Chapter 20
JEANNA
"T-thank you, Sir." Pagpapasalamat sa isang bucket ng fried chicken na libre niya sa akin kapalit no'ng dala kong sisig. Aligaga na talaga ako kung paano ko ipakakain sa kaniya iyon nang walang kahati. Buti na lang ay nagkusa siya. At bonus pa na umalis si Marylyn.
Sunud-sunod ang subo nito, bagama't masaya ako na nagustuhan niya ang luto ko ay nag-aalala rin ako na baka mabilaukan siya.
"S-sir, hinay-hinay lang po at baka mabilaukan po kayo."
Tuloy pa rin siya sa pagsubo at habang ngumunguya ay sumagot ito. "Ang sarap kasi. Na-miss ko talagang kumain ng ganito."
"Talaga po? Marami naman pong nagbebenta diyan sa labas ng ganiyan. Puwede naman po kayong magpabili."
"Nasubukan ko na magpabili diyan sa labas. Ang kaso, hindi ko trip ang lasa. But this one is very delicious. Kahit pa yata araw-araw akong kumain nitong luto mo ay hindi ako magsasawa."
Kinilig naman ako sa sinabi niyang iyon. Na-imagine ko na ang magiging future lunch namin araw-araw kapag kinasal na kami. "Sige po, basta may budget po ako ay ipagluluto po ulit kita ng ganiyan."
"Nevermind about the budget ako na ang bahala doon basta ipagluto mo lang ako. But I have to be careful kaya every friday lang ako kakain ng ganito."
"S-sige po."
"Anyway, after lunch ay pupunta tayo kay Mr. Sartillo para dalhin ang kontrata at iba pang papeles." Pagpapaala niya sa akin tungkol sa lakad namin mamaya.
Kahit ilang ulit akong nagpigil ay 'di ko pa rin naiwasan ang magtanong tungkol kay Marylyn. Is this really the end for us? As in wala na kaming chance? Masasabi kong ito na lang ang huling alas ko. Kapag natuloy pa rin ang kasal nila ibig sabihin lang no'n ay hindi totoong effective ang libro ni Lola. Ayaw ko mang multuhin niya ako dahil dito ay 'yon ang sa tingin kong totoo.
"Akala ko po ba ay sabay kayo ni Miss Marylyn na kakain ngayong lunch?"
Ngumiti siya. Iyong ngiting tagumpay. Naguluhan ako sa reaksyon niya. Para bang inasahan niyang itatanong ko iyon.
"She went to her dad. Gusto niyang hingiin ang freedom niya to choose her happiness."
Out of curiosity ay napakunot ang noo ko. "Happiness?"
"Yes, you heard it right. Siya na mismo ang umurong sa kasal namin at gusto niyang siya ang magsasabi no'n sa daddy niya. Hindi ko lang alam kung ano ang naging resulta ng usapan nila."
Napapalakpak ang tainga ko sa isang magandang balita na hindi ko akalaing maririnig ko agad-agad. Napahingi agad ako ng sorry sa isip ko dahil sa hindi magandang naisip ko tungkol sa libro ni Lola. Malakas ang pakiramdam ko na tapos na ang problema ko kay Marylyn at panahon na upang masolo ko na si Jerico nang buong-buo.
"Sana nga po ay mahanap na niya ang happiness niya," sincere na sabi ko. Kahit hindi maganda ang naging simula namin ni Marylyn at naging karibal pa ang turing ko sa kaniya ay hangad ko ang totoong happiness para sa kaniya. Lahat naman ng tao ay deserve na maging masaya. Sadyang may pinagdadaanan lamang ang puso at isip kaya gano'n ang naging asal niya.
"I know she will." Nakangiting sagot ni Jerico.
NASA sasakyan na kami patungo sa mansyon ni Mr. Sartillo. Wala daw sa mood ang matanda upang makipagkita sa labas. Gusto rin daw niya kaming imbitahin sa bahay nila upang mai-tour doon. Mukha lang masungit si Mr. Sartillo pero sadyang gano'n lang talaga siguro ang matatanda. Medyo bugnutin dahil sa mood swings. Sanay na ako sa ganoong pag-uugali dahil gano'n din ang ugali ng lola ko habang tumatanda. Masyado na silang sensitive sa maraming bagay at talagang kailangang mag-ipon ng maraming pasensya.
Nabasag ang katahimikan sa pagitan namin ni Jerico nang magtanong ito.
"Ano nga pala ang pinag-usapan niyo ni Mr. Sartillo at sobrang aliw siya sa'yo?"
"Tungkol lang po sa mga apo niya. Miss na miss na raw niya sila pero nakatira na sa ibang bansa."
"Oh, I see. Buti hindi ka na-intimidate sa ugali niya. Karamihan kasi ay natatakot sa kaniya dahil masungit raw."
"Sanay na po ako. May lola din po kasi ako na gano'n ang ugali. Dala lang po iyon ng katandaan at mood swings. Ang mga lolo at lola po kasi ay madalas naiinip sa buhay nila lalo pa at hindi na nila nagagawa ang mga bagay na dati nilang ginagawa."
"Mukhang marami kang alam tungkol sa matatanda, ah? Tama talaga na ikaw ang kasama ko. You know how to handle oldies very well."
"Wala naman po masyado. Medyo gets ko lang ang mood swings nila."
"We're here." Pagkasabi niya no'n ay automatic akong napatingin sa labas ng bintana upang tingnan ang lugar kung saan nakatira si Mr. Sartillo. Typical lang naman. Parang 'yong mga lugar sa mga teleserye. Minsan, hindi na ako na-a-amaze sa bahay ng mga mayayaman. Pare-pareho lang naman ng ganda. Pare-parehong malawak, may garden area, garahe at kung anu-ano pa.
Basta kapag mayaman ay expected mo na ang klase ng environment na mayroon sila.
Pinabusina niya ang kotse at agad naman kaming pinagbuksan ng gate ng mga gwardiya. Expected na siguro nila ang pagdating namin.
Bababa na sana ako nang maagap akong pigilan ni Jerico.
"I'll open the doors for you," maginoong sabi nito.
Nauna siyang bumaba at pinagbuksan ako ng pinto ng sasakyan. "Salamat," sabi ko bago bumaba.
"You're always welcome," nakangiting sabi niya. Kaunti na lang ay iisipin kong crush na rin niya ako kaya panay ang ngiti niya sa akin at sweet siya nitong mga nakaraang araw pa.
Sinamahan kami ng guard papasok sa mansyon ni Mr. Sartillo. Sa labas pa lamang ng pinto ay isang may edad na babae ang sumalubong sa amin.
"Pasok kayo. Nasa loob ang asawa ko," masayang alok nito sa amin. Sumunod kami sa kaniya at naabutan namin si Mr. Sartillo na nakaupo sa sofa habang nagkakape. Tumayo ito at nakipag-kamay sa amin ni Jerico. "Have a seat." Pinatawag niya ang maid at inutusan itong maghanda ng makakain.
Inilabas ko mula sa envelope ang mga dokumento na nangangailangan ng pirma ni Mr. Sartillo. Akma ko na itong iaabot sa kaniya nang mahinahon niya itong itinulak pabalik sa akin. "Masyado ka na ring business-minded, Ms. Sandoval. Let's have a small talk before going down to business," patawa-tawang sabi nito. "I'm sorry, Sir." Hinging-paumanhin ko. "Ikaw naman, Mr. Dela Fuente, 'wag mong turuan itong secretary mo na maging seryoso masyado sa buhay. Wala namang masama sa kaunting pagsasaya. Hindi niyo kailangang madaliin ang pagbigay sa akin ng mga papeles dahil pipirmahan ko 'yan. Oh, ayan na pala ang meryenda." Inilapag ng maid sa lamesa ang meryenda na ipinahanda ni Mr. Sartillo. "Puwede po bang mamaya na lang namin kainin 'yang ipinahain ninyo? Medyo busog pa po kami," tanong ko sa kaniya. Blueberry cheesecake ang nakahain at strawberry juice. Hindi ako mahilig sa strawberry juice pero gustong-gusto ko ang blueberry cheesecake. Makapal na kung makapal pero naisip ko na baka ipaligpit niya ang pagkain kapag napansin niyang hindi namin ito ginagalaw. Sayang naman. Natawa si Mr. Sartillo sa sinabi ko. Malakas ang tawa nito na parang tuwang-tuwa sa sinabi ko. "That's what I like about you, Jeanna. You are very honest with your thoughts. Don't worry, it's all yours. Kung hindi man ninyo makakain ay ipababalot ko na lang para maiuwi mo. Ikaw lang. Mayaman na 'yang amo mo kaya nasisiguro kong afford na niyang bumili ng kaniya." Nilingon ko si Jerico at isang awkward na ngiti lang ang naitugon niya sa sinabi ni Mr. Sartillo. Pasimple rin niya akong siniko dahil nahihiya siguro sa sinabi ko.
"Maraming thank you po." Masayang sabi ko. Dedma lang ako kay Jerico. Bahala siyang mahiya para sa akin. Ang mahalag hindi ako nagnanakaw.
Lumapit sa amin ang asawa ni Mr. Sartillo at umupo rin sa sofa. "Nakakatuwa ka naman, hija. Sana ay dalasan mo ang pagpasyal rito para may kasalo kaming kumain ng asawa ko. Ang daming pagkain sa ref pero hindi na kami makakain ng marami dahil sa mga maintenance medicines namin," sabi ni Mrs. Sartillo.
"Kapag hindi po busy papasyal po ako ulit dito. Isasama ko po dalawang kaibigan ko. Matatakaw po ang mga iyon. Sigurado po akong walang masasayang na pagkain sa ref niyo." Wala sa loob kong sagot kay Mrs. Sartillo. Ang akala kong simpleng biruan lang ay nagbigay na pala ng inis kay Jerico.
"Stop it, Jeanna. That's too much! Huwag mong dalahin dito 'yang ugali mo sa probinsya. You are taking advantage of their kindness," Inis niyang sabi dahilan upang matigil ang tawanan namin nina Mrs. Sartillo. Natahimik ako at nasaktan sa sinabi niyang iyon. Sumobra na nga ba ako sa pagiging friendly ko? Or nagmukha akong patay-gutom? Ang daming masasakit na kahulugan ng sinabi niya ang pumasok sa isip ko.
"No, it's fine, Mr. Dela Fuente. Kahit sino naman ay welcome rito. Hindi mo kailangang magalit sa kaniya," pagpapakalma sa kaniya ni Mrs. Sartillo pero hindi siya natinag. Salubong pa rin ang kilay nito at bakas ang inis sa mukha niya.
Kahit ang mag-asawa ay nakaramdam na rin ng awkwardness sa tensyong namamagitan sa aming dalawa.
Hindi na rin napigilan ni Mr. Sartillo na sumabat sa usapan. "Calm down, hijo. Kung lagi na lang init ng ulo ang paiiralin mo ay baka mas marami pa sa maintenance medicine ko ang inumin mo kapag matanda ka na."
"I'm sorry, Sir. Ayaw ko lang po na parang nababastos kayo dahil sa pagiging taklesa niya," seryosong sabi pa niya. Taklesa. Another ouch. Ganito pala talaga siya kapag nagagalit. Masakit magbitaw ng mga salita. Nagbibiro lang naman ako. Hindi ko intensyon na bastusin o abusuhin sila.
"Hindi niya kami nababastos. Ikaw ang nambabastos sa kaniya. You are hurting her for saying mean things out of your anger. If you want to correct her, do it privately." Gusto kong maluha dahil sa sinabing iyon ni Mr. Sartillo. Tama siya. Nasasaktan ako sa sinasabi ni Jerico. Sa isang iglap ay naglaho sa isip ko ang magagandang samahan na sana namin. Okay lang naman sa akin na itama niya ako kung mali na ang ginagawa ko pero huwag naman sanang sa harapan ng ibang tao.
"Enough of that. I have something to show you. It's my way of welcoming you here in our house," excited na sabi ni Mrs. Sartillo. Na-curious rin ako sa paraan niya ng pag-welcome at kahit papaano ay gumaan ang loob ko. Gusto kong matapos na ang pirmahan na ito para makauwi na rin ako.
Bakit laging gano'n? Sa tuwing ginagawa ko ang nasa libro ni Lola, may magandang nangyayari na inaakala kong magandang epekto ng spells pero napapalitan rin agad ng hindi maganda.