Kalalabas lang namin ni Caleb at kasalukuyang nag-iikot sa ibang parte ng isla. Gaya nang una naming labas ay white shirt at high-waisted jeans lang ako, siya naman ay dark blue maong short at naka-white polo shirt. Mukha tuloy kaming naka-couple shirt dahil sa pantaas namin. Nasa kalagitnaan kami ng lugar kung saan may iba-ibang outdoor activities na ino-offer, dito ko kasi siya hinila dahil bago pa man ako pumunta rito ay ito na ang plano kong maranasan.
"Caleb," bati ng apat na lalaking nakasalubong namin. Mukhang mayayaman din dahil sa pormahan ng mga ito, kilala yata nila si Caleb at mukhang nakilala rin ito ng lalaki. Masasabi kong guwapo naman silang lahat pero nangingibabaw ang itsura ni Caleb dahil sa kakaibang feature ng mukha nito, lalo na ang kulay asul na mata nitong nakuha sa kanyang ama. Sa mga Irelander ay normal lang ang gano'ng mata, pero dahil nasa Pilipinas sila ay talagang agaw pansin iyon.
Binati rin ni Caleb ang mga ito at nagsimula silang mag-usap hanggang sa natuon ang atensyon nila sa akin.
"This is?" tanong ng isa sa mga lalaki. Blonde ang buhok nito at maputi, nakasuot ng kulay pulang t-shirt na tinernuhan ng loose pant.
"She's Mahalia, my fiancé." Pakilala ni Caleb sa akin, pilit ang ngiting ibinigay ko sa mga lalaki. Hindi ko naman sila kilala at nahihiya ako sa paraan ng pagpapakilala sa akin ni Caleb. Makikita ang gulat sa mukha ng mga ito, pagkatapos ay ngumiti.
"Hi, Mahalia. It's nice meeting you," wika ng nagtanong kanina kung sino ako. Inabot pa nito ang isang kamay sa akin for a hand shake, bumaba doon ang tingin ko at hindi alam kung tatanggapin ko ba o hindi.
"He's Isidro," saad ni Caleb. Bago ko pa man maitaas ang kamay ko ay tinabig na nito ang kamay ng lalaking ikinatawa ng huli. Pinakilala rin niya ang tatlo pang kasama nila at ngumiti nalang ang mga ito sa kanya, mukhang nahiya nang sumubok na makipagkamay sa akin dahil sa ginawa ni Caleb. Baliw talaga. Nagpatuloy nalang sila sa pag-uusap, hindi ko rin naman maintindihan dahil business na naman ang usapan nila. Malay ko ba sa kung paano nilang pinapatakbo ang mga kumpanya nila?
Kinalabit ko si Caleb ng patago, agad ko namang nakuha ang atensyon nito.
"Pwede ko bang i-try ang ibang outdoor activities doon?" pagpapaalam ko. Mayroon kasing malapit sa amin na mga outdoor activities, tinignan pa nito ang tinutukoy ko saka binalik ang tingin sa akin. Nginitian ko ito para payagan ako, mukha tuloy akong batang kailangan pang magpaalam para lang magawa ang gusto ko.
"Don't try to run away," banta nito.
Inirapan ko ito at sinimangutan.
"Pahihirapan ko pa ang sarili ko kung mahahanap mo rin naman ako?" inis na anas ko. Isa pa ay nakalimutan kong magdala ng bag at pera, kung sakaling tumakas ako ay wala rin akong magagawa. Nang tumango si Caleb ay mas lumapad ang ngiti ko.
Lumapit pa ako rito at bumulong, nahihiya akong marinig kami. "I forgot to bring money, can I borrow some?" tanong ko.
Hindi nakawala sa paningin ko ang pagsilay ng ngiti sa labi nito, parang gusto nitong matawa pero pinipigilan dahil may iba silang kasama. Nasa gano'n kaming posisyon nang tawagin ang pansin ni Caleb ng mga kausap nito, nalukot ang mukha ko at palihim na sinamaan ng tingin ang lalaking umagaw ng atensyon nito. Pero agad ding nawala ang simangot ko nang iabot ni Caleb ang wallet nito sa akin, hindi ko napansing dinukot nito iyon sa kanyang bulsa. Tinignan ko pa ang mukha nito pero nakatuon ang tingin nito sa mga kausap, nag-aalangang kinuha ko nalang ang wallet nito. Kung tutuusin ay pwede ko na itong itakas dahil wala sa akin ang atensyon nito, binuksan ko iyon at halos malula ako sa laman. Ang daming bank at business cards na nasa loob, makapal din ang lamang pera doon na tig-iisang libo. Hindi pa kasi uso ang cards o online payment dito sa isla kaya siguro nag-withdraw ito ng pera para panggastos. Kumuha lang ako ng dalawang libo saka binalik ang wallet sa kamay ni Caleb, sinulyapan pa ako nito nang paalis na ako pero hindi ko na siya pinansin. Nakuha ko na ang gusto ko eh, I look like a kid again na nanghingi ng pera sa magulang. Gosh!
Una kong sinubukan ay ziplining, abot ang ngiti ko nang ako na ang nakasalang. Nagpailang ikot pa ako at sinubukan ang iba pang outdoor activities na naroon. Nang maubos ang pera ko ay pagod na rin ako kaya tumigil na ako at bumalik sa kung nasaan si Caleb, wala na ang mga kasama nito at mukhang hinihintay nalang ako. Agad na nagtama ang mata namin nang palapit na ako dito, napalunok ako dahil parang bigla itong naging attractive sa paningin ko. Pagod lang siguro ako.
"Kanina ka pang walang kausap?" bungad ko nang makalapit dito.
"Sakto lang," sagot nito.
"Gusto mong i-try ang mga activ—"
"No, I'm not interested. Are you done?" putol nito sa ilang sasabihin ko. Sinamaan ko ito ng tingin dahil sa ginawa nito.
"Magkaiba talaga ang mga hilig natin," bulalas ko.
"I know that, Mahalia. Pero hindi mo ako mapapatiklop dahil d'yan. Napabuga nalang ako ng hangin at napalunok, medyo nanunuyo ang lalamunan ko sa pagod.
"Bili tayong inumin," wika ko.
Sinulyapan ako ni Caleb at sinuri ang kabuuan ko. "Ang dumi mo," wika niya.
Tinaasan ko ito ng kilay at pinukol ng matalim na tingin.
"Malamang. Magtaka ka kung malinis pa rin ako after kong magpagulong gulong sa putik," inis na tugon ko. Pinagpag ko pa ang ilang dumi na kumapit sa damit ko. Narinig ko pa ang pagtawa ni Caleb kaya muli ko itong sinamaan ng tingin.
"Anong gusto mo?" tanong nito nang may madaanan kaming nagtitinda ng tubig at mga softdrinks.
"Coke nalang," sagot ko. Kumunot ang noo nito at nawe-weirduhang tumingin sa akin.
"Nakakaalis ba ng uhaw ang coke?" he exclaimed.
"Para sa'kin oo, paki mo ba?" inis na angil ko. Tinitigan pa ako nito saka umiling, binili ako nito ng isang coke in can at binuksan na rin. Nagpasalamat lang ako at uminom.
"May gusto ka pa bang puntahan?"
"Meron pero balik na tayo sa hotel, pahapon na rin at ang dumi ko na para gumala."
Inunahan ko na ito sa pagpuna sa itsura ko bago pa man nito magamit iyon para asarin ako. Napaatras pa ako ng lumapit ito sa akin at itaas nito ang isang kamay, may kinuha itong dahon sa buhok ko at bahagya iyong pinagpag.
"Bata ka ba? Hindi ka ba makakagalaw ng hindi nadudumihan?" aniya. Nag-init naman ang ulo ko sa narinig, ang tingin yata sa'kin nito ay napakadumi ko kahit kaunting buhangin lang naman ang dumikit sa akin at nawala naman nang pagpagin ko.
"Gusto mong ikaw ang ipagulong ko ngayon sa lupa? Natural lang ito sa mga outdoor activities," inis na asik ko.
"If you can, why not?" sagot nito. Lalo akong nainis dahil hindi ko 'yon kaya, matangkad ito at maganda ang katawan. Alam ko ring mas malakas ito sa akin.
"Ewan ko sa 'yo," inis na angil ko. Nauna na akong naglakad bago pa ako tuluyang mainis, ramdam ko namang nakasunod lang ito sa akin. Tumawa pa nga ito dahil sa reaksyon ko. Hindi ko alam kung natural lang ba na ugali nito iyon o nag-eenjoy lang itong pikunin ako. Naiinis pa ako dahil nahihirapan akong huminga sa tuwing gagawin nito iyon, bumibilis kasi ang tibôk ng puso ko.