SAMPU

3476 Words
Kabanata 10 Pang-sampu Hindi ko alam kung paano ilalarawan ang bilis ng panahon. Natapos ang nobyembre at ngayo'y nasa kalagitnaan na ng disyembre. Christmas break namin ngayon nang mapagdesisyonan nila mama na umuwi ng probinsya. Syempre kasama ako. Hindi ako kailan man nasanay sa Tarlac, bukod kasi sa hindi ko gaano nakakasundo ang mga pinsan ko doon, lumaki ako sa Manila. "Uuwi kami sa Tarlac."  Bakas man sa mukha niya ang lungkot, pinanatili niya ang ngiti sa labi at tuloy tuloy na tumango. "Babalik naman kayo 'di ba?" tanong niya na puno ng pag-asa. Pakiramdam ko mamimiss ko siya ng sobra. Naging kasundo ko na kasi siya nitong mga nagdaang buwan at unti unting nakikilala. Nakangiti akong tumango. "Oo naman. Mamimiss kita kung hindi." seryoso kong sabi. Nag-iwas siya ng tingin nang marinig ang sinabi ko at ngumuso.  "Dapat lang. Kailan ang balik niyo kung ganoon?" parang batang tanong niya.  "Sa bagong taon." mataman kong sabi. Hinangin ang puti niyang bestida kasabay ng mahaba niyang buhok. Hinawi ko ang takas na buhok niya at inilipat iyon sa likod ng kaniyang tainga. Nagtama ang tingin namin at kita ko ang lungkot doon. "Mabilis lang 'yon! Ta'mo magugulat ka nandito na ulit ako." pagpapagaan ko ng loob niya. Bumuntong hininga ako nang hindi nagbago ang ekspresyon ng mukha niya. "H'wag ka ng malungkot! Para kang angry bird oh!" pinilit ko ang tumawa. Bigla akong natigil dahil lumapat na naman ang kamao niya sa dibdib ko. Idol niya 'ata si Manny. "Akala ko kasi kasama kita sa pasko." aniya. Napaawang ang bibig ko nang maalalang wala nga pala siyang kasama sa kanila. Wala siyang kasama sa pasko at bagong taon kundi ang pusa niya. "Hindi ka ba uuwi sa mga kapatid mo?" pag-aalala ko na agad naman niyang inilingan. "Dito lang ako." puno ng lungkot at pangungulila ang tono niya. Huminga ako ng malalim. Kung pwede ko lang siyang isama, e. "Susubukan kong umuwi pagkatapos ng pasko para sabay nating sasalubungin ang bagong taon, okay?" pinisil ko ang magkabilaang niyang pisngi habang nagsasalita. Kahit nakasimangot siya sa ginagawa ko, nakitaan ko siya ng kislap sa mga mata. Ayokong nalulungkot siya kaya gagawa talaga ako ng paraan. "Kami rin uuwi sa Baguio. Nandoon ang buong lahi ko, e." tumatawang kwento ni Josh habang magka-video call kaming tatlo. Halata sa background ni Josh na nasa kotse siya ng pamilya at ngayon ang uwi sa Baguio. Katabi niya pa ang nakababatang kapatid na ngayon ay sinisimangutan siya sa kaniyang sinasabi. "Kami dito lang. Inimbita ko ang girlfriend ko para makilala ng pamilya." mahangin na sabi ni Uno.  Nagtawanan kami ni Josh. Nasa loob siya ng kwarto niya at patay ang ilaw halatang kagigising lang. "Sinong girlfriend mo?" tumatawa kong tanong. "Dalawa silang pinapunta ko. Kung sinong mauna siya papakilala ko." kibit balikat niyang sabi. Patuloy ang tawa ni Josh sa kabilang linya samantalang napailing nalang ako.  "Ewan ko sayo." iling ko. Ewan ko nalang kung hindi magkagulo ang mga babae niya sa bahay nila.  Masaya kong pinatay ang tawag. Kahit papaano nakakagaan ng loob kausapin ang dalawa. Nagtatampo nga sila dahil hindi ko pa daw pinapakilala si Jancell sa kanila. Tuwing niyayaya ko kasi si Jancell na sumama sa lakad naming tatlo, tumatanggi siya. Nahihiya daw siya at hindi ko maintindihan kung anong kinakahiya niya. Madaling araw nang ginising ako ni mama. Alam ko na ang gagawin kaya kahit malamig dumaretso ako sa banyo at naligo. Nag-impake na ako kagabi ng mga damit ko kaya pagkatapos kong magbihis ay bumaba ako sa kusina.  Ibinaba ko ang hawak kong bag pack at isang shoulder bag na puno ng iba't ibang damit. Nilingon agad ako ni mama at papa na ngayon ay kumakain na. "May gatas na diyan, Denz." nginuso sa akin ni mama ang tasa sa tapat ng plato ko.  "Goodmorningggg!" masigla kong bati. "Morning." malamig na bati ni papa. Lumunok ako ng isang beses bago ko narinig ang pagbati ni mama na kasing sigla ng sa akin. Nagsimula akong kumuha ng kanin sa plato ko at tahimik na kumain. Ibinaba ni papa ang binabasang dyaryo at seryosong tumingin sa akin. Naitigil ko tuloy ang pag-nguya at nag-aalinlangang tignan siya.  Lumunok ako. "May girlfriend ka na ba?"  Nabilaukan bigla ako sa kinakain. Inabot ko ang tasa na nasa harap ko para inumin ngunit agad ko iyong nailayo sa akin dahil sa sobrag init. Natapunan tuloy ang t-shirt ko at nabasa. Mabuti nalang inabutan ako ni mama ng tubig para mainom ko. "Denzill." tawag niya pang muli.  "W-wala pa po pa." nahihiyang sabi ko. Hindi ko naman kasi inaasahan na interesado pala siyang malaman ang ganoong impormasyon tungkol sa akin. "Mabuti naman. Magtapos ka muna ng pag-aaral, magtrabaho ka bago manligaw." pag-uutos niya. Pinilit kong tumango kahit na nakaplano na akong ligawan si Jancell pagkabalik namin dito sa Manila. "Kilalanin mo nang maayos ang babaeng ihaharap mo sa'min ng mama mo." pahabol niya pa. Ang baba ng boses niya at halatang seryoso sa dinidikta sa akin. Tumango ulit ako at pinagpatuloy ang pagkain. Tama naman siyang dapat kinikilala ng husto ang babaeng liligawan pero kung gusto ko mang manligaw nasa akin na 'yon kung paano at sino.  Inutusan nila akong maglagay ng mga gamit sa kotse. May pag-uusapan daw muna kasi sila kaya naman hindi ako nagdalawang isip lumabas matapos kong palitan ang suot kong damit na namantsahan. Kung ano man ang pag-uusapan nila ay hindi ko alam.  Kunot noo kong binuhat ang mga bagahe nila mama at papa. Ang dami nilang dala kumpara sa akin. Masasabi kong si papa ang pinakamaraming bibit dahil sa iilang folders, papel at libro na nagpapabigat sa dala niya. Nailagay ko nga din ang paborito niyang typewriter na naluluma na. Hindi ko alam kung saan ko pa isisiksik ang ibang gamit. "Denzill." inilabas ko agad ang ulo ko dahil sa narinig kong boses. Pamilyar ito kaya nahulaan ko agad kung sino.  Naging mabilis ang t***k ng puso ko nang makita ko siyang suot ang binigay kong dress na sinamahan ng kumikinang niyang bracelet na galing din sa akin. Napangiti ako. Bago pa ako magsalita ay agad na siyang nakalapit sa akin at sinara ang espasyo sa aming dalawa. Mahigpit niya akong niyakap na agad kong tinugunan. Hinigpitan ko pa ang yakap nang ibinaon niya ang mukha sa dibidb ko. Miss na agad ako ng baby ko. "Hindi pa nga ako umaalis, namimiss mo na 'ko." pagbibiro ko. Inilayo ko siya sa akin dahil narinig ko ang mahihinang hikbi niya. Sunod sunod pa ang paggalaw ng balikat niya dahil sa ginagawang pag-iyak. Hindi ko tuloy maiwasang yakapin siya ulit. Lintek! Dito nalang kaya ako? Takas nalang ako kay mama at papa. "Shhh. Babalik ako promise." pagpapatahan ko sa kaniya habang hinahaplos nang paulit ulit ang balikat niya. Ang maliit niyang katawan ay halos matabunan ko na. "Babye." hirap na hirap siyang magsalita dahil sa lumalakas niyang paghikbi. Hindi ko alam kung maiiwan ko ba siyang ganito. "Babalik pa ako kaya anong babye?" natatawa kong tanong. Nilingon niya ako habang nanlilisik ang dalawang mata siya at hinarap ang kamao niya sa mismong mukha ko. "Kapag hindi ka bumalik matitikman mo talaga 'to!" pagbabanta niya habang nakanguso. Natawa ako sa reaksyon niya. "Crush mo na din ako, no?" pang-aasar ko. Umismid siya at pinunasan ang luha. Agad ko siyang pinigilan at ibinaba ang kamay niya. Ako mismo ang nagpahid ng luha sa pisngi niya. "Ang pangit mong umiyak talaga." biro ko ulit. Tinignan ko siya sa mata na ngayon ay nanlalaban din ng tingin. Malungkot talaga ang nakikita ko habang nakahawak ako sa magkabilang pisngi niya. "Pagkabalik ko dapat tayo na." seryoso kong sabi dahilan nang mabilis niyang paglayo sa akin. Umikot na naman ang mata niya matapos makabawi sa pag-iyak. "Ayoko." nakanguso niyang bulong. Kumunot ang noo ko sa sinabi niya. "Gusto ko." pagpupumilit ko. Bumuntong hininga ako dahil may pumatak na naman na luha sa pisngi niya. "Baka palabas na sila mama." sabi ko.  Hindi naman ako natatakot na mahuli kaming dalawa dahil handa naman akong ipakilala siya. Matagal ko na ding pinag-isipan ang sasabihin kung sakaling mahuli kami ni papa nang wala sa plano ko. "Aalis na 'ko." pagmamadali niya. "Sigurado ka?" pagkukumpirma ko. "Kapag umalis ka na, sa susunod mo na ulit ako makikita." ngayon may pananakot sa tono ko. Hindi ko alam na ganito ang magiging epekto sa kaniya ng pag-alis ko. Ilang beses ko ng sinabi sa kaniya na hindi naman ako magtatagal. Magpapalipas lang ako ng pasko at hindi mangingibang bansa kaya natutuwa ako sa reaksyon niya. Tumango lang siya. "Aalis na nga ako." nagsimulang sumimangot ang mukha niya. Nagpigil ako ng ngiti. "Sige. Ingat ka." kunyaring pagpapaalam ko. Nanatili pa rin siya sa harap ko kahit na kanina niya pa sinasabi na aalis na daw siya. Hindi ko napigilan ang sarili kong higitin siya para sa mas mahabang yakap. "Kahit hindi mo sabihin alam ko ang nararamdaman mo." bulong ko at hinalikan ang noo niya. "Saan ka naman pupunta?" tanong sa pagitan ng yakap naming dalawa. Ibinaon niya ang mukha sa dibdib ko. "Maghahanap ng bagong kaibigan." sarkastikong sabi niya. Hinawakan ko siya sa magkabilang balikat at nilayo sa akin. Sapat lang para makita ang mukha niya. "Hindi ka makikipagkaibigan sa lalaki." buo ang boses ko. Mataman ko siyang tinignan nang muli niya akong inirapan. "Kapag hindi ako nainip." sabi niya. Napaawang ang labi ko sa narinig. Aba't! Mabilis ko siyang sinamaan ng tingin dahilan ng pagtawa niya. Lalo tuloy lumalim ang dimples niya sa pagtawa. Mabuti naman at ngumiti din siya. "Joke lang. Uuwi na ko sa bahay, hinihintay ako ni Shadow." pagpapaliwanag niya.  Tumango ako. Umatras siya sa akin habang kumakaway habang hindi inaalis ang paningin namin sa isa't isa. Ayokong nakikita siyang naglalakad papalayo sa akin. Parang nakakalungkot panoorin lalo na't gusto ko na talaga siya. Wala pa atang tatlong metro ang layo niya nang maglakad ako ulit papalapit sa kaniya at halikan siya sa labi. Ramdam ko ang pagbilis ng t***k ng puso ko sa ginawa. Gulat ang mata niyang nakatingin sa akin.  "Babalik ako."  Buong byahe wala akong ibang inisip kung hindi si Jancell. Hindi ko alam na may ilalambot pa pala ang labi niyang iyon. Parang ang sarap ulit ulitin. Hindi ko na nahintay ang sasabihin niya kanina dahil tumakbo na ako pabalik ng may ngiti sa labi. Nahihiya ako sa ginawa ko sa kaniya pero nangingibabaw ang pagkagusto ko. Pinilit kong matulog. Madalas apat na oras ang byahe namin mula Manila papuntang Tarlac. Minsan dahil sa traffic kaya nagtatagal. Nakasalpak ang headphones sa tainga ko habang nakasandal ako sa malambot na neck pillow at bahagyang nakahiga. Sakop ko ang backseat dahil nasa harap si mama at papa. Katabi ko lang ang iilang gamit na mahahalaga.   "Apin na yan ing anak mu?"  Naimulat ko bigla ang mata ko dahil sa kakaibang lenggwaheng narinig. Nakita ko ang isang kaedad ni mama na nakatanaw sa bukas na pinto ng kotse. May ilan pang nasa likod niya at nakikitingin kung anong meron dito sa loob.  Agad akong napaayos ng upo nang mapagtantong nandito na kami sa nasabing bahay bakasyunan. Hanggang ngayon hindi pa rin ako pamilyar sa linggwahe nila kaya naman nag-aalinlangang ngiti lang ang naipapakita ko. "Ang gwapo, 'te!" rinig kong bulong ng babae sa katabi niya. Nasa likod sila ng ginang na kausap ni mama ngayon. "Denz, si tita Thea mo." bumaling si mama sa gawi ko.  "Hello po." nahihiyang bati ko. Kaya pala halos may hawig siya kay mama. "Jusko! Kapogi ni ne!" pumapalakpak niyang sabi habang tinuturo ako sa katabi niyang lalaki. Mukhang asawa niya.  "Thea, hindi marunong magkapampangan 'yang pamangkin mo." natatawang kwento ni mama. "Sabi niya ang gwapo mo daw." pagpapaliwanag ni mama sa akin. Hindi ko maiwasang mahiya sa mga tao dito at nagpasalamat nalang. Mukhang wala naman akong makakausap dito dahil hindi pa kami magkakasundo ng mga magpipinsan. "Ikami na bala kareng dadalan yu, Fernand." baling ni tita kay papa sa hindi ko malamang salita.  "Salamat, Thea." pagtango ni papa sa kaniya bago lumingon sa akin. "Sila na daw ang bahala sa mga gamit, lumabas ka na diyan, Denz." utos ni papa sa akin bago niya ako iwan sa loob.  Kinuha ko ang iilang gamit na kaya kong dalhin at lumabas din. Hindi ko maiwasang mamangha sa naglalakihang puno at kakaibang hanging nalalanghap ko. Nasa tapat kami ng malaking bahay na nasisiguro kong ilang pamilya ang nakatira. May mga naglalakihang parol at christmas light na hindi pa pinapailaw, siguradong maganda sila kapag gabi. Halos lahat ng tao sa bahay ay nasa labas para salubungin kami. Napaiwas nalang ako ng tingin at kunyaring nagmamasid sa paligid dahil halos lahat ng mata nila ay nasa akin. Lintek! Gwapo ako, oo! pero wag naman ipahalata.  "Kuyaa!" may batang babaeng lumapit sa akin habang may lollipop sa bibig niya. May yakap yakap siyang maliit na stuff toy. Maiksi ang buhok niya at may bangs pa. Hula ko mga nasa limang taong gulang palang siya. Lumuhod ako para mapantayan siya. "Hello!" nakangiti kong bati. Hindi ko siya matandaan kung nakita ko na ba siya dati pero malamang hindi kasi matagal na kong hindi nakauwi dito at mukhang wala pa siya noon. "Usto mo?" bigkas niya.  Hindi pa siya diretso magsalita. Itinapat niya sa bibig ko ang lollipop na galing sa bibig niya.  Ang cute niya pero dugyot. "Aria!" may lumapit na babae sa kaniya at agad na binuhat ito. Tumayo na ulit ako. "Nako! Denzill, pasensya na." sabi niya habang buhat ang anak. Mukha pa siyang bata at sa tingin ko hindi malayo ang agwat ng edad namin. "Okay lang. Ang cute niya nga, e." natatawang sabi ko habang tumatango.  Hindi ko alam kung paano nila nakilala ang pangalan ko. Minsan lang naman ako bumisita dito pero halos kilala nila kami. Siguro sikat nga talaga sa probinsya ang mga taga-Maynila. Kung alam lang nilang karamihan sa nakatira sa Maynila ay mas gugustuhing manirahan sa probinsya. Masaya ang pakikitungo nila sa amin. Karamihan sa nandoon ay mga pinsan ko at mga tita't tito. Malaki ang kabuuan ng bahay, may anim na kwarto at dalawa doon ay inilaan para sa amin. Magkasama si mama at papa sa kwarto samantalang mag-isa lang ako sa kabila. Nagulat din ako nang makitang may hardin sa likod ng bahay. Halatang inalagaan ng husto ang mga halaman dahil sa malalagong bunga nito.  Habang nasa hapag kainan hindi ko maiwasang hindi isiping hindi ako kabilang sa pag-uusap nila. Nagsasalita sila ng tagalog pero karamihan ay hindi ko maintindihan kaya inabala ko ang sarili ko sa mga pagkaing nakahain sa hapag. Marami iyon hindi halatang pinaghandaan ang pagdating namin dahil sa mga handa.  "18 ka na 'di ba?" malalim ang boses ang narinig ko mula sa likod. Nakaupo ako mag-isa sa hardin nila habang nagpapahangin nang biglang may sumulpot sa likod ko. Lumingon ako para makita ang nagsalita. Si Joven pala, pinsan ko daw siya ayon sa pagpapakilala ni mama sa'kin kanina. Brusko siyang tignan at lalaking lalaki ang dating pero mas gwapo ako. Sa tingin ko magkaedad lang kaming dalawa. Mas matangkad ako sa kaniya ng ilang pulgada pero nananatili ang tikas ng kaniyang katawan. "Oo." sagot ko. "Sabi na nga ba't magkaedad tayo!" natatawang sabi niya. Kumunot ang noo ko dahil sa ekspresyon niyang iyon pero nginitian ko lang din siya. Baka isipin niyang isnabero ako. "Alam mo bang pinagpupustahan namin ang edad mo?" pagkwekwento niya. Lumapit siya sa akin at umupo sa tapat ko. "Para saan?" ani ko. Pagpustahan daw ba ang edad ko? Hanep! "Wala lang. Katuwan namin ni Alven at Neil." kibit balikat niyang sabi habang tumatawa. Sa tingin ko'y pinsan ko rin ang dalawang nabanggit niya.  Umiling ako at natawa rin. "Nasaan sila?" tanong ko. Nginuso niya ang likod ko kaya lumingon ako. Nakita ko ang dalawa na masama ang tingin kay Joven habang kumakamot ng ulo.   "Ayaw nilang lumapit sa'yo kasi baka daw english-in mo sila." sumbong ni Joven. Ako mag-eenglish? Minsan lang ako mag-ingles kapag kailangan sa school. Pinanood ko ang paglapit ng dalawa ko pang pinsan sa kaniya at pinagtulungan kaltukan ang ulo nito. Naalala ko sa kanila sina Josh at Uno. "Wag kang maniwala diyan, Denzill!" kung hindi ako nagkakamali siya si Neil. Maliit lang din siya at halatang mas bata sa amin. Katabi niya si Alven na mas purong pinoy ang kulay.  "Murit ka, Joven!" sigaw ni Alven sa kaniya. Hindi ko alam ang gagawin ko kaya nanatili lang ang tingin ko sa kanila habang nagbibiruan.  "Mas balliw ka!" pagbabalik nito sa kaniya. Ang g**o nilang tignan. Sali kaya ako? Feeling close ganon? tas bugbugin ko silang tatlo, sabihin ko biro lang? "Buti magaling kayo sa tagalog?" singit ko sa kanila. Hinihingal silang tumigil sa ginagawa at bumaling sa akin. Gusto kong bawiin ang sinabi ko pero nasabi ko na. "Oo. Eto kasing dalawang 'to, kapag may bumibisitang dalaga diyan sa kabilang bakuran nagpapapansin agad." kwento ni Joven sabay turo sa dalawang kasama. Ang hilig niyang magkwento, hindi halata sa itsura niyang mukhang tahimik at kalmado. "Tapos ikaw?" tanong ko na inilingan niya. "May girlfriend na 'ko. Loyal 'to." pagmamayabang niya. Namangha ako sa sinabi niya, wala din kasi sa itsura niya ang may babae.  "Oo, may syota na 'yan kaya hindi kami sinasamahan lagi kapag may sinusuyo kaming babae. Nagpapaturo lang naman kami kung paano." sabi ni Neil habang nakasimangot.  "Ikaw ba, meron?" pang-iintriga ni Alven. Nagtaas baba pa ang pareho niyang kilay habag hinihintay ang sagot ko. Ngumiti ako nang sumagi sa isip ang ginawa kong paghalik kay Jancell. "Tol pusta, meron 'yan!" panghuhula ni Joven. Mahilig sa pustahan. Umiling ako pero hindi nawala sa labi ang ngiti. "Liligawan ko palang sana." ani ko. "Nako! Paniguradong maganda 'yan dahil taga-Maynila." hula din ni Alven. "Magandang maganda." bigla kong nasabi. Nagtawanan kami at nagkwentuhan pa ng iilang karanasan. Nakilala ko sila ng mabilisan kahit papaano. Si Joven, pareho kami ng edad at gustong kursong kuhain sa susunod na taon. Mahilig din daw siyang magbasketball. Ang dami niyang kwinento na pati ang loves story nila ng girlfriend niya ay nasabi sa akin. Si Neil naman ang pinakabata sa aming apat, 16 palang siya pero nagkakasundo kami. Hilig niya din ang pakikinig sa iba't ibang banda at kwinento niyang minsan na siyang sumali sa kompetisyon sa barangay kasama ang mga kabanda niya. Si Alven naman ang pinakamatanda sa edad na 19, kinuha niya ang kursong medisina kagaya daw ng gusto sa kaniya ng papa niya. May niligawan daw siya dati pero hindi siya sinagot kasi may nakita itong may kasama daw siyang babae.  Kahit papaano ay gumaan ang loob ko. Akala ko mananatiling si mama at papa lang ang maiintindihan ko dito. Magaan din ang pakikitungo sa akin ng mga kababaihan kong pinsan. Hindi nga ako sanay kasi grabe nila ako purihin. Nagtatanong pa kung may mga kaibigan daw ba akong gwapo kagaya ko. Nakakataba lang ng puso. Nang maggabi ay dumaretso ako sa kwarto ko. Malaki ang kwarto, may single bed sa gitna at sa taas nito ay may malaking salamin. Karamihan sa gamit ay gawang kahoy at ang ganda tignan. Halos lahat kulay brown ang kulay. Ibang iba ito sa kwarto ko kaya naman hindi ko maiwasang manibago.  Sa dulo ng kwarto ay may malaking bintanang gawa sa salamin. Tama ang hula ko kanina, ang ganda tignan ng mga christmas light at parol na nakadisenyo sa labas. Tanaw ko din sa kabilang bintana ang hardin. May pailaw din doon kaya hindi madilim kung pupuntahan ito. "Ang ganda." manghang manghang sabi ko.  Kung magkakapamilya ako siguro ganito ang pipiliin kong buhay. Tahimik at kahit paano ay maginhawa. Kung sasagutin ako ni Jancell sisiguraduhin kong hanggang dulo na agad kami. Natigil ang pagtatanaw ko nang may tumatok sa pinto. Siguro si mama 'yan. Mabilis kong tinungo ang direksyon para pagbuksan kung sino man iyon. Hindi pamilyar ang babaeng nasa harap ko ngayon. Balingkinitan ang katawan niya at maputi. Nakapusod ang buhok niya at may dimples sa kaliwang pisngi. Sigurado akong ngayon ko lang siya nakita simula kanina. May isa akong babaeng namukhaan sa kaniya.  Namimiss ko lang talaga siguro si Jancell kaya nakikita ko siya sa kaniya ngayon. Bumaling ang tingin ko sa mukha niyang biglang nagkunot noo. "Pinapaabot ng mama mo." seryoso niyang sabi. Nakalahad sa harapan ko ang tuwalya at iilang gamit pang-banyo.  Hindi niya ba tita si mama? kung maka-mama mo naman 'to. "Salamat." nginitian ko siya sandali at mabilis na inabot ang dala niya. Aalis na sana siya pero mabilis ko siyang pinigilan. "Bakit parang ngayon lang kita nakita?" takang tanong ko. Kung kanina nakakunot na ang noo niya, may mas ikukunot pa pala iyon ngayon. "Kailangan bang makita mo 'ko?" nakataas ang kilay niya. Napaawang ng husto ang bibig ko sa inasta niya.  Bago pa ako makapagsalita ay tinalikuran na niya ako at mabilis na nilisan ang kinatatayuan niya kanina. Hanep! Sa lahat ng nakilala ko dito parang siya ang kakaiba.  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD