang araw ay inaalala na nito ang mga gagawin para bukas. Naawa ang si Arvin sa kanyang anak. Bakas din kasi sa kanyang mukha ang sobrang pagod at stress sa kanyang mga negosyo. "Huwag mo masyadong abusuhin 'yang katawan mo, baka magkasakit ka n'yan. Teka kumain ka na ba?" tanong ni Arvin. "Hindi pa nga po e," sagot ni Zeki. Napakamot pa ito sa kanyang ulo. "Hay nako bata ka, halika rito at ipaghahanda kita ng makakain," sabi ni Arvin. "Teka po dad, na saan po si mommy? Dapat nandito na s'ya," tanong ni Zeki habang papunta ang dalawa sa kusina. Napatingin kasi ito sa kanyang relo, mag-nine na ng gabi at hindi nito nakita ang kanyang mommy. "Ikaw napakastrikto mo naman sa mommy mo, hindi ba s'ya sa ‘yo nagsabi na male-late s'ya ng uwi?" tanong ni Arvin. "Hindi po." Sabay pakita nito ng kanyang inbox. Kumunot bahagya ang nuo ng binata, halatang nadismaya ito dahil wala manlang abiso ang kanyang ina sa kanya. Nangiti si Arvin sa reaksyon ng anak. "Kuya malaki na ang mommy mo. Kaya na n'ya ang sarili n'ya." Tumawa ang dalawa bahagya. "Sorry po, hanggang ngayon 'di ko pa rin po maalis ang pagiging istrikto ko kayo kay mommy," sambit ni Zeki. "Kaya naman hirap na hirap kaming mag-date noon ng mommy mo. Dumilim lang ng kaunti, dapat ng uwian na," sabi ni Arvin. Napalunok si Zeki. "Dad naman baka marinig tayo ni Viel, sabihin napakahigpit ko po sa inyo ni mommy dati," mahinang sambit ni Zeki. Kumuha na si Zeki ng kanin. Tinapik ni Arvin ang balikat ng anak, nagtungo ito sa kuhanan ng ulam. "Nag-text sa akin ang mommy n'yo, hindi pa s'ya makakauwi, nagrelyebo sa butika nila. Wala raw kasi 'yung kasama nila at kulang sila sa tao. Kaya hayoon at nagpakabayani na sa trabaho. Susunduin ko na lang s'ya pagpa-out na s'ya mamaya," sabi ni Arvin. "Si mommy talaga. E, kayo po dad kumain na kayo?" tanong ni Zeki. Kukuha na kasi ito ng plata at kubyertos. "Kumain na, sinabayan ko si Viel. Pero sasabayan pa rin kita, alam kong nalulungkot ka kapag mag-isa ka lang na kumakain," sagot ng Arvin. Napangiti si Zeki, kabisado na talaga s'ya ng kanyang stepdad. Na-miss din ni Zeki ang ganitong usapan nilang mag-ama. Kumakain na ang dalawa, nagkwentuhan ang dalawa tungkol sa kung ano anong bagay hanggang sumagi ulit sa isipan ni Zeki ang tungkol sa plano n'yang pagpapakasal kay Celine. Nagdadalawang isip si Zeki kung magtatanong ito sa kanyang dad Arvin. Nahihiya kasi itong magtanong tungkol dito kaya panay tingin lang ito kay Arvin tuwing natatahimik silang dalawa. Napansin na ito ng stepdad ni Zeki. "May itatanong ka ba? O gustong pag- usapan?" tanong ni Arvin sa anak. "Dad talaga kabisado na po talaga ako." Napakamot pa ito sa kanyang ulo. "Ano po kasi dad nahihiya po kasi akong itanong, parang hindi naman po importanteng itanong ang ganitong bagay," sabi ni Zeki. "Ikaw pa ba? Anak kita 'di ba, sa akin ka nga nag-mana," biro ng kanyang stepdad. "O, ano ang itatanong mo? Lahat ng tungkol sa 'yo, importante kaya bakit ka mahihiya. Ako ang dad mo 'di ba, may mga bagay na hindi mo masasabi sa mommy mo. Pero sa akin, wala kang maitatago. Pareho tayong lalake at anak kita kaya walang lugar ang hiya sa ating dalawa." Ngumuti si Arvin sa kanyang anak. Napanatag si Zeki sa mga sinabi ni Arvin. "Tamang tama habang hindi pa nagpapasundo si Eliz. Mas makapag-usap tayo ng maayos, at nag-aaral pa ang kapatid mo 'di na 'yon lalabas," sabi ni Arvin. Huminga ito ng malalim. "Dad, kasi ganito po, paano n'yo po nalaman na si mommy na ang babae gusto n'yong pakasalan? Na si mommy na 'yung taong makakasama mo habang buhay tapos kaylan mo dad nalaman na oras na para magpakasal?" Nakatungo si Zeki habang nagtatanong sa kanyang stepdad. Pakiramdam kasi niya hindi na dapat pang itanong ang mga ganitong bagay. Mahal na mahal nito si Celine at Gael. Ayaw din nitong isipin ng iba na nag-aalanganin s'ya sa kanyang kasintahan. Maraming pwedeng masabi ang iba kung sa maling tao s'ya magtatanong. Away lang din n'yang madala sa bugso ng damdamin at magpadalos-dalos sa pagdidisisyon. Alam nitong 'di biro ang mag-asawa at isa pa ang kapakanan ni Gael ang kanyang iniisip. May mga bagay na dapat isaalang alang muna bago unahin ni Zeki ang kanyang gustong mangyari. Napahinto si Arvin sa pagkain, hindi pa rin nakatingin si Zeki kay Arvin. Pakiramdam kasi ng binata, wala pa sila sa tamang edad para magkaroon ng sariling pamilya. Naguguluhan na rin si Zeki sa kanyang nararamdaman. Sumagi rin sa kanyang isipan ang mga sinabi ni JR na masyado pang maaga ang pagpapakasal para sa kanilang relasyon. Dalawang taon pa lamang sila at maaring marami pang mangyari. "Alam mo bang na love at first sight ako sa mommy mo? At simula noon alam kong s'ya na ang gusto kong makasama habang buhay at pakasalan," sabi ni Arvin. Natawa bahagya si Zeki. "Dad, 'di nga? Agad agad! At love at first sight talaga?" tanong ni Zeki. Halatang 'di ito naniniwala sa mga sinabi ng kanyang stepdad. "Oo! 'Yung slowmo at fast forward naranasan ko lahat 'yon sa mommy mo!" Natatawa si Zeki sa reaksyong ni Arvin, may pagkakumpas pa itong nalalaman. Marahil nga nakakatawa ang kanyang pagkakasabi ngunit seryoso ito sa kanyang kinekwento. "Matagal ko ng nakikita ang mommy kaso tinatanaw ko lang s'ya sa malayo kasi nahihiya akong lapitan s'ya. Para kasing napakahinhin ng mommy mo at ang hirap abutin. Natatakot ako na hindi n'ya ako magustuhan, sobra akong natotorpe tuwing nakikita ko s'ya." Kitang kita ni Zeki ang kislap sa mga mata ng kanyang stepdad, para bang kahapun lang nangyari ang lahat. "Tapos hindi ko s'ya inaasahang makita sa padispidida ng kaibigan ko. Lasing na ako ng mga oras na dumating s'ya, late na rin kasi itong nakarating. Doon ko lang din nakita ng malapitan si Eliz, buong akala ko nga hanggang tanaw na lang ako sa kanya. Parang may anghel na bumaba sa lupa ng lumapit s'ya sa akin, natulala talaga ako noon. Tapos, nilakasan ko na ang loob ko, na kausapin at makipagkwebtuhan sa kanya. Siguro kung hindi ako nakainum noon, wala hindi ako magkakaroon ng lakas ng loob para ligawan ang mommy mo," kwento ni Arvin, kinikilig pa ito habang nagkwekwento sa kanyang anak. "Dad, hindi ako makapaniwala sa kwento mo, 'di po ba kayo nahihiya tuwing kinekwento n'yo 'yan?" natatawang tanong ni Zeki. "Oo nga, hindi ba sa 'yo na kwekwento ni Eliz 'yon? At saka 'yon ang totoo, ba't ko ikahihiya ang lahat ng 'yon. Dahil sa pagiging matyaga ko kaya napasagot ang mommy mo!" tanong ni Arvin. "Hindi po, pero sabi ni mommy dati, matagal n'yo na nga raw s'yang gusto at sobrang tyaga n'yo raw po mangligaw sabi ni mommy. Panay kantyaw nga raw po ang mga nakakakilala sa inyo dahil sa panunuyo n'yo sa kanya. May oras pa na binasted ka na raw po n'ya noon. Wala s'yang balak na magpaligaw noon sa 'yo dahil may iba s'yang ine-entertain ng panahong 'yon. Ang kaso, ang motto n'yo raw po sa buhay ay never say die. At ng nabalitaan n'yo raw po wala na 'yung mangliligaw ni mommy na 'yon, todo todo na raw po ang ginawa n'yong pangliligaw. Wala nga raw pong araw ang lumipas na hindi n'yo s'ya binabati o 'di kaya dinadalhan ng kape makapagpapansin ka lang sa kanya," sabi ni Zeki. "Ang mommy mo talaga, magpapansin talaga? At 'yung mga ganoong bagay pa ang sinasabi. Pero totoo 'yon, walang araw na hindi ko tinantanan si Eliz para mapansin n'ya ako. Kahit kaibigan lang kako masaya na ako basta alam kong masaya s'ya ayos na ako doon," sabi ni Arvin. Namangha ang binata sa kwento ni Arvin kung gaano ito kapursigidong mapasagot ang kanyang mommy. Tumawa ang dalawa, malapit naman sa isa't isa si Zeki at Arvin. Ngunit sa paglipas ng panahon, nagbinata na si Zeki, at nagkaroon na rin si Zeki ng kapatid. Nawalan na ng oras ang dalawa para magkapag-bonding. Naging busy na si Zeki sa kanilang negosyo at matagal na silang hindi nakakapag-usap ng seryoso. "Pero dad, paano n'yo na laman na sa mommy na ang gusto n'yong makasama habang buhay? Sabi rin kasi noon ni mommy, hindi naman daw s'ya pansinin. Kaya nagulat s'ya kasi sobrang pursigido ka para makilala s'ya," sabi ni Zeki. "Tulad ng sinabi ko, unang beses ko pa lang nakita ang mommy mo, na love at first sight na kaagad ako kay Eliz. Nag-fast forward na ang lahat, nakita ko na lang ang sarili ko na s'ya ang kasama kong tumanda at hindi ko namamalayang sinasama ko na kayo sa mga plano ko sa buhay. Hindi ko rin talaga mapaliwanag kung kaylan nagsimula ang paghanga ko sa mommy mo pero isa lang ang sigurado ko." Huminto ito sa pagsasalita. Kinabahan bahagya si Zeki, wari bang may sasabihin ang kanyang stepdad na ikakagulat nito. "Pinangako ko kasi sa sarili ko, na pagpumayag si Eliz na papasukin ako sa buhay n'yong mag-ina ay gagawin ko ang lahat para mapasaya ko kayo. Lalo na ikaw Zeki, gusto kong mapalapit sa 'yo at maging dad mo. Dahil sa pangako kong 'yon, nagpursige ako lalo at ito na tayo. Isang masayang pamilya, tama ba Zeki?" paliwanag ni Arvin kay Zeki. Ngumiti si Zeki, nakaramdam ito ng importansya galing sa kanyang stepdad. Tumunghay ito at nginitian ang kanyang dad Arvin. "Ibig sabihin dad, nalaman mong si mommy ang babaeng gusto mong pakasalan dahil sa akin?" tanong ni Zeki. "Oo, kasi nakita ko sa mommy mo kung gaano ka n'ya ka mahal at ganoon ka rin sa mommy mo. Sabi ko pa sa sarili ko noon, ang swerte ng lalakeng tatayo bilang haligi ng tahanan sa buhay n'yo ni Eliz dahil pagmamahal ang pundasyon n'yong dalawa. At gusto kong ako ang gumawa noon para sa inyong dalawa. Si Eliz kasi 'yung tipo ng babaeng walang katulad, s'ya 'yung taong tatanggapin kung anong meron ka. Walang arte sa katawan at uunahin ang iba kaysa sa sarili n’ya. Nakita ko sa mommy mo na maalagaan n'ya kayo ni Viel ng maayos. At sa bawat araw na kasama ko kayo, ikaw si Viel at ang mommy mo, sumasaya at nagiging kumpleto ako." Napasandal si Arvin sa kanyang kinauupuan. "Kaya sabi ko, ako naman 'yung taong magbibigay ng pagmamahal na kaya s'yang ipaglaban hanggang dulo. Ako ang pupuno sa nawawalang parte ng puso ni Eliz," dagdag ni Arvin. "Dad, ang corny mo nga. Tama si mommy, pero dad buti hindi ka pinanghihinaan ng loob sa tuwing na aalala mo 'yon? Na binasted ka at parang ayaw sa 'yo ni mommy. Noong hindi pa kayo?" tanong ni Zeki. "Hindi ko rin alam kung paano ko na tyaga ang mommy mo ng ganoon. Basta ang alam ko lang, gagawin ko ang lahat mapansin lang ako ni Eliz. Mapalad na kung sasagutin n'ya ako, pero kung hindi naman ay masaya na ako na maging kaibigan s'ya. Buti na lang at sinagot n'ya ako, kung hindi wala kang gwapong tatay ngayon," paliwanag ni Arvin. "Dad, kung naririnig ka ngayon ni mommy nako. Paniguradong barado ka na," biro ni Zeki. "Nako Zeki, manang mana ka sa nanay mo." Tumawa ang dalawa. "Pero teka lang, bakit mo naman naitanong ang mga 'yan?" tanong ni Arvin. "Dad, kasi gusto ko ng pakasalan si Celine." Huminga ng malalim si Zeki para kumuha ng lakas ng loob sa kanyang mga sasabihin. "Out of the blue po kasi, bigla ko na lang naramdaman 'to. Hindi ko alam kung bakit at paano, lalo na ng makita ko sila ni Gael na naglalaro sa playground last week parang sasabog ang puso ko sa saya. Hindi ko alam kung nagmamadali lang ba ako o nadadala sa mga kasal na nakikita ko. Bigla ko na lang kasi naisip ang bagay na 'to," sabi ni Zeki. Bakas sa mukha ni Arvin ang pagkagulat sa sinabi ng kanyang anak, ngunit na palitan kaagad ito ng ngiti. "Anak, alam kong seryoso ka kay Celine, at napakasaya naming ng mommy mo kung s'ya ang makakasama mo habang buhay. Ikaw si Celine at si Gael. Wala naman sa edad, panahon o kung gaano kayo katagal para malaman mo kung s'ya na ang gusto mong pakasalan. Malalaman mo lang na tama ang lahat kung sasaangayon ang mga bagay sa mga plano mo. Ikaw lang din ang makakapagsabi kung handa ka na, kasi ang pagmamahal hindi nagdadalawang isip, kung s'ya talaga, harangan man ng madaming sibat, sa kanya at sa kanya ka pa rin babagsak," payo ni Arvin kay Zeki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD