Ilang linggo na rin ang mabilis na lumipas. Masaya siyang umuwi sa kanyang condo noong gabing iyon sa kadahilanang finally pagkatapos maging punong abala sa pag-aasikaso sa nabiling bahay at lupa ay kanina lang ay iniabot na sa kanya ang mga papeles ng mga ito na under na sa kanyang pangalan. Ngayon lang siya nakabili ng sariling property. Mahirap pala mag-asikaso ng mga ito, maraming kailangan, pero worth it naman ang lahat. At least may masasabi na siyang kanya, na galing mismo sa kanyang pinagpaguran. Ang condo kasi na tinitirhan niya ngayon, kahit pa sarili niya ito ay hindi naman galing sa bulsa niya ang ipinangbili dito. Regalo ito sa kanya ng kanyang mga magulang noong mag tapos siya ng kolehiyo.
Medyo nakainom siya noong gabing iyon. Paano’y nag celebrate sila ng kanyang kaibigan at uminom sa isang bar. Ala una na siya umuwi. Bagama’t medyo marami na ang nainom ay kaya pa naman niya mag-drive at kaya pang umuwi mag-isa.
Pagkapasok sa kwarto ay diretso na siyang nag-hubad ng mga damit at pabagsak na inihiga ang katawan sa kanyang kama. Ilang minuto pa ay nakatulog na ito.
“Alejandro?”
Mula sa mabilis na pag lalakad upang makaalis sa madilim na lugar na iyon ay may narinig siyang boses ng isang babae na tila may tinatawag na pangalan. Itinuon niya ang paningin sa direksyon kung saan niya narinig ang boses nito at nakita niya mula sa di kalayuan ang isang babaeng nakatayo na nakasuot ng puting mahabang damit na may kalumaan ang estilo.
Isa pang tawag nito sa pangalang iyon habang nakaharap sa kanya. Ang ipinag tataka nya ay wala namang ibang tao doon maliban sa kanilang dalawa. Sino ang tinatawag ng babaeng iyon?
Kumilos ang nakaputing babae at lumakad papalapit sa kanya.
“Alejandro!”
Sabik itong tila patakbo na siyang sinalubong. Huli na para makaiwas nang yakapin siya nito ng mahigpit.
“Oh, Alejandro!”
Mahigpit ang naging yakap ng babae sa kanya. Siya na naguguluhan at di nakakilos sa inakto nito ngunit hinayaan niya lang itong yakapin siya.
“Maligayang pagbabalik irog ko!” Isang malambing na boses ang lumabas sa bibig nito sa pag kakasabi sa mga katagang iyon. “Matagal na kitang hinihintay. Akala ko hindi na tayo muling magkikita pa. Masaya ako at bumalik ka na Alejandro.”
Ang pangalang iyon ang dahilan kung kaya tila nagising siya sa tila pagkaka paralisa ng isip at katawan. Kinuha niya ang dalawang braso nito at inilayo mula sa pag-kakayakap sa kanyang katawan. “Nagkakamali ka miss. Hindi ako si Alejandro,” saad niya habang inilalayo ang katawan mula sa babae.
Doon lang tila may mahikang naganap at biglang nagliwanag ang kanyang paligid. At sa wakas ay nakita niya na ang mukha nito.
Natulala siya sa maganda at maamong mukha ng babaeng kaharap. Ang mapupulang mga labi nito ay nakangiti at ang mga maaamong mata ay nakatunghay sa kanya.
“Ano ba ang pinagsasabi mo irog ko,” hindi pa rin naaalis ang pagkakangiti nito na kinuha ang kaniyang mga kamay. “Alam ko matagal tayong hindi nagkita pero kilala pa rin kita, walang nagbago sa iyo. Ikaw pa rin ang Alejandro na aking iniibig,” pinupog nito ng mga halik ang kanyang punong kamay.
Tsaka niya lang napansin ang kanyang kakaibang suot na damit noong oras na iyon. Nakaputi na siya ng polo shirt at naka khaki na na pantalon. Kinapa niya ang buhok, maikli na ang pagkaka gupit sa mga iyon.
Naguguluhan siyang binawi ang mga kamay mula sa pagkakahawak nito at paatras na lumakad.
“At ngayong bumalik ka na sa akin, habang-buhay na tayo magsasama. Kahit saan tayo pumunta, kahit saan mo ako dalhin, wala nang hahadlang pa.”
Akma ulit siyang yayakapin ng babae nang bigla siyang napakislot sa pagkakahiga at nagising.
Napabangon siya. Isa na namang panaginip. Karugtong ng panaginip niya noong nakaraan. Ngunit bakit ngayon nalang ulit? Ilang linggo na rin ang nakakalipas magmula noong huling panaginip niya tungkol sa babaeng iyon, bakit ngayon nalang ulit? At ano ang ibig sabihin nito na maligayang pagbabalik?
Napatayo siya at lumakad papunta sa kalapit na banyo ng kanyang kwarto. Tumungo sa may lababo at dahan dahang humarap sa malaking salamin na nandoon. Pinakatitigan ang sarili. Ang Alejandro na tinutukoy ng babaeng iyon sa kanyang panaginip ay siyang nakikita niya ngayon sa salamin. Siya ang lalaking tinatawag nitong irog. Napakunot ang noo niya, naguguluhan pa rin sa kung ano ang kahulugan ng panibagong panaginip na iyon. Binuksan ang gripo sa lababo at hinilamusan ang mukha. Pagkatapos ay pinunasan ito ng tuwalya. Medyo ramdam niya pa ang tama sa kanya ng ininom na alak kagabi kaya bumalik ulit sa pagkakahiga sa kanyang kama. Nagkumot at sandaling inalala ang napanaginipan at ang babaeng iyon. Ilang minuto pa ay nakabalik na agad siya sa mahimbing na pag tulog.
Ilang saglit lang ay nakita nya ulit ang sarili sa lugar na iyon kung saan nandoon ang babae, nakaupo sa isang malaking putol na katawan ng puno na nasa lupa, malungkot na nakatingin sa kawalan.
Tumingin ulit siya sa paligid, may nakita na siyang isang maliit na tila kubo kubo sa di kalayuan. May mga puno sa paligid nito at napapalibutan ng malaking palayan. Tumingin pa siya sa kanyang likuran, at mula doon ay tanaw niya ang isang malaki na may dalawang palapag na bahay. Luma ang pagkakagawa ng istilo nito ngunit napakaganda. Pinalilibutan din ito ng mga puno at namumulaklak na mga halaman.
Ibinalik niya ang paningin sa babae na hindi pa rin natitinag sa pagkakaupo.
“Hinintay kita ng matagal, tiniis ko ang lungkot ng mag-isa. Sa mahabang panahon umasa ako na babalik ka dahil yan ang ipinangako mo. Ngayon ay nandito ka na, at masaya ako sa pagkikita nating muli. Ngunit bakit ganito ang ipinaparamdam mo sa akin?” may hinanakit na nilingon siya nito.
“Miss, hindi ako ang Alejandro na kakilala mo. Ibang tao ako, I’m Ashton, not Alejandro!” pag lilinaw niya sa babae kahit ba tila may awa siyang nararamdaman dito. Ano bang magagawa niya, magpanggap na si Alejandro? Kahit pa may dating sa kanya ang babaeng iyon ay hindi siya ang klase ng tao na magti-take advantage nalang.
Dahan dahan na lumapit ang babae sa kanya. “Irog ko, ikaw si Alejandro. Nakalimutan mo na ba mga magagandang ala-ala na pinagsaluhan natin? Halika, ipapaalala ko sa iyo!” kinuha nito ang kamay ni Ashton at tila iginigiya siya papunta sa kung saan. May tila kakaiba siyang naramdaman nang hawakan nito ang kanyang kamay.
Hindi naman na siya tumanggi at sumama na rin siya dito.
Nilakad nila ang talahiban at tinungo ang maliit na kubo na tanaw tanaw kanina. Parang pamilyar sa kanya ang lugar na iyon. Ilang saglit pa ay may umusbong na tila pagbabagong nararamdaman sa babaeng iyon habang palapit sila ng palapit sa kubo.
“Naaalala mo ba itong munting kubo na itinayo mo para sa atin?” tanong nito sa kanya. Dahan dahan nitong binuksan ang pintuan ng kubo at bumalandra sa kanya ang simpleng ayos ng maliit na bahay. May katre itong gawa sa kawayan at may iba pang sarisaring bagay ang nandoon. Iginiya pa siya nito papasok sa loob para makita niya ang kabuuan ng bahay. Tumuon ang kanyang paningin sa litrato na naka-ipit sa gawa sa nipa na dingding. Pinakatitigan niya iyon, nang mamangha sa nakita. Siya iyon kasama ang babaeng kaharap.
Nang biglang…..
Parang nahilo siya at umikot ang kanyang paligid. Sa isang iglap ay biglang nagbago ang kabuuan ng bahay na iyon. Lumiwanag at gumaan ang pakiramdam niya. Sa isang saglit ay naalala niya ang lahat ng nangyari sa kanila dito sa pagitan niya at ng babaeng iyon.
Tiningnan niya ang babaeng nasa harapan, at buong tamis ang ngiting ipinukol dito.
“Eleonor! Irog ko!” ang mga katagang iyon ang lumabas sa kanyang bibig kasabay ng pag-aasam na mahawakan at mayakap ulit ito.
Buong pananabik na nagyakap sila na may kislap ang mga mata at ngiti sa labi.
Kinuha niya ang mukha nito at buong pagmamahal na hinalikan sa labi.
“Oh Alejandro, maligayang maligaya ako at naaalala mo na ang lahat sa atin,” niyakap ulit siya ni Eleonor ng buong higpit.
“Ako man irog ko. Patawad at natagalan ako sa aking pagbabalik. Ngunit ngayon ay nandito na ako. Hinding hindi na kita iiwan pa,” sagot niya dito.
Iyon lang at narinig niya na ang paulit-ulit na pagtunog ng kanyang telepono. Binuksan niya ang mga mata at pupungas pungas na hinanap iyon. Nang makita niya na nasa sahig ito kasama ng kanyang hinubad na pantalon ay iniabot iyon at mabilis na hinanap ang off button. Doon niya lang nakita kung anong oras na. Ilang minuto nalang mag-aalas siyete y medya na. Kanina pa pala tumutunog ang alarm niya sa telepono, ngayon niya lang narinig. Tsaka niya lang naalala na may conference meeting sila kasama ang buong member ng board at 8 AM ngayong araw. Napabalikwas siya ng tayo at agad na pumasok sa loob ng banyo at nagshower.
Samantalang noong oras na rin na iyon, mula sa ibang lugar ay nagising din ang isang babae mula sa magkaparehas na panaginip. Nagtataka ito, ngayon nalang ito uli nakapanaginip tungkol sa babaeng iyon. Tagaktak ang pawis itong napabangon. Bakit kaya pagkatapos ng ilang taon ay ngayon nalang siya ulit dinalaw nito sa kanyang panaginip?