SIMULA
ANSHIE POV
Ang hirap pala ng ganito mag-isa. Halos ilang buwan hindi umuuwe ang Tatay Andy ko.
Pag-umuwi man siya ilang araw lang pipirmis ng bahay at aalis na naman.
Pag-umuwi naman siya halos hindi naman kami nagkakausap. Ang alam ko lang naman na trabaho ng Tatay ko ay isa siyang Personal Driver ng isang mayaman.
Ni hindi ko nga kilala ang pangalan ng amo niya e. Minsan nakikita ko lang ang kotse na ginagamit niya. Sobrang gara
Rolls Royce.
Hindi pa ako nakakasakay doon kasi ayaw ni Tatay baka magasgasan.
Sobrang mahal daw kasi iyon. Nasa 50 million pesos daw iyon kaya ingat na ingat siya.
Kulang pa ata ang buhay mo pambayad sa kotseng iyon.
23 anyos na ako at kaka-graduate ko lang ng kolehiyo. Nursing graduate ako. Hindi ko alam kung alam ni Tatay na graduate na ako.
Kasi nga halos hindi kami nagkikita at nagkakausap.
Noong araw ng graduation ko ay wala akong kasama. Kundi ako lang. Wala namang nakakaalam e.
Nagisnan ko na wala akong ina. Namatay ito ng pinanganak ako. Kaya laking hapis ng aking Tatay.
Hindi ako inalagaan ng aking Tatay. Pinagkatiwala niya ako sa isang kapitbahay namin. Iyon ang nag-alaga sa akin hanggang sa ako ay magkaisip.
May sarili din naman kaming bahay. Kaya noong kaya ko na alagaan ang sarili ko, ako na mag-isa.
Nag-iiwan lang ng pera ang Tatay ko panggatos ko sa araw-araw at pambayad sa bills at pambaon ko.
Ngayong graduate na ako, maghahanap muna ako ng trabaho. Ayoko na ring umasa sa Tatay ko.
Kahit hindi na muna sa ospital. Kailangan ko pa kasing mag-review para sa susunod na board exam.
Kaya habang wala pa ay maghanap muna ako ng trabaho.
Napadungaw ako sa bintana at nakita ko si Marie.
Si Marie ay anak ng nag-aalaga sa akin noon na si Aling Maria.
Magkakabata kami ni Marie. Halos kasing edad ko siya. Kaso bihira na lang din kami magkausap simula ng magtapos kami ng high school.
Dahil pinagtrabaho na siya ng Nanay niya. Na-stroke kasi ang nanay niya kaya kailangan magtrabaho ni Marie.
Alas dyes na ng gabi paalis pa lang siya papunta sa trabaho niya.
Bihis na bihis siya sexy siya sa damit niya. At kapal ng make-up niya. Sabi ng mga kapitbahay ay pokpok daw trabaho ni Marie.
Sinitsitan ko siya.
Pssst!
Napalingon siya sa gawi ko. Napangiti siya ng makita niya ako.
Kumaway siya.
Sumenyas ako sa kaniya na lumapit.
Tumango siya.
Bumaba naman ako ng bahay at pagkatapos ay binuksan ko ang pinto.
"Marie..."
"Anshie, naku ngayon lang tayo ulit nagkausap pasensiya ka na busy kasi ako tsaka alam kong busy ka rin sa pag-aaral mo. Ano kamusta na?" Sabay hawak sa dalawang kamay ko.
"Ito, okay lang. Siya nga pala tulungan mo naman ako. Baka pwede mo naman ako ipasok sa trabaho mo."
"Ha?! Naku, Anshie huwag dun, masasayang lang ang buhay mo doon!"
"Totoo ba na.....?" Hindi ko na tinapos ang sasabihin ko. Alam na agad ni Marie ang ibig kong sabihin.
"Anshie, escort ako doon. Pinaganda lang sa salitang "pokpok!" Napatawa ito. "Tsaka hindi basta basta ang mga kustomer doon mga mayayaman. Mga politiko pa. Artista. Mga CEO."
"High end club yun di ba? Kahit serbedora lang. Kailangan ko lang magka-experience."
Napailing si Marie. "Baka mapagkamalan ka pa doon."
"Baka hindi naman siguro kung serbedora lang naman ako." Pagtatanggol ko.
"Haiz! Tignan ko kung ano magagawa ko. Alam mo maganda ka pa naman. Matangkad." Parang naiinis na si Marie.
"Kahit mga six months lang. Sige na."
Mahigpit akong nakakapit sa kamay niya.
"Magtatanong ako sa manager doon. Sige, Anshie balitaan na lang kita. Nandyan na yong bi-nook kong sasakyan. Ba-bye!"
Humalik siya sa pisngi ko.
"Okay, ingat ka, Marie!"
Tumango lang siya at sumakay din siya agad.
Pumasok na rin ako sa loob ng bahay.
Hatinggabi na hindi pa rin ako makatulog.
Iniisip ko kung tama ba ang desisyon ko na doon magtrabaho.
Sabagay serbedora lang naman.
Bahala na wala naman siguro magkakagusto sa serbedora lang.
Nag-scroll pa ako sa social media ko.
Maya-maya ay nag-pop up ang isang message notification galing kay Marie.
Na-excite ako habang pinipindot ko na ang message niya.
Anshie, sakto naghahanap pa ng waitress si Manager para sa mga VIP customer. Ikaw yung nirecommend ko. Sabi ko kakilala ko lang. Tsaka dito hindi nagbibigay ng totoong pangalan. Code name lang. Sabi ko “Angel” ang pangalan mo.
Natawa ako sa message niya.
Sumagot naman ako kaagad.
Totoo, Marie? Naku salamat! So, kailan pwede mag-umpisa?
Nag-antay ako sa reply niya. Nakita kong nagtitipa pa siya ng sagot.
Pwede ka na mag-umpisa bukas. Kaso wala ako hindi kita masamahan. Pero ibibigay ko sayo ang address ng club. Alam naman na ni Manager sabihin mo lang na ikaw si “Angel”.
Lalo akong na-excite sa sinabi ni Marie.
Sige Marie salamat! Sagot ko.
Nagtipa ulit siya. Sabihin mo na ikaw iyong pinapunta ni “Mariposa.”
Nagtaka naman ako. Sinong “Mariposa”? Tanong ko.
Haha! Tawa ang reply niya. Tapos nagsend ulit ng message. Ako yan, Anshie. “Marie-posa!”
Natawa rin ako. Okay, haha! Code name mo pala iyan.
Sige, Anshie, may customer lang ako. Bye!
Nag thumbs up lang ako sa huli niyang message.
Nakatulog din ako agad after naming mag-usap.
Kinabukasan ay nakita ko na lang ulit ang message niya.
Address ng club at kung ano oras ako pupunta. Bumangon na ako sa higaan at nag-ligpit.
Buong araw ako naglinis ng bahay. At ng pagabi na ay nag-ayos na ako ng sarili.
Tinignan ko na ang orasan.
Medyo malayo-malayo din pala ang lokasyon ng club. BGC pa.
Simpleng maroon na blouse ang suot ko at naka-maong pants at doll shoes lang ako.
Tapos naglagay lang ako ng light make-up at ipinusod ko ang mahaba kong buhok.
Mag-alas syete na ng gabi kaya nag-book na rin ako ng sasakyan papunta roon.
Pero hindi mismo sa address na iyon. Sa kalapit lang. At lalakarin ko na lang siya.
Maya-maya nga ay dumating na din ang bi-nook ko.
Habang nakasakay ay medyo kabado din ako.
Kasi syempre first time ko palang magtrabaho at sa ganitong klaseng trabaho pa.
Pero ano naman ang masama. Waitress naman ako. Sa magandang club naman.
Bahala sila kung ano isipin nila.
Pagdating namin sa address na kung saan binigay ko sa driver ay bumaba din ako kaagad.
Ang totoong address ng club ay sa kabila pa. Kaya lalakarin ko.
Nasa stop light ako kasama ng ibang taong tatawid, habang nag-aantay na huminto ang mga sasakyan ay may matandang lalaki na tahimik na nakatayo roon.
Palinga-linga siya. Parang balisa.
May itsura ang matanda mukhang mayaman. Kasi nakasuot ito ng coat at tie. At mukhang mamahalin naman ang suot niya.
Pagkatapos ay bigla siyang humawak sa braso ko. Parang takot.
Nagulat ako.
“Okay lang po ba kayo, Sir? May problema po ba?”
Napatingin siya sa akin kunot ang noo parang may mga tanong sa mukha niya.
“Nasaan ako? Anong lugar ito?” Aniya. Nakakapit pa rin siya sa braso ko.
“A, e. Nasa BGC po tayo, Sir. May kasama po ba kayo?”
Lalo siyang naging balisa. “Kasama? Hindi ko alam. Hindi ko alam.”
“Sige po hawak po kayo sa akin tatawid po tayo.”
Lalo pa siyang kumapit sa braso ko.
Pagkatawid namin ay may nakita akong bench banda sa may papuntang park.
Kaya dinala ko siya roon at pinaupo.
“Maupo po muna kayo, Sir. Baka napagod po kayo.”
Umupo naman siya. Pagkatapos ay nagsalita siya.
“T-teka bakit ako nandito? Who are you?”
Napanganga ako. Natigilan. Napaisip ako. Hindi kaya may sakit sa pag-iisip ang matandang ito?
Tapos biglang inatake ng sakit niya? Sino kaya ang matandang ito?