Kinabukasan ay dumating ang buong pamilya niya sa ospital. Gulat na gulat ang mga ito ng makita ang malaki niyang tiyan. Kita sa mukha ng Tatay Gener niya ang pagtataka at galit pero niyakap pa rin siya nito ng mahigpit. “Salamat sa diyos at nakita ka na ni Alex.” Bulong nito habang nakayakap sa kanya. Pinakawalan siya nito at sumunod na yumakap sa kanya ang Nanay Carmen niya habang ang Kuya Banjo niya ay nakatingin lang sa kanya. Alam niya na masaya ito na nakauwi na siya pero sa kabila noon ay nakikita din niya ang galit sa mga mata nito. “Ayos ka lang ba anak?” Tanong ng Nanay Carmen sa kanya habang nakahawak sa mga kamay niya. “Opo, Nay. Pasensiya na po kayo sa problema na dala ko. Tay, Kuya Banjo, pasensiya na po. Hindi ko po sinasadya.” Hingi niya ng sorry sa buong pamilya niya.

