SIYAM

3576 Words
Kabanata 9 Pang-siyam  Nanatili ang tingin ko sa kaniya habang punong puno ng pagkain ang bibig niya. Nagsalin ako ng tubig sa baso at inabot ko agad iyon sa tapat niya.  "Alam kong masarap ako pero hinay hinay lang." nakangisi kong sabi. Napatayo ako bigla dahil bigla siyang nabilaukan. Ininom niya agad ang tubig na sinalin ko bago masamang tumingin sa akin. "Ano?" natatawang tanong niya. "Yung niluto ko sabi ko, masarap, kaya hinay hinay lang." tawa ko. Bumuntong hininga siya at iiling iling na bumalik sa pagkain. Umupo din ako. Bago siya umuwi inalok ko muna siyang kumain para naman magtagal siya dito kahit papaano. Akala ko may makakain dito sa kusina kaya malakas ang loob kong alukin siya. Naalala kong wala pala si mama na siyang laging nag-aasikaso sa kusina kaya walang maayos na ulam ngayon. Paborito niya daw ang adobo dahil nakasanayan niyang kainin sa kanila iyon kaya nagluto ako para sa kaniya. Kahit hindi niya sabihing nasarapan siya, kita ko naman iyon sa paraan niya ng pagkain. "Kumain na kasi kami kanina ng mga kaibigan ko kaya busog pa ako." pagkwekwento ko. Agaran naman siyang tumango tango at sinubo ang huling ulam sa tinidor niya. "Busog na busog ako!" nakangiti siya habang hinihimas ang tiyan niya. Maliit lang siyang babae at hindi talaga halatang malakas siyang kumain.  "Good 'yan." usal ko at nagthumbs up sa harap niya. Matagal kaming nagtitigan bago magawang tumawa. Magaan ang loob ko sa kaniya. Gusto ko pa siyang makilala sa totoo lang. "Thank you." matamis na ngiti ang pinakita niya sa akin. Simpleng pasasalamat lang ang ginawa niya pero iba ang dulot nito sa akin. Pakiramdam ko tuloy may nagawa akong tama sa buong buhay ko. "Sa susunod na pumunta ka dito ipapakilala kita kay mama kaya huwag na huwag ka na ulit dadaan sa itaas ha?" tinignan ko siya ng seryoso at diretso sa mga mata niya. Nakita ko ang pag-aalinlangan niya sa sinabi ko pero marahan naman siyang tumango. "Naiintindihan mo?" pag-uulit ko. Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nakita ko siya isang araw na nakahilata sa bakuran dahil nahulog siya mula sa veranda ng kwarto ni papa.  "Oo nga." tawa niya. Tumayo ako at bahagyang ginulo ang buhok niya. Matapos niyang kumain ay hindi ko napigilan ang pagkwekwento sa kaniya. Humagalpak siya ng tawa nang marinig niya ang ginawa ko kanina sa mall. Masyado daw kasi akong gwapo kaya lumapit sa akin ang babae. Inasar ko naman siya dahil doon.  Syempre hindi ko kwinento sa kaniya na siya ang inisip ko habang nagkukunyaring may kausap. Baka isipin pa niyang patay na patay na ako sa kaniya. Alas otso y media nang magpaalam siya sa akin. Muli siyang nagpasalamat sa regalo ko sa kaniya at sa niluto ko. Inamin niyang masarap at magaling ako magluto kaya naman hindi ko maiwasang maging masaya. Nakakataba ng puso. "Ihahatid na nga kita. Madilim na, Jancell." pagpupumilit ko kahit na kalmado pa rin ang boses. Ayokong makita niyang naiirita ako sa pagtanggi niya. Kanina pa kami nagtatalo sa pag-alis niya pero hindi niya ako hinahayaang makalabas ng pinto namin. Pilit niya akong pinapabalik sa loob. "Kaya ko ang sarili ko, Denzill!"  "Denz nga lang!" pagtatama ko. Kunot noo ko siyang tinignan dahil ayaw na ayaw niyang hinahatid ko siya. Wala naman siyang kasama sa bahay nila, bakit ayaw niya? "Hindi ka aalis hangga't hindi ka pumapayag." seryoso ang tono ko habang nakatingin sa mga mata niya. Madilim na rin kasi sa labas at hindi ako mapapanatag kung hahayaan ko lang siyang umalis mag-isa. Bumuntong hininga siya at umiling. "Please? Wag ka nang makulit." pagmamakaawa niya. Bumalot naman ang pagtataka sa isip ko. Ayaw niyang malaman ko ang tinutuluyan niya. Hindi ko naman siya kinukulit, e. Nag-aalala lang ako para sa kaniya. Bumuntong hininga nalang din ako sa huli.  "Fine." may pagtatampo sa tono ko pero batid kong hindi niya man lang iyon napansin dahil ngumiti lang siya. Naisip niya sigurong natalo niya ako ngayon. Hindi na ako papayag sa susunod. "Ihahatid kita sa gate." nauna akong naglakad sa kaniya. Mabigat ang bawat hakbang ko hanggang sa makarating ako sa gate namin. Naramdaman ko naman ang pagsunod niya kaya binalikan ko siya ng tingin. Nakayuko siya habang nasa likod niya ang magkabilang kamay. "Sorry." malambing niyang sabi. Agad nawala ang pagtatampo ko nang biglang lumapat ang labi niya sa pisngi ko. Sa sobrang bilis ng ginawa niya ay parang isang ihip ng hangin lang ang dumapo sa akin at agad ding nawala kaya hindi ako agad nakagalaw. Rinig na rinig ko ang mala-tambol na pusong nagpapaingay sa dibdib ko sa mga oras na ito.  Nang matauhan ako ay nakita ko nalang siyang nasa labas na ng gate namin habang kumakaway at mabilis na naglakad paalis. Hinawakan ko ang pisngi ko kung saan niya ito hinalikan. Hindi ko mapigilan ang pag-iinit ng pisngi at bahagyang pag-ngiti. "Lintek! dapat sa labi na agad!" iiling iling kong sabi matapos isara ang gate. Nakalimutan ko tuloy bigla ang pag-aalala ko tungkol sa pag-uwi niya. Nakangiti akong pumasok ng bahay. Tumungo agad ako sa bakuran para ibalik sa garahe ang ladder na ginamit ni Jancell. Ang galing niyang gumawa ng paraan para makaakyat at makita ako. Gusto ko 'yan ha! pinag-eefortan ako.  Bibihira ang babaeng ganyan. Madalas lalaki ang nagpupumilit makapunta sa bahay ng babae.  Pakiramdam ko tuloy nakalutang ako habang naglalakad. Nakayap na siya sa akin kanina ngayon naman humalik pa. Aba! Jancell, namumuro ka na ha! Iiling iling ako habang nakangiti. Baka makita ako ng kapit bahay sa tapat na ganito ang itsura. Pagkamalan pa akong nababaliw. Natigil ako at tumingala mula sa kinatatayuan ko papunta sa veranda ni papa. Wala ang ladder sa pader o kahit anong pwedeng tungtungan ng kung sino. Naghanap ako ng ilang posibleng paraan sa pag-akyat pero imposible. Nasa ikalawang palapag ang veranda ni papa. Kung aabutin mo iyon ay hindi maaabot. Maging ako hindi ko kayang akyatin sa taas ng ganon ganon lang dahil walang kung anong pwedeng hawakan at apakan dito.  Malinis ang dingding. Napahawak tuloy ako sa baba ko at napaisip. Paano ka nakaakyat, Jancell?  Kumunot ang noo ko nang maalala noong pumunta rin siya dito. Natandaan ko naman noon na bumaba talaga siya sa ladder. Inalalayan ko pa nga siya, e. Nagtataka lang ako dahil hindi man lang ako pinagsabihan ni mama o papa na nakalabas ang ladder sa garahe. Sa mismong veranda pa ni papa nakapwesto. Bakit hindi ko naitanong iyon? Sinubukan kong talunin ang veranda mula sa kinatatayuan ko pero hindi man lang ako nanglahati. Hindi pwedeng tumalon siya? Baka naman gumapang siya? O di kaya'y may powers siya na pwedeng makalipad? Napailing ako kakaisip. Tatanungin ko nalang siya kapag nagkita ulit kami.  Mag-aalas dose na pero dilat na dila pa rin ang mata ko. Hindi mawala sa isip ko na pumunta talaga si Jancell dito para makita ako. Bawing bawi ang 7k sa halik at yakap niya. Hindi na ako magtataka kung makatulog akong nakangiti ngayong gabi. Ang sarap sa pakiramdam.  Sa kalagitnaan ng kilig ko, sumagi sa isip ko ang libro ni papa. Tutal wala naman siya ngayon bakit kaya hindi ko ituloy ang pagbabasa? Hindi ako nagdalawang isip tumayo at masiglang nagtungo sa silid ni papa. Saglit lang talaga. April 01, 1989 Laguna               Natapos ko ang ikatlong taon sa kolehiyo. Masaya akong isiping sa susunod na taon ay malapit na akong makapagtapos. Halos isang buwan ang lumipas. Naging kaibigan ko si Helli at napagkasunduan naming tutulungan niya ako sa panliligaw kay Lea. Sayang at hindi na kami muling nakapag-usap pa nang matagal simula noong huli ko siyang nakasama. Marahil ay abala siya sa kaniyang kursong medisina. Gusto ko pa siyang makilala nang lubusan. Habang tumatagal kasi nararamdaman kong mas lalo akong nahuhulog sa kaniya. Sa ngayon abala ako sa paghahanap ng aking susuotin para sa gaganaping munting salo salo mamaya. Sa bahay ni Helli gaganapin ang handaan kaya hindi ako mapakali sa aking susuotin. Siguradong nandoon si Lea.  "Paano mo nalaman ang bahay ni Helli? Siguro tuwing tapos ng klase pinupuntahan mo siya, ano?" pagbibiro ni Lito.  Hindi ko mapigilan ang matawa dahil sa sinabi niya. Nakasanayan ko na ang pagbibiro niya tungkol sa amin ni Helli. Madalas niya daw kasi kaming natatanaw na magkasama. Pinaliwanag ko na ang bagay na iyon sa kaniya dati pero patuloy pa rin siya sa pagbibiro. "Isang beses palang akong nakapunta sa kanila." ani ko.  Nagdesisyon kaming maglakad lang. Pinuntahan ako ni Lito kanina sa aming bahay para magsabay kami kung saaan kami patungo ngayon. Gayak na gayak ako dahil umaasa akong makikita ko si Lea. Patuloy ang pag-uusap namin hanggang sa makarating kami sa harap ng bakuran nila Helli. Dito palang sa labas natatanaw ko na ang maliit na salo salo sa loob ng bakuran. Naroon ang iilang kaibigan at kaklase namin. Halos sila rin ang pumunta sa kaarawan ko noong nakaraang buwan, may iilan nga lang akong hindi nakilala pero karamihan ay namumukhaan ko naman. "Fernand!" masiglang sigaw ni Helli nang magtama ang paningin namin. Tumakbo siya palapit sa pwesto namin at iginaya kami ni Lito sa loob. Maganda ang pag-kakaayos, simple lang pero buhay na buhay ang mga kulay ng bilog na lamesa't upuan. Maraming pagkain ang nakahanda sa unahan na talagang nakakaagaw pansin. "Fernand! Lito!" sigaw ang iilan nang makita kaming pumasok. Magkasabay kaming kumaway ni Lito at hindi rin nagtagal ay humiwalay siya sa akin. Kung sino sino ang kumausap sa akin pero isang tao lang ang hinanap ng mga mata ko. Nakaupo siya sa isang upuan at bakante ang dalawang kasunod nito. Nakapwesto ang lamesa niya sa bandang gitna. Hindi ko man lang namalayan na naroon na din si Lito sa lamesa niya.  "Mayroon pang hindi nakakarating kaya hihintayin muna natin bago magsimula." nakangiting sabi ni Helli sa tabi ko. Hindi ko namalayan na nandito pa pala siya. Tumango nalang ako biglang pagtugon. Diretso akong umupo sa tabi ni Lea. Naramdaman ko ang biglang pagkakadiretso niya sa pagkakaupo at nag-iwas ng tingin. Hindi niya yata nakita na tumabi ako sa kaniya.  O baka naman nagkukunyari lang siyang hindi ako nakita? Maganda ang suot niyang bestida. May mga bulaklak na nakaimprinta doon na marahang humahapit sa katawan niya. Nakalantad din ang maalon niyang buhok at hindi maiiwasang dumaan sa ilong ko ang halimuyak ng pabango niya.  "Kamusta?" hindi ko alam kung paano ko nasabi ang salitang iyon. Kinakabahan ako na baka hindi niya man lang narinig dahil sa hina ng pagkakasabi ko.  Nakita ko ang pagkakataranta sa kilos niya nang lingunin ako. Naramdaman ko naman ang pagtabi sa akin ni Helli sa kaliwa ko. "A-ahh ayos lang."  anito. Inabot niya ang baso na nakalapag sa harap niya at agad itong ininom. Nangalahati agad ang puno na baso.  "Talaga?" pagkukumpirma ko. Kung kinakabahan ako ngayon batid kong mas kinakabahan siya. Napansin ko kasi ang pagkautal sa malambing niyang boses. "Gutom ka na ba, Fernand?" bumaling ang tingin ko kay Helli na ngayon ay nakangiti sa akin. Matabang din niyang nginitian si Lea. Umiling ako. "Ikaw gutom ka na ba?" pagpapasa ko ng tanong kay Lea. Agad na nagtama ang paningin namin kaya naman hindi ko maiwasang mamangha sa kaonting kulay sa mukha niya. Nananatili pa rin siyang simple ngunit may dating. Nahihiya siyang tumango. "Oo, pero makakapaghintay pa naman ako para mamaya."  "Iba ka talaga, Fernand! dalawa dalawa 'yan, ha?"   Sabay sabay na bumaling ang tingin namin kay Lito. Tumatawa siya at tinuturo ang dalawang babae sa tabi ko. Hindi ko napigilan ang pagtingin sa kaniya ng masama. Ayan na naman siya sa pagbibiro niya. "Ano ka ba, Lito! manahimik ka nga riyan!" pagpapatahimik sa kaniya ng kaibigan sa tabi. Si Neli. Balita ko nagliligawan ang dalawang iyan at nagkakamabutihan. Narinig ko ang pagtawa ni Lea sa tabi ko. Hindi ko maiwasang panoorin siya sa ganoong reaksyon. Tumigil siya nang mapansin ang pagtitig ko kaya agad siyang nag-iwas ng tingin. Ganoon din ang ginawa ko. Nakakahiya. Ilang minuto ang lumipas nang magsimula ang salo salo. May kaonting kamustahan at sayawan na naganap. Kahit anong pilit sa akin ay hindi ako nakihalubilo sa kanila dahil hindi naman ako marunong sa pagsasayaw. Hindi ko alam kung bakit naiwan kaming tatlo ni Lea at Helli sa lamesa. Walang gustong magsalita kaya naman mga hiyawan at tawanan lamang ng iba ang sadyang naririnig namin. "Hindi kayo magsasayaw?"  Mabilis kong binalingan ng tingin si Lea nang basagin niya ang katahimikan. Tensyonado siyang nakatingin sa amin ni Helli. Mabilis niya akong pinasadahan ng tingin bago magtagal ang tingin niya sa katabi ko. "Hindi ako sumasayaw." nahihiya kong sagot. "Sasamahan ko nalang si Fernand dito." ngiti ni Helli sa kaibigan. Hindi ko maiwasang maikunot ang noo ko. Akala ko ba tutulungan niya ako sa panliligaw? Hindi ba't magandang simula iyon dito? Mas mabuti ngang magsayaw muna siya para naman makapag-usap kami ni Lea. "Ahh ganon ba, Helli? Sige, dito na rin ako tutal hindi rin ako sumasayaw." sagot niya na para bang si Helli lang ang kausap niya. Bakit hindi niya ako matignan? Nag-iwas ulit siya ng tingin at sumimsim sa basong nainuman niya kanina. Kinuha ko ang pagkakataon para kausapin si Helli. "Ayaw mo talagang sumayaw?" pamimilit ko sa kaniya. Sinuri niya ang gusto kong gawin bago natawa. "Oras ba ang hinihingi mo, Mr. Soliva?" may halong pang-aasar ang tono ng pananalita niya. Napangiti ako at marahang tumango nang makuha niya ang ibig kong sabihin. "Pinapaalis mo talaga ako." iiling iling niyang sabi. Nakahawak siya sa sariling dibdib at animo'y nasasaktan sa gagawin niya. Tumawa ako sa ginawa niya. "Bumalik ka dito kapag kami na." biro ko. Mabilis na nanlisik ang mata niya at hinampas ang kaliwang dibdib ko. "Gaano ka ba kabilis manligaw? limang minuto? Ngayon mo pa nga lang kakausapin sa tingin mo makukuha mo agad ang sagot niya?" mabilis niyang sabi. Nakaekis ang dalawang braso nito at nakikita ko na naman ang pagtataray niya. "Nagbibiro lang ako. Sige na, umalis ka na!" natatawa kong usal. Sininghalan niya ako. Hinawakan niya ang kwelyo ng polo ko at hinila ito papalapit sa kaniya. Sa gulat ko ay mabilis akong umiwas ngunit nanatili siyang malapit. "Utang mo 'to sa'kin."  bulong niya sa tainga ko bago umalis. Huminga ako nang malalim bago napagtanto ang ginawa niya. Nakita ko ang iilan na nakangising aso sa nangyari. Kung ano ano na naman ang iniiisip nila. Bago pa masayang ang oras ko ay nilingon ko na ang babaeng matagal ko nang gustong makausap.  Nagitla ako sa paglingon sa kaniya dahil nakatingin rin pala siya sa akin. Hindi naman niya siguro nakita ang ginawa ni Helli sa akin. Simpleng paglapit lamang iyon at walang kahulugan sa akin. "Nagkakamabutihan pala kayo ng kaibigan ko." anito habang tumatango tango. "May binulong lang siya sa akin. Kaibigan ko lang siya." huminto ako sa sinasabi ko. Hindi ko alam na nagpapaliwanag talaga ako sa harap niya. Tumingin siya ng diretso sa mata ko at parang may hinahanap. Nilabanan ko ang tingin niya kahit sobra itong nagpapakabog sa puso ko. "Bakit hindi mo siya ligawan? Bagay kayo." sabi niya pa bago tuluyang nag-iwas ng tingin. "May iba akong gusto." hindi ko naiwasan ang paglabas nito sa bibig ko. Nilingon niya ako at nakita koo ang pagkislap sa mga mata niya.  Hindi ko alam kung guni guni ko lamang o nakita ko talaga ang multo ng ngiti niya. "K-Kung ganoon, sino ang gusto mo?" matapang niyang tanong. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa kaniya ngayon dahil ayokong mabigla siya. Ngunit kung iisipin, ayoko ring maunahan ng iba. Maganda siya at matalino, hindi imposibleng walang gustong manligaw sa kaniya. Pakiramdam ko biglang namawis ang kamay ko. "Ikaw." pag-amin ko.  Nakita ko ang bahagyang gulat sa mukha niya. Umawang ang bibig niya sa bigla kong sinabi. Hindi ko napigilan ang tensyon na nararamdaman ko kaya naman mabilis ko ding nainom ang tubig sa harap ko. Parang sasabog ang dibdib ko sa kaba. Namula ang pisngi siya at sa ilang pagkakataon ay nag-iwas muli siya ng tingin. Nakakabigla ba ang ginawa ko? Ngayon mukhang hindi ko na alam ang susunod kong sasabihin. Nabalot ng katahimikan ang lugar naming dalawa. "Kayong dalawa! Halina kayo rito!" laking pasasalamat ko nang sumigaw si Lito at binasag ang nakakabinging katahimikan sa pagitan amin. Halos lahat na ay nagsasayawan at kaming dalawa nalamang ang natititrang nakaupo. Nagdesisyon akong tumayo at pinaanyayahan ang katabi kong magsayaw gamit ang paglalahad ng kamay sa kaniya.  "H-hindi ako marunong, kayo nalang." nahihiyang bigkas niya. "Sasamahan kita. Hindi rin ako marunong." seryoso kong sabi. May lakas ng loob pa akong anyayahan siya gayong hindi naman ako sumasayaw. Pakiramdam ko may humaplos sa aking puso nang lumapat ang malambot niyang palad sa akin. Panibagong kahihiyan ang nangyari nang humalo kami sa mga kaibigan ngunit nanatili kaming matuwid. Panay ang hiyawan nila at pagtatatalon kasabay ng masiglang awitin. May ibang nakikisabay sa kanta at bigay na bigay na sumasayaw. Nahihiya kong nilingon ang babaeng kaharap ko. Kami lang ang naiiba sa kanila. Bukod sa nakatayo lang kami rito na parang estatwa, hindi rin kami nagiimikan.  Nagkatitigan kami. Namangha ako nang makita ko ulit siyang natawa. Hinahangin ang mahaba niyang buhok kasabay ng pagsayaw ng bestida niya. "Nakakahiya." natatawang sambit niya habang tinatakpan ng dalawang palad niya ang mukha. Hindi ko alam ang gagawin ko. Pinagpapawisan ako ng malamig dahil hindi ko malaman kung paano matatanggal ang hiya niya. Kung nahihiya siya siguro doble iyon sa nararamdaman ko. Kailangan kong gawin ito. Huminga ako ng malalim at nagsimulang gumalaw. Sinimulan ko ang pagsasayaw sa pagtatalon at pakikisabay sa hiyawan para mailabas ko ang nararamdaman. Dahan dahan niyang binaba ang kamay niya sa mukha at natatawang tinignan ko. Namumula ang mukha niya habang tumatawa. Hindi ko alam ang ginagawa ko pero mukha namang tama dahil napapasaya ko siya kahit papaano. Nakakabaliw. "Sabayan mo 'ko." ani ko. Hindi napigilan ang matawa dahil sa kahihiyan. Gusto kong magpakain nalang ngayon sa lupa at hindi na muling makita pa dahil sa ginagawa kong mga galaw. "Anong ginagawa mo?" tumatawa niyang tanong. Nakita ko ang pagsabay niya sa talon at paghiyaw. Hiyang hiya ang mukha naming dalawa habang tumatawa. "Sumabay ka nalang para hindi lang ako ang nahihiya." sabi ko. Tumango siya at buong tapang na ginaya ang galaw ko. Gusto ko siyang tawanan dahil hindi nga talaga siya marunong.  Hindi ko napigilan ang tawa ko at lumabas iyon ng kusa. Nabigla ako nang pabiro niya akong sinuntok sa balikat. "H'wag mo akong tawanan, pareho lang naman tayong hindi marunong." nakangusong sambit niya dahilan ng pagtawa naming dalawa. Hindi ko alam na may isasaya pa ang sandaling iyon nang pinayagan niya akong manligaw. Nagpasalamat siyang muli sa akin dahil sa panggagamot ko sa sugat niya noong nakaraan naming pagkikita. Masayang natapos ang salo salo kaya naman malaki ang pasasalamat ko kay Helli. Kinabukasan niyaya niya akong lumabas na hindi ko tinanggihan. Pasasalamat ko na rin iyon sa kaniya dahil sa pagtulong sa akin.  "Gising na, Denz!"  "Aynako kang bata ka talaga! Kapag ikaw naabutan ng papa mo dito."  Napamulat ako ng mata dahil sa narinig. Hindi ko namalayan na nakatulog pala ako sa kwarto ni papa dahil sa pagbabasa. Natataranta akong bumalikwas ng bangon at hinanap agad ang libro. "Ma? May nakita ka bang libro?" tanong ko habang hinahagilap sa shelf ang hinahanap. "Wala. Nakita kitang tulog dito sa sofa kaya ginising kita baka mayari ka na naman sa papa mo." kibit balikat niyang sabi.  Laking pasasalamat ko nang makita ko ang libro sa dulo ng shelf. Hindi ko naman natatandaan na ibinalik ko iyon doon, siguro nakalimutan ko lang.  "Bakit ka ba dito natulog?" nagtatakang tanong ni mama. Nakabihis pa rin siya at halatang kadarating lang. Lintek! si papa! "Babalik na ko sa kwarto ko, ma, baka umakyat si papa." nagmamadali kong sabi. Hinawakan niya ang braso ko at pinakalma.  "Huwag kang mag-alala, nagpaiwan ang papa mo sa Bulacan." pinigilan ni mama ang matawa. Nahalata niya siguro ang pagkakataranta ko. Bigla namang lumiwanag ang mukha ko dahil sa sinabi niya.  "Hanggang kailan, ma?" tanong ko.  "Siguro sa makalawa lang. Naextend kasi iyong event." pagpapaliwanag niya. Tumango naman ako at napangiti. Ibig sabihin nakakasalisi ako sa kwarto ni papa para mabasa ang libro niya hanggang sa umuwi siya. Napansin kong madaling araw palang dahil sa naghahalong kulay ng asul at dilaw sa kalangitan. Papalabas palang si haring araw. Dahil sa naramdaman kong kaba kanina ay hindi na ako muling nakatulog. Kinamusta ko si mama at kwinento niyang talagang maraming tagahanga si papa sa Bulacan. Marami daw nagpapapirma sa bago niyang labas na libro at talagang pinilahan. Pasimple akong namangha sa kaniya. Hindi pa ako nakabasa ng libro ni papa maliban sa binabasa ko ngayon. Batid kong diary niya nga iyon at ginawa lang pormal.  Paano niya kaya nalaman ang propesyon na gusto niya? samantalang ako hindi ko man lang mapili ang kukunin kong kurso sa susunod na pasukan. Pinagpipilian ko palang maging guro din o engineer. Sana man lang pinamanahan ako ni papa ng husay niya sa pagsusulat. Paniguradong sisikat din ako dahil dala ko ang sikat niyang apilyido. "Ma, diba may matalik kang kaibigan dati o bestfriend ganon?" pagtatanong ko. Kumunot ang noo niya dahil sa pag-iiba ko ng usapan.  Bumuntong hininga siya at nag-iwas ng tingin. "Sino sa mga kaibigan ko, Denz?" tanong niya. "Si Lea." hindi ako nagdalawang isip sabihin sa kaniya iyon. Gulat ang mata niyang tumingin sa akin. Nagtaka naman ako sa naging reaksyon ni mama. Siguro hindi niya inaasahang may alam ako kay Lea.  "Matagal na siyang patay."  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD