LIMA

1959 Words
Kabanata 5 Pang-lima              Papalubog na ang araw. Naghahalo ang kulay ng kahel, dilaw at bughaw sa kalangitan. Naaarawan man ay hindi ako nakakaramdam ng anumang hapdi sa aking balat dahil sa sinag ng araw.  Hindi ko namalayan ang pag-ngiti nang masilayang muli ang babae sa lagi nitong inuupuan. Si Lea. Madalas ko siyang nakikitang nagbabasa ng libro sa mahabang upuan na gawa sa kahoy sa likod ng aming paaralan tuwing pagkatapos ng klase. Ilang beses ko siyang gustong lapitan ngunit naghahalo ang pagkaduwag at kaba sa aking katawan. Kailan kaya ako magkakaroon ng lakas ng loob? "Fernand!" Inayos ko ang dala kong libro sa aking mga braso. Gusto ko siyang bigyan ng iilang librong nabasa ko para kahit papaano ay maalala niya ako. "Fernanddd!!"   Napaigtad ako sa pagkakatayo dahil sa naramdaman kong kalabit sa likod ko. Si Helli. "Kanina pa kita tinatawag pero hindi mo ako naririnig!" nakasimangot na siya ngayon. Anong ginagawa niya dito? Hindi ba tapos na kaming mananghalian kanina at tapos na din ang pagtuturo ko sa kaniya para sa araw na ito?   "May kailangan ka-" "Anong ginagawa mo dito?" Pinutol niya ang dapat kong sasabihin.  Agad kong hinarang ang sarili ko sa direksyon ni Lea. Ayokong malaman niya na palihim ko itong sinusulyapan dahil baka sabihin niya ito sa kaniya. Gusto ko ako mismo ang magsasabi ng nararamdaman ko. "Wala naman. Inutusan lang ako." pagdadahilan ko. "Ganon ba?" tango tangong usal niya na para bang naliliwanagan. Biglang sumilay ang malapad na ngiti niya. "Kung ganon ay uuwi ka na?"  Gusto kong sabihin sa kaniya na mananatili pa ako rito sandali ngunit paniguradong mangungulit siya sa aking sumama. Totoo kaya ang sinabi sa akin ni Lito na may pagtingin siya sa akin? Tumango nalang ako sa tanong niya. "Uuwi na rin ako! Hindi ba makakaabala kung sasabay ako saiyo?" masayang tanong niya. Sa totoo lang ay hindi ko kailan man ginawa ang sumabay sa isang babae pauwi sa bahay. Hindi ko alam na siya pa mismo ang mag-aalok sa akin sa ganong bagay.  Mas maganda sana kung si Lea ang magtatanong sa akin niyan. Hindi ko siguro alam kung paano ko siya sasagutin dahil gustong gusto ko. "Sige." tipid kong sagot bago nagsimulang maglakad salungat ng direksyon sa inuupuan ni Lea. Habang naglalakad kami ay masigla siyang nagkwekwento ng kung ano anong karanasan niya sa paaralan. Hindi ko naman maiwasang matawa dahil sa kakulitan niya. Minsan pa'y nakakaligtaan ko ang mga sinasabi niya dahil ang nasa isip ko ay ang kaibigan niya. Mabuti nalang at hindi kalayuan ang bahay namin sa paaralan. Mas mauuna akong makauwi kumpara sa kaniya dahil nabanggit niyang sa kabilang baryo pa sila nakatira. Dahil hindi naman ito kalayuan sa tinitirahan namin ay nagkusa na lang akong igaya siya sa kanilang bahay. Hindi magandang tignan na ako pa ang unang nakauwi sa bahay kumpara sa babae lalo na't kasabay niya ako.  Ngayon lang naman ito dahil unang beses ko rin maghatid ng babae sa bahay nila. Saan kaya ang bahay ni Lea? "Alam mo ba kung saan nakatira si Lea?" nagdalawang isip pa ako kung itatanong ko iyon sa kaniya ngunit dahil sa kuryosidad ay awtomatiko itong lumabas sa bibig ko. Nakita ko ang pagkabigla sa mga mata niya.  "Lea?" nagtatanong ang mga mata niya. "Iyong kaibigan mong..." hindi ko naituloy ang gusto kong sabihin nang sumagot siya. "Malayo iyon dito. Sa dulo pa ng bayan." sagot niya. Tumango nalang ako at hindi na nagsalita pa. Nagsisi tuloy ako na itinanong pa ko iyon sa kaniya dahil hindi na muling nasundan ang mga kwento niya hanggang sa tahimik kaming nakarating sa kanila. Nang maihatid ko siya ay niyaya niya pa akong pumasok at kumain sandali sa kanila na agad ko namang tinanggihan. Ngiti na lamang ang sinukli ko sa pasasalamat niya bago tuluyang umalis.  Malaki ang bahay nila kumpara sa amin. Halatang may kaya ang pamilya niya. Bakit kaya siya kumuha ng kursong taliwas sa gusto niyang maging trabaho? Naikwento niya kanina na Arkitektura ang gusto niya samantalang ang kurso namin ngayon ay Journalism. Pinilig ko ang ulo dahil sa iniisip. Siguro ay may dahilan siya. "Arraouch!"  Nanlaki ang mata ko sa nakita. Mabilis na humarurot ang lalaking nakasakay sa bisekleta niya matapos masanggi si Lea. Ang bilis bilis naman kasi niyang magpedal akala mo ay may hinahabol!  Agad akong tumakbo sa posisyon ni Lea at inalalayan siya. Ang lambot ng mga balat niya. Tila kapag hinawakan mo at sinaktan ay mabilis itong mababasag. Ang sarap siguro niyang alagaan. "O-okay ka lang?" lumunok ako nang mapansin ang sariling pagkautal nang ibinaling niya na ang maamong tingin sa akin. May bahid man ng sakit ang mukha niya, nakalabas pa rin ang malalalim niyang dimples sa pisngi. "Ahh salamat. Okay lang ako." marahan siyang ngumiti at tinanggihan ang alok kong alalayan siya. Nahiya naman ako kaya agad ko siyang binitawan.  Ayokong may masama siyang isipin sa paghawak ko. "Arrouch!" mahinang daing niya pa nang sinubukan niyang humakbang mag-isa. Hindi ko napigilan ang sarili ko at inalalayan ko siyang muli. Napakunot nalang ako ng noo kung anong klaseng salita ang binigkas niya. "Huwag ka nang umangal. May sugat ka sa tuhod at gasgas sa siko." usal ko. Hindi ko alam kung bakit naiirita ako. May sugat na nga siya ayaw niya pang magpatulong. "Malapit lang ang bahay namin dito. Tumuloy ka muna saglit at gagamutin kita." Pinal ang tono ko sa sinabi. Hindi ko siya hahayaang umuwi ng ganito baka mapaano pa siya. "Pero kaya ko-" "Tsk. Kung bibitawan kita ngayon paniguradong mahihirapan ka. Huwag ka nang magsalita."  Inalalayan ko siya gamit ang kanang kamay samantalang nasa kaliwa ang mga hawak kong libro. Tahimik kaming naglalakad habang naririnig ko ang mahihinang daing niya sa sakit. Nang lingunin ko siya ay namataan ko ang dala niyang bag na mukhang mabigat din kaya walang ano ano ay tumigil kami at kinuha ko iyon sa kaniya. Halata sa ekspresyon niya ang pagrereklamo kaya agad ko siyang iniwasan ng tingin at hindi napigilan ang maliit na ngiti sa aking labi. "Maraming salamat. Ahh hindi ko alam kung paano ka papasalamatan-" "Okay na." tipid kong sagot sa kaniya. Halatang nahihiya ang itsura niya dahil hindi siya makatingin sa akin ng maayos at daretso. Nakatali na ngayon ang maalon niyang buhok kaya mas maaliwalas siyang titigan. Naaalala niya kaya ako? Tumayo siya matapos inumin ang tubig na pinapainom ko sa kaniya kanina pa. Hindi siya magkandaugaga kalilingon sa paligid at sa relo niya sa palapulsuhan. "Ano ahh... kailangan ko na kasing umuwi. Baka hinahanap na ako sa amin." paalam niya habang nilalalaro ang maiiksi niyang kuko. Nakanguso siya at para bang nahihiya talaga sa akin. "Ihahatid na kita." pagkukusa ko. Tumayo rin ako at plinantsa sa kamay ang nalukot kong uniporme. "Nakakahiya naman, huwag na. Sapat na ang itinulong mo sa akin." umiling siya ng maraming beses. Para siyang bata. "Mabigat ang dala mo." nag-aalalang sabi ako.  "Kaya ko naman, iilang libro lang rin ang dala ko. Sanay na ako." nakangiting sambit niya. Parang may kung anong humaplos sa puso ko nang tumingin siya sa akin habang nakangiti. Hindi ko pa siya gustong umalis at kung may pagkakataon ay nais kong makipagkwentuhan pa sa kaniya kahit sandali lang. "Iiwan mo dito ang bag mo at ihahatid ko sa silid niyo bukas o ihahatid kita?" tinaas ko ang kilay ko habang pinapapili siya. Gustong ngumiti ng mukha ko nang makitang nabigla siya sa sinabi ko. Minsan ang talino ko talaga. "Sige ihatid mo nalang ako." bumuntong hininga siya na para bang labag sa kalooban niya ang sinabi. Kahit ano pa iyon ay may nagdiriwang sa aking kalooban dahil sa galak. Malalaman ko na ang tinitirhan niya. Habang naglalakad kami ay tahimik at walang nagsasalita. Dala ko ang bag niya na hindi naman talaga mabigat ngunit para sa katawan niyang iyon ay mukhang mabigat para sa kaniya. Hindi siya mataba at hindi rin ganon ka payat.  Gusto ko mang magsimula ng sasabihin ay hindi ko magawa dahil nagiisip pa ako ng magandang mapag-uusapan. Ano kayang kurso niya? Ilang taon na siya? Bakit sa kabilang baryo pa ang bahay nila? May kasintahan na kaya siya?  Ang dami kong gustong sabihin ngunit umuurong na naman ang dila ko. Napakaduwag ko naman! Lumunok ako at bumuntong hininga nang maisipan ko siyang tawagin. "Lea." bulong ko. Gusto kong bigwasan ang sarili ko dahil sa hina ng pagkakatawag ko. Hindi nga ata iyon umabot sa tainga niya. Huminto siya sa paglalakad. Narinig niya? "Dito na ang bahay namin." nakangiting usal niya. Nilahad niya sa akin ang kaniyang palad, hinihintay na iabot ko sa kaniya ang bag niya. Kaya pala siya huminto dahil nandito na kami. Kumunot ang noo ko at tinanaw pabalik ang bahay namin. Mula sa tinatayuan ng bahay nila ay hindi kalayuan ang tinitirhan namin. Hindi lagpas sa sampung bahay ang agwat nito mula sa amin.  "Hindi ba't sa kabilang baryo pa kayo?" nagtatakang tanong ko. Bigla namang nagtanong ang mga mata niya. "Bakit mo naman nasabi? Matagal na kaming naninirahan dito." pagpapaliwanag niya. Tumango nalang ako at inabot sa kaniya ang bag niya. Hindi mawala sa isip ko ang sinabi ni Helli sa akin.  Nagsinungaling siya? "Maraming salamat, Fernando."  Nag-iwan siya ng matamis na ngiti bago tumalikod at pumasok sa tarangkahan ng bahay nila. Nanatili ang tingin ko sa posisyon niya kanina habang sumisilay ang ngiting kanina ko pa pinipigilan.  Kilala niya ako! Hindi niya ako nakalimutan!  Napatulala ako. Hindi ko alam na parehas kami ng tipo ni papa sa babae. Isinara ko ang libro ni papa at inilapag sa side table ko. Ang haba ng araw niya at maraming naganap. Gusto ni mama si papa pero gusto ni papa ang kaibigan ni mama na si Lea?  Nagkakaroon tuloy ako ng interes sa kanilang dalawa. Siguro nagpatulong si papa kay mama na ligawan si Lea pero habang tumatagal nahulog na siya kay mama at naging sila. Sus! Ganyang ganyan ang mga napapanood at nababasa ko sa kwento! Gusto ko tuloy silang asaring dalawa. Journalism ang course nilang dalawa pero napunta si mama sa pagiging guro dati.  Inayos ko ang hinihigaan kong kama at naligo. Maya maya pa naman ang pasok ko kaya hindi ako gaanong nagmamadali.  Nang matapos ako sa pag-aayos ay kinuha ko ang libro. Pinangako kong ibabalik ko ito ngayon dahil ayokong mapagalitan ni papa. Lumabas ako sa kwarto habang bitbit ang libro. Agad kong nilingon ang pinto sa silid ni papa na hindi naman kalayuan sa kwarto ko. Nakahinga ako nang maluwag dahil nakasara ito ngayon.  Dahan dahan kong pinihit ang door knob. Paniguradong nasa trabaho si papa ngayong umaga. Tuluyang gumaan ang loob ko dahil wala akong nakitang kahit anong anino ni papa. Nilakad ko ang dulong aparador. Gustuhin ko mang basahin pa ang libro pero hindi ko magagawa dahil paniguradong paparusahan ako ni papa. Lalo na't diary niya pa ang nakuha ko. Nakahinga ako ng maluwag dahil maayos kong nalagay sa dati nitong ayos. Hindi ko man alam kung tama ba ang pinaglagyan ko pero mukhang tama naman.  Sa sahig ko lang naman napulot 'to nung isang araw, e. "Psstt!"  Akmang maglalakad na ako pabalik sa pintuan nang marinig ko ang maliit na tinig na iyon. "Psstt! Denz!" Nilibot ko ang tingin sa loob ng silid dahil sa tumawag sa akin. Pamilyar ang boses niya. Agad akong napaliyad sa gulat nang makita ko sa labas ng veranda ang kumakaway na babae. Nakaladlad ang maalon niyang buhok. Nakangiti ang kaniyang mga mata at sumisilay ang malalalim niyang dimples sa pisngi habang kumakaway ang magkaparehong kamay sa akin. Natigilan ako. Ganon ang pagkakalarawan ni papa kay Lea base sa pagkakaalala ko. Hindi kaya nanay niya si Lea? o kaya kamag-anak? Kunot noo na lamang ang naibigay ko sa kaniya imbis na gulat dahil nandito siya. "A-anong ginagawa mo dito?" nagtatakang tanong ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD