Kabanata 6
Pang-anim
"Bakit ganyan ka makatingin?" natatawang tanong niya. Nakataas ang mga kamay niya na parang sumusuko.
Mas lalo lang kumunot ang noo ko dahil wala namang pwedeng pag-akyatan dito mula sa baba. Huwag mong sabihing dumaan siya sa pinto sa baba?
"Anong ginagawa mo? Paano ka napunta dito? Kanina ka pa?" gulat na tanong ko. Matagal niya pa akong pinagmasdan bago unti unting umarko ang mga mata niya at tumawa. Nababaliw na yata ang babaeng ito.
"Isa isa lang. Ang dami mo namang tanong." lumapit siya sa akin at akmang bubulong. Naamoy ko tuloy ang mabango niyang buhok.
"Lumipad ako papunta dito." seryoso niyang sabi. Naningkit ang mata ko sa binulong niya. "Niloloko mo ba 'ko?" tinaasan ko siya ng kilay. Natawa na naman siya at pinalo palo pa ang balikat ko.
"Biro lang. Masyado ka kasing seryoso." tumatawang sabi niya. Napaatras tuloy ako dahil masyado siyang malapit sa akin. Baka hindi ako makapagtimpi at mahalikan ko siya ng wala sa oras.
"You look tensed. Hinabol ko kasi si shadow ko. Pumasok siya dito kanina, e." paliwanag niya habang lumilingon lingon sa paligid. Nagtaka lang ako lalo sa inasal niya.
Dinungaw ko ang posibleng inakyatan niya mula sa baba. Nakahilig sa pader ang ladder ni papa na mukhang ginamit niya para makaakyat dito. Kung ganon ay nagtrespass siya sa gate namin?
"Shadow?" binalik ko ang tingin ko sa kaniya. Sunod sunod ang pagtango niya na parang bata.
"Oo si Shadow. Iyong pusa na nakita mong kasama ko." Paliwanag niya ulit. Nakaramdam ako ng pagkairita. Naikuyom ko ang kamay ko dahil sa pagpipigil.
"Kinalmot kalmot ka na nga ng pusang 'yon nagawa mo pang bigyan ng pangalan. Paano kapag kinalmot ka ulit ha?" hindi ko napigilang higitin siya. Hinawakan ko ang braso niya at tinignan kung nandun pa ang mga sugat niya pero laking tuwa ko nang mukhang magaling naman na siya.
Binalingan ko siya ng tingin na ngayon ay nakanguso na.
"Friends na kami, Denz!" pagtatanggol niya pa sa pusa.
"Denzill." pagtatama ko.
"Edi Denzill." nakita ko ang paglungkot sa mata niya. Napabuntong hininga nalang ako dahil sa inaasta niya. Lumapit ako sa kaniya at sinara ang espasyo sa pagitan naming dalawa.
"Saan ka pumunta nung nakaraan? Bigla ka nalang nawala. Natandaan mo na ba ang tinitirhan mo?" tanong ko. Bumaba ang tingin niya sa dibdib ko at dahan dahan itong bumalik sa mata ko.
"Ahh ano kase... oo nahanap ko na!" nag-aalinlangang sagot niya. Mas lalo ko siyang nilapitan. Binaba ko ang tingin ko sa labi niyang mamula mula. Wala namang ginagawa pero nang-aakit.
Agad akong lumayo.
"Pangalan mo?" tanong ko. Hindi ko alam na matatanong ko siya sa isang kaswal na tono. Akala ko kakabahan pa ako sa kaniya pero hindi na. Gustong gusto ko pang nakikita na siya ang kinakabahan dahil sa akin.
"ko?" paglilinaw niya. Tumango ako.
"Jancell." tipid niyang pakilala. Napangiti naman ako sa kakaibang tunog ng pangalan niya. Kapatid niya siguro pangalan egg cell o sperm cell ganon.
"Jancell." pag-uulit ko. Gusto ko siyang bigyan ng nickname. Yung tipong ako lang ang pwedeng tumawag sa kaniya. Celly? Janny? Jan? ano kayang maganda?... baby?
"Sa susunod sa kwarto ko ikaw pumunta, huwag dito sa silid ni papa dahil baka masungitan ka non." pagbabanta ko.
"Ano namang gagawin ko sa kwarto mo?" nakataas ang kilay niya. Ngumisi ako at nagkibit balikat.
"Tambay?" patanong kong sagot. Sabay kaming natawa. Mas lumalim ang dimple niya kumapara kanina.
Muntik na akong mapatalon sa gulat dahil sa naramdaman kong paghaplos ng kung anong mabalahibo sa binti ko. Umatras agad ako nang mapagtantong nasa ibaba ko ang hinahanap niyang pusa. Tumingkad ang totoong kulay nito at mukang nalinisan na. Naglalaro sa brown at puti ang kulay niya.
"Shadow come hereeee!" tili ni Jancell nang makita ang pusa sa binti ko.
Pinagmasdan ko siyang lumuhod at hinaplos halos ang pusa na agad kumandong sa braso niya. Maingat niya itong hinawakan at halatang nagugustuhan ng pusa ang ginagawa niya. Tumungo sa akin ang direksyon ng alaga. Pinaningkitan ko ito ng mata. Kapag 'yan kinalmot mo ulit, ililigaw kita.
Natigil ang pagtitig ko sa kanila dahil narinig ko ang pangalan ko na tinatawag ni mama mula sa baba. Nabaling ang tingin ko sa pinto ng silid ni papa. Akala siguro niya hindi pa ako bumabangon.
"Pumasok ka na at sa hagdan namin bumaba. Delikado 'yang ginawa mo wag mo nang uulitin!" hinawakan ko siya sa siko at inalalayang tumayo.
Mabilis naman siyang umiling.
"Nakakahiya. Baka magtaka ang mama mo kung bakit ako napunta dito." kinakabahang usal niya. Agad tumalon ang pusa niya mula sa pagkakahawak nito. Hinabol namin ito ng tingin at sa isang iglap muling bumaba ito ng veranda.
"Pasaway na pusa 'to." bulong ko.
Natataranta si Jancell at akmang bababa ulit gamit ang ladder kanina. Agad ko naman siyang hinawakan at pinigilan. "Hep! Hep! Hep!" hinila ko siya pabalik sa kinatatayuan namin kanina.
"Sinabi nang wag ka nang bumaba diyan! Dito ka na dumaan." turo ko sa pinto ng silid. Pumikit siya nang marahan at umiling ng paulit ulit.
"Okay lang talaga, Denzill. Ayokong isipin ng mama mo na pumasok ako nang walang paalam sa gate niyo. Ayos lang." pagpapaliwanag niya. Pasulyap sulyap pa siya sa ibaba para makita kung saan na nagtungo ang alaga niya. Lintek kaseng pusang 'yon kung saan saan pumupunta pwede naman sa kwarto ko dumaretso.
"Ang kulit mo!" naiinis kong sabi.
"Ang kulit mo din!" mas kunot pa ang noo niya sa akin gayong ako na nga itong concern sa pagbaba niya.
"Bahala ka! kapag may nangyaring masama sa'yo wag mo kong tatawagin ha!" pagbabanta ko. Hindi ko naman sinasadyang sabihin iyon. Sinabi ko lang para matakot siya at hindi ituloy ang binabalak.
"Hindi naman talaga! Hindi naman tayo close gaya ng sabi mo." parang batang inilabas niya ang dila niya at binelatan ako. Hindi ko alam kung matatawa ako sa inaakto niya o maaasar. Hindi ko nalang talaga alam ang magagawa ko sa pusang iyon kapag nahulog itong babaeng 'to dito mismo.
Dahil makulit siya, labag sa kalooban ko na alalayan siya pababa gamit nga ang ladder. Buntong hininga kong sinabi sa kaniya na mag-ingat siya sa paghakbang. Para kasi siyang inosenteng bumababa sa ladder. Pwede naman kasi dito nalang sa loob bumaba at ako naman ang bahala kay mama.
Pinag-aalala niya ako.
Masama ang tingin ko sa kaniya nang tuluyan siyang makababa. Naibsan ang nakabara sa puso ko kanina pa nang makitang nakababa siya ng maayos. Nakangiti niya akong tinignan habang kinakaway ang kaliwang kamay.
"Jusko naman Denzill!"
Lumingon ako sa likod ko. Narinig ko ang pagbukas at sara ng pinto at iniluwal nito si mama. Nakasimangot ang mukha niya at pawisan.
"Kapag nakita ka ng papa mo dito mayayari ka na naman, pasaway ka talaga! Kanina pa kita tinatawag nandito ka lang pala. Alam mo ba kung anong oras na ha?!" piningot ni mama ang tainga ko at hinila papalabas ng kwarto.
Teka si Jancell.
"Ma, oo na po. Arayy! May titignan lang ako saglit, ma." pilit akong kumawala sa hawak ni mama. Si mama naman dinaig pa alimango ang kamay sa sakit ng pagpingot sa tainga ko.
Nang mabitawan ako ni mama ay agad akong bumalik sa veranda para tignan kung nandun pa nga si Jancell. Napailing ako dahil mukhang nakaalis na nga siya. Ang bilis talaga tumakas ng isang iyon. Natunugan niya siguro na tinatawag na ako ni mama.
Bumalik ako sa loob habang sinisermonan ni mama. Kesyo nangingialam na naman daw ako sa mga libro ni papa. Tinulungan na nga daw niya ako nung muntik na akong mahuli ni papa sa cr ng silid niya. Marami pa siyang sinabi at nakaligtaan ko lahat ng iyon nang mapansin ko ang oras. Ilang minuto nalang ay magsisimula na ang klase.
Habang nagmamaneho hindi ko maiwasang magpalinga linga sa paligid. Hindi ko alam kung bakit pero umaasa akong makikita ko si Jancell sa tabi tabi. Sana malapit lang ang bahay nila sa'min para mahatid ko naman siya minsan kahit na naiirita pa rin ako sa ginawa niya kanina.
"Oh? buti nakaabot ka?" natatawang ani ni Josh. May katabi siyang babae ngayon at nakapulupot ang kamay nito sa braso niya. Pinaningkitan ko siya ng mata sa nakita.
"Miss, upuan ko yan." walang gana kong sabi sa babae. Agad naman itong sumimangot at humalik kay Josh bago magpaalam. Sinamaan ko sila ng tingin.
Maghaharutan nalang pinaupo pa sa upuan ko.
"Badtrip ka?" tumatawang tanong ni Josh nang maiwan kaming dalawa. Wala pa si Uno. Mukhang late darating ang ugok.
"Hindi." tipid kong sabi. Tumawa siya habang tinatapik tapik ang balikat ko. Inaasar niya pa ako na mukha daw akong badtrip na gumising.
"Okay lang 'yan. Makikita mo rin ang babae mo." pang-aasar niya. Gusto ko sanang ikwento ang nangyari kanina pero dumating na ang prof namin. Kasabay nito ang pagdating ng nagmamadaling si Uno. Mabuti nalang at nakahabol siya.
Naging mabilis ang klase at maaga itong natapos. Sumunod naman ang ibang subject namin pero hindi ako ganon kainteresado kaya naman sa bintana na naman ang tingin ko. Wala naman akong dapat isipin pero pumapasok sa isipan ko ang libro ni papa. Sa buong buhay ko hindi sila ganoon nagkwekwento sa akin ni mama tungkol sa mga buhay nila noong kaedad ko sila.
Dahil sa sobrang abala ni papa sa pagpapabalik balik sa kaniyang opisina at silid aklatan, hindi na ganon karami ang oras niya para kausapin kami. Kung mag-uusap man kaming dalawa lahat iyon ay puro paratang na nangingialam ako sa silid niya sa bahay. Si mama naman dati siyang guro dito, madalas ay nagtatagal siya sa school kaya naman kapag uuwi siya siguradong nasa kwarto na ako non at natutulog. Ngayong wala na siyang trabaho, lagi naman akong nasa school kaya hindi rin kami ganon nakakapag-usap ng matagal. Kapag uuwi ako ay didiretso ako sa kwarto para gumawa ng assignment o magpahinga.
Ngayon ko lang naisip na kulang nga talaga kami sa komunikasyon. Nag-iisa lang akong anak kaya naman wala rin akong ibang kausap sa bahay kundi gadget o di kaya nagpapatugtog ng iba't ibang banda. Hindi naman masama kung yayain ko sila minsang lumabas diba?
Try ko nga.
Dahan dahang naitinagilid ko ang ulo ko nang mapansin ang pusa ni Jancell na nakatayo sa hindi kalayuan at nakatingin mismo sa akin. Anong ginagawa niyan sa loob ng school??
Tinignan ko ang dalawang katabi ko na akala ko tutok sa pakikinig. Nakayuko si Uno at halos mapuno na niya ng sariling drawing ang likod ng papel niya samantalang palihim namang kinakausap ni Josh ang babaeng kaharutan niya kanina. Nakapwesto ito sa harap pero hindi kalayuan sa inuupuan namin.
Binalik ko ang tingin ko sa bintana at wala na doon ang pusa. Naiimagine ko tuloy na hinahanap na siya ngayon ni Jancell. Parehas lang silang dalawa, e. Ang kukulit.
Hinintay kong matapos ang lahat ng klase ko ngayong araw at dali daling nagpaalam sa dalawa. Nang tumango sila ay umalis na ako sa room namin at nagpunta sa parking lot. Hindi ako nagkamali dahil nakatayo ang pamilyar na babae sa gilid ng kotse ko. Nakatalikod ito. Tanging maalon na buhok niya lang ang nakikita ko at laylayan ng hindi kahabaan niyang bestida.
"Jancell?" tawag ko dito.
Agad naman niya akong hinarap kaya napansin ko ang tumutulong luha sa maganda niyang mata. Dumaloy agad ang pag-aalala sa akin.
Lumapit siya sa akin at agad yumakap. Nagulat ako sa ginawa niya. Nag-aalinlangan akong yakapin siya pabalik pero yun ang ginawa ko. Parang may biglang humaplos sa puso ko ngayong nasa bisig ko siya at yakap.
"Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ko. Hindi kaya may nangyari na naman sa kaniya pagkaalis niya sa bahay namin kanina?
"Si S-shadow nawawala..." hikbi niya. Bumuntong hininga ako nang marinig ko ang iniiyakan niya.
"Niligaw ko na. Ang kulit kulit ng pusa mo-" hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil agad lumapat sa dibdib ko ang nakakuyom niyang kamao.
Kababaeng tao nanununtok?
"Bakit mo ginawa iyon?!!" gulat na tanong niya. Agad kong pinigilan ang nakaambang suntok na ibibigay niya. Hindi ko tuloy mapigilan matawa sa reaksyon niya.
"Biro lang." tumatawang sabi ko. Yayakapin ko sana ulit siya pero tinulak niya ako at nagsimula ulit umiyak. Sayang akala ko makakayakap ulit.
"Shhh wag ka nang umiyak. Alam ko kung nasaan siya kanina." pagpapatahan ko sa kaniya. Biglang nagbago ang ekspresyon niya at sumilay ang arko sa mga mata niya.
"Talagaaa???" hindi ko mapigilang kurutin ang mataba niyang pisngi dahil sa panggigigil. Ang cute niya.
"Arrouch!" ngumuso siya. Natigilan ako dahil tandang tanda ko ang nabasa ko sa libro ni papa. Ganyan din ang salita ni Lea kapag nasasaktan. Nagkataon lang siguro. Hindi kaya nanay niya talaga si Lea? o kung kapatid niya siya masyadong malayo ang agwat nila.
"Uy! Denzill!" inalog alog niya ako na nakapagpabalik sa wisyo ko. Gumigewang ang maalon niyang buhok, malalim ang dimples niya at mapupula ang labi. Malambot din ang balat niya na para bang hindi pwedeng masaktan.
"Lea." wala sa wisyong banggit ko sa pangalan. Nakita ko ang pagkagitla sa galaw niya at bahagyang gulat.
"H-ha?" nauutal niyang tanong. "Sino si Lea? Ex mo yun, ano?" agad nag-iba ang ekspreyon nito at biglang nang-asar.
"Hindi ah!" pagtanggi ko naman. Masyado lang siguro akong binabagabag ng libro ni papa. Kaya siguro nakukuha niya ang mga interes ng tao dahil sa nakakabaliw nitong kwento. Maging ako ay naaapektuhan.
"E, sino 'yon?" inosenteng tanong niya. Huminga ako nang malalim at palihim na umiling. Nababaliw na ako para isiping siya si Lea. Kung siya nga ito paniguradong kaedad niya dapat si papa at mama.
"Wala. Hanapin na nga natin 'yang pusa mo." pag-iiba ko ng usapan. Kinikilabutan ako sa sarili kong naiisip, e.
Inabot ko sa kaniya ang panyo ko. Tinitigan naman niya ito at nagtataka kung para saan niya ito gagamitin. Sinimangutan ko siya at ako mismo ang nagpahid ng mga natirang luha niya sa pisngi. Narinig ko ang pagdaing niya dahil yata sa diin ng pagkakapunas ko. Gusto kong takpan ang tainga ko tuwing binabanggit niya ang salita niya.
Ang wirdo.
Sinamahan ko siya pumasok sa likod ng school namin kung saan huli kong nakita ang pusa niya. Mabuti nalang at walang masyadong estudyante, siguradong magtataka sila kung bakit nakapasok si Jancell ng walang ID. Nagtaka nga ako kanina dahil dinaanan lang kami ng guard. Hindi niya 'ata napansin ang babae sa tabi ko.
"Dito ko siya huling nakita." turo ko sa lapag. Agad hinanap ng mata ko si Jancell dahil hindi siya sumagot sa sinabi ko. Paniguradong nagsimula na siyang hanapin ang pusa niya. Kapag nawala kaya ako hahanapin niya din ako at iiyakan?
"Nag-alala ako sa'yo!" lumingon ako sa di kalayuan kung saan nakita kong nakaupo si Jancell at hinahaplos ang alaga niya. Nakatalikod siya sa'kin.
"Nahanap mo na pala! Tumayo ka, madumi diyan." hinawakan ko ang siko niya at itinayo.
"Madalas naman ako dito kaya sanay na ako." may halong pagtawa ang boses niya. Nakayuko siya at halatang kusang lumabas sa bibig niya ang sinabi.
"Anong ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ko.