Chapter 17
JEANNA
BUO na ang desisyon ko. Itutuloy ko ang paggawa ng last step na nasa libro ni Lola Marya. Pagtapos kong marinig ang saloobin ni Marylyn ay mas nagkaroon ako ng lakas ng loob na gawin ito dahil wala naman pala akong damdamin na masasagasaan. Pakiramdam ko ay last chance ko na ito lalo pa at hindi ako sigurado kung papayag ba ang daddy ni Marylyn na ayawan ang kasal nila ni Jerico.
Nagluto ako ng paboritong sisig ni Jerico at nilagay ko ito sa isang maayos na baunan. Naglagay na rin ako ng kanin para hindi na niya kailangang lumabas para bumili mamayang lunch. Bahala na kung ano ang sasabihin ni Marylyn. Wala naman siyang pagtingin kay Jerico. Gusto lang niyang pasakitan si Jerico kaya niya dinidikitan.
Inaasahan kong wala pa siya sa opisina dahil sinadya kong pumasok ng maaga upang mailagay ko sa table niya ang dala kong baon para sa kaniya. Hindi ko kasi alam kung anong approach ang gagawin ko kapag iaabot ko ito sa kaniya. Ngunit, mali ako ng akala. Naroon na siya sa loob at kasama si Marylyn. Kataka-takang iba na ang aura ni Marylyn. Hindi na itim ang kulay ng lipstick niya at mas disente na rin ang suot niya.
"G-good morning, Sir Jerico," bati ko sa kaniya na prenteng nakaupo sa swivel chair niya. Ibinaling ko naman ang tingin ko kay Marylyn upang batiin ito. "Good morning po, Miss Marylyn." Ngumiti siya pabalik at binati rin ako. "Good morning, Jeanna. Pasensya ka na sa nangyari kahapon. Masyado lang akong nadala ng galit ko. I'm sorry for causing you so much trouble yesterday. Pakisabi rin sa mga kaibigan mo na pasensya na."
May kung anong humaplos sa puso ko sa sinabi niyang iyon. Hindi ko akalain na sa isang iglap lamang ay magiging ganito ang approach niya sa akin. Ngunit, sa kabilang banda ay para may kurot rin sa puso ko ang makita ko silang dalawa na magkasama at mukhang in good terms.
"O-okay lang po 'yon, masaya po ako dahil nalinawan na kayo at mukhang ayos na rin po kayo ni Sir," nakangiting sagot ko sa kaniya.
"Yes. We are okay. Nag-usap kami pag-alis namin sa inyo kahapon and I realized all my mistakes and immaturities. Nakausap ko rin ang daddy ko at nabigyan ako ng linaw sa lahat. I am now completely willing to marry Jerico. Walang pagkukunwari at bukal sa kalooban. Kung okay lang naman sa'yo ay gusto ko sanang kunin ka as bridesmaid. Nabanggit kasi niya sa akin na schoolmates kayo dati kaya kinuha ka rin niya as his secretary."
"S-sure po kayo?" tanong ko sa kaniya.
Real quick? Kahapon lang magkaaway sila at parang kailan lang, eh, problemado si Jerico dahil ayaw niyang maikasal kay Marylyn. Tapos heto sila ngayon, okay at desidido nang ikasal. Kanina ko pa nararamdaman na nag-iinit ang gilid ng aking mga mata. Gusto ko munang mag-walk out pansamantala dahil anumang oras ay maaaring pumatak ang mga luha ko.
"Of course, na-realize ko kasi na kung sino ang mga kaibigan niya ay dapat ko na ring ituring na kaibigan."
Pasimple kong sinulyapan si Jerico upang tingnan ang reaksyon niya sa mga sinasabi ngayon ni Marylyn pero walang kahit na anong emosyon ang mababakas sa mukha niya at hindi niya rin ako magawang tapunan ng tingin.
"Excuse me lang po, Ma'am and Sir. Punta po muna ako sa restroom," pagpapaalam ko sa kanilang dalawa. Nagmadali akong lumabas ng opisina at tinungo ang restroom. Sa loob ng cubicle ako naglabas ng lahat ng sakit ng kalooban ko. Tahimik lang ako habang walang patid ang luhang pumapatak mula sa mga mata ko. Ano ba yan! Akala ko may chance na. Akala ko wala ng puwedeng sumira sa chance na 'yon pero bakit ganito? Nagbago ang lahat sa isang iglap. Hindi ko mapigilang mainis sa libro ni Lola Marya. Sa panaginip ko ay siniguro ni Lola na epektibo 'yon at huwag ipagsasabi sa iba. Kabaligtaran ang lahat ng nangyayari.
Hinayaan ko lang na kumawala ang lahat ng emosyon ko sa pamamagitan ng luha. Ilang minuto rin ang itinagal ko sa loob ng cubicle bago lumabas at maghilamos. Hinintay ko munang humupa ang pamumula ng mga mata at mukha ko bago lumabas upang hindi mapansin nina Jerico na umiyak ako.
"I know you're hurt and I am the reason behind it."
Halos mapatalon ako sa pagkabigla nang makita ko si Jerico na nakasandal sa pader sa labas ng restroom at mukhang hinihintay ako.
Napalunok ako nang ilang ulit at pinipilit humagilap ng mga salita na puwede kong isagot sa kaniya. "A-ano pong ibig mong sabihin, Sir?" Pagmamaang-maangan ko.
"Don't deny it. Hindi ako manhid, Jeanna. I know how you feel about me," sabi niya habang nakasandal pa rin at nakatingin sa mga sapatos niya. Abot-abot ang kaba ko at pinagpawisan ako kahit malamig naman.
"H-hindi ko kayo maintindihan, Sir," paglilinaw ko sa kaniya kahit may idea ako kung ano ang tinutukoy niya.
Umalis siya sa pagkakasandal sa pader at hinawakan ang kamay ko. "I know that I am very confusing. I'm sorry dahil hinayaan kong maramdaman mo lahat iyan," masuyong sabi niya sabay pisil ng mariin sa mga palad ko.
"Naguguluhan po ako sa lahat ng sinasabi mo. Hindi ko po maintindihan ang pinupunto mo."
Iyon ay totoo. Hindi ko alam kung tungkol ba sa feelings ko ang pinupunto niya o ibang bagay. Ayaw kong basta na lang umamin at baka iba naman ang tinutukoy niya at sa huli ay ibuking ko lang din ang sarili ko.
"Alam kong naguguluhan ka at naiinis at the same time dahil magulo ako. Sinabi ko sa'yo na ayaw ko siyang maging asawa pero sa huli ay nagdesisyon pa rin akong pakasalan siya. I'm sorry for wasting your time at sa pagpapasakit ng ulo mo para sa mga advice mo sa akin na hindi ko rin naman sinunod."
Napatawa ako ng mapakla. Iyon lang pala ang tinutukoy niya. Kinabahan ako ng mga one thousand tapos 'yon lang pala. Akala ko ay magkaka-aminan na kami ng feelings, akala ko lang pala.
"Wala 'yon, Sir. Nag-advice lang ako pero nasa sa'yo pa rin po ang desisyon kasi buhay mo 'yan. Kahit ano pa ang desisyon na gawin mo ay walang puwedeng magalit o may masabi sa'yo. Best wishes po sa inyo ni Ms. Marylyn," nakangiting sagot ko kahit ang totoo ay dinudurog ng pagkukunwari ko ang puso ko.
"S-sorry." Malungkot na sabi niya. Ewan ko ba pero may pakiramdam ako na iba ang tinutukoy niya.
"Wala kang dapat ihingi ng sorry. Wala kang dapat patunayan sa akin at hinding-hindi mo kailangan ng validation ko. Go for what makes you happy. Kung ang pagpapakasal sa kaniya ang magpapasaya sa'yo, bakit mo pipigilan ang sarili mo? Masaya ako para sa'yo. Balik na po tayo sa opisina niyo. Baka hinahanap na po kayo ni Ma'am."