Kabanata 8
Pang-walo
Wala akong ginawa sa araw ng linggo. Buong oras kong inisip ang nangyari kahapon kaya masaya ang araw ko.
Buong araw din wala si mama at papa. Kinailangan ni papa na pumunta sa Bulacan dahil may event na ginagawa para sa kaniya kasama ang mga tagahanga niya. Hindi siya nagdalawang isip na isama kami pero dahil may pasok ako kinabukasan, tumanggi ako. Gustong gusto ko man ang ideya niya kaso ayokong ipagpaliban ang klase.
Nang sumapit ang hapon, naging abala ako magbihis para dumaan sa simbahan. Magpapasalamat ako sa nangyari kahapon at sa mga susunod pa.
Hindi ko alam kung bakit naisipan kong dumaan sa parking lot ng school bago ako makauwi. Nagbabakasakaling makikita ko siya doon kahit medyo madilim na. Nagtagal ako doon ng halos kalahating oras bago ko naisipang iwanan ang lugar.
Umuwi ako sa bahay. Kumain ako para sa hapunan bago umakyat sa kwarto. Ang tahimik ng bahay ay minsan ko na ring nakasanayan. Minsan kahit nandito kaming lahat at kompleto, wala ring ingay na maririnig.
Hindi ko pa naisasara ng pinto ng kwarto ko nang matigilan ako. Kumalabog ng husto ang puso ko dahil sa nakita ko sa ibabaw ng aking kama.
Ang libro ni papa.
"Nakatulala ka?" siniko ako ni Josh. Kunot noo ko siyang nilingon dahil sa ginawa niya. Ang laki ng ngiti sa labi niya at may halo itong pang-aasar.
"May tinignan lang ako sa labas. Hindi ako nakatulala." pagpapalusot ko kaya naman tuluyan siyang tumawa.
Ang totoo iniisip ko kung paano napunta ang libro ni papa sa kwarto ko. Tandang tanda ko pa na inilagay ko iyon sa shelf ng kwarto niya at hindi na muling kinuha pa. Pero bakit nasa kwarto ko?
Pinaglalaruan yata ako ni papa.
Kaso imposible. Gumising ako kanina na wala ng tao sa bahay kaya imposibleng sila ang maglagay sa kwarto ko.
"Sino ba? Baka nakikita mo na naman si Jancell." pang-aasar niya.
Sinamaan ko siya ng tingin. Nang ikwento ko sa kaniya ang pangalan ni Jancell hindi na niya ako tinigilan sa pang-aasar niya. Pinipilit niya pa ako na ipakilala ko daw ito sa kaniya. Umiling nalang ako. Hindi ko maitago ang ngiti ko sa labi.
Sa pangalawang pagkakataon huli na naman si Uno sa klase. Naunang dumating ang prof sa kaniya kaya naman napansin siyang late. Tinanong siya nito ng kung ano ano at kung bakit siya late. Ang sabi niya traffic daw.
Nang matapos ang unang klase, naging maganda ang sumunod na nangyari. May biglaang meeting daw ang lahat ng mga prof dahil sa nalalapit na variety show nila. Nasabi ding magiging abala sila sa pag-eensayo ngayong linggo na ikinatuwa naming lahat.
Dumaretso kami sa pinakamalapit na mall. Kagaya ng nakasanayan sa timezone kami tatambay kapag maaga kaming nakakalabas ng school. Maraming tao dito na naglalaro at karamihan ay halatang mga estudyante din. May iilan pang mga bata na hawak ang tray nilang puno ng ticket na napanalunan. Kung sino pang mga mas bata sila pa ang nakakarami ng tickets samantalang kami hindi man lang makalahati ang tray.
"Anong pusta?" sabi ni Uno habang ngumunguya ng bubble gum niya. Kanina pa yan sa classroom pero hindi pa rin niluluwa. Kadiri.
"Cellphone ko." iminuwestra ni Josh ang cellphone niya sa harap namin. Agad akong natawa nang iwagayway niya pa ito sa mukha namin ni Uno.
"Ulol ka! Bulok na bulok na 'yang phone mo!" pang-aasar ni Uno. Nagtawanan kaming tatlo.
"Hoy baby ko 'to!" pagtatanggol pa dito ni Josh. Muli niyang itinago sa bulsa niya ang hawak.
Natatawa akong pinagmasdan ang timezone card na gagamitin namin. Bago na ang kulay nito. Dati kombinasyon ng asul at dilaw ngayon pula na at mas makintab.
"Miryenda natin mamaya." pusta ko. Kakakain lang namin kanina kaya sigurado akong mga busog pa ang mga iyan.
"Nice one! Sige." nagtaas pa sila ng kamay bilang pagsang-ayon.
"E, ikaw?" turo ko kay Uno.
"Kotse ko." mayabang niyang sagot habang patuloy na ngumunguya. Tinulak tulak namin siya ni Josh palayo sa amin bago namin siya sinimulang pagtulungan.
"Walang bawian. Kapag natalo ka namin surebol-"
"I'm just kidding! Hoy!" hindi siya makapagsalita ng maayos dahil sa tawanan naming tatlo.
"Wala wala..." hinawakan siya ni Josh sa magkabilang siko nito at mistulang ginagapos. Hindi naman nakaalma si Uno dahil sa panghihina niya kakatawa.
Nakangisi akong itinapat ang card sa machine. Umilaw ito ng berde na ibig sabihin ay simula na ng laro. Natatawa akong lumingon sa gawi nila ni Uno. Nakita kong tinanguan ako ni Josh samantalang umiiling iling si Uno sa takot na matalo siya.
"Cheer kita Baby Denz!! Whooooo!!" natawa ako sa sigaw ni Josh nang magsimula akong i-shoot ang mga bola sa ring.
Hindi ako varsity pero sabi ng captain sa school may potensyal daw ako. Interesado kaming tatlo magtry-out noon kaso masyadong mahigpit ang couch lalo na't tumatama ang ibang training sa schedule namin.
30 seconds palang may 150 points na ako.
"Denzill Soliva! Go! Go! Go!" umiling ako dahil sa pagsisisigaw ni Josh.
"Gago wag mo galingan nagjojoke lang ako!" sigaw din ni Uno.
Hindi ko maintindihan ang mararamdaman nang biglang dumami ang mga nanonood sa'min. May iilang estudyate na nagbubulungan at sigurado akong tungkol sa akin iyon. Nakakahiya.
1 minute 301 points. Agad na bumalik sa ayos ang ring at huminto. Hindi na rin bumaba pa ang mga bola na nagsasabing tapos na ang laro ko.
Mabilis akong dinaluhan ni Josh na humahagalpak ng tawa habang tinuturo si Uno. Nakanguso siya at bagsak ang balikat kaya naman natawa din ako.
"Hatid sundo nalang kita sa inyo, pre." biro ko habang tinatapik siya. Kawawa naman siya kapag natalo siya. Sinamaan niya ako ng tingin at pakunyaring sinuntok sa balikat.
"Hayop ka, Denzill! Hindi ka mananalo!" natatawa niyang sabi sa akin. Kinuha niya ang card at siya ang pumusisyon sa harap ng ring. Nag-unat unat pa siya habang nakaharap sa amin bago itinapat ang card sa machine para mascan ito.
Nagtawanan kami ni Josh sa inasal niya.
Marami pa kaming beses na naglaro. Bagsak ang balikat ni Joshua dahil siya ang natalo. Ang lakas niyang mang-asar kay Uno siya pala itong matatalo. 300 ang score ni Uno samantalang 286 lang ang kaniya.
Nagtatawanan kami nang may biglang lumapit sa amin na grupo ng mga kababaihan. Ang babaeng nasa unahan nila ay diretsong nakatingin sa akin at may naglalarong ngiti sa labi. Ang apat na nasa likod niya ay nagpapalit palit ang tingin sa aming tatlo.
"Denzill, right?" bigkas niya sa pangalan ko. Narinig ko ang hiyawan ng dalawang kaibigan ko sa magkabilang gilid ko.
Tinaasan ko siya sa kilay. Paano niya nalaman ang pangalan ko?
"I saw you played earlier and it really caught my attention." kinagat niya ang kaniya ibabang labi at diretsong nakatingin sa akin. Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. Naglalaro ang ngiti nito hanggang sa bumaba ang tingin niya sa labi ko.
Agad akong umiwas.
"Baka sila 'yon." turo ko sa mga lalaking nasa tabi ko.
Pinasadahan niya ng tingin si Josh at Uno na ngayon ay may mga sariling kausap na sa mga kasamahan niyang babae. Tangina talaga netong mga 'to.
"No. I'm sure it's you." maarte ang pagkakasabi niya. Humakbang siya papalapit sa akin kaya agad akong umatras. Wala akong panahon para dito. Mukha siyang spoiled brat na nag-aaral din sa private school at nambubully sa mga kaklase niyang nerd.
Hindi naman sa hinuhusgahan ko siya pero iyon ang unang impresyon ko. Nakasuot sila ng long sleeves na puti sa loob ng pulang vest na tinernohan ng pulang kurbata. Nakasuot din sila ng maiiksing palda at mataas na medyas na itim.
Nagkibit balikat ako.
"I think your friends are now busy with mine..." tinuro niya ang mga kaibigan niyang nakikipagtawanan kina Josh.
Napakamot ako sa ulo. Lintek 'tong dalawa! Nilingon ko ulit ang babaeng kumakausap sa akin dahil mukhang alam ko na ang pakay niya. Mas nilapit niya pa ang katawan sa akin. Inilayo ko ang sarili nang maramdaman ko ang dibdib niya.
Hindi ba siya nahihiya?
"Sorry miss. May girlfriend ako." kunot noo kong sabi sa kaniya dahilan ng pagsimangot niya.
"But I just want-"
Naputol ang sasabihin niya nang iminuwestra ko ang palad ko sa harap niya para patigilin siya. Nilabas ko ang cellphone sa bulsa ko at nagkunyaring may tumatawag.
"Baby, I'll be home now." bungad ko matapos kong ilagay sa tenga ang cellphone.
Nang maisip kong sana'y si Jancell nalang ang kausap ko ngayon parang kinikiliti ng husto ang puso ko. Kung magkakagirlfriend man ako gusto siya iyon at wala nang iba. Ngumiti tuloy ako na parang totoong may kausap.
Hindi ko maiwasang maglaro ang isip
.
"Why? Ok ka lang?" pag-aalala ko kunyari. Nakita kong nag-ekis ang mga braso ng babae habang nakikinig sa akin. Mukhang naiinip.
"What do you want? Do you want me to buy you a pregnancy test?" pagbibiro ko. Tinignan ko ang babae at napansin ang pagawang ng bibig niya. Hindi ko mapigilan ang matawa sa sarili kong sinasabi,
Nababaliw na ako.
"Baby I'll be right there, okay? Wait for me. I love you too." kunyaring pinatay ko ang tawag. Pinigilan ko ang matawa sa reaksyon niya. Tulala siyang nakatingin sa phone ko bago ko ito binalik sa bulsa.
"What now?" nakataas ang kilay ko nang tanungin siya. Binagsak niya ang braso niya sa pagkakaekis nito at inirapan ako.
"Congrats sa baby niyo." nakasimangot siyang tumalikod sa akin. Mabigat ang lakad niya hanggang sa makalapit sa mga kaibigan. Nagpigil ako ng tawa.
Gulat ang dalawang ugok dahil mabilis na umalis ang mga babae. Masama ang tingin nila sa akin nang maiwan kaming tatlo dito. Hindi ko mapigilan ang mapahagalpak ng tawa sa nangyari. Takang taka sila sa inasal ko. Nagyaya ako sa kakainan namin. Hindi ko mapigilan ang pagkwekwento habang hinihintay ang order namin. Hindi sila makapaniwala sa kwento ko. Kaya pala biglang nakasimangot daw ang babaeng kumausap sa akin nang lumapit sa kanila.
Hindi namin mapigilan ang pagtawa habang kumakain. Kung ano anong mga pinagsasasabi nila habang ngumunguya.
"Dapat umungol ka!" natatawang sabi ni Josh habang hinahampas ang lamesa.
"Uungol sa phone? Ang weird naman non!" pangbabara ni Uno sa kaniya.
"Oo, try mo kapag kausap mo mama mo." tawa ni Josh. Hindi ko din mapigilan ang pagtawa dahil sa kalokohan niya.
"Gago ka." bulong ko habang umiiling iling.
Bago kami umuwi may dinaanan si Uno na jewelry shop. Bibili daw siya ng panregalo sa ate niya dahil birthday nito sa susunod na linggo. Pagkapasok namin sa loob naghiwa-hiwalay agad kami. Napadako ang tingin ko sa mga necklace na nandoon. Unang naisip ko si Jancell.
Ano pa nga ba? Parang hindi naman na siya nawala sa isip ko.
Kailan kaya ang birthday niya?
Agad na may lumapit sa akin na babae para mang-sales talk. Hindi naman ako interesado sa sasabihin niya kaya umiwas ako doon at bumaling sa mga bracelets. May gold at silver. Napahinto ako sa gintong bracelet na nakita ko. Nag-iisa lang siya sa box at may letrang J sa gitna.
Dumapo ang tingin ko sa lalaking lumapit sa akin na nakauniporme din. Itinuro ko sa kaniya ang gusto ko para makita iyon ng malapitan.
"6,999 pesos po yan, sir." nakangiting sabi ng lalaki.
Inilabas ko ang bracelet sa box at pinatong iyon sa palad ko. May maliliit na puso na nakapalibot maliban pa sa J na nasa gitna. Ang ganda niya, mukhang babagay sa palapulsuhan ni Jancell.
"Kukunin ko." kaswal na sabi ko. Tumango naman siya at kinuha iyon sa akin. Sinundan ko siya sa cashier kung saan naghihintay din pala doon si Uno at Josh.
"Bumili ka?" tanong ni Uno na agad kong tinanguan. Agad sumilay ang pang-aasar sa mga ngiti nila na parang alam agad kung kanino ko ibibigay iyon.
Kagaya kahapon, dumaan ako sa parking lot ng school bago umuwi sa bahay. Hindi ko namalayan na nakatambay na pala ako ng isang oras doon dahil sa paghihintay. Wala naman kaming naging usapan na dito ang kitaan namin pero kasi nasanay ako na dito ko siya nakikita.
Hindi ko pa siya nakikita simula noong sabado.
Tulad din kahapon ang tahimik ng bahay. Bukas pa makakauwi si mama at papa. Hiniga ko agad ang katawan ko sa kama nang makapasok ako sa kwarto. Tutal wala namang tao kaya hinayaan kong nakabukas ang pinto ng kwarto ko.
Nanghihinayang ako dahil hindi ko pa nakikita si Jancell. Kinapa ko sa gilid ng kama ang nilapag kong paper bag. Nakangiti ko itong binuksan at pinagmasdas sa loob ng box ang bracelet. Ayaw ko itong galawin dahil ayokong masira ko ang pagkakaayos sa loob.
Sana magustuhan niya ito.
Pinikit ko ang mata ko. Sumagi sa isip ko ang librong nakita ko kahapon dito sa kwarto. Tumingin ako sa pintuan ko. Dahil sa biglang takot, dali dali kong sinara iyon at ni-lock. Walang ibang tao dito kundi ako. Wala naman kaming kasambahay o ano pa.
Ako lang.
Kaya kung ganon paano nga napunta ang libro sa kwarto ko kahapon?
Agad akong ginapangan ng kaba sa dibdib dahil sa narinig kong tunog mula sa kalapit kong kwarto. Over acting na yata ako dahil sa naiisip ko. Lumingon ako sa paligid at naghanap ng pwedeng maging pamalo kung sakali. Dinampot ko ang insect killer na debaterya. Medyo malaki naman na ito kaya pwede na.
Marunong din akong sumuntok kung sakaling may magnanakaw.
Hindi kaya naglalakad ang libro ni papa? Tinutubuan ng mga kamay at pumupunta sa kwarto ko ng kusa? Baka may ulo pa iyon?
Pinilig ko ang ulo sa naisip. Basa pa ng kung ano ano, Denzill. Ito yata ang napapala ko kakapanood ng kung ano ano. Huminga ako ng malalim nang makarinig ulit ng tunog. Parang may nahulog. Siguro magnanakaw 'yon tapos sa sobrang dami niyang dala hindi na niya mahawakan ang iba. Dapat nagdala siya ng eco bag kung ganon.
Binuksan ko ang pinto ng kwarto ko at agad lumabas. Tumigil ako at tumapat sa pinto ng kwarto ni papa. Idinikit ko ang tainga sa pinto para makumpirma ko nasa isip na dito nanggagaling ang tunog.
Wala ng tunog ang umulit pa kaya naglakas loob akong buksan ang kwarto. Binabalot ako ng kaba pero umiibabaw ang kuryosidad sa nararamdaman ko.
Dahan dahan akong sumilip. Naibaba ko ang hawak kong insect killer dahil wala namang kahit anong tao akong nakita. Sa dulong shelf ay nakita ko ang iilang librong nahulog. Hindi naman yata hangin ang nakakapagpahulog sa mga 'yan diba?
Malayo iyon sa bintana.
Lumapit ako doon para sana ayusin nang mapahinto ulit ako. Nakita ko ang bahagyang paggalaw ng kung anong puting tela doon. Natatakpan ito ng book shelf kaya hindi ko makita kung ano ito.
Muli kong itinaas ang insect killer bago maglakad. Mabilis kong tinutok ang hawak ko pagkaliko ko sa shelf.
Namilog ang mata ko sa nakita. Naibaba ko ang tingin sa hawak niya. Agad niyang nabitawan ang libro ni papa at napaatras.
"Jancell?" pagtataka ko. Muli niyang suot ang bestidang puti na may parehong disensyo tulad ng huli naming pagkikita. Bakit hindi niya sinuot ang bigay ko?
"Anong ginagawa mo dito?" binitawan ko ang hawak ko at lumapit sa kaniya. Ang puting tela pala sa bestida niya ang nakita ko kanina. Muntik ko ng isipin na may white lady dito.
Nakatulala siya at halatang gulat sa presensya ko.
Bumalik sa alaala ko ang nakita kong babae noong nakaraang araw dito mismo. Hindi kaya siya rin iyon? Pero hindi maaari dahil bigla iyong nawala. Guni guni ko lang yata iyon.
"Saan ka galing? Mabuti nalang hindi kita nahampas ng hawak ko. Tinakot mo ko!" natatawang sabi ko. Paniguradong ginamit na naman niya ang ladder ni papa.
Natatawa akong umiling dahil naalala ko ang ginawa ko kanina sa babae sa mall. Inisip ko talaga na si Jancell ang kausap ko. I'm looking forward to claim her as mine soon.
"A-ahh ano." huminga siya ng malalim habang hawak ang dibdib niya. Nagulat ko nga yata siya ng husto.
"Okay ka lang?" tanong ko.
"P-pupuntahan kasi sana kita sa kwarto mo." nahihiyang sabi niya. Napaawang naman ang bibig ko dahil doon. Ano namang gusto niyang gawin sa kwarto ko? Nagbibiro lang naman ako sa sinabi ko sa kaniya noong nakaraan. Pinigilan ko ang ngiting gustong kumawala sa labi ko.
Imbis na tanungin pa siya, hindi ko napigilan ang pagyakap sa kaniya. Natutuwa akong makita siya. Akala ko hindi ko siya makikita ngayong araw. Pakiramdam ko hindi nasayang ang paghihintay ko sa parking lot dahil nandito siya ngayon. Agad kong kinalas ang yakap dahil hindi siya gumalaw o tumugon doon. Maging ako nagulat sa ginawa ko. Biglang nagbuhol ang dibdib ko dahil sa hiya.
Tinulungan niya akong ayusin ang mga librong nahulog. Hindi ko na tinanong kung bakit siya nasa dulong shelf, malamang aksidente ang nangyari. Siguro namangha siya sa mga librong narito at hindi napigilan ang paglilibot.
Ganyan din ako noong unang pasok ko dito.
"Kasama mo ba ang alaga mo?" tanong ko. Umiling siya at nanatiling tahimik. Kanina pa siya ganiyan at hindi ako iniimik.
"May problema ka ba?"
Umiling ulit siya.
"Natakot ba kita kanina?" pag-aalala ko. Hindi ko naman sinasadya na tutukan siya ng insect killer. Napakamot tuloy ako sa ulo. Baka naisip niya kanina na hahampasin ko siya ng hawak ko.
Nakita ko siyang ngumuso.
"Nagulat lang ako. Akala ko tatawag ka ng pulis dahil pinagkamalan mo akong magnanakaw." nakayukong sabi niya. Hinawakan ko naman siya sa baba niya at hinarap sa akin. Tumama ang tingin niya sa mga mata ko.
"Hindi ko gagawin 'yon. Masaya nga ako na nandito ka, e." ngumiti ako. Umayos siya sa pagkakatayo dahil sa sinabi ko. Kumurba na naman ang mga mata niya at lalong lumalim ang dimples sa sobrang pagngiti.
"Makikita tayo ng mama mo." bulong niya. Inilagay ko ang takas na buhok niya sa likod ng tainga. Lumapit ako ng bahagya sa kaniya.
"Walang tao dito. Tayo lang." bulong ko rin. Nakita ko ang agaran niyang pag-iwas ng tingin at mabilisang paglunok. Natawa ako sa pagkakataranta niya.
"Huwag kang kabahan. Wala naman akong masamang gagawin sa'yo." tawa ko. "Maliban nalang kung gusto mo." pahabol ko. Hindi ko namalayan ang bilis ng kamao niya at dali dali iyong lumandas sa dibdib ko. Sinuntok na naman niya ako.
"Gusto kong makita ang kwarto mo." pag-iiba niya ng usapan. Natatawa akong tumango at mabilis na tinapos ang pag-aayos sa libro na nahulog.
Hindi ako nagsayang ng oras. Sinarado namin ang pinto ng kwarto ni papa. Iginaya ko siya sa pinto ng kwarto ko at binuksan iyon. Naalala ko ang binili kong regalo para sa kaniya.
Pinanatili kong nakabukas ang pinto ng kwarto para mapanatag niya na wala akong masamang balak sa kaniya. Mukha namang pinagkakatiwalaan niya ako. Siya kaya ang gustong pumasok dito.
Umikot ang mata niya sa loob ng kwarto ko. Naglalaro ang kulay ng pintura sa puti at abo. Pinaliwanag ng table lamps at ceiling fixtures ang buong paligid. May maliit na couch ako sa tapat ng kama at mahabang aparador naman sa gilid nito. Sa side table nakalahad ang mga picture frame ko. Kuha iyan noong bata pa ako, elementary siguro. Mayroon ding kasama ko sina Josh at Uno at nandun din ang litrato naming tatlo nila mama at papa.
Napangiti ako nang matamaan ko siyang nakatitig sa picture frame naming pamilya.
"Si mama 'yan at si papa." pagkwekwento ko. Umupo ako sa kama at inabot ang frame.
"Pwede mo rin silang maging magulang kung sasagutin mo ako." biro ko. Bumaling ako sa kaniya at nanatili ang tingin niya sa hawak ko. Hindi ko mabasa ang nasa isip niya dahil marami akong nakikitang ekspresyon. Malungkot, galit at pagsusumamo ang naroon sa kabila ng mapait na ngiti niya.
"Nagbibiro lang ako." pagbawi ko sa sinabi ko kanina. Hindi niya yata ito nagustuhan. Biglang bumaling ang tingin niya sa akin at hindi katulad kanina, nakangiti na siya ngayon.
"Bagay sila ng papa mo." malungkot ang boses niya.
"Namimiss mo na ba ang mama't papa mo?" pag-aalinlangan kong tanong. Pabago bago kasi ang ekspresyon niya kaya hindi ko alam kung anong dapat sabihin. Siguro nangungulila siya ngayon sa mga mahal niya sa buhay.
Marahan siyang tumango. "Sanay naman na akong mag-isa."
Maging ako ay naapektuhan sa sinabi niya. Malungkot na naman siya na para bang ang dami dami niyang prinoproblema.
Hinawakan ko siya sa kamay niya at pinaupo sa tabi ko.
"Simula ngayon hindi ka na mag-iisa. Nandito ako, oh! Ok lang kahit suntukin mo ako lagi." binuksan ko ang magkabilang braso ko para sabihin sa kaniyang pwede niya akong suntukin kahit saan. Ayokong nakikita siyang malungkot.
Gumaan ang loob ko dahil sa pagtawa niya. "E, kung suntukin kita diyan sa ano mo, ha?" tinaas taas niya pa ang kilay niya na parang normal lang ang biro niya.
"Kung ano anong sinasabi mo. Kanino mo ba 'yan natututunan?" tumatawa kong tanong. Agad namang napalitan ng pagnguso ang ekspresyon niya.
"Bakit? sabi mo kahit saan, e." inosenteng sabi niya. Napailing nalang ako dahil sa kainosentehan niya. Hindi ko alam kung sadyang madumi ako mag-isip o inosente lang talaga siya.
"Masakit 'yon. Maliban doon kahit saan na pwede." pagpapaliwanag ko na agad niyang tinanguan. Lintek! kinakabahan ako sa mga sinasabi niya, e.
"Saan nga pala sila pumunta?" tanong niya habang nginunguso ang picture frame na kasama ko sila mama.
"Sa Bulacan daw. May event, e." nagkibit balikat ako.
"May surpresa pala ako sa'yo." nangingiti kong sabi nang makita ko ang paper bag sa tabi. Nakita ko ang excitement sa mga mata niya.
"Wow! Anong meron?" masigla niyang tanong. Kinukuha ko palang ang box sa loob ng paper bag pero sinisilip na niya agad kung ano ito. Dapat pala pinatalikod ko muna siya. Hindi na surprise 'to!
Nakangiti akong inabot sa kaniya ang box. Kita ko ang pagkamangha sa itsura niya. Pumalakpak pa siya nang makita niya ang kabuuan nito. Kinuha ko ulit iyon sa kaniya at ako mismo ang nagsuot. Titig na titig siya sa palapulsuhan niya habang hinahawakan ito matapos kong masuot sa kaniya.
"Ang ganda. Salamat!" hindi ko inasahan ang pagyakap niya bigla. Napalunok ako dahil sa naghuhuramentadong t***k ng puso ko. Napaawang ang bibig ko lalo na't mas hinigpitan niya pa ang yakap. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon at tumugon sa yakap niya.
"Basta ikaw." bulong ko sa tainga niya. Siya ang unang kumalas sa yakap. Sayang akala ko buong oras yayakapin niya ako.
"Siguradong mahal 'to. Dapat hindi ka na nag abala pa." nahihiyang sabi niya habang nakatingin sa akin.
"Okay lang yan mahal naman kita, e." bigla kong nasabi. Umawang ang bibig niya at hindi makapaniwala sa sinabi ko.
"Agad??" natatawang tanong niya. Nagkibit balikat ako bilang sagot.
"Malapit na. Konti nalang, Jancell." seryoso kong bigkas habang diretso ang tingin sa mga mata niya. Inilayo niya ang tingin sa akin at biglang tumayo. Ramdam ko ang biglang pagkabalisa niya matapos marinig ang sinabi ko.
Ayan na naman. Nabigla ko na naman yata siya. Lintek naman! E, kusa kasing lumalabas sa bibig ko. Ayoko namang itanggi dahil totoo ang sinabi ko. Unang beses palang naming magkita iba na ang nararamdaman ko sa kaniya.
"Bakit pala gusto mong pumunta sa kwarto ko? Pwede ka namang kumatok sa pinto bakit sa veranda ka na naman dumaan?" may halong pagkairita ang huli kong sinabi. Mamaya mapahamak pa siya sa ginagawa niya, e.
"Akala ko kasi nandito ang magulang mo kaya sa taas ako dumaan." nahihiyang paliwanag niya at humarap sa akin. Muli ko siyang pinaupo sa kama katabi ko.
"E, bakit nga gusto mong makita ang kwarto ko?" pinilit kong maging seryoso kahit na hindi nagpapapigil ang ngiti sa labi ko.
"Syempre! para makita ka." agad siyang nag-iwas ng tingin. Hindi ko napigilan ang paglabas ng ngiti na kanina ko pa tinatago.
"Alam mo bang hinintay kita sa parking lot noong linggo at kanina?" inilapit ko ang mukha ko sa kaniya. Ilang pulgada nalang ay magdidikit na ang ilong namin.
"Ha? Wala naman tayong usapan ah." nakangusong sabi niya. Agad dumako ang tingin ko sa mapupula niyang labi. Habang nakanguso siya para akong inaakit nito na halikan siya.
"Wala nga pero akala ko nandoon ka." kalmado kong sabi. Napansin ko na naman ang paglunok niya nang tignan ako sa mata. Pinagmasdas ko ang pagbaba niya ng tingin sa labi ko kaya naman napangisi ako. Nang mapansin niya sigurong nakita ko ang ginawa niya biglang umiwas siya ng tingin.
"Oh?" iyan nalang ang tanging nasabi niya. Tinitigan ko pa siya sa mata niya at natuwa ako sa naging epekto nito sa kaniya. Unti unting namumula ang mataba niyang pisngi kaya imbis na halikan siya ay pinisil ko nalang ang pisngi niya.
"Arrouch!" pagdaing niya na ikinatawa ko.
"Sana sinabihan mo akong pupunta ka dito para dumaretso na akong umuwi agad." usal ko habang pinanggigigilan siya.
"Denzill!" pagbabanta niya. Agad ko siyang nabitawan dahil umamba na naman siyang susuntukin ako.
"Denz nalang." nginitian ko siya. Sa pangalawang pagkakataon napanood ko na naman ang pang-iirap niya mismo sa akin. "Sabi mo hindi tayo close. Sinungitan mo pa ako dahil diyan!" natunugan ko ang pagtatampo sa boses niya.
"Close na tayo kaya Denz nalang." sabi ko.
"Ayoko." pagmamatigas niya pa.
"Denz ang itatawag mo sa'kin." pagpipilit ko.
"Bahala ka." natawa ako dahil umikot na naman ang mata niya. Hindi ko alam kung paano niya nagagawang maging mataray at mahinhin sa iisang sitwasyon.