TATLO

2761 Words
Kabanata 3 Pangatlo Hinigpitan ko ang hawak sa manibela. Iniliko kong muli ang kotse sa susunod na kanto at nagbabakasakaling malaman niya ang sariling bahay. "Kanina pa ako nagmamaneho pero hindi mo pa din naaalala ang bahay niyo." muli ko siyang nilingon at nakita ko ang pagkabahala sa ekspresyon niya. "Hindi ko na maalala, e. Ang alam ko nandoon lang 'yon o kaya doon." nagturo turo siya sa iilang direksyon sa paligid namin. Nagtataka naman ako sa inaasal niya kaya hininto ko na ang kotse at hinarap siya. "Taga saan ka ba talaga?" nagtatakang tanong ko. Pang-limang tanong ko na yata ito sa kaniya pero tanging pagkamot lang sa pisngi ang ginagawa niya. "Sa ano... Sa ano... Ewan ko, e." sabi niya habang halatang natataranta. Naibagsak ko ang magkabilang balikat ko dahil sa napakadetalyado niyang sagot. Iniwas niya ang tingin sa'kin at may kung anong tinanaw sa bintana.  "Niloloko mo yata ako. Wala ka naman sigurong bahay." pagbibiro ko. Hindi ko inaasahan na tatango siya at sumang-ayon sa sinabi ko. "Wala nga hehe." naiilang na bulong niya. Napaawang ang labi ko dahil doon. Hindi makapaniwalang tinignan ko siya mula paa hanggang sa ulo. Mukha naman siyang mayaman at hindi rin siya madumi kung titignan. Malamang ay hindi siya palaboy sa daan o namamalimos sa kalsada dahil sa makinis niyang balat. Hindi ko alam ang sasabihin ko kaya nanatili lang akong nakatingin sa kaniya. Nagtataka. "Denz yuhooo! Ok ka lang?" winagayway niya ang palad niya sa harapan ko dahilan para makuha ang atensyon ko. "Hindi ako naniniwalang wala kang bahay. Sabihin mo lang kung gusto mo akong makasama, hindi mo kailangang magpanggap na nawawa-" Tinakpan niya ang bibig niya at pinigilan ang matawa. "Bakit?" tanong ko. "Seryoso ako Denz-" "Denzill ang pangalan ko. Mga kakilala ko lang ang tumatawag sa akin ng Denz, malinaw?" pagputol ko sa sasabihin niya. Nakailang tawag na siya sa'kin ng denz ngayong araw. Medyo maganda naman sa pandinig. Mabuti pa ang pangalan ko alam niya, pero ang address ng bahay nila ay nakalimutan niya daw. Hindi ko alam kung dapat ba akong kiligin o ewan, basta! "Sige na nga. Denzill." pagtango niya. Napabuntong hininga nalang ako. Akala niya siguro ay naiinis ako sa kaniya. Sa loob loob ko ay gustong gusto kong kumuha ng litrato kasama siya para ikwento kay Josh at Uno na kasama ko nga ulit siya mismo sa loob ng kotse ko. Naiirita lang ako dahil hindi ko alam kung mahahayaan ko siyang iwan sa kung saan lang. Muli akong nagmaneho. "Saan kita ibaba nito?" usal ko habang nasa kalsada ang tuon ko. "Uh..." inikot niya ang paningin niya na animo'y naghahanap ng maituturong bahay. Para talaga siyang nawawalang bata, hindi ako makapaniwala. Hindi kaya may sakit siya sa memorya? alzheimer's disease ganon? "Saan?" pag-uulit ko. May assignment pa akong dapat gawin pero hindi naman masyadong mahirap iyon para paglaanan ng mahabang oras. Panigurado lang na hahanapin na ako ni mama ng ganitong oras. Ala sais palang ng hapon at daig ko pa ang babae kung magpa-curfew sila kung gabihin man ako. "Pwede ba ako sa bahay niyo?" nakanguso siya. Nabigla ako sa sinabi niya kaya hindi ko inaasahan ang pagtapak ko sa preno. "Arrouch!" banggit niya ulit sa salitang hindi ko malaman habang hinihimas ang ulo niya. Hindi naman ito bumangga sa harapan pero kung makareact siya ay parang nasubsob talaga siya. "Anong sa bahay namin? Bakit sa'min?" hindi ko inaasahang siya mismo ang magsasabi ng ganong suhesyon. Nakakapanibago. Ni minsan hindi ako nagdala ng babae sa bahay at kung sakaling ngayon ang araw na iyon ay hindi ko alam ang magiging reaksyon nila papa. "Mabait ka naman, e." "Hindi ako mabait." seryosong sabi ko. Ngumuso na naman siya. "Mabait ka." "Hindi." "Oo." "Hindi nga." "Kung hindi ka mabait, bakit ako nasa kotse mo ngayon? Bakit mo 'ko binigyan ng betadine dito?" tinuro pa niya ang kalmot sa braso niya. "Kase babae ka." sagot ko. "Huh? Ano namang connect no'n?" lumabas ang pagtataka sa itsura niya. Ang kulit naman makipag-usap sa isang ito. Ke gandang babae, ang kulit. "May prinsipyo ako. Lahat ng nakikita kong babae, hindi dapat nasasaktan." mataman kong sabi. Natigil ang tingin ko sa mga mata niya matapos kong sabihin 'yon. Nagkatitigan kami ng ilang segundo bago ko marinig ang matunog na pag-ngiti niya. "Oh, edi mabait ka nga." pagkikibit balikat niya. "Saan ka ba talaga galing? Naliligaw ka ba? Mag-gagabi na baka hinahanap ka na sa inyo." pag-iiba ko ng usapan.  "Wag kang mag-alala. Wala namang maghahanap sa'kin." biglang naging malungkot ang tono ng boses niya. Napaisip tuloy ako bigla. "Bakit?" "Secret." masigla niyang sagot. Para siyang robot na bigla bigla nalang nagbabago ang emosyon. Mula sa pagiging malungkot ay napalitan na naman ito ng nakangiti niyang mga mata. "Hindi ko alam ang gagawin ko sayo. Seryoso." hinawakan ko ang sentido ko. Sa kaniya ko pa yata mararamdaman ang pagsakit ng ulo ko. "Sa bahay niyo nalang pwede ba? Mukha namang mapagkakatiwalaan ka, e." sumiksik siya sa bintana. Langya! Anong sasabihin ko kay mama nito? Bahala na nga! Iniliko ko ang kotse at tinahak ang daan papunta sa bahay namin. Hindi naman kami masyadong malayo kaya hindi ako nahirapang magmaneho pauwi. May iilang estudyante pa namang naglalakad pauwi na halatang galing sa kapareho kong paaralan.  Matapos kong maiparada ang kotse sa maliit naming garahe ay dumaretso ako sa pintuan ng gate kung saan nakaupo ang cute na babaeng ito. "Ito pala ang bahay niyo?" seryoso ang mukha niya at bakas na bakas ang pagkagulat dito. Wala sa oras na naitaas ko ang kilay ko. "Oo. Bakit?" tanong ko. Matagal siyang natahimik habang nililibot ang paningin niya sa paligid. "Ha?" wala sa wisyong bumaling siya sa akin. Mukha siyang nawawala sa sarili. Kung ano anong sinasabi, onti nalang talaga iisipin kong may sakit siya sa utak. "Okay ka lang ba talaga?" pag-aalala ko. "Ah oo, oo, hehe. May naisip lang." sabi niya. Halata ang pagpipilit niya ng tawa pero gayon pa man ay hindi ko na ito pinansin pa. Pinagbuksan ko siya ng gate at iginaya siya papasok sa loob ng bakuran. "Mama mo ba si Helli?" Napahinto ako sa tanong niya at  puno ng pagdududa siyang nilingon. Nakayuko siya pero makikitang nakangiti nang malungkot ang mga mata niya. "Paano mo nalaman?" kunot noo kong tanong.  "So mama mo nga siya?" pagbabalik niya ng tanong sa akin. Bakit ang hilig niyang sagutin ng tanong ang isa pang tanong? "Oo. Bakit mo siya kilala?" pagklaklaro ko. Magkakilala kaya sila ni mama? Pero ngayon ko lang siya nakita dito sa lugar namin. Nakapagtataka talaga siya, kilala niya ako at ngayon kilala niya si mama? Napalingon ako bigla sa pintuan namin dahil sa dahan dahang ingay na narinig ko dito. Senyales na may papalapit sa pinto. "Nandito ka na pala, Denz. Bakit hindi ka pa pumapasok? bakit ngayon ka lang?" nag-aalalang tanong ni mama nang makita ako. Lumapit ako sa kaniya at nagmano, iniisip kung paano ko ipapaliwanag ang kasama ko. "Ah, ma..." tawag ko dito. Lumapit ako sa kaniya para bumulong. "May kaklase po kasi akong babae, pinalayas sa kanila. Baka pwedeng... ano... dito muna siya?" pagsisinungaling ko. Kumunot ang noo ni mama at tumingin sa likuran ko bago ibinalik ang tingin sa akin. "Kasama mo ba? nasaan siya?" normal ang pagkakasabi niya. Ngumiti ako kay mama at bumalik sa pwesto ko kanina kung saan ko iniwan si- 'yung babae. Nilibot ko ang paningin ko sa paligid para hanapin siya pero wala na. "Nasan na 'yon?" tanong ko sa sarili. Tumakbo ako papalabas ng garahe pero hindi ko din siya naabutan. Ang bilis naman niya umalis. Hindi kaya nangjojoke time lang ang babaeng 'yon? Anong nangyari don? Saglit ko pang inilibot ang paningin ko. Nilakad ko din ang daanan na pwede niyang labasan ngunit wala akong nakitang pigura niya maliban sa mga estudyanteng naglalakad din pauwi. Baka naman niloloko niya lang ako? Baliw ba siya? Bumalik ako sa bahay at ibinaba sa sofa ang bag ko. Kunot noong tinignan ako ni mama na animo'y nagtataka sa kinikilos ko. Nagkibit balikat ako at tinuro ang pinto. "Kasama ko siya kanina, ma. Hindi ko lang alam kung bakit siya biglang umalis." pagpapaliwanag ko. Saglit niya pa akong tinitigan at biglang tumawa. "Kung makapagpaliwanag ka naman anak parang may ginawa kang kasalanan." pagbibiro niya. Binuka ko ang bibig ko para sana magsalita pa pero agad ko din iyong binawi. Kung makatingin kasi siya akala mo nagdududa. "Nasan si Papa?" tanong ko, umaasang wala siya dito sa bahay. "Pumunta doon sa publishing house. May nag-order kasi sa kaniya na mahigit isang daang kopya ang gusto." sagot niya. Nakahinga naman ako ng maluwag dahil don. Ngumiti ako at nagthumbs up kay mama. "Kain lang ako, ma." pagpapaalam ko. Umakyat ako sa kwarto para makapagbihis nang madaanan ko ang nakabukas na kwarto ni papa. Hindi ko pa siya nakitang iniwan ng bukas ang pintuan ng kwarto niya. Ayaw na ayaw niya kasing may pumapasok na kung sino sino lalo na ako. Naalala ko nung bata ako. Dahil naguumapaw ang kuryosidad kong makapasok at makabasa ng isa sa mga libro niya, pumasok ako sa kwarto ng walang pahintulot ni papa. Noong araw na 'yon hindi ko naman inaasahang mapupunit ang isa sa pahinang mahalagang mahalaga daw sa kaniya. Halos isang araw niya rin akong hindi pinansin noon. Napaisip nga ako, e. Nag-iisang anak lang ako pero pakiramdam ko ay kulang pa rin ang atensyon na nakukuha ko mula sa kaniya. Naglakad ako papalabas sa direksyon na iyon. Hindi ko alam kung bakit pero parang may nagpapabalik sa akin na sumilip sa kwarto ni papa. Tutal wala naman siya ay pinapangako kong saglit lang talaga.  Umiral na naman ang pagiging kuryoso ko. Mabilis kong sinara ang pinto nang makapasok ako sa loob. "Takte." Hindi ko alam kung saan ako hihinto para kumuha ng libro. Sa loob ay may hile-hilerang bookshelves at lahat iyon ay puno ng iba't ibang kulay ng libro. Hindi ko malaman kung ano ang basehan ng pagkakaayos nila dito. Sa dulo ng kwarto ay may isang hindi kalakihang lamesa at nakapatong ang iba't ibang kulay ng mga ballpen. Lumapit ako. Ngayon ko lang nalaman na typewriter pa rin ang gamit ni papa sa pagtitipa ng kada naiisip niyang storya. Hindi ba siya nahihirapan?  Saglit pa akong naglibot hanggang sa mapansin ko ang librong nakalapag sa sahig. "Nahulog siguro." Kinuha ko iyon at aksidenteng mabasa ang title mula sa luma nitong cover page. "'Hindi tayo ang para sa huli'. Huh?" Saglit ko itong tinitigan. Halatang luma na ang libro dahil nagkukulay dilaw na ang mga pahina nito. Hindi siya masyadong makapal pero hindi rin manipis. Ingat na ingat ko itong hinawakan.  Napaupo ako sa isang couch at tinignan ang unang pahina nito. Ako si Fernando Soliva. Sa isang daang librong aking naisulat, hindi mapapantayan ang libro na ginawa ko para sa ating dalawa. Ako lang ang mayroong kopya, hindi nila pwedeng makuha. Kada pahina'y mahalaga, pagmamahalan natin dito'y nakatala. Mas lalo akong naging interesadong basahin nang makita ko ang pangalan ni papa sa unang pahina pa lang. Anong ibig sabihin niyang hindi pwedeng makuha at siya lang ang mayroong kopya? Baka hindi niya binibenta 'to. March 9, 1989, Laguna.      Hindi ko alam kung ilang beses kitang tinignan sa araw na ito. Sobrang kinis at ganda ng malaporselana mong kutis. Lalo ka pang pinaganda ng nakakaakit mong ngiti at maalon mong buhok.     Sa kasiyahang ito ay parang ikaw ang bida. Kahit sarili kong kaarawan ito ay hindi ko maisip na ako ang dapat pinagtutunan ng pansin at hindi ikaw. Tumayo ka at lumapit sa akin. Sa sobrang taranta ko pa nga ay nag-iwas ako ng tingin at nagkunyaring hindi kita nakita. Kalalaking tao pero ganito ang inaasal ko.     Nakangiti mong inabot ang regalo mo para sa akin. Nagulat ako dahil sinama ka lang naman ng kaibigan ko sa araw na ito pero nag-abala ka pang bumili ng regalo. "Pinapaabot ni Helli. Happy Birthday daw." Hindi ko alam kung anong naging reaksyon ko sa harapan mo nang iyan ang sabihin mo. Lumabas pa naman din ang malalalim mong dimple sa pisngi. Ako na yata ang pinaka-feelingerong lalaki sa oras na iyon. Bakit ka nga ba magbibigay ng regalo sa akin e ang sabi ni Helli ay sumama ka lang daw dahil nabuburyo ka sa bahay niyo? Lintek na yan! Sa araw na iyon tayo unang nagkita. Kahit pa medyo napahiya ako sayo ay inaabangan ko pa rin ang pamamaalam mo matapos mong kainin ang kalahating bilao ng palabok na paborito ko. "Una na ko, Fernand. Salamat ng marami tsaka happy birthday ulit." Natatawang sabi mo yan. Tinanguan lang kita noon dahil hindi ko alam ang sasabihin ko sa'yo. Hindi ko alam kung nahihiya ako o natatakot dahil katatapos ko lang kasing kumain ng ulam na may bagoong. Nakakahiyang maamoy mo ang hininga ko. Hanggang sa mauwi ako sa kama. Ikaw lang ang iniisip ko hanggang sa makatulog ako. Naalala kong hiniling ko pa nga sa panginoon na magkita ulit tayo. "Lord. Sana po maburyo po ulit siya sa bahay nila at magtagpo po muli ang landas namin." Sinara ko ang libro. Napahawak ako sa dibdib ko nang marinig ko ang yabag na ng gagaling sa labas ng kwarto ni papa. "Patay ka Denz!" kinakabahang bulong ko sa sarili. Dali dali akong tumakbo sa cr ni papa at nilock iyon. Gamit ang isang kamay ay tinakpan ko ang bibig ko at ang isa ay pinanghawak ko nang mahigpit sa librong binasa ko. Parang nanigas ako sa kinatatayuan ko nang mas lumapit ang hakbang na naririnig ko at tumunog ang doorknob ng banyo kung saan ako nakatago. Lintek! Bakit ngayon pa siya magc-cr?! Baka mahambalos na naman niya ako kapag nakita niya akong hawak ang librong mukhang bawal galawin. E, kasalanan ko bang nahulog sa sahig?! Pasimple kong nilock ang pinto at hindi na gumalaw pa. Paulit ulit niyang sinubukang buksan ang pinto pero natalo siya ng lock. At bakit naman nakauwi na siya agad sa bahay? Ang aga naman. "Maaaaa!" sigaw ni papa. "Maaaaa!" inulit pa nga. Patay talaga ko nito. Tinawag pa niya si mama. "Bakit?" nabosesan ko ang boses ni mama na mukhang papalapit sa amin. Kasabay non ay ang mahinang yabag ng paa ni mama at ang pagsara ng pinto. "Sira ba itong pinto sa banyo ko?" halatang nagtataka ang tono sa pananalita ni papa. Bakit kasi hindi naman sinabi ni mama na pauwi na si papa. Pinagpapawisan tuloy ako. "Hindi ah. Kaaayos lang yan nung isang buwan ah? Ako nga." sagot naman ni mama. Talagang nagvolunteer ka pa, mama! Huminto saglit ang paggalaw ng doorknob. Mayamaya ay gumalaw ito ulit pero mas malakas nga lang. Hindi ba makahalata si mama na nandito ako? Haynakoooo! "Baka naman nasira mo na naman ang lock nito?" panghuhula ni mama. Hinintay kong sumagot si papa pero saglit silang natahimik. "Hindi. Nasan ba si Denzill?" Patay na! Pareho silang natigilan. Lumayo ako sa pintuan at parang tangang naghanap ng malulusutan dito sa banyo. Magkakasya kaya ako kung ifla-flash ko ang sarili ko sa inidoro? Pucha! Nahihibang ka na ba Denzill?! Hindi ko alam pero nag sign of the cross ako nang wala sa oras. "Denzill nandyan ka ba sa loob?!" Kinagat ko ang labi ko nang sunod sunod na katok na ang ginawa ni papa. Humigpit ang hawak ko sa libro niya at pinigilan ang paghinga. Hindi niya pwedeng makitang hawak ko ito. Lalo siyang magagalit na pinakialaman ko na naman ang libro niya. Ibubuka ko na sana ang bibig ko nang magsalita si mama. "Imposible. Nagpaalam sa'kin na may groupings ang anak mo. Baka naman nasira mo na naman kanina 'yang lock." aniya. Sa mga oras na ito, gusto kong lumabas ngayon dito sa banyo at yakapin si mama dahil sa sinabi niya. I love you, ma! "Osya sige. Sa baba muna ako gagamit, hindi ko na kaya."  Napangiti ako ng todo todo nang marinig ang papaalis na yabag ng paa nilang dalawa. Dahan dahan kong binuksan ang pintuan ng banyo at saglit na sumilip. Nang makita kong wala na sila ay patakbo akong lumabas sa kwarto ni papa at hinayaang nakabukas iyon. Lumabas silang nakabukas ang pinto baka akalain niyang magkukusang sumara iyon kapag sinara ko. Mabilis akong nagtungo sa kwarto ko at nilock ang pinto. Tinitigan ko ang hawak ko. Una pa lang isa lang ang naiisip ko. Hindi kaya diary 'to ni papa? Pero base sa nabasa ko. Hindi si mama ang laman ng kwento niya kundi ang kaibigan nito. Sana lang ay hindi mahalata ni papa na wala ang isang libro niya. Kundi patay talaga ako.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD