CHAPTER 7
***
5:05 AM
Maaga ako nagising ngayong Sabado gaya ng gising ko nitong mga nakaraan araw simula nang maging house maid ako sa bahay ng mga Gonzales.
.Nakita ko si Lincoln na nasa kusina at naghuhugas ito ng mug kaya napakunot ako ng noo. Ang aga naman gumising ng lalaking 'to.
"Good morning." bati ko at hindi ko na siya nilingon dahil tiningnan ko ang laman ng ref.
Tanging hotdog na lang nag nasa loob ng fridge bukod sa manok na niluto ko kagabi kaya inilabas ko na ito. Kailangan ko na magsabi kay Akiko na kailangan na namin mamalengke para sa pagkain sa bahay.
Inilabas ko ang chopping board at ang knife para hatiin ang hotdog sa gitna at maging cocktail size ito. Nagbabasag na rin ako ng itlog sa bowl nang mapatingin ako kay Lincoln na nasa harapan ko at nakaupo sa bar stool. Nakatingin siya sa mga kamay ko kaya napakunot ang noo ko.
"May kailangan ka ba?" tanong ko at umiling siya sa sakin sabay ngisi.
"Ang ganda sana ng kamay mo pero kapag tumingin sa mukha mo, nakakadismaya!" asar na sabi niya at tumayo.
"Umagang-umaga ha! Tigilan mo muna ako please lang!" asar na sabi ko at hindi ko na siya pinansin.
Umalis sa harapan ko si Lincoln at hindi ko na alam saan siya pumunta.
Nagluto ako ng hotdog at itlog at inihain ko ito sa lamesa nila. Lumabas ako ng bahay nang may marinig akong sumisigaw ng pandesal kaya bumili ako para kina Akiko. Pagbalik ko naman sa loob, nakita ko na naman si Lincoln na nasa salas at nakahiga sa couch nila.
"Sa kwarto mo ikaw matulog, huwag ka dyan." sabi ko at iminulat niya ang mata niya sabay tingin sa akin.
Nakasuot si Lincoln ng gray na longsleeves at nakapajama na black. Ang g**o din ng itim niyang buhok at mukhang kakagising lang pero nakakapagtaka naman dahil nandito siya sa salas.
"Pakilabhan ang bedsheet at pillow case ko." seryosong sabi niya at bumangon.
This time, nakaupo na si Lincoln at nakatingin ng masama sa akin.
"S-Sige mamaya, kumain ka na kung gusto mo kumain. Tapos na ako magluto." sabi ko at iniwanan siya.
Napapadalas na ang pagtingin sa akin ni Lincoln ng masama. Ano bang ginawa ko? Siguro kaya sa salas 'yun natutulog dahil ang baho na ng bedsheet at pillow case niya. Baka naman kasi maya't-maya siya gumagawa ng milagro sa kwarto niya kaya bumaho. So ibig sabihin, sa salas kaya natulog ang lalaking 'yon?
Napatingin ako sa orasan na nakasabit sa may ibabaw ng pintuan ng kusina. Alas siete y media na at hindi pa rin gising sina Akiko. Mas maganda sana na ganitong oras ay nakakapamalengke na para sariwa pa ang mga mabibili namin.
Sinimulan kong ilagay sa washing machine ang mga damit namin at hinayaan na nakababad ito dahil automatic ang washing machine nina Akiko. Lalabas nalang ito na nabanlawan at tuyo na. Habang hinihintay ko ang laundry, lumabas ako sa backyard door na nasa kusina nina Lincoln.
Napansin ko na madumi ang back yard nila dahil ang daming dahon na nakakalat sa sahig at ang ibang bulaklak ay wala ng buhay.
Pinagmasdan ko ang paligid at mayroong silang dalawang beach chair na nandito at may mini table sa gitna nito. Kapag tumingin naman ako sa kaliwa, makakakita ako ng malaking ihawan.
"Hindi na kami tumatambay dito simula nang mamatay si Papa."
Napatingin ako sa nagsasalita at si Alexander ito na bagong gising. Inakbayan ko siya at hinaplos ang balikat niya.
"Gusto mo ba tumambay dito?" tanong ko at umiling siya sa akin.
"Ang dumi-dumi kaya." reklamo niya. "Saka, kahit na linisin mo 'to hindi na kami tatambay dito lalo na si Kuya Link. Baka magalit lang siya sa 'yo." sabi pa niya at napakunot ako ng noo.
"Bakit?" tanong ko.
"Dito kasi kami tumatambay nina Papa dati, pinag-iihaw niya din kami ng pagkain." kwento niya at tumango ako.
Mabait naman pala 'to si Alexander, hindi ko akalain na matino 'to kausap. Malayong-malayo sa description ni Akiko.
"Ate Aya, mabait ako sa 'yo. Hindi ka ba magtatanong?"
Natawa ako sa sinabi ni Alexander dahil pati pala siya ay napansin ang pagiging mabait niya sa akin ngayong araw. Madalas kasi ay pinagti-tripan nila ako ni Arjo kapag nandito ako sa bahay pero ngayon ay mabait sa akin ang batang 'to.
"Sigurado akong may kailangan ka sa akin, tara na sa loob at mag-almusal ka na." aya ko sa kaniya at naglakad kami papasok.
Nakarating kami sa dining hall at nakita namin si Akiko at si Arjo na nag-aalmusal. Napatingin naman sa akin si Akiko dahil kasama ko ang kapatid niya.
"Saan kayo galing dalawa?" tanong ni Akiko.
"Sa backyard." sabi ko at umupo sa tabi niya para kumain na din.
"Naku! Huwag kayo magpapakita kay Lincoln na pumunta kayo dun. Malalagot kayo!" sabi niya at ngumiti lang ako.
Lilinisin ko ang backyard na 'yun pagdating ng panahon.
"Ate, tanghali ka na gumising. Kanina ka pa hinihintay ni Pangit." sabi ni Lincoln at umupo sa kabisera ng lamesa.
"Ha? Hinihintay mo ako para saan?" sabi niya habang ngumunguya ng pagkain.
"Mamamalengke sana tayo kasi wala na kayong stock ng pagkain, nasabihan kasi ako ni Ma'am Lynne na ikaw ang in-charge sa funds niyo." sabi ko sabay subo ng itlog na nasa pandesal.
"Hala! Sige maliligo lang ako tapos mamili na tayo." sabi niya at binilisan ang pagkain.
Maagang natapos si Akiko kumain kaya nagpaalam ito sa akin na maliligo siya at hintayin ko daw siya. Pumayag ako dahil magliligpit pa naman ako ng pinagkainan namin.
"Tapos ka na ba kumain?" tanong ko kay Lincoln na nagse-cellphone at nakaupo sa kanina pa rin niyang pwesto.
"Ligpitin mo na, hindi ko maubos." sabi niya at tiningnan ko ang plato na mayroon pang itlog.
"Ubusin mo na 'yan para hindi masayang." sabi ko at sinimangutan niya ako.
"Busog na ako, itapon mo nalang." aniya.
"Akin na nga!" asar na sabi ko at kumuha ako ng tinidor na gamit na sabay tusok sa itlog na nasa plato niya at nginuya ko ito.
Namilog ang mga mata ni Lincoln na nakatingin sa akin habang ngumunguya ako kaya kumunot ang noo ko habang nakatingin sa kaniya.
"Nakakadiri ka talaga pangit!" sabi ni Lincoln at umalis sa harapan ko.
Nagkibit-balikat ako sa kaniya at niligpit ko ang mga plato at baso na nagamit at binuhat ko ito. Naglalakad ako papunta sa sink nang mag-vibrate ang cellphone ko na nasa bulsa ng shorts ko. Inilapag ko ang mga plato at baso sa sink sabay bukas sa gripo at hinayaan na dumaloy ang tubig para matanggal ang sebo.
Kinuha ko ang cellphone ko sa bulsa ko at nakita ko si Tita Gemma na nag-text.
Kumusta ka na anak? Mag-iingat ka palagi. Magkita tayo sa susunod na linggo.
Napangiti ako nang mabasa ang message niya, nae-excite na tuloy ako para sa next week.
Naghugas ako ng plato at nag-mop ng sahig sa kusina para hindi maglagkit dahil sa tilamsik ng mantika. Nagpalit ako ng pang-itaas na damit at hindi ko na pinalitan ang shorts ko kaya lumabas na ako ng kwarto at naghintay sa salas.
Malamang nasa kwarto sina Alexander dahil wala sila dito sa ibaba. Ang tagal din ni Akiko dahil mukhang nagbihis pa ng maganda ang isang 'yon. Hindi ko din nakita si Lincoln na umakyat kanina kaya mukhang lumabas siya ng bahay.
"Aya!" tawag sa akin ni Akiko na bumababa ng hagdan.
"Ready ka na ba? Kasi kailangan natin makabalik bago mag-lunch." sabi ko at tumango siya.
"Day off ni Manong Jude ngayon, walang maghahatid sa atin." sabi ni Akiko at lumabas kaming dalawa ng bahay.
"Mag-commute nalang tayo." sabi ko at napalingon kami kay Lincoln na nakahubad.
Tanging pajama nalang niya ang suot niya at medyo basa din ang katawan niya dahil naglilinis pala siya ng sasakyan nila. Ang pogi talaga ng lalaking 'to. Crush na sana kita, kaso ang pangit ng ugali mo. EKIS!
"Aalis kayo?" tanong ni Lincoln habang hawak ang hose ng tubig.
"Oo, sasama ka ba?" tanong ni Akiko sabay iling naman ni Lincoln. "Ihahatid ko nalang kayo sa supermarket." sabi niya.
"Magpalit ka kaya muna ng damit." sabi ni Akiko at ngumisi si Lincoln sabay tingin sa akin.
"Mukha naman natutuwa ang house maid natin na h***d ako so bakit pa?" natatawang sabi niya at napaiwas ako ng tingin.
"Mukha mo!" asar na sabi ko at hindi na ako tumingin pa sa kaniya.
"Pogi ba?" tanong niya at umiling ako.
"Hintayin niyo ako dito, magpapalit lang ako ng damit. Ihahatid ko kayo." sabi ni Lincoln at umalis sa harapan namin pagkatapos patayin ang gripo.
"Ang weird talaga ni Link ngayong araw." sabi ni Akiko at napatingin naman ako sa kaniya na umiikot-ikot sa hardin nila.
"Bakit? Ano bang meron?" tanong ko sa kaniya at walang idea sa sinasabi ng amo ko. "Kumain siya ng breakfast ngayon e hindi naman kumakain 'yon. Tapos ihahatid niya tayo." sabi niya.
Napaisip ako at naalala ko na sinabihan ako ni Akiko noong isang araw na hindi kumakain ng breakfast si Lincoln. Napatingin ako sa pinto nilang puti na nakabukas ngayon dahil hindi isinara ni Lincoln nang pumasok siya.
Nagsasalita sa gilid ko si Akiko pero hindi ko naman naiintindihan. Pati tuloy ako, napaisip na din sa mga kilos ni Lincoln. Nakakaasar.
"Magkikita kami ni Bea mamaya, gusto mo sumama?" tanong niya at umiling ako.
"Magre-review ako e." sabi ko at tumanggi ako sa pag-aaya niya.
"Ahh! Ang killjoy mo naman Aya!" asar na sabi niya at ngumiti lang ako.
"Tara na!" sabi ni Lincoln at napatingin kaming dalawa sa kaniya.
Nakasuot na siya ng blue na cap at naka-walking shorts ito na maong. Tinernohan niya ng blue na longsleeves ang suot niya kaya lalong lumitaw ang kaputian niya. Ang ganda pala ng jaw line ng lalaking 'to.
Sumakay kami sa sasakyan niyang pula, ito ang sasakyan na ipinangsundo niya sa akin sa Waltermart noon. Sa likod ako sumakay kasi si Akiko ang katabi ni Lincoln na driver namin.
"Okay lang ba na maiwan sina Alexander sa bahay?" tanong ko at tumango naman si Akiko sa akin sabay kabit ng seatbelt niya.
"Sa salas lang magkakalat ang dalawang 'yon. Huwag ka mag-alala." nakangiting sabi ni Akiko.
"Mukhang may kailangan sa akin si Alexander, hindi lang niya nasabi kanina." kwento ko at napalingon sa likod si Akiko kasi ako ang nasa likod niya.
"Baka may ipapagawa 'yun sa 'yo na nahihiya sa akin sabihin." sabi ni Akiko at nagkibit-balikat naman ako.
"Magpapagawa ng love letter 'yon." sabat ni Lincoln at napatingin naman kaming dalawa ni Akiko sa kaniya. "At sa tingin ko, hindi siya sasagutin ng pagbibigyan niya dahil kay Pangit nagpagawa." sabi ni Lincoln at sinamaan ko siya ng tingin.
Nakita kong umangat ang kanang pisngi niya kaya sigurado akong ngumisi siya. Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking 'to.
"Grabe ka naman kay Aya! Sa tingin ko naman romantic na tao si Aya." pagchi-cheer up ni Akiko.
"Ikaw ang Kuya niya, bakit hindi sa 'yo magpagawa kung ganon nga?!" asar na sabi ko at natawa naman si Akiko.
"Aya! Kung kay Lincoln nagpagawa si Alex, I'm so sure na hindi siya ang sasagutin ng gusto niya kundi itong si Link." kwento ni Akiko at tumawa muli.
"The last time I checked, sa akin nagkagusto ang pinagbigyan ni Alex ng love letter na ginawa ko." sabi ni Link at napasimangot ako. Ang conceited talaga ng lalaking 'to.
"Bakit hindi ka pa sumama sa mismong pamimili kung ihahatid mo din naman pala kami?" tanong ni Akiko at nag-iba na sila ng paksa.
"That's boring." sabi ni Lincoln.
"Yeah, that's boring kasi hindi mo mabibili ang gusto mo." sabi ni Akiko at napangisi ako.
"I told you, I need those." sabi ni Lincoln at umiling si Akiko.
"Ano bang kailangan ni Lincoln?" tanong ko at napangisi si Akiko sabay tingin sa akin.
"Condom." aniya.
"ANO?!" sigaw ko dahil sa gulat na dahilan ng biglang pagpreno ni Lincoln kaya nauntog ako sa head rest ng inuupuan ni Akiko.
"Link naman!" sigaw ni Akiko.
"Tumahimik nga kayong dalawa. Ate Akiko, shut your mouth!" galit na sabi niya at tumawa naman si Akiko.
Namula ako at hindi ko na nagawang magsalita dahil sa hiya na naramdaman ko. Bakit ba ako nag-react ng ganon? Sabagay, sa mukha palang ni Lincoln e talaga naman na nagagawa na niya 'yun.
Nakarating kami sa mall ng walang imikan. Madaming tao sa mall ngayong araw at mayroon din nagpe-perform sa gitna ng mall kaya crowded sa nilalakaran namin. Sabado kasi ngayon at sa tingin ko mayroong sale na pinagkakaguluhan ngayon ng mga tao.
Napagpasyahan na din namin ni Akiko na sa grocery nalang bumili dahil tanghali na. Akala ko uuwi na si Lincoln pagkatapos niya kaming ihatid pero nakabuntot siya sa amin dalawa ni Akiko.
"Told you! May kakaiba talaga kay Link ngayon, hindi ko lang ma-distinguish kung ano." sabi ni Akiko at napanguso.
"Baka may bibilhin siya na ikaw ang magbabayad." sabi ko at nagkibit-balikat naman si Akiko.
"Mas madaming pera sa akin si Lincoln kaya hindi ko ipagbabayad 'yan." natatawang sabi niya at sabay kaming kumuha ng push cart bago pumasok sa mismong grocery.
Naglabas ako ng listahan at napatingin sa akin si Akiko na nakanganga. "Is that legit? Mayroon ka talagang ganyan?" tanong niya at tumango ako.
"Oo, iwasan natin magkaroon ng unwanted expenses." sabi ko at ngumiti sa akin si Akiko sabay yakap sa akin ng mabilis.
"I'm so happy talaga na ikaw ang kinuha ni Mommy!" masayang sabi niya kaya't napangiti na rin ako.
"Punitin mo 'yun papel, hatiin mo sa gitna." sabi ni Akiko na ikinakunot na naman ng noo ko.
"Maghati tayo ng task so we can finish it early and go home." sabi niya at napatango naman ako.
Pinunit ko ito at ibinigay ang kalahati kay Akiko. Naghiwalay kaming dalawa at inilagay ang pushcart sa isang lugar kung saan babalikan nalang namin.
Tumingin ako sa listahan at napanguso ako dahil puro wet goods pala ang nasa akin. Nagsimula na ako maglakad at pumunta muna ako sa poultry section nang makita ko si Lincoln na malapit sa dairy section ng grocery.
Napakunot ako ng noo dahil nakakunot din ang noo niya habang nakatingin sa dalawang hawak niya.
Hindi ko na siya nilapitan at nagsimula na ako pumili ng manok na nasa counter. Kumuha ako ng plastic at ng tongs para makuha ko ang mga parts na kailangan ko. Pagkatapos ko sa mga manok, pumunta naman ako sa meat section at kumuha ng menudo cut, adobo cut, sirloin part, at samgyupsal cut dahil sabi ni Akiko, paborito daw 'yon nina Arjo.
Nasa apat na plastic ang dala ko at balak ko na bumalik sa push cart dahil hindi na kaya ng kamay ko na magbitbit pa lalo na at kukuha pa ako ng isda. Naglalakad ako papunta sa may pushcard namin na nasa may prutasan nang may matapakan akong basa at automatic akong nadulas.
Tumilapon ang lahat ng dala ko at parang slow-motion itong nasa ere ko habang ako natutumba.
"Aya!"
May dumaloy na kuryente sa buong katawan ko nang maramdaman ko ang kamay niya na nakahawak sa likod ko at para akong sadyang sinalo ng mga bisig niya.
Si Lincoln na naman.