Kabanata 12: Bangungot

1706 Words
I Halos masuka si Vicky nang ipakita ng isang kaklase ang isang litrato sa cell phone nito. “Sh*t! Ano ba ‘yan, Eman?” Nakahawak si Vicky sa bibig niya. Narehistro na ang imahe sa utak niya, at sa tuwing maalala niya ito, para siyang masusuka. Agad na hinawi ni Vicky ang cell phone ni Eman na kumportableng-kumportableng nakaupo sa sofa katabi ang kaklase. Pumunta si Eman sa bahay ni Vicky para ibigay ang isang flashdrive na naglalaman ng mga files na kailangan para sa ginagawa nilang thesis. Magkaibigan din ang magkaklase, pero hindi kasing lalim ng kay Jessica. Kahit matagal nang kilala ni Vicky si Eman kaysa kay Jessica, mas malapit siya kay Jessica. Naipakilala na ni Vicky kay Jessica ang kaklase. Ipinakita ni Eman ang kinuha niyang litrato ng natagpuang tatlong bangkay sa banyo ng Vedasto College. Napansin ng nagmemerienda sa kusina na si Jessica ang naging reaksiyon ni Vicky nang tignan ang litrato sa cell phone ni Eman. Nakaramdam ng kuryosidad si Jessica. Lumapit siya sa magkaklase upang tignan din ang litrato. Sumabog ang puso niya nang makita ang litrato; sina Jhen at ang kasama niyang dalawang babae, ang mga nagbanta sa kanya no’ng nasa banyo siya ng eskuwelahan. May malaking butas ang ulo ni Jhen at nakapihit naman ang leeg ng dalawa nitong kasama. Nalaman ni Jessica na grabe pala ang nagawa niya. Napakabayolente ng nasa loob niya. !! Masasanay ka rin, Jessica !! Hindi kinaya ni Jessica ang nakita. Magkahalong takot, labis na pagkabigla, at pandidiri ang naramdaman niya, dahilan para masuka siya. Kita sa sahig ang kinakaing palitaw kanina ni Jessica, kasama ang mga ibang likido at piraso ng kung ano na hindi gugustuhin makita ng kahit na sino. Tama ang sinabi ng mga demonyo sa loob niya, hindi niya gugustuhing makita kung ano ang ginawa niya (nila). “Ay, jusko Jessica!” napasigaw si Vicky. Lalo pa niyang gustong masuka nang makita ang isinuka ni Jessica sa sahig. Napatili naman si Eman. “Ay, sis! Mas mahina pa pala ang sikmura ng friend mo kaysa sa ‘yo!” “Sorry Ate,” sabi ni Jessica, “lilinisin ko na lang.” Saka umalis si Jessica para kumuha ng mga panglinis sa banyo. Nagpatuloy sa kuwentuhan ang magkaklase. “Sino ba ‘yung patay?” tanong ni Vicky. “Hindi ko masyadong nakita eh. Saka ayaw ko nang makita. Kadiri.”  “’Di ba kilala mo si Jhen? Jhen Diaz? ‘Yung siga sa school,” may pagkamalambot ang boses ni Eman. “Oo. Bully talaga ‘yang babae na ‘yan! ‘Yung kaklase ko no’ng highschool, si Lanric, in-spray-an niya ng spray paint. Kaya nagmukhang si Hellboy si Lanric no’n. Na-trauma nga ata eh.” Kumuha si Vicky ng isang mint candy mula sa bulsa para hindi masuka. “Karma. Buti nga sa kanya,” supladong pagkakasabi ni Eman. “Uy, grabe ka naman.” “Totoo naman eh. Pero bes, kung nakita mo lang talaga nang actual. Nako baka maisuka mo ‘yung bituka mo.” “Luka!” Lumabas si Jessica mula sa banyo nang may dalang basahan at timba ng tubig. Inumpisahan niyang linisin ang suka niya sa sahig. Nakikinig lang siya habang itunuloy ni Eman ang pagkukuwento. “Grabe ‘yung pagpatay, pramis.” “Pa’no n’yo naman nasabing pagpatay, malay n’yo aksidente lang?” may duda sa boses ni Vicky, salubong ang mga kilay. “E bes, kung makikita mo nga, mafi-figure out mo na murder ‘yung nangyari. ‘Yung butas sa noo ni Jhen, hindi nila alam kung pa’nong naging aksidente ‘yon. More likely daw na talagang pinatay. Nakita nga ‘yung lata ng spray paint sa sahig. Puro dugo. Eh nakita na halos kasing laki no’n ‘yung butas sa ulo ni Jhen.” “Ede, ginamit ‘yung spray paint na ‘yon para butasin ‘yung ulo ni Jhen? Parang imposible naman ‘yun.”  “Oo nga, ‘yun din ang sabi ng mga tao do’n. At ‘yung dalawa niyang kasama, ‘di ko sila kilala, pero alam ko, ‘yung isa sa kanila, anak ng may-ari ng milk tea shop sa bayan,” lumunok si Eman, maging siya ay hindi kumportable sa pagkukuwento. “Binali ‘yung leeg nila. As in, grabe ‘yung pihit, one hundred eighty degrees! Ay Jusko! Pinagsiksikan pa ng killer sa iisang cubicle ‘yung tatlong bangkay. Grabe talaga.” Nanginginig ang kamay ni Jessica habang pinupunasan ang sahig. Alam niya sa sariling siya ang killer sa pahayag ni Eman. Ang hindi kilalang killer. Iniisip niya kung walang nakitang talsik ng dugo si Vicky sa damit niya no’ng araw ng seminar sa eskuwelahan. Hindi niya alam kung may mga ebidensyang magtuturo sa totoong naganap. Mga ebidensya o saksi na magtuturo sa nag-iisang suspek. Siya. !! ‘Wag kang praning, Jessica. Maingat kami. Walang makakaalam !! “Ano na balita sa nangyari?” tanong ni Vicky sa kaklase. “Ewan. Baka iniimbestigahan na,” maingat na sagot ni Eman dahil hindi rin niya alam kung ano ang sunod na nangayri. “Grabe ‘yung nangyari na ‘yun sa side ng pamilya nila.” “Dapat mag-conduct ng curfew ‘pag naulit pa ‘yung mga pagpatay. Delikado kung nandiyan lang sa tabi-tabi ‘yung killer, nag-aabang ng biktima.” Ang hindi alam ni Vicky, malapit lang sa kanya ang killer. Nagpupunas ng sahig. Kasama niya sa bahay araw-araw. Kaibigan niya. Wala siyang kaalam-alam. “Wala siyang puso. Napakagrabe niya. Malamang ay may napatay pa siyang iba. Dapat lang na mahuli siya at mabulok sa kulungan.” “Tama, sis,” pagsang-ayon ni Eman. Pero sa loob-loob ni Eman ay tama lang ang nangyari kay Jhen Diaz. Natapos nang maglinis si Jessica ng pinagsukahan sahig. Ibinalik na niya ang mga gamit sa pinagkuhanan. Ginhawa sa kanya na makalayo sa dalawa. Hindi niya gusto ang naririnig, lalo na ang mga salita ni Vicky. Kahit sigurado si Jessica na walang alam ang kaibigan tungkol sa nangyayari sa kanya, pakiramdam niya’y pinapatamaan siya. Parang sibat na tumatama sa kanya. Nasasaktan siya. Ang akala niya’y imamanipula ng mga demonyo sa loob niya ang emosiyon niya, para hindi siya makaramdam ng sakit. Pinagdududahan ni Jessica ang kredibilidad ng mga nilalang sa loob niya, sa kakayahan nilang kontrolin ang emosyon niya, hindi ang kakayahan nilang kumuha’t kumain ng buhay ng tao. Mayro’n sa loob ni Jessica na nagsasabing aabot din sa punto na magiging kagila-gilalas ang kapangyarihan ng mga demonyo sa loob niya. Pero ngayon, hindi pa sapat ang lakas ng mga ito para ipakilala ang (mga) sarili sa mundo. Isang bala lang siya. II Tahimik na humihikbi si Jessica. Hindi siya makatulog. Nakatuon ang kanyang tingin sa kisame habang pinapakinggan ang tunog na ginagawa ng air conditioner ng kuwarto. Inaabangan din niya kung may sasabihin sa kanya ang mga nilalang sa loob niya. Naramdaman ni Jessica ang tumutulong luha na umabot na sa kanyang tainga. Pinunasan niya ito at tumagilid ng pagkakahiga. Hindi pa rin niya makalimutan ang mga sinabi ni Vicky. Pilit niyang sinasabi sa sarili na hindi alam ni Vicky na siya ang tinutukoy nito, na walang alam si Vicky, para maalis ang bigat ng kalooban. Pa’no pa kaya kung malaman ni Vicky ang katotohanan? Na ang kaibigan niya’y nakipagsundo sa (mga) demonyo, at nagdulot ng mga pagpatay. Baka palayasin siya nito. O mas malala pa. Itakwil. Pandirihan. Katakutan. Layuan. Inalis niya sa isipan ang mga bagay na ito dahil sinasaktan lang niya ang sarili niya. Kung may taong ayaw niyang mawala, si Vicky iyon. Kung pupuwede lang, lalayasan niya ang sitwasyon niya ngayon, para bumalik ang lahat sa normal. Pero may pumipigil sa loob niya na umalis. Narinig niya sa usapan ng mga nilalang sa loob niya na kailangan nila si Vicky para sa kanyang pisikal na kalakasan at kalusugan. Pinunasan ni Jessica ang luha sa kanyang mukha at sinikap na palakasin ang loob. Kung matutulog siya, mawawala na ang iniisip niya. Hinintay niya muna kung may sasabihin sa kanya ang mga demonyo sa loob niya. Wala. Mayro’ng mga pinaparating ang gusto nilang ipahiwatig nang hindi gumagamit ng salita. May mga mensahe’t pangitain na ipinapadala sa pamamagitan ng ibang kaparaanan. III Nakita ni Jessica ang sarili na  nakatayo. Hindi niya matukoy kung nasa’n siya ngayon. Ang paligid ay puro kulay puti. Sa mga pagsulat, tinatawag itong white room syndrome. Nararamdaman niya na may maliliit na kung ano na tumatama... bumabaon sa kanya. Nakakaramdam siya ng sakit, ngunit hindi niya ito pinapansin. Sinasabayan ng pagtama sa kanya ng kung ano ang mga putok na hindi niya malaan ang pinanggagalingan. Kaunti pang persepsyon. Nalaan niyang binabaril siya. Bala ang mga maliliit kung ano ang bunabaon sa kanya. Tatlong pulis ang may hawak ng baril. Ang kanilang mukha ay hindi malinaw, parang mga tao sa balita na tinatakpan ang pagkakakilanlan. Hindi niya matukoy kung ano ang kasarian ng mga ito. May sinasabi sila, pero hindi niya maintindihan. Nagulat siya nang napagtanto na maliit ang tingin niya sa tatlong pulis.Lumiit ba sila, o lumaki siya? Batid ni Jessica na naging halimaw na naman siya, gawa ng mga demonyo sa loob niya. Ngayon lang niya naramdaman kung pa’no pumatay habang nananatili ang kamalayan, hindi tulad no’ng  mga nakaraang pagpatay. HIndi ito nagugustuhan ni Jessica. Hindi niya gustong nakikita ang sarili niya na pumapatay. Habang pinapanood ang kislap ng mga putok ng baril, bigalng naging madilim ang lahat. Nawala ang kanyang pananaw, pero nanatili ang pandinig. Narinig niya ang mga sigawan ng sakit at panaghoy. May mga tunog na hindi niya maintindihan kung ano. Mga tunod ng tumitilamsik, napupunit, at nadudurog. Pagkatapos ng mga nakakakilabot na mga tunog na ito, bumalik ang kanyang paningin.Nakahandusay sa sahig ang tatlong bangkay ng pulis. Sa sulok ng bahay, nakita niya ang isang babae. Parang estatwa na nakatayo sa sulok ng kung nasa’n man sila. Nilapitan niya ang babae at inakot niya ito gamit ang malalaki niyang kamay. Inilapit ito ni Jessica sa kanyang mukha. Nakita niya kung sino ang babaneg ito. Si Vicky. Hindi hindi hindi!!! sigaw ni Jessica sa isip. ‘Wag si Ate Vicky!!! Ayaw niyang gawin, ngunit gumagalaw ang katawan niya na hindi ayon sa gusto niya, kun’di ayon sa kung sinu-sino man ang nasa loob niya. Nakikita ni Jessica ang mukha ni Vicky. Para itong manika, blanko ang ekspresyon, pero kung titignan pa nang mas maiigi ang mga mata nito, makikita ang magkahalong takot at pagkamuhi. ‘WAAAAAAAAAAG!!! Inilapit pa niya si Vicky kanya at...   IV ...nagising si Jessica. Sumambulat sa kanya ang sinag ng araw nang idilat niya ang mga mata. Malakas ang t***k ng puso niya’t mabilis. Nanginginig ang mga kamay niya’t pawis na pawis. Tagaktak din ang pawis sa buong katawan niya, lalo na sa noo. Mabilis ang kanyang paghinga na para bang tumakbo siya nang napakalayo, hingal na hingal. Hindi niya alam kung bakit gan’to ang nararamdaman niya nang magising siya. Nakalimutan niya kung ano ang napaginipan niya. Pero siguradong may isang bagay sitwasyon na magpapaalala sa kanya nito, gaya rin ng nararanasan ng iba.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD