Kabanata 20: Tawag

1996 Words
I Malambot ang sofa sa sala ng tinutuluyang bahay ni Calvin kaya puwedeng tulugan. Inalok niya kay Jessica ang kama niya. Do’n niya muna papatulugin ang kaibigan at siya naman sa sofa. No’ng una ay nahihiya pa si Jessica, dahil tingin niya’y nagiging pabigat na naman siya tulad ng naramdaman niya no’ng nakikituloy siya kay Vicky no’ng nasunog ang bahay niya. Inaya pa niya si Calvin na tabi na lang sila sa higaan. Namula si Calvin sa alok na ito ng kaibigan. Natutukso pa siyang pumayag, pero palagay niya’y hindi tama iyon. Alas nueve pumasok si Jessica sa kuwarto para matulog, habang si Calvin ay nahiga na sa sofa. Kumuha lang siya ng isang kumot at unan para magamit. Sa kanyang pagkakahiga sa sofa’y hindi siya makatulog at wala siyang balak matulog agad dahil tatawagan niya ngayong gabi ang isa sa mga lider ng organisasyon nila ukol sa kaso ni Jessica. Kay Legion. Kailangan niya munang makumpirmang tulog na si Jessica bago tumawag. Makalipas ng halos dalawang oras ng paghiga’t pagtitig sa kisame, tumayo si Calvin at lumabas ng bahay. Bumungad ang mga bahay na hindi tinitirhan. No’ng tumira dito si Calvin, pinili niya ang Canon St. ng subdivision. Sa kalyeng ito’y tatlong bahay lang ang tinitirhan, kasama ang sa kanya. Ang tawag ng mga residente sa kalyeng ito ay Ghost Street dahil walang masyadong tao. Ito rin ang panakot ng mga magulang sa kanilang mga batang anak para hindi lumabas ng bahay. Mula sa bulsa ay inilabas ni Calvin ang cell phone niya. Luma ang model; black and white ang screen, de pindot na keypad, at may antenna ng radio. Aksidente niyang nabali ang antenna no’ng bagong bili pa lang ito. Pinuntahan niya ang icon ng contacts. Ang tanging mga laman nito ay mga number ng kasamahan niya sa organisasyon. Ang mga pangalan sa contact ay hindi tugma sa totoo nilang pangalan para walang maibigay na impormasyon. Kasama sa contacts ang pangalan ng kanilang lider. Ang organisasyon nila sa bansa’y nahahati sa bawat rehiyon. Ang lider niya ay lider ng mga nadestino sa region III. Ang pangalan ng lider nila ay Tony, dating Ramon. Pero ang nasa contacts ni Calvin ay Aling Neneng. Pinindot ni Calvin ang dial. Nag-ring. “Hello? Dante?” sa edad ni Boss Tony na cincuenta, parang binata pa rin ang boses nito. “Boss,” sinisikap ni Calvin na hinaan ang boses para walang makarinig. “Ba’t tumawag ka?” “Kumusta na kayo riyan, Boss? Okay pa ba?” “Gabi na’t tigilan mo ‘ko sa ganyan-ganyan mo. Ba’t tumawag ka? May problema ka ba riyan?” “Boss, naalala n’yo nu’ng orientation?” “O. Ano mayro’n do’n?” “Diniscuss do’n ‘yung iba’t ibang demonyo na puwede naming makalaban.” “Oo. Teka, wala ka bang kasama riyan? Sigurado kang mag-isa ka riyan?” “Oo, boss. Wala namang tao sa paligid,” sinilip pa sandali ni Calvin ang loob ng bahay para makasigurado. “Alam n’yo ‘yung legion, Boss?” “Oo, ‘yung libo-libong magkakasamang demonyo. Isa pa lang ata nahaharap kona gano’n. Ba’t mo natanong?” “May babae po akong kinupkop,” hindi puwedeng sabihin ni Calvin na magkakilala sila ni Jessica. “May Legion siya sa loob niya, Boss.” “HA?!” sumakit ang tainga ni Calvin sa pagkakasigaw na ‘yon ni Boss Tony. “Sino may sabing puwede mong gawin ‘yan?!” “Boss, puwede naman ‘di ba kung kailangan talaga? Saka buburahin ko naman ‘yung alaala niya pagkatapos.” Napakamot na lang sa ulo si Calvin. “ Pa’no mo nalamang Legion ang nasa loob niya. Kinilala mo ba? Ginamit mo ‘yung kapangyarihan mo?” “No’ng una boss, hindi ko alam na si Legion ang nasa loob niya. Nakita ko na lang na nag-transform siya. Malaking Cobra. ‘Di ba hindi naman nagagawa ‘yon ng mga may sanib? Ang masama pa, may mga nakakitang iba na hindi ko nabura ang isip.” “Anak ng bakang baog!” “Easy lang, Boss. Papatulong na lang sana ako sa mga kasama ‘pag natapos na. Kasi naman, no’n lang ako naka-encounter ng gano’n. Hindi naman kami nasanay kung pa’no harapin ‘yung Legion kasi hindi n’yo naman inaasahan na makakaharap kami ng gano’n, saka sabi rin sa orientation na very rare lang ‘yung gano’ng case. Kaya medyo pumalpak ako. ‘Sensya na, Boss.” “Naiintindihan ko naman. May kakulangan din kaming mga lider. Hindi kami nagdesisyong ipagkatiwala sa inyo kapag may Legion, laging kami,” parang biglaang nagbago ang mood ni Boss Tony. “Buti na lang at tumawag ka. Kumusta naman ‘yung babae?” “Neutral siya ngayon, Boss. Nanghihina pa si Legion sa loob niya. Paturo na lang boss kung pa’no papalayasin si Legions sa katawan niya. Nasanay lang kami kung pa’no magpaalis ng isa, pero hindi namin alam kung pa’no magpaalis ng libo-libo. Pa’no ba, Boss? Nang matapos na. Para mabura ko na ‘yung alaala niya.” Walang tugon sa kabilang linya. “Boss?” Bumuntong hininga muna si Boss Tony bago sumagot. “Hindi puwede.” “Ha?” “Hindi nakakaalis ang Legion sa katawan. Isang beses lang nagyari na may nakapagpalayas ng Legion, hindi na naulit. Pero may isang paraan naman para mapaalis ang Legion.” Nabuhayan ng loob si Calvin. Gustong-gusto niya niya marinig ang solusyon. “Ayos! Ano, Boss?” Ilang segundong katahimikan bago sumagot mula sa kabilang linya si Boss Tony, “Patayin mo siya.” Parang sibat na tumama kay Calvin ang sinabi ng kausap sa kabilang linya. Gusto niyang paniwalaan na binibiro lang siya, pero wala sa ugaling mga lider ang magbiro, lalo na kung seryosong bagay ang pinag-uusapan. “Ano?!” “HIndi napapaalis ng salita o ritwal ang Legion. Sa kasaysayan ng organisasyon natin, wala pang napapalayas na Legion. Wala kang magagawa kun’di tapusin ang buhay ng babaeng iyan. Masakit, pero kailangan mong gawin. Para na rin sa kaligtasan ng lahat.” “Wala bang iba, Boss? Nakasaad sa batas natin na bawal pumatay ng tao? Saka, ano ba ang ginawa n’yo dati sa sinapian ng Legion no’n?” Hindi matanggap ni Calvin ang sinabi ni Boss Tony. Hindi niya papatayin si Jessica. Siguradong may iba pang paraan. “Sa kasong tulad nito, kinakailangang gawin ang pagkitil para sa ikaliligtas ng lahat. Saka ano lang naman ang buhay ng isang tao kumpara sa buhay ng lahat,” dito nagpanting ang tainga ni Calvin. May pagpapahalaga siya sa buhay ng tao. “Saka ’yung nangyari no’ng nakaraan, kinailangan namin kitilin ang buhay ng tao para umalis ang Legion. Sa katunayan, asawa ng isang lider ang sinapian. Sa una’y hindi niya matanggap, pero sa huli, siya pa mismo ang gumawa ng trabaho.” “Hindi ko ‘to magagawa, Boss. ‘Di ko kaya. Ayaw ko,” bahagya nang nababasag ang boses ni Calvin. Iniisip pa lang niya na papatayin niya si Jessica ay parang binibigti na niya ang sarili niya. “Dante, hindi ako nakikiusap. Direktang utos ‘yan galing sa ‘yong lider. Bilang pinili, kailangan mong gawin ang trabaho mo,” may diin sa mga salita ni Boss Tony. Indikasyon na seryoso siya sa kanyag mga salita. “’Pag hindi mo ginawa, dadating ang araw na kikilos si Legion at marami pang mapapahamak. Saka ano ba’ng koneksyon mo riyan sa babae? Hindi mo naman kaano-ano.” Gustong sagutin ni Calvin ang tanong. Siya lang naman ang babaeng minahal ko mula pa no’ng pagkabata. Ang babaeng hindi naalis sa isip ko. Pero hindi niya ito nasambit. “Boss, ‘sensya na. ‘Di ko talaga kaya. Hahanap ako ng ibang paraan.” “WALA NANG IBANG PARAAN!” nagulat si Calvin sa pagkakasigaw ni Boss Tony. “Kapag hindi mo ginawa ang trabaho mo, ekskomunikado ka na! ‘Tindihan mo?!” Hindi na sumagot si Calvin, na tinatawag ni Boss Tony na Dante. Pinutol na niya ang linya. Hindi baleng matiwalag siya, basta hindi niya papatayin si Jessica. Pero iniisip din niya ang mga sinabi ng boss niya. Malaki ang tyansa na marami pa ang mapahamak. Sa puntong ito’y nagiging makasarili siya. Bago ibulsa ni Calvin ang cell phone, tumunog pa ito. Nag-send ng isang text message si Boss Tony.   FROM: ALING NENENG KUNG D MO MAGAGAWA ANG TRABAHO MO, KMI ANG GAGAWA, SKA MO KALIMUTANG ‘PINILI‘ KA. Hindi na tumugon pa si Calvin. Pumasok na siya sa loob. Bagama’t palagay niya’y hindi tama, binuksan niya ang kuwarto kung saan natutulog si Jessica at pumasok. Mahimbing itong natutulog habang nakabalot sa kumot. Sa kabila ng dilim, ay nakikita pa rin niya ang maamong mukha nito. Pinagmasdan niya si Jessica. Lalo pa itong gumanda no’ng nagdalaga. Hinipo ni Calvin ang noo ng kaibigan hindi upang silipin si Legion na nasa loob niya. Sana hindi na kita iniwan no’n, isip ni Calvin. Sorry. Ako ang bahala sa ‘yo. Ayaw niyang harapin ang katotoohanan. Umaalingawngaw pa rin sa isip niya ang utos ng Boss. Hindi niya magagawang saktan si Jessica (maliban na lang kung nasa anyong halimaw ‘to), pa’no pa kaya kung paslangin? Hindi niya magagawang patayin ang babaeng naging bahagi ng buhay niya. Masakit na sa kanya kung buburahin niya ang alaala niya, pa’no pa kaya kung tuluyan na siyang mawala. Bumalik si Calvin sa sofa at nahiga. Umagos ang luha niya. Ayaw niyang tanggapin ang katotohanan na sinasabi ng kanyang dugong pinili. Hahanap ako ng paraan, pangako ‘yan. Papaalisin ko si Legion sa ‘yo. Tatalikuran ko na ang aking tungkulin, at magsasama na tayo. Ikaw na hindi naalis sa isip at puso ko kahit nagdaan ang maraming taon. II Madaling araw nang nagising si Calvin dahil sa isang sigaw. “HINDI MO KAMI MAPAPAALIS! ISA KANG HANGAL!!!” Agad na dumilat ang mga mata niya at nakitang nakatayo si Jessica sa harap niya. May hawak itong kutsilyo. Akmang itatarak na ni Jessica ang kutsilyo sa dibdib ni Calvin. Dahil sa mga training niya dati, nagawa niyang depensahan ang sarili. Nahawakan niya ang braso ni Jessica bago pa man dumikit ang dulo ng talim ng kutsilyo sa damit niya. “Jessica!” sigaw niya. Itinulak niya si Jessica. Tumumba ito sa sahig, at nabitiwan ang kutsilyo. “Kung inaakala mong may paraan para mapaalis mo kami, baliw ka!” sigaw ni Jessica. Muli nagsisilbi na naman siyang marioneta. Nasa mga daliri ni Legion ang mga tali. Nabatid na agad ni Calvin na si Legion ang kasalukuyang kumokontrol kay Jessica, “Hinang-hina ka na, Legion. Ta’s nagawa mo pang kontrolin si Jessica? ‘Di ba limitado na ang lakas niyo? Kung ako sa inyo, titipirin ko na ang natitirang lakas ko.” “Mali ang paniniwala mo. Umuunti ang lakas namin, pero kahit kailan ay hindi ito nauubos. Maging limitado man ang kakayahan namin, laging may matitira at matitirang lakas, kahit kapraso. Hindi man sapat para maging makapangyarihan.” “Ngayon lang ako nakakita ng kalabang sinasabi ang mga sikreto niya.” “Sinasabi ko sa ‘yo ‘to para ipaalam sa ‘yo na kahit ano’ng gawin mo, hindi mo kami mapapaalis sa katawang ‘to! Kahit gustuhin man namin, hindi kami makakaalis.” Nakita ni Legion na binunot ni Calvin ang pluma mula sa espada. “Syempre, puwera na lang kung papatayn mo si Jessica.” Lumakad siya nang dahan-dahan papalapit kay Calvin. “Hindi mo naman papatayin ang mahal mong kaibigan, ‘di ba?” Nadala si Calvin sa mga sinabi ni Legion. Lalo pa siyang nawalan ng pag-asa na mabalik sa dati si Jessica. “Hindi...” Walang anu-ano’y sinapak ni Legion si Calvin. Sa sobrang lakas ay tumilapon pa si Calvin at tumama sa pinto. “Ikaw na lang ang papatayin ko!” Tumayo si Calvin mula sa pagkakatumba. Dumaloy ang dugo mula sa sulok ng kanyang bibig, pinunasan niya ito. “Mukhang bigay todo ka na ah. Tingin ko hinang-hina ka na ngayon.” Alam ito ni Legion. “Hahanap din ako ng... ugh” unti-unti nang nanghihina, dahilan para unti-unting mawalan ng kontrol kay Jessica. Kahit ang simpleng pagkontrol nila kay Jessica ay nakakapagpabawas ng lakas nila. “Hahanap din ako ng tamang pagkakataon para... grah!... mapatay ka. Sapat na ang isang buhay gaya ng iyo, para mabigyan kami ng sapat na lakas. Gaya ng... ahck... gaya ng kung pa’nong sumapat ang dalawang isda at limang tinapay sa... mahigit limang... libong... tao,” napaluhod na si Jessica. “Kahit pinili kayo, hindi n’yo kami mapapantayan kapag... minanipula na namin... ang katawan ni... Jessica... para gumawa ng isang kalabang hindi... n’yo... pa... nakikita,” pagkasabi nito, tumumba na ang walang malay na si Jessica. Wala na ang kontrol ni Legion. Agad siyang pinuntahan ni Calvin. Hinipo niya ang noo ni Jessica, no’ng una’y nag-aapoy ito sa lagnat, pero agad din namang nawala. Binuhat niya si Jessica at muling inihiga sa kama. Hinila niya ang kumot hanggang sa leeg ni Jessica. Mula sa kusina’y kumuha siya ng isang upuan at ipinasok sa kuwarto. Naupo siya do’n at binantayan si Jessica. Hindi siya natulog no’ng magdamag na iyon. Ayaw niyang magkaroon ng pagkakataon si Legion para mapatay siya. Ayaw niyang magkaroon ng pagkakataong lumakas sila.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD