3rd PERSON Ilang linggo ulit na hindi nanuod ng gig si Calai sa bistro. Pero ayon kay Kim, pinadadalhan siya ng dalaga ng allowance. Madalas silang magka kwentuhan ni Chris. Nakikibalita si Chris kay Kim kung kumusta na si Calai, at nalaman niya nga sa bata na madalas lumabas sila Calai at Jake, pero hindi pa rin daw nagpapaligaw ang dalaga. Naisip ni Chris na parang ganun na rin naman yun, lumalabas sila, palaging magkausap, madalas magkasama. Palagi pa ring tinetext ni Chris si Calai, pero dahil nga ang alam ng dalaga ay nobya niya si Jenny, tipid lang ang mga sagot nito. Isang araw ay nagdesisyon si Chris na puntahan si Calai sa school para makapag usap sila. Doon niya pupuntahan sa opisina para walang ibang makakarinig sa kanila.
CALAI “Ms. Vergara, someone’s here to talk to you,” sabi ng secretary matapos kumatok at buksan ang pinto ng opisina ko. “Okay, papasukin mo na lang.” Nagulat ako nang makita si Chris. Napatayo ako, at umupo lang ulit matapos ko siyang papasukin at paupuin sa harap ng table ko. “What brings you here?” tanong ko sa kanya na bakas ang gulat sa aking mukha, pero nakangiti naman ako. “Calai, I want to talk to you, please let me talk to you.” “Lagi naman tayong nag uusap Chris ah,” sabi ko sa kanya. Umayos siya ng upo paharap sa akin. “Calai, Jenny is not my girlfriend. She was my ex-girlfriend, yes. We were together for 2 years before she left,” “It’s okay, Chris,” putol ko sa kanya, “katulad ng sinabi ko noon, wala kang kailangan ipaliwanag.” Nakangiti pero may kirot sa dibdib na hayag ko sa kanya. Hinawakan niya ang kamay ko, at mataman akong tiningnan sa mga mata.
CHRIS “No Calai, you need to know, you have the right to know. Jenny came back to fix their house, kaya palagi kaming magkasama kasi sa amin siya nagpapatulong for the repairs, and to put it on the market for rent. Inamin niya sa akin na gusto niyang magbalikan kami, but I told her off, kasi nililigawan na kita. Sinabi ko sa kanya na wala nang balikang mangyayari dahil hindi ko na siya mahal. My mistake was that I’ve been comfortable enough na akala ko I’m just helping a friend, and that you would understand. It was my mistake na hindi sa akin nanggaling na ex ko siya, and also my mistake when I let her come between us. Ikaw ang gusto ko Calai,” direcho akong nakatingin sa mga mata niyang nagsisimula na namang magtubig. Paano ko ba mapipigilan na mapaluha siya. “Inamin niya sa akin lahat ng sinabi niya sa’yo, and I am truly sorry for that. Kaya ka pala nag desisyon na maging magkaibigan na lang tayo because she kept on spreading the rumor na nagkabalikan na kami, kay Kim ko lang nalaman yun. I am sorry for causing you pain, Calai. And for not being brave enough to face you, and explain things to you. I tried, pero palagi kang hindi available tuwing yayayain kitang lumabas. Kahit nagkaka text at usap tayo sa phone, ramdam kong iba na, malayo na ang loob mo sa akin. And I don’t know what else I could do to bring back how we were.” pinunasan ko ng aking panyo ang mga mata ni Calai, na ikinagulat niya naman kaya nag angat siya ng tingin sa akin. Pilit siyang yumuyuko para itago ang mga luha niya. “I know that you are seeing someone now,” Nagtataka siyang nakatingin sa akin. “I saw you with someone after our gig. Calai, please give me another chance, I will not mess it up this time,” naghihintay ako ng sagot niya. Pero tila malalim na sa pag iisip si Calai. Tumayo ako, lumapit sa kanya, hinalikan ko siya sa noo, at lumabas na ng opisina niya. Nang mapadaan ako sa may bintana, nakita ko ang pag iyak ni Calai. Gusto ko siyang yakapin, damayan, pero mas pinili ko nang umalis, dahil hindi ko na rin mapigilan ang paghapdi ng dibdib ko, at pagbagsak ng mga luha ko.
CHRIS Nagulat sila David nang humingi ako ng ilang araw na pahinga. Nag file din ako ng leave sa opisina nang matapos ko na ang mga pending duties ko. Kailangan ko lang rin muna mapag isa. Pagkatapos naming mag usap ni Calai, ay hindi pa rin kami muling nagkikita. Hindi ulit siya pumunta sa gig. Sabi ni Kim maysakit daw. Pinadalhan ko siya ng donuts kinabukasan, at nag text naman siya at nagpasalamat, ngunit wala pala siya sa opisina ilang araw na. Nag leave din pala ito para makapagpahinga. Mabilis magkasakit si Calai lalo na kapag maraming iniisip. Na guilty naman ako dahil ako ang dahilan ng malalim niyang iniisip nitong nakaraan. Tutal naman ay pareho kaming naka leave, at para makabawi na rin, tinext ko si Calai. Niyaya ko siyang sumama sa akin sa isang beach resort sa norte. Doon ako palaging pumupunta kapag gusto kong mapag isa. Kapag may problema, kapag gusto kong sumulat ng kanta, o kapag may iniisip. Tumanggi si Calai, mayroon na rin pala siyang plano sa leave niya. Nangako naman siya na pagbalik niya ay magkikita at mag uusap na kami ng masinsinan.
CALAI Nag file ako ng 2-week leave sa school. Una dahil nagkasakit ako, pangalawa para sana makalanghap ng sariwang hangin. Nag book ako sa isang beach resort sa Zambales. Madalas kami doon ng mga magulang ko, katunayan ay galing na rin kami doon noong umuwi sila nung December. May suki na kaming taga book doon, kaya hindi na ako nahirapan. 4 days and 3 nights ako doon. Masarap doon sa isla ng Potipot. Ang cottage na nirent ko ay yung elevated, para mas tanaw ang paligid. Pagdating ko kila Ate Hilda ay nakahanda na ang parking area ko. “Ate 4 days ako doon ha, ikaw na bahala magbantay nitong sasakyan.” “Yes po Ma’am, nandiyan na po yung bangka, hinihintay ka na rin po.” “Salamat Ate, text na lang ako pag may problema.” Ilang minuto rin ang biyahe ng bangka papunta sa isla. Aaaaahhh, dito pa lang ay sariwang sariwa na ang hangin, napaka linaw rin ng tubig, halos kita hanggang kalagitnaan ng lalim. Mabilis lang ang naging proseso dahil nga nai reserve na ako ni Ate Hilda ng cottage. Maaga pa lang, magpapahinga muna ako, after lunch na siguro ako babangon at hindi pa naman ako gutom. Binuksan ako ang mga bintana para tagusan ang hangin, at para rinig ko rin ang hampas ng tubig sa dalampasigan. Nagpalit ako ng damit para mas presko. Sinuot ko sa ilalim ang aking ternong puting bikini, at pinatungan ng puting sleeveless na daster. Humiga na ako sa kama, nag silent ng telepono, at pumikit.
CHRIS Mabilis ang naging biyahe ko pa- norte. Alas singko ng madaling araw ako umalis ng bahay, at mga apat na oras lang narito na nga ako sa napakagandang beach resort. Puti ang buhangin, malamig ang hangin, asul na asul ang dagat, at higit sa lahat, tahimik. Dinala ko na ang mga gamit ko sa aking cottage. Hindi na ako nagpatulong dahil kaya ko naman. Yung malapit sa beach front ang pinili kong kubo, hindi naman na kailangan ng aircon dahil nga napaka sariwa ng hangin. Marso na pero may kaunting lamig pa ring nararamdaman kapag umiihip ang hangin. Nagpalit na ako ng itim na board shorts at grey na sando. Nilagay ko na rin ang cellphone at wallet ko, pati na susi ng kwarto, sa isang waterproof bag na lagi kong bitbit tuwing pupunta sa beach. Naglakad lakad na ako agad, nilibot ko ang kahabaan ng shore line. Pinagmamasdan ko lang ang mga tao. Merong naglalaro ng beach volleyball, may nagbabasa, may mag ama na gumagawa ng sand castle. Nakakatuwa. Pumwesto ako sa ilalim ng malaking puno. Sinigurado ko munang walang langgam na pula, at isinandal ko ang likod ko. May suot akong shades kaya hindi ako gaano pansin ng mga taong dumaraan. Mga ilang araw din akong maglalagi dito. Kung sana nga nakasama ko lang si Calai. Pero sabik din akong umuwi dahil ang sabi niya ay mag uusap kami. Hindi ko napansing nakaidlip pala ako. Nang magmulat ay trenta minutos na rin pala ang lumipas. Bumalik na muna ako sa cottage at doon na lang nag order ng miryenda. Binuksan ko na ang bintana, at tumambad ang preskong hangin, habang tanaw na tanaw ang kumikinang na asul na dagat. May mga nagka-kayak. Makapag rent nga bukas. Ngayong maghapon, dito lang muna ako sa cottage. Manunuod na lang muna ako ng pelikula.
CALAI Bumaba na ako at nagsimulang maglakad sa kahabaan ng shore line. Malapit nang mag sunset. Ito ang isa sa mga palagi kong inaabangan. Gustong gusto ko ang pagpapalit ng kulay ng kalangitan. Mula sa puti at asul, unti unting nagiging dilaw, orange, kung minsan ay may pagka pink at purple pa nga, bago tuluyang mamaalam ang araw, at kadiliman na ang mamumutawi. Lumakad ako papasok sa resto bar dito sa isla. Umupo ako sa pang dalawahang lamesa, at umorder ng inihaw na liempo, ensaladang talong, at kanin. Nagpadagdag pa ako ng ice cold beer. Dito ako pumuwesto sa may barandilla, kung saan tanaw pa rin ang dagat, at rinig na rinig ang hampas ng alon sa dalampasigan.
Mahaba ang itinulog ko maghapon kaya naman madaling araw na ay gising na gising pa rin ako, kahit pa naka tatlong bote ako ng beer. Hindi ko naramdamang tinamaan ako dahil napaka lamig ng hangin sa may restaurant. Tutal wala naman akong binabantayang oras, naisipan ko na lang na magbasa muna dito sa aking cottage. Alas kwatro nang marinig kong may manok na tumitilaok. Doon siguro galing sa accomodation ng mga caretakers. Nagpasya akong lumabas. Suot ko ang navy blue na sarong pants, puting sando na pinatungan ko ng grey na hoodie jacket. Naglakad ako papunta sa beach. Madilim pa, kita pa ang liwanag ng buwan. Umupo ako sa bandang gitna, kung saan tuyo, pero halos abutin na rin ng alon na bumabalik sa pampang. Naisip kong hintayin naman ang sunrise.
CHRIS Maaga akong nagising nang umihip ang malakas at malamig na hangin papasok sa aking cottage. Bumangon ako at nag init ng tubig gamit ang electric kettle na naroon sa mini kitchen, at nagtimpla na ako ng kape. Sumilip ako sa bintana, madilim pa sa labas kahit pa alas singko na ng umaga. Nakatayo ako sa may bintana habang sumisimsim ng mainit na kape at pinanunuod ang alon na humahampas sa dalampasigan. Tama talaga ang desisyon kong magtungo dito. Nagsuot ako ng itim na sarong pants at grey na longsleeves at nagsimulang lumakad patungo sa beach front. Tutal naman ay gising na ako, abangan ko na lang ang sunrise. Hango ang pangalan ng banda namin sa paborito naming pelikula na Before Sunrise. At dahil madalas rin kaming umagahin noon kapag magkakasama, inaabutan na kami ng bukang liwayway.