Kabanata 7
Pangpito
Wala ako sa sarili nang makarating ako sa bahay. Walang tao sa sala o maging sa kusina nang dumating ako kaya dumaretso na ako sa kwarto. Mabilis akong nag-ayos ng sarili hanggang sa natagpuan ko ang sarili na nakahilata sa kama.
"Anong ibig mong sabihing madalas ka dito?" takang tanong ko sa kaniya. Natigilan siya sa paghaplos kay Shadow at dahan dahang bumaling sa akin.
"I mean- sanay ako umupo sa kahit saan. Ngayon lang ako nakapasok dito sa school mo, ano!" sabi niya sabay tawa. Ngumiti naman ako dahil naliwanagan ako sa sinabi niya. Hindi ko alam pero may kung ano sa akin na nagtataka sa katauhan niya. Masyado siyang kakaiba at parang may gusto pa akong malaman.
Pinilig ko ang ulo ko dahil sa iniisip. Ngayon lang ako nagkainteres sa isang babae. Bukas ay sabado kaya niyaya ko siyang lumabas. Hindi naman ako nahirapang yayain siya dahil sumang-ayon agad siya. Tuwang tuwa pa nga at nagtatatalon.
Maaga akong nagising kinabukasan. Wala akong plano kung saan kami pupunta. Siguro sa mall nalang siguro at gagala. Wala naman sa itsura niya ang pagiging mapili sa lugar.
"May lakad ka?" pinasadahan ni mama ang suot ko nang makababa ako sa kusina. Tanging puting tshirt at maong ang napili kong isuot dahil karamihan ng damit ko ay ganito.
Tumango ako bilang sagot. "Gagala lang, ma." paalam ko.
Ibinaba niya ang tasang hawak at inilapag ito sa lamesa. "Babae, ano?" may halong pang-aasar ang tono niya. Nakangiti akong umiling iling dahil tumpak ang sagot sa tanong niya.
"Babae nga. Kaklase mo ba?" muli niyang tanong nang makumpirma niya ang sagot ko. Nagsimula akong kumuha at maglagay ng tinapay at itlog sa pinggan ko.
"Hindi po, ma. Ahh nakilala ko lang." tipid kong sagot. Ngayon ko lang kasi naisip na wala akong masyadong alam sa kaniya maliban sa pangalan niya. Naexcite tuloy akong umalis ngayon para mas makilala siya.
Matapos kong kumain ay nagpaalam ako kay mama. Alas diyes ang usapan namin pero alas nueve palang ay umalis na ako. Nagbilin ako kay mama na ipaalam nalang ako kay papa kapag umuwi ito at sabihing may groupings akong pupuntahan.
Nang makarating ako sa parking lot ng school ay agad akong lumabas. Pilit ko ngang sinabi sa kaniya na susunduin ko nalang siya sa bahay nila pero pilit din siyang tumanggi. Sabi naman niya ay malapit lang ang bahay nila dito kaya hindi siya matatagalan.
Nanatiling nakabukas ang kotse ko. Tinanaw tanaw ko ang paligid pero wala pa rin siya. Anong oras kaya siya nagigising?
"Denzillllllll!!!"
Lumingon agad ako sa pinanggalingan ng tawag. Malayo palang siya ay nakataas na ang kamay pa para kawayan ako. Awtomatikong umarko ang labi ko dahil sa hindi mapigilang pag-ngiti. Ang ganda niya talaga. Bumaba ang tingin ko sa suot niyang bestida. Kung hindi ako nagkakamali ay ganyan din ang suot niya kahapon.
Hindi siya naligo?
Umiling ako. Mukhang mabango naman siya sa itsura niya, Denzill. Paano mo siya nagawang akusahan na hindi naliligo?
Siguro marami siyang bestida na ganyan ang disenyo.
"Goodmorning!" masigla niyang bati nang tuluyan siyang makalapit.
"Ang tagal mo, kanina pa ako naghihintay!" pakunyaring galit ang tono ko. Biglang naglaho ang ngiti niya at napalitan ng pagnguso.
"Pasensya na. Si Shadow kasi gustong sumama kaya nahirapan akong iwanan siya." nilaro laro niya ang daliri habang nakanguso.
Sa susunod ililigaw ko na talaga ang pusang 'yon, e.
"Biro lang. Goodmorning din!" ginulo ko ang buhok niya. Iginaya ko siya sa loob ng kotse bago ako nagsimulang magmaneho. Hindi ko mapigilan ang pag-ngiti dahil kahit diretso ang tingin ko sa daan ay nakikita ko ang excitement sa mukha niya.
"Saan tayo pupunta, Denzill?" masiglang tanong niya.
"Saan mo ba gusto?" nakangiting nilingon ko siya. Nahahawa na yata ako sa pagiging masayahin niya.
"Kahit saan naman, e." agad niyang sagot. "ay teka pala..."
Tumingin ako sa kaniya. Nakahilig siya sa bintana habang nakatingin sa akin at nag-iisip. Tinaasan ko naman siya ng kilay habang hinihintay ang sagot niya.
"Pwede mo ba akong idaan sa Circle?" bulong niya.
Tuwang tuwa siyang lumabas sa kotse ko. Balak ko pa naman siyang pagbuksan ng pinto kaso nauna pa siya sa'kin lumabas. Nagtatatalon at takbo siya hanggang makapunta sa tapat ng fountain na hugis bilog. Akala ko naman kung anong Circle ang sinasabi niya, yun pala yung memorial circle dito sa QC. Naaalala kong mas magandang pumunta dito kapag gabi dahil marami silang pailaw at dancing lights at iilan palang ngayon ang mga nagtitinda dahil umaga palang at masyadong tirik ang araw. Matagal na rin noong huli akong makapasyal dito.
Bakit kaya dito niya gustong pumunta?
"Nakapunta ka na ba dito dati?" tanong ko. Sinabayan ko siyang maglakad.
"Oo. Kaso matagal tagal na rin." kibit balikat niyang sabi. Tumigil siya sa paglalakad at nilingon ako.
"Ikaw?"
"Nung elementary siguro ako." sagot ko. "Naalala ko namasyal kami ni papa at mama dito at hindi na iyon nasundan." dagdag ko pa. Mabuti pa dati kahit isang beses sa isang buwan nakakalabas labas kaming tatlo pero ngayon parang hindi na.
"Ok lang yan! Atleast nandito na tayo ulit!" pabiro niyang sinuntok ang braso ko habang pilit pinapagaan ang loob ng bawat isa. Natawa tuloy ako sa ginawa niya. Kababaeng tao ang hilig manuntok.
"Babae ka ba talaga?" biro ko.
"Natural!" sa unang pagkakataon nakita ko ang pag-ikot ng mata niya. Hindi ako makapaniwalang nang-iirap pala siya. Inosente siyang tignan kaya hindi ko maisip na masasaksihan ko siyang ganyan.
"Tinatarayan mo na ako?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"E, ano sa tingin mo?" nilapit niya ang katawan niya sa akin at bigla akong sinuntok sa dibdib. Bago pa ako makapagsalita ay kumaripas na siya ng takbo palayo.
"Kapag ikaw naabutan ko, magugustuhan mo talaga ang gagawin ko sa'yo!!" natatawang sigaw ko bago siya habulin.
Tawa siya nang tawa habang tumatakbo. Hawak hawak niya ang laylayan ng bestida dahil hinahangin ito. Binagalan ko naman ang takbo ko dahil natutuwa akong makita siyang nasisiyahan dahil akala niya'y hindi ko siya maaabutan. Parang biglang bumabal ang paligid at tanging siya lang ang nasa paligid ko. Hinahangin ang kaniyang maalon na buhok at mas lalong nadedepina ang malalim niyang dimples. Nakakatuwang nakikita siyang tumatawa.
Napahawak ako sa dibdib ko at pinakinggan ang kakaibang tunog na ngayon ko lang narinig sa buong buhay ko.
Matapos naming maghabulan ay agad kaming umupo at nagpahinga sa tapat ng mataas na tore. May tatlong matataas na haligi ito kaya naghuhugis tatsulok. Ito nga yata ang pinakamagandang puntahan sa park na ito. Ang alam ko maganda din itong puntahan kapag gabi dahil sa ilaw.
"Gusto mong kumain?" tanong ko habang hindi tinatanggal ang tingin sa tore.
"Jancell." banggit ko sa pangalan niya.
Naghintay ako ng ilang segundo pero hindi siya sumagot. Binaling ko sa kaniya ang tingin ko. Agad akong naalarma dahil sunod sunod na dumadausdos ang luha mula sa mga mata niya habang nakatingala siya at nakatanaw sa itaas ng tore.
"Anong problema?" natatarantang tanong ko. Mabilis niyang pinunasan ang luha sa pisngi niya nang makita niyang napansin ko ito.
"Wala! Nagagandahan lang ako diyan, ang taas kasi, e. Paano kaya yan ginawa?" kahit natatawa ang boses niya hindi ko maitanggi ang panginginig nito. Malungkot ang mata niya kahit na may ngiti sa labi.
"Anong problema?" pag-uulit ko. Nakita ko siyang ngumuso at paulit ulit na umiling.
"Wala nga!" tumatawang sagot niya. Mas maayos ang ekspresyon niya ngayon kumpara kanina. Gumaan naman ang loob ko. May problema siya at ayaw niya iyong sabihin sa akin.
Ang dami kong ginawa para matawa siya. Naglaro pa kami ng habulan ulit para makalimutan niya ang iniisip niya kanina kahit na hindi ko alam kung ano iyon. Minsan lang ako maging tanga sa buong buhay ko. Nag-imbento ako ng iba't ibang jokes para naman gumaan pa lalo ang pakiramdam niya at sa tingin ko nagtagumpay naman dahil hindi siya mahirap patawanin.
Pasimple ko siyang kinuhaan ng litrato bago ko siya yayain na magpicture kami. Tatlo lang yata ang kuha naming magkasama samantalang ang kuha ko sa kaniya ay hindi ko mabilang.
Bumalik kami sa kotse nang pareho kaming makaramdamn ng pagod at gutom. Sinabi ko sa kaniyang sa Ayala nalang kami kumain dahil may alam akong masasarap na kainan doon. Hindi naman siya umangal at mabilis na sumang-ayon.
"Nasan ang parents mo?" tanong ko habang sumisimsim ng orange juice sa baso. Napatingin ako sa paligid dahil napapansin kong kanina pa nila kami pinagtitinginan. Akala siguro nila may artisa akong kasama. Hindi ko nalang pinansin at itinuon ang buong atensyon sa babaeng kaharap ko.
"Wala na sila, e. Tatlo kaming magkakapatid, ang dalawa ay may sarili ng buhay kaya ako nalang mag-isa." nakangiting kwento niya. Agad kumunot ang noo ko.
"Edi ikaw lang mag-isang nakatira sa bahay niyo ngayon?" pagkukumpirma ko. Hindi siya sumagot at ngumiti lang. Akala ko, buhay ko lang ang malungkot mas malungkot pala ang kaniya.
"San ka nag-aaral?" pag-iiba ko ng tanong. Binitawan niya ang kutsara't tinidor. Nagpunas pa siya ng tissue sa bibig bago ako nagawang sagutin.
"Hindi na ako nag-aaral." malungkot niyang sabi. Awtomatikong tumuwid ako sa pagkakaupo dahil sa narinig ko.
"Bakit?" nagtataka ako dahil wala sa itsura niya ang kawalan sa edukasyon.
"Hindi rin naman kasi ako magtatagal. Mawawala rin ako." mas malungkot ang boses niya ngayon kumpara kanina. Kung kanina maraming tanong ang utak ko, mas dumami ang tanong na nabuo ngayon sa akin dahil sa sinabi niya.
"Saan ka naman pupunta?" hindi ko rin mapigilan ang maging malungkot. Nasa punto pa naman ako na gusto ko siyang maging kaibigan nang mas matagal. Kapag nangyari iyon, gusto ko rin siyang ligawan.
Nagkibit balikat siya. "Hindi ko alam." bulong niya bago bumuntong hininga.
Marami pa kaming napag-usapan. Nalaman ko na hilig niyang tumambay sa parking lot ng school dahil gusto niyang magkaroon ng kaibigan. Una niya daw kinaibigan ang pusa pero mukhang hindi daw maganda ang unang pagkikita nila dahil tinakbuhan siya nito at pinagkakalmot. Naalala kong nairita ako sa kaniya noon dahil hinahawakan pa niya iyon kahit na nasasaktan siya nito.
"Masaya akong nakilala kita kasi kahit papaano may nakakasama ako maliban kay Shadow. Tsaka kahit masungit ka minsan ang bait bait mo pa rin!" aniya. Tuluyan akong napatawa sa sinabi niya. Naramdaman ko ang biglang paghaplos ng kung ano sa puso ko.
"Paano kapag niligawan kita? Mas masaya 'yon diba?" pagbibiro ko na agad niyang sinimangutan.
"Ayoko." diretso ang tingin niya sa akin. Hindi ko masasabing nang-aasar ang boses niya dahil seryoso ang tono niya.
Kinabahan tuloy ako. Wala pa ngang courtship, rejected na.
"Joke lang!" tumawa siya at sa isang iglap biglang nagbago ang ekspresyon niya. Inilapit niya ang mukha sa akin na nagpaiba ng pakiramdam ko.
"Tignan natin." nakangiting bulong niya bago lumayo.
Matapos naming kumain ay iginaya ko siya sa isang simpleng dress shop. Gusto ko siyang bigyan ng panibagong dress bilang isang regalo. Para dagdag pogi points na rin.
"Huwag na! nakakahiya naman." hinila niya ako palabas ng store pero hinawakan ko siya sa kamay para pumasok ulit.
"Bakit ka ba nahihiya? Ok lang yan!" natatawang sabi ko. Nagsimulang lumibot ang paningin ko sa mga nakahanger na bestida doon. Ang dami ring manikin na nakapustura para maging modelo ng mga damit na binibenta. Lahat na yata ng kulay ay nandito.
"Pumili ka na." hinawakan ko siya sa magkabilang braso niya habang nakatalikod siya sa akin. Narinig ko ang pagtikhim niya at paniguradong nakanguso na naman siya sa mga oras na ito. "Nahihiya ako." humarap siya sa akin at napansin ko ang pamumula ng pisngi niya. Hindi ko napigilan ang pagpisil doon kaya umamba na naman siyang susuntukin ako.
"Ako na nga ang hahanap para sa'yo." natawa ako. Mukhang wala siyang balak mamili dahil sa kahihiyan niya daw.
Pasimpleng hinawakan ko siya sa kamay niya. Pinagsalikop ko ang mga daliri ko sa kaniya at naramdaman ko ang pagtigil niya dahil sa ginawa ko.
Baka kinikilig.
Hinila ko siya sa mga dress na kulay asul ang kulay. Humigpit ang hawak niya sa kamay ko kaya naman mas lalo akong napangiti. Nasarapan din.
"Ito kaya?" itinapat ko sa kaniya ang hindi masyadong mahabang dress na off-shoulder. Itinagilid ko ang ulo ko para makita kung ayos ba talaga. Hanggang tuhod niya ito at sa tingin ko magandang tignan para sa kaniya.
"Yes po, sir? Para kanino po?" tumingin ako sa gilid ko nang biglang magsalita ang sales lady. Hindi ko siya pinansin dahil sa pagkairita. Nakita na nga niyang sinusukat ko ito kay Jancell tapos itatanong niya pa. Alangan namang para sa akin. Mukha ba akong nagdre-dress?
Nakita ko ang pag-alis ng babae para puntahan ang bagong costumer na dumating sa store nila.
"Nagtatanong si ate hindi mo sinagot." nakanguso niyang sabi. Inabot ko sa kaniya ang damit bago siya tawanan.
"Hayaan mo siya. Isukat mo sa fitting room, nandoon." nginuso ko sa kaniya ang fitting room na tinutukoy ko. Nakangiti naman siyang tumango at tumakbo papasok doon.
Sinundan ko siya at umupo sa maliit na ottoman na upuan sa labas ng pinasukan niya.
Ilang minuto ang lumipas pero hindi pa rin siya lumalabas. Natagalan siguro siya kung paano isuot iyon. May zipper iyon sa likod sa pagkakatanda ko. Pasukin ko kaya?
Hinampas ko ang sarili ko dahil sa iniisip. Nababaliw ka na.
"Sir, may hinihintay po kayo?" nakangiting tanong ng panibagong sales lady na lumabas mula sa fitting room. Bumaba ang tingin ko sa asul na dress na hawak niya. Nakahanger pa ito at kahawig ng binigay kong dress kay Jancell.
"Yes. Nasa loob ang girlfriend ko." pagmamalaki ko sabay turo sa fitting room kung saan siya galing. Nagbago ang ekspresyon niya, halatang nagtataka.
"Wala pong tao sa loob, sir." anito.
Ngumiti ako at umiling. "Kanina pa siya mga 10mins ago. Baka nagkasalisi kayo." paliwanag ko. Tumango nalang siya pero nanatiling nagtataka ang reaksyon niya.
"Inisa isa ko po kasi ang cubicle, sir. Wala naman pong tao-" pinutol ko siya sa pagsasalita.
"E, saan mo yan nakuha?" turo ko doon sa hawak niya. Binuklat niya ito at hinarap sa akin. Ayan nga ang binigay kong dress kay Jancell. Kinuha niya?
Baka hinahanap ni Jancell ang bestida sa loob kaya hindi pa rin lumalabas.
"Eto po, sir? Sa loob po may nakaiwan po siguro." inosenteng sabi niya sa akin. Sa sobrang pagkairita ko, hinigit ko sa kaniya ang dress at dali daling pumasok sa loob ng fitting room. Narinig ko pang tinawag niya ako dahil para lang daw ang lugar na ito sa mga kababaihan.
"Jancell!" tawag ko sa loob nang makapasok ako.
"Denzill." agad nawala ang iritasyon ko dahil narinig ko ang malambing niyang boses. Natunugan ko na nasa pangatlo siyang cubicle kaya doon ko siyang kinatok.
"Kinuha ng babae ang bestida ko." malungkot ang mukha niya nang buksan niya ang pinto. Suot niya pa rin ang bestida niya kanina.
"Hindi ka yata niya nakita. Buti nalang at nadala ko, Heto." iniabot ko sa kaniya ang dress. Nakita ko ang pagliwanag sa mukha niya at agad itong hinawakan.
"Pwede bang samahan mo ako magbihis?" walang bahid ng kung ano ang tono niya. Naramdaman ko bigla ang pag-init ng pisngi ko sa gusto niyang mangyari.
Bago pa ako makasagot ay pumunta siya sa likod ko at ni-lock ang pinto. Nakita ko ang sarili kong gulat sa malaking salamin sa harap namin dahil sa ginagawa niya.
"Teka!" hinawakan ko siya sa braso at pinigilan. Lintek! baka may magawa ako.
"Hindi pwede! bawal kang maghubad sa harap ko, Jancell." kunot noo kong sabi. Hindi ko malaman ang gagawin ko dahil parang walang bahid ng malisya ang gusto niyang mangyari samantalang ako punong puno ng- hays.
"Hindi ka naman haharap, e. Dun ka tumalikod!" nakapamewang niyang sabi. Umawang naman ang bibig ko dahil doon.
"Sabi ko nga." naging mahina ang boses ko. Dahan dahan akong tumalikod at humarap sa pinto dahil sa pagkapahiya. Oo nga naman! Hindi naman siya bata para isiping magbihis sa harap ko! Bigla na namang uminit ang pisngi ko nang maisip na nandito ako kasama siya sa iisang kuwadrado habang nagbibihis siya sa likod ko. Umiling iling ako.
"Tapos na!" hinawakan niya ako sa braso pero agad ko itong iniwasan. Pakiramdam ko napapaso ako. Lintek! kailangan ko nang umalis dito habang maaga pa.
Nawala ako sa iniisip ko nang makita ko ang kabuuan niya. Bagay na bagay sa kaniya. Nasa iisang bahagi ang buhok niya nakapatong sa kanang balikat samantalang nakikita naman ang kaliwa niyang balikat dahil sa off shoulder nitong disensyo.
"Ang ganda." ayan nalamang ang nasabi ko. Masyado akong nahumaling sa kagandahan niya. Kung pwede lang magtitigan kami buong oras dito sa loob ay papabor talaga sa'kin.
Hindi ko mapigilan ang ngiti ko nang umuwi ako sa bahay. Tulad kanina, sa parking lot ng school ko siya ibinaba gaya ng sabi niya. Hindi mapapantayan ng kahit sino ang katigasan ng ulo niya dahil ayaw niya talagang magpahatid sa akin.
Pagkapasok ko sa bahay, bumungad sa akin si mama na nasa sala at nanonood na naman. The Purge. Naririnig ko ang hiyawan ng mga tao sa telebisyon at mararahas na tunog mula dito.
Humalik ako sa kaniya at pinanood siyang pasadahan ako ng tingin. Kinamusta niya ang naging lakad ko pero sinuklian ko lang siya ng matamis na ngiti.
"Ma, niligawan ka ba ni papa?" kuryoso kong tanong. Hindi ko alam kung bakit lumabas iyon sa bibig ko pero gusto ko lang naman malaman. Nawala ang ngiti niya at agad nag-iwas ng tingin. "O-oo naman!" mahina lang ang pagkakasagot niya.
"Paano nanligaw si papa kung ganon?" pag-uusisa ko pa. Kung nasa akin pa ang libro ni papa siguro makikita ko doon ang ginawa niyang panliligaw kay mama. Natigilan ako nang may maalala. Si Lea nga pala ang gusto ni papa sa libro at hindi si mama. Paano kayang nangyaring nagkatuluyan si mama at papa?
"Bakit may balak ka na bang manligaw ha?" pag-iiba niya ng usapan. Hindi ko napigilan ang ngiti ko at bahagyang natawa.
"Hindi ko pa sigurado." pag-aalinlangan ko. Ang sabi kasi ni Jancell hindi naman siya magtatagal dito.
"E, paano kayo nagkatuluyan ni papa?" pagbabalik ko sa kanila. Gusto kong itanong kung sino si Lea kaso baka magtaka si mama kung paano ko siya nakilala.
"Kaklase ko ang papa mo dati. Basta. Hindi ko na maalala." umiiling iling na sabi niya. "Umakyat ka na nga sa kwarto mo't magpahinga na." tinalikuran niya ako at bumalik sa panonood. Napanguso naman ako dahil sa pag-iiwas niya sa tanong ko. Gusto ko talagang malaman.
Umakyat ako papunta sa pangalawang palapag. Hindi mawala ang ngiti ko dahil sa naging maganda ang resulta ng pagsasama namin ni Jancell ngayong araw. Sayang, sana pala ay nagnakaw ako ng halik sa kaniya kanina bago siya makaalis.
"Tigilan mo ang anak ko." nakaawang ang pinto ng kwarto ni papa dahilan kung bakit ako napahinto sa pagpasok sa kwarto ko. Kalmado ang boses ni papa pero may diin ang pagkakasabi niya doon.
Umusog ako papalapit sa pinto niya. Nakita ko siyang nakatayo at parang may kinakausap na naman sa kawalan. Hindi ko makita ang kaharap niya dahil tanging siya lang anf nakikita sa siwang ng pinto. Normal naman na sa akin na nakikita ko siyang ganyan pero binanggit niya kasi ang anak kaya nagkaroon ako ng interes makinig sa sasabihin niya.
Parte na naman siguro ng nobelang sinusulat niya.
"Alam mo kung gaano kita kamahal pero ayokong masira ang pamilya namin dahil sa gusto mo." agad akong namangha dahil kuhang kuha niya ang emosyon at tono kagaya sa napapanood ko sa drama. Malungkot ang boses ni papa at halatang damang dama ang eksena.
"Ayokong madamay si Denzill."
Naestatwa ako sa kinatatayuan ko dahil sa binanggit niya. Pangalan ko iyon! Anak niya ako! Gusto kong kilabutan dahil biglang nagsara ang pinto. Nanlalamig akong pumasok sa kwarto ko at nilock iyon. Takang taka ako sa ginagawa ni papa.
Isa ang pangalan ko sa mga karakter niya?
Pinilig ko ang ulo ko sa kaiisip. May kausap ba siya?