Hemira 42

4712 Words
Chapter 42 - 12th Floor Hanapin, hanapin, isang binatang mahikero Hindi alam sa sarili, kaniyang makapangyarihang talento Ituro, mahihiwagang bagay, sa kaniya ay bago Paki-usapan, sa mistikang mundo'y sumama sa iyo ~Hemira~ "Boss?!" hindi ko makapaniwalang tawag sa kaniya nang makita ko ang pinuno ng mga lalaking kinalaban ko kaninang umaga. Sila iyong hindi patas lumaban at pinagtutulungan ang kapwa estudyante nilang tagadito. Nang makita niya ako ay agad siyang napaurong ng sobra kaya siya'y natalapid sa batong nakausli sa lupa at napaupo siya. Takot na takot siya sa aking napatingin at tila hindi ininda ang kaniyang pagbagsak. "I-Ikaw?! A-anong kailangan mo s-sa'kin?!" takot na takot niyang tanong sa akin at nangangatog ang kaniyang tuhod. Tila nakakita siya ng isang napakabangis na halimaw mula sa akin. "Hindi Boss ang iyong pangalan kundi Arijie Ris Forte?" tanong ko sa kaniya. "O-Oo! B-B-Baket?! A-anong meron sa pangalan ko?!" takot pa rin niyang tanong sa akin na para bang siya'y kakainin ko talaga ng buhay. "Ngunit ang sabi sa papel ng sikreto ay makisig raw na binata si Argyris at suplado. Bakit tila hindi naman umakma sa kaniya ang mga pahiwatig doon?" kausap ko sa aking sarili at umupo ako habang tinitingnan siyang mabuti. "Sh*t! Wala 'yung mga kasamahan ko!" sabi niya habang tila naghahanap ng makakakampi niya sa paligid. Nang makapulot siya ng bato ay binato niya ako pero iniwasan ko lamang iyon. "Ouch! Masakit iyon ah!" reklamo ni Nathalie di gaanong malayo sa aking likuran dahil siya ang tinamaan ng bato at hinihimas niya ang kaniyang braso. "Ano bang kailangan n'yo sa'kin?! Y-yung resbak ba na binanta ko? Hindi ko na itutuloy iyon, paalisin mo lang ako!" pagmamakaawa niya sa akin. Tiningnan ko si Kirion at isinilip niya ang kaniyang ulo sa kaniyang kinalalagyan. "Sigurado ka ba talagang si Argyris ang isang yan?" tanong niya sa'kin ng mahina. "Bakit ang pangit niya?" tanong naman ni Aria sa'kin na bibig at mata niya lamang ang nakalabas. Tiningnan kong muli si Boss at naghihintay pa siya sa'kin ng aking sagot. "Ampon ka ba sa inyong pamilya?" tanong ko sa kaniya. Nangunot ang kaniyang noo. "O-Oo... Pano mo nalaman iyon?!" Napatingin ulit ako kay Kirion ngunit ibinalik ko ring muli ang aking tingin sa kaniya. "Kilala mo ba ang tunay mong mga magulang?" "Ano bang koneksyon ng pagkatao ko dit—" "Sagutin mo na lamang ang aking mga tanong." seryosong-seryoso kong sabi sa kaniya at nakita ko ang pangingilabot niya sa akin. "Hindi... Napulot lang nila ko sa basurahan. Sabi nila, doon ako tinapon ng nanay ko." nakayuko na niyang sagot sa akin. Napahinga akong malalim. Lumalaki na ang tsansang siya nga si Argyris pwera lamang sa kaniyang hitsura at ugali. Ibibigay ko na ang huling pagsubok ko sa kaniya. Iniharap ko si Aria sa kaniya. "Nakikita mo ba to?" "Malamang! Anong tingin mo sa'kin? Bulag?" sarkastikong tanong niya. Nagbago bigla ang awra ni Aria na aking hawak. "Hoy Panget! Hinding-hindi ako makapapayag na ikaw ang makakasama namin sa aming paglalakbay! Iba ang inaasahan kong pagkakisig na aking makikita kay Argyris hindi tulad mo na sobrang kabaligtaran ng salitang iyon!" paglilitaniya niya rito na puno ng lait. Nakatingin lamang sa akin si Boss at tila hindi niya narinig ang lahat ng sinabi ni Aria at halatang hindi niya rin ito nakikita. "Bagsak ka sa pagsubok." Tumayo na ako. "H-ha?" napatingala niyang tanong sa akin. "Hindi ikaw ang aking hinahanap." kalmado kong sabi. Ang mga katulad kong mga maheya ay mayroong kakayahang makita si Aria at si Kirion pati na marinig ang kanilang tinig at bumagsak siya roon. Hindi siya si Argyris at nakahinga akong maluwag dahil roon. "Pinaglololoko mo ba 'ko?!" galit na galit niyang tanong at tumayo na rin. Hinarap ko siya nang maayos at bigla namang tila umurong ang kaniyang dila. "Ang kamao ko ay ginagamit ko lamang sa importanteng mga sitwasyon. Kaya huwag mong hingiin na mapudpod ko ito ngayon... Boss." banta ko sa kaniya habang malamig na nakatingin sa kaniya dahil napakaagresibo niya. Tumalikod na ako para umalis ngunit... "Eh g*go ka pala eh!" sigaw niya at ramdam kong susuntukin niya na ang aking likod kaya agad akong humarap sa kaniya kaya napatigil ang kamao niya sa ere. Pinukol ko siya ng matalas na tingin at napalunok siya saka ko sinuntok ang gilid ng kaniyang mukha nang malakas. Tumalsik siya sa isang puno malapit at doon ay nawalan siya ng malay. Napailing-iling na lamang ako. Hindi niya itinuloy ang pagsuntok niya sa akin kaya ako na ang gumawa. Napatingin ako kay Nathalie at nakangiwing ngiti siya sa akin. "Sorry..." nasabi na lamang niya. *—* * *—* "Hindi mo naman kasi sinabi na dapat eh gwapo saka suplado 'yung Argyris na hinahanap mo. Eh di sana mas napabilis ako sa paghahanap kaso maraming gwapo sa school na ito at kokonti lang ang... alam mo na... mga kabaro ni Arjie,” sabi niya habang naglalakad kami. Hindi pa rin mawala sa aking isip ang lalaki kaninang iniwasan ng tatlong maheya. Kung hindi siguro siya dumating ay patuloy pa rin ang paglalaban naming anim. "Huy! Hemira! Nakikinig ka ba?" tanong sa akin ni Nathalie habang ikinakaway niya sa akin ang kaniyang kamay upang kunin ang aking atensyon. "H-ha? Ah... Oo," sabi ko sa kaniya at naglalakad pa rin kami. "Sorry ulit Hemira ah... Nagbakasakali lang naman ako na makatulong sayo." nakayuko niyang sabi at tila humihingi ng paumanhin sa akin. Tumigil ako ng paglalakad kaya siya'y tumigil rin. "Wala iyon Nathalie. Masaya ako sapagkat ginawa mo ang lahat ng iyong makakaya upang matulungan ako,” sabi ko sa kaniya at hinawakan ko ang kaniyang ulo saka ko ginulo ng kaunti ang buhok niya habang nakangiti ako. Tanda na nagpapasalamat ako sa kaniya. "Ano ba Hemira! Ginulo mo 'yung buhok ko!" sabi niya habang pilit na inaayos ang nagulo ko nga niyang buhok at natawa lamang ako sa kaniya. "Alam mo ang weird weird mo talaga,” sabi niya habang tinitingnan ako mula aking ulo hanggang paa. Nginitian ko lamang siya dahil hindi ko naintindihan ang kaniyang sinabi. "Ano ba talaga kasing kailangan mo doon sa Argyris na iyon at hinahanap mo pa siya habang nakacostume ka ng ganiyan? Hindi kaya...” sabi niya habang pinaniningkitan ako at may pagdududa sa kaniyang mukha. "Hindi kaya nasa isang Gag show ako?!" bulalas niya at tila may hinahanap sa paligid. "Saan nagtatago 'yung mga camera man n'yo? Micro cameras ba 'yung ginagamit n'yo para di halata?" sabi niya habang may hinahanap pa rin sa paligid. Hindi ko talaga naiintindihan ang kaniyang mga sinasabi. Napahinga siyang malalim. "Sabihin mo na kasi sa'kin kung bakit mo ba hinahanap 'yung taong iyon... Hm?" kinurap-kurap niya ang kaniyang mga mata na tila nagpapaawa sa akin upang sabihin ko na sa kaniya ang nais niyang malaman. "Paumanhin ngunit hindi ko maaaring ipagsabi,” sabi ko sa kaniya at napataas naman ang isa niyang kilay. "Baket naman? Top secret ba yan? Ano ka ba? Spy? Baka assassin ka?" tanong niya ng mga salitang di ko alam. "Basta hindi ko maaaring sabihin. Hindi ligtas ang lugar na ito kaya maaaring magamit laban sa akin ang mga sikretong ibinubuniyag ko kapag mayroong nakarinig na iba." paliwanag ko sa kaniya. "Ahhhh... Wierd mo talaga. Sobra. Lalim mo pa ring magtagalog. Konting push mo na lang dyan sa malaocean deep mong tagalog, dudugo na ilong ko,” sabi niya at naglakad nang muli. Habang naglalakad na kami ay tumingin siya sa isang bagay na nakasuot sa kaniyang pulso (relo) at nanlaki ang kaniyang mga mata. "Mag-uuwian na pala! Sige Hemira. Ikaw na lang muna 'yung maghanap pero bilisan mo na kasi kapag nag-uwian na, baka di mo na makita 'yung hinahanap mo kasi umuwi na. Sige ha! Bye bye!" sabi niya at tumakbo na siya paalis. "Mag-uuwian na sila?" lumabas ang ulo ni Kirion sa aking kwintas. "Ibig sabihin ay malaki ang tsansang umuwi na si Argyris sa kaniyang bahay at kailangang magpalipas tayo ng gabi rito upang hanapin natin siyang muli kinabukasan,” sabi naman ni Aria. Nangunot ang aking noo. "Napakadelikado ng lugar na ito. Sa tatlong maheya pa lamang na umatake sa atin kanina ay hindi na tayo ligtas,” wika ko sa kanila. "Hanapin na lamang natin muli 'yung lalaki kanina. Yung tinulungan mo at iniwasan ng tatlong maheya." suhestyon ni Kirion kaya tumango ako sa kaniya. Nakarating na ako sa kung saan ako pinagkakaguluhan kanina at pauwi na nga silang mga estudyante. Marami na silang nagsisilabasan at masayang nakikipag-usap sa isa't isa. Marami pa rin ang natingin sa akin ngunit hindi ko na sila pinansin. Kailangan ko nang mahanap ang lalaking iyon. Napadaan ako ng hagdan at nagulat ako dahil may isang babaeng itinulak ng ilang mga lalaki rito sa baba ng hagdan at agad ko siyang nasalo. Napayakap siya sa akin. Nagsitakbuhan na 'yung mga lalaking na iyon pagkatapos nilang gawin ang panunulak na iyon. Agad kong tiningnan ang babaeng ito. Humiwalay siya sa akin ng yakap. "Ayos ka lamang ba, binibini?" tanong ko sa kaniya. Napakahaba ng kaniyang buhok na humarang sa kaniyang mukha kaya hinawi niya iyon at doon ko na lubos na nakita ang kaniyang mukha. Napatingin ako sa kaniyang mga mata. Walang emosyon akong mabasa roon pagkatapos ng nangyari sa kaniya. Mayroon siyang buhok na maimis ang pagkakagupit sa buo niyang noo (bangs) at napakaganda rin ng kaniyang mukha. Tumango naman siya. Mayroong isang lalaking kabababa pa lamang ng hagdan ang lumapit sa amin at nababakas ang pag-aalala sa kaniyang mukha para sa binibining ito ngunit agad niya ring inalis iyon nang makita niyang ayos naman ito. Napatingin siya sa akin. Makisig ang kaniyang mukha at may pagkasuplado ang dating kaya naman biglang pumasok sa aking isipan si Argyris. "Ikaw ba si Argyris?" tanong ko agad sa kaniya kaya napatingin siya sa'kin at nangunot ang kaniyang noo habang tinitingnan ang aking kabuuan. Binigyan niya ako ng tingin na katulad ng binigay ng ibang tao rito tuwing sila ay aking kakausapin. "Hindi." sagot niya kaya naman nanlumo ako ngunit hindi ko pa siya napagtatanungan. "Mayroon ka bang kakilalang Argy—?" "Wala." sagot niya na di na pinatapos ang aking sasabihin saka umalis na. Tiningnan ko ang binibining ito na aking nasalo. Nakatingin siya sa lalaking iyon na papaalis. "Ikaw binibini? Kilala mo ba si Argyris?" tanong ko sa kaniya at umiling lamang siya. Napahinga na lamang ako ng malalim. "Sige. Salamat na lamang." aking sabi at naglakad na ako paalis. "Salamat,” sabi ng tinig ng isang babae sa aking likuran kaya napalingon ako sa babaeng aking nasalo. Wala pa ring emosyon ang kaniyang mukha. Nginitian ko siya at tumango ako sa kaniya saka ay umalis na ako. Naramdaman ko na tila may sumusunod sa akin kaya lumingon ako ngunit wala akong nakita. Isang presensya ang aking nararamdaman na puno ng galit. Tiningnan ko ang paligid ngunit napakaraming mga estudyante sa paligid at hindi ko mahanap mula sa kanila ang presensyang iyon. ~Tagapagsalaysay~ "David! Ano ba?! Wag ka ngang padalosdalos! Bakit mo siya aatakihin sa napakaraming tao na iyon?! Pano kung may mga kasamahan pa silang mga mostro na pwedeng sumira sa lugar na to?!" sermon ng isang babae sa kasamahan niyang si David. Pinigilan niya ito sa muli na namang pag-atake kay Hemira. Sila ang mga umatake kanina lamang kay Hemira. "Hindi ako makapapayag na makalapit sila kay—" "Itikom mo ang bibig mo. Kung may makarinig sayo ng pangalang babanggitin mo at may mangyaring masama sa taong iyon ay kaya mo bang dalhin ang lahat ng responsibilidad na magiging resulta?" sabi ng isa pa nilang kasamahang babae na kanilang pinuno. Dahil doon ay natahimik nga si David. Sya ay isang Illusioner o isang Illusion Mage. Kaya niyang gumawa ng napakalalaking mga ilusyon na ginamit niya kina Hemira dahil bihasang-bihasa siya roon. "Pag-isipan na lang natin kung paano natin mailalayo ang babaeng iyon at ang mga kasamahan niyang mga halimaw sa lugar na 'to,” sabi ng pinuno nila. Nag-usap pa sila sa mga bagay-bagay na kanilang gagawin kina Hemira kaya naman nakalimutan na nila itong sundan pa. ~Hemira~ Nang makalabas na ako ng gusaling iyon ay nanlaki ang aking mga mata nang makitang lumalabas na ang napakaraming mga estudyante sa labas. Hindi maaari! Tumakbo ako palabas at pilit na hinanap kung nasaan ang lalaking hinahanap ko. Lahat sila ay sumakay na ng kanikanilang mga sasakyan at umalis na. Napakuyom ako ng aking kamao. Hindi ko napagtagumpayan na mahanap kaagad si Argyris! Tumingin pa ako sa ibang paligid at mayroong nahagip ang aking mata na isang taong pamilyar na pamilyar sa akin. Ang lalaking aking tinulungan kanina! Papalabas na siya. "Hemira! Hindi kaya si Argyris talaga ang lalaking iyon?" tanong ni Kirion sa akin ng kaniya niya ring makita ang lalaking iyon. "Hah? Bakit mo naman nasabi na si Argyris ang lalaking iyon?" tanong naman ni Aria sa kaniya. "Sya'y makisig at suplado. Hindi niya alam na siya'y maheya kaya ang tingin niya sa kaniyang sarili ay tao. At ang aking suspetsa ay kaya siya iniwasan ng tatlong maheya kanina ay upang hindi niya malaman ang tunay nilang pagkatao at magkaroon ng kaalaman sa mga katulad natin." paliwanag ni Kirion. Napakalaki ng punto sa kaniyang sinabi kaya agad akong napatingin sa lalaking iyon. Hindi kaya siya na talaga si Argyris?! Tumakbo ako palapit sa kaniya ngunit napatigil ako nang may lumapit sa kaniyang isang babaeng estudyante rin ng eskwelahang ito. "Thank you rito sa librong hiniram ko sayo,” sabi ng babaeng iyon sa kaniya at nahalata ko agad na tinatangi siya ng babaeng iyon. Hindi siya umimik at kinuha niya lamang ang librong inabot sa kaniya saka naglakad na siya paalis. "Thank ulit Yohan!" sigaw pa ng babaeng iyon at hindi niya siya nilingon ngunit nanlumo ako nang aking marinig ang itinawag sa kaniya ng babaeng iyon. Yohan ang kaniyang pangalan at hindi Argyris. "Ano? Mali ka naman sa iyong mga pinagsasabi iyakin." asar na naman ni Aria kay Kirion. Hindi siya pinansin nito. "Hindi siya si Argyris ngunit maaaring may koneksyon siya sa taong iyon kaya susundan natin siya,” sabi ko at naglakad na ako para sundan ang lalaking iyon na Yohan ang pangalan. Naglalakad lamang siya ngunit tumigil siya sa paglalakad at tila ginawa niya ang ginawa ni Nathalie kaninang tanghali para may tumigil na sasakyan sa kaniyang harapan. Mukhang sasakay siya niyon sa kaniyang pag-uwi. "Paano na yan Hemira?! Sasakay din siya sa sasakyang sinakyan natin kanina?!" tanong sa akin ni Kirion at bakas ang pangamba sa kaniyang mukha. "Hemira, pilasan mo ako ng kapirasong papel at ipalagay mo kay iyaki- Kirion ang papel na iyon sa bulsa ng Yohan na iyon,” sabi ni Aria sa akin. May tumigil ng puting sasakyan sa harapan ni Yohan at pasakay na siya roon. "Ngunit bakit?" tanong ko sa kaniya. "Basta! Kailangan natin siyang masundan dahil siguradong siya na ang makapagtuturo sa atin kay Argyris!" sabi pa niya kaya sinunod ko ang kaniyang sinabi. Binuklat ko siya at pinilasan ng kapiraso sa isang blangko niyang papel. "Kirion, ilagay mo yang papel na yan sa lalaking iyon!" utos ni Aria sa kay Kirion kaya ibinigay ko sa kaniya ang kapirasong papel at napakabilis ng naging kilos niya sa pagbaba sa akin at pagpunta kay Yohan. Nakasakay na si Yohan sa loob at isasara niya na ang pinto. Nakapasok sa loob si Kirion at nang tuluyan na iyong masasara ay nakalabas na siya at pumunta sa aking paanan. Umalis na ang sasakyan. Kinuha ko siya gamit ang aking palad at ibinalik sa aking balikat. "Nagawa mo ba ang sinabi ko? Nailagay mo ba iyon sa kaniyang bulsa?" tanong ni Aria sa kaniya at nakaharap siya sa amin. "Nagawa ko na. Anong sunod na ating gagawin?" tanong niya. Ipinikit ni Aria ang kaniyang mga mata at naramdaman ko ang unti-unti niyang pagkapal. "Aria, bakit tila ika'y kumakapal at bumibigat?" tanong ko sa kaniya dahil sa pagbabagong nagaganap sa kaniya. "Iyon ay dahil nadaragdagan ako ng bagong mga mapa at direksyon mula sa mundong ito. Ang lahat ng dinaraanan ng sasakyang iyon ay nakukuha ko ang mapa kaya naman maaari na natin silang sundan,” sabi niya at saka na siya nagmulat ng kaniyang mga mata. Bumuklat siya at nakita ko roon ang tila isang makatotohanang mapa katulad nung nasa Pamilihan kami ng Eldham. Ang pinagkaiba ay puro gusali, mga sementadong daanan at mga sasakyan ang aking mga nakikita. May nakita akong puting sasakyan na katulad ng sinasakyan ni Yohan sa mapang iyon at umiilaw iyon saka nag-iiwan ng puting liniyang bakas sa lugar na kanilang dinaraanan. Biglang lumabas ang mga imaheng iyon sa aking isipan na tila alam na alam ko ang mga direksyong iyon kaya siya'y akin nang isinara. "Lubos talagang nakamamangha ang mga kakayanan mo Aria!" bulalas ko sa kaniya sapagkat sobra talaga akong natutuwa dahil masusundan na nga namin si Yohan ng walang kahirap-hirap. "Talaga! Isa talaga akong nakamamanghang nabubuhay!" nagmamalaki niyang sabi. "Psh! Nabati lamang ng maliit ngunit lubos na ang paglaki ng ulo kahit wala naman siyang ulo kundi mukha lamang." pang-aasar sa kaniya ni Kirion kaya pinukol niya ito ng masamang tingin. "Tara na at sundan na natin si Yohan,” sabi ko sa kanila at nagsimula na akong maglakad upang sundan si Yohan, isang taong makapagtuturo sa amin kay Argyris. Inabot na ako ng hating gabi sa paglalakad dahil sa layo ng inuuwian ni Yohan ngunit sa wakas ay narating ko na iyon. Isang napakataas na gusali ang aking nakita. Tila lagpas dalawangpung palapag ang mayroon iyon kaya napatingala ako ng sobra sa pagtingin doon. Ang nakikita ko sa aking isipan ay nasa ikalabingdalawang palapag si Yohan. Walang tao sa paligid kaya naman pumasok na ako ngunit biglang may humarang sa akin na nakatago lamang pala sa isang pader kanina kaya hindi ko siya nakita. "Miss. Sinong pupuntahan mo sa loob?" tanong sa akin ng isang lalaki at kakaiba ang kaniyang kasuotan kaya napatingin ako sa kaniya. Sya rin ay napatingin sa akin at parehas lamang kaming nawirduhan sa isa't isa. "Magpakilala ka." utos ko sa kaniya. Napataas ang isa niyang kilay. "Guard ako rito. Sino bang pakay mo sa loob?" tanong niyang muli. "Si Yohan." sagot ko sa kaniya. Nangunot ang kaniyang noo. "Sorry Miss pero hindi ka pwedeng pumasok. Bawal ang mga ganiyang gamit sa loob," sabi niya at tiningnan ang aking espada at puniyal sa aking bewang. Mukhang siya pala ang tagapagbantay ng lugar na ito. Kung ganoon ay guard pala ang tawag sa kanilang mga tagapagbantay. "Huwag kang mag-alala Guard sapagkat hinding-hindi ko ilalabas ang aking talim sa loob. Wala akong sasaktang tao,” sabi ko sa kaniya ngunit lalong nangunot ang kaniyang noo. "Hindi pa rin po pwede. Bumalik na lang kayo kapag maayos na yang suot mo para hindi magfreak out 'yung mga taong nakatira rito sa condominium." Ako naman ang nangunot ang noo. "Ngunit—" "Hindi talaga pwede Miss at wag mo nang ipagpilitan,” sabi niya at mukhang hindi niya talaga ako hahayaang makapasok kaya wala akong nagawa kundi ang umalis. Napahinga akong malalim. Nakarating nga ako rito ngunit hindi naman ako makapasok. Napatingin muli ako sa itaas ng gusali at nakita ko na may hagdan iyon sa gilid hanggang sa pinakangitaas kaya biglang may ideyang pumasok sa aking isipan. Napangiti ako sa naisip kong ideyang iyon. ~Modernong Tagapagsalaysay~ Nanonood lang ng T.V si Yohan habang nakahiga sa kama niya. Hindi pa siya nakararamdam ng antok kaya kahit hatinggabi na ay nanonood pa rin siya ng T.V. Mga news ang napapanood niya at samu't saring mga problema lang ang sinasabi ng mga reporter sa programang iyon kaya nairita siya at inilipat iyon sa ibang channel. Napunta siya sa isang channel kung saan ang palabas ay "The Grudge" na isang horror movie. Doon ay nakuntento na siya at yun na lamang ang pinanood. Nasa part na siya kung saan lumalabas na 'yung babae sa T.V. Nakatingin lamang siya roon at walang kurap ang mga mata dahil hindi siya matatakutin sa mga ganoon . Biglang may kumatok ng tatlong beses sa kaniyang bintana kaya napatingin siya roon. Nakababa ang kurtina niya roon kaya hindi niya makita kung ano ang kumakatok doon. Nangunot ang noo niya sa pagtataka pero isinawalang bahala niya na lang iyon at nanonood na ulit sa T.V. pero may bigla na namang kumatok at mas lumakas iyon kumpara kanina kaya napaupo siya agad mula sa pagkakahiga sa kama niya. "Hah?" takang tanong niya dahil sa nangyayaring iyon. Nasa 12th floor ang unit niya kaya imposibleng may makaabot ng bintana niya. Mayroon na namang kumatok kaya napatayo na talaga siya. Patuloy pa ring nagpeplay ang horror movie sa T.V. at tumunog ang nakakatakot na tunog mula sa movieng iyon. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa bintana niya at buong lakas loob na hinawi ang kurtina roon pero wala siyang nakita roon. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya. Hindi siya nagpapaniwala sa mga nakakatakot na mga bagay ngunit hindi maiwasang kumabog ng malakas ang dibdib niya. Itinaas niya ang kaniyang bintana dahil ang pagbubukas non ay iislide pataas. Dudungaw na sana siya nang biglang may sumulpot na babae sa harap niya at nakatabing mga mahabang buhok nito sa mukha. "Waaaaaaaaahhhhhh!" sigaw niya sa takot at napaupo sa sahig sa gulat. Pilit na pumapasok 'yung babaeng iyon sa bintana niya na parang katulad nung sa The Grudge na paglabas ng babae sa T.V. Kanina. "S-S-S-Sino ka?!" sigaw na tanong niya rito sa sobrang takot. Isinampa nito ang paa nito sa bintana niya at pati na rin ang isa pang paa nito at tuluyan na itong nakapasok. Doon, nakita niya ang isang babaeng nakaarmor at saklob ang buhok sa mukha. Warrior na ba si Sadako?! Natanong niya sa kaniyang isipan pero tila pamilyar sa kaniya ang armor na iyon. Hinawi na ng babaeng iyon ang kaniyang buhok paalis sa kaniyang mukha kaya nakita niya na ng tuluyan ang mukha nito. Natulala siya sa kagandahan nito ngunit nang maalala niya na kung saan niya ito nakita. "I-Ikaw?!" hindi niya makapaniwalang tanong rito. Naalala niya na ito 'yung babaeng nagligtas sa kaniya mula sa gang ni Arjie pero parang may tililing ito na hinabol siya kahit na nakasakay na siya ng taxi. Nakatingin lamang ito sa kaniya. "P-Pano ka nakaakyat sa bintana ko?! This is freaking 12th floor!" hindi niya makapaniwalang bulalas at agad ng tumayo saka tiningnan ang ibaba ng bintana. Nakalulula iyon ng sobra at ang natanaw niya ay ang mga headlights ng mga maliliit na mga sasakyang nag-aandaran sa ibabang kalsada sa kadiliman ng hatinggabi. Pati mga ilaw ng poste at ilang mga pailaw sa mga gusali ang sa baba ang kaniyang natanaw. Hindi pa rin siya makapaniwalang napatingin kay Hemira nang bigla nitong hugutin ang espada nito at itutok sa kaniyang leeg. Nanlaki ang mga mata niya at bigla siyang napatigil sa paghinga dahil doon. Napatingin siya sa kumikislap na talim ng espadang nakatutok sa kaniya. "Sabihin mo sa'kin kung ano ang iyong pagkatao at ano ang koneksyon mo sa tatlong maheyang umatake sa amin." maawtoridad na utos nito sa kaniya. "H-huh?! What are you talking about?! Baliw ka ba?!" sigaw niya rito at itinulak ang espadang nakatutok sa leeg niya gamit ang kaniyang palad sa pag-aakalang peke lamang iyon pero napapiksi siya ng mahiwa siya niyon. "F*ck!" mura niya at tiningnan ang palad na may hiwa at nagdurugo. Nangunot ang noo ni Hemira sa mga pinagsasabi niya. Hindi niya kasi naintindihan ang mga iyon. Ibinalik niya sa pagkakatutok sa leeg ni Yohan ang talim ng espada kaya roon ay napa-urong na ito sa pader at nacorner na niya ito. Naguguluhan na si Yohan sa nangyayari. Na isang baliw na babaeng nakaarmor at may tunay na espada ay balak na siyang gilitan sa leeg. Lumabas mula sa kwintas ni Hemira si Kirion at tumalon ito saka naging isang nemean. Inilabas nito ang mga bakal na patusok sa kaniyang mga katawan at doon ay nanlaki ang mga mata ni Yohan sa nakita. Napakusot pa siya ng mga mata niya para tingnan kung namamalik mata lamang siya ngunit nasa harapan niya pa rin ang Nemean na si Kirion. Mas lalong nanlaki ang kaniyang mga mata. Mukhang leon pero puno ng patusok na bakal sa buong katawan. Malalaki ang mga ipin at napakabangis na hayop tingnan. "WHAT THE F* * *CK!" mura niya at sobrang hindi makapaniwala sa nakikita niya. Inangilan siya nito ng mahina upang hindi sila makakuha ng atensyon sa mga tao sa paligid. "Definitely, I'm dreaming. Yeah... Binabangungot lang ako. I need ito wake myself up!" Sinampal sampal niya ang mukha niya gamit ang kabilang palad na walang sugat pero hindi pa rin siya nagigising dahil hindi naman talaga isang panaginip lang ang nangyayari sa kaniya. Konti na lamang ay mawawalan na siya ng ulirat dahil sa napagtanto niyang iyon. Lumabas din ng kusa si Aria mula sa lagan ni Hemira at isa na siyang babaeng apoy. Ibinaba na ni Hemira ang kaniyang espada mula sa pagkakatutok sa kaniyang leeg. Natulala si Yohan sa kaniya. Sa kanilang tatlo. Isang babaeng baliw na nakaarmor at may hawak ng isang totoong espada, isang leong may mga bakal na patusok na kumikislap pa ang mga dulo sa katulisan at isang babaeng apoy na nagmula sa kung saan. At doon ay tuluyan na siyang hinimatay at napahiga sa sahig na hindi inaasahan nila Hemira. Bumalik sa pagiging libro si Aria at yakap niya na muli ito at nanatili naman si Kirion sa kaniyang pagiging nemean. ~Hemira~ "Mukhang nawalan siya ng malay Hemira,” sabi ni Aria. "Bakit kaya tila gulat na gulat siya ng tayo ay kaniya nang makita?" tanong naman ni Kirion. Nakaakyat kami sa lugar na ito dahil ginamit ko ang hagdan sa gilid ng mga bintana kaya naman nagawa kong maakyat ang bintana ni Yohan ngunit natanggal ang telang ipinangtali ko sa aking buhok dahil sa lakas ng hangin kaya natabingan niyon ang aking mukha. Hindi ko naman magawang maialis dahil baka mapabitaw lamang ako sa aking pag-akyat. Nilapitan namin ni Kirion si Yohan at umupo kami sa tabi niya. "Yohan... Anong nangyari sa iyo? Yohan..." panggigising ko sa kaniya ngunit hindi siya nagmumulat. Sinundot-sundot ko ang kaniyang pisngi ngunit hindi talaga siya gumigising. Yumuko ako at inilagay sa likod ng aking tenga ang aking mga buhok na humaharang sa aking mukha saka idinikit ang tenga ko sa kaniyang dibdib at doon ay pinakinggan ko ang t***k ng kaniyang puso. Napakabilis niyon. Umupo na muli ako ng maayos. "Patay na ba siya Hemira?" tanong ni Aria sa akin. Umiling ako. "Nawalan nga lamang talaga siya ng malay." Si Kirion naman ang tumingin sa kaniya. Inamoy-amoy niya ito at biglang nanlaki ang kaniyang mga mata at napatingin sa akin. "Bakit? Anong problema?" tanong ko sa kaniya. "Hindi siya isang maheya Hemira!" "Ano?! Pano mo nasabi iyon? Tayo nga'y kaniyang nakita, hindi ba? Ibig sabihin ay may kakayahan siyang makita tayong dalawa!" sabi ni Aria sa kaniya. "Iyon ay sapagkat ni konting bahid ng amoy ng mahika ay wala akong maamoy sa kaniya. Hindi ko alam kung bakit tayo'y kaniyang nakita ngunit nagkamali pa rin tayo. Isa lamang siyang normal na tao." pagtanto ni Kirion sa aming pagkakamali at doon ay nagkatinginan kami ni Aria. "Ngunit paano nangyari iyon iyakin?! Hindi ba't sinabi mo kanina na baka may koneksyon siya sa tatlong maheyang nang-atake sa atin? Na baka sila umiiwas ay upang hindi nila maipaalam sa kaniya ang mga nabubuhay na tulad natin?!" hindi makapaniwalang tanong ni Aria sa kaniya. Nangunot ang noo niya. "Hindi ko naman inakala na mali ang aking nabuong konklusyon sa mga nangyari." pahina nang pahina ang boses niya sa pagsisisi. "Huwag mong sisihin ang iyong sarili Kirion. Babalik na lamang tayo sa eskwelahan bukas upang ipagpatuloy ang paghahanap kay Argyris,” sabi ko sa kaniya upang palubagin ang kaniyang loob ngunit nang mapatingin muli ako kay Yohan ay napansin ko na may nakatago sa ilalim ng kaniyang puting damit. Tila kwintas iyon na kaniyang suot kaya akin iyong kinuha sa loob ng kaniyang damit at akin iyong tiningnan. Putol na ngipin iyon ng isang mabangis na halihaw ngunit biglang may nagbukas ng pinto kaya napalingon kaming lahat kung sino ang nagbukas niyon. Isang babae at isang lalaki iyon. "Yohan!" sigaw nila at gulantang na gulantang silang napatingin sa nakahigang si Yohan sa aming tabi. Nakilala ko ang babaeng iyon. "Nathalie?"
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD