LABING DALAWA

3226 Words
Kabanata 12 Pang-labing dalawa "Anong ibig mong sabihin?" huminga ako nang malalim.  "Hindi ko alam na kaya mong ligawan ang taong ni pangalan hindi mo alam." diretso ang pagtitig niya sa mata ko.  Bago pa ako makapagsalita ay tinabig niya ang kamay kong nakahawak sa palapulsuhan niya. Mas mabilis ang lakad na ginawa niya kumpara kanina. Batid kong ayaw niya akong makausap dahil nahihimigan ko ang pagkadismaya sa boses niya.  Pumikit ako nang mariin. Wala akong ibang hiningian ng impormasyon tungkol sa kaniya kundi si Helli lang. Siya ang unang pumasok sa isip ko kung bakit naging ganito. Nagsinungaling siya sa akin? Hindi ako nagdalawang isip tahakin pabalik ang daan at sumugod sa bahay nila. Labis labis ang pagpipigil ko sa nararamdaman. Gusto ko munang makumpirma ang totoo dahil ayaw kong magkamali. Hindi ko gugustuhing masira ang pagkakaibigan namin kung talagang nagsinungaling siya sa'kin. "Fernand!"  Pigil na pigil ko ang pagkuyom ng aking palad nang makita ko siyang masiglang tumatakbo papalapit sa akin. Iba na rin ang suot niyang bestida ngayon. "Totoo bang hindi Lea ang pangalan niya?" malamig kong bungad sa kaniya nang tuluyang makalapit. "A-Ano?" bahagyang nagulat ang reaksyon niya at umatras. "Ang tinutukoy mong kaibigan na gusto ko ay hindi si Lea, Helli." pagtitimpi ko. Hindi pa ako kailan man nakasigaw sa babae kaya hindi ko gugustuhing mauna siya. "Nagsinungaling ka sa'kin?" dismayado kong sabi nang hindi siya makapagsalita. Paulit ulit siyang umiling at kita ko ang pagbabadya ng luha sa mga mata niya. Gusto ko siyang magpaliwanag ngunit sa reaksyon niyang aminadong aminado, hindi ko siya gustong makausap pa. "Fernand, magpapaliwanag ak-" "Na ano? na nagsinungaling ka sa akin?" nangangalaiti kong tanong. Sinubukan niyang hawakan ang kamay ko ngunit agad kong tinabig iyon na parang diring diri sa kaniya. Nagsimulang tumulo ang mga luha pababa sa pisngi niya. "Jancell ang pangalan niya. J-Jancell Die Morfil." lumunok siya ng ilang beses. Natatakot sa magiging reaksyon ko ngayong narinig ko ang pangalang ipinagkait niyang malaman ko. Pumikit ako sa pagpipigil. Sunod sunod ang pagtunog ng ngipin ko dahil sa pangangalaiti. Huminga ako nang malalim bago tumingin sa kaniya nang malamig. "Bukod sa pangalan niya, saang parte ka pa nagsinungaling, ha?"  Hindi siya sumagot at ang mahihina niyang hikbi lamang ang ipinaparinig sa akin. "Hellina, ikaw lang ang pinagkatiwalaan ko sa lahat pero sinira mo! Kaibigan mo si Jancell hindi ba? Paano mo nagawa sa kaniya ito? Sa akin?" may diin kong sabi. Umatras ako sa kadahilanang mukhang wala na akong sagot pa na makukuha sa kaniya kundi ang pag-iyak. Hindi ko man siya gustong makita sa ganoong reaksyon, hindi ko mapigilan ang magalit para sa kaibigan niya. Nagsinungaling nga siya sa'kin.  Nakakadismaya. Tumalikod ako para iwan siya doon ngunit wala pang ilang hakbang ay narinig ko ang pagsunod niya. Tiim bagang akong napahinto nang maramdaman ko ang pagpulupot ng mga bisig niya mula sa likod ko. "M-Mahal kita, Fernan." umiiyak niyang sabi.  Iiling iling kong kinalas ang pagkakayakap niya sa akin at nagsimula muling maglakad. Ngayon niya lang sa akin ipinagtapat ang tungkol doon at wala man lang akong naramdaman kundi pagkamuhi.  "Makasarili 'yang pagmamahal mo." April 05, 1989 Laguna Ilang beses kong sinubukan kausapin si Jancell, ganon din si Helli sa akin. Hindi ko mapigilan ang pagsisihan ang ginawa ko. Batid kong nadala lamang ako sa bugso ng damdamin. Alam kong naiintindihan ni Helli ang nararamdaman ko ngayon sa kaniya dahil siya ang may mali.  Buong araw akong nanatili sa tahanan. Tinulungan ko si tatay sa pag-aayos ng nasirang lamesa at kung minsa'y nilalaro ko ang dalawang nakababatang kapatid para malibang ako. Pakiramdam ko wala akong ibang iisipin kung hindi ang nangyari kapag naubusan ako ng gagawin.  "Fernand! May naghahanap sa iyo." buo ang boses ni tatay nang tawagin ako. Ininguso niya sa akin ang pinto patungo sa labas.  Tumango ako at agarang nagtungo doon. Gulat akong makitang nakatayo si Jancell sa tapat at sa likod niya naman si Helli na nanatiling nakayuko. Hindi man lang nag-abalang lingunin ako. Nanatili ang tingin ko sa kanila dahil sa pagkabigla hanggang sa may ibinulong si Helli kay Jancell na ikinatango nito. Malungkot niya akong binalingan bago lisanin ang kinatatayuan nila. Humakbang ako papalapit sa nag-iisang si Jancell. Simpleng ngiti ang ipinakita niya sa akin dahilan kung bakit biglang gumaan ang loob ko.  "Pasensya na sa nasabi ko, hindi ko sinasadya-" "Ako ang dapat humingi ng tawad." ngiti ko agad sa kaniya.  "Sinabi sa akin ni Helli ang lahat. Mahal ka niya, Fernand." naging malungkot ang tinig niya.  "Hindi siya ang gusto ko, Jancell." sa wakas naibigkas ko na rin sa harap niya ang totoong pangalan. Hindi si Lea, o kung sino man. "Pero kaibigan ko siya." tinitigan niya ako sa mata nang may bahid ng kalungkutan. Naikunot ko ang noo dahil sa hindi malamang dahilan. "At nangako ako sa kaniya na hindi ko na muling gagawin ang kasalanan ko sa kaniya noon."  dagdag pa nito.  Umiling ako at hinawakan siya sa kamay. "Ipaliwanag mo sa'kin."  Naglakad kami sa malapit na parke at walang tao roon kundi kami lang. Umupo siya sa naglalakihang bato na karamihang pinagtatambayan din ng mga estudyante noon. Sinundad ko siya at pinakinggan ang gusto niyang sabihin. May nagustuhan noon si Jancell na isang lalaki. Nagkamabutihan silang dalawa at muntikan ng magkaroon ng relasyon ngunit naudlot iyon nang aminin ni Helli sa kaniya na nagugustuhan niya rin ang parehong lalaki. Sinubukang pigilan ni Jancell ang nararamdaman para mapanatili ang pagkakaibigan nila ngunit dahil sa kagustuhan ng lalaki ay pinili niyang makipagrelasyon kay Jancell. Inamin niyang nadala siya sa kaniyang nararamdaman kaya ipinagpatuloy niya ang relasyon sa lalaki. "At anong nangyari sa inyo ni Helli?"  "Hindi na niya ako kinibo simula nang nalaman niyang sinagot ko si Mark. Kahit anong gawin ko noon ay halata ko ang galit niya sa amin. Hindi rin nagtagal ang relasyon namin ni Mark. Mahal na mahal niya ako noon kaya hindi ko akalaing may iba siyang karelasyon noon habang kami pa." pagkwekwento niya.  Wala sa tono at reaksyon niya ang pait ng pananalita. Tila bang nananatiling kwento nalang ang mga binanggit niya.  Mabuti naman kung ganoon dahil hindi ko alam ang gagawin ko kapag nalamang may epekto pa sa kaniya ang lalaki niya. "Nasaan na si Mark kung ganoon?" tanong ko. "Hindi ko alam. Basta, alam mo ba Fernand, noong sinubukan niyang magpaliwanag sa akin nakita ko sa mga mata niya na para bang wala siyang kasalanan. Kung hindi lang ang mismong babae niya ang nagsabi ng totoo, maniniwala na ako sa kaniya, e." tumatawa pa siya. Tumalim ang tingin ko sa kaniya dahil sa karupukan niya. "Hanggang ngayon mahal mo pa rin siya?" mataman kong tanong na ikinatawa niya. Hinangin ang mahaba niyang buhok habang umiiling. "Hindi na, ano!" depensa niya. "Kung ganon, anong pangako ang ibig mong sabihin?" nagtatakang tanong ko. Saglit niya akong tinitigan. Mamula mula ang kaniyang pisngi at namumungay ang kaniyang mga mata. Perpektong perpekto din ang hugis ng labi niyang mapupula. Ano kayang pakiramdam ng mahalikan siya? Nahalikan na kaya siya ni Mark? "Nangako ako na hindi ko na muling gagawin ang pakikipagrelasyon sa taong gusto niya." malungkot niya akong tinignan. Seryoso ko siyang tinitigan matapos marinig ang sinabi niyang iyon. Nagpapahiwatig ng kung ano pero ayaw kong iproseso kahit malinaw sa akin ang gusto niyang mangyari.  "Paano naman ang gusto mo?" nagkaroon ng iritasyon ang boses ko. "Mas pinahahalagahan ko ang pagkakaibigan namin." mahinang sagot niya. Umiling akong muli dahil sa pagkakairita. Hinawakan ko ang pisngi niya para makita ako ngunit iniwas niya ang tingin. "Tignan mo ako." buo ang boses ko nang utusan niya. "Liligawan kita at magiging tayo." pinal kong sabi.  Nabitawan ko ang libro dahil sa nabasa. Wala pa ako sa kalahati ng istorya. Wala pa ako sa kalagitnaan pero hindi ko yata kakayanin ang mga nalalaman ko. Inihiga kong muli sa kama ang sarili. Kung may pangako siya kay mama na hindi na makikipagrelasyon sa taong gusto ni mama? Paano si papa? Una palang hindi na gusto ni papa si mama pero bakit magkasama sila ngayon? At higit sa lahat niloko ni mama si papa. Hindi Lea ang pangalan niya. Jancell.  Jancell. Jancell. Nagpaulit ulit sa pandinig ko ang pangalan na iyon. Jancell Die Morfil. Hindi kaya ayon din ang buong pangalan ng Jancell na nililigawan ko?  Kinilabutan ako sa naisip. Napabalikwas ako nang bangon sa ideyang pumasok sa isip ko.  Hindi kaya anak ni Jancell na gusto ni papa ang Jancell na gusto ko ngayon? Kaya ba kilala ni Jancell si mama dahil naikwento sa kaniya ng mama niya ang pagkakaibigan nila dati? "Tanginang yan!" wala sa wisyong bulong ko sa naisip. Kaya pala ang sinasabi ni Jancell sa akin ay patay na ang mama niya dahil patay na si Jancell na gusto ni papa. Nasambunutan ko ang sarili nang unti unti kong napagdurugtong ang lahat. Pagkabalik ko sa Manila kukumpirmahin ko agad iyon kay Jancell.  Itinuon ko ang tingin sa pinto ng kwarto nang may kumatok doon. Narinig ko ang boses ni papa sa labas kaya naman natataranta kong naitago ang libro sa ilalim ng kama. Inayos ko ang buhok ko bago siya pagbuksan ng pinto. "Pa." salubong ko sa kaniya. Hindi nagtagal ang tingin ko sa kaniya. Nasa isipan ko pa rin ang nalaman ko sa libro. Gustong gusto kong magtanong ngunit hindi maaaring itanong ko iyon basta basta.  Tumango siya sa akin bago nag-ikot ang mata niya sa kabuuan ng kwarto ko. "Maayos naman ba ang tinutulugan mo?" tanong niya. "Okay na okay po, pa." nakangiti kong sagot. Ngayon lang yata siya nag-alala sa kwartong ginagamit ko. "May nawawala akong libro." diretso ang tingin niya sa akin. Biglang iniba ang usapan. Pakiramdam ko awtomatiko akong nanigas sa kinatatayuan ko at nanlamig dahil sa maikling sinabi niya. "A-anong libro?" lumunok ako. "May nakita ka bang libro? Dala ko iyon kasama ng mga gamit ko. Ikaw ang nag-ayos sa kotse kaya sa'yo ko itinanong." pormal niyang sabi. Kahit kailan hindi niya ako nagawang kausapin ng kaswal. "Ano pong itsura?" pagpipigil ko sa kabang nararamdaman. Hindi ko naman sinasadyang mapunta sa gamit ko ang libro niya. Magsisinungaling nalang ako na ngayon ko lang iyon nakita. "Hmm..." tinitigan niya pa ako na parang may sinusuri. Inaalam siguro kung nagsisinungaling ako o hindi. Paano ako hindi kakabahan kung ganyan niya ako tignan? "Kulay pula iyon at makapal." nabunutan ako ng tinik sa deskripsyon niya sa hinahanap. Hindi iyon ang librong nasa akin. Mabilis akong nakabawi at agad na umiling. "Wala pa. Iyan lang ang nandito sa kwarto ko." itinuro ko ang mga gamit na nasa labas ng aparador. Isang bag pack at shoulder bag. Nakita ko ang bahagyang pagkunot ng noo niya at mas nilakihan ang b****a ng pinto. "Bakit hindi pa nakaayos ang mga gamit mo?" pagtataka niya. Kinabahan ako nang tuluyan siyang pumasok sa loob. Huwag lang sana siyang sumilip sa ilalim ng kama ko. Nako po! "Ahh kasi, pa, balak ko po sanang umuwi na agad pagkatapos ng pasko." pagpapaalam ko.  Lumakas ang kabog sa puso ko dahil umupo siya sa kama. Doon mismo sa inupuan ko kanina. Sa ilalim non ang libro niya! Hindi ko alam kung kinakabahan ako dahil sa pagpapaalam o dahil ba doon sa librong itinago ko. "Bakit? Hindi ba't sa january pa ang pasukan niyo?"  "E, nagkayayaan po kasi kami nila Uno na gumala." pagsisinungaling ko. Ibang iba sa totoo kong dahilan. "Sa 28 ka na umuwi. May event ako sa 27 at isasama kita." pinal ang pagkakasabi niya.  "Sa 27 nalang po, pa. Pagkatapos natin sa event niyo tutulak na ako diretso." pamimilit ko. "Gagabihin tayo panigurado. Sa 28 ka na umuwi." pamimilit niya rin. Napabuntong hininga nalang ako bago tumango. Nawala ang kabang nararamdaman ko nang tumayo sa kama at naglakad pabalik sa pinto. "Nga pala. Samahan mo si Adenela mamalengke, gamitin mo nalang ang kotse para hindi na kayo magcommute." pasimple akong napasimangot sa gusto niyang mangyari. Ang masungit na babaeng iyon! May dinukot siya sa bulsa niya at inabot sa akin ang susi ng kotse. "Sige po." tanging sagot ko bago niya ako tuluyang iwan.  Sinara kong muli ang pinto at nailabas ang hiningang kanina ko pa pinipigilan. Kung magtatagal siya dito paniguradong naitanong ko kung sino talaga si Adelena na kasama namin sa bahay. Wala naman kasing kabuluhan ang mga sagot ng babaeng iyon kapag kinakausap. Tanungin niyo siya na tanong isasagot sa inyo tanong din. Hays. Nang maiayos ko ang gamit at maibalik ang libro sa bag ay bumaba na ako. Natigilan ako sa paghakbang sa hagdan dahil sa bumungad sa akin. Nakabalandra sa baba ng hagdan si Adelena, nakaekis ang mga kamay habang nakasandal sa hawakan at halatang nag-aabang sa akin.  Aba't! Nagbago na ang reaksyon niya ngayon! Naiinip na. "Tagal." narinig kong reklamo niya. Tinuloy ko ang paglalakad hanggang sa makalapit sa kaniya. Gusto kong matawa dahil ibang reaksyon naman ang nakikita ko sa kaniya ngayon. "Bakit hinihintay mo ba ko?" pang-aasar ko. Nanliit ang mata niya nang tignan ako. "Obvious ba?" walang emosyon niyang tanong sa tanong ko sa kaniya. Nawala ang ngisi ko dahil sa sinabi niya. Buti hindi siya nauubusan ng tanong sa mga tanong ko. "Tsk." hindi ko nalang talaga mapigilang mapasimangot. "Tara na nga." nauna akong maglakad sa kaniya.  Naramdaman ko naman ang pagsunod niya sa akin kaya dumaretso ako sa bakuran kung saan nakapark ang kotse. Binuksan ko ang pinto at pumasok sa driver's seat. Pinanood ko siyang umikot sa kotse habang inaasahang papasok siya sa tapat na pinto at pwepwesto sa passenger seat katabi ko.  "Dito ka." turo ko sa katabi kong upuan nang pumasok siya sa likod. Mabuti nga't bumuntong hininga lang siya bago tahimik na sumunod sa gusto ko.  Madali naman palang kausap. Matapos kong buhayin ang kotse ay natigil ang tingin ko sa suot niya. Nakasando at shorts pa rin siya kagaya kanina. Hindi ba siya konserbatibo? Hindi naman ganon kaikli ang shorts niya, tama lang ang haba pero nakikita pa rin ang mapuputi niyang legs doon. Hindi rin siya nakikitaan ng dibdib sa sando niyang suot pero sando pa rin 'yon!  Nakataas ang kilay niya nang bumaling sa akin. Nakita niya siguro ang panunuri ko sa damit niya. "Ano?" mataman niyang tanong. "Hindi ka ba magbibihis?" naiiritang tanong ko. Bumuntong hininga ulit siya na para bang nagtitimpi. "Kailangan pa ba?" tanong niya pabalik. Umiling ako, hindi makapaniwala sa kaniya. Kailan niya ba balak sagutin ng maayos ang mga tanong ko? Naiinis na ako. "Pupunta tayo ng palengke tapos magsasando ka lang?" mariin kong sabi. "Bawal ba?" tanong niya ulit. Nawawalan ako ng pasensya kausapin ang babaeng ito. Suminghal ako sa kawalan at napailing nalang. Hindi na ako aasa ng magandang usapan kasama siya. Pigil ang inis kong pinaandar ang kotse. Kung si Jancell lang ang kasama ko malamang ngunguso na iyon dahil naiinis ako. Pero hindi siya si Jancell! Ibang iba! Laking pasasalamat ko nalang dahil nakapunta kami ng palengke nang hindi nagtatalo. Itinuro niya sa akin ang daan nang hindi ako nagtatanong. Sinadya ko talaga iyon dahil kapag nagtanong ako, ang isasagot niya sa akin ay tanong din. "Hintayin mo nalang ako dito." hindi niya ako hinintay magsalita at sinara na ang pinto. Bastos! Pinanood ko siyang tumawid sa kabilang daan para makapasok sa unahan ng palengke. Sumilay tuloy ang makinis niyang kutis dahil sa pagtama ng araw sa balat niya. May iilan doon na nakasando at shorts lang din na babae at mukhang normal naman sa kanila. Hindi ko lang alam kung bakit kay Adelena naiirita akong makitang ganon lang ang suot niya noong lumabas siya. Inabala ko ang sarili sa paglalaro ng susi sa kamay. Kapag talaga nakauwi ako kukumpirmahin ko kay Jancell ang nalalaman ko. Hindi naman imposibleng magkapangalan sila ng gusto ni papa dati pero syempre hindi ko maiwasang mapaisip dahil pareho ang deskripsyon ni papa sa babae at deskripsyon ko kay Jancell.  Kung hindi ako nagkakamali 'arrouch' din ang isa sa mga ekspresyon ni Jancell sa libro at ganon na ganon din ang ekspresyon ni Jancell na kilala ko. Alam ko na kung saan siya nagmana. Siguradong sigurado akong mag-ina sila. Lumipas ang ilang minuto pero hindi pa rin bumabalik si Adelena. Naghintay ako ng lima pang minuto at nang hindi ko na matiis ay lumabas ako sa kotse at patakbong pumasok sa pinasukan niya.  Maraming tao sa paloob na parte ng palengke. Napansin ko pa ang iilan na tumingin sa gawi ko dahil sa presensya ko. May iilang nagbulungan pero hindi ko iyon pinagtuunan pa ng pansin. Sa kaliwa ay nakahilera ang mga nagbebenta ng isda, karne at manok. Sa kanan naman iba't ibang gulay, prutas at kung ano ano pa. May paliko at papasok sa bawat pagitan. Saan ako maghahanap nito? Lintek naman!   Pumasok ako sa hilera ng isda. Karamihan mga lalaki ang nagtitinda at walang mga suot na pang-itaas. Pawisan, habang kanya kanyang alok ng mga paninda nila. Naglakad lakad ako paikot doon ngunit bukod sa iilang babaeng nagpapapansin, wala na akong nakita pa. Pawis akong lumabas at dumiretso sa mga nagtitinda ng karne. Sigaw dito sigaw doon, mukhang may nag-aaway pa. Nilingon ko ang mga nandoon nang maisip kong nakikipag-away si Adelena pero wala din siya roon. Dapat kasi sinama niya ako sa pamimili!  Hindi ko rin siya masisisi dahil hinayaan ko siyang umalis mag-isa. Lumabas ako sa pang-apat na pagkakataon. Nagtagis ang bagang ko nang makita ang hinahanap. May hawak siyang apat na supot na malalaki at may dalawang lalaking pilit inaabot ang dalawang supot para tulungan siya. "Hindi na nga po, kaya ko." pamimilit niya sa dalawa habang sinusubukang bawiin ang supot. "Miss ihahatid ka na namin. Mukhang mabigat 'yan, oh." ngisi ng lalaki. Nandilim ang paningin ko dahil sa dibdib siya ni Adelena nakatingin at hindi sa hawak nito. Tangina naman kasi pasando sando pa! "Ayaw niya nga 'di ba?" matalim ang tingin ko sa lalaki nang makalapit ako. Nanatiling mahinahon ang boses ko. "Pare, tara sama ka. Tulungan natin-" Sinuntok ko ang lalaki sa mukha niya. May gana pa siyang isama ako sa balak niya. Bumagsak siya sa sahig pero agad ding nakabangon. Masama ang tingin niya sa akin at akmang gaganti pa pero pinigilan na siya ng kasama. May ilan ding naghiyawan dahil sa nangyari.  "Gago ka pala, e!" sigaw ng lalaki habang hinihila siya ng kasama niya papalayo. Matalim kong tinignan si Adelena na ngayon ay wala pa ring reaksyon. Binabastos na siya lahat lahat ganyan pa rin ang mukha niya? Naiinis kong hinablot lahat ng supot na dala niya at padabog na bumalik sa kotse. Hindi naman niya sinabi sa akin na ganito karami ang bibilhin niya. Lahat ng pinamili ay nilagay ko sa likod bago bumalik sa harap ng manibela. Tahimik siyang pumasok sa loob ng kotse habang nagtatakang nakatingin sa akin. Kita ko ang multo ng ngiti sa mukha niya pero dahil nagmarka na sa akin ang walang reaksyon niyang mukha, nagmistulang guni guni ko iyon. Kung ngingiti man siya wala siya sa lugar. Nababastos na't lahat lahat natutuwa pa. Sinimangutan ko lang siya bago pinaandar ang kotse. Ang init na nga ng araw, pinapainit pa ang ulo ko. Nakabisado ko agad ang daan. Tahimik naming tinahak ang daan pabalik sa bahay. Tunog lang ng kotse't mga tao sa labas ang naririnig dahil wala sa amin ang gustong magsalita. Mukhang normal lang naman sa kaniya ang pagiging tahimik pero sa'kin hindi.  At hindi ko alam ang dahilan ng ikinagagalit ko ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD