Chapter 21
JEANNA
"Hindi niyo natatanong pero ang asawa ko ay may kakayahang bumasa ng mga guhit sa palad. She's not doing it to everyone. Pili lang ang palad na tinitingnan niya at binabasahan ng kapalaran," pagsisimula ni Mr. Sartillo tungkol sa kakayahan ng asawa niya.
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabing iyon ni Mr. Sartillo. Hindi ko inasahan na sa kabila ng yaman nila ay naniniwala sila sa ganoong kakayahan at blessed silang magkaroon ng gano'n. Siguro kaya hindi masyadong ginagamit ni Mrs. Sartillo ang kakayahan niya ay dahil hindi naman lahat ay naniniwala. Iyong iba ay iisipin pang nasisiraan ka ng bait o kampon ng kadiliman.
Hinawakan ni Mrs. Sartillo ang aking kanang kamay. Hinimas-himas niya ito at sinipat ang mga guhit ng aking palad.
"Ano ang gusto mong malaman, Ms. Sandoval?" tanong niya sa akin. Napaisip ako kung ano nga ba ang gusto kong malaman. Marami, eh. Tungkol sa career ko, lovelife at magiging resulta ng boarding exam kapag nagtake ako ulit.
"Marami po, eh. Okay lang po ba 'yon?" nahihiyang sabi ko sabay simpleng tingin kay Jerico. Baka magalit na naman siya at sabihing abusado ako. Napansin siguro iyon ni Mrs. Sartillo kaya sinabihan ako. "Mag-focus ka sa akin. I-clear mo ang isip mo sa lahat ng negativities and unnecessary things. Ang isipin mo ay ang mga bagay sa buhay mo na gusto mong magkaroon ng linaw sa'yo."
Sinunod ko ang sinabi niya. Kinalma ko ang sarili ko. Inisip ko ang mga bagay na gusto kong magkaroon ng linaw sa buhay ko. Hindi ako sanay sa ganito. Mas naniniwala kasi ako sa power of prayers at will ni Lord. Naisip ko lang na wala naman sigurong masama kung ita-try ko maniwala sa mga ganitong bagay, gaya ng paniniwala ko sa libro ni Lola Marya.
"Gusto ko pong malaman kung para sa pagtuturo po ba ako o hindi," pagsisimula kong magtanong tungkol sa career ko. Kahit malaki na ang sinasahod ko bilang secretary ni Jerico ay naisip ko pa rin na magturo. Nawalan lang naman ako ng confidence no'ng hindi ako nakapasa sa board exam. Sobra ang panliliit sa sarili na nararamdaman ko lalo pa at pakiramdam ko ay pati parents ko ay kasama ring napahiya no'ng bumagsak ako. Isama pa ang kakarampot na sahod sa private school na kulang pang pantustos sa pangangailangan ng pamilya ko. Napakarami kong pangarap para sa kanila. Gusto kong suklian ang lahat ng paghihirap na tiniis ng mga magulang ko maitaguyod lang ang pag-aaral ko.
"Para sa pagtuturo ka kung gugustuhin mong magturo. Ang nakikita ko sa palad mo ay masuwerte ka sa alinmang trabaho na naisin mong pasukin. Nasa sa'yo ang desisyon kung anong trabaho ba ang gusto mong gawing permanent career, pero, sa huli ay nakikita kong pipiliin mo ang kung ano talaga ang gusto ng puso mo," sagot niya sa akin.
"S-sa lovelife po. Ano'ng klase po ba ng lalaki ang makakatuluyan ko?" kinakabahang tanong ko. Pakiramdam ko ay nagsimula na ring magpawis ang mga palad ko dahil sa kaba. Ang awkward palang magtanong ng tungkol sa lovelife sa harapan mismo ng taong gusto mo. Para akong nagpaparinig na ewan.
Tinitigang mabuti ni Mrs. Sartillo ang palad ko bago ito nagsalita ulit. "Isang lalaking may mabuting kalooban na sa una ay inakala mong masamang tao ang makakatuluyan mo. Ngunit, siya ang magbibigay sa'yo ng labis na kaligayahan at pagmamahal."
Kinilig ako sa sinabing iyon ni Mrs. Sartillo. Medyo hindi nga lang ako satisfied sa sinabi niya. Parang nag-e-expect ako ng something specific. "Nakilala ko na po ba ang lalaking nakikita ninyong makakatuluyan ko?" tanong ko ulit.
"Oo, hija, kilalang-kilala mo na siya. Kahit hindi mo pilitin o madaliin ay gagawa ng paraan ang kapalaran para pagbuklurin kayong dalawa."
Napaka-general namang magbigay ng vision itong si Mrs. Sartillo. Hindi ako makangiti ng maayos sa sinabi niya. Parang walang thrill or idea na magsasabi kung sino ang lalaking nakikita niya. Sa dami ba naman ng lalaking kilala ko na ay mahirap hulaan kung sino sa kanila ang makakatuluyan ko. Nabasa siguro ni Mrs. Sartillo ang reaksyon ng mukha ko kaya may pahabol itong sinabi na talagang gumising sa katawang-lupa ko na wala sa mood kanina pa.
Tinitigan niya ako ng diretso sa mga mata. Ang mga tingin niyang iyon ay malalim at pakiwari ko ay may nais ipahiwatig. "Ang lalaking nakikita kong makakatuluyan mo ay hindi ang taong inaakala mong nilalaman ngayon ng puso mo. Hindi lahat ng nararamdaman mo ay totoo. May mga bagay na mabibigyang-linaw rin sa tamang panahon." Makahulugang sabi niya. Sumobra yata ako sa paghangad ng specific na sagot. Pangalan na lang ang kulang sa mga hula niya sa akin. Hindi ang taong nilalaman ng puso ko ang makakatuluyan ko? Ibig sabihin ay hindi kami meant to be ni Jerico? Oh no! Ibig sabihin rin ay hindi totoong effective ang spell sa libro ni Lola? Sinasabi ko na nga ba, eh. Masyado lang nilamon ng sistema si Twinkle kaya paniwalang-paniwala siya.
"G-gano'n po ba?" malungkot na sagot ko.
"Don't be sad, hija, darating din ang tamang tao para sa'yo. Hindi porke hindi sumang-ayon sa kagustuhan mo ang sagot na inaasahan mo ay mali na ang naging paniniwala mo. Hindi ko na kailangan pang i-detalye iyon sa'yo dahil alam mo kung ano ang tinutukoy ko," makahulugan pa ring sabi niya. Nabasa rin siguro niya sa palad ko ang ginawa kong pagkapit sa spells.
"I know you are disappointed, Ms. Sandoval, pero gano'n talaga ang buhay. Hindi lahat ng nangyayari ay aayon sa gusto natin pero may mga pangyayari sa buhay natin na magbibigay sa atin ng sobrang kasiyahan kahit hindi natin in-expect. Ikaw, hijo, may gusto ka rin bang mabigyang-linaw sa buhay mo? Nakikita ko sa mga mata mo na may bumabagabag sa kalooban mo," sabi ni Mr. Sartillo kay Jerico na nakayuko lamang na nakikinig sa amin.
Para pa itong nagulat nang tanungin siya ni Mr. Sartillo. "Ah, no need, Sir. I am totally fine," tanggi niya.
Si Mrs. Sartillo sumagot. "You should be more honest with your feelings, hijo. Never let your pride ruin anything you want to be perfectly beautiful."
Mas naguluhan ako sa sinabi ni Mrs. Sartillo kay Jerico. Pride? Sabagay, ma-pride naman talaga ang lalaking 'to. Ano kaya ang ibig sabihin ng sinabi sa kaniya? Naku! Chismosa na naman ako.
Tumayo sa pagkakaupo si Mr. Sartillo at umalis. Pagbalik nito ay may inilapag itong isang maliit na kahon. Sa tingin ko ay alahas ang laman no'n.
Binuksan niya ang kahon at ipinakita sa amin ang laman nito. Isang gintong singsing na may bato na katamtaman ang laki ang laman ng kahon.
"It was from my late grandmother. That ring is special. It has the ability to show the real emotions of the person wearing it," sabi ni Mr. Sartillo. Magical ring?
Posible pala talaga 'yon?
"Ang ibig sabihin po ba ay nagbabago ang kulay ng singsing depende sa mood ng nagsusuot no'n?" Pagkumpirma ko sa idea na pumasok sa isip ko pagkasabi nilang magical ang singsing na iyon.
"Yes, hija. I am glad you know about this stuff. Kapag masaya ang taong nagsusuot ng singsing na ito ay nagiging kulay dilaw ang bato nito, itim naman kapag galit o inis, pula kapag nasa paligid niya ang taong minamahal niya at berde naman kapag nasasaktan siya," paliwanag ni Mr. Sartillo. May dahilan talaga siguro kaya napadpad kami rito at nakilala silang mag-asawa. Ang daming revelations ang nalaman ko.
"Wow! Ang galing naman po niyan!" Masayang wika ko. Para akong bata na natutuwa sa magic. Sino bang mag-aakala na uso pa ang ganito sa panahon namin. Masarap lang din sa pakiramdam na pinagkatiwalaan kami ng mag-asawa sa ganito kalaking sikreto ng kanilang pamilya.
"It's really an amazing inheritance from our ancestors. Siguro ay nagtataka kayo kung bakit ipinakita ko ito at sinabi sa inyo ang tungkol sa hiwaga nito. I want to give it to Mr. Dela Fuente," sabi ni Mr. Sartillo. Nagkatinginan kami ni Jerico nang sabihin niya 'yon. Napamulaga rin siya at hindi makapaniwala.
"I appreciate your kindness, sir, but I can't accept this ring. I guess you are giving it to the wrong person. I don't deserve this special gift from you," magalang na pagtanggi ni Jerico sa alok ni Mr. Sartillo.
"Alam kong may paniniwala ka sa mga kakaibang mga bagay. Hindi namin maibigay ang singsing na ito sa aming mga anak dahil wala silang paniniwala sa mga ganito. Hindi namin puwedeng ipagkatiwala ang ganito ka-espesyal na bagay sa mga taong hindi naniniwala rito. Just consider this as one of your collection. You don't need to wear this when you don't want to. All I want from you is to keep it safe and pass it down to someone who can appreciate it's value."
Mukhang naintindihan naman ni Jerico ang nais iparating ni Mr. Sartillo kaya tinanggap rin niya ito. "I understand your point, Sir. It is my priviledge to keep your secret safe."
"Thank you, Mr. Dela Fuente. Masyado nang napahaba ang small talks natin. Let's get down to business. Pakilabas na ang mga dapat kong pirmahan."
Inilabas kong muli ang mga papeles at hinayaang pirmahan iyon ni Mr. Sartillo. Pagtapos no'n ay gumayak na rin kami paalis. Nasa labas na kami ng bahay nang biglang lumapit sa amin si Mrs. Sartillo sabay abot sa akin ng paperbag.
"Iuwi mo na ito, hija. Dinagdagan ko na rin 'yan para may makain rin ang mga kasama mo sa bahay."
"Maraming salamat po, Ma'am."
"Just call me Tita Claire."
Ngumiti ako bilang tugon at tuluyan nang tumalikod. Galit pa rin siguro sa akin si Jerico dahil hindi niya ako pinagbuksan ng pinto ng sasakyan.
Pareho kaming tahimik sa biyahe hanggang sa makarating kami sa harap ng isang building. Hindi iyon ang kompanya. Umalon ang kaba sa aking dibdib sa hindi ko malamang dahilan.