Chapter 26
JEANNA
"MAGANDA na ba ako, besh?" tanong sa akin ni Twinkle na kanina pa paikot-ikot sa harap ng salamin upang sipatin ang sarili. Hindi siya mapakali nang malaman na dumating na si Tyler galing sa America. Wala pa ring pagbabago ang pagkagusto niya kay Tyler kahit pa obvious na kaibigan lamang ang turing sa kaniya.
"Oo, besh, magandang-maganda ka na kaya tigilan mo na 'yang kaiikot mo sa harap ng salamin dahil kanina pa ako nahihilo sa katitingin sa'yo."
"Eh, bakit kasi sa akin ka nakatingin tapos magrereklamo ka," sagot niya habang panay pa rin ang sipat ng sarili sa salamin.
"Kasi po, kanina pa ako naghihintay sa'yo. Baka tayo na lang po ang wala doon sa venue. At baka hindi mo po nahahalata na 30 minutes ka na po sa harap ng salamin. Get together lang po ang pupuntahan natin, hindi po engrandeng party," sarcastic na sagot ko sa kaniya.
"Ang sarcastic mo! Tara na nga!"
Hay! sa wakas ay natapos rin siya sa pagpapaganda na hindi ako sure kung mapapansin ni Tyler. Baka nga maraming inimbitahan roon.
Nag-taxi na lang kami papunta sa venue na sinabi ni Tyler. Pagdating namin doon ay tahimik ang lugar. Kabaligtaran sa iniisip kong maingay sa tugtugin at amoy sigarilyo at alak.
Agad kaming sinalubong ni Tyler. Si Twinkle naman ay parang istatwa na hindi na makagalaw sa kinatatayuan niya. Na-starstrucked siguro kay Tyler. Pa-simple ko siyang siniko para matauhan. Inanyayahan kaming umupo sa kinaroroonan nina Jerico at ng iba pa naming mga kaibigan no'ng college.
"Long time no see, kumusta?" bati sa amin ni Kyla. Siya ang kaklase naming parang ipinaglihi kay Albert Einstein sa sobrang talino. Nandito rin si Edwin, Daniella at Kristoff. Si Tyler lang ang engineer na naligaw sa grupo namin dahil kaklase niya noong high school sina Edwin at Kristoff. Hindi naman masyadong pala-sama sa amin si Jerico noon dahil may sarili siyang circle of friends.
"Okay lang. Ikaw ang kumusta na?" Pangungumusta ko kay Kyla.
"Ito stressed na sa pagtuturo. Hanggang sa bahay ay marami pa ring baon na paperworks. Naiinggit nga ako sa inyo ni Twinkle. Malaki na ang sinasahod at kaunti lang ang trabaho," sabi niya na sa pakiwari ko ay may tonong naiinggit nga.
Karamihan ng mga kaklase naming nagtuturo ay kapareho niya ng sentimiyento tungkol sa pagtuturo. Hindi raw sapat ang sahod sa dami ng trabaho kung kaya ay thankful rin ako sa naging trabaho ko sa kompanya.
"Gano'n ba? Ikaw pa ba? Kayang-kaya mo 'yan, Kyla. Mag-relax ka na muna. Nandito tayo para mag-enjoy at mag-relax. Kalimutan mo muna ang pagiging stressed mo sa trabaho."
"Oo nga, noh?" natatawang sabi niya sa akin.
Now I know kung bakit sa bahay nila Tyler kami mag-ba-bonding. Mukhang ayaw nina Kyla sa bar dahil na rin sa pagiging teacher nila. Kailangan talagang maging role model sa mga estudyante.
"How about you, Twinkle? Kumusta? Mukhang hindi mo kayang malayo kay Jeanna kaya magkasama pa rin kayo kahit sa trabaho?" pangungumusta naman ni Tyler sa nananahimik na si Twinkle.
"Ah, eh, o-okay lang, na-miss kita," kinakabahang sagot ni Twinkle, dahilan para magsigawan ang iba pa naming mga kaibigan. Ibang klase talaga itong kaibigan ko. Kinakabahan pa siya sa lagay na 'yon.
"Iyon, oh! Walang patumpik-tumpik!" kantiyaw ni Kristoff. "Na-miss naman pala, eh. Dapat na ba kaming lumipat ng puwesto para makapag-solo kayo?" dagdag pa ni Edwin. "Loko talaga kayo. Siyempre matagal rin kaming hindi nagkita kaya natural lang na na-miss niya ako. Na-miss ko rin siya. Huwag niyong bigyan ng malisya 'yon," saway ni Tyler sa dalawa para hindi sila ni Twinkle ang maging tampulan ng asaran. "Eh, si Jeanna? Kumusta ang lagay ng puso? Baka naman sasabihan mo lang kami kapag ikakasal ka na?" baling ni Daniella ng topic sa akin.
"Bakit sa akin napunta ang topic? Wala akong boyfriend kaya hindi pa ako ikakasal. Saka ang bata ko pa, 'no?"
"Since college ay wala kaming alam tungkol sa lovelife mo. I don't know kung pihikan ka lang sa lalaki or wala lang nagkakamali sa'yo," pang-aasar ni Edwin sa akin. Natawa lang ako sa sinabi niyang iyon. Totoo namang hindi ako nagku-kuwento ng tungkol sa lovelife ko dahil wala akong maikukuwento.
"Eh, kasi wala naman talaga akong maikukuwento. Hayaan mo't kapag may lovelife na ako ay kusa akong magsasabi sa inyo," sagot ko.
"Single and ready to mingle ka rin pala," kantiyaw sa akin ni Kristoff. "Ibig sabihin pala ay sina Edwin at Kyla lang ang lovers ng grupo natin," pagbabalita niya sa amin. Lahat kami ay nabigla sa sinabi niyang iyon. Sa pagkakatanda ko ay parang aso't-pusa ang dalawang iyon no'ng estudyante pa lamang kami dahil sa walang sawa nilang pagtatalo araw-araw. Kita mo naman at sila rin pala ang nagkatuluyan.
Namula si Kyla nang hawakan ni Edwin ang kamay nito upang kumpirmahin ang balita ni Kristoff.
"Bakit pakiramdam ko ay huling-huli na ako sa balita? Masyado yata tayong naging malihim sa personal life natin kaya halos wala tayong balita sa isa't-isa," sabi ni Tyler. Ramdam ko ang sinasabi niya. Totoo pala na iba na ang buhay after graduation at masasabi ko ring hindi kami mahilig mag-post sa social media ng tungkol sa personal life namin kaya wala kami masyadong balita. Ngayon lang kami ulit nagkasama-sama. Kung hindi pa umuwi si Tyler ay walang mag-o-organize ng mini-reunion namin.
Si Edwin ang sumagot. "Busy ka kasi sa American life mo." At nagtawanan kaming lahat maliban kay Jerico na ngumingiti lang nang tipid sa bawat palitan namin ng biruan. Napansin naman iyon ni Daniella. Lumipat siya ng puwesto upang tabihan si Jerico. Halos lahat naman sila ay malapit kay Jerico dahil magkaklase sila noon. Kami lang ni Twinkle ang talagang magkakilala dahil sa ibang school kami nag-aral. "Si Jerico naman ang kumustahin natin, guys," pagsisimula niya. "So, kumusta ang hot genius no'ng college days? May lovelife na ba?" mapangtukso na tanong ni Daniella. Malalagkit ang mga tingin na ipinupukol niya kay Jerico at base sa mga tingin na iyon ay masasabi kong may pagtingin pa rin siya rito.
"Wala. Busy ako sa trabaho at isa pa, bata pa ako para problemahin ang ganiyang mga bagay," matabang na sagot ni Jerico. Naiinip na siguro siya sa takbo ng usapan kaya parang wala na siya sa mood.
"Woah! Hanggang ngayon ay ganoon ka pa rin, bro!" sabi ni Kristoff. "Dati subsob na subsob ka sa pag-aaral. Ngayon ay sa trabaho naman. Get a life, bro. Ang trabaho at pera ay nandiyan lang pero ang panahon na lumilipas ay hindi na naibabalik," pahabol pa niya.
"Ang lalim! Iyan ba ang epekto ng basted lagi?" patawa-tawang sabi ni Daniella.
"Hala! Sinong laging basted?" pag-de-deny ni Kristoff.
"Sus! In-denial ka pa, eh, tayo-tayo lang ang nandito. Nanliligaw ka raw doon sa co-teacher ko, ang kaso babaero ka raw kaya binasted ka niya," sabi ni Daniella.
"What?!" hindi makapaniwalang tanong ni Kristoff. "Si Mae ba ang tinutukoy mo? Ang sinungaling naman no'n! Unang-una ay hindi ako nanliligaw sa kaniya, siya ang panay ang message sa akin. Pangalawa, ang kapal ng mukha niyang akusahan akong babaero dahil naglalandian raw kami ng pinsan ko. She's paranoid." Parang galit na sabi ni Kristoff. Maging kami ay walang imik. Ramdam namin ang inis niya habang nagsasalita.
Tila ay napahiya si Daniella nang sagutin ni Kristoff ang in-open niyang topic. At upang makabawi ay iniba na nito ang topic.
"Oh, bago pa mapunta sa kung saan ang usapan ay simulan na natin ang inuman. Wala naman sigurong pinagbabawalan pa rin ng parents hanggang ngayon, ano?" pagpaparinig niya sa amin ni Twinkle na madalas na hindi nakakasama sa inuman nila noon dahil pinagbabawalan kami ng mga magulang namin. Sila naman kasi ay medyo liberated na dati pa.
"Bawal pa rin hanggang ngayon pero wala naman sila rito kaya puwede na 'yan!" sagot ni Twinkle. Napailing-iling na lamang ako. Basta sa kalokohan ay hindi siya magpapahuli. Tinabihan naman ako ni Tyler at binulungan. "How about you? Is it fine with you to drink alcohol?" Tipid ko siyang nginitian sabay tango.
Tila ay hindi ito naniniwala kaya nagtanong siya muli. "Are you sure? Puwede naman ako magpa-serve ng juice. Hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo," nag-aalalang tanong niya.
"Huwag kang mag-alala, Tyler. Umiinom na rin ako ng alak pero hindi nga lang marami. At isa pa dapat siguro ay natututo na rin akong uminom para hindi rin ako mapahamak dahil lang sa kaunting alak," nakangiting sagot ko kay Tyler.
"O-okay. Basta sabihan mo lang ako kapag hindi mo na kaya makisabayan ng inom. Anyway, may wine kaming available. Gusto mo bang iyon na lang ang iinumin mo? Hindi masyadong alcoholic 'yon."
"Huwag kang mag-alala sa akin. Kontrolado ko ang sarili ko. Nandiyan si Twinkle para umalalay sa akin," sabi ko upang 'wag na siyang mag-alala sa akin. Sa isip ko naman ay inaalala ko kung paano kami uuwi kapag nalasing si Twinkle.
Bakit parang iba ang pakiramdam ko sa concern na ipinapakita niya sa akin? Mabait siya sa akin noon pa man pero iba ang dating sa akin ng mga ginagawa niya ngayon. Siguro ay dahil matagal-tagal rin kaming hindi nagkita.
"Let's get it on!" Sigaw ni Kristoff at kasabay no'n ang malakas na tugtugin na nagmumula sa isang speaker. Nagsayawan sina Kyla at Daniella na tila nasa bar. Hinila ni Daniella si Twinkle at hindi naman nagpapigil ang magaling kong kaibigan.
Ako ay nanatili lamang sa kinauupuan ko at tumitikim ng wine na inihain ni Tyler para sa akin habang ang iba ay busy sa paglagok ng beer.
Sa kabila ng ingay ng malakas na tugtog ay kinausap pa rin ako ni Tyler. Dahil malakas ang tugtog ay mas dumikit siya sa akin para magkarinigan kami.
"Hindi ba awkward para sa'yo ang set-up ng reunion natin?" tanong niya.
Nagsalubong ang kilay ko sa tanong niya. Hindi ko kasi maintindihan ang pinupunto ng pagtatanong niya. "Ayos lang naman. Bakit mo naitanong 'yan?"
"Alam ko kasi na hindi ka mahilig sa ganitong bagay. Hindi ka sumasama noon sa amin sa pakikipag-inuman. Kaya nga naisip ko na dito na lang sa bahay namin ganapin ang get-together party natin tutal, wala rito ang parents ko at para naman magkaroon ng buhay itong bahay namin." Tumigil siya ng ilang segundo bago nagsalita. "At para sumama ka."
"Ah, 'yon ba? Kahit saan naman ang venue ay ayos lang. Nag-mature na rin ako kahit papaano. Ako ang may responsibilidad na kontrolin ang sarili ko. Salamat nga pala sa wine. Nagpahanda ka pa ng para sa akin. Nakakahiya tuloy sa kanila."
"It's on the house. Mas okay 'yan para hindi ka masyadong malasing."
Naiilang ako sa pagkakadikit namin hindi dahil may malisya 'yon para sa akin kundi sa mga titig ni Jerico na hindi ko maintindihan ang nais ipakahulugan.
Lahat kami ay napatingin sa dako kung saan may isang babaeng naka-all red na maindayog na naglalakad patungo sa kinaroroonan namin. Hindi ko siya agad namukhaan pero nang medyo malapit na siya sa amin ay nanlaki ang mga mata ko.. si Tricia. At ano ang ginagawa niya sa get-together naming magbabarkada?