LIWAYWAY 9

1301 Words
Maagang dumating si Atlas sa mansyon, bitbit ang paninindigan na hindi na siya magpapaubaya. Nadatnan niya si Weston sa malawak na opisina nito, napalilibutan ng mga antigong gamit na tila sumasalamin sa lumang sistema ng pulitika. Sa isang gilid, nakatayo si Paula, nakahalukipkip at may mapanirang ngiti sa mga labi. ​“Mayor,” malamig na bati ni Weston habang hindi inaalis ang tingin sa hawak na kopita ng kape. “Akala ko ay hindi mo na sisiputin ang imbitasyon ko. Mukhang masarap ang hapunan niyo kagabi, ah?” ​Inilapag ni Paula ang isang envelope sa mesa—ang mga litratong kinuha ng kanyang espiya. “Huwag ka nang magkaila, Atlas. Nakita namin kayo. Pinagpalit mo ba ako sa matandang bilyonaryong ’yan?” ​“Nandito ako para pag-usapan ang trabaho, hindi ang mga haka-haka niyo,” matigas na sagot ni Atlas, hindi man lang tiningnan ang mga litrato. “Sir Weston, naging tapat ako sa inyo. Ms. Russo is a legitimate investor. Wala akong dahilan para harangin ang kanyang mga proyekto.” ​Tumayo si Weston at lumapit kay Atlas, ang bawat hakbang ay tila pagbabanta. “Atlas, baka nakakalimutan mo kung paano ka naging Mayor. Sino ang nagpondo ng kampanya mo? Sino ang nagpakilala sa ’yo sa mga tao rito? Albarando ang nag-angat sa ’yo mula sa putikan. Ngayong nakaupo ka na, tatalikuran mo kami para sa isang babaeng kahapon lang dumating?” ​“Ang utang na loob ko sa inyo ay tinatapos ko sa tapat na paglilingkod sa bayan, hindi sa pagiging sunod-sunuran sa maling utos,” sagot ni Atlas, ang boses ay matatag. ​“Hindi mo ba naiintindihan?” sigaw ni Weston, sabay hampas sa mesa. “Ayaw kong makatapak ang mga Russo rito! Ang bayang ito ay sa akin! Huwag mong susubukan na pirmahan ang kahit anong papeles na dala ng babaeng ’yan, kundi sisiguraduhin kong bukas na bukas ay tapos na ang karera mo!” ​“Huli na ang babala niyo, Sir.” ​Napatigil ang lahat nang bumukas ang malaking pinto ng opisina. Pumasok si Roxieleen Russo, suot ang isang itim na business suit na lalong nagpadama ng kanyang awtoridad. Sa bawat hakbang niya, tila nayayanig ang pundasyon ng mansyong iyon. ​“Roxie?” gulat na sambit ni Atlas. ​“What are you doing here?!” singhal ni Paula, halos mamula sa galit. ​Hindi sila pinansin ni Roxie. Direkta siyang tumingin kay Weston, ang kanyang mapuputing kamay ay inilapag ang isang folder sa ibabaw ng mesa—ang aprubadong permit na may lagda ni Atlas. “Naparito ako para pormal na ipaalam na ang land permit at ang construction permit para sa Liwayway Branch at sa aking Flower Shop ay aprubado na. May tatak na ito ng munisipyo, Weston.” ​Nanlaki ang mga mata ni Weston. Agad niyang kinuha ang folder at nang makita ang lagda ni Atlas, parang sumabog ang kanyang dibdib sa galit. “Atlas! Pinirmahan mo ito?! Binastos mo ako sa loob ng sarili kong tahanan!” ​“Hindi iyan pambabastos, Weston. Iyan ay pagpapatupad ng batas,” kalmadong sagot ni Roxie. “At bago mo pa gamitin ang utang na loob card mo kay Atlas, hayaan mong paalalahanan kita... ang mansyong kinalalagyan mo ngayon, ang lupang inaapakan mo habang sinisigawan mo ang Mayor, ay orihinal na pag-aari ng tatay ko. Kung usapang utang na loob ang gusto mo, baka mas malaki ang utang mo sa mga Russo kaysa sa utang ni Atlas sa inyo.” ​Natahimik ang buong silid. Si Paula ay napanganga, habang si Weston ay tila nawalan ng hangin sa narinig. ​“Umalis na tayo, Atlas,” yaya ni Roxie, habang tinitigan nang huling beses ang mag-ama. “Tapos na ang paghahari-harian niyo sa bayang ito gamit ang pananakot.” ​Lumabas ang dalawa nang taas-noo, iniwan ang mag-amang Albarando na puno ng poot at pagkapahiya. Nang sumara ang pinto at tuluyang makaalis ang sasakyan nina Atlas, binalot ng nakakabinging katahimikan ang opisina ni Weston. Nanatiling nakatayo ang matanda sa tapat ng kanyang mesa, ang mga kamao ay nakadiin sa ibabaw ng mga papeles na nilagdaan ni Atlas. Ang kanyang mukha ay hindi na lang pula sa galit—ito ay nangingitim na sa halo-halong poot at takot. ​Humarap si Paula sa kanyang ama, ang kanyang mga mata ay naniningkit sa pagkalito at matinding kaba. ​“Papa, anong ibig sabihin ng babaeng ’yan?” nanginginig ang boses ni Paula habang itinuturo ang pintong nilabasan ni Roxie. “Anong sinasabi niyang pag-aari ng mga Russo ang mansyong ito? Na ang lupang inaapakan natin ay utang na loob natin sa tatay niya? Papa, magsalita ka!” ​Hindi sumagot si Weston. Kinuha niya ang baso ng brandy at dire-diretsong ininom ito, tila sinusubukang lunurin ang katotohanang isinampal sa kanya ni Roxie. ​“Papa!” sigaw ni Paula, sabay hablot sa braso ng ama. “Lahat ng tao sa San Sebastian, ang alam ay tayo ang pinakamayaman! Tayo ang hari rito! Bakit hinayaan mong sabihan ka ng ganoon ng anak ni Mama sa harap ni Atlas? Bakit hindi mo siya dinemanda ng libel o pinalayas agad?” ​Dahan-dahang lumingon si Weston sa anak. Sa unang pagkakataon, nakita ni Paula ang panghihina sa mga mata ng kanyang ama. ​“Dahil totoo ang sinabi niya, Paula,” paos na sagot ni Weston. ​Tila nabingi si Paula sa narinig. “Ano? Totoo? Paanong naging totoo?” ​“Noong pinakasalan ko ang nanay niyo, wala akong kahit ano kundi ang ambisyon ko sa pulitika,” pag-amin ni Weston habang napapasandal sa kanyang silya. “Ang lupang ito, ang pundasyon ng mansyong kinalalagyan natin ngayon… bahagi ito ng malawak na lupain na binili ni Rayford Russo para kay Alma. Noong naghiwalay sila at sumama sa akin ang nanay niyo, iniwan ni Rayford ang titulo ng lupa sa kanya. Hindi niya binawi. Hinayaan niya kaming manatili rito para hindi mahirapan ang nanay niyo.” ​Napahawak si Paula sa kanyang ulo, hindi matanggap ang katotohanan. “Ibig sabihin… ang yaman natin… ang prestihiyo ng mga Albarando… nakatayo lang sa awa ng isang Russo? Na kaya tayo may mansyon ay dahil tinapon ito sa atin ng tatay ni Roxie?” ​“Ginamit ko ang pagkakataong iyon para palaguin ang impluwensya ko,” depensa ni Weston. “Ipinangalan ko sa akin ang mga susunod na pundar, pero ang pinaka-sentro ng ating kapangyarihan—ang mansyong ito—ay mananatiling nakatali sa kasunduan nila ni Alma noon. Akala ko ay hindi na babalik ang mga Russo rito. Akala ko ay baon na sa limot ang lahat!” ​“Kaya pala ganoon na lang ang takot mo na makabili siya ng lupa rito!” napatawa nang mapait si Paula, may halong histerya. “Dahil kapag nakatayo na siya sa sarili niyang paa, maaalala ng lahat na tayo ay mga nakikitira lang sa anino ng pamilya niya! Papa, pinahiya mo ako kay Atlas! Sinabi mo sa akin na tayo ang may-ari ng bayang ito!” ​“Paula, manahimik ka na!” bulyaw ni Weston. “Hindi pa tapos ang laban. May permit man sila, hindi ibig sabihin ay matatapos nila ang construction. Kung kailangang dumanas ng aksidente ang mga tauhan niya sa site, gagawin ko. Hindi ako papayag na ang anak ni Rayford ang magpabagsak sa akin sa sarili kong teritoryo.” Galit na paliwanag ni Weston sa kanyang anak. ​Ngunit si Paula ay hindi na nakikinig. Nakatingin lang siya sa labas ng bintana, iniisip ang mukha ni Atlas habang kasama si Roxie. Ngayon ay mas lalong naging personal ang galit niya. Hindi na lang ito tungkol kay Atlas—ito ay tungkol sa pagbawi sa dangal na tila kinuha ni Roxie sa isang saglit lang. . . . ~ITUTULOY
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD