Napasimangot si Angela at napapikit ang mga mata. “Kung yan ang desisyon niyo rerespetuhin ko. Kaya eto tikman niyo ang hustisya ng langit” bigkas ng anghel at lalong nagliwanag ang kalangitan at yumanig ang lupa.Nilabas ni Basilio ang dalawang espada ni Pentakis at si Benjoe naman nilabas ang kanyang mga dark claws. Sabay nag apoy ang mga mata ng dalawang binata nang nagsulputan sa lupa ang mga ilang libong mga mandirigmang anghel.
“Patayin sila!” utos ni Angela at sabay sabay sumugod ang mga manidirigma ng liwanag. “Tara na halimaw!” sigaw ni Basilio at sinalubong nung dalawang binata ang kanilang mga kalaban. Armado ang mga anghel ng mga nagliliwanag na espada at kalasag pero sadyang mabangis ang mga binatang demonyo.
Dobleng wasiwas ni Basilio, agad natigok ang isang anghel. Doble laslas din ni Benjoe sabay suntok sa dibdib at napahiga sa lupa ang kalaban niya. Mabilis gumalaw si Basilio pero pinilit ni Benjoe na sumabay sa kanya. May aatakehin nanaman si Basilio pero inunahan siya ni Benjoe.
“Buwaya kang halimaw ka!!! Masyado madami kalaban! Wag kang gahaman!” sigaw ng pinuno ng mga rebelde. “Wag ka na magpapalusot! Umamin ka na mahina ka!” sigaw ng anak ng tagapag ayos. Kahit napalibutan na yung dalawa ng kalaban namangha ang mga kasama nila sa kapangyarihan nung dalawa.
Isang malakas na sigaw mula kay Benjoe at napalipad ang mga anghel palayo, ayaw magpatalo ni Basilio kaya mabilis siya nagpaikot tulad ng kapangyarihan ni Pentakis. Itim na ipo ipo ang nahulma at sumugod ito sa mga anghel. Napaatras si Benjoe pagkat ang daming nagtalsikan na mga patay na anghel sa dadaanan ng itim na ipo ipo. Napatingin si Benjoe kay Angela, sinubukan niya ito kausapin gamit isip niya pero agad sinara ng anghel ang kanyang isipan.
Nainis ang binata at wala nang magawa kundi sumugod na ulit. Pagtigil ni Basilio napansin ni Benjoe na hingal siya kaya siya naman ang naglaslas sa mga kalaban. Nakaramdam ang binata ng mainit na hangin sa likod niya, paglingon niya sinubukan pala siya tagain ni Basilio. “Ooops nadulas ako” palusot ng binatang demonyo.
Bumawi si Benjoe at sadyang minintis ang paglaslas sa anghel pero damit ni Basilio ang nadali. “Animal kang halimaw ka!!!” sigaw niya. “Ooops nadulas din ako” bawi ng binata sabay tawa. Tuloy ang sugod nung dalawa, parang hindi naaubos ang mga anghel kaya si Basilio tumigil at biglang nawala. Lahat ng mga anghel hindi na naghanap kundi si Benjoe ang sinugod.
Nawala din si Benjoe kaya napatigil ang mga anghel at kinabahan si Angela. Ilang saglit lang nagsitumbahan ang mga mandirigma ng langit, hindi nila nakikita ang kalaban nila. Nagtalunan sa tuwa si Bea at Ayesha, alam nila si Benjoe yon, tuloy ang bagsak ng mga anghel sa lupa, wala talaga sila makita kaya kahit saan nalang nila winawasiwas ang kanilang espada.
Ilang daan nalang ang natira, biglang sumulpot si Benjoe at hingal na hingal. “Halimaw tumabi ka muna” dumagundong ang isang malakas na boses. Sumulpot si Basilio sa isang tabi at nagulat ang lahat sa malaking bolang apoy na itim na kanyang nahulma. “Tikman niyo din ang hustisya ko!!!” sigaw niya at tinapon ang malaking bolang apoy sa mga anghel.
Mabilis na dumaan ang bolang itim at nilamon ang mga anghel na kanyang dinadaanan. Tumigil pa ito sa gitna ng mga anghel na nakaiwas pero biglan nalang ito sumabog. Paghupa ng usok ay wala nang natirang mandirigma ng liwanag pero si Basilio napaluhod sa lupa at pagod na pagod.
Agad siya nilapitan ni Lorena at ginamot, umatras din si Benjoe at nagpagamot kay Bea. Galit na galit si Angela, pinikit niya ang kanyang mga mata at niyuko ang ulo. “Gerardo, Raphael at Artemio…kayo na bahala” bulong niya.
Mula sa langit may tatlong liwanag ang kumislap at mabilis na bumagsak sa lupa. Tatlong malalaking anghel ang nagpakita at nag aapoy na dilaw ang kanilang mga mata, espada at kalasag parehong nag aapoy ng puti. “Sinayang mo lang ang oras Angela, dapat kanina mo pa kami pinakawalan” bigkas ni Raphael.
“Hindi ata magandang laban ang dalawa laban sa tatlo. Kaya kung nais ng mga kasama niyo makilaban ikakatuwa namin” sabi ni Artemio. Lumapit si Zalero kay Basilio at hinihila ito palayo. “Delikado tayo diyan sa tatlo. Mga demon catcher yan. Isang taga lang gamit ng epada nila patay tayo agad pero boss hindi sila aatake hanggang hindi sila inatake. Masyado sila mabait pero pag inatake mo sila masyado sila malakas at mabangis” bulong niya. “Hoy halimaw! Isang taga lang daw ng espada nila sa atin tigok tayo! Ano aatras ka?” sigaw ni Basilio.
Napangisi si Benjoe at dahan dahan tinutulak si Bea sa likod niya. “Bobo bakit ka kasi magpapataga! Kaya ko silang tatlo kahit ako lang!” pasikat ng binata. “Benjoe! Ano ka ba!” sigaw ni Ayesha. “Shhhhh wag kang makikialam” bulong ng binata. “Halimaw baka sinasabi mo lang yan pero sa totoo natatakot ka. Hindi nadadaan mga yan sa salita!” sigaw ni Basilio at nagkatitigan yung dalawang demonyo.
Natatawa ang mga demon catcher sa sumbatan nung dalawa. Ang hindi nila alam binabasa ni Benjoe ang isipan ni Basilio, sa isang iglap sumulpot yung dalawa sa harapan ni Gerardo at nasaksak ang demon catcher ng mga dark claws at dalawang espada sa dibdib. “E ngayon dalawa laban sa dalawa na” bigkas ni Basilio sabay ngisi.
Hindi makapaniwala si Angela sa nangyari, bagsak si Gerardo sa lupa at dahan dahan ito naabo. Ang bilis nakalayo ni Basilio at Benjoe, parehong nakangisi yung dalawa habang yung natitirang demon catcher pumoporma na at galit na galit. Binagsak ni Basilio ang dalawang espada ni Pentakis, mula sa katawan niya hinila niya ang isang mahabang itim na espada.
“Benjoe!!!” sigaw ni Ayesha at tinapon niya ang kanyang samurai sa ere at nasalo ito ng binata. Winasiwas ni Benjoe ang espada at bigla ito nagliyab ng itim. Pinagmasdan ng binata ang samurai sabay sinaksak ito sa lupa. Muli niya nilabas ang dark claws niya at agad sinugod si Raphael. “Ang dami mong alam halimaw!” sigaw ni Basilio at sinugod narin niya si Artemio.
Pinaharap ni Raphael ang kanyang kalasag at nasangga niya ang mga dark claws ni Benjoe. Umangat siya at winasiwas ang espada niya, nakaiwas ang demonyong binata pero ramdam niya ang taglay na kapangyarihan ng espada ng demon catcher. Kahit anong atake ang gawin ni Benjoe lagi ito nasasangga ng kalasag ni Raphael.
Nahirapan din si Basilio kay Artemio kaya si Angela natutuwa na sa kanyang pinapanood. Nagpalabas ng itim na bolang apoy si Basilio pero parang hinigop lang ito ng kalasag ni Artemio. Ilang minuto ang lumipas napagod yung dalawang binata pero ang mga kalaban nila ngayon palang aatake. Hirap si Benjoe at Basilio pagkat ang mga demon catcher dalawa ang armas na pinang aatake nila. Isang wasiwas ng esdapa sabay isang hampas ng kalasag.
Bugbog sarado yung dalawang demonyo sa tama ng mga kalasag. Mas maganda na ito ang tatama sa kanila habang iniiwasan yung mga nagbabagang espada. Si Raphael at Artemio tila hindi napapagagod, isang malakas na atake gamit ang kalasag, kasunod isang malakas na taga gamit ang espada.
Wala magawa yung dalawang binata kundi sumangga at umatras. Inatake ni Raphael ang kanyang kalasag, naglakas loob si Benjoe at pinatigas ang katawan at sinalubong kalasag at humawak dito. Nagulat yung anghel kaya hindi niya naiwasiwas ang kanyang espada pagkat napatulak siya paatras sa buntal ni Benjoe sa mukha niya. Di bumitaw sa kalasag si Benjoe para mapanatiling malapit lang siya sa katawan nung anghel. Di na tuloy magamit ni Raphael ang kanyang espada, kahit isang kamay lang nirapido ng binatang demonyo ang mukha ng anghel ng suntok.
Tuwang tuwa sina Ayesha at Bea pero pati yung kampo ni Basilio nagsasaya para sakanya. “Mautak ka halimaw” sabi ni Basilio at ginaya ang ginawa ni Benjoe, niyakap din niya ng isang kamay ang kalasag, binitawan ang espada niya sabay binuntal si Artemio.
Hindi magamit ng mga demon catcher ang espada nila pagkat nakayakap ang mga binata sa kanilang kalasag at panay ang buntal nila. “Matapang lang kayo kasi may kalasag kayo, bitawan niyo na kasi!” sigaw ni Basilio. Nilabas ni Benjoe ang dark claws niya at isasaksak na sa mukha ni Raphael, napilitan yung demon catcher na bitawan na ang kanyang kalasag para makalayo.
Kinuha ni Benjoe ang mga kalasag at tinapon papunta kina Ayesha at Bea, agad kinuha nung mga dalaga ang kalasag at nagtago sa likod nito. Binitawan narin ni Artemio ang kalasag niya, yung dalawang demon catcher dalawang kamay hinawakan ang espada niya at sabay sumugod. Kahit wala pala ang mga kalasag nila magaling talaga ang mga demon catcher. Ngayon nararamdaman na nung dalawang demonyong binata ang tunay na lakas ng bawat taga nila.
Tulad ng pinapanood niya sa sine ang galing ng mga galaw nung dalawang demon catcher. Para silang sumasayaw sa mga atake nila, hindi tuloy alam nung dalawang binatang demonyo sa wawasiwas ang mga espada nila. Iwas sa kanan, iwas sa kanila, yuko, talon, sangga ang tanging ginagawa nina Benjoe at Basilio pagkat nabigla sila sa galing ng mga kalaban nila gumamit ng espada.
Kahit sanggahin ni Benjoe ang espada ni Raphael gamit ang dark claws niya, ramdam niya ang sakit pagkat todo pwersa na ang anghel. Si Basilio hindi din kaya ang lakas ni Artemio, bawat sangga niya gamit espada niya parang mababasag na ang armas niya sa lakas at bilis ng mga atake ng anghel. Isang malakas na wasiwas, nakailag si Benjoe, yumuko siya at sumuntok sa dibdib ni Raphael pero hindi ito umabot. Bumitaw ang isang kamay ng anghel at nilagay sa dibdib ng binata, nagliwanag ang kamay niya sabay napasigaw si Benjoe ng malakas at naitapon ng malayo.
Napalingon si Basilio, nadikit tuloy ni Artemio ang kamay niya sa dibdib ng binata. Nagpakawala din ng malakas na liwanag ang kamay ng anghel at ang binatang demonyo napalipad ng malayo. Sabay bumangon yung dalawa, inantay lang sila ng kanilang kalaban, di nila ginamit ang mga espada nila kung di tig isang kamay nila hinarap nila at nagpalabas sila ng ng mga bola ng liwanag. Sapol nanaman ang mga binata sa dibdib at mas malayo ang nilipad nila.
Nakahiga si Benjoe sa lupa, hingal na hingal at dinadamdam ang kakaibang sakit sa kanyang dibdib. Sumulpot agad sa harapan niya si Rapahel at nakabwelo na para isaksak ang kanyang espada sa katawan ng binata. “Dito ka na nagtatapos” sigaw ng anghel. Nagsigawan si Ayesha at Bea, pero si Artemio may ibang naramdaman kaya sabay pa sila napalingon ni Basilio sa samurai sword na itim na nakasaksak sa lupa.
“Rapahael!!!” sigaw ni Artemio pero hindi na mapigil ang demon catcher. Malapit na ang dulo ng espada sa dibdib ni Benjoe pero nakangiti lang yung binata. Bago pa dumikit ang espada sa dibdib ng binata ay nanigas si Raphael, ang itim na samurai sword nagbaga muli at umangat sa ere. Mabilis ito lumipad at sumaksak sa likod demon catcher, tumagos ito ng tuluyan at lumabas sa dibdib ni Raphael.
Di makapaniwala si Raphael pero lalo pang bumaon ang espada sa katawan niya. “Sorry” bulong ni Benjoe at dahan dahan siya nagpapatras para makalayo sa nagbabagang espada ng anghel na muntik nang tumama sa dibdib niya.
Tumayo si Benjoe at dinikit ang kanyang kamao sa dibdib ni Raphael. Kita ng lahat sa likod ng anghel na tumagos ang dark claws sabay nawala. Napaluhod ang anghel sa lupa, hinugot ni Benjoe ang samurai sword sabay naglakad palapit kay Artemio. Dalawa na ang kalaban ng anghel, umatake si Benjoe, sumangga yung anghel pero agad lumapit ang dalawang espada ni Pentakis sa mga kamay ni Basilio at muli siyang nag ikot.
Unang inatake ng ipo ipo ay si Benjoe pero pinulot ng binata ang kalasag ni Artemio at ginamit itong pansangga. Natigil ang ipo ipo at bagsak si Basilio sa lupa hawak ang kanyang ulo. Sinipa siya sa mukha ni Benjoe sabay dinagok ang kalasag sa dibdib ng kalaban niya. Inatake ni Artemio ang espada niya, umiwas si Benjoe at muntik nang matamaan si Basilio.
“Bwisit kang halimaw ka!” sigaw ni Basilio. “Bumabawi lang ako!” sumbat ni Benjoe at muling nasipa ang mukha ng binata habang sinasangga niya ang tira ni Artemio. Nagpasabog ang anghel ng bola ng liwanag kaya tatlo sila napaatras. Pinulot ng anghel ang espada ng yumao niyang kasama, si Basilio hinigpitan ang hawak sa mga espada ni Pentakis habang si Benjoe nakangisi sa kanya pagkat basag basag ang kanyang mga labi. “Animal kang halimaw ka! Traydor ka!” sigaw ni Basilio at sinugod niya si Benjoe.
Di alam ni Artemio ang gagawin niya pagkat yung dalawang demonyong binata na ang naglalaban. “Ano pa inaantay mo umatake ka na habang magulo ang kanilang isipan!” sigaw ni Angela na nakalutang parin sa langit. Sumugod ang demon catcher at napasigaw pa ito sa tindi ng galit niya. Nagkatitigan si Benjoe at Basilio at muli sila nagngitian sa isat isa.
Hinarap ni Benjoe ang sumusugod na Anghel at umatake din. Nagkasanggaan ang mga dark claws at mga espada. Si Basilio agad nagpaikot ng mabilis habang si Benjoe ay lumuhod sa lupa at nagpahinga. Tsansa na nung anghel kaya binuwelo niya ang dalawang espada niya para tagain ang nagpapahingang binata.
Bago pa makalapit si Artemio kay Benjoe ay nilamon na siya nung itim na ipo ipo at nalasog lasog ang katawan niya. “Sino ngayon ang may magulong isipan?” tanong ni Benjoe sabay ngisi. Binigyan siya ng thumbs up sign ni Basilio pero bumawi lang ang binata at nagpakita ng dirty finger sa kaaway niya. Patay na ang tatlong demon catcher, nagsaya ang mga demonyo habang si Angela napapalakpak sa galing nung dalawang binata.
Yung dalawang binata bumalik sa bawat kampo nila at muling nagpagaling. Nakababa sa lupa si Angela at mula sa langit may isang puti na espada ang nagpapababa. Winasiwas nung anghel ang espada niya at muling lumiwanag ang paligid. “Kinaya niyo yung mga pinuno ng demon catchers. Bilib ako sa inyong dalawa” bigkas niya habang naglalakad siya sa paligid at pinagmamasdan ang mga anghel na nakahiga sa lupa.
Napadaan siya kay Raphael at pinagmasdan ito ng matagal, agad siya napatingin kay Benjoe at nagkatitigan sila. “Ikaw makapangyarihan kang demonyo ka. Nagawa mo siya pigilan gamit isipan mo tapos yung espada mo kinontrol mo din at ginamit sa kanya. Napahanga mo ako doon sobra. Sinusubukan mo pa basahin ang aking isipan, oo ramdam ko pero wag ka na magpapagod” sabi ni Angela.
Tinuloy ng anghel ang paglakad niya at may sumubok na demonyo na atakehin siya. Ngumiti lang ang anghel at agad naabo ang kalaban kaya napapalakpak naman si Basilio. “Kung malakas ka bakit hindi ikaw yung lumaban sa amin?” tanong ng binata. Humarap si Angela sa kanya at nginitian.
“Yang isa lumalaban ng buong pwersa, ikaw bakit ka nagpipigil? Oh hindi ka nagpipigil, hinati mo ang kapangyarihan mo. Bilib din ako sa iyo pero wala kang utak, di tulad nung kasama mo” sabi ng anghel at nagalit yung binata. Tumayo si Basilio at tinuro si Angela, “Bakit kakayanin mo ba ako pag buo ang kapangyarihan ko?” tanong niya sabay tumawa ng napakalakas.
“Gusto mo subukan natin? Hinati mo kapangyarihan mo para sa mga alagad mong sumusubok gumiba sa pinto ng lakas na sinara ng tagapag ayos” bigkas ni Angela. Napasimangot si Basilio pagkat nabuking ang ginagawa nila. “E kahit na siguro ganito ako kakayanin kita, halika subukan natin” hamon niya.
“Ayaw ko na magsayang ng oras kaya kailangan niyo na kami harapin. Ako si Angelaang pinuno ng mga ankanghel. At eto ang aking mga kasama” bigkas niya.
Isa isang naglitawan ang mga Arch Angels, sila ang mga pinakamalakas na mandirigma ng langit. Isang daan sila lahat at may kasama sila na batang lalake na nakatayo sa harapan.
“Boss hindi niyo na kaya kung dalawa lang kayo. Kailangan mo na pakawalan yung iba” bulong ni Zalero. Napasimangot si Basilio pero dahan dahan siya lumuhod at huminga ng malalim. Dalawang kamay niya nilapag niya sa lupa at nagbagang itim ang mga ito.
“Braulio!!!” sigaw niya at biglang yumanig ang lupa ng malakas at biglang nagkaroon ng malaking buka. May lumalabas na nilalang mula sa lupa, nagulat ang lahat pagkat isang napakatanggad at maskuladong demonyo ang lumabas. Parang sasabog ang mga muscles ng demonyo dahil sa laki nila. Nag inat ang higanteng demonyo at sumigaw ng malakas na parang hayop na nakawala sa kulungan.
“Tempesta!!!” muling sigaw ni Basilio at nahampas ang lahat ng malakas na hanging. Nagsimulang umulan at dinig na dinig ng lahat ang nakakabinging sipol ng hangin. Sa tabi ng binata may sumulpot na matangkad na babae. Muling lumakas ang ihip ng hangin at napansin ng lahat ay nalaslas ang mga balat nila.
“Salim!!!” sigaw muli ng binata at ang lupa biglang umusok ng itim at nakarinig ang lahat ng malakas na tawa. Kumapal ang itim na usok at wala na makita ang lahat ng nilalang sa disyerto. Ilang saglit lang paghupa ng usok may nilalang na gawa sa usok ang nakatayo sa isang tabi ni Basilio pero sa paligid nakaporma na ang isang libong mga alagad niya.
“Volgo!!!” sigaw ni Basilio at nagulat sina Benjoe. Nakarinig ang lahat ng malakas na tawa pero hindi nila alam saan nanggagaling. Ang kaninang maginaw na klima nagbago bigla at lahat nahihirapan huminga sa init at bigat ng hangin. Mula sa biyak na pinaggalingan ng higante lumabas ang totoong Volgo, nag aapoy ang buong katawan niya at galit na galit na tinuro si Benjoe. “Pinatay mo ang alaga ko, magbabayad ka sa akin!!!”
“Zalero!!!” sigaw ni Basilio at ang katabi niyang matanda biglang nalusaw at mula din sa biyak sa lupa may lumabas na malakas na kidlat. Lumabas ang tunay na Zalero at nag inat ito at agad nagpakitang gilas sa kakaibang mga kidlat na mula sa lupa galing at patungo sa langit.
Tumayo si Basilio at ngumiti, “Siguro naman sapat na itong mga alad ko para tumbahin kayo. Ano? Ano sabi mo? Kulang pa ba? O sige” bigkas niya at bigla siya nagturo sa malayo at nagulat ang mga anghel. Libo libong mga tao na nagbabaga ang mga mata palapit sa kanila. “Hindi kita mapapatawad demonyo ka!!! Pati mga inosenteng tao ginagamit mo!!!” sigaw ni Angela at nagkapormahan na sila lahat. “Tapusin natin mga demonyo agad at wag sasaktan ang mga tao!!!” utos ng anghel.
“Kahit anong mangyari dito lang kayo at gamitin niyo itong mga kalasag. Wag kayo makikilaban” bulong ni Benjoe. “Pero gera na ito Benjoe, at malalakas na talaga ang mga kalaban niyo” sabi ni Ayesha. “Oo pero traydor si Basilio, baka habang abala tayo nakikilaban e tayo bigla atakehin. Malalakas din ang mga alagad niya. Lalo na yung itim na usok” sabi ng binata. “Grabe ang dami palang kasama ni Basilio, pero bakit niya tinatago mga yan?” tanong ni Bea.
“Ayaw niya ipakita tunay na kapangyarihan niya at mga alas niya kanina” sabi ni Benjoe. “Ano? Ibig mo sabihin nagpipigil pa siya?” tanong ni Ayesha. “Oo kanina di ko alam bakit pero malinaw na lahat. Hinati niya kapangyarihan niya sa mga alagad niya pagkat wala sila lakas tulad namin. Pinahiram niya lakas niya para masira nung mga alagad niya ang pinto ng lakas. Mukhang hindi pa sila nagtatagumpay, nakakatakot pag binalik nila ang lakas kay Basilio. Kaya ito na ang tsansa ko patayin siya habang wala ang buong lakas niya. Please stay away from the fight” sabi ng binata.
Nagkaharap ang kampo ng liwanag at kampo ng kadiliman. Napansin ni Angela na dumadami ang mga mandirigmang demonyo bawat segundo kaya tumawa ng malakas si Basilio. “Ipakita niyo ang lakas niyo mga taga langit!” sigaw niya.
Humarap ang batang lalake at lumuhod sa buhangin. Pinagdikit niya ang dalawang kamay niya sabay nagdasal. Nagtawanan ang mga demonyo pero sa isang iglap may napakalaking bola ng liwanag ang sumulpot sa harap ng bata at sumugod sa mga demonyo. Napakalakas na pagsabog ng liwanag ang naganap. Matitinding sigawan ang dumagundong sa buong disyerto at lalo pang lumakas ang liwanag.
Si Benjoe hawak patayo ang mga kalasag habang sina Ayesha at Bea nakayakap sa kanya. Pagkahupa ng liwanag napalingon si Angela sa paligid, patay ang mga demonyong gawa sa itim na usok. Sina Basilio at mga malalakas na alagad niya nakatago sa likod ng mga ibang demonyo na sumangga sa ilaw. Ang mga kalasag na hawak ni Benjoe dahan dahan naagnas at sabay sabay sila napatayo sa takot at tinignan yung maliit na bata.
Tinaas ni Angela ang kanyang puti na espada at sumigaw ng malakas.
“Patayin ang lahat ng demonyo!!!”