Chapter 12

2952 Words
Nakapatong lang 'yung sealed box ng phone sa ibabaw ng kama ko habang nakaindian sit ako sa tapat nito. Pinagmamasdan ko lang 'yung box. Hindi ko na nabalik kay Cloud kasi gusto niya talaga na tanggapin ko. Nahihiya na ako sa kaniya. Sa huli ay tinago ko ito sa bag ko saka binalik sa paperbag. Humiga na lang ako sa kama at pinilit na matulog. Balik na ulit sa normal ang pasok pero wala pang discussion. Sa unang linggo ay pinagcheck kami ng exam paper namin ng ilang prof. Natuwa ako kasi maayos naman 'yung result ng ibang exam ko. After ng gawain ko sa school ay didiretso na ako ng trabaho as usual. Sa cashier ako nakatoka. Mabilis lumipas ang oras. Pagtingin ko ay malapit na ang breaktime ko. "What's your order..." Nakangiti akong umangat ng tingin sa customer mula sa screen ngunit napatitig lang ako sa lalaki. "Sir?" Si Cloud pala. Nakangiti siya sa akin saka tumingin sa menu. "Isang ultimate double cheeseburger tapos... Ano ba sa'yo?" "Po?" Takang tanong ko. Tumawa siya saka lumapit nang kaunti bago bumulong. "Okay ba sa'yo cheeseburger? Malapit na breaktime mo diba?" Tumikhim ako. "One ultimate double cheeseburger. How about drinks, Sir?" Ulit ko sa order niya, hindi binigyang pansin ang kaniyang tanong. Natawa siya sa pag-iwas ko. "Dalawahin mo na 'yung burger. Tapos Sprite." "'Yun lang po?" Tanong ko. Tumango siya at naglabas ng pera pambayad saka inabot sa akin. Prinocess ko na ang order niya at sinuklian na rin. Kita ko pang nakatitig siya sa may dibdib ko, sa mismong nametag ko kaya tumikhim ako. Nahuli ko pa ang pagngisi niya. Doon siya nag-angat ng tingin. Napalitan na kasi 'yung temporary ID ko ng nametag. Tama na rin spelling ng pangalan ko, nakakaproud. Pinanood ko pa siya sandali na pumunta sa bakanteng table sa tabi ng glass wall. Nakasuot siya ngayon ng corporate attire. Nagmukha ulit siyang mature sa style ng buhok niya na may hawi at medyo messy. Nagsimula na ang break time ko kaya naman pumunta muna ako sa employee area kung saan kami pwede magpahinga. May dala akong biscuit sa bag kaya iyon ang kakainin ko. Bubuksan ko na sana 'yung wrapper nang lumapit sa akin ang isa sa kasamahan ko na si Mary. "Reign, sa'yo na lang o." Inangatan ko siya ng tingin. Inaabot niya sa akin ang hawak niya na burger na nakabalot pa. "Huh? Bakit?" "Ah basta." Kinuha niya ang kamay ko saka inilapag 'yung burger. "Ubusin mo 'yan ha." Hindi na ako nakapagsalita pa nang umalis ito. Napatitig ako sa burger na nasa kamay ko. Ramdam ko pa 'yung init. Mukhang galing dito 'yung burger. Dahan dahan kong binuklat ito at napanganga sa cheese. Ultimate double cheeseburger. Ano naman bang pumasok sa isip nun para ibigay sa'kin? Ayaw niya ba nito? Hindi na ako nagtanong pa sa sarili ko at sinimulan ng kainin 'yung burger. Ang saya pa sa tuwing malalasahan ko 'yung cheese at 'yung juiciness ng burger sa loob ng bibig ko. Napasinghap ako nang maramdaman na may dumamping malamig sa pisngi ko. Pagtingin ko ay galing pala sa bottled water na hawak ni Manager Leila. Sinenyasan niya ako na kuhanin iyon kaya naman inabot ko ito. "Kumain ka ng marami ha. Uminom ka rin ng maraming tubig." Paalala nito. "Opo. Thank you po." Nang umalis siya ay napatagilid nang bahagya ang ulo ko, nagtataka sa kinikilos nila. Mukha ba akong kinulang sa aruga? Hindi naman ako ganoon kapayat ah. Lumabas na ako ng resto nang matapos ang shift ko at gaya ng lagi kong inaasahan ay naghihintay na naman si Cloud. Ako lang ba o hindi talaga nakakasawang tignan ang ngiti niya? Para siyang bata dahil sa dimple niya. "Uwi na tayo?" Aniya. Papasok na sana ako sa loob ng kotse nang may tumawag sa akin kaya napalingon ako. Si Vivienne pala, isa sa mga katrabaho ko. Lumapit siya sa akin. "Buti naabutan kita. Naiwan mo 'to o." Pinakita niya ang phone ko na hindi ko namalayan na naiwan ko pala. Kinuha ko iyon. "Salamat." "Oh..." Banggit nito nang dumako ang tingin niya sa kasama ko. Base sa reaksyon niya, mukha siyang gulat habang nakatingin kay Cloud. "Hello po, Sir." Bati niya dito sabay yuko. Nginitian lang siya ni Cloud. Lumipat ang tingin sa akin ni Vivienne at may bakas ng pagtataka sa mukha niya. "Alis na ko. Ingat po kayo." Kumaway muna siya saka nagmadaling tumakbo. Paglingon ko kay Cloud ay wala sa akin ang atensyon niya kung hindi sa kamay ko kung saan hawak ko ang luma kong phone. Nang mapagtanto ko iyon ay mabilis ko itong sinuksok sa bulsa ng jeans ko. Wala siyang sinabi tungkol doon. Hinatid niya lang ako. Ang tahimik ng byahe namin. Wala din naman akong masabi. Hindi rin siya nagsalita. Ang bigat ng atmosphere dito sa loob ng kotse. Nakakapanibago. Hindi naman siya ganito noong mga nakaraang araw. *** Cloud: Hindi kita masusundo, I have things to do Cloud: Careful on your way home Iyon ang nabasa kong message niya habang naglalunch ako sa cafeteria. Huminga ako nang malalim saka binalik ang phone ko. Si Daisy panay lang ang reklamo tungkol sa result ng midterm niya. "Daisy?" Pagkuha ko sa atensyon niya. Tumingin siya sa akin habang nanguya. "May tanong ako." "Ano 'yon?" Puno pa ang bibig niya nang magtanong siya. "Eto ah, example lang. Kunwari lalaki ka tapos naisipan mong regaluhan 'yung babae ng phone." "Ay shala naman. Yaman ko naman dun." "Makinig ka muna." "Oki oki. Wait, ba't ko bibigyan ng phone 'yung babae? Girlfriend ko?" "Ahmm type mo ganun." Sagot ko. "Ayun, niregaluhan mo. Kaso ayaw tanggapin ng babae kasi phone 'yun e. Pero pinilit mo siya na kunin 'yun kaso ayaw niya talaga gamitin kaya tinago niya lang. Kaso nalaman mo na hindi nga niya ginagamit." "Wait wait. Dahan dahan." Naguluhan pa siya sa kwento ko. "So ayaw gamitin ng babae 'yung phone ko na niregalo ko?" Tumango ako. "O tapos?" "Ayun, nalaman mo na hindi niya ginagamit kasi nakita mong 'yung lumang phone pa rin niya gamit niya. Ano kayang mararamdaman mo?" "Mararamdaman ko? Hmmm magtatampo siguro. Regalo ko 'yun e, di man lang niya naappreciate." Sagot nito sabay subo ulit. Huminga ako nang malalim. Inaalala ko kung ganoon ba ang naramdaman ni Cloud nang makita na ilang araw na ang lumipas pero hindi ko pa rin ginagamit ang regalo niya. Hindi sa hindi ko naappreciate. Iba kasi ang sitwasyon na 'to. Feeling ko inispoiled niya ako. Maliban sa paghatid, minsan ililibre niya ako. Tapos ngayon mamahaling gamit na. Alam ko naman na wala lang sa kaniya lahat ng binibigay niya lalo na't mayaman siya pero ako itong nahihiya. Daig ko pang may sugar daddy sa ginagawa niya. Habang nagtatrabaho ay hindi mawala sa isip ko 'yung sinabi ni Daisy. Ibalik ko na lang kaya? Para hindi na siya mag-expect na gagamitin ko. Nakakahiya kasi talaga. Ang mamahalin pa naman ng phone. Kausapin ko muna siguro siya tungkol doon. Ayoko namang magalit siya sa akin kapag binigay ko agad. Paglabas ko ng resto ay hinanap ko agad ang sasakyan niya ngunit wala ito sa paligid. Sandali akong napaisip hanggang sa maalala ko na nagmessage nga pala siya. Medyo nadisappoint ako na hindi ko siya nakita. Dumating ang swelduhan namin sa buwan na ito kaya naman sobrang excited ko. Ilang araw na ring hindi nagpapakita si Cloud simula nung incident about sa phone ko. Iisipin ko na sana na galit siya kung hindi niya pinaliwanag sa text na busy siya sa work. Sa totoo lang, ang bigat ng loob ko sa tuwing uuwi ako ng mag-isa. Ewan ko ba. Nasanay na ata ako na may naghihintay sa akin kapag tapos na ang shift ko. Sinabi naman niya na busy siya dahil may inaasikaso daw siyang importante sa work niya sabi niya sa text kaya naiintindihan ko. Para namang may karapatan akong magreklamo. Hindi ko naman siya pinipilit na sunduin ako. Siya naman itong naghihintay sa akin na siyang naappreciate ko. Pero ang lungkot lang na mag-isa akong babyahe. Ngayon na sweldo ko, sabi ko pa naman sa sarili ko na ililibre ko siya. Itinabi ko na lamang ang payslip ko. Kapag nagkita na lang siguro kami. *** Nasa labas ako ng Educ Building, medyo excited ako habang naglalakad. Paano ako hindi maeexcite? Kikitain ko si Cloud! Ang sabi niya nasa may fountain daw siya. Malapit lang iyon sa building namin e. Pagkarating ko ay kita ko agad siya. Sanay na siguro ako sa pormahan niya kaya kahit nakatalikod ay mamumukhaan ko pa rin na siya iyon. Imbes na magpakita ay dahan dahan akong naglakad sa gilid niya para surpresahin siya. Busy siya sa phone niya kaya kinuha ko ang pagkakataon na 'yun para gulatin siya. "Huy!" Gulat ko sa kaniya sabay hawak sa braso niya. "Oh f**k!" Nagitla siya at muntikan pang mabitawan ang phone niya. Mabuti na lamang ay mabilis ang reflexes niya kaya nasalo niya ito. Gulat siyang napatingin sa akin pero napalitan lang ng ngiti. Humawak siya sa dibdib niya. "Ginulat mo ko dun." Mahina akong tumawa saka tumabi ng upo sa kaniya. "Sorry." Sinilip ko 'yung tubig sa fountain. Malinis naman, kita pa rin 'yung mga barya na nasa ilalim ng tubig. Ginagawa kasi nila 'tong wishing well. Sikat 'to dito e. Sabi nila effective daw kapag nagbato ka ng barya para sa hiling mo. Nalungkot nga ko e. Sana hindi barya binabato nila. Perang papel dapat. Edi sana maliban sa trabaho, may iba pa akong pagkukunan ng pera. "I missed you," aniya. "Busy ah," sabi ko sa kaniya. Payak siyang ngumiti. "Yeah. Daming gawain e pero okay naman na ngayon, nagkaproblema lang kasi. Inaasikaso kasi namin 'yung bagong game na possible na ilaunch sa 2025, next year." Tumango tango ako. "Ganun ba. Gaano ba katagal bago kayo makapagrelease ng game?" "Hmm depende sa game. Minsan inaabot ng years. For a simple game, weeks or months. Depende." Paliwanag niya. Tumatango lang talaga ako. Wala naman akong alam sa ganiyan. Sinilip ko ang oras sa wristwatch niya. May halos isang oras pa kong natitira bago ang pasok ko. "Siya nga pala, ano pala gusto mong kainin?" Tanong ko. Nagsalubong ang kilay niya. "Why?" "Sumweldo ako last week. Gusto sana kitang ilibre. Bilis ano gusto mo kainin? 'Wag lang sobrang mahal ah." Sabi ko. Nakatitig lang siya sa akin sabay ngiti. May kakaiba sa mga mata niya. Kung titigan niya ako, feeling ko pati kaluluwa ko ay nakikita niya. Ang lalim kasi. "Sige, may naisip ako." Hinawakan niya ang palapulsuhan ko para sumabay ako sa pagtayo niya. Habang naglalakad kami ay nakatingin lang ako sa kamay niya na nakahawak sa akin. Ang attractive ng ugat sa kamay niya. Nababaliw na ata ako para isipin iyon. Sakay ng kotse ay napakunot ako nang mapansin na pamilyar itong dinaraanan namin. Malapit ito sa Terminal ng jeep, na sa katabing kalsada ay ang palengkehan. Nagtaka ako nang iparada niya ang kotse rito sa may palengke. "Bakit tayo nandito?" Tanong ko nang makalapit sa kaniya pagbaba ng kotse. "Lilibre mo ko diba?" Nakangisi siya. Saglit niyang tinignan ang kamay ko at imbes na sa palapulsuhan ay hinawakan niya ang kamay ko. Mas lalo kong naramdaman ang init niya mula sa kaniyang palad. Umabot ang init na iyon sa puso ko. Hinayaan ko lang siya at sumunod sa kaniya nang magpunta kami sa pamilyar na lugar. Tuwing hapon, sikat 'tong puntahan dahil may parte sa labas ng palengke na puno ng iba't ibang bentahan ng street foods. Hindi ko inakala na dito ako dadalhin ni Cloud. Dito niya ba gusto magpalibre? Pagpasok pa lang namin, madami ng tao. May mga estudyante rin akong nakita. Huminto kami sa may tapat ng kwek-kwekan. Lumingon siya sa akin, hindi maalis ang ngiti sa labi niya. "Ito gusto mo ipalibre?" Tanong ko. Para siyang bata na tumango. "Bakit naman dito? Dahil ba sa sinabi ko na 'wag mahal?" Mabilis siyang umiling. "Nope. Namiss ko ng kumain nito e. Ang tagal na rin." Natawa lang ako. Ang babaw niya. Inisip ko pa naman na balak niyang ipabili ay katulad ng presyo sa milk tea ganun. Hindi tig pipiso. Halata nga na namiss niyang kumain ng ganito dahil kung ano ano 'yung tinuhog niya. Lahat ata sinubukan namin. Mula sa kwek-kwek, fishball, kikiam, calamares, at pritong atay ng baboy. Pati barbecue hindi namin pinalagpas. Feeling ko dito ako mabubusog. Kain na lang kulang e. Nasa may leeg ng manok na kami. Napapikit pa si Cloud nang makain niya iyon matapos malagyan ng suka. Natawa ako nang mahina sa reaksyon niya. "Masarap?" Tanong ko. Tumango siya. "Hmm masarap. Namiss ko 'to." Bumili na rin ako ng s**o't gulaman dahil baka mabilaukan naman na siya dahil kanina pa kami kumakain nang walang iniinom na panulak. Pinanood ko lang siya nang inumin niya 'yung natitirang suka sa cup niya. Ako 'yung nangasim sa totoo lang. Nabigla ako sa kaniya ngayon. Sa pormahan niya lalo na't alam kong mayaman siya, hindi ko inasahan na kumakain pala siya nito. Natawa pa ako nang dumighay siya. Nahiya siyang ngumiti nang magtama ang tingin namin. Cute. "Solid 'yun ah." Komento niya habang pabalik kami sa kotse niya. "Dami mo ngang nakain e." Sagot ko. "Libre mo e. Sulitin ko na." Natawa lang ako. "Hatid na ba kita sa work mo?" Tanong niya nang makasakay kami ng kotse. Tumango ako. Nasa byahe na kami nang maisipan kong iopen 'yung about sa phone na niregalo niya. Binuksan ko ang bag ko na nakapatong sa ibabaw ng hita ko. "Cloud, nga pala about sa phone..." Hinalungkat ko 'yung bag para kunin 'yung box ng phone. Napansin niya ang gagawin ko nang silipin niya ako kaya bumuntong hininga siya. "Gusto ko sanang ibalik." "Don't, Reign. Kung ayaw mo gamitin, 'wag mo na lang ibalik sa'kin. I gave it to you as a gift. Wala na sanang balikan." Sagot niya kaya natigilan ako sa paglabas ng phone. "Please just keep it na lang." Kita ko ang mapait niyang ngiti. Hindi ako nakasagot. "I'll be happy kung gagamitin mo 'yan." Dugtong niya. Kinagat ko ang ibabang labi ko habang nag-iisip kung ano ang sasabihin ko. Sa huli ay binitawan ko ang phone saka sinara ang bag. "Okay." Sagot ko. Humarap ako sa kaniya kaya sinilip niya ulit ako. Ayoko sanang sabihin 'to pero gusto kong malaman niya. "Gagamitin ko 'to pero may condition." "What is it?" "Pwede bang ito na 'yung una't huli na bibigyan mo ko ng ganito?" Sincere kong pabor. Hindi kaagad siya nakasagot hanggang sa malalim siyang bumuntong hininga. "Sige po." Buti naman. "So... Gagamitin mo na talaga?" Tanong niya. Tumango ako. "Hmm. Gift mo 'to e. At saka baka magtampo ka." "Tampo nga ko." Nakanguso niyang saad. "Nagtampo ka talaga?" Tanong ko tapos tumango siyang nakanguso. Nacute-an pa ako sa hitsura niya. Para siyang inaway na bata. "Sorry. Hindi lang kasi ako sanay. 'Wag ka mag-alala, gagamitin ko na. Basta, ito na 'yung huli ah." Bumalik na ang sigla sa mukha niya nang ngumiti siya. "Opo." Sagot niya kaso humirit pa siya. "Tanggapin mo na rin kaya 'yung laptop?" Nagbabakasakali niyang tanong. Siningkitan ko siya ng mata kaya kabado siyang tumawa. "Sabi ko nga po." *** Nang mailipat ko na ang sim card sa bagong phone ko ay sinubukan ko na itong buksan. Nanibago pa ako kasi tinutusok pa 'yung maliit na butas para makalabas 'yung sim card slot. E 'yung lumang phone ko kasi ay tinatanggal pa ang battery para malagyan ng sim sa loob. Bago ako matulog ay ito talaga ang pinagkaabalahan ko. Kinalikot ko 'yung features ng phone para masanay ko. Nang tignan ko 'yung settings ay nabigla pa ako sa specs nito. Ang laki ng storage tapos ang taas pa ng RAM. Mahal 'yung mga ganito alam ko e. Ganito ba phone ng mga mayayaman? Sinunod kong ginawa ay pinagsesave ko 'yung number. Wala akong load pang-data. Balak ko sanang subukan kung mabilis akong makakaaccess sa internet. Sa sunod na lang siguro. "Hoy ikaw. Sino 'yung kasama mo kahapon ah?" Iyon agad ang bungad sa akin ni Daisy nang makalapit sa tabi niya sa lecture room. Humikab pa ako bago ako makaupo. Napuyat ako dahil sa kakagamit ng phone. Inexplore ko lang naman. Kumunot ang noo ko. "Huh? Sinong kasama?" "Ikaw gaga. Kitang kita ko, may kasama kang lalaki sa may fountain." Daig niya pa akong inaakusa na may kasalanan akong ginawa. Napagtanto ko kung ano 'yung tinutukoy niya. "Ah 'yun ba." "O ano? Sino 'yun ha? Boyfriend mo?" Pakikichismis niya. "Hindi ah." "E sino 'yun?" Interesado niyang tanong. Ngumiti lang ako sabay iwas ng tingin. "Basta." Ngumanga lang siya sabay tango na animo'y naiintindihan niya na at hindi na kailangan pang magtanong. Rinig ko pa ang mahina niyang hagikhik. "Stay strong." Komento niya kaya siningkitan ko lang siya ng tingin. Tumawa lang siya. Bago matapos ang huling klase ko ay nakareceive ako ng text mula kay Cloud. Susunduin na naman niya ako. Maliban sa pagsundo sa akin sa gabi, ngayon naman ay nag-uumpisa na siyang ihatid ako sa trabaho. Nakita kong nakaparada ang kotse niya sa may labas ng main gate kaya lumapit ako roon. Kumatok muna ako nang marahan sa bintana bago buksan 'yung pinto. Isang matamis na ngiti ang bungad niya sa akin. "'Yung totoo Cloud, CEO ka ba o tambay?" Birong tanong ko nang makaupo. Ang dami niya kasing time para sa CEO na tulad niya. Kung busy siya, ilang araw siya hindi magpaparamdam. Kung sakaling hindi naman, halos araw-araw naman kung makipagkita sa akin. Imbes na sumagot ay ngumisi siya saka malagkit akong tinignan sa mga mata bago siya umiwas ng tingin at bumulong. "Pwede ring future husband mo." Tulala akong nakatitig sa kaniya. Nawalan ata ako ng hininga.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD