Unang araw ng Agosto sa may disyerto ng Pampanga may limang bata na biglang
sumulpot. “Armina ang dami na nating araw na nasayang sa paghahanap sa kulungan.
Alam mo naman na ayaw ko nagsasayang ng oras. Inuubos na ni Antonio ang mga
kampon natin” sabi ng batang Basilio.
“Oo sigurado ko dito na talaga yon. Sabi ko naman sa iyo kasi humingi ka ng tulong
sa mga matatanda pero ayaw mo. Kaya tuloy ang dami natin nasayang na araw. Pero
wag ka mag alala eto na talaga ang lugar” sabi ni Armina. Lumuhod sa lupa ang batang
babae at umukit ng mga simbolo.
Nang mabuo ng taga bulong ang mga marka sa lupa napatingin siya kay Basilio.
“Pahiram ulit ng lakas mo para mabuksan natin ang portal” sabi niya. Nilagay ng batang
demonyo ang mga kamay niya sa balikat ng batang babae. Nagliyab ang katawan ni
Basilio, may itim na usok mula sa katawan niya ang lumilipat sa katawan ni Armina.
Umilaw ng pula ang simbolo sa lupa ngunit napatapon yung dalawa paatras.
“Bossing!” sigaw ng batang Bragudo at inalalayan makatayo yung dalawa. Agad
lumapit ang batang Lorena para gamutin ang dalawang bata habang ang batang Fortea
pinagmasdan ang simbolo sa lupa. “Palpak ka nanaman Arimina” bigkas niya.
“Hindi! Dito nga yung lugar na pwede magbukas ang portal papunta sa kulungan.
Nakita mo naman tinapon tayo palayo dahil hindi tayo inosente” sagot ni Armina. “Ano
pa kailangan natin gawin? Nag anyong bata na nga tayo e!” sigaw ni Basilio. “Anyong
bata pero ramdam ng portal kung sino talaga tayo. Kailangan natin ng totoong
inosenteng bata” paliwanag ni Lorena.
Nagwala si Basilio at nagdadabog pero pinakalma siya ni Bragudo. “Boss relax lang,
madaming tao dito sa Pampangga. Madali lang tayo makakahanap ng inosenteng bata.
Dito narin tayo kukuha ng alas natin” sabi ng taga braso. “O ano pa inaantay niyo?
Kumuha na kayo!” utos ng batang demonyo.
Trenta minutos ang lumipas at nakabalik si Bragudo at Fortea na may kasamang
batang lalake. “Yehey! Pano niyo ginawa yon? Ulit nga” sabi ng bata pagkat nagteleport
sila. “Oo mamaya pero laro muna tayo dito” sabi ni Bragudo at tawa ng tawa sina
Basilio, Lorena at Armina.
“Sumakay na kayo, kailangan pa natin utuhin yan e” bulong ni Fortea sa mga
kasama niya. “Ano lalaruin natin? Wala naman pwede laruin dito e” sabi ng bata. “Kaya
nga pupunta tayo sa magic place. Tapos doon tayo maglalaro” sabi ni Armina. “Talaga?
Magic place? May swing at slide doon?” masayang tanong ng bata. “Oo tapos
madaming laruan doon” dagdag ni Bragudo.
Di matiis ni Basilio at tumalikod para tumawa. “Halika dito Jun, ilagay mo hands mo
dito o para makapasok tayo sa magic place” sabi ni Armina. Agad lumuhod yung bata
sa lupa at nilagay ang dalawang kamay sa simbolo. “Jun kailangan isipin mo papasok
tayo sa magic place ha. Tapos kailangan din isipin mo isasama mo kami lima ha”
paliwanag ng batang taga hilom.
“Basta ilalagay ko hands ko dito? Mag oopen ba yung door?” tanong ni Jun. “Oo pero
dapat isama mo kami ha” sabi ni Lorena. “Teka pano yung mga alas natin?” tanong ni
Bragudo. “Wag ka mag alala pag nakapasok na tayo doon pwede na tayo maglabas
pasok sa lugar na yon kaya madali nalang tayo makakabalik para kunin sila” sabi ni
Armina.
Tumayo na si Basilio sa likod ni Jun at nilagay ang mga kamay niya sa balikat ng
bata. “Wag ka matakot ha, ipapasa niya powers niya sa iyo para maopen mo yung
door” sabi ni Armina. “May powers siya? Ako ba magkakapowers din?” tanong ng bata.
“Oo makakalipad ka mamaya bilang kaluluwa” sabi ni Basilio at bigla siya siniko ni
Fortea. “Wag kang ganyan” bulong niya at tumawa ang batang demonyo.
“O game na open mo na ha” sabi ni Lorena at lahat sila kumapit sa bata. Nilipat na ni
Basilio ang lakas niya, tuwang tuwa si Jun nang lumiwanag ulit ang simbolo sa lupa.
May malakas na dilaw na ilaw ang lumabas mula sa lupa at hinigop ang anim na bata.
Sumulpot sila lahat sa isang disyerto na puti ang buhangin.
“Wow! Snow!” sigaw ni Jun. “Snow mo mukha mo, iligpit na yan. Wala na tayo pag
gagamitan diyan” sabi ni Basilio at sa malayo nakita na niya ang isang malaking
palasyo. “Kakaiba tong disyerto na ito, akala ko susulpot tayo sa paraiso” sabi ni
Lorena. “At sa tingin mo tatawagin pang kulungan kung sa paraiso pinaparusahan ang
mga mandirigma?” tanong ni Fortea.
“Oo pero wala ako nakikitang iba kundi yang palasyo na yan. Makakatakas man ang
preso tignan mo wala siya tatakbuhan” sabi ni Bragudo. “Sa tingin ko kailangan pa natin
si Jun” sabi ni Armina kaya hinawakan niya yung kamay nung bata at naglakad sila
papunta sa malaking palasyo.
Nauna si Basilio pero napatpis siya sa malayo pagkalapit niya sa napakalaking pinto.
“Basilio!” sigaw ni Bragudo at agad nila pinuntahan ang batang demonyo. Si Jun ang
lumapit sa pinto kaya nagulat ang lahat. “Sandali! Wag mo muna kakatok ha!” sigaw ni
Armina.
“Makakarne tayo dito, bumalik na kayo at kunin ang ating alas. Sa likod ng pinto na
yan nararamdaman ko ang isang nilalang na higit ang lakas at kapangyarihan kesa kay
Pentakis” sabi ni Basilio. “Ramdam ko nga din, Bragudo, Lorena magmadali na kayo”
sabi ni Fortea. Lumapit si Jun sa grupo at nagkamot. “Tara na pasok na tayo sa loob”
sabi niya. “Sandali lang Jun tatawag pa tayo ng mga kalaro para mas madami tayo”
sabi ni Armina.
“Bilib din ako dito sa ginawa nilang kulungan, mahirap hanapin at madaming
seguridad laban sa mga gustong umatake. Isa pa pag nagawa mo man tumakas
hanggang dito ka nalang sa disyerto na ito at hindi makakabalik sa lupa” sabi ni Basilio.
“At tignan mo kampante lang sila, wala nagbabantay man lang sa labas pero sa loob
ramdam ko din ang isang malakas na nilalang. Ano kaya siya?” tanong ni Fortea.
Napangisi si Basilio at dahan dahan tumayo, muli siya lumapit sa malaking pinto at
napatapis ulit siya ng malayo. Tawa ng tawa yung batang demonyo at muling
bumangon. “Mahusay ang gumawa dito, kakaiba talaga. Hindi naman sila gagawa
siguro ng ganito kung wala sila tinatagong importante sa loob. Dito nga ang kulungan”
bigkas niya. “Ibig mo sabihin may duda ka sa akin?” tanong ni Armina.
“Oo kasi ngayon mo lang din napuntahan ang lugar na ito. Pero bilib na ako sa iyo
Armina wag kang mag alala” sabi ni Basilio. “Pero sa totoo lang naiinis ako. Akala ko
ako na ang pinakamalakas na demonyo. Yan ang pinaniwala sa akin pero nung
nakalaban ko si Pentakis nakita ko na ang katotohanan. Oo ako siguro ang
pinakamalakas sa mga rebelde, oo ako din lang ang nakakakuha ng lakas mula sa
impyero dahil isa din akong anomalya pero hindi pa pala ako sapat. Di ko akalain na
nandito ako ngayon para kumuha ng mga alagad dahil sa kahinaan ko” dagdag ng
binata.
“Wag mo na problemahin yan. May solusyon na nga tayo e at siguro hindi mo pa
natutuklasan talaga ang lahat ng kapangyarihan mo. Ang importante ikaw ang sasalba
sa atin. Lahat naman nagsisimula sa wala e. Pero Basilio itong mga papakawalan natin,
sa tingin mo kaya nila lumaban? Kasi sinara ni Antonio ang pinto ng kalakasan, baka
katulad lang nila kami na kokonti ang lakas dahil sa pagsara ni Antonio sa pinto” sabi ni
Fortea. “Karamihan sa kanila katulad ni Crispin, mga likha ng eksperimento. Yung iba
katulad niyo, pero wag kayo mag alala unti unti nabibiyak ang pinto ng kalakasan. Bakit
hindi niyo ba nararamdaman na lumalakas kayo konti?”
“Araw araw ko trinatrabaho ang pagbiyak sa pinto kaya lagi ako nawawala pero pag
napalaya na natin ang mga mandirigma madami nang tutulong sa akin. Madami narin
ang magbibigay ng sakit sa ulo kay Antonio habang tayoy maglalakbay papunta sa
lupain ng kapangyarihan. Ayaw ko talaga nagsasayang ng oras pero kinakailangan
gawin ang mga ito” paliwanag ng binata.
Sumulpot bigla si Lorena at hingal na hingal. “Handa na si Bragudo, pwede niyo na
buksan ang pinto” sabi niya. Napatingin si Armina kay Jun at nginitian ito, “Sige na
pwede na tayo magplay” sabi niya.
Takbo ang batang lalake sa may pinto, napalingon siya saglit at ngumiti. Kumatok si
Jun tatlong beses, sina Basilio, Lorena, Armina at Fortea agad pumorma sa kung ano
man ang lumabas sa pinto. Muling kumatok si Jun at may narinig silang malakas na
kalagabog. Napatras konti ang batang lalake, dahan dahan nagbukas ang pinto at
matandang lalake na nakaputi ang lumabas.
Ngumiti ang matanda at lumuhod para titigan si Jun. “Ano yon? Bakit ka nandito?”
tanong niya. “Maglalaro po sana kami sa loob” sagot ng bata. “Maglalaro? Hindi ka
naman pwede maglaro dito e. Pano ka ba nakapunta dito at sino nagsabi pwede ka
maglaro dito?” tanong ng matanda. Lumingon si Jun at tinuro ang mga kasama niya.
Agad napatayo ang matanda at huminga ng malalim.
Dinikit nung matanda ang isang daliri niya sa noo ni Jun at bigla ito nawala. Humarap
siya kina Basilio at dahan dahan naglakad palapit. “Bilib ako sa talino niyo. Kayo palang
ang unang nakarating dito sa lugar na ito. Hindi ko na itatanong kung bakit pero
pagsisisihan niyo ang pagpunta niyo dito!” sigaw ng matanda at sa isang humpay ng
kamay niya napatapis ang mga bata sa malayo.
“Hindi ako pumapatol sa mga bata pero nagtago kayo sa anyong yan, ngayon
pagdusahan niyo!” hirit ng matanda at ang bilis niya nawala. Nagsitayuan sina Basilio
pero bago pa makatayo ang mga kasama niya ay sumulpot bigla ang matanda sa harap
niya. Nagbabagang puti ang kamao ng matanda at dinikit niya ito sa dibdib ng batang
demonyo. Napasigaw ng todo si Basilio at nanginig, nagpalabas ng itim na apoy si
Fortea at tinira sa matanda pero walang nangyari.
Hinawakan ng matanda ang ulo ni Basilio at hinipan ang bata. Nabalot ng yelo ang
batang demonyo kaya nagsigawan ang mga kasama niya. Nawala ulit ang matanda
kaya pinalubutan ng mga babae ang nanigas na pinuno nila. “Nasan na si Bragudo?!”
sigaw ni Fortea pero nakita nila sumulpot ang matanda sa may pinto at pumapasok na
ito.
“Hoy! Harapin mo kami!” sigaw ni Lorena. Lumingon lang yung taga bantay at
ngumisi. Mula sa puting buhangin may puti na usok ang lumutang at pinalibutan yung
tatlong babae. Wala pang limang segundo naging yelo narin sila tulad ni Basilio.
Huminga ng malalim ang matanda at humarap sa mga kalaban at napansin niya
nabibiyak ang yelo sa katawan ng lalakeng demonyo. Napatingin siya sa langit at
napabuntong hininga, “Patawad” bigkas niya.
Nagbagang pula ang yelo na bumabalot sa katawan ni Basilio, nakita ng matanda na
nalulusaw ang yelo kaya naglakad ulit siya palapit sa bata. Nang nakawala si Basilio ay
bumalik siya sa tunay na anyo niya at napangisi yung matanda. “Ayan wala ng
konsensyahan to” sabi niya at sinuntok ang binata sa mukha pero hindi man lang
nasindak ang demonyo. “Ganyan ba talaga kalakas ang taga bantay?” tanong niya at
bumawi siya sa isang malakas na suntok pero di rin natinag ang matanda.
Nagpaatras ang binatang demonyo at nagpalabas ng dalawang itim na espada,
napangisi lang yung matanda at pati siya naglabas ng dalawang nagbabagang puti na
espada. Nagsagupaan yun dalawa at nabilib yung matanda sa pagdepensa ni Basilio.
“Magaling ka sa espada pero hanggang depensa ka nalang!” sigaw niya. Hindi
makaatake ang binatang demonyo, mabangis at malalakas ang bawat hampas ng
matanda. Palayo sila ng palayo kaya halata ang kaba sa mga mata ni Basilio.
“Kilala na kita, masyado malayo ang mga kasama mo para magamit mo sila.
Pagsisisihan mo ang pagpunta mo dito!” sigaw ng matanda at sabay niyang winasiwas
ang mga espada niya, isa lang ang nadepensahan ni Basilio kaya nalaslas siya sa
dibdib. Binitawan niya ang isang espada niya saka pinalipad ang katawan ni Armina sa
ere gamit ang kanyang isip. Napalingon yung matanda, mabilis itong tumakbo para
saluhin ang katawan ng dalaga. Bago bumagsak ang nagyelong katawan ni Armina
nasalo siya ng matanda pero nasaksak siya ni Basilio sa likod.
“Basang basa kita tanda! May tsansa ka kanina para patayin kami pero hindi mo
ginawa. Malakas ka nga kaya lang hindi mo kaya pumatay! Labag ba ito sa konsensya
mo? Ang kabaitan mo ang iyong kahinaan!” sigaw ni Basilio sabay tumawa ng malakas.
Naisaksak pa ng binata ang ikalawang espada niya sa likod ng matanda, napaluhod
ang taga bantay sa lupa pero nagawa pa niya humarap sa binata.
“Matagal na kita inaantay Basilio” sabi ng matanda kaya nagulat ang binata. Muling
naidikit ng matanda ang kamay niya sa dibdib ng binata, muli itong lumiwanag ng puti
pero mas malakas ang sigaw ni Basilio pagkat nalulusaw ang kanyang balat. “Kanina
tinetesting lang kita kung ikaw nga ang sinasabing taga salba ng mga rebelde, siguro
ikaw nga pero hindi na mangyayari yon pagkat wawakassn na kita dito” sabi ng taga
bantay.
Bumaon ang kamay ng matanda sa dibdib ni Basilio, ang itim na apoy sa katawan
niya biglang nawala. “Wag ka nang papalag pa iho. Tiisin mo ang sakit na dulot ng
puting apoy, di magtatagal ikay papanaw narin” bulong ng matanda. Humina ng tuluyan
ang katawan ni Basilio, napaluhod na siya sa lupa at nakahawak sa kamay ng matanda
tila nagmamakaawa.
“Bitawan mo siya!” sigaw ni Bragudo. Paglingon ng matanda para siyang nanghina
pagkat madaming kasamang inosenteng tao ang malaking demonyo. Bakas ang takot
sa mukha ng mga bihag, may itim na usok na sumasakal sa kanilang leeg. “Bitawan mo
siya kung hindi ang buhay ng limang libong taong ito nasa kamay mo!” banta ng taga
braso.
Walang magawa yung matanda, hinugot niya ang kamay niya sa dibdib ni Basilio at
naglakad paatras. “Pakawalan mo yung ibang kasama ko!” sigaw ni Bragudo at sa
isang iglap natunaw ang mga yelo na bumabalot sa katawan nung tatlong batang
babae. Bumalik na sa tunay na anyo nila ang mga alagad ni Basilio, nagsigawan sila
pagkat nakita nila na halos wala nang buhay ang pinuno nila na nakahiga sa lupa.
Agad sinubukan ni Lorena gamutin ang binata habang pinahigpitan pa ni Bragudo
ang pagsakal sa kanyang mga bihag. “Pakawalan mo na ang mga tao, sinunod ko na
ang gusto mo” sabi ng matanda. “Hindi pa, tulungan mo kami makapasok sa kulungan
at pakawalan ang mga mandirigma. Pero ayusin mo ang ginawa mo kay Basilio!” sigaw
ng taga braso.
Tumalikod yung matanda at naglakad papunta sa pinto. “Hoy! Nakikinig ka ba sa
akin?” sigaw ni Bragudo. “Oo narinig kita. Magagamot ni Lorena si Basilio. Sige na
pumasok na kayo sa loob, hindi na ako hahadlang sa plano niyo. Armina gumawa ka ng
sumpa ng kasunduan, dalian mo!” sigaw ng matanda.
“Teka! Pano mo alam ang mga pangalan namin? At pano mo alam bruha ako?”
tanong ni Armina. “Wag ka na magsayang ng oras. Gumawa ka ng sumpa ng
kasunduan!” sagot ng taga bantay. Agad nagsulat ng mga simbolo ang dalaga sa lupa
at sumulpot agad sa tabi niya ang matanda. “Kayong lima lumapit dito at lahat tayo hahawak dito” utos ng matanda. “Sandali lang! Ano yan? Inuutakan niya tayo!” sigaw ni
Fortea.
“Hindi sis, sa tingin ko papayagan niya tayo gawin gusto natin kapalit ay kaligtasan
ng mga bihag. Ang lalabag sa kasunduan ay mamatay agad” sabi ni Armina. “Tama ka,
wala kasi ako tiwala sa inyong mga demonyo. Itong nagaganap na ito matagal ko nang
alam, papayagan ko kayo pumasok, mapapalaya niyo ang mga mandirigma pero
papatayin niyo din lang sa huli ang mga bihag niyo. Kaya babaguhin ko ang nakasulat
na. Hindi niyo na mapapatay ang mga bihag”
“Kaya ko naman kayo pigilan sa totoo lang ngunit mas matimbang ang buhay ng
mga tao kesa sa inyo. Maaring mapapatay ko ang ilan sa inyo pero magagamit niyo
parin ang mga tao sa bandang huli. Pero kung kaya ko iligtas ang mga bihag niyo
masaya na ako. Kahit masira na ang pangalan ko. Kaya tama na ang satsat at ilagay
niyo kamay niyo dito” sabi ng matanda.
Inalalayan ng iba si Basilio para makalapit, medyo bumalik na ang lakas niya pero
hindi pa naghihilom ang sugat niya sa dibdib. Pagkalagay nila ng mga kamay nila sa
simbolo nabalot ang mga kamay nila ng dilaw na liwanag. Agad tumayo ang taga
bantay at naglakad patungo sa mga nabihag na tao. “Gawin niyo na ang gusto niyo”
sabi niya.
“Hoy tanda! Wag kang aalis dito hindi pa tayo tapos” sabi ni Basilio. “Alam ko,
papakawalan ko lang tong mga tao.Pagkatapos maghihintay lang ako dito sa labas”
sagot ng matanda. Tumuloy na yung lima papasok ng malaking palasyo, pagpasok nila
nung pangalawang pinto ay namangha sila sa dami ng mga mandirigmang nakakulong.
“Ang dami pala.Pag titignan mo sa labas akala mo kung maliit lang tong palasyo”
bigkas ni Fortea. Hilehilerang kulungan ang nakita nila,may limang palapag ang
palasyo kaya nalula sila at hindi alam kung saan magsisimula. “Teka parang relax lang
sila lahat. Hindi ganito ang nasa imahinasyon ko.Akala ko masaya sila na makikita
tayo. Pero tignan mo sila wala man lang lumalapit sa mga rehas” sabi ni Bragudo.
Lumapit si Armina sa isang selda, “Saan ba dito yung kulungan ng mga malalakas na
mandirigma?” tanong niya.Hindi siya pinansin nung preso kaya lumipat siya sa
susunod para magtanong. Wala talaga ang pumapansin sa kanya kaya napasigaw siya
sa inis. “Ano ba nangyari na dito sa kanila? Parang narehab na silang lahat!”
Nakarinig sila ng isang tawa, agad nila sinundan saan nanggagaling ang tawa na
yon. Sa pinakasulok na selda nakita nila nakahiga ang isang nilalang. “Nagsayang lang
kayo ng oras sa pagpunta dito” sabi niya. “Wag natin pakawalan yan, mayabang
masyado” sabi ni Lorena at biglang nagtawanan ang lahat ng preso. “Mukhang siya ang
mayordomo ng kulungan na ito” sabi ni Fortea.
“Basilio, Fortea, Armina, Lorena at Bragudo. Tama ba?” sabi ng preso kaya nagulat
yung lima. “Pano mo kami kilala?” tanong ni Lorena at muling tumawa ang preso.
“Nagsayang lang kayo ng oras sa pagpunta dito” ulit nung preso kaya pinikit ang
kanyang mga mata. “Bakit mo naman sinabi yon? Hindi ka ba natutuwa na nandito kami
para palayain kayo?” tanong ni Basilio.Naupo sa kama ang preso at biglang tumayo at
lumapit sa rehas.
“Sa tingin mo may gustong sumama sa iyo? Kahit na buksan mo ang mga rehas dito
wala sasama sa inyo” sabi ng preso. “Bakit? Ayaw niyo ba lumaya?” sumbat ng binata.
“Gusto pero para ano pa? Para tuluyan na mawala sa mundo? Mas maganda na dito at
nabubuhay kami kesa naman bumalik sa lupa kung saan nag aantay si Antonio” sagot
ng preso.
“Takot kayo sa kanya? Ako ang papatay kay Antonio! Kaya ako nandito para iligtas
kayo at makaganti kayo kahit paano” sabi ni Basilio at muling nagtawanan ang lahat ng
preso. “Kung yang si tandang Grauliyo hindi mo kaya ano pa kaya kung si Antonio?”
sabi ng preso at napahalakhak siya. “Pag ako sa inyo bumalik na kayo sa lupa,walang
gusto sumama sa inyo” dagdag niya at bumalik sa kama.
“Kilala nito si Antonio” bigkas ni Armina kaya nagtaka yung iba. “Sino bang hindi
nakakakilala kay Antonio dito? Halos karamihan sa amin dito nakatikim na ng
kapangyarihan niya. Kokonti lang dito ang hindi pa pero takot narin sila dahil napuno
namin ang kulungan na ito” sabi ng preso. “Naguguluhan ako, para saan pa ang dakilang itim na apoy niya kung hindi niya rin lang ginamit sa inyo?” tanong ni Basilio.
“Yung mga nakatikim ng apoy na yon wala dito,kami mga nandito ang mga lumaban sa
kanya pero bago pa niya magamit ang apoy ay sumuko na kami at nagmakaawa” sagot
ng preso.
Tumawa si Basilio at napaisip, “Ibig mo sabihin may kalambutan din pala ang Antonio
na yon? Akala ko ba mabangis siya?” tanong ng binata. “Hoy bata, malamang na hindi
mo pa natitikman ang lakas niya kaya manahimik ka.Nagpapasalamat kami at may
konting bait yung demonyo na yon at mas gusto namin makulong dito kesa tuluyan
mawala sa daigdig. Kung wala siyang awa malamang iilan nalang ang naabutan niyo
dito” sabi ng preso.
“Ibig niyo sabihin lahat ng mga nakakulong dito ay duwag?!” sigaw ni Basilio at
naglakad papunta sa gitna. “Ganyan ba ang epekto ng kulungan na ito? Ginawa niya
duwag ang mga preso?!!! Mga duwag!!!” hirit niya pero pinagtawanan lang siya ng mga
preso. “Sandali lang may gumugulo lang sa isipan ko” sabi ni Fortea at bigla siya
lumabas.
“Mga duwag! Nandito ako para kumuha ng mga alagad ko! Oo mahina pa ako pero
may paraan ako para lumakas pa.Tanging ako lang ang demonyo sa lupa ngayon na
makapangyarihan na may kaya na humarap kay Antonio! Aminado ako hindi ko pa kaya
kaya nandito ako para kumuha ng alagad para bigyan ako ng sapat na oras para
makuha ko ang sapat na kapangyarihan!” sigaw ng binata.
“Sabi ko sa iyo nagpapagod ka lang bata” sabi nung preso kaya lalong nagwala si
Basilio. “Basilio! Pakinggan mo itong sasabihin ng matandang ito! Lahat kayo
makinig!!!” sigaw ni Fortea.Tikom ang bibig ng matanda kaya lumapit si Armina,
“Bragudo bumalik ka nga sa lupa at kumuha ng panibagong mga bihag. Para magsalita
itong matandang ito” landi niya.
Magrereklamo na sana yung matanda pero sumulpot sa harapan niya si Basilio.
“Wag mo sasabihin na lumalabas kami sa sumpa! Ang usapan ay yung mga bihag
kanina,panibagong bihag ang usapan. Kaya magsalita ka na” banta niya. “Kailangan
gumawa ng bagong kasunduan” bigkas ni Grauliyo. “Aha! Nagbanta ako na kukuha ng ibang bihag, mas malakas ka naman kesa sa amin…hindi mo kaya umalis sa lugar na
ito ano?!!” bigkas ng binata at tumawa ng malakas.
“Naiintindihan ko bakit hindi mo kami maatake pagkatapos napakawalan ang mga
bihag. May kasunduan kasi.Pero itong bagong banta namin hindi mo kaya pigilan kasi
hindi mo kaya lumbas sa lugar na ito!” dagdag ni Basilio. “Kailangan ng bagong
kasunduan” ulit ng matanda.
“Hindi na! Basta magsalita ka na! Sabihin mo ang tinatago mong sikreto sa kanila!”
sigaw ni Fortea.Biglang umingay ang kulungan at lahat ng preso lumapit sa mga rehas
para tignan ang matanda. “Patayin niyo nalang ako” sabi ni Grauliyo kaya nainis ang
binatang demonyo. “Basilio pahiram ng konting lakas mo,kanina nababasa ko isipan
niya pero ngayon nakagawa siya ng paraan para pigilan ako” sabi ng dalagang taga
basa.
“Bakit Fortea ano ang nabasa mo sa kanyang isipan?” tanong ni Basilio habang
naglalakad siya palapit. “Alam talaga nila na parating tayo pero magulo na yung
susunod pagkat pinagsarhan niya ako” sabi ni Fortea. “Oo lagi niya sinasabi na
paparating ka dito! Sabi din niya papakawalan mo kami pero mapapatay din lang kami
ni Antonio. Yun daw ang nakasulat sa libro ng propeta!” sigaw ng isang preso.
“Libro ng propeta? May narinig na ako na sinasabi nung apat na matanda na propeta
pero sabi nila napatay na nila yon” sabi ni Basilio.Tahimik lang ang matanda kaya agad
nagpunta si Basilio sa likod ni Armina. “Mas maganda kung siya mismo ang magsasabi
ng katotohanan sa lahat” bigkas niya.
Humawak ang binata sa likod ng kanyang taga bulong. Nagliyab agad ang mga mata
ni Armina at bumulong sa matanda. “Sasabihin mo ang buong katotohanan sa amin”
bigkas niya.Nanigas si Grauliyo at matamlay na naglakad papunta sa gitna.Mga itim
sa mata niya nawala,pilit niya nilalabanan ang kapangyarihan ng bulong ngunit ilang
sandali lang ay nasakop na ang buong isipan niya.
“Sasakop si Basilio sa kulungan ng liwanag at papakawalan ang mga mandirigma ng
impyerno. Wala awa nila papatayin ang kanilang mga bihag na tao upang ipakain ang
mga kaluluwa sa mga nakalayang mandirigma”
“Ang tagapagligtas ng mga rebelde ay magpapalakas ng sarili sa pagpasok sa lupain
ng kapangyarihan.Silay magtutuos ng tagapag ayos at itoy kanyang matatalo…”
Tumigil ang matanda at bigla ito bumagsak sa lupa, nagulat ang lahat nang makita
nila ang kamay niya nakabaon sa kanyang dibdib.Bago pa makalapit si Bragudo ay lalo
lumakas ang liwanag, napasigaw ng malakas ang matanda at puting ilaw ang lumabas
sa kanyang mga mata.Bagsak ang katawan niya sa sahig pero nagsigawan ang mga
preso. “Sinungaling ka!!!”
“Ano ang katuloy ng sasabihin niya? Matatalo ko pero ano?” tanong ni Basilio. “Sabi
ko kasi sa iyo dapat ako nalang para nabasa natin lahat.Pero mas pinili mo si Armina”
sabi ni Fortea. “E hindi ko naman alam na ganon! Libro ng propeta bakit hindi natin
alam ang tungkol doon? Saan natin matatagpuan yon?” sigaw ng binata. “Hindi ka pa
ba kuntento sa sinabi niya? Hindi siya pwede magsinungaling tandaan mo yan” sumbat
ni Armina. “At ano naman tawag mo sa ginawa niya sa mga preso aber? Hindi ba
nagsinungaling siya?” sabi ni Fortea. “Malamang pinaunahan na niya ito,tignan mo
naiwasan niya na patayin natin ang mga bihag.Dinaan niya sa pag brain wash ang mga
preso para lalo hindi magtagumpay si Basilio” sumbat ng taga basa.
“Hoy Basilio! Mag usap tayo!” sigaw ng isang preso. Napangisi ang binata at
napatawa ng malakas. “Ngayon gusto niyo na ako kausapin?!” sigaw niya.
“Nagsinungaling yung bantay sa amin.Yun ang pinaniwala niya sa aming lahat.
Pakawalan mo na kami ngayon na alam namin ang katotohanan. Handa kami
maglingkod para sa iyo” sabi ng preso.
Tumawa ng malakas si Basilio at naglakad lakad. “Kanina hindi niyo ako pinapansin.
Ngayon Trinatrato niyo na ako na tagapagligtas niyo? Nakakatawa kayo!” bigkas ng
binata. “Intindihin mo din kami! Sino ba ang hindi matatakot kay Antonio? Ngayon na
alam namin na ikaw ang tatalo sa kanya nagbago na ang isipan namin.Ikaw naman din
siguro ganon ang gagawin pag nasa kalagayan ka namin” hirit ng preso.
“Nagkakamali ka! Hindi ako mahuhuli o matatalo ni Antonio. Oo sa ngayon hindi ko
siya kaya pero lalakas ako! Narinig niyo naman ang sinabi nung matanda.Sabi ng
propeta ako ang tatalo sa kanya! Ngayon pag pinakawalan ko ba kayo ay pagsisilbihan
niyo ako? Sabihin niyo na sa akin” sabi ni Basilio. “Mas maganda kung gagawa tayo ng
kasunduan!” sigaw ni Armina.
“Hindi na kailangan ng kasunduan! Isa lang naman ang gusto namin lahat dito! Ang
pagtumba kay Antonio.Kung ikaw nga ang demonyo na tatalo sa kanya e di sa iyo kami
sasamba!” sagot ng preso at natuwa ang binata. “Sige! Pakawalan ang lahat ng preso!”
sigaw ni Basilio.
“Sandali!!! Hindi mo pwede pakawalan ang lahat!” sigaw nung isa. Napalingon ang
lima sa isang kulungan at may matandang preso na lumapit. “Pakawalan mo lang ang
mga demonyo at yung iba isa isa mong pakawalan para pagpiyestahan namin” sabi
niya.
Napalingon ang lima at napansin nila na hindi lahat ng kulungan may nilalang malapit
sa rehas. “Ah halo halong kulungan pala ito. Hindi ko akalain na may mga anghel din na
pasaway” sigaw ni Basilio at napahalakhak. “Yan ba ang gusto niyong gawin ko?
Pakawalan lang ang aking kapwa tapos sabay sabay natin pag piyestahan ang mga
anghel isa isa?!!!” sigaw niya.
Umingay ang buong palasyo at nagwala ang mga demonyo. “Sige pakawalan
lamang ang mga demonyo! Pagkatapos ay isa isa niyong ipapakita sa akin ang inyong
lakas at kapangyarihan, papaslangin natin ang mga presong anghel!!!” sigaw ng binata.
Sa labas ng palasyo naupo si Basilio habang tuloy siyang pinapagaling ni Lorena.
Ang mga demonyong mandirigma isa isang nagpakitang gilas habang kinakawawa nila
ang mga anghel na preso.Tuwangtuwa na nanood sina Bragudo at Fortea pagkat
nakikita nila na malalakas nga ang mga bagong alagad nila. “Kawawang Antonio,
sigurado papahirapan siya ng mga ito” sabi ni Armina. “Oo nga,pero boss pagsabihan
mo sila na pahirapan lang si Antonio at pag nanganganib sila ay tumakas na sila agad”
sabi ni Bragudo.
“Oo gagawa tayo ng paraan para diyan, si Armina na ang bahala. Pag nasa
panganib na sila e sana agad sila mateteleport ng malayo kung saan hindi
makakasunod ang tagapag ayos.Pero kinakabahan parin ako sa libro ng propeta” sabi
ni Basilio.
“Akalain mo alam ng libro ang bawat galaw natin. Pati yung plano natin na pagpunta
dito at pagpunta sa lupain ng kapangyarihan nakasaad doon” sabi ni Lorena. “Kaya
nga, gusto ko makuha yung libro na yon.Napatay na yung propeta nung apat na
matanda, hindi man lang nila nalaman na may ginawang libro.Mahina din pala sila,
bweno maganda naman ang nakasulat tungkol sa akin at tignan mo ang mga bagong
alagad natin.Konting tiis nalang at masasakop na natin ang buong bansa” sabi ng
binata.
“Antonio humanda ka na”