Sumakay na sila sa SUV ni Atlas. Biglang umvibrate ang telepono ni Roxie. Isang pamilyar na pangalan ang rumehistro sa screen—si Marcelito.
"Marcelito? Napatawag ka?" bungad ni Roxie pagkasagot ng telepono.
"Roxie! I just got off the phone with Ledger. Sabi niya ay tila binabangga ka raw ng mga lokal na politiko riyan sa Pangasinan?" bakas sa boses ni Marcelito ang pag-aalala na may halong awtoridad.
"Totoo 'yan. Ginigipit nila ang construction ng mansyon. Weston Albarando is playing dirty," sagot ni Roxie habang nakatingin sa labas ng bintana.
Narinig ni Roxie ang mahinang tawa ng kanyang pinsan. "Well, looks like perfect timing ang bakasyon namin. Kakarating lang namin dito sa Pangasinan kasama ang pamilya ko. And guess what? Ang tinutuluyan naming resthouse ay halos katabi lang ng barangay kung nasaan ka. Isang kembot lang, nandoon na ako."
Bahagyang nagulat si Roxie. "Nandito ka? Bakit hindi mo agad sinabi?"
"Surprise sana, pero mukhang kailangan mo ng back-up. Don't worry, Roxie. Hindi lang legal team ang darating. Nandito ako para siguraduhin na walang hahawak kahit sa dulo ng buhok mo habang ginagawa mo ang 'cleanup' na 'yan," seryosong saad ni Marcelito. "I'll see you later at the site. Hayaan mong makita nila na hindi ka nag-iisa."
Ibinaba ni Roxie ang telepono at lumingon kay Atlas na kanina pa nakikinig. May bahagyang ngiti na sa kanyang mga labi—isang ngiti na nagpapahiwatig na mas lalong lumakas ang kanyang alas.
"Good news, Mayor," ani Roxie. "Nandito ang pinsan kong si Marcelito. At mukhang hindi lang lawyers ang magiging sakit ng ulo ni Weston bukas."
Napangiti rin si Atlas, ramdam na unti-unti nang bumabaligtad ang agos ng laban. "Mukhang mas magiging exciting ang mga susunod na araw sa San Sebastian, Roxie."
___
Kinabukasan sa mansyon ng Pamilya Albarando.
Nagmamadaling pumasok si Paula sa opisina ni Weston, halos hindi na kumatok sa tindi ng kaba at inis na dala niya. Nadatnan niya ang kanyang ama na nakatingin sa labas ng bintana, tila kumpiyansa pa rin sa iniisip na susunod na hakbang laban kay Roxie.
"Papa! May problema tayo. Isang malaking problema," hingal na bungad ni Paula.
Lumingon si Weston nang may kunot sa noo. "Ano na naman 'yan, Paula? Kung tungkol 'yan sa mga abogado ni Roxie, inaasahan ko na 'yan."
"Hindi lang 'to tungkol sa mga abogado, Papa," mabilis na sagot ni Paula habang inilalapag ang kanyang telepono sa mesa. "Nabalitaan ko mula sa mga tauhan natin sa border ng barangay. May dumating na back-up si Roxie. At hindi lang kung sino... si Marcelito Russo De Villa ay nandoon na sa site ngayon."
Napatigil si Weston. Unti-unting nawala ang kumpyansa sa kanyang mukha at napalitan ng matinding gulat. "Marcelito? Ang tinutukoy mo ba ay ang De Villa na sikat na businessman sa Maynila? Ang may-ari ng malawak na Hacienda De Villa sa kalapit na barangay?"
"Oho, Papa. Siya nga," kumpirma ni Paula. "At ang mas malala... pinsan siya ni Roxie. Russo rin siya."
Napaupo si Weston sa kanyang silya, tila nawalan ng lakas. Alam ng lahat sa San Sebastian at sa mga karatig-bayan ang impluwensya ni Marcelito. Isa itong bilyonaryong nagmamay-ari ng halos buong baryo sa kabila. Ang kanyang mga koneksyon ay hindi lang sa munisipyo, kundi diretso sa mga matataas na opisyal ng gobyerno at mga bigating negosyante sa bansa.
"Russo... si Marcelito ay isang Russo?" bulong ni Weston sa sarili. Bakit ngayon ko lang ito nalaman?"
Akala ni Weston ay isang dayuhang balikbayan lang si Roxie na madaling gipitin dahil walang kakilala sa lugar. Ngunit ang pagkakaroon ng isang De Villa bilang pinsan at kakampi ay nangangahulugang ang pader na binabangga ni Weston ay may malalim at matibay na ugat sa mismong lupain ng Pangasinan.
"Sabi ng mga tauhan ko, dala niya ang kanyang security detail at balitang doon sila maglalagi sa hacienda niya habang tinutulungan si Roxie," patuloy ni Paula, ang boses ay puno ng pangamba. "Papa, kung makikialam si Marcelito, hindi lang korte ang kakaharapin natin. Isang tawag lang niya, pwedeng mabaligtad ang lahat ng pabor na hinihingi natin sa kapitolyo."
Napahigpit ang hawak ni Weston sa sandalan ng kanyang upuan. Ang kumpyansang ipinakita niya kay Roxie kanina sa munisipyo ay unti-unting dinudurog ng katotohanan.
"Masyadong mabilis ang galaw nila," saad ni Weston, ang boses ay bakas na ang desperasyon. "Akala ko ay pera lang mula sa Amerika ang dala ni Roxie... pero dinala niya rito ang mismong kapangyarihan na pwedeng tumapos sa impluwensya ng mga Albarando sa San Sebastian."
Tumingin si Weston kay Paula, seryoso ang mukha. "Sabihan mo ang mga tauhan natin sa site. Huwag na huwag silang gagawa ng kahit anong kilos na ikagagalit ni Marcelito. Hindi natin pwedeng banggain ang isang De Villa nang hindi tayo handang mawala ang lahat."
Ngunit hindi matanggap ni Paula ang narinig. Namula ang kanyang mukha sa galit at pabagsak na humakbang palapit sa mesa ng kanyang ama.
"Ano ang plano natin, Papa? Tititigan na lang ba natin sila? Huwag mong sabihing natatakot ka sa kanila!" singhal ni Paula. "Hindi tayo pwedeng magpatalo kay Roxie. Mapapahiya tayo sa buong San Sebastian kapag nalaman nilang umatras tayo dahil lang sa isang De Villa. Ang pamilya natin ang hari dito, hindi sila!"
Sa gitna ng kanilang pagtatalo, dahan-dahang bumukas ang pinto at pumasok si Alma. Bakas sa kanyang mukha ang labis na pag-aalala at pagod sa gulo na idinudulot ng ambisyon ng kanyang pamilya.
"Weston... Paula... baka ito na ang pagkakataon para tumigil na," mahinahong pakiusap ni Alma. "Huwag na ninyong ituloy kung ano man ang plano niyo laban sa batang iyon. Sapat na ang tensyon sa bayang ito. Baka mas lalo lang tayong mapahamak kapag kinalaban natin ang mga De Villa."
Lalong nag-apoy ang galit sa mga mata ni Paula. Lumingon siya sa kanyang ina nang may matinding pagkabastos.
“Mama, huwag kang makialam sa usapan! Wala kang alam sa negosyo at politika namin. Manatili ka na lang sa kusina o sa mga garden mo kung ayaw mong madamay sa gulo!"
"Paula!" pagbabawal ni Weston sa kanyang anak, ngunit hindi rin niya pinakinggan ang asawa. "Alma, lumabas ka muna. Kami na ang bahala rito."
Naiwang nakatungo si Alma, malungkot na lumabas ng silid habang si Paula ay muling humarap kay Weston.
Napahilot sa kanyang sentido si Weston. Alam niyang tama si Paula tungkol sa kanilang reputasyon—na ang pag-atras ay tanda ng pagkatalo sa mata ng mga taga-San Sebastian. Ngunit bilang isang matalinong politiko, alam din niyang ang pagbangga kay Marcelito De Villa ay parang paghukay ng sarili nilang libingan.
Habang naiwang nag-iisip si Weston, lalong naging desperada si Paula. Hindi niya matanggap na ang kapatid niya sa ina—ang babaeng itinuturing niyang anino at kaagaw sa lahat—ang wawasak sa legacy ng mga Albarando. Mabilis siyang lumabas ng opisina at hinarang si Alma sa pasilyo.
"Mama, sandali!" tawag ni Paula, hinawakan niya sa braso ang ina nang may diin.
"Paula, ano na naman ba ito? Sinabi ko na sa inyo, huwag niyo nang galawin ang kapatid mo," naiiyak na sabi ni Alma. Bilang ina nina Roxie at Paula, durog ang puso ni Alma na makitang nag-uumpugan ang kanyang dalawang anak.
"Kapatid? Mama, matagal ko nang kinalimutan na may kapatid ako sa labas!" singhal ni Paula, ang boses ay puno ng poot. "At ikaw lang ang makakapagpatigil sa kanya. Kausapin mo si Roxie. Sabihin mo sa kanya na kapag hindi siya tumigil sa proyektong 'yan at sa pagpahiya sa amin, lalong magiging magulo ang lahat. Sabihin mo sa kanya na ititigil lang ni Papa ang lahat ng kaso kung aalis na siya rito."
"Bakit ko gagawin 'yan? Alam mong biktima lang din si Roxie sa nangyari noon," pagtanggi ni Alma.
"Gagawa ka ng paraan dahil ikaw ang ina niya! Ikaw ang kahinaan niya!" madiing saad ni Paula, ang boses ay puno ng manipulasyon. "Gamitin mo ang pagiging ina mo, Mama. Magmakaawa ka. Sabihin mo sa kanya na nasisira ang pamilya natin—ang pamilyang kinamulatan ko—dahil sa kanya. Sabihin mo sa kanya na kung mahal ka niya, titigil na siya."
~ITUTULOY