Kabanata 16: Pagkubli

2398 Words
I Tulad ng inaasahan ni Dante, hindi napatay ng isang hampas ng espada niya ang halimaw. Ang kanyang sandata ay espesyal na ginawa para labanan at puksain ang mga kalabang supernatural. Kabilang sa mga ito ang anyo ni Jessica. Karaniwan, kapag nakikipaglaban si Dante, isang wasiwas lang ng espada niya ay patay agad ang kalaban kaya kinakatakutan din minsan ng mga demonyo ang mga tulad niya. Pinahina lang ng isang hiwa ng espada ang halimaw na si Jessica. Hindi agad ito namatay. Ibig sabihin, nasa ilalim ito ng kategoryang mga malalakas na kalaban ng organisasyon nina Dante. Nagbalik sa tunay na anyo si Jessica. Namula si Dante nangmakitang walang saplot ang dalaga dahil tuluyan itong napunit no’ng nagbagong anyo ito. Nakita niya ang isang puting kumot na nasa kama ng kuwarto ng ospital. Kinuha niya ito at binalot na parang lumpia ang walang malay na si Jessica. Sinisikap niyang ibaling sa kisame ang tingin habang ginagawa ang pagbalot. Ngayon lang niya narinig ang mga kalabog sa pinto ng kuwarto. Kumakatok ang mga tao at sumisigaw. “Ayos ka lang diyan?” “Ano’ng nangyari?” “Uy!” “’Ano na nangyari sa halimaw?” Ang nagpasimula sa mga ingay na ito ay ang katahimikang dulot ng pagtatapos ng mga pagpatay at ng laban. Hindi niya kayang ikubli ang mga duguang bangkay. Makikita ito ng mga tao. Nakita na rin nila ang halimaw. Nagdadalawang-isip pa siya kung gagawin niya ang pagpapalimot. Saglit niya munang inihiga sa kama ang wala pa ring malay na si Jessica at nag-isip ng dapat gawin. Naiwan niya ang tricycle sa harap ng bahay ni Vicky. Kung mapupuntahan niya ito, wala naman itong kargang gasolina. Mabuti’t malapit  lang sa pinaghintuan niya no’n ang gasolinahan. Kayang takbuhin. Pero mahihirapan siyang lumabas ng ospital na ito. Malamang at marami nang nakakaalam ng nangyayari. Lumalakas pa ang ingay sa labas ng kuwarto. Narinig na rin niya ang mga sigaw na naiiba sa mga nauna. “Umalis kayo riyan sa pintuan! Hayaan n’yo na kaming mga pulis ang kumilos!” narinig niya ang sigaw sa labas. Disgrasya. Ano kayang iisipin ng mga ito kung makita siya sa loob ng kuwarto’t napapaligiran ng mga nagtalsikang dugo’t mga nakahandusay na bangkay? Paniniwalaan ba ng mga pulis ang mga taong magsasabing halimaw ang may gawa? Hindi rin niya puwedeng gamitin ang natitirang orb para magteleport dahil nasa closed area siya. Kakailanganin niyang lumabas. Anak ng baka. Bumalik sa pagiging pluma ang sandata niya at ibinulsa saka niya kinuha sa kabilang bulsa ang natitirang orb. Ipinasan niya sa balikat si Jessica, para itong nasa isang cocoon. Saka na siya magdedesisyon kung ano ang gagawin kapag bumukas na ang pinto’t iluwa ang mga pulis. “Bubuksan na namin ‘tong pinto!” sigaw ng pulis mula sa labas ng kuwarto. Inihahanda na ni Dante ang sarili. Kailangan niyang maging maingat dahil bitbit niya si Jessica. Bumukas nang malakas ang pinto’t agad na pumasok ang dalawang pulis. Kumilos naman agad si Dante. Parang toro niyang sinalubong ang dalawang pulis, ang kabila niyang balikad ang ipinangsugod niya. Tumumba sa sahig ang isa sa mga pulis. Natirang nakatayo si Jerric, ang nagtangkang dalhin siya sa presinto. Agad itong sinipa ni Dante kaya ntumumba rin ito sa sahig. Walang malay. “Sorry sorry,” sabi ni Dante, saka lumabas ng kuwarto, bitbit pa rin si Jessica. Nalilimitahan ang kanyang mga kilos dahil sa bitbit. May mga ilang tao at staff ng ospital ang nagtangkang pumigil sa kanya, pero ginamitan niya ang mga ito ng dahas. Nagpakawala siya ng mga suntok. Pinapanatili niyang nakasara ang kamay dahil hindi puwedeng mawala sa pagkakahawak niya ang orb. Isang kamay lang ang nagagamit niyang panuntok at panulak dahil hawak ng isa ang nakapasang dalaga. Sa bawat suntok niya, nagpapaumanhin siya. Walasiyang magagawa dahil inuuna niya ang kapakanan ng lahat. Ginagamit din niya ang paa’t binti bilang opensa at depensa. Sa dulo ng hallway, nandoon ang emergency exit ng ospital. Dahil nasa second floor siya, may hagdan ang emergenci exit. Pero basta’t makalabas lang siya, magagamit na niya ang orb. Nakabangon na ang dalawang pulis. Bago pa man siya madakot ng isa sa mga ito sa balikat, agad siyang tumakbo nang matulin para tuntunin ang emergency exit. Nakasunod sa kanyang likuran ang dalawang pulis. Ginamit niya ang isang braso’t binti para basagin ang salaming pinto ng emergency exit. May ilang bubog na nakahiwa sa kanyang braso. Siya ngayo’y nakatayo sa bakal na hagdan g emergency exit sa gilid ng building ng ospital. Nang dumampi sa balat niya ang sinag ng araw, ipinikit niya ang mga mata, inisip ang imahe ng tricycle niya. Tumalon siya sa hagdan, hawak si Jessica gamit ang dalawang kamay. Nasaksihan ito ng mga pulis na nakasunod sa kanya. Bago pa siya tumalon ay ibinato na niya ang orb sa lupa’t nabasag. Bago pa man siya bumagsak sa lupa ay nilamon na siya ng pulang usok at naglaho. Nang tingnan ng mga pulis ang dapat sana ay pinagbagsakan sana ni Dante, wala silang nakita kun’di ang ilang piraso ng bubog. Sa taas ng pinagtalunán ni Dante, siguradong hindi ito makakaligtas sa bagsak. “P*cha! Parkour!” bulalas ni Jerric. “Ireport na natin,” sabi ng kasama niya.   II Nang idilat ni Dante ang mga mata, nasa loob na siya ng bahay ni Vicky. Hindi siya nagteleport sa labas dahil nag-aalala siyang may makakakita sa kanyang biglaang pagsulpot. Bitbit pa rin niya si Jessica na nanatiling nakabalot sa kumot at walang malay. Lumabas siya ng bahay, at nandoon at nakaparada sa harap ang kanyang tricycle. Kung tutuusi’y puwede na siyang magteleport deretso sa kanyang pinagtutuluyan kung sa’n niya itatago si Jessica, pero hindi niya puwedeng iwanan ang tricycle dahil baka maging ebidensya ito laban sa kanya o kailanganin ito pagdating ng tamang panahon. Ipinagkatiwala rin sa kanya ito ng nagbigay sa kanya kaya dapat din niya ingatan ito. Inihiga niya si Jessica sa sofa. May nakita siyang isang susi na nakasabit sa isang kawit sa pader. Tiningnan niya’t nalaman na tugma ito sa doorknob ng main door ng bahay. Dinala niya ang  susi at ikinandado ang pinto bago lumabas. Kinuha niya sa likod ng upuan ng tricycle ang isang container ng gasolina. Tinakbo niya ang gasolinahan, na hindi naman kalayuan, para bumili ng gasolina para makargahan ang tricycle para makaandar. Sinisikap niyang kumilos nang normal para hindi makahalata ang sinumang maaaring nasa labas na nakasaksi sa nangyari sa ospital. Agad siyang nagbayad nang mapuno na ng gasolina ang container. Nagpatuloy na siya sa pagtakbo habang bitbit ito. Nagulat siya nang mula sa isang kanto ay sumulpot si Jerric. Pareho pa silang nagulat. Agad siyang dinakma nito sa balikat at itinumba sa lupa. Napansin niya ang mga tao sa paligid na nagulantang at nanood. Nilingon niya ang pulis at tinitigan ito ng deretso sa mata. Ang ekspresyon ng pulis na determinasyon na dalhin siya sa presinto’t ikulong ay biglang napalitan ng pagtataka. “Ha?” “Bakit sir?” “Ah... sorry sorry.Ba’t ba ‘ko napunta dine?” “Ewan sir. Tinumba mo nga ako eh.” Tinulungan pa siyang tumayo ng pulis bago ito umalis. May mga narinig pa siyang tawanan mula sa mga tao sa paligid nang magpatuloy siya sa pagtakbo. Nang makabalik, agad niyang kinargahan ng gasolina ang tricycle. Binuksan niya ang pinto ng bahay ni Vicky. Nandoon at nakahiga pa rin si Jessica sa sofa. Wala pa ring malay. Buti na lang. Binuhat niya ito at isinakay sa tricycle. Isinara niya ang pinto ng bahay, iniwan niya ang susi sa loob. Pinaandar niya ang tricycle at umalis sa bayan ng San Ildefonso. Mabuti’t hindi nakilala ang tricycle niya, lalo na ng mga pulis. Ang tanging nakakita lang naman ng tricycle niya ay sina PO1 Chris, Ria, at Jerric. Patay na sina Chris at Ria. Ang masuwerteng si Jerric ay nanatiling buhay, walang ala-ala sa nangyari. Mamaya ay maiinis sa kanya ang kasama dahil wala na itong alaala ng nangyari sa ospital. Marami’ng nakasaksi sa pagbabagong anyo ni Jessica sa oval ng eskuwelahan. Siguradong pupuntahan siya ng mga tao at ituturing siyang banta. Lalo na kapag naisapubliko na ang nangyari sa ospital. Kailangan niyang itago si Jessica. Kung alam lang ng organisasyon niya na hindi niya ginagawa ang kanyang trabaho, ang puksain ang mga gaya ng mga nasa loob ni Jessica, maeekskomunikado siya. Kukuhanin sa kanya ang kapangyarihan at ang sandata. Kung wala lang sa loob ni Jessica ang mga nilalang, malamang napuksa na ito ni Dante. Habang nagbibiyahe, pinapraktis ni Dante sa isip ang mga dapat sabihin kay Jessica. Kung sino siya, kung ano siya. at ang lahat ng mga katotohanang ipinagbabawal na masambit. III Halos hindi na mahawakan ng kanyang kamay ang isang dangkal na pogs na napanalunan niya sa mga kalaro. Pawis na pawis siya dahil katanghaliang tapat. Ganitong oras niyang paboritong maglaro dahil ayaw ipabukas ni Mang Jun ang bentilador para maipahinga ito matapos ang buong gabing pag-andar. Hinihintay lang niyang dumating ang paborito niyang kalaro. “Jessica!” narinig niya na may tumawag sa kanya mula sa malayo. Nakita niya ang batang lalaki na sa tuwing nakikita niya ay sumasaya siya. Ito ang una niyang naging matalik na kaibigan. “Tara! Laro na tayo!” sabi niya sa kaibigang may hawak din ng isang dangkal na pogs. “Hu! ‘Yoko nga! Titimusin mo lang ako eh!” tugon nito. “Hindi! Laro-laro lang. Walang bayad-bayad.” “Sige.” Rinig ang mga humahampas na mga pogs sa lupa. Sa kalyeng iyon, sila lang ang naglalaro. Hindi hilig ng mga bata roon na maglaro sa ilalim ng mainit na sinag ng araw maliban sa dalawa. May ilang mga matatandang napapadaan kung sa’n sila nakaluhod at naglalaro na pinagsasabihan sila. “Nakow! Napakainit naglalaro kayo. Magkakabungang-araw kayo niyan!” Hindi naman papansinin ng dalawa ang mga naririnig. Basta’t naglalaro lang sila nang masaya. Iyon lang ang mahalaga. Kahit minsa’y tumatama ang daliri nila sa sementadong lupa dahil sa paglalaro, tinatawanan lang nila ito. Sa ‘di kalayuan, mula sa isang bahay, narinig ni Jessica ang isang sigaw na ayaw na ayaw niyang naririnig tuwing naglalaro sila nang ganitong oras. May tumawag sa pangalan ng kanyang kalaro, hudyat na ito’y pinapauwi na. “Uwi na ‘ko, Jess. Maya ulit.” Malungkot siyang tumugon, “sige sige. Mamaya.” Pagkasabi niya, saka tumakbo ang kalaro pauwi. Hindi pa man ito masyadong nakakalayo, lumingon ito sa kanya. “Ay wait!” sabi nito saka tumakbo papalapit sa kanya. “May pupun—“ “May ano?” tanong niya nang hindi na matuloy ng kaibigan ang sasabihin. Hindi ito makapagsalita. Nanlalaki lang ang mga mata nito dala ng labis na pagkagulat. Agad naman niya itong pinagtaka. Ang nakapagpabahala sa kanya ay nang dumaloy ang dugo mula sa sulok ng bibig ng kaibigan. Dumaloy pa sa leeg at sa dibdib. Hindi maintindihan ni Jessica ang nangyayari, hanggang sa makita niya ang kanyang kanang kamay na nakabaon sa dibdib ng kalaro kung nasaan ang puso nito. Agad siyang binalot ng takot. Dumadaloy ang dugo mula sa dibdib ng kaibigan.Kumalat ang kulay pula sa puti nitong sando. “Bakit, Jess?” mahinang sabi nito. Nagsimulang lumuha si Jessica. Hindi alam ang gagawin. Lalo na’t nakapako sa kanya ang tingin ng kaibigan. Hinugot niya ang kamay mula sa dibdib ng kaibigan. Lalo pa siyang binalutan ng takot nang makita na dakot na ng kanyang kamay na nababalot sa dugo ang puso ng kaibigan. Wala siyang kontrol sa katawan. Sinakal niya ang kaibigang unti-unting nawawalan ng buhay, saka binali ang leeg nito. Umalingawngaw ang tunog nito sa kanyang ulo. Parang isang matabang sanga ng puno na nabali. Bumagsak ito nang wala nang buhay, pero nanatili ang tingin sa kanya. “CALVIN!” IV Walang alaala si Jessica ng panaginip. Nagising siya nang nakahiga sa isang kama sa isang kuwarto. Hindi pamilyar sa kanya ang kuwarto. Ang sinag ng araw ay nakatutok sa kanyang mukha, pero hindi kasing init ng sa umaga. Nasa’n ako? Napatanong si Jessica sa sarili kung panaginip lang ba ang lahat. Lahat ng nangyari sa oval, sa ospital. Pero alam niya ang pagkakaiba sa panaginip at realidad. Napagtanto niyang hindi panaginip ang mga nangyari. Ang pagbabagong anyo niya bilang isang malaking cobra, ang pagiging higante niya. Ang pagpatay sa mga pulis at nurse. Ang mga tumatalsik na dugo at bumubulwak na mga laman-loob. At si... “Ate Vicky...” halos hangin lang sa bibig niya na lumabas ang mga salitang iyon. Naalala niya kung pa’no niya pinagmasdan ang blangkong tingin ng kaibigan bago ito mamatay. Wala siyang pagkakataong makaiyak no’ng mga oras na ‘yon dahil ang mga demonyo ang may kontrol sa kanya. Ngayong tao na uli siya, maiiiyak na niya ang sakit na nakubli sa likod ng anyong halimaw. Bagama’t tahimik ang pagtangis, hindi mahihigitan ang tindi ng sakit. Ang labis na pagkadurog na higit pang masakit sa kalungkutan halos walong taon na ang nakakalipas. Ang dalamhating uukit sa kanyang puso. Kung pa’nong ga’nong kasigurado na hindi mawawala sa isip niya ang masasayang alaala, gano’n din ang sakit. Hinayaan lang niyang dumaloy ang natunaw na perlas mula sa mata niya. Hindi ito natunaw na sakit. Hindi matutunaw ang sakit. Hindi na muna niya inisip kung na kaninong kuwarto siya o nasa’ng baranggay o bayan siya o kung sino man ang nagdala sa kanya rito. Hindi na muna pinansin ang mga mantsa ng dugo sa kamay niya o ang hapdi sa likod at labi niya. Hinayaan na muna niya ang sarili na umiyak. Umiyak nang umiyak. Dahil mag-isa na naman siya sa buhay. V Inihanda na ni Dante ang almusal. Nagluto siya ng pritong itlog at nagsangag ng kanin. Pinagpahinga niya muna si Jessica sa kanyang kuwarto. Kailangan niyang i-kondisyon ang sarili sa mga pagpapaliwanag na gagawin. Pinuntahan niya ang kinaroroonan ng kuwarto niya. Hinawakan niya ang doorknob at pinihit ito. Bumukas ang pinto at nakita niya ang umiiyak na si Jessica, nakaupo’t nakasandal sa headboard ng kama. Narinig ni Jessica ang pagbukas ng pinto kaya tinignan niya kung sino ang nagbukas. Nagkatinginan ang dalawa. Biglang namula si Dante. Umangat ang mga balahibo niya sa braso at batok. Kumabog nang malakas ang puso niya. Ilang saglit pa niya nakita ang dibdib ni Jessica bago ibaling ang tingin sa sariling paa. Nang mapagtanto ni Jessica na wala siyang saplot, agad niyang binalot ang katawan sa kumot. Maging siya’y namula. Wala siyang pakiramdam na nakipagtalik o ano pa man. Naalala niya ang pagbabagong anyo niya. Napunit ang kanyang kasuotan. “Ano’ng—“ hindi natapos ni Jessica ang tanong kay Dante na nakatingin pa rin sa baba. “Ipapaliwanag ko sa ‘yo lahat. Magbihis ka muna. May mga bagong damit diyan. Ta’s pumunta ka sa kusina. May almusal do’n,” pagkasabi nito’y sinara na niya ang pinto ng kuwarto. Pinipilit alisin sa isip ang nakita. Habang nagbibihis si Jessica, naramdaman niya ang hapdi sa likod niya. Naalala pa niya no’ng hiniwa siya ni Dante gamit ang espada habang siya’y nasa anyong halimaw. Nang matapos magbihis, lumabas na si Jessica at pumunta sa kusina. Inihahanda niya ang sarili para sa mga kasagutan sa ilang tanong niya at mga katotohanang ibabato sa kanya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD