"FRANCHESKA!" bulalas niya nang makabawi sa gulat.
Natatawang itinaas ni Francheska ang mga kamay na yari ay sumusuko. "Your face is so priceless. Oh, what I'd give to see it again. You are so cute, Humphrey."
Sumimangot siya. Sino ba namang lalaki ang matutuwa kapag tinawag na cute? "Gusto mo ba akong magka-heart attack? Bakit nanggugulat ka?"
Natatawa pa rin ito paminsan-minsan. "Chillax, kanina pa kita tinatawag hindi mo naman ako sinasagot. Saka nagugutom na ako."
Bumuntunghininga siya. "I-reheat mo na lang ang pagkain sa mesa. Pakitimpla rin ako ng kape."
Sumaludo ito. "Yes, Sir!"
May munting ngiti sa labi niya dahil sa turan nito. Pupulutin na sana niya ang libro nang maramdan niya na parang may mga matang nakasunod sa bawat galaw niya. Sinuyod niya ng tingin ang condo unit pero wala namang ibang tao dahil sila lang ni Francheska ang naroroon.
Hanggang sa dumako ang tingin niya sa sliding glass door sa balkonahe. Nagsitayuan ang mga balahibo niya na parang naroroon ang taong nakatingin sa kanya. Pero alam niyang imposibleng iyon dahil nasa tenth floor ang unit niya.
Tumayo siya para isara ang mga kurtina. Napahimas siya sa mga braso dahil sa biglaang lamig na naramdaman niya.
Talaga bang guni-guni lang niya ang mga iyon o may nakatingin nga sa kanya? Sa mga nangyayari sa buhay niya ngayon, hindi imposible iyon. Kalaban o kakampi?
Muli siyang napaupo sa sofang inukupa niya kanina habang nagmumuni-muni. Pinulot niya ang libro. Nang mahulog iyon ay nakabukas iyon sa pahina kung saan nakaguhit ang simbolong nakita niya sa kagubatan noon. Ang simbolong pinagmulan ng lahat.
Bumilis ang t***k ng puso niya dahil sa nadiskubre. "Francheska."
"Sandali lang! Tatapusin ko lang itong kape mo." ganting sigaw nito mula sa kusina.
At dahil wala siyang pasensya na maghintay, siya na ang pumunta sa kusina bitbit ang libro. Umupo siya sa harap ng kitchen counter at ipinakita rito ang libro. "Tingnan mo. Iyan ang simbolong sinasabi ko sa 'yo."
Inilapag nito sa harap niya ang kapeng ginawa nito. Umupo ito sa tabi niya, saka tiningnan ang libro. Binasa niya iyon. She traced the symbol with her fingers. She flipped the book to the next page and together they read.
"Ito na nga siguro ang hinahanap natin." sabi ni Francheska.
Tumango siya bilang pagsang-ayon. Buong gabi ang ginugol nila para basahin at pag-aralan ang libro. Alas sais na ng umaga nang makatulog sila. Nahimbing si Francheska habang nakadapa sa sofa, siya naman ay sa pang-isahang sofa inabutan ng antok.
It wasn't until past one in the afternoon when Humphrey woke up because of sour muscles. Napapangiwi siya habang dahan-dahang iginagalaw ang mga galamay. Pakiramdam niya magkaka-stiff neck siya dahil sa posisyon niya sa sofa.
Kasabay ng paghikab niya ay ang pagtunog ng tiyan niya. Indikasyon na nagugutom na siya. Napatingin siya kay Francheska. Payapa ang mukha nito habang natutulog. Nagdesisyon siyang huwag na lang muna itong gisingin. Hindi man ito nagsasalita, alam niyang nagkakaroon pa rin ito ng bangungot.
BUMALIK sina Humphrey at Francheska sa Baler. Hating gabi na silang nakarating doon dahil sa mahabang biyahe. Malakas kasi ang kutob niya na naroroon ang sagot sa mga tanong niya. Isa pa, sa Baler naganap ang pinakauna niyang panag-inip kung saan kinakausap siya ng kanyang abuela tungkol sa susi.
"Sigurado ka ba rito, Humphrey?" tanong ni Francheska nang ihinto niya ang kotse sa harap ng bahay ng kanyang lola.
"Malakas ang kutob ko na dito natin makikita ang sagot sa mga tanong natin. Parte si lola sa mga nangyayari. Kung hindi man masasagot ang tanong natin, makakakuha naman tayo ng clue."
Sabay silang lumabas sa kotse. Tiningnan ni Humphrey ang bahay kung saan sila lumaking magkakapatid. Ngayong wala ng nakatira pa roon, napakalungkot nang tingnan ng bahay. Ipinilig niya ang ulo para iwaksi ang kalungkutan. Nakakatakot na rin itong tingnan ngayong mataas ang buwan. Niyaya niya si Francheska sa loob bago pa magbago ang isip niya.
Kumuha lang sila ng flashlight sa storage room. Lumabas din kaagad sila para pumunta sa kagubatan na nasa likod ng bahay. Sinundan lang nila ang trail hanggang sa nasa masukal na silang bahagi kagubatan. Tahimik lang na sumunod sa kanya si Francheska.
Kuliglig lang ng mga insekto ang maririnig at ang kaluskos ng mga paa nila. Huminto siya nang may maramdamang kakaiba. Bumangga sa likod niya si Francheska.
"Hump—"
"Shh..." naging alerto ang mga matang sinuyod niya ng tingin ang paligid. Ganoon din ang ginawa ng dalaga. Pareho silang pigil ang hininga at hindi gumagalaw. May narinig silang kaluskos sa hindi kalayuan.
Mabilis na naging defensive mode ang katawan niya. Ang isang braso niya ay nakaharang sa harap ni Francheska.
He was ready to leap out when a groan was heard at the silent night. A woman came out of nowhere tumbling down. Pareho silang napasinghap ni Francheska sa gulat.
Ilang segundo rin silang hindi kumilos at nakatingin lang sa babae. Nang hindi pa rin ito kumikilos ay nag-alala na siya.
Mabilis siyang lumapit sa babae at lumuhod sa lupa. Nagulat siya sa kulay ng buhok nito. Hindi iyon kulay pilak na kagaya ng sa mga matatanda kunti puti. Puting-puti, katulad ng nyebe.
Hinawakan niya ang mga balikat nito para itihaya habang iniilawan naman ni Francheska ang paligid para makita nila ang mukha ng babae. Pareho silang napasinghap sa gulat dahil napakabata pa ng mukha nito. Para lang itong teenager. Ano ang ginagawa nito sa lugar na iyon?
Nagmulat ng mga mata ang babaeng may puting buhok. Sumalubong sa kanya ang kulay ginto nitong mga mata na kumikislap dahil sa liwanag ng buwan. Humphrey didn’t believe for one second that the woman belong to this world. Para kasing pang-ibang mundo ang presensiya at ganda nito.
INIABOT ni Humphrey ang kamay para sa babae. Kaagad naman nitong hinawakan iyon. Tinulungan niyang itong makatayo. May kagaspangan ang palad nito na yari bang sanay ito sa gawaing kamay.
"Ayos ka lang ba, miss?" tanong niya at iginala ang tingin sa buong katawan nito. Tinitingnan niya kung may malubhang pinsala ba ito.
Tumango ang babae. Hinawi nito ang ilang hibla ng buhok na tumabon sa maganda nitong mukha. Nang magtagpo ang mga mata nila ay nakadama siya ng pamilyaridad sa mga iyon. Pero hindi niya matukoy kung ano.
"Ayos lang ako. Salamat."
Napakalambot ng boses nito na para bang hindi nito kayang sumigaw. Hindi niya magawang iiwas ang tingin sa mukha nito dahil naaakit siya rito. Pero hindi bilang lalaki sa isang magandang babae. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman.
"Anong ginagawa mo rito ng disoras ng gabi?" tanong ni Francheska.
Inayos muna ng babae ang nagusot nitong damit at buhok. Napasunod ang tingin niya sa kamay nitong sumuklay sa may kahabaan nitong puting buhok. Hindi niya maiwasan ang hindi mamangha sa kulay puti nitong buhok. Lalo na’t para iyong nagliliwanag dahil sa sinag ng buwan na tumatama rito.
"Naghahanap kasi ako ng mga halamang gamot. Naligaw ako noong pabalik na ako at inabutan na ng gabi."
"Halamang gamot? Wala naman kaming nadaanang bahay." sabi ni Francheska.
"Ah, para sa eksperimento ko. Sa syudad talaga ako nakatira, napadpad lang ako rito sa paghahanap ng mga halamang gamot. Wala naman na kasi tayong makikitang halamang gamot sa syudad."
"Eksperimento?" tanong pa rin ni Francheska.
Hindi kasi magawang magsalita ni Humphrey dahil hindi niya maialis ang tingin sa babaeng may puting buhok. Para bang nagayuma siya ng kagandahan nito. Na pamilyar sa kanya.
Hindi lang niya matukoy kung saan niya nakita ang mukhang iyon. Pero sigurado siyang nakita na niya ang mukha nito.
"I'm a herbalist. Gumagawa ako ng gamot." sabi ng babae.
"Bakit parang may humahabol sa iyo kanina?"
"Oh, hinahabol talaga ako ng baboy ramo. Mabuti na nga lang at natakasan ko. Akala ko katapusan ko na."
Dahil titig na titig si Humphrey sa mukha ng babae—sa mata—napansin niya ang kakaibang kislap sa ginto nitong mga mata noong sabihin nito ang baboy ramo. Para bang...hindi naman talaga iyon ang humahabol dito.
Lumingon sa kanya ang babae. Nagtagpo na naman ang mga mata nila. At pakiramdam niya ay may kung anong init ang nabuo sa kaloob-looban niya. Para bang tinatawag siya niyon. "Kayo, anong ginagawa ninyo rito sa disoras ng gabi?"
Doon nawala ang tila hipnotismong bumabalot sa kanya. Nagkatinginan sila ni Francheska.
Tumikhim siya bago sumagot. "Ah, magka-camping kami."
Tumaas ang kilay ng babae. "Nasaan ang tent niyo?"
Napangiwi siya. He really is bad at impromptu reasoning kaya kadalasan nahuhuli siya sa pagsisinungaling.
"We're just looking for something." salo ni Francheska sa kanya.
Binigyan niya ito ng nagpapasalamat na tingin.
"Nang hating gabi?"
"Kanina pa kami naghahanap hanggang sa naligaw na rin kami at hindi namin alam kung nasaan na kami." sagot pa rin ni Francheska.
Tumango lang ang babae.
"Ako nga pala si Humphrey. Si Francheska, kaibigan ko." pagpapakilala niya.
"I'm Ashelynn. At magkaibigan o magka-ibigan?" Nakataas ang dalawang kilay na tanong nito.
"Magkaibigan." pagkaklaro niya pero inaamin niyang mas gusto niya ang magka-ibigan.
"Ang mabuti pa sabay na lang nating hanapin ang labasan ng gubat na ito." suhestiyon ni Ashelynn.
Nagkatinginan silang dalawa ni Francheska. Hahanapin pa nila ang simbolo pero hindi naman nila pwedeng sabihin iyon kay Ashelynn. Baka masabihan pa silang baliw.
Marahan siyang tumango.
"Mabuti pa nga," sabi ni Francheska. "Siya nga pala, kulay puti ba talaga 'yang buhok mo? O nagpakulay ka?"
Ngumiti lang si Ashelynn bilang sagot.
ILANG minuto na rin silang naglalakad sa gubat pero hindi pa rin nila mahanap ang kalsada. Kumbinsido na si Humphrey na nawawala na talaga sila.
Pakiramdam din niya ay nagpapaikot-ikot lang sila sa gubat. Para bang walang patutunguhan ang paglakad nila. Napatingin siya kay Francheska. Nang maramdaman nitong nakatingin siya rito ay nilingon siya nito. Nagtatanong ang mga mata nito.
Bago pa man isa sa kanila ang makapagsalita ay huminto sa paglalakad si Ashelynn kaya napahinto rin sila.
"Anong problema?" tanong niya.
"Nanggaling na tayo rito." sabi nito sa nakakunot na noo.
"Iyon nga ang napansin namin." sabi ni Francheska.
Mariing naglapat ang mga labi nito. "Nililigaw tayo ng gubat na ito."
Bulong lang iyon pero dahil malapit siya kay Ashelynn, narinig niya iyon.
Nililigaw ng gubat? Napatingin siya kay Francheska pero mukhang hindi nito narinig ang sinabi ni Ashelynn.
Kung sa mga kababalaghan lang na nangyayari sa buhay niya nitong nakaraan ay sasang-ayon siya kay Ashelynn. Pero naniniwala ba talaga ito sa sinasabi nito?
Ashelynn kept on murmuring something under her breath, but Humphrey can't put words into it. Dahil masyadong mahina ang boses nito. At mukhang siya lang ang nakakapansin dahil nakatigin lang ito sa daraanan nila.
May kung anong pilit na sumusiksik sa utak niya pero hindi niya mawari. Ipinagkibit-balikat na lang niya iyon.
Ilang minuto pa silang naghanap hanggang sa makarating sila sa isang patag. Napahinto si Humphrey habang bumabalik sa alaala niya nang una niyang marating ang lugar na iyon.
Eksaktong-eksakto kasi ang pagkakalagay ng malahiganteng mga puno. Labin-dalawang puno iyon. At ang isa ay ang puno niya. Doon unang nagpakita sa kanya ang orakulo.
Wala sa loob na naglakad siya sa punong nakatakda sa kanya. Hinaplos niya iyon ng isang kamay. Napaatras siya nang bigla na lang iyong nagliwanag.
Naipikit niya ang mga mata para hindi masilaw. Nang muli niyang buksan ang mga mata, isang mahiwagang pintuan na ang naroon.
At may isang lalaking nakatayo sa tabi niyon. Nakaekis ang mga braso nito sa dibdib at nakapikit ang mata. Sa palagay niya ay nasa seven feet ang taas nito.
Bahagya siyang napaatras. Wala kasi ito noong una. Tanging ang orakulo lang ang naroon at nag-aapoy na pintuan. Ngayon ay parang isang normal na pinto na lang ang naroroon.
"Sino ka?"
Nagmulat ng mga mata ang lalaki at sinalubong siya ng nag-aapoy na mga mata. Bughaw na nag-aapoy... Nanonoot ang titig nito na yari bang sinusukat ang pagkatao niya.
"Ashelynn." sabi ng lalaki at lumagpas ang tingin nito sa kanya hanggang sa likod niya.
Lumingon siya at naroon nga at nakatayo ang babaeng may puting buhok. Pero kinabahan siya nang hindi makita si Francheska.
"Nasaan si Francheska? Anong ginawa mo sa kanya?"
"Huminahon ka, Seeker." sabi ng lalaki sa may pinto sa malalim na boses. "Hindi nanganganib ang iyong iniibig."
"Kung ganoon, nasaan si Francheska?" galit na tanong niya.
"Tanging ang mga nilalang lang na may kakayahan ang makakakita sa lugar na ito. Hindi maaaring pumasok dito ang isang mortal. Huwag kang mag-alala, binabantayan ng kapatid ko iniibig mo."
"Kapatid mo?"
"Ang dalagang may puting buhok."
Napalingon siya sa likod kung saan naroroon si Ashelynn pero wala na ito sa kinatatayuan nito kani-kanina lang.
"Sino ba kayo? Anong kailangan ninyo sa akin?"
"Ako ang guardian sa lagusan ng mundo ng apoy."
"Mundo ng apoy?"
Tumango ito. "Alam mo na siguro na iba't-ibang susi ang hinahanap ninyong magkakapatid. Bawat susi ay may kaakibat na pinto ng ibang mundo. Sa kaso mo, ikaw ang Seeker ng Key of Fire."
"Kung ganoon alam mo kung anong klase ng susi ang hinahanap ko at ng mga kapatid ko?"
Umiling ito. "Pasensya ka na. Pero hindi ko alam. Ikaw lang ang kilala ko. Hindi ko alam kung sino-sino ang mga susi. Sinadya iyon para hindi kami magkagulong mga Guardians."
"Guardians..."
"Babantayan kita sa paghahanap mo sa susi. Asahan mong walang masamang mangyayari sa iyo. Hindi ako makakasama sa iyo dahil kailangan kong bantayan ang pinto. May nilalang na mula sa mundo ng apoy na nakalabas diyan sa mundo ninyong mga mortal."
"Paano si Francheska?"
"Babantayan din siya ng kapatid ko. Sundin mo lang si Ashelynn dahil tutulungan ka niyang mahanap ang susi."
"Bakit ako magtitiwala at maniniwala sa inyo? Hindi ko kayo kilala."
Kuminang ang bughaw nitong mga mata. "Nasa iyo na kung pagkakatiwalan mo kami o hindi. Pwede ka ng bumalik sa iyong sinisinta."
"Sandali!" sigaw niya. Marami pa siyang tanong na gustong magkaroon ng kasagutan.
Napaatras siya nang muling magliwanag ang pinto. Nasilaw pa siya dahil hindi niya napaghandaan iyon.
Naramdaman niya ang malambot na mga kamay at maliliit na braso na pumalibot sa baywang niya.
"Humphrey!"
"Francheska?"
Humarap siya sa dalaga. Niyakap niya ito. "Thank god you're okay."
"Ano bang nangyari? Bigla ka na lang natigilan nang hawakan mo ang punong iyan."
Napatingin siya sa 'puno' na sinasabi nito. Parang isang normal na puno na lang iyon kung tingnan pero alam niyang iyon ang pintuan sa ibang mundo.
Napatingin siya sa paligid. Wala na ang malawak na patag na dapat sana ay naroroon. Ordinaryong gubat na lang iyon.
Nagtagpo ang mga mata nila ni Ashelynn na nakatayo sa di kalayuan. Nagmamasid lang ito sa kanila. Sa dilim ng lugar, parang mumunting ilaw ang kumikislap nitong mga mata.
"Anong klaseng nilalang ka kung hindi ka isang mortal?" tanong niya rito.
"Anong sinasabi mo?" nagtatakang tanong ni Francheska.
"Kapatid siya ng Guardian of Fire." sabi niya.
"Tama ka doon," kalmadong sagot ni Ashelynn. "Purong phoenix ang kapatid ko. Samantalang halfling lang ako."
"Phoenix?" gulat niyang saad.
"May iba't-ibang uri ng nilalang at sa mundo namin, Phoenix ang naghahari. Pero mayroon ding ibang nilalang. Sa takdang panahon, malalaman mo ang iba't-ibang klase ng mundo at nilalang na nabubuhay. Sa ngayon, kailangan mong mag-focus sa paghahanap ng susi ng apoy."
"Pero saan ako mag-uumpisa sa paghahanap?" naguguluhang tanong niya.
Umiling ito. "Hindi ko rin alam. Nagkalat sa iba't-ibang bahagi ng mundong ito ang mga susi. Tanging ang nakatakda ang ang makakahanap ng mga iyon. Bawat susi, isang mortal."
Napatingin siya kay Francheska na nalilito rin at pilit na iniintindi ang mga impormasyong naririnig nila.
"Ilang susi ba ang kailangang hanapin?"
Akmang sasagot si Ashelynn nang may marinig silang alulong ng kung ano. Pare-pareho silang naging alerto. Kaagad naman siyang humakbang sa harap ni Francheska para protektahan ito.
Dumaan ang isang nakakabinging katahimikan. Walang maririnig na mga dahong nagsasayawan dahil sa hangin. Pati mga insekto wala rin.
"s**t!" biglang bulalas ni Ashelynn. "Humphrey, kailangan nating tumakbo."
Ginagap niya ang kamay ni Francheska at tumatakbong sinundan nila si Ashelynn. Hindi na siya nagtanong pa kung bakit.
Nararamdaman niya ang maya't-mayang pagtusok sa kanya ng mga sanga ng halaman at mga puno. Hindi niya pinansin ang mga iyon. Patuloy lang sila sa pagsunod kay Ashelynn.
Hindi niya alam kung gaano na sila katagal na tumatakbo nang bigla na lang tumigil si Ashelynn kaya bumangga siya sa likod nito.
"Bakit?" tanong niya.
Hindi ito sumagot at nakatingin lang sa harapan. Sinundan niya ang tingin nito at nakita niya ang isang may katangkarang lalaki. Sa tingin niya ay mas mataas pa ito sa Guardian of Fire. May kahabaan din ang pula nitong buhok. Ang mga mata nito ay isa ring nag-aapoy na asul.
"s**t!" he uttered under his breath. "Isa ba 'yang phoenix?"
HINDI pinansin ni Ashelynn si Humphrey. Binalingan niya ang isa sa membro ng konseho sa mundo nila. Noon pa man ay may masamang pakiramdam na talaga siya sa nilalang na ito pero wala naman siyang konkretong ebidensya. Isa pa, matagal na itong nakaupo sa konseho kaya mahirap itong kalabanin.
Sa halip na magbigay galang dahil sa pagiging konseho nito, tumayo lang siya ng tuwid.
"Anong ginagawa mo rito, Aerthen?" tanong niya.
Nakakahinala kasi na nagpakita ito sa panahon na sinabi ng kapatid niya na may nakalabas sa pintuan ng mundo ng hindi nito namamalayan. Bilang isang bantay, kahit sino pa man ang lalabas ay kailangan ng permiso ng kapatid niya.
Ngumisi si Aerthen na puno ng kasamaan. Nagtayuan ang mga balahibo niya sa katawan dahil sa ngising iyon. Noon pa man ay may kadiliman na siyang nararamdaman sa lalaki kaya umiiwas siya rito. Napatunayan lang niya ang kasamaan nito ngayon.
Nagsalita ito sa lengguwahe ng mga phoenix. "Kung hindi nga naman ang halfling na tulad mo."
"Noon pa man masama na ang pakiramdam ko sa 'yo. At hindi nga kami nagkakamali ni Kuya ng hinala."
"Iyong walang silbing tagabantay? Napakadali lang lusutan ni Phanoer." mayabang na pahayag nito.
Nagtagis ang mga ngipin niya. Ang Seeker ang priority niya ngayon. Kailangan nitong makatakas. Lahat ng warning signals sa katawan niya ay nagsasabing umalis na sila sa lugar na iyon.
Nilingon niya ang Seeker. Alerto at handang lumaban ang porma nito. Napangiti siya. Walang duda kung bakit isa ito sa mga napiling Seekers. He was ready to defend his woman and those who he cares without a thought to himself. A true warrior indeed.
Sumambit siya ng mahika sa lengguwahe ng mga phoenix para palabasin ang espada niya. Gumamit din siya ng mahika para pasabogin si Aerthen. Pero alam niyang hindi tatablan ang nilalang.
"Tumakbo na kayo!" sigaw niya kina Humphrey. "Kailangan ninyong makalabas sa gubat na ito."
"Pero paano ka?"
Nakaramdam siya ng mainit na kamay na humaplos sa puso niya. Sandali palang silang nagkakasama ng Seeker pero may pakialam na ito sa kanya. "Huwag mo akong alalahanin. Hindi ako isang mortal kaya hindi ako ganoon kadaling patayin. Unahin mong iligtas ang kasama mo."
Tumango ito. "Mag-iingat ka."
Saktong nawala sa paningin niya sina Humphrey nang mawala ang usok na sanhi ng pagsabog.
Isang nakakakilabot na tawa ang pinakawalan ni Aethen. "Handa kang ibuwis ang buhay mo para lang sa isang mortal na hindi mo kilala?"