8: Las revelaciones en hilo.
Sa mga sandaling pababa na sila sa pantalan ng Buen Aire, tila hinihila ng barko ang mga paa ni Milo. Parang ayaw niya pang bumalik. Gusto niyang maranasan ulit ang mga sandaling kayakap niya si Aire. Ibang sensasyon ang naramdaman niya habang nakayakap sa binata.
Iyon na rin ang sandali na magpapaalam na si Aguapez sa kanilang lahat. Niyakap ni Aire ang kapatid. Bumulong ito. Aniya, huwag munang babalik dito sa lupa si Aguapez hangga’t wala ulit balita mula sa Sierra Alta o mga plano mula kina Fides at Borealis.
“Paalam, Aguapez.” Sabay kumaway si Milo sa kaniya.
“Mag-ingat kayong dalawa.”
“Makakaasa ka.”
Nagsimula na itong maglayag ulit at hindi na lumingon pa. Yumuko ang mga caballero sa pagdaan ni Milo. Umusal siya ng isang dasal ng pagbibigay-biyaya sa kanila, saka inutusan si Aire na umuwi na muna sa bahay upang dalhin ang mga gamit. Sumabay na rin siya sa mga sundalo at caballero pagbalik. Bago pa iapak ni Aire ang kaniyang mga paa pakaliwa, iniabot ni Milo ang piraso ng mga papel na may dasal bilang pasasalamat sa kanilang mga nagbantay sa kaniyang bahay. Agad siyang pumunta sa palasyo upang kunin ang susi ng dambana.
“Milo, qué alegría por tu vuelta,” pagbati ni vistador mayor.
“Muchas gracias, señor.”
“De nada, Milo. Bueno, vas a abrir el templo?”
“Sí, voy yo. Dónde está la llave?”
“La tengo. A esperar, por favor.”
Inabot nito ang susi sa kaniya. “Kumusta nga pala ang Valle Azul?”
“Malaki na po ang pinagbago. Hindi na po kagaya ng huli kong pagbisita walang taon na ang nakalilipas. Tanging mga tao ang sentro ng ekonomiya. Kadalasang kung ano ang mayroon ang isa, mayroon din ang lahat. Hindi na po sila nagtalaga ng mamumunong pamilya.”
Tumikhim ang vistador mayor. “Alam mo, iyan din ang hangad ko para sa bayan natin. Wala nang haring mamumuno. Pero ibang klase rin kasi ang namumuno sa ating lahat. Maintindihin at hindi nag-aalinlang sa paglilingkod sa mga tao.”
“Siyang tunay.”
“Ano pa nga pala ang gagawin mo sa susunod?”
“Kailangan ko pong makadaupang loob ang ermitanyo si Señor Cristobal.”
“Para saan?”
“Kailangan ko pong mag-aral ng iba’t ibang encantación.”
“Pakiabot na lamang ang aking pagbati sa kaniya.”
“Makakarating po.”
Umalis na siya. Binuksan niya na ang dambana at pinangunahan ang unang dasal. Pagkatapos ay hinintay niya si Aire. May mga taong lumalapit sa kaniya upang ipabatid ang kani-kanilang pagkabahala. Kinuwento niya na nagtungo siya sa Valle Azul upang puntahan ang lumang tahanan ng kaniyang pamilya roon. Saglit pa ay kumakaway na si Aire. Nagpaalam na siya sa mga tao.
“Aire, naibigay mo ba ang mga sulat?”
“Oo, naibigay ko. Saan nga pala tayo pupunta ngayon?”
“Sa ermitanyong si Señor Cristobal.”
Matapos na mawalan ng tao sa loob ng dambana, saka sila humayo. Binabagtas nila ang kagubatan sa hilagang silangan ng bayan. Aniya, isang pantas din si Cristobal. Ngunit ayaw nitong makisalamuha sa mga tao. Naaalala niya pa ang kauna-unahang pagkakataon na nagkrus ang kanilang mga landas. Naging mahalimuyak ang mga rosas at hinimatay siya. Pagkagising niya, bumungad sa kaniya ang nasabing ermitanyo. Doon din siya natutong gumamit ng salamangka.
“Nakakagamit ka ng encantación?” tanong ni Aire.
“Oo. Iyon din ang ginagamit ng mga vistador sa kani-kanilang bayan. Malaki ang naging ambag ni Cristobal sa pagpapalawig ng paggamit nito sa paggamot sa mga sakit.”
“Kaya mo ring gamitin ‘yon upang malaman kung tao o hindi ang kaharap mo?”
“Oo. Bakit mo naitanong?”
“Wala lang. Napaisip lang ako.”
Sa loob-loob ni Aire, katapusan niya na. Noong panahong pinag-uusapan ng mga diyos na hindi na sila dapat pang makipagdaupang-loob sa mga tao, isa siya sa tumutol. Pinabatid niya ang kaniyang dahilan sapagkat nahulog ang loob niya isang tao na nagngangalang Rosso mula sa bansang Italo. Isa ring vistador menor na mala-kastanya ang kulay ng balat. Ngunit huli na nang malaman niyang isasabatas na ang pagbabawal sa pagsasama ng tao at isang diyos. Kung gagawin man ito, kailangang isuko ang pagka-diyos at tanggapin ang kawalan ng imortalidad.
“Por Fides, la diosa de la verdad y la pureza, muéstreme el agua clara.” Usal ni Milo.
Luminis ang tubig at kitang-kita ang mga isdang lumalangoy sa ilalim nito. Ngunit mapanganib dahil may mga isdang nangangagat, tulad ng piranita at aquíles. Matatalim ang pangil ng mga ito at kadalasang pinupuntirya ang talampakan.
“Aire, huwag kang basta-basta tatapak sa tubig. Makakagat ka!”
Sinubukang lakarin ni Aire ang tubig. Nanlaki ang mga mata ni Milo sa nakita. Nagsilayo ang mga isda kay Aire. Naningkit ang mga mata niya sa binata.
“Milo, bubuhatin na lang kita.”
“Hindi. Hindi na kailangan.”
“Huwag nang matigas ang ulo. Kung gusto mong makapunta agad tayo roon, tara na.”
“Sige.”
Pinasampa ni Aire si Milo sa likod. Nilalakad niya ang tubig na parang walang panganib na dala. Nagtanong bigla siya.
“Maayos ka naman ba?”
“Hindi ako mapalagay.”
“Bakit?”
“Kapag ganiyang nagsisilayo ang mga isda, madalas na mabaho ang paa ng naglalakad.”
Tumawa nang malakas si Aire. “Gano’n ba?” Napakamot siya sa ulo.
Natawa rin si Milo. “Pero nakikita naman kita na hindi nagsusuot ng bota. Madalas na mga matador at mercante ang iniiwasan ng mga isdang ito. Pero ikaw na malinis sa katawan at hindi amoy-paa, iniiwasan ka pa rin ng mga isda?”
“Hindi ko rin alam, Milo.” Pero alam niya ang sagot kung bakit. Diyosa ng karagatan ang kaniyang ina na si Nerea. Bukod sa kaniya-kaniyang kapangyarihan. Madalas na ligtas ang mga anak ng diyosa sa mga halimaw sa tubig.
“Hayaan na. Malapit na rin tayo sa ating paroroonan.”
Nang malampasan na nila ang sapa, bumaba na ulit si Milo at naglakad. Sa hindi inaasahang pagkakataon, natisod siya. Isang pitik ang umalingawngaw. Bumagal ang paggalaw ni Milo. Agad siyang sinalo ni Aire. Iniikot niya ang kaniyang katawan upang umibabaw ito. At doon, nagdikit ang kanilang mga labi. Nanlaki ang mga mata ni Aire, at saka tumayo si Milo.
“Paumanhin, Aire.”
“Wala ‘yon. Tara na.”
Hinawakan niya ang kamay ng kaniyang amo. Napayuko si Milo sa labis na kilig. Iyon ang unang pagkakataon na may nakahalik sa kaniya. Tila naging tangkay ng puno ang kaniyang mga binti sa panghihina. Hindi niya maiwasang mapatingin sa kaniyang kasambahay. Iniisip niya pa rin kung ano ang nangyari, pero nakalimutan niya agad na matanaw niya ang isang yungib. Namataan niyang naroon ang ermitanyo. Kumaway agad siya.
“Señor Cristobal! Estoy aquí!”
“Ven aquí, joven!” sigaw nito mula sa malayo.
Nakita nilang may lumilipad na mga paruparong kulay bahaghari, may dambuhalang aso na natutulog. Mula sa b****a ng yungib, mapapansin agad ang kinang ng loob nito. Biglang luminis ang hangin, at parang lumulutang sa alapaap si Milo.
“Señor, matagal na rin po tayong hindi nagkikita.”
“Siyang tunay. Marahil ay manghihingi ka ulit ng isang aral mula sa aklat ni Fides. Tama ba?”
“Opo.”
Nanlaki ang mga mata ng ermitanyo nang makitang paparating si Aire. Nakikita niya kasi ang kaaya-ayang aura mula sa paanan ng binata. Siya lamang ang nakakakita sa mga diyos gawa ng kaniyang paningin na nanunulok hanggang sa kalagitnaan ng cosmos.
“Joven, diyos ba ang kasama mo?” tanong nito.
“Hindi po. Bakit?”
“Huwag kang mababahala. Ito ang unang pagpapakataon na may isa na namang diyos na nagpakita sa akin mula kay Fides.”
Papalapit na si Aire nang inutusan siya na manatili lamang sa labas ang tingnan ang paligid. Pumasok na silang dalawa sa loob ng yungib.
Napatikhim si Milo. “Talaga po?”
“Oo, joven. May encantación din ako na maaari mong magamit sa tamang panahon.”
“Paanong tamang panahon?”
Bumulong ito. “Panahon kung kailan ka na handang harapin na hindi tao ang kasama mo.”
Nanindig ang mga balahibo ni Milo. Hindi na ito ang unang beses na may isang tao na nagsabi sa kaniya nito. Maaari niyang subukan sa isang pagkakataon na pati siya ay inuusig na ng kaniyang konsensiya.
“Maaari ko po bang isulat ang encantación?”
“Oo naman, joven. Ang ibibigay ko ay katha ng diyosang si Fides.”
Tumango si Milo. Nagsimula na ang ermitanyo.
“Dalawang dasal ang ituturo ko sa iyo. Una ang pagpapatulog sa isang diyos. Pangalawa, upang lumitaw ang tunay niyang anyo. Maliwanag ba?”
Primera encantación por dejar dormir a Un Dios.
En el aire, pidemos una gracia del sueño,
la santísima calma de las brisas del mar,
le contamos una oración de alabanza a usted.
Le rogamos con voluntad para ceder como Éste.
Cubráselo con poder y para que se muestre la aura interior.
Por favor, deje dormir El Dios del firmamento.
Que levante su alma clara como el agua en el arroyo.
Por favor, deje dormir hasta la última pedazo del universo.
Encantación para hacer la revelación.
Para El Dios del todo firmamento, Viento Visto,
muéstrenos la gracia de tu cuerpo en voluntad.
Cada fibra de tu cabello se convienten al oro,
como su presencia en el aire de la santa libertad.
Para El Dios de la Santísima Sierra Alta, rogamos.
Por favor, salga del cuerpo humano y muéstrese.
De la primera estrella en su protección, rogamos.
Por favor, salga al salto de humanidad y llénenos de su gloria.
Para El Dios para que se mueran del celos por su bondad, le pidamos.
Por favor, salga del cuerpo humano para conventerse a la gran aparición.
De las manos que piden la gracia del cielo, enseñe el cuerpo de El Dios.
Por favor, salga y muéstrese en claridad y sin oscuridad.
Matapos niyang matutunan ang mga encantación, biglang nagliwanag sa b****a ng yungib at tila nakikipaglaro ito sa liwanag sa labas. Samantala, napilitang lumipad si Viento papunta sa ibang yungib upang ikubli ang sarili at ibalik ang pagka-Aire niya. Sa isang malakas na sipol, bumagal ang pagkakalaglag ng mga dahon galing sa mga puno, bumagal ang kilos ng lahat ng nilalang maliban sa kaniya. Sa isang umaalingawngaw na pitik, naglaho ang liwanag sa kaniyang buhok at katawan. Nagbalik siya bilang Aire. Saka bumalik sa dating galaw ang lahat.
Umalingawngaw din ang pagtawag ni Milo. “Aire! Aire! Nasaan ka?”
Lumabas siya sa yungib at umaktong takot na tako sa nangyari. Natulala si Señor Cristobal dahil alam niyang tama ang kaniyang hinala sa pagkanilalang ni Aire. Hindi siya maaaring magkamali sa kaniyang salamangka. At dahil nanggaling ang lahat sa diyosa na si Fides, hindi ito magsisinungaling magpakailaman.
“Kahindik-hindik, Milo, Señor.”
“Ano ang nangyari, joven?” tanong ng ermitanyo.
“May isang bola ng apoy na masidhi ang liwanag at biglang lumitaw sa harapan ko! Hindi ko alam ang gagawin kaya tinungo ko ang isang yungib banda roon.” Tinuro niya ang yungib na katabi ng punong sequoia.
“Hindi ka naman ba nasugatan o kahit ano?”
“Hindi naman, Milo. Maayos naman ang kalagayan ko.”
“Mabuti naman.”
Naniningkit pa rin ang mga mata ng señor kay Aire. Imposibleng makipaglaro ang orbo de santera na tinutukoy niya. May santera na malapit sa kaniyang yungib. Ang santera ay isang babaeng pantas na gumagamit ng salamangka upang takutin o tulungan ang mga tao, ayon sa binibigkas ng labi nito. Madalas na ito ay isang babaeng ang balat ay kakulay ang pinakamadilim na kulay ng kastanya. Nakakahalina ang mga titig nito at madalas na may sumusunod na sampung ahas sa kaniya. Pinaghalong itim at puti ang tunika nito at may belong puti. Ang pinakamadalas niyang ginagamit sa pananakot ay ang orbo de santera. Ang lahi ng mga pantas na katulad ni Candela, na siyang santerang tinutukoy ni Señor Cristobal, ay mula sa kontinente ng Aricua. Madalas na gumagamit din ito ng mga mga manyika na gawa sa dayami upang kulamin ang may masasamang balak sa kagubatan.
Ang kontinente ng Aricua at binubuo rin ng mga kaharian. Karamihan sa kanila ay mga maharlika na may kakayahan sa sining ng santería. At dahil nasa pinakadulo ng kontinente ng Grecoria ang Buen Aire sa timog kanluran, ito rin ang pinakamalapit na lagusan ng mga aricuano. Ang karamihan sa kanila ay nais lang manirahan at maging pantas upang mapalawig pa ang kaalaman nila sa sistema ng edukasyon. Ang kanilang kontinente rin ang may mga mayayabong na kasulatan sa sinaunang panahon. Doon din makikita ang palitan ng kultura ng Buen Aire at nang mga kaharian tulad ng Tunis, Marroca, at Musitania na nasa hilagang ng kontinente.
Sa bayan ng Buen Aire, maraming tao ang nanggaling sa Aricua. Madalas na sila ay mga mercante at sila rin ang dahilan kung bakit maunlad ang kaharian. Dalawang libong taon na ang nakalilipas nang ipagbawal ng dinastía de Erentxu ang pagmamaliit sa isang tao dahil sa kulay ng balat nito. Ilang daang taon ding nagtiis ang mga aricuano sa pagmamalupit ng mga mercante at ng mismong hari noon na si Elizalde X. Binago ito ng sumunod na hari na si Aitor I. Simula noon, Buen Aire lamang ang naging ingklusibo sa lahat ng lahi, kasama ang kultura ng santería. At dahil madalas ang pagsasama ng dalawang magkaibang lahi, napuspos ng iba-ibang paleta ng kulay ang kanilang kaharian.
Bumulong siya kay Milo. “Tatanungin ko ang santerang si Candela. Hindi ito maaari, Milo.”
“Siyang tunay, señor. Pupuntahan niyo po ba ang señora?”
“Oo. Mamaya.” Tumikhim ito at bumulong muli, “Ako mismo ang pupunta sa iyong tirahan kasama ang santera.”
“Salamat, Señor.”
“Walang anuman.”
Inabot na ng gabi sina Milo at Aire. Habang naglalakad ay nakikita niya ang libo-libong alitaptap. Parang mga talang sumasayaw sa hangin. May mga alamat din tungkol sa paglapit ng mga ito sa isang diyos, lalo na sa diyos na si Viento Visto. Lumalapit ang mga ito sa bawat yabag nito. Pumupulupot sa hangin at pinapakita ang liwanag na dala nito sa kanila. Minsan kasing nagawi si Viento Visto sa isang pamayanan na walang ilaw. Tanging mga sulo lamang na madali pang namamatay sa pag-ihip ng isang malakas na hangin. Doon ay kumuha ng mga luwad ang diyos at inihipan ito upang makalipad sa hangin. Nilagyan din niya ng liwanag sa buntot nito upang magliwanag. Kaya naman ang mga kaharian na Sierra Luz ay nakakapit pa rin sa paniniwalang ito. May tatlong buwan sa isang taon na hindi sila gumagamit ng apoy dahil tila mga araw ito sa gabi. Ang malaking bahagi pa ng kanilang bayan ay kagubatan kung saan makikita nang harap-harapan ang pagkinang nilang lahat. Sumasayaw sa hangin at nagbibigay ng ligaya sa puso ng mga taga-roon. At sa alamat nga na iyon, nabanggit din na sumusunod ang mga ito sa galaw ni Viento Visto. Napapansin ni Milo na sumusunod ang mga ito kay Aire. Doon na siya nagkaroon ng mga haka-haka kung sino nga ba talaga ang kaniyang kasa-kasama sa tuwina.
Dala-dala niya ang tatlong tala ng mga encantación mula kay Señor Cristobal. Maaaring nakapaloob sa mga ito ang sagot sa kaniyang suliranin.
Kalahati pa lamang ang lalim ng gabi nang makapasok na sila sa bayan. Agad na silang umuwi sa kanilang tahanan. Biglang napatanong si Milo.
“Aire, sandali nga lang. Bakit ka sinusundan ng mga alitaptap kanina?”
“Bakit? Kakatwa ba ‘yon?”
“Oo, lalo na para sa isang tao. Kadalasan na senyales iyon na may isang diyos sa lupa. Maaaring dalawa o tatlo. Hindi ko masabi.”
“Pasensya na. Pero ganoon din naman ang mga taga-Sierra Luz. Madalas din silang nilalapitan ng mga alitaptap.”
“Pero hindi katulad ng tila pagsasayaw nila sa hangin. Ibang pagtatanghal ‘yon ng mga alitaptap. Minsan na rin akong nagawi sa Sierra Luz, pero hindi ‘yon nangyari ni isang beses.”
“Pasensya na, pero hindi ko rin alam kung bakit.”
“Humayo na tayo sa ating mga tulugan. Matulog na tayo.
“Salamat, Milo.”
“Walang anuman.”
Hanggang sa pagkakahiga, nakakintal pa rin sa isip ni Milo ang mga nasaksihan niya kanina. Hindi malabong isang diyos lamang ang makakapagsaboy ng malakas na liwanag. May mga sandaling nakikita niyang nagiging kasing-asul ng langit sa tag-init ang mga mata nito. Parang nakikita niya ang kalawakan sa bawat pagtatama ng kanilang mga mata - malayo man o malapit. Sa likod ng bawat pagtatamang iyon, may mga sagot na nagtatago. Iyon ang nais niyang malaman.
***
Sa monasterio, mahimbing na natutulog si Olympus. Bago siya mahimbing, nakatanaw siya sa langit at inaaral ang mga galaw nito sa kalawakan. Makinang pa rin ang Estrella del Norte. Iyon ang pinapa-obserba sa kaniya ni Señor Mariduno. At sa pagkakahimbing niya, namataan niya ang pagsabog ng isang malaking bituin na kulay pula. Biglang lumitaw ang panginoong si Ganador. Parang hinihila ang katawan niya pailalim sa tubig. Naghahanap siya ng hangin sa kawalan. Dala-dala niya ang takot sa dibdib. Sa biglaang pagkaahon sa tubig, bumungad sa kaniya ang isang duelo sa pagitan ng tatlong figura - sina Aire, Ganador, at si Milo. Naririnig niya ang boses ni Milo at tumaas pa ito. Halos mawasak na ang mga puno sa sobrang lakas. Lumulutang ito sa ere. Kasunod ito ang paglabas ng isang espada na gawa sa isang mineral mula sa bulalakaw. At, nagising siya sa isang malakas na sampal. Naghahabol siya nang hininga, at tumatagaktak din ang pawis niya.
Pinagpapawisan sa kaba ang matanda. “Qué te pasa, Olympus?”
“Señor, kailangan kong sumulat kay Milo!” bulalas ni Olympus.
“Bakit? Ano’ng nakita mo?”
“May pulang bulalakaw na sumabog at lumitaw ang diyos na si Ganador.”
Bumaba sila sa kusina at doon nag-usap pa. Binigkas isa-isa ni Olympus ang lahat ng nasaksihan niya. doon na tumigil. Hindi niya nalaman kung ang mamamatay sa tatlo. Kumuha si Mariduno ng kuwadernong walang sulat, fluma at tinta upang mailathala nito ang lahat ng nakita. Mga simbolo sa panaginip. Siya man ay nagtataka sa mga nakikita ng binata. Halos parang magkakatotoo ang isang propesiya. Sa ikalimang libong taon sa daigdig, dalawang diyos ang magtatalo sa kanang-kamay ng luklukan ni Haring Marzo. Iyon ang maghuhudyat sa katapusan ng mundo. Doon niya napagtanto na halos dalawang taon na lang at mangyayari na ang propesiya. Sa sapantaha niya, maaaring mapaaga pa ito dahil sa mga binulalas ni Olympus.
Nagsimula na itong magsulat at dinetalye niya ang lahat ng maaaring mangyari.
“Olympus, matutulog ako sa tapat ng iyong higaan sa dormitoryo. Kailangan na kitang bantayan. Hindi na isang kakatwang pangyayari lang ang mga nakikita mo sa panaginip. May iba sa kanila na nangyari dito sa monasterio.”
“Katulad ng?”
“Naaalala mo ‘yung sasabihin ni Lorquia tungkol sa pagiging mapagmataas ng mga lalake dahil pakiramdam nila na sila ang tuldok sa gitna ng isang malinis na papel? Nangyari nga. At totoong nanalo sila sa debate. Nasabi mo rin na isang debate na lang at magtatapos na rin siya sa pag-aaral. Mukhang mangyayari din, Olympus. Ang masakit, hindi natin maaaring sabihin sa kaniya dahil pantas siya sa larangan ng pangangaral sa mga tao, at hindi isang vistador.”
Napabuntong-hininga si Mariduno dahil sa mga nalalaman niya. Nais niyang baguhin ang takbo ng pagtingin sa mga soñador; Na maaari din silang magbigay ng mga hinuha sa pangkaraniwang tao. Ngunit may isang soñador sa kasaysayan na ginamit ang kaniyang kapangyarihan upang pagkakitaan ang mga tao, pamilya, at mga maharlika - si Gotere. Naging desisyon na rin noon sa monasterio na burahin ang mga aklat tungkol sa kaniyang kasaysayan. Ang tanging tinira lang nila ay ang mga aklat ng panaginip mula sa kaniya.
“Salamat po, señor.”
“Walang anuman. Uminom ka muna ng pinakuluang manzanilla.”
“Sige po.”
Sa paghigop ng maligamgam na manzanilla, kumalma ang kaniyang katawan. Nawala ang kaniyang kaba at hindi na siya dinadaig ng nababahag niyang buntot sa bawat panaginip na halos gumagapi sa kaniya sa tuwina.
Iyon na siguro ang pinakamasakit na bahagi ng pagiging soñador, aniya.