Kabanata 11
Pang-labing isa
Kinabukasan maaga akong bumangon. Dala siguro ng pamamahay at dahil sa kakaibang lamig ng hangin kaya nagising ako. Nakita ko ang gamit ko na hindi ko pa naaayos. May malaking aparador sa tapat ng kama ko na pwede kong paglagyan ng gamit pero isinantabi ko iyon.
Nakalimutan kong sabihin kay mama na uuwi din ako pagkatapos ng pasko.
Kinuha ko ang dalang bag pack at kumuha ng pamalit na damit. Kung alam ko lang na may sarili akong kwarto sana pinuslit ko si Jancell sa bag ko at isinama dito.
Natawa ako sa sariling naisip.
Sa mga oras na 'to parang gusto kong may kasabay maligo. Yayain ko nga si Jancell minsan. Siguro naman hindi tatanggi 'yon kapag nakiligo ako sa tinutuluyan niya.
Ilang suntok kaya aabutin ko sa kaniya kung ganon?
Matapos kong maligo bumaba ako sa kusina para uminom ng gatas. Madaling araw pa lang at hindi pa sumisikat si pareng araw kaya siguradong wala pang gising sa baba. Ngayon na lang siguro ako nagising ng ganito kaaga kapag karaniwang araw.
Wala pa sa kalahati natanaw ko na ang malawak na kusina. Natigil ako sa paglalakad nang makita ko ang babaeng tumatok sa kwarto ko kagabi. Ano ngang pangalan niya?
Mag-isa siyang naghahanda sa lamesa habang may niluluto sa kalan. Nakashorts siya ngayon at sando na hindi gaanong hapit sa katawan niya. Nagdalawang isip tuloy ako kung itutuloy ko ang pag-inom ng gatas o huwag nalang. Naisip ko kasi ang kakaibang asta niya sa'kin kagabi. Ang lakas magsungit ng babaeng ito.
Hindi naman ako natatakot sa kaniya bakit ako babalik ng kwarto?
Baka may period lang siya. Taas noo akong naglakad papasok sa kusina. Hindi man lang siya nagulat sa presensya ko dahil tuloy tuloy lang siya sa ginagawa. Bakit siya ang nagluluto?
"Goodmorning!" masigla kong bati. Nakangiti akong hinihintay ang isasagot niya pero parang wala man lang siyang narinig.
"Goodmorningggg!!" mas malakas kong sabi. Nawala ang siglang pinilit ko kani-kanina lang dahil sa pangdededma siya. Isnobera din siya, ah?
Nagkibit balikat nalang ako nang matanggap na dinedma ako ng pinsan ko ngayon. Siya palang ang kauna-unahang nakagawa sa akin ng ganyan. Minsan nga lang ako bumati sa umaga, e.
Hindi ko namalayang nakasimangot na pala ako nang matamaan ang sarili sa bilog na salamin. Lumapit ako sa malaking refrigerator at naghanap ng gatas. Napangiti ako at agad kinuha ang fresh milk na nakita ko sa loob at inilabas iyon. Akala ko magtitimpla ako ngayon sa sarili ko.
Dahil sa katahimikan, tanging tunog sa kawali lang ang naririnig ko kasabay ng tunog ng gatas na pumupuno sa basong kinuha ko.
"Parang bata." narinig kong bulong niya.
"Anong sabi mo?" pagkukumpirma ko sa sinabi niya. Nagkibit balikat lang siya at nagpatuloy sa pagluluto. Hindi ko maiwasang kunutan siya ng noo habang pinapanood siya sa ginagawa. Sinabihan niya akong parang bata? bakit? dahil umiinom ako ng gatas?
Para sa bata lang ba ang gatas?
Lintek! Sige bukas magkakape ako!
"Bakit ikaw ang nagluluto?" mataman kong sabi. Pinilit kong maging kalmado ang boses kahit na sa loob loob ko gusto ko din siyang sungitan.
Tumigil siya sa ginagawa at saglit na lumingon sa akin.
"Bakit? gusto mo, ikaw?" pamimilosopo niya. Naibaba ko ang basong hawak nang makalahati ko iyon. Nanliliit mata ko siyang tinignan dahil sa sinabi niya. Ang hilig niyang gawing tanong ang dapat na simpleng sagot lang.
Huminga ako ng malalim. Babae 'yan, Denzill. Habaan mo ang pasensya mo.
"Hindi naman. Hindi ba dapat sila tita?" tanong ko ulit. Puno ng pagpapasensya.
"Sinong tita?" pabalik niyang tanong. Mariin akong pumikit dahil nawawalan ako ng sasabihin. Oo nga naman. Sino bang tita ang tinutukoy ko? Bukod kay tita Thea, wala na akong ibang matandaang pangalan.
"Mama mo?" nag-aalinlangan kong tanong. Nakita ko ang pagkakatigil niya sa ginagawa pero nang makabawi ay agad din siyang nagpatuloy.
"Sige. Puntahan mo sa sementeryo." kalmado niyang sabi. Nagulat ako sa sinabi niya. Mahina ang pagkakabigkas niya doon pero tama lang para marinig ko.
"Uh, sorry." bigla kong nasabi. Hinigpitan ko ang hawak sa baso dahil sa tanong na gusto kong banggitin sa kaniya kahit na alam kong hindi naman kagandahan ang sagot na ibabalik niya.
Umupo ako sa upuan sa tapat niya.
Habang inuubos ko ang gatas, hindi ko sinasadyang matitigan siya. Kahit seryoso ang mukha niya nananatili ang paglitaw ng dimples niya sa isang pisngi. Kahit anong gawin niya nakakunot ang noo siya na tila ba parang may iniisip. Hindi rin siya ganon kaliit, tama lang sa height ng isang babae.
Mukha siyang problemado.
Kailan kaya siya huling sumaya, no?
Kiliitin ko kaya nang ngumiti?
Kung si Jancell lang yan, isang goodmorning ko lang baka sobra sobra ang ibalik sa akin na pagbati. Sobrang sigla ng isang iyon kumapara dito sa tahimik at masungit na babae.
Bakit mo ba pinagkukumpara?
Umiling ako.
"Ang aga mo naman magluto, hija?" pamilyar ang boses ng nagsalita. Nagtama ang tingin namin ni papa nang makita ko siyang patungo sa kusina nang nakangiti.
Si papa nakangiti?
Tinignan ko ang babae at ganon pa rin ang itsura niya. Hindi man lang nagbabago.
"Nasanay na po." tipid niyang sagot ni hindi man lang binalingan si papa. Kasunod ni papa na pumasok sa kusina ay si mama. Maganda ang ngiti niya sa akin pero nang makita ang babaeng kasama namin ay naging matabang ang ngiti niya.
Pinanood ko ang babae na isalin sa malapad na pinggan ang ginawa niyang brown rice. Sa tabi no'n ay pritong itlog, pulang itlog at hotdog. May ginawa din siyang kung ano anong sawsawan na hindi ko alam kung paano niya ginawa. May tasa ng dalawang kape na sa tingin ko ay para kay mama at papa.
Bakit ako hindi niya pinagtimpla?
"Kumain na po kayo." anyaya niya kila mama at papa dahil sa kanila lang siya nakatingin. So hindi niya ko papakainin?
"Kainan na!" masiglang lumipat ako sa upuan na katapat ng lamesa. Nakita kong pinanood nila ang ginawa ko. Rinig ko pa ang pag-ismid ng babae sa harap ko.
Sungit talaga!
"Hija, sumabay ka na sa amin." naupo si papa sa gitnang upuan habang nagsasalita. Sumunod sa kaniya si mama at umupo sa tapat ko. Nakatayo lang si sungit sa gilid namin habang pinapanood kami.
"Sige na, hija. Umupo ka na, sumabay ka sa'min." nakangiti si papa habang tumatango. Hindi ko maiwasang magtaka sa pagtrato sa kaniya ni papa. Bakit masyado namang mabait si papa sa kaniya?
Tinalo niya pa ako.
"Hindi na po. Pinagluto ko lang talaga kayo." magalang niyang sagot. Akmang aalis na siya nang magsalita si mama.
"It's okay, Adenela. Eat with us." pormal ang boses ni mama.
So Adelena ang pangalan niya? mukhang mabait pakinggan, hindi bagay sa kaniya.
Walang siyang nagawa kundi huminto at tignan kami isa isa. Nagulat ako nang umupo siya sa tabi ko habang diretsong nakatingin sa pagkain. Kalmado pa rin ang itsura niya at ni minsan hindi man lang ngumiti. Kahit saglit lang.
Tahimik naming sinimulan ang pagkain. Huling kumuha ng pagkain si Adelena dahil halatang pinauna niya muna kami. Pakiramdam ko may malaking tensyon ngayon sa hapag kainan. Tinignan ko si papa na seryosong kumakain pero kapag nagkakatinginan sila ni Adelena ay ngumingiti siya at tumatango. Hindi ko maiwasang mapasimangot, bibihira niyang gawin sa'kin iyon. Si mama naman ay diretso ang kain at halatang hindi siya komportable.
Saglit akong lumingon sa katabi ko at hindi ko inaasahang nakatingin din siya sa akin. Pareho kaming nag-unahan mag-iwas ng tingin. Kabado ako pero sa kaniya parang normal lang ang lahat.
"H-Hindi po ba natin kasama ang ibang pinsan, pa?" pagbabasag ko sa katahimikan. Ang inaasahan ko kasi marami kami ngayon sa hapag kagaya ng ginawa kahapon. Apat lang kami ngayon kaya hindi ako komportable. Bakit siya lang ang kasabay namin?
"Tayo lang ang tao dito sa bahay, Denzill." sagot ni papa.
"E, nasaan ang iba?" pagtataka ko. Buong akala ko marami ang nakatira dito.
"Nasa bahay nila." tipid niya pang sagot.
Hindi ako makakain ng maayos sa kaiisip. Akala ko ba dito din sila nakatira? Kung ganoon kasama namin sa bahay si Adelena? Halos pilit kong lunukin ang pagkain. Si mama nalang ang kakausapin ko mamaya. Sigurado naman akong may magandang sagot akong makukuha sa kaniya.
"Ako na po ang manghuhugas." matamang sabi ni Adelena nang matapos kaming kumain. Hindi sinang-ayunan ni papa ang suhesiyon niya bagkus sinabi pa talaga ang pangalan ko na animo'y nagboboluntaryo ako. Hinintay ko ngang magsalita si mama dahil madalas siya ang nagliligpit sa bahay pero nanatili siyang tahimik. Nakakapanibago rin.
"Ako na po ang bahala." pamimilit niya pa.
"Tutulungan ko nalang siya." sabi ko para makumbinsi si papa.
Hindi naman labag sa loob ko ang pagtulong pero kung siya ang makakasama ko siguro kailangan ko munang pag-isipan. Paniguradong hindi naman niya ako papansinin dahil sobra siya kung mandedma.
"Kaya ko." mahinang bigkas niya. Umalis na sina mama at papa pero heto kami at nag-aagawan pa sa hugasan. Ayaw niya kasing magpatulong. Nakakahiya namang siya na ang nagluto, siya pa ang magliligpit.
"Edi ikaw na." pagsuko ko.
Pinanood ko siyang ilagay ang mga hugasan sa lababo. Hindi ko alam kung dapat ba akong mamangha dahil hindi talaga nagbabago ang iisang ekspresyon sa mukha niya. Consistent!
"Lagi mo bang ginagawa 'yan?" hindi ko napigilan ang pagsasalita. Nakita kong kumunot ang noo niya pero nanatiling tikom ang bibig. Parang kahit umaga nakakarinig ako ng mga kuliglig dahil sa katahimikan niya.
"Alam mo may kilala akong hindi nagsasalita kaya namatay." pagbibiro ko. Ngumiti ako nang makita ko siyang lumingon sa akin at labanan ang tingin ko.
Napangisi ako ng wala sa oras. Lumingon ka din, huh?
Hindi nagtagal ang tingin niya. Nakita ko kung paano niya nagawang paikutin ang mata niya sa harap ko bago nagpatuloy sa ginagawa. Agad na tumikhim ako dahil sa ginawa niya. Ang sungit talaga! Ikaw na nga itong sinasamahan!
"Sa lahat ng pinsan natin, ikaw lang ang nagsungit sa'kin. Alam mo ba 'yon?" pagtatapat ko.
"Hindi mo 'ko pinsan." mabilis niyang sagot. Nanlalaking mata ko siyang tinignan bago matawa.
"E, kung ganon, ano kita?" inosente kong tanong.
"Tsk." singhal niya. Tinalikuran niya ako at isa isang ibinalik ang pinanghugasan sa lalagyanan nito.
Naisipan kong bumalik sa kwarto dahil sa sobrang inis. Naghihintay ako ng sagot niya pero iniwan niya ako sa kusina. Napaka ano ng babaeng iyon! Kaya pala hindi ko siya pinsan kase iba ang ugali niya. Ang dali dali lang naman sagutin ng tanong ko tapos simpleng sagot lang ipagsusungit niya pa.
Bahala nga siya!
Mabibigat ang bawat hakbang ko habang tinatahak ang palapag papunta sa pinto ng kwarto ko. Alas syete palang ng umaga at hindi ko pa alam ang mga susunod ko pang gagawin ngayong buong araw. Wala namang binanggit sa akin si mama kung anong gagawin namin ngayon.
Ika-labing tatlo palang ng disyembre. Mahaba haba pa ang araw ko dito.
Hinayaan ko ang sariling lumapat sa malambot na kama.
Kamusta na kaya si Jancell? Siguradong kausap na naman niya ang pusa niya ngayong araw habang nakanguso. Bigla ko tuloy naalala ang reaksyon niya bago ako umalis. Bakit siya ganon umiyak kung kaibigan lang ang turing niya sa akin?
Napangiti ako nang wala sa oras. Hindi niya din ako tinulak noong hinalikan ko siya. First kiss niya kaya 'yon? Sana. Kasi kapag naging kami, gusto ko ako na din ang second, third, forth, fifth, one hundred one, hanggang dulo.
Sayang at wala siyang cellphone. Edi sana magkatawagan kami ngayong araw magdamag at sa susunod pa hanggang makauwi ako. Matagal na akong nagpresintang bibilhan ko siya para may magamit siya pero tinanggihan niya lahat. Inulit niya pa na hindi naman daw siya magtatagal doon kaya hindi niya kailangan. Hindi ko alam ang gagawin sa kaniya. Ayan tuloy! namimiss ko siya.
Bumangon ako para kuhain ang shoulder bag na dala ko. Makikinig nalang ako ng mga bagong kanta ng Mayday Parade. Nakakatuwa dahil noong huling punta nila dito sa Pilipinas, nag-ipon talaga ako ng sobra kaya lang hindi umabot ang pera ko para sa VIP seats. Kaya ang saya ko nang bigyan ako ni mama ng pera.
Natigilan ako dahil bumungad sa akin. Kinilabutan na naman ako nang makita ko ang libro ni papa sa shoulder bag ko. Takte? Heto na naman! Minumulto ba ako?
Paano na naman napunta dito 'to?
"Binalik ko na 'to ah!" nagtatakang bulong ko sa sarili. Bumalik ako sa kama at pinagmasdan ang libro. "Ano bang problema mo? Gusto mo 'ata akong ipahamak, e." wala sa sarili kong sabi.
Inilapag ko ito sa harapan ko at pinagmasdan. Ganon pa rin ang ayos niya walang nagbago. Iniisip kong mabuti kung nadala ko ba ito nang hindi ko alam o baka naligaw lang?
Nakapagtataka dahil noong nasa kotse ako hindi ko naman ito napansin. Pinaglalaruan ba ako? Nababaliw ako kaiisip. Kinuha ko ang libro at inilipat sa huling pahina. May isang pirasong papel doon na halatang isiningit lang.
April 16, 1995
Heritage Memorial Park
Muling magkikita ang ating mga mata, Patuloy na isusulat kwento nating dalawa. Hindi magpapaalam, ika'y sa'kin nakatadhana Iniwan man ako'y alam kong mananatili ka. Ikaw ang tanging mamahalin, ikaw ang tanging iibigin.
Natulala ako sa nabasa. Maikli lang ang tula, dito yata nagtatapos ang kwento ni papa. Sa pagkakaalam ko, ang nabanggit na lugar sa tula ay pangalan ng sementeryo. Kung ganon doon inilibing si Lea? Iniwan siya ni Lea? o ni mama? pero ang sabi ni mama patay na si Lea. Sino ang totoong mahal ni papa?
Nagkaroon tuloy ako ng interes na ipagpatuloy ang pagbabasa. Dinaig ko pa nanonood ng pelikula. Pwede namang tanungin ko si mama o di kaya'y si papa tungkol dito pero hindi ako sigurado kung sasagutin nila ako. Siguro naman sa loob ng ilang araw ko dito makakaya kong tapusin ang libro?
April 03, 1989
Cavinti, Laguna
Tanghali na nang magising ako. Mas nanaisin ko pa sana ang matulog ngunit ginising ako ni mama at sinabing may naghihintay sa akin sa labas ng bahay. Mabilis akong naghanda, agad kong tinungo ang palikuran para makaligo at makapag-ayos.
Nagpaalam ako kay nanay para lumabas ng bahay nang matapos ako.
"Kanina pa kita hinihintay, Fernan!" galit ang mukha ni Helli nang salubungin niya ako.
Naalala kong may gagawin pala kaming dalawa. Hindi ko alam ang plano niya ngayong araw. Inaamin kong nakalimot ako sa kasunduan.
"Pasensya na. Nawala sa isip ko." pagtatapat ko ng katotohanan.
Magkasalubong ang noo niya habang nasa byahe kami. Pinaalala niya sa akin na ako ang nagsabi ng oras at araw kung kailan kami tutulak. Alas nuebe ang usapan namin ngunit heto kami ngayon ala una y media na pero nasa byahe pa.
"Alas otso palang nang umalis ako sa bahay namin at pumunta sa napagkasunduan nating tagpuan pero wala ka doon hanggang alas dose y media." may pagtatampo ang boses niya.
"Babawi nalang ako mamaya." paninigurado ko sa kaniya. Napipilitan siyang tumango.
Sa loob ng sinasakyan namin ay wala masyadong pasahero. Matapos naming magbayad sa kondoktor ng bus ay umayos kaming dalawa ni Helli sa pagkakaupo. Wala akong dalang kahit anong kagamitan kundi pitaka. Ngayon ko lang rin napansin ang suot niyang bestidang hapit sa katawan niya, halata din ang lokarete sa kaniyang mukha at may bitbit siyang hindi kalakihang bakol.
Mataman ko siyang tinignan nang maramdaman ang paghilig ng kaniyang ulo sa balikat ko. Hindi na ako umapela pa dahil may kasalanan ako sa kaniya ngayong araw.
"Gusto mo talaga siya?" wala sa wisyong tanong niya. Hindi man niya pinangalanan batid kong si Lea ang tinutukoy niya. Si Lea lang naman ang gusto ko.
Tumango ako bilang sagot. Nitong mga nakaraang araw hindi ako bulag para hindi makita ang ibang pagtingin niya sa akin. Hindi niya pa ito sinasabi sa akin ngunit sa ikinikilos niya ay nagsusumigaw ang kaniyang nararamdaman. Hindi ko na kailangang kumpirmahin pa.
"Kaibigan ko siya, Fernand." madiin niyang bulong.
"Alam ko."
"Ginagamit mo lang ba ako?" nagseryoso ang boses niya. Mariin akong napapikit nang mapagtanto kung saan hahantong ang usapin naming ito. Napakawala ako ng buntong hininga.
"Hindi." tinugunan ko din ang pagseseryoso niya.
Lumayo siya sa akin at inilapit ang kaniyang katawan sa bintana na nagbibigay ng malaking distansya sa aming dalawa. Hindi na siya nagsalita buong byahe. Hindi ko alam kung anong iniisip niya at kung ano pang gusto niyang sabihin.
Umihip ang malakas na hangin. Nauuna siya sa akin sa paglalakad habang bitbit ko ang dala niyang bakol. Hindi ko sinasadyang tignan ang laman noon ngunit nakita kong may iilang pagkain na panigurado ay para sa aming dalawa. Bigla akong nakonsenya dahil mukhang pinaghandaan niya nga talaga ang araw na ito.
Mula sa malayo natatanaw ko na ang Caliraya Lake. Dahil bakasyon ngayon, may iilang mga tao ang kaniya kaniya nagkukuhaan ng mga litrato. Kada segundo mararamdaman talaga ang hangin dahil sa mga naglalakihang puno at lamig na nagmumula sa lawa. Nakita kong huminto si Helli sa bandang dulo ng tulay. May mahabang tulay kasi dito na mismong nasa ilalim ng lawa, may iilan ding mababato't mahabang lupa na napapaligiran na ng lawa. Mas maganda sana doon pero maraming tao ang nakapwesto.
"Anong oras mo gustong umuwi?" naiilang na tanong niya.
"Kadarating lang natin pag-uwi na kaagad ang nasa isip mo?" pagbibiro ko para gumaan ang usapan sa pagitan naming dalawa.
"Akala ko kasi napipilitan ka lang na sumama sa akin." nakangiti ang mukha niya ngunit may halong lungkot ang tono niya. Umupo siya sa kinatatayuan namin habang hinahayaan niyang bumagsak ang binti niya sa labas ng tulay. Kung hindi lang medyo mataas ang pagkakagawa sa tulay na ito paniguradong sasayad ang paa niya sa tubig.
Ginaya ko ang pag-upo niya. "Nagdala ka ng pagkain?" tanong ko.
"Oo. Mayroon din akong maliit na sapin dito para paglagyan ng pagkain." nakangiti niyang usal.
"Wala nga lang akong nadalang inumin." dagdag niya halatang nahihiya.
"Pwede na iyan. Marami naman ang tubig sa lawa kung mauhaw ka." pagbibiro ko. Bahagya siyang tumawa at umiling iling.
"Sige pero sisiguraduhin kong mauuna kang mauuhaw."
Nagtawanan kami. Masaya kang kasama Helli. Kung hindi ko lang gusto ang kaibigan mo hindi ako matatakot na mahulog sa iyo. Malaki ang pagkakaiba niyong dalawa. Una palang nagustuhan ko na si Lea kumpara sa iyo na una palang alam kong pagkakaibigan lamang ang maibibigay ko.
Naging masaya ang araw. Dapit hapon noong napagdesisyonan naming lisanin ang lugar. Bago kami umalis doon ay binilhan ko siya ng isang maliit na manika. Sabi niya maganda daw iyon ilagay sa kaniyang bag bilang disendyo. Tuwang tuwa siya kaya naman pakiramdam ko nakabawi ako sa pagkalimot ko kanina.
"Ihahatid na kita sa inyo." boluntaryo ko. Hindi ko talaga gustong makita na ang babae mismo ang naghahatid sa akin. Kahit hindi ganon ang pakay niya kung may makakita sa amin siguradong ganon ang iisipin. Lalo pa't mas nauuna ang tirahan namin kaysa sa kaniya.
Hindi siya umapela. Tahimik naming tinahak ang daan patungo sa kanila habang dala ko pa rin ang bakol niya.
Nang matanaw namin ang bakuran nila ay ngumiti siya.
"Salamat sa binigay mo sa akin." sabi niya. Pinilit ko ang huwag magtaka dahil ang lakas ng pagkakasalita niya. Nakapwesto siya sa harap ko kaya natatabunan ng katawan niya ang bakuran nila.
"Salamat din. Naaliw ako ngayong araw." pagbabalik ko.
Itinuloy ko ang paglalakad sa bakuran nila para tuluyan siyang mahatid. Iaabot ko sana sa kaniya ang gamit niya pero natigil iyon dahil nakita ko si Lea na nakatayo sa harap ng bakuran nila.
Nakita ko kung paano nagpapalit palit ang tingin niya sa aming dalawa. Naramdaman ko bigla ang paglamig ng pawis ko dahil dahan dahan niyang ibinaba ang tingin sa kamay ko sa bakol. Ngayon ko lang din napagtanto na nakahawak din doon si Helli. Agad akong bumitaw.
"Nandito ka pala?" gulat na tanong ni Helli kay Lea. Ramdam ko ang pagkasarkastiko ng tono niya.
Mataman na tumango si Lea sa kaniya bago ako pasadahan ng malamig niyang tingin. May gusto akong sabihin ngunit hindi ko alam kung paano sisimulan. Parang may kung anong nakabara sa lalamunan ko habang iniisip na may iba siyang pakahulugan sa paghatid ko kay Helli.
"I-aabot ko sana itong librong pinahiram mo sa akin." mabilis niyang ibinigay ang manipis na libro sa kamay ni Helli. Gulat kong tinignan iyon. Pinahiram ko ang libro na iyon kay Helli. Hindi ko alam na pinahiram niya din pala kay Lea.
"Salamat." mataman niyang sabi. Hinihintay kong sumulyap siya sa akin ngunit hindi na niya ginawa pa.
"Mauuna na ako. Iyan lang ang pakay ko." ngumiti siya sa katabi ko. Malaki ang ngisi ni Helli habang tumatango. Matapos non ay nagsimulang maglakad si Lea papalayo.
"Pumasok ka na." pagmamadali ko. Nakita ko ang gulat sa mukha ni Helli at akmang may sasabihin pa ngunit hindi ko na hinintay iyon.
Mabilis ang hakbang ko para masundan si Lea. Nililigawan ko siya at hindi magandang tignan na makita niya kaming dalawa ni Helli.
"Lea!" habol ko sa kaniya ngunit sa bilis ng paglalakad niya hindi man lang niya nagawang huminto.
"Lea!" mas malakas kong tawag.
"Lea! mag-usap tayo." sa wakas ay naabot ko siya. Hinila ko ang palapulsuhan niya at gulat akong nakitang namumula ang mukha niya.
"Magpapaliwanag ako, Lea." mariin kong sabi. Parang may kung anong tumusok sa puso ko nang tignan niya ako ng may galit sa mata. Namumula ang buong mukha niya at hindi ko alam kung saan iyon nagmumula.
"Anong Lea?" nangangalaiting tanong niya, nagpipigil sumigaw.
"Sinong Lea?" dagdag niya sa mas malakas na tono. Hindi ko inaasahan ang pagsuntok niya sa dibdib ko. Paulit ulit niyang ginawa iyon hanggang sa maramdaman ko ang pamamanhid kaya hinawakan ko siya.
"Lea, tama n-"
"Hindi ako si LEA!" umalingawngaw sa daan ang nagpipigil niyang boses.
Nagpaulit ulit sa pandinig ko ang sinabi niya. Kumunot ang noo ko dahil sa kalituhan. Hindi siya si Lea?