Chapter 12: Isang Cassette Tape

1366 Words
TOK. TOK. TOK. Nagising ako sa biglaang katok sa pinto. Sa loob ng isang segundo, hindi ko alam kung nasaan ako. Madilim pa ang paligid. Nakalugmok ako sa kama, pawis na pawis, parang katatapos ko lang habulin ang isang bangungot. Ang dibdib ko’y bumibigat, ang ulo ko’y parang may dumadagundong na tunog. TOK. TOK. TOK. Napatingin ako sa pinto. Wala dapat akong bisita. Wala dapat taong nandito. Dahan-dahan akong bumangon, pinakiramdaman ang paligid. Lahat ng gamit sa kwarto—ayos pa rin. Ang kama. Ang aparador. Ang basag na salamin sa may dresser. Pero ang pakiramdam ko? Parang may isang bagay na nagbago. At hindi ko lang alam kung ano. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto. Nakatayo sa labas ang kapitbahay ko, si Manang Letty—matanda na siya, pero matalas pa rin ang mga mata. Nakaipit sa kanyang braso ang isang plastik ng pinamili. “Gabo?” usisa niya, habang napapakunot ang noo. Napalunok ako. “Manang?” Pinagmasdan niya ako mula ulo hanggang paa. Para bang may hinahanap siya sa mukha ko—isang sagot na hindi ko maibigay. “Akala namin hindi ka na babalik.” Napatingin ako sa kanya. May bahid ng kaba sa boses niya. Para bang hindi niya alam kung matutuwa siyang andito ako, o matatakot siyang bumalik ako. “Matagal ka ring nawala,” dagdag niya, mas mahina ang tono. “Akala ko… hindi mo na babalikan ang lugar na ‘to.” Hindi agad ako nakasagot. Ang isipan ko’y parang nababalot ng ulap, pilit inuungkat ang isang bagay na hindi ko mahawakan. “Uh, oo,” sagot ko na lang, tinatapik ang batok ko. “May inayos lang ako sa probinsya.” Tumango si Manang Letty, pero kita kong hindi siya kumbinsido. “Tulog ka pa yata. Ang aga-aga, namumutla ka,” aniya, habang napapailing. “Siguraduhin mong okay ka, hijo. Alam mo naman dito, madaling kumalat ang balita.” Bago ko pa maitanong kung anong ibig niyang sabihin, tumalikod na siya at bumalik sa unit niya. Sinara ko ang pinto. Huminga nang malalim. At pinilit kong alalahanin ang nangyari kagabi. Pero habang mas iniisip ko… Mas lalo akong nag-aalinlangan kung nangyari ba talaga ang mga iyon. Tahimik ang buong apartment habang pinagmamasdan ko ang paligid. Bawat hakbang ko ay may tunog, kahit carpeted ang sahig. Nilibot ko ang bawat sulok—ang kusina, ang sala, ang silid… pero walang bakas ni Pia. “Pia?” Mahina ang tawag ko, kahit alam kong walang sasagot. Bumalik ako sa bedroom namin. Napansin ko ang maliit na kahon sa ilalim ng kama. Dati ko na ‘tong nakita, pero hindi ko binigyang pansin noon. Ngayon lang. Dahan-dahan ko itong hinugot, tinanggal ang alikabok. Laman nito ay mga lumang sulat. Liham. Mga papel na may punit, may ilang may luha pa sa gilid. Lahat sulat-kamay ni Pia. “Bakit hindi ko ‘to napansin noon?” Binuklat ko ang ilan. May mga simpleng paalala: “Don’t forget to buy milk.” “Dinner with Gabo, 8PM.” Pero may isa na tumayo sa paningin ko. Mas maiksi. Mas personal. “Kung mawala man ako, sana hanapin mo ‘ko hindi dahil galit ka, kundi dahil gusto mong maintindihan.” Napaupo ako sa gilid ng kama. Yung sulat na ‘yon—parang hindi para sa akin. Parang para sa isang taong mas kilala si Pia. O baka naman… hindi ko lang talaga siya nakilala nang lubusan. Isang note ang mas matindi ang tama sa’kin. Papel lang, wala pang isang pangungusap. Ngunit parang sinuntok ako sa dibdib. “May kailangan kang tandaan.” Wala nang iba. Walang date. Walang pangalan. Walang man lang context. Pero may naramdaman akong kakaiba habang tinititigan ito. Para bang may pilit na bumabangong alaala, pero… bitin. “Anong kailangan kong tandaan, Pia?” Wala namang sagot. Walang senyas. Pero ang dibdib ko, kumakabog na na parang may nalilimutan akong napakahalaga. Tumayo ako, binuksan ang drawer ng side table. Doon ko naalala kung saan ko inilagay ang charger ng phone ko—pero may isa pang bagay na tumambad sa akin. Isang maliit na sobre na may laman. Walang pangalan, walang return address. “Kailan pa ‘to dumating?” tanong ko sa sarili, habang pinipisil ang gilid nito. “Hindi ko maalala.” Pinunit ko ang gilid. Laman: isang cassette tape. Napatingin ako sa paligid—”wala namang cassette player dito. O meron ba?” Napakamot ako sa ulo. “Ilang taon na ba mula nang huli akong gumamit ng ganito?” Pero ang utak ko… biglang may pumasok na imahe. Isang luma na cassette player… “nasa likod ng cabinet?” Pumunta ako sa kabilang kwarto—yung dating home office ni Pia. Nakalimutan ko na halos ang itsura nito. Pero habang binubuksan ko ang pinto, may naamoy akong pabango. Lumang-luma, pero pamilyar. “Parang si Pia.” Sinuyod ko ang shelves, ang ilalim ng mesa, at—”ayun.” Nakadikit pa sa likod ng bookshelf, balot sa tela, parang tinago nang sadya. Isang portable cassette player. “Pia… anong meron dito?” bulong ko habang pinupunasan ang alikabok sa ibabaw. Binalik ko sa kamay ko ang tape. Pinagmasdan ko ulit ito. Hindi ko na alam kung anong mas nakakakilabot—ang posibilidad na may sagot sa loob nito, o ang posibilidad na hindi ko kakayaning marinig ito. Tumingin ako sa paligid ng apartment. Tahimik. Maliwanag. Walang mali. Pero ako mismo… naguguluhan. At itong tape na ‘to? Parang may binubuksang pinto sa isang lugar na matagal ko nang kinandado. Napakabigat ng player sa palad ko, parang may kasamang alaala na hindi ko pa kayang harapin. Pinindot ko ang play. Sumabog ang static. Tapos isang pamilyar na paghinga. “Gabo…” mahina, halos pabulong. “Kung pinapakinggan mo ‘to… ibig sabihin wala na ako.” Tumigil ang mundo ko. “Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ‘to noon, kaya ini-record ko na lang. Para kahit kailan mo siya mapakinggan, totoo pa rin.” Lumunok ako, nilunok ang bigat. “Pia…” “May mga bagay tayong hindi na kayang ayusin… at may mga bagay na hindi talaga natin kayang patawarin.” “Pero Gabo…” Umangat ang tono niya, parang naluluha. “Patawad. Hindi ko intensyong saktan ka. Pero kailangan kong gawin ‘yon.” Nanginginig ang kamay ko habang bumibilis ang t***k ng puso ko. “Bago ako umalis, may isang bagay kang kailangang malaman. Hindi lang ito tungkol sa atin.” May sandaling katahimikan sa tape. “May mga taong ayaw tayong magsabi ng totoo.” Tumigil ang paghinga ko. “Ano raw?” “Gabo, kung may mangyari sa’kin, wag kang lalayo sa katotohanan. Kahit masakit. Kahit ‘di mo ako maintindihan.” Click. Tumigil ang boses. Pero hindi pa tapos ang tape. Whrrr… tiktiktik… Isang bagong boses ang sumingit. Hindi ko kilala. Lalaki. Mababa ang boses. Malamig. Walang emosyon. “Alam mo na ba ang ginawa mo, Gabo?” “Put—” Napatigil ako, pinindot ko ang pause. “Sino ‘yun? “Sino ang nagsalita?” Tumingin ako sa paligid, hawak pa rin ang player. Ang apartment ay parang lumamig bigla. “Hindi ko ginawa ‘to… ako ba ‘to? Bakit parang may tinutukoy siyang kasalanan? Pinindot ko ulit ang play. Pero static na lang ang natira. Wala na ang boses ni Pia. Wala na rin ang misteryosong lalaki. Nilapag ko ang player sa lamesa at napaupo. Bumalik ang memorya ng gabing nag-away kami. Pero hindi ko maalala ang huli kong sinabi. Ni ang huling sinabi niya. May kulang. Tumayo ako. Tumigil ang oras sa katahimikan. Tumingin ako sa salamin—pero parang hindi ko sarili ang nakikita ko. “Alam mo na ba ang ginawa mo?” Pumasok sa isip ko ang mga bagay na hindi ko maalala. May mga larawan sa isipan ko na para bang hindi akin. Mga eksena ng isang gabi. Sigawan. Luha. Isang basag na salamin. Biglang kumislap ang phone ko. Isang mensahe. UNKNOWN: “Handa ka na bang tanggapin kung sino ka talaga?” Tumigil ang paghinga ko. At sa gilid ng mata ko… parang may aninong dumaan sa hallway. Muli kong tinignan ang salamin. Wala akong nakitang repleksyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD