Labin limang minuto bago mag-alas sais nang hapon noong makarating siya sa Cavite. Magtatakipsilim na kaya sinindihan na niya ang headlights ng kanyang sasakyan.
Tanaw na niya ang mismong Bayan ng Crisologo, ang bayan kung saan mismo matatagpuan ang bahay. Pero bago pa siya makarating doon ay dadaanan niya muna ang may kahabaang lumang konkretong tulay. Puno ng mga talahib sa ibaba nito dahilan kung kaya hindi na maaninag ang rumaragasang tubig sa ilalim nito.
Habang tinatahak ang kahabaan ng tulay ay may napansin siyang isang babaeng nakasuot ng puting mahabang damit at nakatayo sa gilid nito, nakatalikod sa daan at tila may malalim na iniisip na nakatanaw sa ilog. Buong pagtataka niyang pinakatitigan ang babaeng iyon habang papalapit ang kanyang sasakyan dito.
‘Anong ginagawa ng babaeng ito sa tulay sa ganitong oras ng gabi?’ bulong niya sa sarili.
Ilang kilometro nalang ang lapit niya dito nang mapansin niya na tila nakasuot ang babae ng damit na tila pangkasal. Pinakatitigan niya pa ito nang biglang may bumusina sa kanya. Alisto siyang napatingin agad sa harapan at nakita niya ngang may papasalubong na isang sasakyan na mabilis na umiwas dahil halos sakupin na niya ang kabilang lane ng kalsada.
Ikinabig niya ang manibela pakanan, pabalik sa kanyang lane at mabilis na inihinto iyon. Tsaka lang bumilis ang t***k ng puso niya sa muntik nang mangyaring aksidenteng kinabibilangan niya. Nilingon niya ang babae sa gilid ng tulay na kinatatayuan nito ngunit wala na ito doon. Tuloy napaisip siya, tao ba ang nakita niya o ---? Ipinikit niya ang mga mata at iminulat ulit ang mga iyon. Baka naman namalik mata lang siya kanina. Baka sa puyat at kung ano ano na ang nakikita niya. Tsaka niya lang ulit napansin ang oras, lampas limang minuto na makalipas ang alas sais ng gabi. Pinaharurot niya agad ang sasakyan upang lisanin ang lugar na iyon at makarating agad sa pupuntahan. Inalis na niya sa isip ang nakitang babae kanina.
Pumasok ang sasakyan niya sa malaking kalawanging puting gate. Ang mga rehas nito ay nababalutan na ng mga maliliit na baging mula sa mga ligaw na halaman sa paligid. Pagkapasok doon ay dumaan ito sa lubak lubak na kalsada na pinalamutian sa magkabilang gilid ng halamang bugambilia na kahit madilim na ay aninag niya parin ang may ibat ibang kulay nitong mga bulaklak. Hindi mo akalain na ilang dekada na rin mula pa noong may umokupa sa lugar na iyon. Hitik ang mga halaman at ang mga puno na matatanaw mo sa paligid ay tila alaga pa rin. Dumiretso lang ang kanyang sasakyan hanggang matanaw na niya ang nag-iisang malaking lumang bahay. May anong sigla ang naramdaman niya nang makita ulit ito.
Mula pa sa malayo ay tanaw na niya ang matandang lalakeng kausap ang dalawa pang tao na tila titingin din sa bahay. Ito ang siyang nakausap niya rin kahapon, ang matagal nang tagapangalaga ng lumang bahay na iyon.
Ipinarada niya ang sasakyan sa likod lang ng isang sasakyan na hula niya ay pagmamay-ari ng dalawang taong kausap ng matanda. Pagkalabas ng sasakyan ay isang ngiti ang isinalubong niya sa mga ito na nginitian din siya pabalik.
“Magandang gabi po Mang Berting!” magiliw na bati niya sa di-katangkaran at medyo may pagkakuba na rin na matandang lalake.
“Magandang gabi rin po sir! Mabuti po at nakabalik rin po kayo,” mababanaag ang tuwa sa mukha nito. “Ang mag-asawa pong Gonzales, bumalik rin po dito para makita ulit ang bahay.”
Nginitian niya ang may edad na rin na mag-asawang iyon. Marahil gaya niya ay interesado din ang mga itong bilhin ang bahay. Hindi naman babalik ang mga ito kung hindi.
Nagpatiuna ang matandang caretaker sa paglalakad. Ini-on nito ang dalang flashlight at itinutok sa daraanan. Inakyat nila ang may anim na baitang na malawak na hagdan patungo sa harap na balkonahe bago pa marating ang mataas at may kayumangging kulay ng pintuan. Dinukot ni Mang Berting ang nag-iisang susi mula sa kanyang bulsa at ipinasok iyon sa kalawanging hawakan nito. Nakailang pihit ito bago tuluyang nabuksan iyon. Pagbukas, isang malakas na hangin ang sumalubong sa kanila.
Napapikit si Ashton nang mahagkan ng hangin ang kanyang mukha. Tila isang magiliw na pagbati iyon sa kanya sa muling pagtapak niya sa loob ng bahay. Napangiti siya. Iba naman ang reaksyon ng dalawang mag-asawang nasa unahan niya. Nagkatinginan pa ang mga ito at napahinto.
“Tuloy lang po kayo,” sabi ni Mang Berting nang mapansin huminto sa paglalakad ang mga ito.
Nang nagpatuloy ulit ang mga ito sa paglalakad kasunod si Alex na tila na stranded din sa kanilang likuran ay tsaka na nagsimula ang matanda sa pagbibigay ng impormasyon tungkol sa lumang bahay.
“Gaya po ng pagkakasabi ko noong nakaraan, ang bahay po na ito ay gawa pa noong taong 1928. May karupukan na po ang ibang haligi at dingding ng bahay kaya hindi po kami nagpapapasok ng maramihang tao dito sa loob. Datapuwa po ay nakakapanik panaog pa rin ako sa pangalawang palapag ng bahay,” paliwanag ni Mang Berting. “Ito po ay orihinal na pagmamay-ari ng mag-asawang Ruiz na ipinasa sa mga anak, at ang mga anak naman ay ipinasa ito sa mga apo. Taong 1981 nang tuluyang abandunahin ito at pinili ng may-ari na manirahan nalang sa Amerika,” anito. “Malaya po kayong libutin ang buong bahay, ngunit pagdating po sa pangalawang palapag ay kung maaari ay mag-iingat po kayo at paisa isa lang po ang pagpanik sa hagdan... Nandito lang po ako kung sakaling may karagdagan kayong katanungan,” isang tango at ngiti ang iniwan nito sa mga taong kausap habang sinimulan na ng mga itong magtingin tingin sa paligid.
Ang dalawang mag-asawa ay nagpaalam kay Mang Berting na kung pupwede ay tingnan ang pangalawang palapag. Palibhasa ay nalibot na ng mga ito ang kabuuan ng unang palapag kaya dumiretso na sila sa itaas at magkasunod na umakyat. Pumayag naman ang matanda.
Inilibot ulit ni Ashton ang paningin sa kabuuan ng pang unang palapag ng lumang bahay. Gaya ng dati manghang mangha siya kung gaano kaganda ang pagkaka-style at pagkaka detalye ng lahat ng dingding, haligi, maging ang malaki at mataas na kisame. May kakaibang design ang sa gilid ng malalaking bintana na gawa sa magandang klase ng materyal na capiz. Yumuko siya at masusing pinagmasdan ang luma ngunit may katibayan nang kahoy na sahig. Makapal ang pagkakatabas nito, ngunit halata na na may mga lamat na rin. Lumakad siya pakanan patungo sa bandang kusina na may bitak bitak na ang konkreto nitong sahig. May nakalagay pa doong mga lumang may basag na mga banga na gamit sa pag-iimbak ng tubig at sira sirang lumang upuan. Lahat, mukhang hindi nagalaw magmula nang abandunahin ito maraming taon na ang nakakalipas.
Ilang hakbang nalang ang pagitan niya mula sa pintuan patungo sa likod bahay nang may marinig siyang malakas na pagkalabog ng pinto. Banda iyon sa pangalawang palapag ng bahay. Nakiramdam siya at napatingin nalang sa direkson kung saan nakitang magkasunod na mabilis na lumabas ng lumang bahay ang dalawang mag-asawa. Humabol naman sa mga ito si Mang Berting na halatang naguguluhan kung anong dahilan ng pag-wo-walk out ng mga ito.
Sinundan niya ang mga ito ng tingin. Dumire-diretso ang mga ito sa kanilang sasakyan. Papasok na ang mga ito doon ng maabutan ng matandang caretaker ng bahay.
“Ano kayang nangyari?” bulong niya sa sarili. Pinagmasdan niya lang ang mga ito sandali, na pakiwari niya naman ay maayos naman na ang mga itong nag-uusap. Kibit-balikat niya nang tinalikuran ang mga ito at ipinagpatuloy ang pagtingin sa kabuuan pa ng bahay.
Sinimulan niyang humakbang sa hagdan paakyat sa pangalawang palapag ng bahay. Bumungad ang malaking tila pangalawang sala nito sa itaas, na sa kaliwang banda ay may apat na pinto na mga malalaking kwarto. Nakita niya na ang mga iyon at napasok ang tatlong kwarto kahapon. Ang huling kwarto na nasa bandang dulo ay ang hindi niya pa nakikita. Inilibot niya ulit ang paningin doon. Manghang mangha talaga siya sa ayos ng bahay noong unang panahon. Dati pa man ay patok na ang high ceiling at big windows. Ilang sandali pa ay dumiretso na siya sa huling kwarto na hindi niya napasok kahapon dahil sa pagmamadali na umuwi dahil sa pag tawag ng ama at pinapabalik nga siya sa opisina. Ngunit hindi pa man siya tuluyang nahahawakan ang door knob ng pinto nito ay sumulpot na agad sa likuran niya si Mang Berting at mabilis na pumasok doon na parang may hinahanap.
“Okay lang po ba kayo?” pagtatakang tanong niya dito.
“O-okay lang po s-sir!” medyo kunot ang noo at nauutal pang sagot ng matanda. “Sige po, pumasok na po kayo,” ito na mismo ang humawak ng pinto para sa kanya. Matyaga siya nitong hinitay doon..
Halos abot tenga ang pagkakangiti niya habang pinagmamasdan ang malaking kwartong iyon. Gaya rin ng ibang kwarto ay may malaking terasa din ito. Lumakad siya papunta doon at sinilip kung ano ang matatanaw mula doon. Madilim na ang paligid ngunit medyo tanaw niya parin ang buong lupaing sakop nito mula sa konting liwanag na nagmumula sa nagtatagong buwan sa likuran ng ulap.
"Mang Berting!?" tawag niya sa matanda na alam niyang nag aabang lang sa kanya sa pintuan.
Mabilis itong lumapit sa kanya. "Ano po iyon sir?"
"Ano po iyong maliit na bahay na iyon? May nakatira po ba doon?" itinuro niya ang isang tila kubo kubo na nakatayo malapit sa palayan na pinagigitnaan din ng dalawang malaking puno.
"Wala pong nakatira doon sir. Itong bahay lang pong ito ang nakatayo sa apat na ektaryang lupain na sakop nito. Pahingahan po iyan ng mga magsasaka dati."
Tumango tango lang siya at nagsimula nang lumakad pababa sa unang palapag ng bahay.
"So, kamusta po? Ilan po ang tumingin dito ngayong araw? May gusto na po bang bumili Ng bahay?" pag-uusisa niya kalaunan habang sabay nilang tinatahak ang pinto papalabas na bahay.
"Marami pong nagkaka-interes pero hindi po tumutuloy. Sa katunayan po ang mag-asawa kanina bumalik para kunin na ang bahay ngunit maging sila ay umayaw na din. Kahit sinabi ko na binabaan na ng may-ari ang presyo, tinanggihan pa rin nila," Malungkot ang pagkakasabi nito ng mga pangungusap na iyon.
Napatingin siya dito. Hindi nito nabanggit sa kanya na binabaan na ang presyo ng lumang bahay na iyon.
"Binabaan po ang presyo?" naisatinig niya ang katanungang nabuo sa isipan. Alam niyang mahal ang mga ganitong klase ng bahay, dagdag pa ang apat na ektaryang lupain nito, sa tingin niya ay sapat lang ang hinihingi ng may-ari. Ano kayang dahilan bakit ibinaba nito ang presyo ng bahay?
"Matagal na po ako dito. Kinatandaan ko na po ang pag-aalaga sa bahay na Ito. Hindi ko po maintindihan kung bakit sa tuwing may nagkakainteres na bilhin ito, bigla nalang po umaatras pagkatapos malibot ang buong bahay," malungkot nitong saad.
"Bakit daw po? May sinabi ba silang dahilan?" interesado niyang tanong.
Natahimik sandali ang matanda at napatingin sa kanya.
"May nakita daw po silang anino ng babae sa isang kwarto sa may dulo po. Iyon din ang sabi sa aking ng mag-asawa kanina bago sila umalis. Hindi ko naman po masabi na nagsisinungaling sila. Nakita ko kung gaano ang takot sa kanilang mga mukha. Ano naman ang mapapala nila kung gagawan nila ng kwento ang bahay. Pero sir sa tagal ko dito wala po akong nakikita o nararamdaman kahit ano sa bahay na iyan."
Gaya ng matanda ay napalingon din siya sa lumang bahay na iyon at sa bandang itaas na palapag nito. Hindi sa ayaw niya maniwala sa mga sinasabi ng mga ito pero ayon sa karanasan niya, sa pang-apat na beses na niyang pagbisita sa bahay na iyon ngayon, ni pagtaas ng balahibo sa katawan mula sa kung ano mang paranormal na ayon sa mga ito na nakikita ng mga ito, ay hindi man lang niya naranasan. Sa katunayan kabaligtaran ang nararamdaman niya sa lugar na ito. Magaan ang loob niya sa tuwing nakikita at nakakapasok sa loob ng bahay na ito. Para sa kanya positive ang ambiance na dulot sa kanya ng lumang bahay.
Marahil siguro kaya mabilis na inunahan siya ng matanda kanina na makapasok sa kwartong iyon. Baka chini-check nito kung magpapakita ang babae bago pa man siya makapasok doon. Natawa siya sa isipin. Hindi talaga siya naniniwala sa mga ganitong kwento. Gaya ng na experience niya kanina sa may tulay. Sigurado siya na namalik mata lang siya at wala lang iyon.
Natahimik siya sandali na parang may iniisip habang pinagmamasdan ang kabuuan ng bahay mula sa labas. "Magkano na pong ibinibenta ang bahay ngayon?” tanong niya na hindi inaalis ang paningin sa bahay.
Sinabi ng matanda ang bagsak presyong halaga ngayon nito.
Muli ay napatingin siya sa matanda. “Sigurado po ba kayo?” mula 40 Million kalahati ang ibinaba nito.
“Yan po ang sabi ng may-ari nang makausap ko kanina. Wala na po kasi silang balak umuwi ng Pilipinas. Sayang naman po ang bahay kung walang titira, tuluyan na po itong masisira. Malaki naman po ang lupain nito, marami pong magagawa at maitatanim. Pero sino naman po ang gustong bumili kung akalain nila na may multo sa bahay na iyan.”
“I will buy the house,” walang kakurap kurap niyang sabi dito. Buo na ang desisyon niya. Baka para sa kanya talaga ito.
Ikinabigla ng matanda ang narinig mula kay Ashton.