Hatinggabi na sa San Sebastian. Ang buwan ay natatakpan ng makakapal na ulap, tila nakikiramay sa kadilimang bumabalot sa isipan ni Paula Albarando. Nakatayo siya sa balkonahe ng kanilang mansyon, nakatanaw sa malayo kung nasaan ang construction site ni Roxie.
Sa kanyang likuran, tahimik na lumapit ang kanyang pinagkakatiwalaang tauhan na si Ernest. Isang lalaking kilala sa pagiging mabilis kumilos at tapat sa pamilya Albarando pagdating sa mga "maduming" trabaho.
"Handa na ba ang lahat, Ernest?" mahinang tanong ni Paula, hindi lumingon sa lalaki.
"Oho, Ma'am. Naka-posisyon na ang mga tao natin sa gilid ng sapa, malapit sa likod ng site. Naghihintay na lang ng hudyat niyo," agad na sagot ni Ernest.
Humarap si Paula sa kanya, ang mga mata ay nanlilisik. "Wala akong pakialam sa mga babala ni Mama. Hindi ako papayag na tapakan tayo ng mga Russo sa sarili nating bayan. Ernest, gusto kong sirain niyo ang lahat ng materyales na dumating kahapon. I-sabotahe niyo ang mga makinarya. Kung kailangan, sunugin niyo ang barracks nila." Seryoso niyang utos Kay Ernest, hindi siya natatakot kay Roxie gusto niyang magsisi si Atlas sa ginawa nitong pakikipaghiwalay sa kaniya.
"Masusunod, Ma'am. Paano kung may rumespondeng mga pulis?" tanong ni Ernest, mas mabuti na iyong sigurado siya.
"Alam mo ang gagawin mo. Siguraduhin mong walang bakas na magtuturo sa atin," seryosong saad ni Paula. "Pero kung kailangan... huwag kayong mag-atubiling gumamit ng dahas kung iyon ang paraan para huminto sila. Sisiguraduhin kong bukas na bukas din, malalaman ni Roxie na hindi siya ligtas dito." Malamig na paliwanag ni Paula, hindi niya mapigilang mapangisi dahil kanyang gagawin lahat masira lang si Roxie.
Naglakad palayo si Ernest nang may mapanganib na ngiti, habang si Paula ay muling tumingin sa dilim, lalong nag-aalab ang obsesyong pabagsakin ang kanyang kapatid sa ina.
Isang oras matapos ang pag-uusap, dahan-dahang gumapang si Ernest at ang kanyang tatlong kasamahan sa matataas na damo sa likurang bahagi ng site. Ang lahat ay tahimik—masyadong tahimik. Hawak ni Ernest ang isang galon ng gasolina, habang ang kanyang mga tauhan ay may dalang mga bakal na pamalo para sa mga mamahaling makinarya ni Roxie.
"Doon tayo sa main generator. Kapag nawalan ng kuryente, sunugin niyo ang barracks," bulong ni Ernest sa kanyang mga kasama.
Ngunit bago pa man sila makalapit sa bakod, biglang bumukas ang dambuhalang mga floodlight mula sa apat na sulok ng site. Nabulag si Ernest sa tindi ng liwanag.
"Naghahanap ba kayo ng masisindihan?" Isang malamig at baritonong boses ang umalingawngaw mula sa itaas ng isang container van.
Nanlaki ang mga mata ni Ernest nang makita si Marcelito De Villa, nakatayo nang tuwid, nakasuot ng itim na jacket, at may hawak na radyo. Sa paligid nila, lumabas mula sa dilim ang mahigit sampung armadong security detail ng Hacienda De Villa, lahat ay may hawak na tactical gear.
"Takbo!" sigaw ni Ernest, ngunit bago pa siya makahakbang, isang malakas na sipa sa likod ang nagpasubsob sa kanya sa putikan. Mabilis siyang dinaganan ng dalawang tauhan ni Marcelito at piniit ang kanyang mga kamay sa likod gamit ang zip ties.
Dahan-dahang bumaba si Marcelito at lumapit sa nakasubsob na si Ernest. Gamit ang dulo ng kanyang mamahaling sapatos, inangat niya ang mukha ni Ernest para magtama ang kanilang mga paningin.
"Ernest, Ernest... ang bilis mo talagang kumilos, pero nakalimutan mong sa lupaing ito, ako ang nakakakita sa bawat galaw ng langgam," saad ni Marcelito na may nakakatakot na ngiti. "Akala ba ni Paula ay ganoon kami kadaling maisahan?"
"Wala kaming ginagawa! Napadaan lang kami!" pagmamakaawa ni Ernest habang nanginginig.
Kinuha ni Marcelito ang galon ng gasolina na bitbit ni Ernest at dahan-dahang ibinuhos ang kaunti nito sa harap mismo ng mukha ng lalaki. "Napadaan? May dalang gasolina at mga bakal? Sabihin mo kay Paula, tapos na ang laro ng mga bata. At ikaw... hindi ka muna uuwi ngayong gabi."
Lumingon si Marcelito sa kanyang head of security. "Dalhin sila sa holding area sa Hacienda. Tatawagan ko si Mayor Atlas. Gusto kong siya mismo ang makakita sa regalo ni Paula sa amin bukas ng umaga."
Habang kinaladkad si Ernest palayo, tumingin si Marcelito sa direksyon ng mansyon ng mga Albarando. Ang kanyang mga mata ay tila nangangako ng isang bagyong hindi kayang iwasan nina Weston at Paula.
Kinabukasan, sumikat ang araw sa Clark International Airport na may dalang bagong pag-asa para kay Roxie at matinding kaba para sa mga Albarando. Maaga pa lang ay nandoon na sina Roxie at Marcelito, kasama si Mayor Atlas na hanggang ngayon ay hindi pa rin lubos na makapaniwala sa lawak ng impluwensya at bilis ng galaw ng pamilya Russo.
Habang naghihintay sa arrival gate, hindi mapakali si Atlas. Tumingin siya kay Roxie, na mukhang kalmado pero bakas ang determinasyon sa mga mata. "Seryoso ka ba talaga rito, Roxie? Ang legal team mula New York... balita ko ay mga 'pating' ang mga 'yan sa korte. Hindi basta-basta ang mga hinahawakan nilang kaso."
"Seryoso ako, Mayor," sagot ni Roxie nang may malamig na ngiti, ang kanyang boses ay puno ng kumpyansa.
"Sinabi ko na kay Weston... kapag ang pader na binabangga niya ay hindi lang semento, kundi bakal. At ang bakal na 'yan ay heto na. Panahon na para ipakita sa kanila na hindi lahat ng bagay ay nakukuha sa pananakot at korapsyon."
Pinalaki siyang hindi basta sumusuko, iyon ang pinagpapasalamat niya sa kaniyang ama. Lalo pa itong naging matapang, dahil alam niya sa kaniyang sarili na wala siyang ibang kakampi kundi sarili at ang mga pinsan niyang Russo. Ang kaisa-isa niyang inaasahan ay pinapaburan pa nito yung bago nitong pamilya. Si Alma, kahit na baluktot na ang pag-iisip ng mag-ama nito ay mas pinapanigan niya pa rin.
Tumingin si Roxie kay Marcelito na seryosong nakamasid sa paligid, tila tinitiyak na ligtas ang bawat anggulo ng airport.
"Marcelito, kumusta ang seguridad sa site matapos ang nangyari kagabi? Naka-hold na ba si Ernest?"
"Nabigo sila, Roxie. Maagap ang mga tauhan ko sa Hacienda," sagot ni Marcelito, ang kanyang boses ay matigas at walang bakas ng emosyon.
"Nakahabol sila sa mga kasama Ernest pero mabilis na nakatakas ang mga duwag. Gayunpaman, nadagdagan ko na ang tao roon. Walang makakalapit na kahit sino. At tungkol kay Ernest... nasa holding area na siya ng Hacienda. Ligtas at bantay-sarado." Kwento ni Marcelito sa kanila.
Nakahinga nang maluwag si Roxie sa narinig. Alam niyang malaking alas ang pagkakahuli kay Ernest. Maaari nila itong gipitin para magsalita laban sa mag-amang Albarando
Eksaktong bumukas ang pinto ng arrival gate at lumabas ang apat na matatangkad at seryosong lalaki, lahat ay nakasuot ng mamahaling suit at bitbit ang kanilang mga briefcase. Sila ang legal team ni Roxie—ang mga legal heavyweights ng pamilya Russo na kilala sa pagiging malupit at tapat sa kanilang mga kliyente.
"Mr. Russo, Ms. Russo," bungad ni Atty. Pierce, ang lead counsel, habang nakikipagkamay kina Roxie at Marcelito.
"We’ve analyzed the local injunctions. They are weak and riddled with corruption. We’re ready to dismantle them today and clear the way for your project." dagdag pa nitong paliwanag sa kanila.
Tumingin si Roxie kay Atlas, ang kanyang mga mata ay bakas ang determinasyon at paninindigan.
"Huwag kang mag-alala, Mayor. Hindi lang ito legal battle. Sisimulan na natin ang cleanup operation sa San Sebastian. Panahon na para ibalik ang katarungan at kapayapaan sa bayang ito."
~ITUTULOY