EXIEL'S POV Tahimik ang paligid habang papalapit ako sa address na binigay ni Mr. Soler. Akala ko nga'y mali ako ng pinuntahan—isang malawak na lugar sa gitna ng tila-kakahuyang bahagi ng lungsod. Isang villa ang natunton ko. Malaki, moderno, at napapalibutan ng mga matataas na puno’t bakod na tila nagtatago ng kayamanan sa loob. Sa lawak ng bakuran, ito lang ang bahay na naroon. Nasa harap ako ngayon ng isang itim na bakal na gate, Mataas at parang hindi basta-basta nabubuksan. Nag-aalangan pa ako kung tatawag ako, nang biglang bumukas ito sa harapan ko, tila awtomatiko o may matang laging nakabantay. Lumabas ang isang lalaking matangkad, matikas ang katawan, at mukhang sanay sa combat. Naka-itim itong polo at slacks, may earpiece pa sa tainga. Halatang isa sa mga tauhan ni Mr. Soler.

